Ingatan ang Iyong Pangalan
ANG isang taong nagdidisenyo ng magagandang gusali ay gumagawa ng isang pangalan para sa kaniyang sarili bilang isang dalubhasang arkitekto. Ang isang dalagang nangunguna sa pagkakaroon ng matataas na marka sa paaralan ay nakikilala bilang isang matalinong estudyante. Maging ang isang taong walang ginagawa ay maaaring gumawa ng pangalan para sa kaniyang sarili bilang isang batugan. Upang idiin ang kahalagahan ng paggawa ng isang kaayaayang pangalan, ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang mabuting pangalan ay mas kanais-nais kaysa malaking kayamanan, ang mabuting reputasyon kaysa pilak at ginto.”—Kawikaan 22:1, An American Translation.
Ang mabuting pangalan ay nalilinang sa pamamagitan ng maraming maliliit na gawa sa loob ng isang yugto ng panahon. Gayunman, isang walang-ingat na pagkilos lamang ang kailangan upang sirain ito. Halimbawa, maaaring dungisan ng isang insidente ng maling paggawi sa sekso ang isang mabuting reputasyon. Sa ika-6 na kabanata ng aklat ng Bibliya na Kawikaan, si Haring Solomon ng sinaunang Israel ay nagbibigay ng babala laban sa mga saloobin at mga pagkilos na makasisira sa ating reputasyon at makasisira rin sa ating kaugnayan sa Diyos na Jehova. Kabilang dito ang hindi pinag-iisipang mga pangako, katamaran, pandaraya, at seksuwal na imoralidad—mga bagay mismo na kinapopootan ni Jehova. Ang pakikinig sa payong ito ay tutulong sa atin na ingatan ang ating mabuting pangalan.
Iligtas Mo ang Iyong Sarili Mula sa Walang Ingat na mga Pangako
Ang ika-6 na kabanata ng Kawikaan ay nagsisimula sa pananalitang: “Anak ko, kung ikaw ay nanagot para sa iyong kapuwa, kung nakipagkamay ka maging sa taong di-kilala, kung ikaw ay nasilo ng mga pananalita ng iyong bibig, kung ikaw ay nahuli ng mga pananalita ng iyong bibig, kung gayon ay ganito ang gawin mo, anak ko, at iligtas mo ang iyong sarili, sapagkat nalagay ka sa palad ng iyong kapuwa: Yumaon ka at magpakumbaba ka at paulanan mo ng mga pagsusumamo ang iyong kapuwa.”—Kawikaan 6:1-3.
Ang kawikaang ito ay nagpapayo laban sa pakikisangkot sa mga negosyo ng iba, lalo na sa mga di-kilala. Oo, dapat ‘alalayan [ng mga Israelita] ang kanilang kapatid na naging dukha at nagdarahop.’ (Levitico 25:35-38) Subalit ang ilang malakas ang loob na mga Israelita ay nasangkot sa mga negosyong sapalarán at nakakuha ng pinansiyal na tulong sa pamamagitan ng pagkumbinsi sa iba na ‘managot’ para sa kanila, sa gayo’y pinapanagot ang mga ito sa pagkakautang. Maaari ring bumangon ang katulad na mga kalagayan sa ngayon. Halimbawa, ang pinansiyal na mga institusyon ay maaaring humiling ng isang kalagda bago aprobahan ang isang utang na itinuturing nilang mapanganib. Hindi nga katalinuhan na gumawa ng gayong padalus-dalos na pangako alang-alang sa iba! Aba, maaari tayong masilo nito sa pinansiyal na paraan, anupat magkakaroon pa tayo ng masamang pangalan sa mga bangko at sa iba pang mga nagpapautang!
Ano kung masumpungan natin ang ating sarili sa kalagayan kung saan nakagawa tayo ng tila matalinong pagkilos sa simula subalit nang suriin natin ay lumilitaw na hindi pala matalino? Ang payo ay isaisang-tabi ang amor propyo at “paulanan mo ng mga pagsusumamo ang iyong kapuwa”—sa pamamagitan ng walang-lubay na mga pagsamo. Dapat nating gawin ang lahat ng ating magagawa upang ituwid ang mga bagay-bagay. Ganito ang sinasabi ng isang akdang reperensiya: “Subukin mo ang lahat ng posibleng paraan hanggang sumang-ayon ka sa iyong kaaway at maayos ang bagay na iyon, upang ang iyong perang panagot ay hindi maging laban sa iyo at sa iyong pamilya.” At ito’y hindi dapat ipagpaliban, sapagkat sinabi pa ng hari: “Huwag mong bigyan ng tulog ang iyong mga mata, ni ng idlip ang iyong nagniningning na mga mata. Iligtas mong tulad ng isang gasela ang iyong sarili mula sa kamay at tulad ng isang ibon mula sa kamay ng manghuhuli ng ibon.” (Kawikaan 6:4, 5) Mas mabuting kumalas sa isang hindi matalinong pangako kung maaari kaysa sa masilo rito.
Maging Masipag Kagaya ng Langgam
“Pumaroon ka sa langgam, ikaw na tamad; tingnan mo ang mga lakad nito at magpakarunong ka,” ang payo ni Solomon. Anong karunungan ang ating matatamo mula sa mga paraan ng isang munting langgam? Ganito ang sagot ng hari: “Bagaman wala itong kumandante, opisyal o tagapamahala, naghahanda ito ng kaniyang pagkain maging sa tag-init, nagtitipon ito ng kaniyang laang pagkain maging sa pag-aani.”—Kawikaan 6:6-8.
Ang mga langgam ay kahanga-hangang organisado at lubhang nagtutulungan sa isa’t isa. Likas lamang, nagtitipon sila ng suplay ng pagkain para sa hinaharap. Sila’y “walang kumandante, opisyal o tagapamahala.” Totoo, naroon ang reynang langgam, subalit reyna lamang siya sa diwa na siya’y nangingitlog at siyang ina ng katakut-takot na mga langgam. Hindi siya nag-uutos. Kahit na walang kapatas upang gumanyak sa kanila o superbisor upang tumingin sa kanila, ang mga langgam ay walang-pagod na nagpapatuloy sa kanilang trabaho.
Tulad ng langgam, hindi ba dapat din tayong maging masipag? Ang pagpapagal at pagsisikap na pagbutihin ang ating gawain ay mabuti para sa atin, tayo man ay sinusubaybayan o hindi. Oo, sa paaralan, sa ating dako ng trabaho, at samantalang nakikibahagi sa espirituwal na mga gawain, dapat nating gawin ang ating pinakamabuti. Kung paanong ang langgam ay nakikinabang sa kasipagan nito, nais din ng Diyos na ating ‘matamasa ang kabutihan dahil sa lahat ng ating pagpapagal.’ (Eclesiastes 3:13, 22; 5:18) Ang isang malinis na budhi at personal na kasiyahan ay mga gantimpala ng pagpapagal.—Eclesiastes 5:12.
Sa paggamit ng dalawang retorikong katanungan, sinisikap ni Solomon na gisingin ang isang tamad mula sa kaniyang katamaran: “Ikaw na tamad, hanggang kailan ka mananatiling nakahiga? Kailan ka babangon mula sa iyong pagkakatulog?” Ginagaya ang tamad sa pananalita, ganito pa ang sabi ng hari: “Kaunti pang tulog, kaunti pang idlip, kaunti pang paghahalukipkip ng mga kamay sa pagkakahiga, at ang iyong karalitaan ay tiyak na darating na tulad ng isang mandarambong, at ang iyong kakapusan na tulad ng lalaking nasasandatahan.” (Kawikaan 6:9-11) Habang nakahiga ang isa na tamad, ang karalitaan ay dumarating sa kaniya na kasimbilis ng isang tulisan, at ang kakapusan ay sumasalakay sa kaniya na parang isang lalaking nasasandatahan. Ang bukirin ng isang tamad ay agad na napupuno ng mga panirang-damo at kulitis. (Kawikaan 24:30, 31) Ang kaniyang negosyo ay nalulugi sa sandaling panahon. Gaano katagal pahihintulutan ng isang amo ang isang tamad? At maaasahan ba ng isang estudyanteng napakatamad mag-aral na bubuti ang kaniyang grado sa paaralan?
Maging Tapat
Sa pagbalangkas sa isa pang uri ng paggawi na sumisira sa reputasyon ng isang tao sa komunidad at sa kaniyang kaugnayan sa Diyos, si Solomon ay nagpapatuloy: “Ang taong walang-kabuluhan, ang taong mapanakit, ay lumalakad na may kalikuan ng pananalita, ikinikindat ang kaniyang mata, isinesenyas ang kaniyang paa, ipinantuturo ang kaniyang mga daliri. Ang katiwalian ay nasa kaniyang puso. Kumakatha siya ng masama sa lahat ng pagkakataon. Mga pagtatalo lamang ang lagi niyang inihahasik.”—Kawikaan 6:12-14.
Ito ang paglalarawan sa isa na mandaraya. Karaniwang ikinukubli ng isang sinungaling ang kaniyang kasinungalingan. Paano? Hindi lamang sa pamamagitan ng “may kalikuan na pananalita” kundi sa pamamagitan din ng kilos ng katawan. Ganito ang sabi ng isang iskolar: “Ang pagkumpas, tono ng boses, at maging ang ekspresyon ng mukha ay isinaplanong mga pamamaraan ng pandaraya; sa likod ng kataimtimang ipinakikita ay nag-aabang ang tiwaling kaisipan at espiritu ng pagkakasalungatan.” Ang gayong walang-kabuluhang tao ay gumagawa ng masasamang pakana at laging pinagmumulan ng mga pagtatalo. Ano ang mangyayari sa kaniya?
“Kaya naman biglaang darating ang kaniyang kasakunaan,” ang sagot ng hari ng Israel. “Sa isang iglap ay mawawasak siya, at wala nang kagalingan.” (Kawikaan 6:15) Kapag siya’y nalantad, agad na nasisira ang reputasyon ng sinungaling. Sino pa ang muling magtitiwala sa kaniya? Ang kaniyang wakas ay tunay na kapaha-pahamak, sapagkat ang “lahat ng sinungaling” ay kabilang sa mga nakatala na daranas ng walang-hanggang kamatayan. (Apocalipsis 21:8) Kaya nga, tayo ay “gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.”—Hebreo 13:18.
Kapootan ang Kinapopootan ni Jehova
Ang pagkapoot sa masama—tunay na isang hadlang sa pagsasagawa ng mga bagay na nakasisira sa ating reputasyon! Kaya hindi ba dapat na linangin natin ang pagkamuhi sa kung ano ang masama? Subalit ano nga ba ang dapat nating kapootan? Ganito ang sabi ni Solomon: “May anim na bagay na kinapopootan ni Jehova; oo, pitong bagay ang karima-rimarim sa kaniyang kaluluwa: matayog na mga mata, bulaang dila, at mga kamay na nagbububo ng dugong walang-sala, pusong kumakatha ng mga nakasasakit na pakana, mga paang nagmamadali sa pagtakbo sa kasamaan, bulaang saksi na nagbubunsod ng kasinungalingan, at sinumang naghahasik ng mga pagtatalo sa gitna ng magkakapatid.”—Kawikaan 6:16-19.
Ang pitong kategorya na binabanggit ng kawikaan ay saligan at saklaw ang halos lahat ng uri ng kamalian. Ang “matayog na mga mata” at “pusong kumakatha ng mga nakasasakit na pakana” ay mga kasalanang ginagawa sa isipan. Ang “bulaang dila” at “bulaang saksi na nagbubunsod ng mga kasinungalingan” ay makasalanang mga salita. Ang “mga kamay na nagbububo ng dugong walang-sala” at “mga paang nagmamadali sa pagtakbo sa kasamaan” ay balakyot na mga gawa. At lalo nang kinapopootan ni Jehova ang uri ng indibiduwal na natutuwang maghasik ng alitan sa gitna ng mga taong dapat sana’y mapayapang naninirahan nang magkakasama. Ang pagdami ng bilang mula sa anim tungo sa pito ay nagpapahiwatig na ang talaan ay hindi nilayong maging kumpleto, yamang patuloy na dinaragdagan ng mga tao ang kanilang masasamang gawa.
Tunay, kailangan nating linangin ang pagkamuhi sa kung ano ang kinapopootan ng Diyos. Halimbawa, dapat nating iwasan ang “matayog na mga mata” o anumang iba pang pagpapakita ng pagmamapuri. At ang nakapipinsalang tsismis ay tiyak na dapat iwasan, sapagkat madali itong pagmulan ng “pagtatalo sa gitna ng magkakapatid.” Sa pamamagitan ng pagkakalat ng walang-kabaitang sabi-sabi, di-makatuwirang pagpuna, o mga kasinungalingan, maaaring hindi tayo “nagbububo ng dugong walang-sala,” subalit tiyak na nasisira natin ang mabuting reputasyon ng isang tao.
‘Huwag Mong Nasain ang Kaniyang Kariktan’
Sinisimulan ni Solomon ang susunod na bahagi ng kaniyang payo sa pamamagitan ng pagsasabing: “O anak ko, tuparin mo ang utos ng iyong ama, at huwag mong iwan ang kautusan ng iyong ina. Itali mo ang mga iyon sa iyong puso sa tuwina; ibigkis mo ang mga iyon sa iyong leeg.” Ang dahilan? “Kapag lumalakad ka ay papatnubayan ka nito; kapag humihiga ka ay babantayan ka nito; at kapag nagising ka na ay aalagaan ka nito.”—Kawikaan 6:20-22.
Talaga bang maiingatan tayo ng maka-Kasulatang pagpapalaki mula sa mga silo ng seksuwal na imoralidad? Oo, maiingatan tayo nito. Tinitiyak sa atin: “Ang utos ay isang lampara, at ang kautusan ay liwanag, at ang mga saway ng disiplina ang siyang daan ng buhay, upang bantayan ka laban sa masamang babae, laban sa dulas ng dila ng di-kilalang babae.” (Kawikaan 6:23, 24) Ang pag-alaala sa payo ng Salita ng Diyos at ang paggamit dito bilang ‘isang lampara sa ating paa at liwanag sa ating landas’ ay tutulong sa atin upang tanggihan ang mapang-akit na mga paanyaya ng isang masamang babae, o ng isang masamang lalaki.—Awit 119:105.
“Huwag mong nasain sa iyong puso ang kaniyang kariktan,” ang payo ng matalinong hari, “at huwag ka niya nawang makuha ng kaniyang makikinang na mata.” Bakit? “Sapagkat dahil sa isang babaing patutot ay walang natitira sa isa kundi isang bilog na tinapay; ngunit kung tungkol sa asawa ng ibang lalaki, siya ay nanghuhuli ng isa ngang mahalagang kaluluwa.”—Kawikaan 6:25, 26.
Tinutukoy ba ni Solomon ang isang babaing nangangalunya bilang isang patutot? Marahil. O maaaring ipinakikita niya ang pagkakaiba sa pagitan ng mga bunga ng pagsasagawa ng imoralidad sa isang patutot at ng bunga niyaong pangangalunya sa asawa ng ibang lalaki. Ang isa na nagkakaroon ng matalik na kaugnayan sa isang patutot ay mauuwi sa “isang bilog na tinapay”—sa labis na karalitaan. Maaari pa nga siyang magkaroon ng masakit at sumasalantang karamdaman na naililipat sa pamamagitan ng pagtatalik, kasama na ang nakamamatay na AIDS. Sa kabilang dako naman, ang isa na naghahangad ng malapit na kaugnayan sa asawa ng iba ay higit na dagliang nanganganib sa ilalim ng Kautusan. Isinasapanganib ng isang babaing nangangalunya ang “mahalagang kaluluwa” ng kaniyang labag-sa-batas na kasama. “Higit pa sa pagpapaikli ng buhay sa pamamagitan ng pagpawi . . . ang nilalayon,” sabi ng isang akdang reperensiya. “Ang maysala ay karapat-dapat sa parusang kamatayan.” (Levitico 20:10; Deuteronomio 22:22) Sa anumang kalagayan, anuman ang kaniyang pisikal na kagandahan, ang gayong babae ay hindi dapat nasain.
‘Huwag Kang Magtutumpok ng Apoy sa Iyong Dibdib’
Upang idiin pa ang panganib ng pangangalunya, si Solomon ay nagtanong: “Makapagtutumpok ba ang isang tao ng apoy sa kaniyang dibdib at hindi masusunog ang kaniya mismong mga kasuutan? O makalalakad ba ang isang tao sa ibabaw ng mga baga at hindi mapapaso ang kaniyang mga paa?” Sa pagpapaliwanag sa kahulugan ng ilustrasyon, sinabi niya: “Gayundin sa sinumang sumisiping sa asawa ng kaniyang kapuwa, walang sinumang humihipo sa kaniya ang mananatiling walang parusa.” (Kawikaan 6:27-29) Ang gayong makasalanan ay tiyak na parurusahan.
“Hindi hinahamak ng mga tao ang magnanakaw dahil lamang sa nagnakaw siya upang busugin ang kaniyang kaluluwa kapag siya ay nagugutom,” ang paalaala sa atin. Gayunman, “kapag nasumpungan, magsasauli siya ng pitong ulit ang dami; ang lahat ng pag-aari sa kaniyang bahay ay ibibigay niya.” (Kawikaan 6:30, 31) Sa sinaunang Israel, ang isang magnanakaw ay hinihilingang magbayad kahit na makuha ang lahat ng tinataglay niya.a Gaano pa ngang higit na karapat-dapat sa parusa sa isang mangangalunya, na walang maidadahilan sa kaniyang ginawa!
“Ang sinumang nangangalunya sa isang babae ay kapos ang puso,” sabi ni Solomon. Ang isang taong kapos ang puso ay walang mabuting kahatulan, yamang siya ay “nagpapahamak ng kaniyang kaluluwa.” (Kawikaan 6:32) Sa labas, maaari siyang magtinging isang kagalang-galang na tao, subalit ang taong panloob ay lubhang hindi lumalaki nang tama.
Higit pa ang nasasangkot sa bunga na inaani ng isang mangangalunya. “Isang salot at kasiraang-puri ang masusumpungan niya, at ang kaniyang kadustaan ay hindi mapapawi. Sapagkat ang pagngangalit ng matipunong lalaki ay paninibugho, at hindi siya mahahabag sa araw ng paghihiganti. Hindi niya pakukundanganan ang anumang uri ng pantubos, ni magpapakita man siya ng pagsang-ayon, gaano man kalaki ang iyong regalo.”—Kawikaan 6:33-35.
Maaaring magbayad ang isang magnanakaw sa kaniyang ninakaw, subalit ang isang mangangalunya ay hindi makababayad. Ano ang maibabayad niya sa isang galit na asawang lalaki? Maging ang matinding pagsusumamo ay hindi sapat upang makamit ng nagkasala ang kahabagan. Sa anumang paraan ay hindi mababayaran ng mangangalunya ang kaniyang kasalanan. Ang kadustaan at kasiraang-puri sa kaniya mismong pangalan ay nananatili. Isa pa, sa anumang paraan ay hindi niya matutubos ang kaniyang sarili o mabibili ang kalayaan mula sa parusang karapat-dapat sa kaniya.
Anong laking katalinuhan nga na umiwas sa pangangalunya gayundin sa iba pang paggawi at mga saloobin na sumisira sa ating mabuting pangalan at maaaring magdulot ng kadustaan sa Diyos! Kung gayon, maging maingat nawa tayo na huwag gumawa ng walang-ingat na mga pangako. Hayaang palamutian ng kasipagan at katapatan ang ating reputasyon. At habang sinisikap nating kapootan ang kinapopootan ni Jehova, gumawa nawa tayo ng isang mabuting pangalan sa kaniya at sa ating kapuwa-tao.
[Talababa]
a Ayon sa Kautusang Mosaiko, ang isang magnanakaw ay hinihilingang magbayad nang doble, apat na ulit, o limang ulit. (Exodo 22:1-4) Ang katagang “pitong ulit” ay malamang na nagpapahiwatig ng isang ganap na sukat ng parusa, na maaaring mas maraming ulit na malaki kaysa sa ninakaw niya.
[Larawan sa pahina 25]
Maging maingat hinggil sa pagiging kalagda sa isang utang
[Larawan sa pahina 26]
Maging masipag kagaya ng langgam
[Larawan sa pahina 27]
Mag-ingat laban sa nakapipinsalang tsismis