KABANATA 13
“Iniibig Ko ang Ama”
1, 2. Ano ang matututuhan natin sa sinabi ni apostol Juan tungkol sa huling gabing nakasama ng mga apostol si Jesus?
ISINAWSAW ng isang may-edad nang lalaki ang panulat niya sa tinta. Punong-punô ng mga alaala ang isip niya. Siya si Juan, ang huling natitirang buháy na apostol ni Jesu-Kristo. Mga 100 taóng gulang na siya noon. Iniisip niya ang isang di-malilimutang gabi mga 70 taon na ang nakalipas, ang huling gabi na nakasama niya at ng iba pang apostol si Jesus bago ito mamatay. Ginabayan si Juan ng banal na espiritu ng Diyos na detalyadong isulat ang mga nangyari noon.
2 Maliwanag na sinabi ni Jesus noong gabing iyon na malapit na siyang patayin. Si Juan lang ang nagsabi ng dahilan kung bakit sinabi ni Jesus na handa siyang maranasan ang napakasakit na kamatayang iyon: “Para malaman ng mundo na iniibig ko ang Ama, ginagawa ko ang mismong iniutos sa akin ng Ama.”—Juan 14:31.
3. Paano ipinakita ni Jesus na iniibig niya ang kaniyang Ama?
3 “Iniibig ko ang Ama.” Sa Juan 14:31 lang natin mababasa ang mga salitang iyan. Pero kitang-kita natin na napakahalaga kay Jesus ng pag-ibig niya sa Ama kahit hindi niya iyan sinabi nang maraming beses. Araw-araw na ipinakita ni Jesus sa buhay niya na mahal niya si Jehova. Ang pagpapakita niya ng lakas ng loob, pagiging masunurin, at pagtitiis ang nagpapatunay na talagang iniibig niya ang Diyos. Ang buong ministeryo niya ay dahil sa pag-ibig na ito.
4, 5. Anong uri ng pag-ibig ang idinidiin sa Bibliya, at ano ang masasabi natin tungkol sa pag-ibig ni Jesus kay Jehova?
4 Kapag naririnig ng mga tao ngayon ang pag-ibig, naiisip nila ang di-nagtatagal na romantikong pag-ibig ng lalaki at babae. Madalas makita ang ganitong pag-ibig sa mga tula at kanta. May binabanggit din ang Bibliya tungkol sa romantikong pag-ibig, pero mas marangal ito kumpara sa iniisip ng mga tao ngayon. (Kawikaan 5:15-21) Pero may isa pang uri ng pag-ibig na binabanggit sa Bibliya. Ang pag-ibig na ito ay hindi lang basta bugso ng damdamin o pilosopiya lang na walang emosyon. Kasama sa pag-ibig na ito ang nararamdaman at naiisip natin. Nagmumula ito sa panloob na pagkatao ng isa, nakabase sa matataas na simulain, at ipinapakita ito sa mabubuting gawa. Ibig sabihin, nagtatagal ang pag-ibig na ito at hindi mababaw. Sinasabi sa Salita ng Diyos na “ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.”—1 Corinto 13:8.
5 Walang makakapantay sa pag-ibig ni Jesus kay Jehova. Si Jesus din ang pinakamagandang halimbawa sa pagsunod sa pinakamahalagang utos ng Diyos: “Dapat mong ibigin si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo at nang buong lakas mo.” (Marcos 12:30) Paano nagkaroon si Jesus ng ganiyang uri ng pag-ibig? Paano niya napanatiling malalim ang pag-ibig niya sa Diyos? At paano natin siya matutularan?
Ang Pinakamatagal at Pinakamatibay na Ugnayan ng Pag-ibig
6, 7. Paano natin nalaman na ang Anak ng Diyos ang tinutukoy sa Kawikaan 8:22-31, at hindi lang ang karunungan?
6 Nasubukan mo na bang makatrabaho sa isang proyekto ang isang kaibigan at dahil dito, naging mas malapít kayo sa isa’t isa? Makakatulong sa iyo ang magandang karanasang iyan para maintindihan ang pag-ibig sa pagitan ni Jehova at ng kaisa-isa niyang Anak. Madalas nating banggitin ang Kawikaan 8:30, pero pag-aralan din natin ang konteksto nito. Sa talata 22 hanggang 31, mababasa natin ang paglalarawan sa karunungan na para bang isa itong persona. Pero paano natin nalaman na ang Anak ng Diyos ang tinutukoy rito?
7 Sa talata 22, sinasabi ng karunungan: “Si Jehova ang gumawa sa akin bilang pasimula ng paglikha niya, ang pinakauna sa lahat ng nagawa niya noong sinaunang panahon.” Siguradong hindi lang karunungan ang tinutukoy dito, dahil hindi naman ‘ginawa’ ang katangiang ito. Walang pasimula ang karunungan, kasi walang pasimula si Jehova at siya ang karunungan. (Awit 90:2) Pero ang Anak ng Diyos “ang panganay sa lahat ng nilalang.” Siya ay ginawa, o nilalang, at siya ang una sa lahat ng ginawa ni Jehova. (Colosas 1:15) Umiiral na ang Anak bago pa umiral ang lupa at langit, gaya ng binanggit sa Kawikaan. At dahil siya ang Salita, ang mismong Tagapagsalita ng Diyos, siya ang perpektong kapahayagan ng karunungan ni Jehova.—Juan 1:1.
8. Ano ang ginagawa ng Anak bago siya maging tao, at ano ang puwede nating isipin kapag nakakakita tayo ng mga nilalang?
8 Ano ang ginagawa ng Anak sa loob ng mahabang panahon bago siya maging tao? Sinasabi sa talata 30 na kasama siya ng Diyos bilang “isang dalubhasang manggagawa.” Ano ang ibig sabihin nito? Sinasabi sa Colosas 1:16: “Sa pamamagitan niya, nilalang ang lahat ng iba pang bagay sa langit at sa lupa . . . Ang lahat ng iba pang bagay ay nilalang sa pamamagitan niya at para sa kaniya.” Si Jehova ang Maylalang, pero ginamit niya ang kaniyang Anak, ang Dalubhasang Manggagawa, para lalangin ang lahat ng iba pang nilalang. Kasama na diyan ang mga anghel, mga bituin sa langit, ang lupa at ang iba’t ibang halaman at hayop na nandito, pati na ang mga tao. Maikukumpara natin ang pagtutulungan ng Ama at ng Anak sa isang arkitekto na gumagawang kasama ng tagapagtayo. Itinatayo nito ang disenyo ng arkitekto. Kapag humahanga tayo sa anumang nilalang, napapapurihan natin ang Dakilang Arkitekto. (Awit 19:1) Pero isipin din natin ang Anak, ang “dalubhasang manggagawa,” na masayang gumawa kasama ng Maylalang sa napakahabang panahon.
9, 10. (a) Paano naging matibay ang ugnayan ni Jehova at ng kaniyang Anak? (b) Paano mo mapapatibay ang kaugnayan mo sa iyong Ama sa langit?
9 May mga pagkakataong hindi nagkakasundo sa trabaho ang dalawang di-perpektong tao. Pero hindi nangyari iyan kay Jehova at sa kaniyang Anak! Napakahabang panahon nang gumagawang kasama ng Ama ang Anak. Sinabi ng Anak: “Masayang-masaya ako sa piling niya sa lahat ng panahon.” (Kawikaan 8:30) Masayang-masaya ang Anak na makasama ang kaniyang Ama, at ganiyan din ang nararamdaman ng Ama. Habang tumatagal, mas natutularan ng Anak ang kaniyang Ama, pati na ang mga katangian Niya. Kitang-kita natin na mas tumibay pa ang ugnayan nila! Tama lang na tawagin itong pinakamatagal at pinakamatibay na ugnayan ng pag-ibig sa buong uniberso.
10 Ano ang ibig sabihin nito para sa atin? Baka isipin nating imposibleng magkaroon tayo ng ganiyang kaugnayan kay Jehova. Walang makakapantay sa ugnayan ni Jehova at ni Jesus dahil si Jesus ang panganay sa lahat ng nilalang. Pero may pagkakataon pa rin tayong mapalapít sa Ama. Tandaan, naging mas malapít si Jesus sa kaniyang Ama dahil sa paggawang kasama Niya. Maibigin tayong binibigyan ni Jehova ng espesyal na pagkakataon na maging “mga kamanggagawa” niya. (1 Corinto 3:9) Habang tinutularan natin ang halimbawa ni Jesus sa ministeryo, laging tandaan na kamanggagawa tayo ng Diyos. Dahil dito, mas titibay ang kaugnayan natin kay Jehova. Wala nang mas mahalaga pa kaysa rito!
Pinanatiling Matibay ni Jesus ang Pag-ibig Niya kay Jehova
11-13. (a) Bakit magandang isipin na parang isang bagay na may buhay ang pag-ibig? Paano napanatiling matibay ng kabataang si Jesus ang pag-ibig niya kay Jehova? (b) Paano ipinakita ng Anak ng Diyos na interesado siyang matuto mula kay Jehova bago siya maging tao at bilang isang tao?
11 Para maintindihan kung paano natin mapapanatiling matibay ang pag-ibig natin kay Jehova, isipin na parang isang magandang halaman ang pag-ibig. Kailangan itong alagaan para lumaki at lumago. Kung papabayaan ito at hindi aalagaan, malalanta ito at mamamatay. Hindi pinabayaan ni Jesus ang pag-ibig niya kay Jehova. Patuloy niyang pinalalim ito kahit noong nasa lupa na siya. Paano?
12 Naaalala mo ba nang lakas-loob na magsalita ang kabataang si Jesus sa templo sa Jerusalem? Sinabi niya sa mga nag-aalalang magulang niya: “Bakit ninyo ako hinahanap? Hindi po ba ninyo alam na dapat ay nasa bahay ako ng aking Ama?” (Lucas 2:49) Noong kabataan si Jesus sa lupa, hindi pa niya naaalaala ang naging buhay niya sa langit. Pero napakalalim na ng pag-ibig niya sa kaniyang Ama, si Jehova. At alam niyang maipapakita niya ang pag-ibig na iyon sa pamamagitan ng pagsamba. Para kay Jesus, ang pinakamagandang lugar para sambahin ang kaniyang Ama ay ang templo. Dito pumupunta ang mga tao para sambahin si Jehova. Gustong-gusto niyang pumunta dito, at halos ayaw na niyang umalis. Kapag nandito siya, hindi siya basta nanonood lang. Gusto niyang matuto tungkol kay Jehova at sabihin sa iba ang mga natututuhan niya. Iyan na ang nararamdaman ni Jesus bago pa siya maging 12 taóng gulang at sa buong buhay niya.
13 Bago pa maging tao ang Anak, gustong-gusto na niyang matuto mula sa Ama. Ipinapakita sa isang hula sa Isaias 50:4-6 na itinuro ni Jehova sa kaniyang Anak kung ano ang gagawin niya bilang Mesiyas. At kahit nalaman niyang hindi madaling maging Mesiyas, gustong-gusto pa rin niyang matuto. Nang nandito na sa lupa si Jesus at naging adulto, gustong-gusto pa rin niyang pumunta sa bahay ng kaniyang Ama para sambahin Siya at magturo. Ipinapakita sa Bibliya na laging pumupunta si Jesus sa templo at sinagoga. (Lucas 4:16; 19:47) Kung gusto nating mapanatiling buháy ang pag-ibig natin kay Jehova at lumalim pa ito, dapat tayong magsikap na dumalo. Sa mga pulong, masasamba natin si Jehova, matututo tayo tungkol sa kaniya, at magiging mas malapit tayo sa kaniya.
14, 15. (a) Bakit gusto ni Jesus na mapag-isa siya? (b) Paano makikita sa mga panalangin ni Jesus sa kaniyang Ama na talagang malapít siya at nirerespeto niya ang kaniyang Ama?
14 Napalalim din ni Jesus ang pag-ibig niya kay Jehova sa pamamagitan ng regular na pananalangin. Kahit marami siyang kaibigan at madalas na maraming kasama, may mga pagkakataon pa ring gusto niyang mapag-isa. Halimbawa, sinasabi sa Lucas 5:16: “Madalas siyang pumunta sa liblib na mga lugar para manalangin.” Ito naman ang sinasabi sa Mateo 14:23: “Matapos niyang gawin ito, umakyat siya sa bundok nang mag-isa para manalangin. Ginabi siyang mag-isa roon.” Humanap si Jesus ng mga pagkakataong mapag-isa. Hindi naman niya iniiwasan ang mga tao, o ayaw niyang may kasama siya. Ginawa niya iyon dahil gusto niyang makausap si Jehova nang nag-iisa sa panalangin.
15 Minsan, ginagamit ni Jesus ang pananalitang “Abba, Ama” kapag nananalangin. (Marcos 14:36) Noong panahon ni Jesus, ang “Abba” ay isang malambing pero magalang na salita na ginagamit sa pagtawag sa isang ama. Madalas na ito ang unang salitang natututuhan ng isang bata. Nang gamitin ni Jesus ang salitang “Abba” sa pakikipag-usap kay Jehova, ipinapakita nito na may malapít siyang kaugnayan sa kaniyang Ama at na iginagalang niya ang awtoridad ni Jehova bilang Ama. Makikita sa lahat ng nakaulat na panalangin ni Jesus ang pagiging malapit at magalang niya sa kaniyang Ama. Halimbawa, sa Juan kabanata 17, mababasa natin ang mahaba at taos-pusong panalangin ni Jesus noong huling gabi niya rito sa lupa. Mapapakilos tayo nito na pag-aralan ang panalanging iyon at sikaping manalangin gaya ni Jesus. Hindi ibig sabihin nito na gagayahin natin nang eksaktong-eksakto ang mga sinabi ni Jesus. Ibig sabihin lang nito, dapat nating kausapin mula sa puso ang ating Ama sa langit at gawin ito nang mas madalas. Kapag ginawa natin iyan, mapapalalim natin ang pag-ibig natin sa Diyos.
16, 17. (a) Paano ipinakita ni Jesus sa mga sinabi niya na mahal niya ang kaniyang Ama? (b) Paano inilarawan ni Jesus ang pagiging bukas-palad ng kaniyang Ama?
16 Gaya ng nabanggit na, hindi paulit-ulit na sinabi ni Jesus ang mga salitang “Iniibig ko ang Ama.” Pero maraming beses niyang ipinakita sa mga sinabi niya na mahal niya ang kaniyang Ama. Paano? Sinabi ni Jesus: “Sa harap ng mga tao ay pinupuri kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa.” (Mateo 11:25) Sa Seksiyon 2 ng aklat na ito, nalaman natin na gustong-gustong purihin ni Jesus ang kaniyang Ama sa pamamagitan ng pagtulong sa mga tao na makilala si Jehova. Halimbawa, ikinumpara niya si Jehova sa isang ama na handang magpatawad sa masuwayin niyang anak. Hinihintay niya ang pagbabalik nito. At nang makita niya ito mula sa malayo, tumakbo siya para salubungin at yakapin ito. (Lucas 15:20) Kapag nabasa natin ang paglalarawang iyan ni Jesus tungkol sa pag-ibig at pagpapatawad ni Jehova, talagang maaantig ang puso natin.
17 Madalas na pinupuri ni Jesus ang pagiging bukas-palad ng kaniyang Ama. Ginawa niyang halimbawa ang mga di-perpektong magulang para ipakitang handa ang Ama na ibigay ang kailangan nating banal na espiritu. (Lucas 11:13) Sinabi din ni Jesus ang tungkol sa pag-asang buhay na walang hanggan na ibibigay sa atin ng Ama. Madalas niyang sabihin ang pag-asang makasama niya ulit sa langit ang kaniyang Ama. (Juan 14:28; 17:5) Sinabi niya sa mga tagasunod niya ang pag-asang ibibigay ni Jehova sa “munting kawan,” na mamahalang kasama ni Jesus sa langit. (Lucas 12:32; Juan 14:2) Habang nakapako siya sa tulos, sinabi niya sa isang kriminal ang tungkol sa pag-asang mabuhay sa Paraiso. (Lucas 23:43) Siguradong nakatulong kay Jesus ang mga sinabi niya tungkol sa pagiging bukas-palad ng kaniyang Ama para manatiling malalim ang pag-ibig niya kay Jehova. Nakatulong din iyan sa mga tagasunod ni Kristo. Pinapalalim nila ang pag-ibig at pananampalataya nila kay Jehova kapag sinasabi nila sa iba ang tungkol sa Kaniya at ang pag-asang ibinibigay ni Jehova sa mga nagmamahal sa Kaniya.
Tutularan Mo Ba ang Pag-ibig ni Jesus kay Jehova?
18. Ano ang pinakamahalagang bagay na kailangan nating tularan kay Jesus, at bakit?
18 Ang pinakamahalagang bagay na kailangan nating tularan kay Jesus ay ito: Dapat nating ibigin si Jehova nang buong puso, kaluluwa, lakas, at pag-iisip. (Lucas 10:27) Maipapakita natin ang pag-ibig na iyan, hindi lang sa nararamdaman natin, kundi pati na rin sa mga ginagawa natin. Hindi lang basta nakaramdam si Jesus ng pagmamahal sa kaniyang Ama. Hindi rin lang niya basta sinabi, “Iniibig ko ang Ama.” Sinabi rin niya: “Para malaman ng mundo na iniibig ko ang Ama, ginagawa ko ang mismong iniutos sa akin ng Ama.” (Juan 14:31) Sinabi ni Satanas na walang taong maglilingkod kay Jehova dahil sa pag-ibig. (Job 2:4, 5) Para masagot ang paninirang-puring ito ni Satanas, lakas-loob na ipinakita ni Jesus sa mundo kung gaano niya kamahal ang kaniyang Ama. Naging masunurin siya hanggang kamatayan. Tutularan mo ba si Jesus? Maipapakita mo ba na talagang mahal mo ang Diyos na Jehova?
19, 20. (a) Bakit mahalagang dumalo nang regular sa mga pulong? (b) Bakit mahalaga sa atin ang personal study, pagbubulay-bulay, at pananalangin?
19 Nilalang tayo na may kagustuhang maging malapít sa Diyos at ipakitang mahal natin siya. Dahil diyan, gumawa ng kaayusan si Jehova sa pagsamba na makakatulong sa atin na mas mapalalim pa ang pag-ibig natin sa kaniya. Halimbawa, sinasamba natin si Jehova kapag dumadalo tayo sa mga pulong. Nananalangin tayo doon, umaawit ng mga papuri, nakikinig na mabuti, at nagkokomento. Pagkakataon din ito para mapatibay natin ang mga kapuwa Kristiyano. (Hebreo 10:24, 25) Tutulong sa atin ang regular na pagdalo sa mga pulong para mas mapalalim pa natin ang pag-ibig natin sa Diyos.
20 Mapapalalim din natin ang pag-ibig sa Diyos sa pamamagitan ng personal study, pagbubulay-bulay, at pananalangin. Isipin mong kasama mo si Jehova kapag ginagawa mo ang mga iyon. Habang pinag-aaralan mo ang Salita ng Diyos at binubulay-bulay ito, sinasabi sa iyo ni Jehova ang mga kaisipan niya. At kapag nananalangin ka, sinasabi mo sa kaniya ang nilalaman ng puso mo. Tandaan na hindi lang basta paghingi sa Diyos ang pananalangin. Mapapasalamatan mo rin si Jehova sa mga pagpapalang tinatanggap mo, at mapapapurihan mo siya sa mga kamangha-manghang gawa niya. (Awit 146:1) Maipapakita mo ring nagpapasalamat ka kay Jehova at mahal mo siya kapag masaya kang nangangaral sa iba.
21. Bakit mahalagang mahal mo si Jehova, at ano ang tatalakayin natin sa susunod na mga kabanata?
21 Para maging masaya magpakailanman, kailangang mahal natin ang Diyos. Kung minahal lang sana nina Adan at Eva ang Diyos, magiging masaya sana ang buhay nila. Ang pag-ibig sa Diyos ang pinakamahalagang bagay na kailangan natin para matiis ang anumang pagsubok at malabanan ang anumang tukso. Ito ang ibig sabihin ng pagiging tagasunod ni Jesus. Kasama rin sa pag-ibig sa Diyos ang pag-ibig sa kapuwa. (1 Juan 4:20) Sa susunod na mga kabanata, tingnan natin kung paano ipinakita ni Jesus ang pag-ibig niya sa mga tao. Pero talakayin muna natin sa susunod na kabanata kung bakit madaling lapitan ng mga tao si Jesus.