ARALING ARTIKULO 28
Nakakatulong sa Atin ang Pagkatakot sa Diyos
“Ang lumalakad nang tapat ay natatakot kay Jehova.”—KAW. 14:2.
AWIT BLG. 122 Magpakatatag!
NILALAMANa
1-2. Anong problema natin ngayon ang naranasan din ni Lot?
KAPAG nakikita natin ang mababang pamantayang moral ng mga tao ngayon, nararamdaman din natin ang naramdaman ni Lot. “Labis [siyang] nabagabag sa paggawi nang may kapangahasan ng mga taong walang sinusunod na batas,” kasi alam niyang ayaw iyon ng ating Ama sa langit. (2 Ped. 2:7, 8) Dahil sa pagkatakot at pagmamahal ni Lot sa Diyos, napoot siya sa masasamang paggawi ng mga tao sa paligid niya. Marami rin sa ngayon ang hindi nagpapahalaga sa pamantayang moral ni Jehova. Pero kung patuloy nating mamahalin ang Diyos at magkakaroon tayo ng pagkatakot sa kaniya, hindi tayo mahahawa sa mababang pamantayang moral ng mundo.—Kaw. 14:2.
2 Tinutulungan tayo ni Jehova na magawa iyan. Ibinigay niya sa atin ang aklat ng Kawikaan. Marami tayong matututuhan sa mga payo dito, lalaki man tayo o babae, bata man o matanda.
PINOPROTEKTAHAN TAYO NG PAGKATAKOT SA DIYOS
3. Ayon sa Kawikaan 17:3, ano ang isang dahilan kung bakit dapat nating protektahan ang puso natin? (Tingnan din ang larawan.)
3 Isang mahalagang dahilan kung bakit dapat nating protektahan ang makasagisag na puso natin ay dahil sinusuri ito ni Jehova. Kaya kilala niya kung sino talaga tayo at alam niya kung ano ang nasa puso natin. (Basahin ang Kawikaan 17:3.) Kung lagi nating iisipin ang mga payo niya na nagbibigay-buhay, mamahalin niya tayo. (Juan 4:14) Hindi rin tayo mapipinsala ng mababang moral at mga kasinungalingan ni Satanas at ng mundong ito. (1 Juan 5:18, 19) Habang mas napapalapit tayo kay Jehova, mas lalo natin siyang minamahal at iginagalang. Ayaw natin siyang masaktan, kaya ayaw man lang nating maisip na gumawa ng kasalanan. Kapag natutukso tayong gumawa ng masama, isipin ito, ‘Mahal na mahal ako ng Diyos, kaya paano ko siya magagawang saktan?’—1 Juan 4:9, 10.
4. Paano nakatulong sa isang sister ang pagkatakot kay Jehova para malabanan ang tukso?
4 Sinabi ni Marta, isang sister sa Croatia na pinaglabanan ang tukso na gumawa ng imoralidad: “Nahirapan akong mag-isip nang maayos. Ang hirap labanan ng tukso. Pero pinrotektahan ako ng pagkatakot kay Jehova.”b Paano? Sinabi ni Marta na pinag-isipan niya ang masasamang resulta ng paggawa ng imoralidad. Puwede nating tularan si Marta. Isipin na ang pinakamasamang resulta ay mapapalungkot natin si Jehova at maiwawala natin ang pagkakataon na sambahin siya magpakailanman.—Gen. 6:5, 6.
5. Ano ang natutuhan mo sa karanasan ni Leo?
5 Kapag may takot tayo kay Jehova, hindi tayo makikipagkaibigan sa mga gumagawa ng masama. Natutuhan iyan ni Leo, na taga-Congo. Apat na taon pagkatapos ng bautismo niya, nagkaroon siya ng masasamang kaibigan. Inisip niya noon na basta hindi niya sila gagayahin sa paggawa ng masama, hindi siya magkakasala. Pero naimpluwensiyahan nila siya na maging lasenggo at gumawa ng imoralidad. Inalala niya ang mga itinuro ng mga magulang niyang Saksi at kung gaano siya kasaya noong naglilingkod pa siya kay Jehova. Natauhan siya. Sa tulong ng mga elder, nanumbalik siya kay Jehova. Ngayon, masaya na siyang naglilingkod bilang elder at special pioneer.
6. Saan kumakatawan ang dalawang makasagisag na babae na tatalakayin natin?
6 Pag-uusapan natin ang Kawikaan kabanata 9. Mababasa natin doon ang tungkol sa dalawang babae na kumakatawan sa karunungan at kamangmangan. (Ihambing ang Roma 5:14; Galacia 4:24.) Tandaan na mahilig sa seksuwal na imoralidad at pornograpya ang sanlibutan ni Satanas. (Efe. 4:19) Kaya napakahalagang lumayo tayo sa kasamaan at hindi natin maiwala ang pagkatakot sa Diyos. (Kaw. 16:6) Lalaki man tayo o babae, makakatulong sa atin ang kabanatang ito. Dito, parehong nag-iimbita ang dalawang babae sa mga walang karanasan—ang “mga kulang sa unawa.” Parang sinasabi nila, ‘Halikayo, kumain kayo sa bahay ko.’ (Kaw. 9:1, 5, 6, 13, 16, 17) Pero magkaibang-magkaiba ang nangyari sa mga tumanggap sa imbitasyon ng dalawang babae.
HUWAG TANGGAPIN ANG IMBITASYON NG “BABAENG MANGMANG”
7. Ayon sa Kawikaan 9:13-18, ano ang mangyayari sa mga tumanggap sa imbitasyon ng “babaeng mangmang”? (Tingnan din ang larawan.)
7 Pag-isipan ang imbitasyon ng “babaeng mangmang.” (Basahin ang Kawikaan 9:13-18.) Hindi siya nahihiyang yayaing kumain sa bahay niya ang mga kulang sa unawa. Pero ano ang mangyayari sa kanila? “Ang mga bisita niya ay nasa kailaliman na ng Libingan.” May ganiyan ding uri ng babae sa naunang mga kabanata ng Kawikaan. May binanggit na “imoral” at “masamang babae,” at sinabing “palubog sa kamatayan ang bahay niya.” (Kaw. 2:11-19) Sa Kawikaan 5:3-10, may binanggit din na “masamang babae,” at “ang mga paa niya ay papunta sa kamatayan.”
8. Anong desisyon ang dapat nating gawin?
8 Dapat magdesisyon ang mga nakarinig sa imbitasyon ng “babaeng mangmang”: Tatanggapin ba nila ito o hindi? Baka mapaharap din tayo sa ganiyang desisyon. Kung may tumukso sa atin na gumawa ng seksuwal na imoralidad o kung bigla tayong makakita ng pornograpya sa media o sa Internet, ano ang gagawin natin?
9-10. Ano ang ilang dahilan kung bakit dapat nating iwasan ang seksuwal na imoralidad?
9 May magagandang dahilan kung bakit dapat nating iwasan ang seksuwal na imoralidad. Sinabi ng “babaeng mangmang” na “matamis ang nakaw na tubig.” Ano ang ibig sabihin nito? Inihalintulad ng Bibliya ang seksuwal na ugnayan ng mag-asawa sa nakakarepreskong tubig. (Kaw. 5:15-18) Puwedeng masiyahan ang isang lalaki at babae sa sex kung mag-asawa sila. Pero hindi ganiyan ang “nakaw na tubig,” na puwedeng tumukoy sa seksuwal na imoralidad. Madalas na ginagawa ito nang palihim, gaya ng pagnanakaw. Mukhang matamis ang “nakaw na tubig” kung iniisip ng mga gumagawa ng seksuwal na imoralidad na walang makakaalam sa kasalanan nila. Pero niloloko lang nila ang sarili nila, kasi nakikita ni Jehova ang lahat ng bagay. Kapag hindi na tayo sinasang-ayunan ni Jehova, iyon ang pinakamasamang puwedeng mangyari sa atin. Kaya hindi iyon masasabing “matamis”! (1 Cor. 6:9, 10) Pero hindi lang iyan ang masamang epekto ng imoralidad.
10 Ang seksuwal na imoralidad ay puwedeng mauwi sa kahihiyan, pagkadama ng kawalan ng halaga, di-inaasahang pagbubuntis, at pagkasira ng pamilya. Kaya talagang dapat nating tanggihan ang imbitasyon ng “babaeng mangmang.” Bukod sa maiwawala ng mga taong imoral ang pakikipagkaibigan nila kay Jehova, puwede rin silang magkaroon ng nakakamatay na mga sakit. (Kaw. 7:23, 26) Gaya nga ng sinasabi sa kabanata 9, talata 18: “Ang mga bisita niya ay nasa kailaliman na ng Libingan.” Pero bakit marami pa rin ang tumatanggap sa imbitasyon niya?—Kaw. 9:13-18.
11. Bakit napakapanganib ng pagtingin sa pornograpya?
11 Marami ang nabibitag sa pornograpya. Iniisip nila na walang masama dito. Pero ang totoo, mapanganib ito, nakakawala ng paggalang sa sarili, at nakakaadik. Mahirap burahin sa isip ang malalaswang larawan. Hindi rin nito pinapatay ang mga maling pagnanasa, kundi pinapatindi pa ito. (Col. 3:5; Sant. 1:14, 15) Kaya marami sa mga tumitingin sa pornograpya ang nakakagawa ng seksuwal na imoralidad.
12. Paano natin maipapakita na iniiwasan natin ang mga larawan na nakakapukaw ng maling pagnanasa?
12 Ano ang dapat nating gawin kapag may biglang lumitaw na pornograpikong larawan sa gadget natin? Alisin natin agad ang tingin doon. Madali nating magagawa iyan kung iisipin natin na ang kaugnayan natin kay Jehova ang pinakamahalaga. May mga larawan din na hindi itinuturing na pornograpya, pero puwedeng makapukaw ng maling pagnanasa. Bakit dapat nating iwasan ang mga iyon? Kasi ayaw nating pumasok sa isip natin ang anumang bagay na puwedeng maging dahilan para magkasala tayo ng pangangalunya sa puso natin. (Mat. 5:28, 29) Sinabi ni David, isang elder sa Thailand: “Sinasabi ko sa sarili ko, ‘Kahit hindi pornograpya ang mga larawan, matutuwa kaya si Jehova kung patuloy kong titingnan ang mga iyon?’ Nakakatulong ito sa akin na magawa ang tama.”
13. Ano ang tutulong sa atin na maging marunong?
13 Magagawa natin ang tama at magiging marunong tayo kung takot tayong mapalungkot si Jehova. Ang pagkatakot sa Diyos ang “pasimula ng karunungan.” (Kaw. 9:10) Makikita natin iyan sa pasimula ng Kawikaan kabanata 9. Dito, tinukoy rin na isang makasagisag na babae ang “tunay na karunungan.”
TANGGAPIN ANG IMBITASYON NG “TUNAY NA KARUNUNGAN”
14. Ano ang isa pang imbitasyon sa Kawikaan 9:1-6?
14 Basahin ang Kawikaan 9:1-6. Mababasa natin dito ang isang imbitasyon mula kay Jehova, ang ating Maylalang at ang pinagmumulan ng tunay na karunungan. (Kaw. 2:6; Roma 16:27) May binanggit dito na malaking bahay na may pitong haligi. Ipinapakita nito na mapagbigay si Jehova at na tinatanggap niya ang lahat ng gustong magkaroon ng karunungan niya.
15. Ano ang imbitasyon sa atin ng Diyos?
15 Mapagbigay si Jehova, at sagana niya tayong pinaglalaanan. Makikita natin iyan sa makasagisag na babae sa Kawikaan kabanata 9, na kumakatawan sa “tunay na karunungan.” Mababasa natin na naihanda na ng babae ang karne, natimplahan na niya ang alak, at naayos na rin niya ang mesa. (Kaw. 9:2) At ayon sa talata 4 at 5: “Sinasabi [ng tunay na karunungan] sa kulang sa unawa: ‘Halika, kumain ka ng tinapay ko.’” Bakit dapat tayong pumunta sa bahay ng “tunay na karunungan” at kainin ang inihanda niya? Gusto ni Jehova na maging marunong at ligtas ang mga anak niya. Ayaw niya na makagawa tayo ng mga pagkakamali na makakasakit sa atin at pagsisisihan natin. Kaya “nag-iimbak siya ng karunungan para sa mga matuwid.” (Kaw. 2:7) Kapag may takot tayo kay Jehova, gusto natin siyang mapasaya. Gusto rin nating marinig at sundin ang mga payo niya.—Sant. 1:25.
16. Paano nakatulong kay Alain ang pagkatakot sa Diyos para makagawa siya ng tamang desisyon, at ano ang resulta?
16 Tingnan kung paano nakatulong kay Alain ang pagkatakot sa Diyos para makagawa ng tamang desisyon. Elder siya at nagtuturo sa isang school. Sinabi niya, “Iniisip ng maraming katrabaho ko na bahagi lang ng sex education ang panonood ng pornograpya.” Pero alam ni Alain na hindi iyon totoo. Sinabi pa niya: “Dahil may takot ako sa Diyos, ayokong panoorin iyon. At ipinaliwanag ko sa mga katrabaho ko kung bakit.” Naging marunong si Alain, at sinunod niya ang payo na ‘lumakad nang may unawa.’ (Kaw. 9:6) Humanga sa paninindigan ni Alain ang ilang katrabaho niya. Nagba-Bible study na sila ngayon at dumadalo sa mga pulong.
17-18. Ano ang mga pagpapala ng mga tumanggap sa imbitasyon ng “tunay na karunungan,” at anong pag-asa ang naghihintay sa kanila? (Tingnan din ang larawan.)
17 Ginamit ni Jehova ang dalawang makasagisag na babae para ipakita kung paano tayo magkakaroon ng masayang buhay ngayon at sa hinaharap. Ang mga tumanggap sa imbitasyon ng “babaeng mangmang” ay nasisiyahan ngayon sa seksuwal na imoralidad. Pero hindi nila alam ang mangyayari sa kanila sa hinaharap. Dahil sa mga ginagawa nila, mapupunta sila sa ‘kailaliman ng Libingan.’—Kaw. 9:13, 17, 18.
18 Ibang-iba naman ang kinabukasan ng mga tumanggap sa imbitasyon ng “tunay na karunungan”! Masaya sila kasi sagana sila sa nakakapagpalusog na espirituwal na pagkain. (Isa. 65:13) Sinabi ni Jehova: “Makinig kayong mabuti sa akin, at kumain kayo ng bagay na mabuti, at masisiyahan kayo sa masasarap na pagkain.” (Isa. 55:1, 2) Natututuhan nating mahalin ang mga iniibig ni Jehova at kapootan ang kasamaan. (Awit 97:10) At masaya tayo kasi puwede rin nating tulungan ang iba na matuto mula sa “tunay na karunungan.” Para tayong “pumunta sa mataas na lugar ng lunsod para magtawag: ‘Pumunta rito ang sinumang walang karanasan.’” Ngayon pa lang, nakikinabang na tayo at ang lahat ng tumatanggap sa imbitasyon. Pero may pag-asa rin tayong mabuhay magpakailanman habang ‘lumalakad nang may unawa.’—Kaw. 9:3, 4, 6.
19. Ayon sa Eclesiastes 12:13, 14, ano ang dapat na maging determinasyon natin? (Tingnan din ang kahong “Kung Paano Nakakatulong sa Atin ang Pagkatakot sa Diyos.”)
19 Basahin ang Eclesiastes 12:13, 14. Sa mga huling araw na ito, mapoprotektahan ng pagkatakot sa Diyos ang puso natin, at matutulungan tayo nito na manatiling malapít sa kaniya at malinis sa moral. Kaya patuloy nating tulungan ang marami na mahanap ang “tunay na karunungan” para makinabang sila rito.
AWIT BLG. 127 Ang Uri ng Pagkatao na Dapat Kong Taglayin
a Gusto ng mga Kristiyano na magkaroon ng tamang pagkatakot sa Diyos. Maiingatan nito ang puso natin, at mapoprotektahan tayo nito mula sa seksuwal na imoralidad at pornograpya. Tatalakayin sa artikulong ito ang Kawikaan kabanata 9. Makikita dito ang pagkakaiba ng dalawang makasagisag na babae na kumakatawan sa karunungan at kamangmangan. Malaki ang maitutulong sa atin ng kabanatang ito.
b Binago ang ilang pangalan.