‘Ang mga Pagpapala ay Para sa Matuwid’
“ISANG kabataan ako noon, ako ay tumanda na rin, gayunma’y hindi ko pa nakita ang matuwid na lubusang pinabayaan, ni ang kaniyang supling na naghahanap ng tinapay,” ang sabi ng salmistang si David sa kaniyang katandaan. (Awit 37:25) Iniibig ng Diyos na Jehova ang mga matuwid at buong-pagmamahal na inaalagaan sila. Sa kaniyang Salita, ang Bibliya, pinapayuhan niya ang mga tunay na mananamba na hanapin ang katuwiran.—Zefanias 2:3.
Ang katuwiran ay ang pagiging matuwid sa paningin ng Diyos dahil sa pagsunod sa kaniyang mga pamantayan ng mabuti at masama. Upang pasiglahin tayo na umayon sa kalooban ng Diyos, inilalahad ng ika-10 kabanata ng aklat ng Mga Kawikaan sa Bibliya ang mayayamang espirituwal na pagpapala na tinatamasa niyaong mga gumagawa nito. Kabilang sa mga ito ang saganang suplay ng pagkaing nakapagpapalusog sa espirituwal, kapaki-pakinabang at kasiya-siyang gawain, at isang mabuting kaugnayan sa Diyos at sa tao. Kaya isaalang-alang natin ang Kawikaan 10:1-14.
Isang Mainam na Pangganyak
Malinaw na isinasaad sa pambungad na mga salita ng kabanatang ito kung sino ang manunulat ng sumunod na seksiyon ng aklat ng Mga Kawikaan. Ito’y kababasahan natin: “Mga kawikaan ni Solomon.” Bilang pagbanggit sa isang mainam na pangganyak sa pagsunod sa tamang landasin, si Haring Solomon ng sinaunang Israel ay nagsabi: “Ang anak na marunong ay yaong nagpapasaya sa ama, at ang anak na hangal ay pighati ng kaniyang ina.”—Kawikaan 10:1.
Kay laking pighati ang nararanasan ng mga magulang kapag ang isa sa kanilang mga anak ay tumalikod mula sa pagsamba sa tunay at buháy na Diyos! Pinili ng marunong na hari ang pighati ng ina, marahil upang ipahiwatig na mas matindi ang pamimighati nito. Nagkatotoo nga iyan kay Doris.a Inilahad niya: “Nang iwan ng aming 21-taóng-gulang na anak na lalaki ang katotohanan, kami ng asawa kong si Frank ay nalipos ng kalungkutan. Ang kirot ng damdamin na nadama ko ay mas matindi kaysa kay Frank. Hindi napaghilom ng lumipas na 12 taon ang sugat.”
Ang mga anak ay nakaaapekto sa kaligayahan ng kanilang ama at nakapagdudulot ng dalamhati sa kanilang ina. Magpakita nawa tayo ng karunungan at magdulot ng kagalakan sa ating mga magulang. At higit na mahalaga, pagalakin natin ang puso ng ating makalangit na Ama, si Jehova.
‘Ang Kaluluwa ng Matuwid ay Binubusog’
“Ang kayamanan ng balakyot ay hindi mapakikinabangan,” ang sabi ng hari, “ngunit katuwiran ang magliligtas mula sa kamatayan.” (Kawikaan 10:2) Sa tunay na mga Kristiyano na nabubuhay sa dulong bahagi ng panahon ng kawakasan, ang mga salitang ito ay tunay na mahalaga. (Daniel 12:4) Ang pagpuksa sa di-makadiyos na sanlibutan ay malapit na. Walang gawang-taong paraan ukol sa katiwasayan—sa materyal, sa pinansiyal, o sa militar—ang makapaglalaan ng proteksiyon sa panahon ng dumarating na “malaking kapighatian.” (Apocalipsis 7:9, 10, 13, 14) Tanging “ang matuwid ang mananahanan sa lupa at mga taong walang kapintasan ang mananatili roon.” (Kawikaan 2:21, The New English Bible) Kaya patuloy nawa nating ‘hanapin muna ang kaharian at ang katuwiran’ ng Diyos.—Mateo 6:33.
Hindi na kailangang maghintay ang mga lingkod ni Jehova hanggang sa dumating ang ipinangakong bagong sanlibutan upang matamasa ang mga pagpapala ng Diyos. “Hindi pababayaan ni Jehova na magutom ang kaluluwa ng matuwid, ngunit ang paghahangad ng mga balakyot ay kaniyang itataboy.” (Kawikaan 10:3) Naglaan si Jehova ng saganang espirituwal na pagkain sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45) Talagang may mga dahilan ang matuwid upang ‘humiyaw nang may kagalakan dahil sa mabuting kalagayan ng puso.’ (Isaias 65:14) Ang kaalaman ay kalugud-lugod sa kaniyang kaluluwa. Ang paghahanap ng espirituwal na kayamanan ang kaniyang kasiyahan. Ang balakyot ay walang kabatiran sa gayong mga kaluguran.
‘Ang Pagiging Masikap ay Nagpapayaman’
Ang matuwid ay pinagpapala sa isa pang paraan. “Ang gumagawang may kamay na makupad ay magiging dukha, ngunit ang kamay ng masikap ang magpapayaman sa isa. Ang anak na kumikilos nang may kaunawaan ay nagtitipon sa panahon ng tag-araw; ang anak na gumagawi nang kahiya-hiya ay natutulog nang mahimbing sa panahon ng pag-aani.”—Kawikaan 10:4, 5.
Lalo nang makahulugan ang mga salita ng hari sa mga manggagawa sa panahon ng pag-aani. Ang panahon ng pag-aani ay hindi oras ng pagtulog. Ito’y panahon ng pagsisikap at maraming oras ng pagtatrabaho. Tunay nga, ito’y panahon ng pagkaapurahan.
Habang nasa isipan ang pag-aani, hindi ng mga butil, kundi ng mga tao, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Ang aanihin ay marami, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti. Kaya nga, magsumamo kayo sa Panginoon ng pag-aani [ang Diyos na Jehova] na magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang pag-aani.” (Mateo 9:35-38) Noong taóng 2000, mahigit sa 14 na milyon ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Jesus—mahigit sa doble ng bilang ng mga Saksi ni Jehova. Sino nga ang makatatanggi na ‘ang mga bukid ay mapuputi na para sa pag-aani’? (Juan 4:35) Ang mga tunay na mananamba ay humihiling sa Panginoon ng mas marami pang manggagawa habang sila mismo ay buong-lakas na nagpapagal sa paggawa ng mga alagad kasuwato ng kanilang mga panalangin. (Mateo 28:19, 20) At talagang pinagpapala ni Jehova nang sagana ang kanilang mga pagsisikap! Noong 2000 taon ng paglilingkod, mahigit na 280,000 baguhan ang nabautismuhan. Ang mga ito rin ay nagsisikap na maging mga guro ng Salita ng Diyos. Maranasan nawa natin ang kagalakan at kasiyahan sa panahong ito ng pag-aani sa pamamagitan ng pagkakaroon ng lubusang pakikibahagi sa paggawa ng mga alagad.
‘Ang mga Pagpapala ay Para sa Kaniyang Ulo’
“Ang mga pagpapala ay para sa ulo ng matuwid,” patuloy pa ni Solomon, “ngunit kung tungkol sa bibig ng mga balakyot, pinagtatakpan nito ang karahasan.”—Kawikaan 10:6.
Ang isa na may dalisay at matuwid na puso ay nagbibigay ng sapat na katibayan ng kaniyang katuwiran. Ang kaniyang pananalita ay may kabaitan at nakapagpapatibay, ang kaniyang mga pagkilos ay positibo at may pagkabukas-palad. Positibo ang pagtanggap sa kaniya ng iba. Ang gayong tao ay nagtatamo ng kanilang pagpapahalaga—ng kanilang mga pagpapala—yamang nagsasalita sila ng mabuti tungkol sa kaniya.
Sa kabilang dako, ang isang taong balakyot ay lipos ng pagkapoot o malisyoso at talagang may layuning maminsala ng iba. Ang kaniyang pananalita ay maaaring matamis at maaaring ‘magtakip ng karahasan’ na nakakubli sa kaniyang puso, ngunit sa kalaunan ay gumagamit siya ng pisikal o bibigang pananakit. (Mateo 12:34, 35) O maaari ring ipangahulugan, “tatakpan [o ititikom] ng karahasan ang mismong bibig ng mga taong balakyot.” (Kawikaan 10:6, talababa sa Ingles) Ipinahihiwatig nito na kadalasan nang tinatanggap ng taong balakyot mula sa iba yaong ipinakikita niya, samakatuwid nga ay pagkapoot. Ito, wika nga, ay nagtatakip, o nagtitikom, ng kaniyang bibig at nagpapatahimik sa kaniya. Ano nga bang pagpapala ang aasahan ng gayong tao mula sa iba?
“Ang alaala ng matuwid ay pagpapalain,” isinulat ng hari ng Israel, “ngunit ang pangalan ng mga balakyot ay mabubulok.” (Kawikaan 10:7) Ang matuwid ay buong-paglingap na inaalaala ng iba at higit sa lahat, ng Diyos na Jehova. Dahil sa kaniyang katapatan hanggang kamatayan, “nagmana [si Jesus] ng isang pangalang higit na magaling” kaysa sa mga anghel. (Hebreo 1:3, 4) Ang tapat na mga lalaki’t babae bago ang panahong Kristiyano ay inaalaala ngayon ng tunay na mga Kristiyano bilang mga halimbawa na nararapat tularan. (Hebreo 12:1, 2) Kay laking kaibahan nito sa pangalan ng mga balakyot, na nagiging kasuklam-suklam at di-kanais-nais! Oo, “ang pangalan ay mas mabuting piliin sa halip na saganang kayamanan; ang lingap ay mas mabuti kaysa sa pilak at ginto.” (Kawikaan 22:1) Nawa’y gumawa tayo ng kaayaayang pangalan sa paningin ni Jehova at ng ating kapuwa.
‘Ang Taong May Katapatan ay Lalakad Nang Tiwasay’
Bilang paghahambing sa marunong at sa mangmang, sinabi ni Solomon: “Ang may pusong marunong ay tatanggap ng mga utos, ngunit ang mangmang sa kaniyang mga labi ay yuyurakan.” (Kawikaan 10:8) Alam na alam ng isang taong marunong na “hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Kinikilala niya ang pangangailangang humiling ng patnubay mula kay Jehova at kaagad niyang tinatanggap ang mga utos ng Diyos. Sa kabilang dako, hindi nauunawaan ng taong mangmang sa kaniyang mga labi ang saligang katotohanang ito. Ipinapahamak siya ng kaniyang walang-katuturang pagdadaldal.
Ang isang taong matuwid ay nagtatamasa rin ng isang uri ng katiwasayan na hindi nararanasan ng balakyot. “Siyang lumalakad sa katapatan ay lalakad nang tiwasay, ngunit siyang gumagawang liko sa kaniyang mga lakad ay makikilala. Ang nagkikindat ng kaniyang mata ay magdudulot ng kirot, at ang mangmang sa kaniyang mga labi ay yuyurakan.”—Kawikaan 10:9, 10.
Ang isang taong may katapatan (integrity) ay matapat (honest) sa kaniyang mga pakikitungo. Natatamo niya ang paggalang at tiwala ng iba. Ang isang taong matapat ay empleadong pinahahalagahan at madalas na pinagkakatiwalaan ng mas malaking pananagutan. Ang kaniyang reputasyon sa pagiging matapat ay makatutulong sa kaniya upang manatiling may trabaho kahit sa panahon ng kakapusan ng trabaho. Karagdagan pa, ang kaniyang pagiging matapat ay nakatutulong sa pagkakaroon ng isang kaayaaya at mapayapang kapaligiran sa tahanan. (Awit 34:13, 14) Nakadarama siya ng katiwasayan sa kaniyang kaugnayan sa mga miyembro ng kaniyang pamilya. Tunay na isang bunga ng katapatan ang katiwasayan.
Naiiba ang situwasyon ng taong napadadala sa kawalang-katapatan (dishonesty) dahil sa sakim na pakinabang. Maaaring sikapin ng isang manlilinlang na itago ang kaniyang kasinungalingan sa pamamagitan ng likong pananalita o galaw ng katawan. (Kawikaan 6:12-14) Ang pagkindat ng kaniyang mata na may masamang hangarin o layuning manlinlang ay maaaring magdulot ng paghihirap ng isipan sa mga biktima ng kaniyang panlilinlang. Ngunit sa malao’t madali, mahahayag ang kalikuan ng gayong tao. Sumulat si apostol Pablo: “Ang mga kasalanan ng ilang tao ay hayag sa madla, na tuwirang umaakay sa paghatol, ngunit kung tungkol naman sa ibang mga tao ang kanilang mga kasalanan ay nagiging hayag din sa kalaunan. Gayundin naman ang maiinam na gawa ay hayag sa madla at yaong mga di-gayon ay hindi maiingatang nakatago.” (1 Timoteo 5:24, 25) Sinuman ang nasasangkot—kahit magulang, kaibigan, asawa, o kakilala—ang kawalang-katapatan ay nabubunyag sa kalaunan. Sino ang magtitiwala sa isang tao na may reputasyon sa pagiging di-matapat?
‘Ang Kaniyang Bibig ay Bukal ng Buhay’
“Ang bibig ng matuwid ay bukal ng buhay,” ang sabi ni Solomon, “ngunit kung tungkol sa bibig ng mga balakyot, pinagtatakpan nito ang karahasan.” (Kawikaan 10:11) Ang mga salitang nanggagaling sa bibig ay maaaring makapagpagaling o makasakit. Ito’y maaaring makapagpaginhawa o makapagpasigla sa isang tao, o maaaring makapagpahina ito ng kaniyang loob.
Nang tukuyin kung ano ang nag-uudyok sa pagbibitiw ng mga salita, sinabi ng hari ng Israel: “Poot ang siyang pumupukaw ng mga pagtatalo, ngunit tinatakpan ng pag-ibig ang lahat ng pagsalansang.” (Kawikaan 10:12) Ang poot ay nagbubunsod ng mga pagtatalo sa lipunan ng tao, pumupukaw ng alitan. Dapat alisin ng mga umiibig kay Jehova ang poot mula sa kanilang buhay. Paano? Sa pamamagitan ng paghahalili rito ng pag-ibig. “Ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.” (1 Pedro 4:8) “Tinitiis [ng pag-ibig] ang lahat ng bagay,” samakatuwid nga, “lahat ng bagay ay tinatakpan nito.” (1 Corinto 13:7; Kingdom Interlinear) Hindi inaasahan ng makadiyos na pag-ibig ang kasakdalan mula sa mga taong di-sakdal. Sa halip na ipagsabi ang mga pagkakamali ng iba, tinutulungan tayo ng gayong pag-ibig na palampasin ang kanilang mga kamalian maliban nang isang malubhang pagkakasala ang nasasangkot. Tinitiis pa nga ng pag-ibig ang masamang pakikitungo sa ministeryo sa larangan, sa ating pinagtatrabahuhan, o sa paaralan.
Nagpatuloy ang marunong na hari: “Sa mga labi ng taong may unawa ay nasusumpungan ang karunungan, ngunit ang pamalo ay para sa likod niyaong kapos ang puso.” (Kawikaan 10:13) Ang karunungan ng isang taong may unawa ay pumapatnubay sa kaniyang mga hakbang. Ang nakapagpapatibay na mga salita sa kaniyang mga labi ay tumutulong sa iba na lumakad sa daan ng katuwiran. Siya man o yaong mga nakikinig sa kaniya ay hindi kailangang akayin sa tamang direksiyon nang sapilitan—ang tungkod ng kaparusahan.
‘Mag-ingat ng Kaalaman’
Ano ang makatutulong upang ang ating pananalita ay maging ‘isang bumabalong na bukal ng karunungan’ sa halip na isang maingay na batis ng mga bagay na walang saysay? (Kawikaan 18:4) Sumagot si Solomon: “Ang marurunong ang siyang nag-iingat ng kaalaman, ngunit ang bibig ng mangmang ay malapit sa kapahamakan.”—Kawikaan 10:14.
Ang unang kahilingan dito ay dapat na mapuspos ang ating isip ng nakapagpapatibay na kaalaman tungkol sa Diyos. Iisa lamang ang bukal ng kaalamang iyan. Sumulat si apostol Pablo: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.” (2 Timoteo 3:16, 17) Dapat tayong mag-ingat ng kaalaman at maghukay sa Salita ng Diyos na para bang naghahanap ng nakatagong kayamanan. Tunay na isang kapana-panabik at kasiya-siyang paghahanap iyan!
Upang ang karunungan ay masumpungan sa ating mga labi, ang kaalaman sa Kasulatan ay dapat na tumagos din sa ating puso. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagapakinig: “Ang mabuting tao ay naglalabas ng mabuti mula sa mabuting kayamanan ng kaniyang puso, ngunit ang balakyot na tao ay naglalabas ng bagay na balakyot mula sa kaniyang balakyot na kayamanan; sapagkat mula sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang kaniyang bibig.” (Lucas 6:45) Samakatuwid, dapat na ugaliin natin ang pagbubulay-bulay sa ating natututuhan. Totoo, ang pag-aaral at pagbubulay-bulay ay nangangailangan ng pagsisikap, ngunit tunay na nakapagpapayaman sa espirituwal ang gayong pag-aaral! Walang dahilan upang sumunod ang sinuman sa kapaha-pahamak na landasin ng isa na nagdadadaldal ng di-pinag-iisipang mga salita.
Oo, ang isang taong marunong ay gumagawa ng matuwid sa paningin ng Diyos at may mabuting impluwensiya sa iba. Siya’y nagtatamasa ng saganang suplay ng espirituwal na pagkain at maraming ginagawa sa kasiya-siyang gawain ng Panginoon. (1 Corinto 15:58) Palibhasa’y isang taong may katapatan, siya’y lumalakad nang tiwasay at may pagsang-ayon ng Diyos. Tunay nga, marami ang mga pagpapala para sa matuwid. Hanapin nawa natin ang katuwiran sa pamamagitan ng pag-ayon ng ating buhay sa mga pamantayan ng Diyos ukol sa mabuti at masama.
[Talababa]
a Binago ang pangalan.
[Larawan sa pahina 25]
Ang pagiging matapat ay nakatutulong sa pagkakaroon ng isang maligayang buhay-pamilya
[Larawan sa pahina 26]
‘Ang marurunong ay nag-iingat ng kaalaman’