Ang Kagalakan ng Paglakad sa Katapatan
“Ang pagpapala ni Jehova—iyon ang nagpapayaman, at hindi niya iyon dinaragdagan ng kirot.”—KAWIKAAN 10:22.
1, 2. Bakit tayo dapat umiwas sa pagiging labis na palaisip sa kinabukasan?
“ANG pagiging labis na palaisip sa kinabukasan ay . . . humahadlang sa atin na makita ang kasalukuyan,” ang sabi ng isang pilosopong Amerikano. Totoo ito sa mga batang sobrang palaisip sa kanilang magagawa paglaki nila anupat hindi na nila nakikita ang kagalakan ng pagiging bata.
2 Kung minsan, kahit ang mga mananamba ni Jehova ay may ganito ring pag-iisip. Tingnan natin ang maaaring mangyari. Nasasabik tayo sa katuparan ng pangako ng Diyos na magiging paraiso ang lupa. Pinakahihintay natin ang isang buhay na walang sakit, pagtanda, kirot, at pagdurusa. Bagaman angkop lamang na asam-asamin ang gayong mga bagay, ano kaya kung masyado na tayong palaisip sa pisikal na mga pagpapala sa hinaharap anupat hindi na natin nakikita ang ating kasalukuyang espirituwal na mga pagpapala? Nakapanghihinayang naman! Maaaring manghina agad ang ating loob at ‘masaktan ang puso dahil nagluluwat ang ating inaasam.’ (Kawikaan 13:12) Maaaring masadlak tayo sa labis na kalungkutan o pagkaawa sa sarili dahil sa mga problema at paghihirap sa buhay. Sa halip na batahin ang mahihirap na kalagayan, maaari tayong maging reklamador. Maiiwasan ang lahat ng ito kung buong-pananabik nating bubulay-bulayin ang ating kasalukuyang mga pagpapala.
3. Ano ang pagtutuunan natin ng pansin sa artikulong ito?
3 “Ang pagpapala ni Jehova—iyon ang nagpapayaman, at hindi niya iyon dinaragdagan ng kirot,” ang sinabi ng Kawikaan 10:22. Hindi ba’t isang pagpapalang dapat ikagalak ang saganang espirituwal na kalagayan ng modernong-panahong mga lingkod ni Jehova? Talakayin natin ang ilang pitak ng ating espirituwal na kasaganaan at tingnan natin ang kahalagahan nito sa atin bilang indibiduwal. Kung maglalaan tayo ng panahon upang pag-isipang mabuti ang mga pagpapala na saganang ibinubuhos ni Jehova sa ‘matuwid na lumalakad sa kaniyang katapatan,’ tiyak na lalong titibay ang ating pasiyang magpatuloy sa masayang paglilingkod sa ating makalangit na Ama.—Kawikaan 20:7.
‘Mga Pagpapalang Nagpapayaman sa Atin’ sa Ngayon
4, 5. Aling turo sa Bibliya ang partikular mong pinahahalagahan, at bakit?
4 Tumpak na kaalaman ng mga turo sa Bibliya. Karaniwan nang sinasabi ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan na naniniwala sila sa Bibliya. Subalit hindi naman sila sumasang-ayon sa itinuturo nito. Maging ang mga miyembro sa loob ng iisang grupo ng relihiyon ay madalas na nagkakaiba-iba ng opinyon sa kung ano nga ba ang itinuturo ng Kasulatan. Talagang ibang-iba ang kalagayan nila sa mga lingkod ni Jehova! Anuman ang ating nasyonalidad, kultura, o liping pinagmulan, sumasamba tayo sa Diyos na kilala natin sa pangalan. Hindi siya isang misteryosong tatluhang diyos. (Deuteronomio 6:4; Awit 83:18; Marcos 12:29) Batid din natin na lulutasin na ang napakahalagang isyu ng pansansinukob na soberanya ng Diyos at sa pananatiling tapat sa kaniya, personal tayong nasasangkot sa isyung iyan. Alam natin ang katotohanan tungkol sa mga patay at malaya tayo sa nakapangingilabot na pagkatakot sa isang Diyos na sinasabing nagpapahirap sa mga tao sa apoy ng impiyerno o nagtatalaga sa kanila sa purgatoryo.—Eclesiastes 9:5, 10.
5 Bukod diyan, nakagagalak malaman na hindi tayo basta sumulpot na lamang dahil sa di-maunawaang ebolusyon! Sa halip, tayo’y nilalang ng Diyos at ginawa ayon sa kaniyang larawan. (Genesis 1:26; Malakias 2:10) “Pupurihin kita sapagkat sa kakila-kilabot na paraan ay kamangha-mangha ang pagkakagawa sa akin,” ang inawit ng salmista sa kaniyang Diyos. “Ang iyong mga gawa ay kamangha-mangha, gaya ng lubos na nababatid ng aking kaluluwa.”—Awit 139:14.
6, 7. Anu-anong pagbabago sa iyong buhay o sa buhay ng mga kakilala mo ang nagbunga ng pagpapala?
6 Malaya sa nakapipinsalang mga bisyo at paggawi. Napakaraming babala sa media tungkol sa mga panganib ng paninigarilyo, paglalasing, at seksuwal na imoralidad. Sa pangkalahatan, ang mga babalang ito ay hindi sinusunod. Ngunit paano kung malaman ng taimtim na tao na ang tunay na Diyos ay nasusuklam sa gayong mga bagay at nalulungkot sa mga gumagawa nito? Aba, inaalis na ng taong ito ang gayong mga gawain sa kaniyang buhay! (Isaias 63:10; 1 Corinto 6:9, 10; 2 Corinto 7:1; Efeso 4:30) Bagaman ginagawa niya ito pangunahin na upang paluguran ang Diyos na Jehova, may karagdagan pa siyang pakinabang—mas mabuting kalusugan at kapayapaan ng isip.
7 Para sa marami, napakahirap alisin ang masasamang bisyo. Subalit sampu-sampung libo ang nakagagawa nito taun-taon. Iniaalay nila ang kanilang sarili kay Jehova at nagpapabautismo sa tubig, anupat ipinababatid sa madla na inalis na nila sa kanilang buhay ang mga paggawing hindi nakalulugod sa Diyos. Kaylaking pampatibay-loob nito para sa ating lahat! Lalong sumisidhi ang ating determinasyong manatiling malaya mula sa pagkaalipin sa makasalanan at nakasasakit na paggawi.
8. Anong payo mula sa Bibliya ang nagtataguyod ng kaligayahan ng pamilya?
8 Maligayang buhay pampamilya. Sa maraming bansa, patuloy na nawawasak ang mga pamilya. Maraming pag-aasawa ang nauuwi sa diborsiyo, na kadalasa’y nag-iiwan ng malalim na pilat sa damdamin ng mga anak. Sa ilang bansa sa Europa, halos 20 porsiyento ng lahat ng sambahayan ay binubuo ng mga pamilyang may nagsosolong magulang. Paano tayo tinutulungan ni Jehova na lumakad sa katapatan kung tungkol sa bagay na ito? Pakibasa ang Efeso 5:22–6:4, at pansinin ang magagandang payo na ibinibigay ng Salita ng Diyos sa mga asawang lalaki, asawang babae, at mga anak. Ang pagkakapit sa binabanggit doon at sa ibang teksto sa Kasulatan ay tiyak na magpapatibay sa buklod ng pag-aasawa, tutulong sa mga magulang sa tamang pagpapalaki sa mga anak, at aakay sa isang maligayang buhay pampamilya. Hindi ba’t isa itong pagpapalang dapat ikagalak?
9, 10. Paano naiiba ang ating pangmalas sa kinabukasan kung ihahambing sa pangmalas ng sanlibutan?
9 Katiyakan na malapit nang malutas ang mga problema sa daigdig. Sa kabila ng kasanayan sa siyensiya at teknolohiya at ng taimtim na pagsisikap ng ilang lider, hindi pa rin malutas-lutas ang mabibigat na problema ng buhay sa ngayon. Kamakailan ay sinabi ni Klaus Schwab, tagapagtatag ng World Economic Forum, na “pahaba nang pahaba ang listahan ng mga hamong kinakaharap ng daigdig subalit paikli naman nang paikli ang panahong ginugugol para lutasin ang mga ito.” Binanggit niya ang “mga panganib na kinatatakutan ng lahat ng bansa gaya ng terorismo, pagkasira ng kapaligiran at mabuway na ekonomiya.” Bilang konklusyon, sinabi ni Schwab: “Ngayon, higit kailanman, ang daigdig ay napapaharap sa mga pangyayaring nangangailangan ng pagtutulungan at mabibigat na pasiya.” Sa ika-21 siglong ito, nananatiling madilim ang kinabukasan ng sangkatauhan.
10 Nakatutuwang malaman na gumawa si Jehova ng isang kaayusang lulutas sa lahat ng problema ng sangkatauhan—ang Mesiyanikong Kaharian ng Diyos! Sa pamamagitan nito, ‘patitigilin ng Diyos ang mga digmaan’ at paiiralin ang ‘saganang kapayapaan.’ (Awit 46:9; 72:7) ‘Ililigtas ng pinahirang Haring si Jesu-Kristo ang dukha, ang napipighati, at ang maralita mula sa paniniil at mula sa karahasan.’ (Awit 72:12-14) Sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian, wala nang kakapusan sa pagkain. (Awit 72:16) ‘Papahirin ni Jehova ang bawat luha sa ating mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.’ (Apocalipsis 21:4) Naitatag na sa langit ang Kaharian at malapit na itong kumilos upang lutasin ang lahat ng problema sa lupa.—Daniel 2:44; Apocalipsis 11:15.
11, 12. (a) Nagdudulot ba ng namamalaging kaligayahan ang pagsisikap na matamo ang kaluguran? Ipaliwanag. (b) Ano ang nagdudulot ng tunay na kaligayahan?
11 Kabatiran sa kung ano ang nagdudulot ng tunay na kaligayahan. Ano nga ba ang nagdudulot ng tunay na kaligayahan? Sinabi ng isang sikologo na may tatlong sangkap daw ang kaligayahan—kaluguran, pakikibahagi (pakikibahagi sa mga gawain gaya ng trabaho at pamilya), at makabuluhang gawain (pagsisikap na maabot ang isang mas mahalagang tunguhin para sa iba). Sa tatlong binanggit, itinuring niyang di-gaanong mahalaga ang kaluguran at sinabi: “Kapansin-pansin ito dahil nakasentro ang buhay ng napakaraming tao sa pagtatamo ng kaluguran.” Ano kaya ang pangmalas ng Bibliya sa bagay na ito?
12 Sinabi ni Haring Solomon ng sinaunang Israel: “Ako nga ay nagsabi sa aking puso: ‘Pumarito ka ngayon, susubukan kita sa kasayahan. Gayundin, magtamasa ka ng kabutihan.’ At, narito! iyon din ay walang kabuluhan. Sinabi ko sa pagtawa: ‘Kabaliwan!’ at sa kasayahan: ‘Ano ang ginagawa nito?’ ” (Eclesiastes 2:1, 2) Ayon sa Kasulatan, anumang kaligayahang idinudulot ng kaluguran ay pansamantala lamang. Kumusta naman ang pakikibahagi sa gawain? Nakikibahagi tayo sa pinakamakabuluhang gawain—ang pangangaral ng Kaharian at paggawa ng mga alagad. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Kapag ibinabahagi natin sa iba ang mensahe ng kaligtasang ipinaliliwanag sa Bibliya, nakikibahagi tayo sa isang gawaing makapagliligtas sa atin at sa mga nakikinig sa atin. (1 Timoteo 4:16) Bilang “mga kamanggagawa ng Diyos,” nararanasan natin na ‘may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.’ (1 Corinto 3:9; Gawa 20:35) Dahil sa gawaing ito, nagiging mas makabuluhan ang ating buhay at nasasagot ng Maylalang ang kaniyang manunuya, si Satanas na Diyablo. (Kawikaan 27:11) Oo, ipinakikita sa atin ni Jehova na ang makadiyos na debosyon ay nagdudulot ng tunay at namamalaging kaligayahan.—1 Timoteo 4:8.
13. (a) Paano masasabing isang pagpapalang dapat ikagalak ang Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo? (b) Paano ka nakinabang sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo?
13 Isang mahalaga at mabisang programa ng pagsasanay. Si Gerhard ay naglilingkod bilang matanda sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Bilang paggunita sa kaniyang kabataan, sinabi niya: “Noong aking kabataan, problema ko talaga ang pagsasalita. Kapag tensiyonado ako, hindi ako makapagsalita nang malinaw at nauutal ako. Wala akong kumpiyansa sa sarili at nanlumo ako. Pinag-aral ako ng aking mga magulang ng isang kurso sa pagsasalita, pero wala ring nangyari sa kanilang pagsisikap. Ang problema ko ay ang aking pag-iisip at hindi ang sangkap ng aking pagsasalita. Gayunman, may isang napakagandang probisyon si Jehova—ang Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Nagkaroon ako ng lakas ng loob nang magpatala ako sa paaralang ito. Pinagsikapan kong mabuti na ikapit ang aking natututuhan. At naging mabisa ito! Naging matatas ang aking pagsasalita, hindi na ako nanlulumo, at lalong lumakas ang loob ko sa ministeryo. Nagbibigay pa nga ako ngayon ng mga pahayag pangmadla. Ang laki talaga ng pasasalamat ko kay Jehova, na bumago sa aking buhay sa pamamagitan ng paaralang ito.” Hindi ba’t isang dahilan ng kagalakan ang paraan ni Jehova ng pagsasanay sa atin upang maisagawa ang kaniyang gawain?
14, 15. Sa panahon ng pagkabalisa, anong tulong ang agad na makukuha? Ilarawan.
14 Personal na kaugnayan kay Jehova at suporta ng nagkakaisang kapatiran sa buong daigdig. Alalang-alala si Katrin, na taga-Alemanya, nang mabalitaan niya ang malakas na lindol at ang kasunod nitong tsunami sa timog-silangang Asia. Nasa Thailand noon ang kaniyang anak na babae nang maganap ang malagim na sakunang ito. Sa loob ng 32 oras, walang balita si Katrin kung buháy pa ang kaniyang anak o isa na ito sa parami nang paraming iniuulat na nasaktan o namatay. Nakahinga nang maluwag si Katrin nang sa wakas ay makatanggap siya ng tawag sa telepono na nagsasabing buháy ang kaniyang anak!
15 Ano ang nakatulong kay Katrin nang mga sandaling iyon ng pag-áalalá? Isinulat niya: “Halos wala akong ginawa kundi ang manalangin kay Jehova. Napansin kong paulit-ulit ako nitong binibigyan ng lakas at kapayapaan ng isip. Bukod diyan, dinalaw ako at inalalayan ng maiibiging espirituwal na mga kapatid.” (Filipos 4:6, 7) Malamang na hindi niya nakayanan ang mahihirap na sandaling iyon ng paghihintay kung hindi dahil sa pananalangin kay Jehova at sa pang-aaliw ng maibiging espirituwal na kapatiran! Ang malapít na kaugnayan kay Jehova at sa kaniyang Anak at ang matalik na pakikipagsamahan sa Kristiyanong kapatiran ay isang pambihirang pagpapala, na napakahalaga para ipagwalang-bahala.
16. Magbigay ng isang karanasang nagpapakita ng kahalagahan ng pag-asa sa pagkabuhay-muli.
16 Pag-asang makitang muli ang namatay na mga mahal sa buhay. (Juan 5:28, 29) Si Matthias ay pinalaking isang Saksi ni Jehova. Palibhasa’y walang pagpapahalaga sa kaniyang mga pagpapala, unti-unti siyang humiwalay sa kongregasyong Kristiyano noong tin-edyer siya. Isinulat niya sa ngayon: “Hindi kami kailanman nagkaroon ng masinsinang pag-uusap ni Itay. Sa nakalipas na mga taon, palagi kaming nagtatalo. Gayunman, gusto pa rin ni Itay na mapabuti ako. Mahal na mahal niya ako, ngunit hindi ko iyon nakita noon. Noong 1996, habang nakaupo ako sa tabi ng kama niya, hawak ang kaniyang kamay at buong-pagsisising umiiyak, humingi ako sa kaniya ng tawad sa lahat ng aking mga ginawa at sinabi kong mahal na mahal ko siya. Pero hindi na niya ako naririnig. Matapos ang sandaling pagkakasakit, namatay siya. Kung magkikita kami ni Itay matapos siyang buhaying muli, gagawin namin ang mga hindi namin nagawa noon. At tiyak na matutuwa siyang malaman na isa na akong elder ngayon at na kaming mag-asawa ay nagkapribilehiyong maglingkod bilang mga payunir.” Isa ngang malaking pagpapala sa atin ang pag-asa sa pagkabuhay-muli!
“Hindi Niya Iyon Dinaragdagan ng Kirot”
17. Paano tayo matutulungan ng pagbubulay-bulay sa mga pagpapala ni Jehova?
17 Tungkol sa kaniyang makalangit na Ama, sinabi ni Jesu-Kristo: “Pinasisikat niya ang kaniyang araw sa mga taong balakyot at sa mabubuti at nagpapaulan sa mga taong matuwid at sa mga di-matuwid.” (Mateo 5:45) Kung pinagpapala ng Diyos na Jehova kahit ang mga di-matuwid at mga balakyot, tiyak na mas pagpapalain niya ang mga lumalakad sa daan ng katapatan! “Si Jehova ay hindi magkakait ng anumang mabuti sa mga lumalakad sa kawalang-pagkukulang,” ang sinasabi sa Awit 84:11. Tiyak na malilipos ng pasasalamat at kagalakan ang ating puso kapag binubulay-bulay natin ang pantanging pangangalaga at pagmamalasakit na ipinakikita niya sa mga umiibig sa kaniya!
18. (a) Paano masasabing hindi dinaragdagan ni Jehova ng kirot ang kaniyang pagpapala? (b) Bakit maraming matapat sa Diyos ang nagdurusa?
18 “Ang pagpapala ni Jehova”—iyan ang dahilan ng espirituwal na kasaganaan ng kaniyang bayan. At makatitiyak tayong “hindi niya iyon dinaragdagan ng kirot.” (Kawikaan 10:22) Kung gayon, bakit sumasapit pa rin ang mga pagsubok sa maraming matapat sa Diyos, anupat nagdudulot sa kanila ng labis na paghihirap at pagdurusa? Ang mga problema at kabagabagan ay sumasapit sa atin sa tatlong pangunahing dahilan. (1) Ang ating sariling makasalanang hilig. (Genesis 6:5; 8:21; Santiago 1:14, 15) (2) Si Satanas at ang kaniyang mga demonyo. (Efeso 6:11, 12) (3) Ang napakasamang sanlibutan. (Juan 15:19) Bagaman pinahihintulutan ni Jehova na sumapit sa atin ang masasamang bagay, hindi sa kaniya nagmumula ang mga ito. Sa katunayan, “ang bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na regalo ay mula sa itaas, sapagkat bumababa ito mula sa Ama ng makalangit na mga liwanag.” (Santiago 1:17) Walang idinudulot na kirot ang mga pagpapala ni Jehova.
19. Ano ang naghihintay sa mga patuloy na lumalakad sa katapatan?
19 Ang pagtatamasa ng espirituwal na kasaganaan ay palaging may kaugnayan sa pagiging malapít sa Diyos. Kapag nagkaroon tayo ng matalik na kaugnayan sa kaniya, tayo ay ‘maingat na nag-iimbak para sa ating sarili ng isang mainam na pundasyon para sa hinaharap, upang makapanghawakan tayong mahigpit sa tunay na buhay’—buhay na walang hanggan. (1 Timoteo 6:12, 17-19) Sa darating na bagong sanlibutan ng Diyos, ang ating espirituwal na kayamanan ay lalakipan ng pisikal na mga pagpapala. Sa panahong iyon, ang tunay na buhay ay tatamasahin ng lahat ng ‘patuloy na nakikinig sa tinig ni Jehova.’ (Deuteronomio 28:2) Taglay ang matatag na determinasyon, patuloy sana tayong lumakad sa katapatan nang may kagalakan.
Ano ang Natutuhan Mo?
• Bakit hindi isang katalinuhan na maging labis na palaisip sa kinabukasan?
• Anu-anong pagpapala ang tinatamasa natin sa ngayon?
• Bakit nagdurusa ang mga matapat na lingkod ng Diyos?