KAALAMAN
Pangunahin na, ang kaalaman ay nangangahulugan ng kabatiran sa mga bagay-bagay na natamo sa pamamagitan ng personal na karanasan, pagmamasid, o pag-aaral. Masidhing pinasisigla ng Bibliya ang paghahangad at ang pag-iimbak ng tamang kaalaman, anupat inirerekomenda ito sa halip na ginto. (Kaw 8:10; 20:15) Idiniin ni Jesus ang kahalagahan ng tunay na pagkakilala sa kaniya at sa kaniyang Ama, at ang kaalaman ay paulit-ulit namang idiniriin sa mga aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan.—Ju 17:3; Fil 1:9; 2Pe 3:18.
Bukal ng Kaalaman. Ang totoo, si Jehova ang pangunahing Bukal ng kaalaman. Sabihin pa, ang buhay ay nagmula sa kaniya at mahalaga ang buhay sa pagtataglay ng isang tao ng anumang kaalaman. (Aw 36:9; Gaw 17:25, 28) Karagdagan pa, ang Diyos ang lumalang sa lahat ng bagay, kaya naman ang kaalaman ng tao ay nakabatay sa pag-aaral ng mga gawang-kamay ng Diyos. (Apo 4:11; Aw 19:1, 2) Kinasihan din ng Diyos ang kaniyang nasusulat na Salita, anupat mula rito ay matututuhan ng tao ang kalooban at mga layunin ng Diyos. (2Ti 3:16, 17) Samakatuwid, ang sentro ng lahat ng tunay na kaalaman ay si Jehova, at ang taong naghahangad nito ay dapat na magtaglay ng pagkatakot sa Diyos na tutulong sa kaniya na maging maingat upang hindi niya maranasan ang galit ni Jehova. Ang gayong pagkatakot ang pasimula ng kaalaman. (Kaw 1:7) Nakatutulong ang gayong makadiyos na takot sa isang tao na magtamo ng tumpak na kaalaman, samantalang yaong mga nagwawalang-bahala sa Diyos ay gumagawa ng maling mga konklusyon mula sa mga bagay na namamasdan nila.
Sa Bibliya, madalas na iniuugnay kay Jehova ang kaalaman, anupat tinatawag siyang “Diyos ng kaalaman” at inilalarawan siya bilang “sakdal sa kaalaman.”—1Sa 2:3; Job 36:4; 37:14, 16.
Gayon na lamang kahalaga ang papel na iniatas ni Jehova sa kaniyang Anak sa katuparan ng Kaniyang mga layunin anupat maaaring sabihin tungkol kay Jesus: “Maingat na nakakubli sa kaniya ang lahat ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman.” (Col 2:3) Malibang manampalataya ang isang tao kay Jesu-Kristo bilang Anak ng Diyos, hindi niya maiintindihan ang tunay na kahulugan ng Kasulatan at hindi niya makikita kung paano natutupad ang mga layunin ng Diyos kaayon ng inihula Niya.
Sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga salitang Hebreo at Griego na kadalasang isinasalin bilang “kaalaman,” at sa pamamagitan din ng pagbibigay-pansin sa kaugnayan ng kaalaman sa karunungan, unawa (understanding), kakayahang mag-isip, at kaunawaan (discernment), matutulungan ang isa na higit pang maunawaan ang kahulugan at ang kahalagahan ng kaalaman.
Kahulugan ng Termino. Sa Hebreong Kasulatan, maraming salita (mga pangngalan) na maaaring isalin bilang “kaalaman” ang nauugnay sa saligang pandiwa na ya·dhaʽʹ, na nangangahulugang “malaman,” “matalastas,” “makilala o maranasan,” o “maging makaranasan, dalubhasa.” Matitiyak sa pamamagitan ng konteksto ang eksaktong kahulugan ng mga ito, at kadalasan na, kung paano dapat isalin ang bawat salita. Halimbawa, sinabi ng Diyos na ‘kilala’ niya si Abraham at sa gayo’y nakatitiyak siya na uutusan nang wasto ng taong ito na may pananampalataya ang mga supling nito. Hindi lamang basta sinasabi ni Jehova na batid niyang umiiral si Abraham kundi, na lubusan Niyang kinilala si Abraham, sapagkat napagmasdan niya ang pagkamasunurin at interes ni Abraham sa tunay na pagsamba sa loob ng maraming taon.—Gen 18:19, NW, La; Gen 22:12; ihambing ang JEHOVA (Paggamit sa Pangalan Noong Sinaunang Panahon at ang Kahulugan Nito).
Gaya ng pandiwang ya·dhaʽʹ (malaman), ang pangunahing salitang Hebreo na isinasaling “kaalaman” (daʹʽath) ay may saligang ideya ng pagkaalam ng mga bagay-bagay o pagkakaroon ng impormasyon, ngunit kung minsan ay may higit pa itong kahulugan. Halimbawa, sinasabi ng Oseas 4:1, 6 na may panahon noon na sa Israel ay walang “kaalaman sa Diyos.” Hindi iyon nangangahulugang hindi alam ng bayan na si Jehova ang Diyos at na iniligtas at pinatnubayan niya ang mga Israelita noong nakalipas. (Os 8:2) Kundi, dahil sa kanilang landasin ng pamamaslang, pagnanakaw, at pangangalunya ay ipinakita nila na itinatakwil nila ang tunay na kaalaman dahil hindi sila kumikilos kaayon nito.—Os 4:2.
Kung minsan ang ya·dhaʽʹ ay tumutukoy sa seksuwal na pakikipagtalik, gaya sa Genesis 4:17, kung saan isinasalin ito nang literal ng ilang salin bilang “nakilala” (KJ; RS; Ro), samantalang angkop namang sinasabi ng iba na si Cain ay “nakipagtalik” sa kaniyang asawa. (AT; Mo; NW) Sa Mateo 1:25 at Lucas 1:34, ang pandiwang Griego na gi·noʹsko ay ginamit sa katulad na paraan.
Matapos kainin nina Adan at Eva ang ipinagbabawal na bunga (Gen 2:17; 3:5, 6), sinabi ni Jehova sa kasama niya sa paglalang (Ju 1:1-3): “Narito, ang tao ay naging tulad ng isa sa atin na nakakakilala ng mabuti at masama.” (Gen 3:22) Lumilitaw na hindi ito nangangahulugan ng basta pagkakilala ng kung ano ang mabuti at ng kung ano ang masama para sa kanila, sapagkat may gayon nang kaalaman ang unang lalaki at babae dahil sa mga utos ng Diyos sa kanila. Karagdagan pa, ang mga salita ng Diyos sa Genesis 3:22 ay hindi maaaring tumukoy sa pagkakilala nila ng kung ano ang masama sa pamamagitan ng karanasan, sapagkat sinabi ni Jehova na sila’y naging tulad niya at hindi naman niya nalaman kung ano ang masama sa pamamagitan ng pagsasagawa niyaon. (Aw 92:14, 15) Maliwanag, nakilala nina Adan at Eva kung ano ang mabuti at kung ano ang masama sa pantanging diwa na sila na ang nagpasiya sa kung ano ang mabuti at kung ano ang masama. Sa idolatrosong paraan ay mas itinaguyod nila ang kanilang kapasiyahan kaysa yaong sa Diyos, anupat naging masuwayin sila at ginawa nilang kautusan ang kanilang sarili, wika nga, sa halip na sumunod kay Jehova, na nagtataglay kapuwa ng karapatan at ng karunungan na kailangan upang matiyak ang mabuti at ang masama. Kaya, ang sarili nilang pagkakilala, o pamantayan, ng mabuti at masama ay hindi katulad ng kay Jehova. Sa halip, inakay sila nito sa kahapisan.—Jer 10:23.
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, may dalawang salita na karaniwang isinasalin bilang “kaalaman,” ang gnoʹsis at ang e·piʹgno·sis. Kapuwa nauugnay ang mga ito sa pandiwang gi·noʹsko, na nangangahulugang “malaman o makilala; maunawaan; mahiwatigan.” Gayunman, ipinakikita ng paggamit ng Bibliya sa pandiwang ito na maaari itong magpahiwatig ng isang kaayaayang kaugnayan sa pagitan ng isang persona at ng isa na “kilala” niya. (1Co 8:3; 2Ti 2:19) Ang kaalaman (gnoʹsis) ay ginagamit sa lubhang kaayaayang diwa sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Gayunpaman, hindi lahat ng matatawag ng mga tao na “kaalaman” ay dapat hangarin, dahil may mga pilosopiya at mga pangmalas na “may-kabulaanang tinatawag na ‘kaalaman.’” (1Ti 6:20) Ang inirerekomendang kaalaman ay yaong tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga layunin. (2Pe 1:5) Nagsasangkot ito ng higit pa sa basta pagkakaroon lamang ng mga impormasyon, na taglay rin naman ng maraming ateista; nagpapahiwatig ito ng personal na debosyon sa Diyos at kay Kristo. (Ju 17:3; 6:68, 69) Bagaman sa pagkakaroon ng kaalaman (mga impormasyon lamang) ay maaari nating madama na nakahihigit tayo sa iba, ang pagkakilala natin sa “pag-ibig ng Kristo na nakahihigit sa kaalaman,” samakatuwid nga, pagkakilala sa pag-ibig na ito sa pamamagitan ng karanasan dahil personal nating tinutularan ang kaniyang maibiging mga daan, ang magbabalanse at magbibigay ng kapaki-pakinabang na patnubay sa paggamit natin ng anumang impormasyon na natamo natin.—Efe 3:19.
Mula sa konteksto, ang e·piʹgno·sis, isang mas malalim na anyo ng gnoʹsis (e·piʹ, nangangahulugang “karagdagan”), ay kadalasang masusumpungang nangangahulugan ng “eksakto, tumpak, o lubos na kaalaman.” Kaya naman si Pablo ay sumulat tungkol sa ilan na nag-aaral (anupat kumukuha ng kaalaman) “gayunma’y hindi kailanman sumasapit sa tumpak na kaalaman [“totoong kaalaman,” TC; “personal na kaalaman,” Ro; “malinaw, lubos na kaalaman,” Da tlb] sa katotohanan.” (2Ti 3:6, 7) Ipinanalangin din niya na yaong mga nasa kongregasyon sa Colosas, na maliwanag na may kaalaman tungkol sa kalooban ng Diyos, dahil naging mga Kristiyano sila, ay ‘mapuspos nawa ng tumpak na kaalaman sa kaniyang kalooban na may buong karunungan at espirituwal na pagkaunawa.’ (Col 1:9) Dapat hangarin ng lahat ng mga Kristiyano ang gayong tumpak na kaalaman (Efe 1:15-17; Fil 1:9; 1Ti 2:3, 4), yamang mahalaga ito sa pagbibihis ng “bagong personalidad” at sa pagtatamo ng kapayapaan.—Col 3:10; 2Pe 1:2.
Mga Kaugnay na Katangian. Sa Bibliya, kalimitang iniuugnay ang kaalaman sa iba pang mga katangiang gaya ng karunungan, unawa, kaunawaan, at kakayahang mag-isip. (Kaw 2:1-6, 10, 11) Kapag nauunawaan ang pangunahing mga pagkakaiba ng mga ito, maraming teksto ang lubos na nagiging malinaw. Gayunman, dapat kilalanin na hindi masasabing ang orihinal na mga salitang nasasangkot ay may permanenteng katumbas na partikular na mga salitang Tagalog. Nakaaapekto sa diwa ang tagpo at ang pagkakagamit sa isang salita. Magkagayunman, may kawili-wiling mga pagkakaiba na masusumpungan kapag pinagtuunan ng isa ng pansin ang mga pagtukoy ng Bibliya sa kaalaman, karunungan, unawa, kaunawaan, at kakayahang mag-isip.
Karunungan. Ang karunungan ay ang kakayahang gamitin ang kaalaman, ang matalinong pagkakapit ng mga natutuhan. Maaaring ang isang tao ay nagtataglay ng maraming kaalaman ngunit hindi naman niya alam kung paano iyon gagamitin dahil sa kawalan ng karunungan. Iniugnay ni Jesus ang karunungan sa naisagawang bagay nang sabihin niya: “Ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng mga gawa nito.” (Mat 11:19) Mula sa Diyos, si Solomon ay humiling at tumanggap hindi lamang ng kaalaman kundi ng karunungan din. (2Cr 1:10; 1Ha 4:29-34) Nang iharap sa kaniya ang kaso ng dalawang babae na umaangkin sa iisang bata, may kaalaman si Solomon hinggil sa masidhing pagmamahal ng isang ina sa kaniyang anak. Nagpamalas siya ng karunungan nang gamitin niya ang kaniyang kaalaman upang lutasin ang usapin. (1Ha 3:16-28) “Karunungan ang pangunahing bagay,” sapagkat kung wala ito ay walang gaanong kabuluhan ang kaalaman. (Kaw 4:7; 15:2) Nananagana si Jehova kapuwa sa kaalaman at karunungan at inilalaan niya ang mga ito.—Ro 11:33; San 1:5.
Unawa. Ang unawa (understanding) ay ang kakayahang makita kung paano nauugnay sa isa’t isa ang mga bahagi o mga aspekto ng isang bagay, ang kakayahang makita ang kabuuan ng isang bagay at hindi lamang ang paisa-isang impormasyon. Ang pandiwang salitang-ugat na Hebreong bin ay may pangunahing kahulugan na “maihiwalay” o “makilala,” at kadalasan itong isinasalin bilang “maunawaan” o “mapag-unawa.” Nakakatulad ito ng Griegong sy·niʹe·mi. Kaya naman, sa Gawa 28:26 (kung saan sinisipi ang Isa 6:9, 10) ay maaaring sabihin na may narinig ang mga Judio ngunit hindi nila naunawaan ang mga iyon, o hindi nila napag-ugnay-ugnay ang mga iyon. Hindi nila naintindihan kung paano nagkakatugma-tugma ang mga punto o mga kaisipan upang magkaroon ng kahulugan para sa kanila. Nang sabihin ng Kawikaan 9:10 na “ang kaalaman sa Kabanal-banalan ay siyang pagkaunawa,” ipinakikita nito na ang tunay na pagkaunawa sa anumang bagay ay nagsasangkot ng pagkakilala sa kaugnayan niyaon sa Diyos at sa kaniyang mga layunin. Dahil nagagawa ng isang taong may unawa na iugnay ang bagong impormasyon sa mga bagay na dati na niyang alam, maaaring sabihin na “sa may-unawa ay madali ang kaalaman.” (Kaw 14:6) Magkaugnay ang kaalaman at ang unawa, at kapuwa dapat hangarin ang mga ito.—Kaw 2:5; 18:15.
Kaunawaan. Ang isang salitang Hebreo, tevu·nahʹ, na kadalasang isinasalin bilang “kaunawaan” (discernment) ay nauugnay sa salitang bi·nahʹ, na isinasaling “unawa.” Kapuwa lumilitaw ang mga ito sa Kawikaan 2:3, na isinasalin nang ganito sa salin ng The Jewish Publication Society: “Kung tatawag ka para sa unawa, at ilalakas mo ang iyong tinig para sa kaunawaan . . . ” Gaya sa unawa, sangkot sa kaunawaan ang pagkatalos o pagkakilala sa mga bagay-bagay, ngunit nagdiriin ito ng pagkilala sa mga bahagi, anupat tinitimbang o sinusuri ang isang bahagi sa liwanag ng iba pang mga bahagi. Kapag pinagsasama ng isang tao ang kaalaman at ang kaunawaan, kinokontrol niya ang kaniyang sinasabi at malamig ang kaniyang espiritu. (Kaw 17:27) Nagpapamalas naman ng kawalang-kaunawaan yaong sumasalansang kay Jehova. (Kaw 21:30) Sa pamamagitan ng kaniyang Anak, nagbibigay ng kaunawaan (lubos na unawa o kaunawaan [insight]) ang Diyos.—2Ti 2:1, 7, NW, NE.
Kakayahang mag-isip. Ang kaalaman ay nauugnay rin sa salita na kung minsan ay isinasalin bilang “kakayahang mag-isip” (sa Heb., mezim·mahʹ). Ang salitang Hebreo ay maaaring gamitin sa masamang diwa (buktot na mga ideya, mga pakana) o sa kaayaayang diwa (katalinuhan, katalasan ng isip). (Aw 10:2; Kaw 1:4) Samakatuwid, ang isip at mga kaisipan ay maaaring akayin tungo sa isang kapuri-puri, matuwid na tunguhin, o sa kabaligtaran nito. Sa masusing pagbibigay-pansin niya sa paraan ng pagsasagawa ni Jehova ng mga bagay-bagay at sa pagkikiling niya ng kaniyang mga tainga sa lahat ng iba’t ibang aspekto ng Kaniyang kalooban at mga layunin, iniingatan ng isang tao ang kaniyang sariling kakayahang mag-isip, anupat itinutuon iyon sa tamang mga landas. (Kaw 5:1, 2) Kapag ginamit nang wasto ng isang tao ang kaniyang kakayahang mag-isip, kaayon ng makadiyos na karunungan at kaalaman, iingatan siya nito na huwag masilo ng imoral na mga pang-akit.—Kaw 2:10-12.
Babala sa Pagtatamo ng Kaalaman. Maliwanag na tinutukoy ni Solomon ang kaalaman sa negatibong paraan nang sabihin niya: “Sapagkat sa saganang karunungan ay may saganang kaligaligan, anupat siya na nagpaparami ng kaalaman ay nagpaparami ng kirot.” (Ec 1:18) Waring salungat ito sa karaniwang pangmalas na masusumpungan ng isa sa Bibliya hinggil sa kaalaman. Gayunman, dito ay muling idiniriin ni Solomon ang kawalang-kabuluhan ng pagsisikap ng tao sa lahat ng bagay malibang may kaugnayan ang mga ito sa pagsasagawa ng mga utos ng Diyos. (Ec 1:13, 14) Samakatuwid, maaaring magtamo ang isang tao ng kaalaman at karunungan sa maraming larangan, o maaari pa nga niyang pag-aralan nang husto ang ilang larangan ng pagpapakadalubhasa, at maaaring ang gayong kaalaman at karunungan sa ganang sarili ay wasto naman, bagaman hindi tuwirang nauugnay sa ipinahayag na layunin ng Diyos. Gayunpaman, sa pagtataglay ng gayong karagdagang kaalaman at karunungan, maaaring higit na mabatid ng isang tao kung gaano kalimitado ang kaniyang mga pagkakataon na magamit ang kaniyang kaalaman at karunungan, dahil sa kaiklian ng kaniyang buhay at dahil sa mga suliranin at masasamang kalagayan na hinaharap niya at sumasalansang sa kaniya sa di-sakdal na lipunan ng tao. Nakasisiphayo ito, anupat nagdudulot ng masakit na damdamin ng pagkabigo. (Ihambing ang Ro 8:20-22; Ec 12:13, 14; tingnan ang ECLESIASTES.) Gayundin naman, ang kaalamang natamo sa pamamagitan ng ‘debosyon sa maraming aklat,’ malibang may kaugnayan at ginagamit sa pagsasagawa ng mga utos ng Diyos, ay “nakapanghihimagod sa laman.”—Ec 12:12.