Pagtatagumpay Laban sa Panlulumo
“ANG pinakamatinding naranasan ko,” ang pagtatapat ni Lola, “ay ang pagkadama ng kawalang-pag-asa yamang bilang isa sa mga lingkod ni Jehova, inakala kong hindi ako dapat makadama ng ganiyan.” Ang karaniwang maling paniwalang ito ay kadalasan ang unang kaaway na kailangang igupo ng isang nanlulumong Kristiyano. Isinusog pa ni Lola: “Minsang huminto ako sa ganiyang kaisipan at ipako ko ang aking isip sa paggaling, napalagay ako sa katayuan na madaig ang panlulumo.” Oo, ang panlulumo sa ganang sarili ay hindi dahilan na isipin mong binigo mo ang Diyos.
Gaya ng binanggit sa naunang artikulo, baka ang sanhi ng panlulumo ay nasa diperensiya ng katawan. Noong 1915, malaon pa bago nagkaroon ng pananaliksik ng maraming karamdaman ng katawan na iniuugnay sa panlulumo, ganito ang sabi ng The Watch Tower: “Ang ganitong kabigatan ng diwa, o pagkadama ng kalungkutan at panlulumo, ay natural paminsan-minsan sa lahat ng tao . . . [Ito ay] pinalulubha ng kalagayan ng kalusugan ng pangangatawan.” Kung gayon, kung sakaling hindi naaalis ang panlulumo, marahil ay makatutulong ang pagpapasuri sa isang doktor. Kung sakaling ang kalagayan ay labis na lumubha, baka ibig ng isa na siya’y magpagamot sa isang propesyonal na espesyalista sa panlulumo.a
Subalit kahit na kung ang sanhi ay hindi pisikal, hindi makatotohanan na asahang ang isa sa mga lingkod ng Diyos ay hindi kailanman malulungkot o masisiraan ng loob. Pag-isipan lamang kung papaanong ang tapat na si Ana ay ‘naghinagpis ang kaluluwa at tumangis na mainam.’ (1 Samuel 1:7, 10) Si Nehemias ay ‘umiyak at nanangis na ilang araw’ at nagkaroon ng “kalungkutan ng puso.” (Nehemias 1:4; 2:2) Hinamak ni Job ang kaniyang buhay at nadama niyang siya’y abandonado ng Diyos. (Job 10:1; 29:2, 4, 5) Sinabi ni Haring David na ang kaniyang diwa ay nanlulupaypay sa loob niya at ang kaniyang puso ay bagbag sa loob niya. (Awit 143:4) At binanggit ni apostol Pablo na siya’y may “pangamba sa loob niya” at kaniyang nadama na siya ay “pinabayaan” o “inilugmok.”—2 Corinto 4:9; 7:5, 6.
Bagaman lahat ng mga ito ay tapat na mga lingkod ng Diyos, sarisaring kahirapan, pangamba, o mapait na kabiguan ang sandaling nagbigay sa kanila ng kalungkutan. Gayunman, sila’y hindi naman pinabayaan ng Diyos ni binawi man sa kanila ang kaniyang banal na espiritu. Ang kanilang panlulumo ay hindi dahil sa espirituwal na pagkabigo. Nang panahon na si David ay nasa kalumbayan, siya’y nagsumamo sa panalangin: “Pagalakin mo ang kaluluwa ng iyong lingkod.” Inaliw ng Diyos si David sa gayong ‘araw ng kabagabagan’ at tinulungan siya, sa nararapat na panahon, upang magalak. (Awit 86:1, 4, 7) Ang kaniyang mga lingkod ay tutulungan din ngayon ni Jehova.
Yamang ang panlulumo ay hindi sa ganang sarili patotoo ng espirituwal na kakapusan o kahinaan ng isip, ang isang Kristiyanong may karamdaman nito ay hindi dapat patuloy na tumahimik dahilan sa siya’y nahihiya. Bagkus, siya’y dapat kumuha ng isa sa pinakamahalagang hakbang sa pagbaka sa karamdamang ito. Ano ba iyon?
Ipaalam sa Iba ang Iyong Damdamin
Siya’y dapat makipag-usap sa iba tungkol doon. Ang Kawikaan 12:25 ay nagsasabi: “Ang pagkabalisa sa puso ng isang tao ay nagpapayuko roon, ngunit ang mabuting salita ay nagpapagalak doon.” Walang sinumang tao ang makakaalam ng kalubhaan ng pagkabalisang nasa iyong puso maliban sa isiwalat mo ang iyong damdamin at makipag-usap ka tungkol doon. Sa pamamagitan ng pagtatapat niyaon sa isang taong madamayin na makatutulong sa iyo, malamang na mabatid mo na ang iba ay nagkaroon din ng ganoong mga damdamin at suliranin. At, ang pagsasalita tungkol sa iyong nadarama ay magpapagaling sa iyong karamdaman, sapagkat naluluwagan ang puso kung ipagtatapat mo sa iba ang masaklap na karanasang dinanas mo imbis na kuyumin iyon sa iyong kalooban. Samakatuwid, dapat na ang mga kaluluwang namamanglaw ay magtapat ng kanilang nadarama sa kani-kanilang asawa, sa magulang, o sa isang mahabagin at may gulang sa espirituwal na kaibigan.—Galacia 6:1.
Ang isang bahagi ng suliranin ni Marie (binanggit sa naunang artikulo) ay na kinuyom niya ang bumabagabag na damdamin at ito ang nagdulot sa kaniya ng panlulumo. “Sa nalakarang mga taon, ako ay nagkunwari nang gayon na lamang,” aniya. “Hindi kailanman aakalain ng iba na ako’y may gayong suliranin ng pakikitungo sa ganitong pagkadama ko ng kawalang-kabuluhan.” Ngunit ang kaniyang kinukuyom na damdamin ay ipinagtapat ni Marie sa isang matanda sa kongregasyon. Sa pamamagitan ng umuunawang mga katanungan ay ‘pinalutang’ ng matanda ang nakapaloob sa kaniyang puso na pagkabalisang taglay ni Marie at siya’y tinulungan na maunawaan nang lalong mahusay ang kaniyang sarili. (Kawikaan 20:5) Ang kaniyang maiinam na payo buhat sa Kasulatan ang nagbigay kay Marie ng muling pagtitiwala sa kaniyang sarili. “Unang-unang pagkakataon, ako’y binigyan ng tulong upang madaig ko ang mga ilang damdamin na sanhi ng aking panlulumo,” ang paliwanag ni Marie.
Kaya’t ang pakikipag-usap sa isang maunawaing matanda ay maaaring magsilbing espirituwal na nakarerepreskong “tubig” sa isang tao na ang “kaluluwa ay nakakatulad ng isang nakapapagod na lupain.” (Isaias 32:1, 2; Awit 143:6) Ang isang maunawaing espirituwal na tagapayo ay makatutulong pa nga sa iyo upang makita mo kung papaano ka makagagawa ng praktikal na mga hakbang sa pakikitungo sa dati’y itinuturing mo marahil na isang kalagayang wala nang pag-asa. (Kawikaan 24:6) Subalit higit pa ang kailangan kaysa pagtatapat lamang sa iba ng iyong suliranin.
Kilalanin ang Iyong Tunay na Halaga
Ang damdamin ng kawalang-halaga ay isang malaking bagay na dapat isaalang-alang sa panlulumo. Marahil dahil sa isang malungkot na panahon ng pagkabata, ang ibang mga Kristiyano ay may mababang pagkakilala sa kanilang sarili. Ngunit kahit na kung dahilan sa pisikal, emosyonal, o seksuwal na pagkaabuso noong nakaraan ay may naiwan na mga mapapait na alaala, ito’y hindi bumabago sa angking halaga ng isang tao. Sa gayon, kailangang magsikap ka na magkaroon ng isang timbang na pangmalas sa iyong tunay na halaga bilang isang tao. “Sasabihin ko sa bawat isa sa inyo,” ang sabi ni apostol Pablo, “na huwag tayahin ang kaniyang sarili na higit pa sa kaniyang tunay na halaga, kundi gumawa ng isang taimtim na pagtaya tungkol sa halaga ng kaniyang sarili.” (Roma 12:3, Charles B. Williams) Samantalang nag-iingat laban sa pagkaarogante, huwag ka namang tutungo sa kabilang dulo na kalabisan. Yaong mga may kaugnayan sa Diyos ay mahalaga, kanais-nais sa kaniya, sapagkat siya’y pumipili sa mga tao upang maging kaniyang “pantanging pag-aari.” Anong laking pribilehiyo!—Malakias 3:17; Hagai 2:7.
Gayundin, anong laking karangalan na maging “mga kamanggagawa ng Diyos” sa pamamagitan ng pakikibahagi sa gawaing Kristiyano na paggawa ng mga alagad. (1 Corinto 3:9; Mateo 28:19, 20) Nasumpungan ng maraming nanlulumong mga Kristiyano na ang gawaing ito’y tumutulong upang lumaki ang iyong halaga bilang isang indibiduwal. “Kahit na bago ako naging isang Kristiyano, naisip kong ako’y kapus na kapos,” inamin ni Marie. Gayunman, siya’y nagpatuloy pa rin sa gawaing pangangaral at isang araw kaniyang nakilala ang isang kabataang babae na may kapansanan sa utak na ibig na siya’y turuan ng Bibliya. “Kailangan niya ang isa na magiging matiyaga sa kaniya, yamang siya’y isang mabagal matuto,” ang sabi ni Marie. “Dahil sa malaking atensiyon ko ang napasakaniya, nakalimutan ko tuloy ang aking sarili at ang aking mga kakulangan. Siya’y nangangailangan ng aking tulong, at natanto ko na natutulungan ko siya sa tulong naman ng lakas ni Jehova. Nang makita kong siya’y nabautismuhan ay lalong tumibay ang aking loob na hindi ko maipaliwanag. Umunlad ang aking pagpapahalaga sa aking sarili, at ang malubhang panlulumo ay lubusan nang napawi.” Anong pagkatotoo nga na “ang isang saganang dumidilig sa iba ay saganang didiligin din”!—Kawikaan 11:25.
Gayunman, maraming mga taong nanlulumo ang tumutugon nang gaya ng isang babaing Kristiyano na dumaranas ng malubhang panlulumo, na umamin: “Bagaman ako’y puspusang nagtatrabaho upang maglinis at magluto at maging mapagpatuloy, inaatupag ko ang aking sarili at pinipintasan sa bawat kaliit-liitang kamalian.” Ang ganiyang walang katuwirang pamimintas sa sarili ay lubhang sumisira ng pagpapahalaga ng isa sa kaniyang sarili. Tandaan na ang ating Diyos ay maunawain at “hindi sa lahat ng panahon ay patuloy na humahanap ng ikapipintas.” (Awit 103:8-10, 14) Kung si Jehova, na may isang lalong mataas na sentido ng katuwiran kaysa atin, ay hindi tayo kinagagalitan sa bawat maliit na pagkakamali natin at kusang nagpapakita ng pagkamatiisin, hindi ba dapat naman na tularan natin siya sa pakikitungo sa ating sarili?
Lahat tayo ay may mga kapintasan at kahinaan. Ngunit, tayo’y mayroon din namang lakas para sa mga ibang bagay. Hindi inasahan ni apostol Pablo na siya’y may sukdulang kahusayan sa kaniyang sarili sa lahat ng kaniyang gawin. “Kahit na kung ako’y hindi magaling magsalita, tunay naman na hindi ako kapos sa kaalaman,” sinabi niya. Hindi nadama ni Pablo na siya’y kulang ng kakayahan dahil lamang sa hindi siya magaling magsalita sa publiko. (2 Corinto 11:6) Sa katulad na paraan, ang mga taong nanlulumo ay dapat magtutok ng kanilang pansin sa mga bagay na kanilang nagagawang mainam.
“Ang karunungan ay nasa mahihinhin,” o sa mga taong kumikilala at tumatanggap ng kanilang mga limitasyon. (Kawikaan 11:2) Bawat isa sa atin ay natatanging kaluluwa na may iba’t ibang kalagayan, pisikal na lakas, at mga kakayahan. Samantalang naglilingkod ka kay Jehova nang buong kaluluwa, na ginagawa mo ang iyong magagawa, siya ay nalulugod. (Marcos 12:30-33) Ang Diyos ay hindi isa na hindi nasisiyahan kailanman sa mga pagpapagal ng kaniyang tapat na mga mananamba. Si Leora, isang Kristiyanong nagtagumpay ng pagbaka sa kaniyang panlulumo, ay nagsabi: “Sa mga ilang bagay ay hindi ako simbuti ng iba sa paggawa ng ganoo’t ganito, tulad halimbawa ng mga presentasyon sa ministeryo sa larangan. Ngunit ako’y nagsusumikap. Ang aking ginagawa ay ang aking pinakamagaling.”
Pakikitungo sa mga Kamalian at mga Maling Pagkaunawa
Datapuwat, kumusta naman kung ikaw ay nakagawa ng isang malubhang kamalian? Marahil ang iyong damdamin ay nakakatulad ng kay Haring David, na ‘nagparoo’t parito sa buong maghapon na nalulungkot’ dahilan sa kaniyang mga pagkakamali, o pagkakasala. Ngunit ang ganitong pagkadama ng kasalanan ay maaaring patotoo na hindi ka naman lubhang napalayo at nakagawa ng isang kasalanang walang kapatawaran! (Awit 38:3-6, 8) Ang pagkadama ng pagkakasala ay maaaring magpakita na ang isang tao na nagkasala ay may pusong tapat at isang mabuting budhi. Kaya’t papaanong pakikitunguhan ang gayong pagkakasala? Bueno, ikaw ba ay nananalangin sa Diyos ng kapatawaran at gumawa ng mga hakbang upang maituwid ang pagkakamali? (2 Corinto 7:9-11) Kung gayon, ikaw ay sumampalataya sa awa na ipinakikita ng Isang nagpapatawad nang sagana, samantalang pinagtitibay mo sa iyong kalooban na huwag nang ulitin ang pagkakasala. (Isaias 55:7) Kung ikaw ay dinisiplina, ikaw ay huwag ‘manlulupaypay pagka ikaw ay itinutuwid, sapagkat ang iniibig ni Jehova ay kaniyang dinidisiplina.’ (Hebreo 12:5, 6) Ang ganiyang pagtutuwid ay may layunin na matulungan upang muling maibalik sa dati ang isang naligaw na tupa. Ito’y hindi nakababawas sa kaniyang halaga bilang isang tao.
Kahit na kung tayo’y hinahatulan ng ating sariling puso, huwag nating isipin na tayo’y hinatulan ni Jehova. “Patatagin natin ang ating mga puso sa harapan niya tungkol sa anumang doo’y hatulan tayo ng ating mga puso, sapagkat ang Diyos ay lalong dakila kaysa ating mga puso at nalalaman niya ang lahat ng bagay.” (1 Juan 3:19, 20) Nakikita ni Jehova ang higit pa kaysa sa ating mga kasalanan at mga pagkakamali. Batid niya ang mga dahilang nagpapagaan ng mga pagkakasala, ang tungkol sa ating buong pamumuhay, ating mga motibo at mga intensiyon. Dahilan sa lawak ng kaniyang kaalaman kaniyang nagagawang pakinggan nang may simpatiya ang ating taimtim na mga panalangin na tayo’y patawarin, gaya ng pagkadinig niya kay David.
Ang mga di-pagkakaunawaan sa pakikitungo sa iba at pagiging labis na nababahala tungkol sa pagkakaroon natin ng kanilang pagsang-ayon ay isa pa ring dahilan ng pag-urong ng pagpapahalaga sa sarili, marahil nagbibigay pa rin sa atin ng damdamin na tayo’y tinanggihan. Dahilan sa di-kasakdalan, ang isang kapuwa Kristiyano ay maaaring nakapagsalita sa iyo sa isang paraan na waring siya’y walang pakiramdam o may kalupitan. Gayunman, maraming di-pagkakaunawaan ang maaaring malunasan kung sasabihin mo sa isa kung papaano ka naapektuhan ng kaniyang sinabi. (Ihambing ang Mateo 5:23, 24.) Gayundin, si Solomon ay nagpayo: “Huwag ka rin namang makinig sa lahat ng mga salita na sinasalita ng mga tao.” Bakit? “Sapagkat madalas ding nalalaman ng iyong sariling puso na ikaw, samakatuwid nga’y ikaw, ay sumumpa rin sa mga iba.” (Eclesiastes 7:21, 22) Huwag kang maging di-makatotohanan at asahang ikaw ay sakdal o sakdal sa iyong mga pakikipag-ugnayan sa mga ibang di-sakdal na tao. Maging mabilis ka na magpatawad at matiisin sa iba.—Colosas 3:13.
Isa pa, ang tunay mong halaga ay hindi sinusukat unang-una ng kung ikaw ay iniibig ng iba o hindi. Si Kristo ay “itinuring . . . na walang halaga,” at siya ay ‘itinuring buhat [sa] pangmalas ng iba’ bilang may napakaliit na halaga. (Isaias 53:3; Zacarias 11:13) Ito ba’y bumago sa kaniyang tunay na halaga o sa kung papaano minahalaga siya ng Diyos? Hindi, sa dahilang kahit na kung tayo ay sakdal, tulad ni Jesus, hindi natin mapalulugdan ang lahat.
Lakas na Magtiis
Kung minsan, marahil ay nagpapatuloy ang malubhang panlulumo sa kabila ng ating pagsisikap na malunasan ito. Ang sakit ng damdamin ay maaari pang magtulak sa mga ilang Kristiyano na makadama ng gaya ng nadama ni Jonas: “Mabuti sa akin ang mamatay kaysa mabuhay.” (Jonas 4:1-3) Subalit, ang kaniyang kadalamhatian ay hindi naman nanatili. Kaniyang napagtagumpayan iyon. Kaya’t kung ang panlulumo ay nagtutulak sa iyo na waring ikaw ay hindi na makatatagal, alalahanin na iyon ay katulad ng kapighatian na sinabi ni Pablo na “pansamantala.” (2 Corinto 4:8, 9, 16-18) Iyon ay matatapos din! Walang kalagayan na salat sa pag-asa. Si Jehova ay nangangako na “bubuhayin ang puso niyaong mga nasa kadalamhatian.”—Isaias 57:15, Lamsa.
Huwag hihinto ng pananalangin, kahit na kung ang iyong mga panalangin ay waring hindi dinidinig. Si David ay nagsumamo: “Pakinggan mo, Oh Diyos, ang aking daing . . . pagka nanlupaypay ang aking puso. Patnubayan mo ako sa malaking bato na lalong mataas kaysa akin.” (Awit 61:1, 2) Papaano ba tayo pinapatnubayan ng Diyos upang magkaroon ng panloob na pagtitiwala na waring hindi natin maaabot kung sa ating sariling lakas? Si Eileen, na nakipagpunyagi sa panlulumo sa loob ng maraming taon, ay sumasagot: “Hindi ako tinulutan ni Jehova na sumuko. Ito’y nagbibigay sa akin ng pag-asa na kung ako’y patuloy na magsusumikap, siya naman ay patuloy na tutulong sa akin. Ang pagkaalam sa katotohanan ng Bibliya ay literal na tumulong sa akin upang ako’y manatiling buháy. Sa pamamagitan ng maraming iba’t ibang paraan—panalangin, ang ministeryo, mga pulong, ang mga publikasyon, pamilya, at mga kaibigan—si Jehova ay nagbigay sa akin ng lakas upang ako’y patuloy na magsumikap.”
Malasin ang panlulumo bilang isang pagsubok sa iyong pananampalataya. “Ikaw ay makapagtitiwala sa Diyos,” ang katiyakang ibinibigay sa atin ni apostol Pablo. “Hindi niya tutulutang ikaw ay masubok nang higit sa maaari mong matanggap. Subalit pagka ikaw ay sinubok, Siya’y magbibigay rin ng paraan upang iyong matiis iyon.” (1 Corinto 10:13, Beck) Oo, ikaw ay bibigyan ng Diyos ng “lakas na higit kaysa karaniwan” upang makaya mo ang anumang pagsubok sa iyong emosyon.—2 Corinto 4:7.
Isang Bagong Sanlibutan na Walang Panlulumo!
Ang Diyos ay nangako na kaylapit-lapit nang alisin niya, sa pamamagitan ng kaniyang makalangit na Kaharian, ang lahat ng mga kalagayan sa lupa na nakapanlulumo. Ang kaniyang Salita ay nagsasabi: “Ako’y lumilikha ng bagong langit at ng isang bagong lupa; at ang mga dating bagay ay hindi maaalaala, o mapapasa-puso man. Ngunit mangagsaya kayo, kayong mga tao, at mangagalak kayo magpakailanman sa aking nililikha.” (Isaias 65:17, 18) Ang mga salitang ito ay unang-unang natupad noong 537 B.C.E., nang panahon na ang sinaunang bansa ng Israel ay makabalik na sa kanilang sariling lupain. Ang kaniyang bayan noon ay umawit: “Kami’y nakatulad ng mga nananaginip. Nang panahong iyon ay napuno ang bibig namin ng pagtawa, at ang dila namin ng masayang awit.” (Awit 126:1, 2) Mas dakila ang malapit nang matupad na pangwakas na katuparan ng nakagagalak na hulang ito sa bagong sanlibutan ng Diyos!—2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:1-4.
Sa ilalim ng Kaharian ng Diyos (ang “mga bagong langit”), isang matuwid na lipunan ng mga tao sa lupa (ang “bagong lupa”) ang isasauli sa sakdal na emosyonal, pisikal, at espirituwal na kalusugan. Hindi sa bagay na ang mga ito ay hindi na makakaalaala pa ng lumipas, kundi dahil sa lahat ng nakalulugod na mga bagay na kanilang pag-iisipan sa panahong iyon at ikagagalak, hindi magkakaroon ng dahilan upang kanilang alalahanin pa o itutok ang kanilang kaisipan sa lahat ng malulungkot na karanasan noong lumipas. Gunigunihin, na uma-umaga ay magigising ka na taglay ang sinlinaw-kristal na pag-iisip, sabik na gumawa ng maghapong gawain—hindi na napipigil ng isang nanlulumong kalagayan!
Palibhasa’y lubusang kumbinsido sa katuparan ng pag-asang ito, si Lola (na binanggit na sa may pasimula), ay nagsabi: “Ang pagsasaalaala na ang Kaharian ni Jehova ang lulutas sa problemang ito ang nagsilbing pinakamalaking tulong sa akin. Batid ko na ang panlulumo ay hindi mananatili magpakailanman.” Oo, natitiyak mo na malapit nang pangyarihin ng Diyos ang lubos na pagtatagumpay sa panlulumo!
[Talababa]
a Tingnan ang “Attacking Major Depression—Professional Treatments” sa Oktubre 22, 1981, labas ng Awake!