Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Tsismis—Ano ang Pinsalang Nagagawa Nito?
“Ginugugol nila [na mga adolesente] . . . ang kanilang panahon sa pag-iistambay at pagtsitsismisan sa isa’t isa.”—Socrates, c. 400 B.C.E.
‘NARINIG mo na ba ang pinakahuling balita?’ ‘Alam mo ba?’ ‘Pakinggan mo ito!’ ‘Marunong ka bang mag-ingat ng lihim?’ Ang mga ito ay pawang karaniwang panimula sa pagpapasa ng pribado, kapana-panabik, o kahindik-hindik na balita pa nga tungkol sa iba—isang gawi na karaniwang tinatawag na pagtsitsismis.
Gaya noong kaarawan ni Socrates, ang mga kabataan ay mahilig pa rin sa gawing iyon, at tinatawag ng mga mananaliksik ang tsismis na isang pansansinukob na palatandaan na nakakaapekto sa lahat ng lahi, edad, at kultura. Aba, sang-ayon sa Journal of Communication, kahit na ang maliliit na bata ay nagtsitsismis, “halos mula sa panahon na sila ay nakapagsasalita at nakakakilala na sa iba.”
Ang pagtsitsismis ay kaugalian na ng mga babae lamang, tama? Mali! Sinuri ng mga mananaliksik na sina Levin at Arluke ang mga pag-uusap ng isang grupo ng mga estudyanteng lalaki at babae sa kolehiyo. Ang resulta? Ang mga lalaki ay mahilig din sa tsismis na gaya ng mga babae!
Bakit nga, kung gayon, nasusumpungan nating kawili-wili ang tsismis? May mabuting dahilan ba upang mag-ingat dito?
Tsismis—Mabuti, Masama, at Pangit
Ang tsismis ay walang saysay na usapan. Gayunman, walang salang ito’y nakatuon, hindi sa mga bagay, kundi sa mga kahinaan, kabiguan, tagumpay, at kasawian ng tao. Ang gayong usapan ay maaaring hindi naman nakapipinsala o masama. Tutal, likas lamang sa tao na maging interesado sa ibang tao. Tayo ay pinapayuhan pa nga ng Bibliya na ‘tingnan, hindi lamang ang inyong sariling kapakanan, kundi pati ang sariling kapakanan ng iba.’—Filipos 2:4.
Kaya, kung maingat na sinusupil, ang tsismis ay maaaring maging isang pagpapalitan lamang ng kapaki-pakinabang na impormasyon. Halimbawa, paano mo nalalaman na si Gng. Cruz ay maysakit at nangangailangang tulungan sa kaniyang pamimili, na ang iyong kaibigang si Juan ay nanlulumo dahil sa naalis siya sa kaniyang trabaho na ginagawa niya pagkatapos ng klase, o na ang inyong kapitbahay na si Sally ay lilipat? Sa pamamagitan ng pormal na patalastas? Hindi, karaniwan na, ang mga bagay na ito ay nalalaman sa pamamagitan ng di-pormal na pag-uusap—tsismis, kung gusto mo.
Ang orihinal na salitang Griego na ginamit sa Bibliya para sa “mga tsismosa” ay galing sa pandiwang nangangahulugan na “apawan ng mga salita.” (1 Timoteo 5:13; A Greek-English Lexicon, nina Liddell at Scott) Tayo’y napaalalahanan ng mga salita sa Kawikaan 10:19: “Sa karamihan ng salita ay hindi nagkukulang ng pagsalansang, ngunit siyang nagpipigil ng kaniyang mga labi ay gumagawang may kapantasan.” Ang ginintuang tuntunin sa pag-uusap ay nangangahulugan ng pag-iisip bago ka magsalita!
Ang guhit sa pagitan ng hindi nakapipinsala at nakapipinsalang tsismis ay maaaring napakanipis. Ang pagsasabing ‘Si Juan ay hindi na nagtatrabaho sa mall’ ay maaaring dagdagan ng ‘waring bang hindi mapirme si Juan sa trabaho’—isang paglalaro sa paninirang-puri! Kahit na ang mga pagsisikap na magsabi ng isang bagay na maganda tungkol sa iba ay kadalasang napipilipit. Ang pananalitang, ‘Si Judy ang pinakamatalinong estudyante sa klase,’ ay maaaring sundan ng, ‘Ngunit napansin mo ba kung paano siya manamit?’ At kadalasan, ang tsismis ay maaaring maging totoong pangit, ang gamit sa paghahatid ng nakasisirang-puring mga kasinungalingan at usap-usapan tungkol sa isa.
Negatibong Tsismis—Kung Bakit Nangyayari
Bakit, kung gayon, kadalasang nahihilig sa negatibong mga bagay ang tsismis? Sa isang bagay, ‘ang puso ay magdaraya,’ at ang usapang negatibo ay karaniwang nakasisiya sa ilang mapag-imbot na pangangailangan ng damdamin.—Jeremias 17:9.
“Nakadarama ka ng importansiya na mayroon kang nalalamang isang bagay na hindi alam ng iba,” sabi ng kabataang si Connie. At kadalasan nang ang “isang bagay” na iyon ay lubhang hindi magandang impormasyon tungkol sa iba. Inaakala naman ng iba na ang pagtatampok sa mga kapintasan at mga pagkakamali ng iba ay nagkukubli sa kanilang sariling mga kapintasan. At para naman sa iba, ang tsismis ay isang kagamitan upang itaguyod ang kanilang sariling popularidad. Sinisikap nilang alamin ang mga bagay-bagay upang sila ang unang makapagsabi nito sa iba. Upang tamasahin ang panandaliang pagiging bida, ibubunyag nila ang pagtitiwala ng kanilang matalik na kaibigan. Tandaan, ang taong nagkukuwento sa iyo tungkol sa iba ay karaniwang magsasalita sa iba tungkol sa iyo.
Ang tsismis ay maaaring gamitin bilang isang paraan upang ilabas ang galit, nasaktang damdamin, at paninibugho. Ang iba ay maaari pa ngang humabi ng kasinungalingan upang saktan ang isa na kinaiinisan nila. (Ihambing ang Kawikaan 26:28.) Sa gayon, ikinalat ng isang babae ang tsismis na ang isang kaklase ay nagdadalang-tao—mangyari kasi ang kaklase ay nakikipag-date sa isang lalaki na naiibigan din niya.
Kadalasan, ang negatibong tsismis ay hindi dahil sa masamang hangad kundi dahil sa kawalang-ingat. Sabi ng isang tin-edyer: “Kung minsan natatalos ko na ang sasabihin ko ay malamang na hindi naman 100% totoo, pero para ba itong nakasusugapa. Sinasabi ko ang mga bagay bago ko pa mapigilan ang aking sarili—at kadalasan ito ay pawang bumabalik sa akin sa dakong huli.”
Negatibong Tsismis—Isang Tabak na Dalawang-Talim
Anuman ang pangganyak nito, ang negatibong tsismis ay isang tabak na dalawang-talim. Sa isang panig, ito ay maaaring pagmulan ng di na maaayos na pinsala sa pangalan at reputasyon ng isang tao. Gaya ng sabi ng magasing ’Teen: “Kung ikaw ay magtsitsismis tungkol sa ibang tao, mamimintas, ibubunyag mo ang mga lihim, magpapakalabis o magsabi pa nga ng kasinungalingan, malamang na isinasapanganib mo o sinisira mo ang mga kaugnayan—at posibleng hinahadlangan mo rin ang bagong mga pagkakaibigan.” Gaya ng pagkakasabi rito ng Bibliya: “Ang nagtatakip ng pagsalansang ay humahanap ng pag-ibig, ngunit ang nagdadadaldal tungkol sa isang bagay ay naghihiwalay ng magkakaibigang matalik.”—Kawikaan 17:9; ihambing ang Kawikaan 16:28.
Sa kabilang panig, ang tsismis ay maaari ring tumalbog at pinsalain ang nagtsitsismis. Sa halip na mahikayat mo ang iba na makinig sa iyo, ang tsismis ay maaaring magbunga ng kawalan ng tiwala. “Siyang nagtsitsismis ay hindi mapagkakatiwalaan ng lihim,” sabi ng Kawikaan 11:13. (Today’s English Version) At ang isa na pinag-uusapan ay tiyak na hindi maliligayahan kung malaman niya na ang isang lihim ay ibinunyag o ang isang pagkakamali ay inihayag. “Ang tsismis ay nagdadala ng galit kung paanong ang hanging hilaga ay tiyak na naglalabas ng ulan,” sabi ng Kawikaan 25:23.—TEV.
Isinasapanganib din ng isa na naninira sa iba ang kaniyang kaugnayan sa Diyos. Karaniwang ang walang-ingat na pagsasalita ay katumbas ng paninirang-puri. At si Jehova ay nakikisama lamang sa isa na “hindi naninirang-puri ng kaniyang dila. Ni gumagawa man ng kasamaan sa kaniyang kasama.” (Awit 15:1, 3) Gayunman, kapag ikinalat natin ang isang walang katotohanang tsismis, maaari tayong aktuwal na nagiging bahagi ng isang kasinungalingan—isang bagay na kinapopootan ng Diyos na Jehova.—Kawikaan 6:16, 17.
Pag-iwas sa Silo ng Tsismis
Halos imposibleng ihinto ang pag-uusap tungkol sa ibang tao—nang lubusan sa paano man. Subalit maraming problema ang maaaring iwasan kung ikakapit mo ang ginintuang tuntunin: “Lahat ng bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, ganoon din ang gawin ninyo sa kanila.”—Mateo 7:12.
Nangangahulugan ito ng pagtangging makinig sa nakapipinsalang tsismis! “Huwag kang makisalamuha sa isa na nagbubuyo ng kaniyang mga labi,” payo ng Bibliya. (Kawikaan 20:19) Kung pakikinggan mo ang masama o nakapipinsalang usapan, kinukunsinti mo ito. Gaya ng pagkakasabi rito ng isang kabataang nagngangalang Rosalyn: ‘Pinasisigla lamang ng mga taong nakikinig sa tsismis ang mga tsismosa.’ Isa pa, nariyang lagi ang pagkakataon na masumpungan mong ang tsismis ay lubhang kawili-wili upang sarilinin at ikaw ay maging bahagi ng isang nakasasakit na kawing ng paninirang-puri.
Kaya sikapin mong ihinto ang negatibong usapan. Hindi naman ito nangangahulugan ng pagbibigay ng sermon tungkol sa mga kasamaan ng nakapipinsalang tsismis. Subalit maaari mong baguhin ang pinag-uusapan, dinadala ang usapan sa isang bagong direksiyon, o pagsasabi ng isang bagay na kapuri-puri tungkol sa isa na pinag-uusapan. Kung ang nakasasakit na usapan ay magpatuloy, kunin mo iyon bilang isang himaton na umalis sa gayong usapan.
Oo, ang isang bagay ay maaaring totoo—huwag nang banggitin pa na ito ay nakakikiliti at nakatutuwa, subalit kailangan bang sabihin ito? Ito kaya ay makasasakit ng damdamin, makasisirang-puri, makaiinsulto, o makahihiya? Sasabihin mo ba ito nang mukhaan sa isa? Ano kaya ang madarama mo kung may magsabi sa iyo nito? “Ang dila ng pantas ay gumagawa ng mabuti na may kaalaman,” sabi ng Kawikaan 15:2, “ngunit ang bibig ng mga mangmang ay nagbubugso ng kamangmangan.”
Kaya pigilin ang inyong labi. Sinasabing ang dakilang mga isip ay nagsasalita tungkol sa mga ideya, ang katamtamang mga isip ay nagsasalita tungkol sa mga bagay, at ang munting mga isip ay nagsasalita tungkol sa mga tao! Palawakin ang inyong usapan. Maraming bagay—pati na ang espirituwal na mga bagay—na mas mabuting pag-usapan kaysa walang saysay, nakasasakit na tsismis.a
[Talababa]
a Tatalakayin ng isang artikulo sa hinaharap ang pagiging biktima ng tsismis.
[Larawan sa pahina 18]
Ang nagtsitsismis ay kadalasang nasisiyahang maging tampulan ng pansin
[Larawan sa pahina 19]
Kung pakikinggan mo ang masama o nakapipinsalang usapan, kinukunsinti mo ito