Pagtatagumpay Laban sa Panlulumo
“SA PAMAMAGITAN ng bihasáng pamamatnubay ay makikipagdigma ka,” sabi ng Kawikaan 24:6. Ang kasanayan, hindi basta ang mabuting mga intensiyon, ang kinakailangan upang magtagumpay. Tiyak, kung nanlulumo, hindi mo gugustuhing pabayaan ang iyong sarili na lumala. Halimbawa, natuklasan sa isang pag-aaral noong 1984 sa mga taong nanlulumo na sinikap ng ilan na mapagtagumpayan ang kanilang panlulumo sa pamamagitan ng ‘pagbubunton ng kanilang galit sa ibang tao, binabawasan ang kanilang tensiyon sa pag-inom nang higit, pagkain nang higit, at pag-inom ng mas maraming gamot na pampakalma.’ Ang mga resulta: “higit na panlulumo at pisikal na mga sintomas.”
Ang ibang taong nanlulumo ay hindi humahanap ng bihasáng pamamatnubay sapagkat sila’y natatakot na sila’y ituring na mahina ang isip. Gayunman, ang malubhang panlulumo ay hindi isang tanda ng kahinaan ng isip ni ng espirituwal na kabiguan. Ipinakikita ng pananaliksik na ang grabeng karamdamang ito ay maaaring mangyari kung mayroong maling pagkilos ng mga kemikal sa utak. Yamang ito ay maaaring pangyarihin ng isang pisikal na karamdaman, kung ikaw ay matinding nanlumo nang mahigit sa dalawang linggo, maaaring kailanganin ang medikal na pagsusuri. Kung walang masumpungang pisikal na karamdaman na pinagmumulan ng problema, kadalasan nang ang karamdaman ay maaaring mapabuti sa pamamagitan ng pagbabago sa huwaran ng pag-iisip pati na ang ilang tulong na nakukuha sa angkop na paggagamot o mga nutriyente.a Ang pagtatagumpay laban sa panlulumo ay hindi nangangahulugan na hinding-hindi ka na muling susumpungin ng panlulumo. Ang kalungkutan ay bahagi ng buhay. Gayunman, ang may kahusayang pamamatnubay ng iyong mga hampas ay tutulong sa iyo na madaig na mas mabuti ang panlulumo.
Ang isang doktor ay kalimitan nang maghahatol sa iyo ng mga gamot laban sa panlulumo. Ito’y mga gamot na idinisenyo upang ayusin ang kemikal na di-pagkakatimbang. Ginamit ito ni Elizabeth, na nabanggit kanina, at sa loob lamang ng mga ilang linggo bumuti ang kaniyang kalagayan. “Gayunman, kailangan kong linangin ang isang positibong saloobin upang makatulong sa mga gamot,” sabi niya. “Sa tulong ng gamot, determinado akong gumaling. Pinanatili ko rin ang isang pang-araw-araw na programa ng ehersisyo.”
Gayunman, ang paggamit ng mga gamot laban sa panlulumo ay hindi laging matagumpay. Mayroon din itong masamang epekto sa iba. At kahit na kung maiwasto ang maling pagkilos ng kemikal, malibang maiwasto ang pag-iisip ng isa, maaaring bumalik ang panlulumo. Gayunman, malaking ginhawa ang maaaring maranasan sa pamamagitan ng kusang . . .
Pagsasabi ng Iyong mga Damdamin
Labis na ipinaghihinanakit ni Sarah ang isahang-panig na pasan ng mga pananagutang pampamilya na dinadala niya, gayundin ang panggigipit ng isang sekular na trabaho. (Tingnan ang pahina 7.) “Subalit basta kinuyom ko lamang ang aking mga damdamin,” sabi ni Sarah. “Pagkatapos isang gabi nang para bang wala na akong kapag-a-pag-asa, tinawagan ko sa telepono ang aking nakababatang kapatid na babae, at sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay ko, inihinga ko ang aking mga damdamin. Ito ang malaking pagbabago sa aking buhay, yamang ang pagtawag na iyon ay nagdulot ng ginhawa.”
Kaya, kung nanlulumo, humanap ng isang taong madamayin na maaari mong mapagtapatan. Ang isang ito ay maaaring isang kabiyak, matalik na kaibigan, kamag-anak, ministro, doktor, o isang sanáy na tagapayo. Isa sa pangunahing kailangan sa pagdaig sa panlulumo, sang-ayon sa isang pag-aaral na iniulat sa Journal of Marriage and the Family, ay ang “pagkakaroon ng makukuhang tumatangkilik na katulong na mababahaginan mo ng malalaking paghihirap sa buhay.”
Ang pagsasabi ng iyong mga nadarama ay isang paraan ng paggaling na humahadlang sa iyong isipan na sikaping itatuwa ang katotohanan ng problema o kawalan at, sa gayon, hindi ito nilulutas. Subalit ihinga mo ang tunay mong nadarama. Huwag mong hayaan na ang pagkadama ng maling pagmamalaki, ang pagnanais na magkaroon ng isang walang takot-sa-kagipitan na anyo, ang humadlang sa iyo. “Ang pagkabalisa sa puso ng isang tao ay nagpapayuko roon, ngunit ang mabuting salita ay nagpapagalak roon,” sabi ng Kawikaan 12:25. Gayunman, sa pagsasabi lamang sa iba saka nauunawaan ng iba ang iyong “pagkabalisa” at sa gayo’y maibibigay ang “mabuting salita” na iyon ng pampatibay-loob.
“Nais ko lamang ng simpatiya nang tawagan ko ang aking kapatid na babae, subalit higit pa ang aking nakuha,” gunita ni Sarah. “Tinulungan niya akong makita kung saan mali ang aking pag-iisip. Sinabi niya sa akin na labis-labis ang inilalagay kong pananagutan sa aking sarili. Bagaman sa simula ay ayaw kong marinig ito, nang simulan kong ikapit ang kaniyang payo, nadama ko na nawala ang napakalaking pasan na iyon.” Anong pagkatotoo nga ng mga salita ng Kawikaan 27:9: “Ang ungguento at insenso ay nagpapagalak sa puso, pati rin ang katamisan ng kaibigan ng isang tao nang dahil sa payo sa kaluluwa.”
May katamisan sa pagkakaroon ng isang kaibigan o kabiyak na prangka kung magsalita at tumutulong sa iyo na ilagay ang mga bagay-bagay sa wastong pangmalas. Ito ay maaaring tumulong sa iyo na ituon ang iyong isip sa isa lamang problema sa isang panahon. Kaya sa halip na maging depensibo, mahalin ang gayong “bihasáng pamamatnubay.” Baka kailanganin mo ang isa na, pagkaraan ng ilang pag-uusap, ay maaaring magbigay ng ilang panandaliang mga tunguhin na magpapahiwatig ng mga hakbang na maaari mong kunin upang baguhin o ayusin ang iyong kalagayan upang bawasan o alisin ang pinagmumulan ng emosyonal na paghihirap.b
Ang pakikipagbaka laban sa panlulumo ay karaniwang nangangailangan ng pakikipaglaban sa mga damdamin ng mababang pagpapahalaga-sa-sarili. Papaano may kahusayang mapaglalabanan ang mga ito?
Pagpupunyagi sa Mababang Pagpapahalaga-sa-Sarili
Halimbawa, si Maria, na ipinakikita ng naunang artikulo, ay nanlumo pagkatapos ng pakikipaglaban sa loob ng kaniyang pamilya. Siya’y naghinuha: ‘Ako’y teribleng tao at wala akong nagagawang anumang bagay na tama.’ Ito ay mali. Kung sinuri niya lamang ang kaniyang mga konklusyon, maaaring hinamon niya ang mga ito sa pangangatuwiran na: ‘May mga bagay akong nagagawa na tama at ang ilan ay mali, gaya ng ibang tao. Nakagawa ako ng ilang mga pagkakamali, at kailangan kong maging higit na maingat, ngunit huwag na natin itong palakihin.’ Ang gayong pangangatuwiran ay maaaring magpanatili sa kaniyang pagpapahalaga-sa-sarili.
Kaya kadalasan ang labis-labis na mapamintas na panloob na tinig na iyon na humahatol sa atin ay mali! Ang ilang tipikal na pilipit na mga kaisipan na nagbubunga ng panlulumo ay nakatala sa kalakip na kahon. Kilalanin ang gayong maling mga kaisipan at mental na hamunin ang katotohanan nito.
Isa pang biktima ng mababang pagpapahalaga-sa-sarili ay si Jean, isang 37-anyos na nagsosolong magulang. “Hirap na hirap ako sa pagpapalaki ng dalawang batang lalaki. Subalit kapag nakikita ko ang ibang nagsosolong mga magulang na nag-aasawa, naiisip ko, ‘Tiyak na may diperensiya ako,’” sabi niya. “Sa pagtutuon sa mga negatibong kaisipan lamang, ang mga ito ay lumaki nang lumaki, at ako ay naospital dahil sa panlulumo.”
“Paglabas ko ng ospital,” patuloy ni Jean, “nabasa ko sa Gumising! ng Pebrero 8, 1982, ang isang talaan ng ‘Mga Pag-iisip na Maaaring Humila sa Isa sa Panlulumo.’ Gabi-gabi ay binabasa ko ang talaang iyon. Ang ilan sa maling mga kaisipan ay, ‘Ang halaga ko bilang isang tao ay nakasalalay sa kung ano ang iniisip sa akin ng iba,’ ‘Hindi ako dapat masaktan; dapat ay lagi akong maligaya at mahinahon,’ ‘Dapat akong maging sakdal na magulang.’ Para bang ako’y nagiging perpeksiyunista, kaya pagka nag-iisip ako nang gayon, nananalangin ako kay Jehova na tulungan akong ihinto ang pag-iisip nang gayon. Natutuhan ko na ang negatibong pag-iisip ay humahantong sa mababang pagpapahalaga-sa-sarili, sapagkat ang nakikita mo lamang ay ang problema sa iyong buhay at hindi ang mabubuting bagay na ibinigay sa iyo ng Diyos. Sa pagpilit ko sa aking sarili na iwasan ang ilang di-wastong mga kaisipan, napagtagumpayan ko ang aking panlulumo.” Ang ilan ba sa iyong mga kaisipan ay kailangang hamunin o tanggihan?
Kasalanan Ko ba Ito?
Bagaman si Alexander ay lubhang nanlulumo, nakapagturo pa siya sa isang klase sa paaralan. (Tingnan ang pahina 3.) Nang ang ilan sa kaniyang mga mag-aaral ay bumagsak sa isang mahalagang pagsubok sa pagbabasa, nais na niyang magpakamatay. “Inakala niya na siya ay bigo,” sabi ni Esther, ang kaniyang asawa. “Sinabi ko sa kaniya na hindi niya kasalanan ito. Hindi ka maaaring magkaroon ng 100-porsiyentong tagumpay.” Gayunman, ang pagkadama niya ng labis na pagkakasala ay nagsara sa kaniyang isip at umakay sa kaniya sa pagpapatiwakal. Kadalasan, ang labis-labis na pagkadama ng kasalanan ay dala ng pag-akò sa isang di-makatotohanang pananagutan sa paggawi ng ibang tao.
Kahit na sa kaso ng isang bata, maaaring malakas na maimpluwensiya ng isang magulang ang kaniyang buhay ngunit hindi lubusang nasusupil ito. Kung may lumabas na hindi mabuti ayon sa plano mo, tanungin ang iyong sarili: Nakaharap ko ba ang di inaasahang mga pangyayari na hindi ko kaya? (Eclesiastes 9:11) Makatuwiran ko bang ginawa ang lahat ng aking magagawa sa pisikal, mental, at emosyonal na paraan? Hindi kaya napakataas ng aking mga inaasahan? Kailangan ko bang matutuhang maging higit na makatuwiran at mapagpakumbaba?—Filipos 4:5.
Subalit kumusta naman kung ikaw ay nakagawa ng isang maselan na pagkakamali, at ito’y kasalanan mo? Maitutuwid ba ng iyong patuloy na paghampas sa iyong sarili sa mental na paraan ang pagkakamali? Hindi ba ang Diyos ay handang magpatawad sa iyo, “nang sagana” pa nga, kung ikaw ay tunay na nagsisisi? (Isaias 55:7) Kung ang Diyos ay “hindi palaging humahanap ng pagkakamali,” dapat mo bang hatulan ang iyong sarili ng habang panahong pagpapahirap sa isip dahil sa gayong pagkakamali? (Awit 103:8-14) Hindi ang palaging kalungkutan kundi ang pagkuha ng positibong mga hakbang upang ‘ituwid ang mali’ ang siyang makalulugod sa Diyos na Jehova at babawasan din ang iyong panlulumo.—2 Corinto 7:8-11.
‘Kalimutan ang mga Bagay na Nakaraan’
Ang ilan sa ating emosyonal na mga problema ay maaaring nauugat sa nakaraan, lalo na kung tayo’y mga biktima ng di-makatuwirang pagtrato. Maging handang magpatawad at kalimutan iyon. ‘Hindi madali ang lumimot!’ maaaring isipin mo. Totoo, ngunit mas mabuti ito kaysa sirain ang natitira mong buhay sa pag-iisip ng kung ano ang hindi na maaaring ibalik.
“Kinalilimutan ang mga bagay na nasa likuran at tinatanaw ang mga bagay na hinaharap,” sulat ni apostol Pablo, “ako’y patuloy na nagsusumikap tungo sa pagkakamit ng gantimpala.” (Filipos 3:13, 14) Hindi ipinako ni Pablo ang kaniyang isip sa maling landasin na itinaguyod niya sa Judaismo, pati na ang pagsang-ayon pa nga niya sa pagpatay. (Gawa 8:1) Hindi, itinuon niya ang kaniyang lakas sa pagiging kuwalipikado sa gantimpala sa hinaharap na buhay na walang-hanggan. Natutuhan din ni Maria na huwag laging isipin ang nakaraan. Noong minsan sinisi niya ang kaniyang ina sa paraan ng pagpapalaki sa kaniya. Idiniin ng kaniyang ina ang kahusayan at pisikal na kagandahan; kaya, si Maria ay naging isang perpeksiyunista at mahilig manibugho sa kaniyang kaakit-akit na kapatid na babae.
“Ang pinagsasaligang panibughong ito ang siyang ugat ng mga away, at sinisi ko ang aking pamilya sa paraan ng aking pagkilos. Pagkatapos ay dumating ako sa punto kung saan naisip ko, ‘Ano nga ba ang kaibhan kung sino ang may sala?’ Marahil mayroon akong ilang masamang mga katangian dahilan sa paraan ng pagpapalaki sa akin ni Inay, ngunit ang punto ay gawan mo ito ng paraan! Huwag kang magpatuloy na kumilos nang gayon.” Ang kabatirang ito ay tumulong kay Maria na gumawa ng kinakailangang mga pagbabago ng isip upang magtagumpay laban sa panlulumo.—Kawikaan 14:30.
Ang Iyong Tunay na Halaga
Pagkatapos maisaalang-alang ang lahat ng mga salik, ang matagumpay na pakikipagbaka laban sa panlulumo ay nangangailangan ng isang timbang na pangmalas ng iyo mismong halaga. “Sinasabi ko sa bawat isa sa inyo,” sulat ni apostol Pablo, “na huwag tayahin ang kaniyang sarili nang higit sa kaniyang tunay na halaga, kundi gumawa ng mahinahong pagtantiya ng kaniyang sarili.” (Roma 12:3, Charles B. Williams) Ang maling pagmamataas, pagwawalang-bahala ng ating mga limitasyon, at perpeksiyunismo ay pawang labis na pagtantiya ng ating sarili. Ang mga hilig na ito ay dapat na labanan. Gayunman, iwasan ang pagtungo sa kabaligtaran.
Idiniin ni Jesu-Kristo ang halaga ng bawat isa sa kaniyang mga alagad sa pagsasabi: “Hindi baga ipinagbibili ang limang maya sa dalawang beles? Subalit isa man sa kanila ay hindi nalilimutan sa paningin ng Diyos. Datapuwat maging ang mga buhok ng inyong ulo ay pawang bilang na lahat. Huwag kayong matakot; kayo’y lalong mahalaga kaysa maraming maya.” (Lucas 12:6, 7) Gayon ang ating halaga sa Diyos anupa’t pinapansin niya kahit na ang kaliit-liitang detalye tungkol sa atin. Nalalaman niya ang mga bagay-bagay tungkol sa atin na hindi natin mismo nalalaman sapagkat siya ay lubhang nababahala sa bawat isa sa atin.—1 Pedro 5:7.
Ang pagkilala sa personal na interes ng Diyos sa kaniya ay nakatulong kay Sarah na mapasulong ang kaniyang mga damdamin ng pagpapahalaga-sa-sarili. “Sa tuwina’y nakadarama ako ng pamimitagan sa Maylikha, pagkatapos ay natalos ko na siya ay nagmamalasakit sa akin bilang isang tao. Anuman ang ginagawa ng aking mga anak, anuman ang ginagawa ng aking asawa, paano man ako pinalaki ng aking inay at itay, natalos ko na mayroon akong personal na kaugnayan kay Jehova. Pagkatapos ang aking pagpapahalaga-sa-sarili ay nagsimula ngang lumago.”
Yamang itinuturing ng Diyos na mahalaga ang kaniyang mga lingkod, ang ating halaga ay hindi nakasalalay sa pagsang-ayon ng ibang tao. Mangyari pa, ang pagtanggi ay hindi kaaya-aya. Subalit kung ginagamit natin na panukat ang pagsang-ayon o di pagsang-ayon ng iba upang sukatin ang atin mismong halaga, ginagawa natin ang ating sarili na madaling tablan ng panlulumo. Si Haring David, isang taong nakalulugod sa puso ng Diyos, ay minsang tinawag na isang “walang-kabuluhang tao,” sa literal, isang “taong walang halaga.” Gayunman, natanto ni David na ang tagabansag ay may problema, at hindi niya itinuring ang pananalitang iyon bilang isang pangwakas na paghatol sa kaniya mismong halaga. Sa katunayan, gaya ng malimit na ginagawa ng mga tao, si Semei ay humingi ng tawad nang dakong huli. Kahit na kung may di-makatarungang mamintas sa iyo, ituring mo na ito ay itinuon laban sa isang espisipikong bagay na ginawa mo, hindi sa iyong halaga bilang tao.—2 Samuel 16:7; 19:18, 19.
Ang personal na pag-aaral ni Sarah ng Bibliya at salig-Bibliyang literatura at pagdalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova ay tumulong sa kaniya na maglagay ng pundasyon para sa pakikipag-ugnayan sa Diyos. “Subalit ang aking nagbagong saloobin tungkol sa panalangin ang pinakamalaking tulong,” gunita ni Sarah. “Dati-rati’y inaakala ko na dapat lamang tayong manalangin sa Diyos tungkol sa malalaking bagay at huwag na natin siyang gambalain tungkol sa maliliit na mga problema. Ngayon nadarama kong maaari ko siyang kausapin tungkol sa anumang bagay. Kung ako’y nininerbiyos tungkol sa pagpapasiya, nananalangin ako sa kaniya na tulungan akong maging mahinahon at makatuwiran. Lalo pa nga akong naging malapit sa kaniya habang nakikita kong tinutugon niya ang aking mga panalangin at tinutulungan ako na makaraos sa bawat araw at sa bawat mahirap na kalagayan.”—1 Juan 5:14; Filipos 4:7.
Tunay, ang katiyakan na ang Diyos ay may personal na interes sa iyo, nauunawaan ang iyong mga limitasyon, at na bibigyan ka niya ng lakas upang maharap mo ang bawat araw ay siyang susi sa pakikipagbaka laban sa panlulumo. Gayunman, kung minsan, anuman ang gawin mo, namamalagi ang panlulumo.
‘Oras-Oras’ na Pagtitiis
“Sinubok ko na ang lahat ng bagay, pati na ang mga suplemento sa pagkain at mga gamot na laban sa panlulumo,” daíng ni Eileen, isang 47-anyos na ina na nakikipagpunyagi sa malubhang panlulumo sa loob ng maraming taon. “Natutuhan kong baguhin ang maling pag-iisip, at ito’y nakatulong sa akin na maging mas makatuwirang tao. Subalit nananatili pa rin ang panlulumo.”
Ang bagay na ang panlulumo ay namamalagi ay hindi nangangahulugan na hindi ka may pagkabihasang nakikipagbaka laban dito. Hindi nalalaman ng mga doktor ang lahat ng kasagutan sa paggamot sa sakit na ito. Sa ilang mga kalagayan ang panlulumo ay isang masamang epekto ng ilang gamot na ininom upang gamutin ang isang malubhang karamdaman. Kaya, ang paggamit ng gayong mga medisina ay isang kahalili dahilan sa maaaring pakinabang nito sa paggamot sa iba pang medikal na problema.
Mangyari pa, ang pagsasabi ng iyong mga damdamin sa ibang tao na nakakaunawa ay nakatutulong. Gayunman, wala nang iba pang tao ang talagang maaaring makaalam sa tindi ng iyong paghihirap. Subalit, nalalaman ng Diyos at siya ay tutulong. “Si Jehova ay nagbigay sa akin ng lakas upang ako’y patuloy na magsikap,” sabi ni Eileen. “Hindi niya ako pinabayaan, at binigyan niya ako ng pag-asa.”
Sa tulong ng Diyos, ng emosyonal na pagtangkilik mula sa iba, at ng iyo mismong pagsisikap, hindi ka matatabunan ng problema anupa’t ikaw ay susuko. Darating ang panahon mapakikibagayan mo rin ang panlulumo, kung paanong mapakikibagayan mo ang anumang talamak na karamdaman. Ang pagtitiis ay hindi madali, ngunit ito ay posible! Si Jean, na ang matinding panlulumo ay namalagi, ay nagsabi: “Hindi namin ito hinarap sa araw-araw lamang. Hinarap namin ito sa oras-oras.” Kapuwa kay Eileen at kay Jean, ang pag-asa na ipinangako sa Bibliya ang nakatulong sa kanila na magpatuloy. Ano ang pag-asang iyon?
Isang Mahalagang Pag-asa
Ang Bibliya ay bumabanggit ng isang panahon sa malapit na hinaharap kapag “papahirin (ng Diyos) ang bawat luha sa mga mata [ng sangkatauhan], at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.” (Apocalipsis 21:3, 4) Sa panahong iyon ang Kaharian ng Diyos ay magdadala ng ganap na pisikal at mental na pagpapagaling sa lahat ng makalupang mga sakop nito.—Awit 37:10, 11, 29.
Hindi lamang ang pisikal na kirot ang aalisin kundi maglalaho rin ang masakit na panlulumo at kalumbayan ng puso. Si Jehova ay nangangako: “Ang mga dating bagay ay hindi na maaalaala, o mapapasa-puso man. Ngunit mangagsaya kayo, kayong mga tao, at mangagalak kayo magpakailanman sa aking nililikha.” (Isaias 65:17, 18) Anong laking ginhawa nga sa sangkatauhan na maalis ang mga pasan ng nakaraan at magising sa bawat araw na may sinlinaw ng kristal na mga isipan, sabik na sabik na harapin ang gawain sa araw na iyon! Ang mga tao ay hindi hahadlangan ng malabong nanlulumong kalooban.
Dahil sa ‘wala nang kamatayan, dalamhati, o hirap,’ mawawala na rin ang pagkadama ng nakapanlulumong kawalan at pang-araw-araw na mga paghihirap ng damdamin na ngayo’y humahantong sa panlulumo. Yamang ang kagandahang-loob, katotohanan, at kapayapaan ang lalaganap sa mga pakikitungo ng tao sa isa’t isa, mawawala na ang mapait na mga labanan. (Awit 85:10, 11) Habang ang mga epekto ng kasalanan ay inaalis, anong laking kagalakan na sa wakas ay makasukat nang may kasakdalan sa pamantayan ng Diyos ng katuwiran at magkaroon ng ganap na kapayapaan sa loob natin mismo!
Ang kapana-panabik na pag-asang ito ay isang malaking pangganyak upang patuloy na makipagbaka, gaano man katindi ang panlulumo. Sapagkat sa bagong sanlibutan ng Diyos, ang pinasakdal na mga tao ay magtatamo ng ganap na tagumpay laban sa panlulumo. Anong buti nga ng balitang iyan!
[Mga talababa]
a Hindi iminumungkahi o itinataguyod ng Gumising! ang anumang anyo ng paggamot kundi ito’y nagbibigay ng pinakahuling impormasyon upang makatulong. Tingnan ang “Attacking Major Depression—Professional Treatments” sa aming labas ng Awake! ng Oktubre 22, 1981. Upang mapagtagumpayan ang kalungkutan, na lubhang kakaiba sa malubhang panlulumo, tingnan ang “How Can I Get Rid of the Blues?” sa labas ng aming magasing Awake! ng Oktubre 8, 1982.
b Ang katapatan-loob ng isang nanlulumo ay dapat na umiwas hindi lamang sa mga pananalitang humahatol na makadaragdag sa pagkadama ng isa ng pagkakasala at kawalang-halaga kundi umiwas din sa di-makatotohanang pag-asa. Ihaharap ng aming susunod na labas ang impormasyon kung paanong ang iba ay makatutulong sa mga nanlulumo.
[Kahon sa pahina 13]
Pilipit na mga Huwaran sa Pag-iisip
Lahat-o-walang iniisip: Nakikita mo ang mga bagay sa maliwanag na mga kategorya. Kapag nakikita mong hindi makaabot sa kasakdalan ang iyong ginawa, nakikita mo ang iyong sarili na isang ganap na bigo.
Labis na Panlalahat: Nakikita mo ang isang negatibong pangyayari bilang isang walang-wakas na huwaran ng pagkatalo. Halimbawa, pagkatapos ng isang pagtatalo sa isang kaibigan, maaari kang maghinuha: ‘Naiwawala ko ang lahat ng aking mga kaibigan. Walang lumalabas na tama para sa akin.’
Hinahadlangan ang positibo: Tinatanggihan mo ang positibong mga karanasan sa paggigiit na ang mga ito ay “hindi mahalaga” o “hindi ako karapat-dapat sa gayon.” Sa patuloy na pag-iisip sa isang negatibong detalye, ang iyong buong pangmalas ay dumidilim.
Agad-agad na naghihinuha: Ikaw ay di-makatuwirang naghihinuha na mayroong hindi nakakagusto sa iyo, at hindi ka man lang nag-abalang suriin ito. O ikaw ay lubusang kombinsido na ang mga bagay-bagay ay laging lumalabas na masama.
Pagpapalaki o pagpapaliit: Pinalalaki mo ang mga bagay (gaya ng iyo mismong pagkakamali o ang nagawa ng iba) o minamalit mo ang mga bagay hanggang sa ang mga ito ay para bang pagkaliit-liit (ang iyo mismong kanais-nais na mga katangian o ang mga di-kasakdalan ng iba). Ginagawa mong malaking sakuna ang karaniwang negatibong mga pangyayari.
Ginagawang personal: Nakikita mo ang iyong sarili bilang sanhi ng ilang negatibong panlabas na pangyayari na, sa totoo, wala ka namang pangunahing pananagutan.
Salig sa Feeling Good—The New Mood Therapy, ni David D. Burns, M.D.
[Larawan sa pahina 12]
Ang pagsasabi ng iyong mga damdamin sa isang nakikiramay na katapatang-loob ay maaaring maging isang paraan ng paggamot at maglaan ng malaking ginhawa
[Larawan sa pahina 15]
Itinuturing ng Diyos na mahalaga kahit na ang munting mga maya, lalo pa ngang pinahahalagahan tayo ng Diyos