Pigilin ang Iyong Galit!
“ANG mga taong magagalitin, at mapintasin ay makalimang ulit na malamang mamatay nang wala pang 50 taóng gulang kaysa mga taong mahinahon at mapagtiwala, ayon sa natuklasan ng isang sikayatrista.” Ganiyan ang ulat ng The New York Times ng Enero 17, 1989. Si Dr. Redford B. Williams, isang propesor sa Duke University Medical Center sa Durham, North Carolina, ay “sa maraming pag-aaral ibinatay ang kaniyang mga natuklasan.” Ang “mapagtiwalang mga puso ay may mas mahabang buhay, aniya, sapagkat sila’y naiingatan buhat sa mga kapinsalaan ng sympathetic nervous system,” ang pag-uulat ng Times.
Ang galit ay nakapagpapataas ng presyon ng dugo, nakalilikha ng mga suliranin sa paghinga, at nakapagdudulot ng iba pang masasamang epekto. Ang matinding galit ay nakasisira ng pag-andar ng isip, at ang epekto pagkatapos ay kadalasan ang labis na panlulumo ng isip. Masama rin naman ang mga epekto ng galit sa espirituwal na kalusugan ng isang tao. Hindi katakatakang sabihin ng Bibliya: “Ang pusong matiwasay ang buhay ng katawan.” (Kawikaan 14:30) Oo, makabubuti sa iyong kalusugan na pigilin ang iyong galit. Ngunit pansinin ang iba pang mga dahilan ng paggawa nang ganiyan.
Pagsikapang Matamo ang Karunungan
Sinumang nasa katinuan ng isip ay nagnanais kumilos nang may karunungan. Ang isang paraan ng paggawa nito ay ang pagpipigil-sa-sarili. Sa bagay na ito, ang Kawikaan 29:11 ay nagsasabi: “Inihihinga ng mangmang ang buong galit [espiritu] niya, ngunit ang marunong ay nagpapakahinahon hanggang sa wakas.”
Sa Bibliya ang salitang “espiritu” ay kalimitang tumutukoy sa dominanteng saloobin na nagpapakilos sa isang tao sa pagsunod sa isang landasin. “Inihihinga ng mangmang” ang buong galit [espiritu] niya, sapagkat hindi niya mapigilan iyon. Kaniyang hinahayaang sumiklab ang kaniyang galit na hindi na iniisip ang kahihinatnan. Ang espiritu sa loob ng isang taong mangmang ay maaaring una muna’y mag-udyok sa kaniya na magpakita na siya’y nagagalit. Pagkatapos ang kaniyang espiritu ay baka ibulalas niya sa pamamagitan ng marahas na mga salita at ng mga kilos na kamangmangan.
Subalit, ang taong marunong ay “nagpapakahinahon hanggang sa wakas” sa kaniyang espiritu. Kaniyang pinipigil ito at maingat na pinagtitimbang-timbang niya ang maaaring mangyari kung siya’y magbibigay-daan sa galit. Kahit na kung siya’y may mabuting dahilan na magalit, kaniyang natatalos na ang pabigla-biglang pagkilos samantalang nasa gayong kaisipan ng pagkagalit ay maaaring makapinsala nang malaki. Sa gayon, siya’y nagpipigil sa sarili at nagtitimpi buhat sa isang pabigla-bigla, walang patumanggang pagpapakita ng kaniyang galit. Siya’y kay Jehova umaasa ng tulong, kaipala’y bumibigkas ng isang madalian, tahimik na panalangin. Sa wakas, alang-alang sa lubos na kapakanan ng lahat na kasangkot, ang taong marunong ay nakapagpipigil ng kaniyang galit at nakapangangatuwiran nang malinaw kasuwato ng Kasulatan at ng kalooban ng Diyos. Bukod diyan, ang taong pantas ay nakatatalos na siya’y di-dapat magtanim ng galit sapagkat iyan ay baka magpatigas sa kaniyang kalooban upang gumawa nang may kamangmangang pagkilos at magkasala pa.
Ang taong marunong ay nagkakapit din ng payo ni apostol Pablo: “Kayo’y magalit, subalit huwag magkakasala; huwag lubugan ng araw ang inyong galit, ni bigyang-daan man ang Diyablo.” (Efeso 4:26, 27) Kung sakaling may katuwiran kayong magalit, huwag kayong manatiling nagagalit, na hinahayaang lubugan kayo ng araw sa ganiyang kalagayan. Bakit? Sapagkat sa ganoo’y inyong bibigyang-dako si Satanas na Diyablo upang kayo’y pagsamantalahan, posible na hikayatin kayo na gumawa ng isang bagay na masama at kayo’y hindi kalugdan ng Diyos. (Awit 37:8, 9) Bagkus, pigilin ang inyong galit at kumilos nang mabilis upang husayin ang mga di-pagkakaunawaan na marahil nagpagalit sa inyo.—Mateo 18:15-17.
Magpakalamig Ka ng Kalooban
Ang isa pang kawikaan ay nagsasabi: “Siyang nagtitipid ng kaniyang mga salita ay may kaalaman, at ang taong may unawa ay may malamig na kalooban [espiritu].” (Kawikaan 17:27) Ang isang taong may kaalaman sa Salita ng Diyos ay ‘nagtitipid ng kaniyang mga salita’ at hindi siya nagsasalita nang buong laya, walang patumangga, lalo na kung siya’y naliligalig. Siya’y palaisip sa kaniyang kaugnayan kay Jehova at sa kaniyang wastong dako sa organisasyon ng Diyos, hindi niya tutulutang daigin siya ng silakbo ng galit. Sa halip, “ang taong may unawa” ay nagsusumikap na manatiling may malamig na kalooban at timbang na kaisipan. Taglay ang gayong espiritu, ikaw man ay makapananaig sa mga kalagayan na magtutulak sa isang taong mangmang upang magkasala.
Kasuwato nito, ating mababasa: “Siyang mabagal sa pagkagalit ay may saganang pagkaunawa, ngunit siyang madaling magalit ay nagbubunyi ng kamangmangan.” (Kawikaan 14:29) Ang pagkamadaling magalit kapag napukaw ang damdamin ay maaaring humantong sa mga kilos na may kamangmangan. Anong higit na mabuti na pag-isipan ang maaaring ibunga ng walang patumanggang pagsasalita o paggawi! Kung hindi, ang isang tao ay baka kumilos nang padalus-dalos at gawin ang di-mabuti, sa gayo’y “nagbubunyi ng kamangmangan.” Kung gayon, ikaw ay ‘magmabagal sa pagkagalit,’ katulad ng Diyos, at iwasan mo ang padalus-dalos at may kamangmangang pagkilos.—Exodo 34:6.
Iwasan ang Kapalaluan
Dahilan sa kapalaluan, ang isang tao ay baka mawalan ng konsiderasyon sa iba at maging magagalitin pa man din. Kaya’t ating mababasa: “Ang taong magagalitin ay humihila ng alitan, at ang sinumang mainitin ang ulo ay maraming pagkakasala.” (Kawikaan 29:22) Kung hindi napipigil ng isang tao ang kaniyang galit kundi siya’y “magagalitin,” siya’y baka “humihila ng alitan,” kahit na sa gitna ng mga magkakaibigan. At ang isang taong “mainitin ang ulo ay maraming pagkakasala.” Oo, tiyak na siya’y magkakasala—isang bagay na ibig maiwasan ng isang marunong at maka-Diyos na tao.
Huwag kalilimutan na kinamumuhian ni Jehova ang kapalaluan at ang mapagmataas na mga silakbo ng galit. (Kawikaan 16:18) Higit na mabuti na humingi ng tulong sa Diyos na mapagtiisan ang isang pagsubok at kumilos na may kapakumbabaan kaysa padala sa may kapalaluang galit o kainitan ng ulo.—Kawikaan 29:23.
Kumilos na May Kahinahunan
Ang pagpapakumbaba ay kailangan kung sakaling ikaw ay pinangaralan ng isang taong may autoridad. Sa gayong pagkakataon, ano kaya ang maaaring unang nadama mo? Marahil ang tugunin iyon ng pangungusap na padalus-dalos, na pangit pakinggan. Ngunit ang Bibliya ay nagpapayo: “Kung ang espiritu ng isang pinunò ay bumangon laban sa iyo, huwag kang umalis sa iyong sariling dako, sapagkat ang pagkamahinahon ay humahadlang sa malalaking pagkakasala.” (Eclesiastes 10:4) Lalong higit na kapantasan ang tumugon na may kahinahunan! Totoo nga, “ang sagot, kung mahinahon, ay pumapawi ng poot.” (Kawikaan 15:1) Nangangailangan ng pagpipigil-sa-sarili ang pagkilos na may kahinahunan, ngunit ang ganitong pantas na hakbangin ang nakalulutas ng mga suliranin at tumutulong sa pagkakaroon ng mapayapang ugnayan.
Kung ikaw ang taong pinangaralan bagaman di-sana nararapat magkagayon, inaasahan na ang taong may autoridad ay papayag na ipaliwanag mo ang mga bagay-bagay. Siyempre, ang anumang pagpapaliwanag ay dapat na gawin nang may kahinahunan sa pag-asang ang isang kamalian ay maitutuwid. Ang taong may autoridad ay mangangailangan na pigilin ang kaniyang kalooban upang payagan ang gayong pagpapaliwanag, at ito’y magpapakita na siya’y may karunungan at lakas.
Ang isang Kristiyano man ay nasa puwesto na may autoridad o wala, tandaan niya na “siyang hindi pumipigil ng kaniyang sariling diwa [espiritu] ay parang bayang nabagsak, na walang kuta.” (Kawikaan 25:28) Ang isang taong hindi mahinahon at hindi nagpipigil ng kaniyang diwa ay maaaring mapasok ng di-nararapat na mga kaisipang hihila sa kaniya na gumawa ng mga maling hakbang. Si Jesu-Kristo, na siyang sakdal na halimbawa, ay “maamo [mahinahon] at mapagpakumbabang-puso.” (Mateo 11:29) Isa pa, ang kaamuan ay isang bunga ng banal na espiritu ng Diyos, na dapat hingin ng mga Kristiyano sa panalangin.—Lucas 11:13; Galacia 5:22, 23.
Bakit Dapat Pigilin ang Iyong Galit?
Tayo’y humahanga sa mahinahong mga pananalita, ngunit kadalasan hindi natin alam kung ano ang sanhi ng isang biglaang pagkagalit. Kung minsan, ang isang taong walang prinsipyo ay maaaring napangyari pa man din na maikubli ang kaniyang galit at ang kaniyang determinasyon na gumanti sa isang tao dahil sa isang tunay o sa isang guniguning pagkakasala sa kaniya! Sa tulong ng pagkukunwari, baka siya’y naghihintay ng pagkakataon na magsalita ng isang bagay na makapipinsala sa taong kaniyang kinamumuhian. Tunay, hindi dapat tulutan ng isang Kristiyano na umunlad sa kaniya ang ganiyang espiritu, sapagkat si apostol Juan ay sumulat: “Ang napopoot sa kaniyang kapatid ay nasa kadiliman at lumalakad sa kadiliman, at hindi niya nalalaman kung saan siya papunta, sapagkat binulag ng kadiliman ang kaniyang mga mata.” Sinabi rin ni Juan: “Sinumang napopoot sa kaniyang kapatid ay mamamatay-tao, at nalalaman ninyo na sinumang mamamatay-tao ay hindi pinananahanan ng buhay na walang-hanggan.”—1 Juan 2:11; 3:15.
Kung ang kapalaluan, pagpapaimbabaw, o anumang ibang likong pag-uugali ay naikukubli, ang ganiyang pagkukunwari ay hindi naililihim sa Diyos. Kahit na ang hayagang pag-aangkin o ang pagpapakita ng pagkamatuwid-ng-sarili ay hindi tutulong upang maikubli sa Diyos kung ano ang nasa puso. Ganito ang sabi ng Kawikaan 16:2: “Ang lahat ng lakad ng tao ay malinis sa harap ng kaniyang sariling mga mata, ngunit si Jehova ang tumitimbang sa espiritu.” Hindi kailanman malilinlang ang Diyos.
Para sa inyong sariling kabutihan at sa maka-Kasulatang mga dahilan na ating tinalakay, tayo, kung gayon, ay tumulad kay Jesus at sa iba pang mga taong marurunong na umiwas sa kapalaluan at kumilos na may kahinahunan. Sa lahat ng paraan, pigilin ang iyong galit!