“Ang Pagkatakot kay Jehova—Iyon ang Karunungan”
“ANG katapusan ng bagay, matapos marinig ang lahat, ay: Matakot ka sa tunay na Diyos at tuparin mo ang kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.” (Eclesiastes 12:13) Isa nga itong makahulugang konklusyon na sinabi ni Haring Solomon ng sinaunang Israel sa ilalim ng pagkasi ng Diyos! Naunawaan din ng patriyarkang si Job ang kahalagahan ng pagkatakot sa Diyos, dahil sinabi niya: “Narito! Ang pagkatakot kay Jehova—iyon ang karunungan, at ang paglayo sa kasamaan ay pagkaunawa.”—Job 28:28.
Lubhang pinahahalagahan ng Bibliya ang pagkatakot kay Jehova. Bakit isang landas ng karunungan ang paglilinang ng mapitagang pagkatakot sa Diyos? Paanong ang pagkatakot sa Diyos ay nagiging kapaki-pakinabang sa atin—bilang indibiduwal at bilang isang grupo ng tunay na mananamba? Sinasagot ng talata 26 hanggang 35 ng Kawikaan kabanata 14 ang mga tanong na ito.a
Pinagmumulan ng “Matibay na Pagtitiwala”
“Sa pagkatakot kay Jehova ay may matibay na pagtitiwala,” ang sabi ni Solomon, “at ang kaniyang mga anak ay magkakaroon ng kanlungan.” (Kawikaan 14:26) Ang pinagmumulan ng pagtitiwala ng isang taong may takot sa Diyos ay walang iba kundi ang Diyos na matapat at makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova. Hindi nga kataka-taka na maharap ng gayong tao ang anumang mangyayari taglay ang matibay na pagtitiwala! Ang kaniyang kinabukasan ay mahaba at kasiya-siya.
Subalit ano naman kaya ang masasabi sa kinabukasan ng mga nagtitiwala sa sanlibutan—sa mga pakana nito, mga organisasyon nito, mga ideolohiya nito, at mga materyal na bagay nito? Anumang kinabukasan ang inaasahan nila, ito’y maikli, sapagkat sinasabi ng Bibliya: “Ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” (1 Juan 2:17) Kung gayon, may dahilan pa ba tayo upang “ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay man na nasa sanlibutan”?—1 Juan 2:15.
Anong hakbangin ang maaaring sundin ng mga magulang na may takot sa Diyos upang makatiyak na “magkakaroon ng kanlungan” ang kanilang mga anak? “Halikayo, kayong mga anak, makinig kayo sa akin,” ang awit ng salmista, “ang pagkatakot kay Jehova ang ituturo ko sa inyo.” (Awit 34:11) Kapag ang mga anak ay tinuruang matakot sa Diyos sa pamamagitan ng halimbawa at tagubilin ng magulang, malamang na sila’y lálakíng may matibay na pagtitiwala kay Jehova.—Kawikaan 22:6.
“Ang pagkatakot kay Jehova ay balon ng buhay,” patuloy pa ni Solomon, “upang maglayo mula sa mga silo ng kamatayan.” (Kawikaan 14:27) Ang pagkatakot kay Jehova ay “balon ng buhay” sapagkat ang tunay na Diyos “ang bukal ng tubig na buháy.” (Jeremias 2:13) Ang pagkuha ng kaalaman kay Jehova at kay Jesu-Kristo ay maaaring mangahulugan ng buhay na walang hanggan para sa atin. (Juan 17:3) Nailalayo rin tayo mula sa mga silo ng kamatayan dahil sa pagkatakot sa Diyos. Paano? Ang Kawikaan 13:14 ay nagsasabi: “Ang kautusan ng marunong ay bukal ng buhay, upang ilayo ang isa mula sa mga silo ng kamatayan.” Kapag tayo’y natatakot kay Jehova, sumusunod sa kaniyang kautusan, at nagpapaakay sa kaniyang Salita, hindi ba’t naiingatan tayo mula sa nakapipinsalang mga gawain at damdamin na maaaring umakay sa maagang pagkamatay?
‘Kagayakan ng Hari’
Sa kalakhang bahagi ng kaniyang paghahari, si Solomon ay isang haring may takot sa Diyos na sumusunod kay Jehova. Nagbunga ito ng matagumpay na pamamahala. Paano masusukat ang tagumpay ng pamamahala ng isang hari? Ang Kawikaan 14:28 ay sumasagot: “Sa karamihan ng mga tao ay may kagayakan ang hari, ngunit ang kakulangan ng populasyon ang ikinababagsak ng mataas na opisyal.” Nasusukat ang tagumpay ng hari sa kalagayan ng kaniyang mga sakop. Kung nagugustuhan ng napakaraming tao na manatili sa ilalim ng kaniyang pamamahala, nagpapahiwatig ito na isa siyang mabuting hari. Si Solomon ay may “mga sakop sa dagat [na Pula] at dagat [Mediteraneo] at mula sa Ilog [Eufrates] hanggang sa mga dulo ng lupa.” (Awit 72:6-8) Kinakitaan ang kaniyang pamamahala ng walang-katulad na kapayapaan at kasaganaan. (1 Hari 4:24, 25) Naging matagumpay ang paghahari ni Solomon. Sa kabilang dako naman, ang kawalan ng pagsang-ayon ng mamamayan ay nagpapahiwatig ng kahihiyan ng isang mataas na opisyal.
Sa bagay na ito, ano ang masasabi tungkol sa kaluwalhatian ng Lalong Dakilang Solomon, ang Mesiyanikong Hari na si Jesu-Kristo? Isip-isipin na lamang ang kaniyang mga sakop kahit hanggang sa ngayon. Mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo, mahigit anim na milyong kalalakihan at kababaihang may takot sa Diyos ang nagpasiya nang mamuhay sa ilalim ng pamamahala ni Kristo. Nananampalataya sila kay Jesus at nagkakaisa sa tunay na pagsamba sa Diyos na buháy. (Juan 14:1) Sa dulo ng Milenyong Paghahari, lahat ng nasa alaala ng Diyos ay nabuhay nang muli. Sa panahong iyon, ang paraisong lupa ay mapupuno ng maliligaya at matuwid na mga tao na nagpakita ng pagpapahalaga sa kanilang Hari. Isa nga itong malaking patotoo sa tagumpay ng pamamahala ni Kristo! Manghawakan tayong mahigpit sa ating kamangha-manghang pag-asa sa Kaharian.
Espirituwal at Pisikal na mga Pakinabang
Ang mapitagang pagkatakot sa Diyos ay nagdudulot sa atin ng mahinahong puso at mapayapang isip. Totoo ito sapagkat kalakip sa maraming pitak ng karunungan ang mabuting pagpapasiya at kaunawaan. Ang Kawikaan 14:29 ay nagsasabi: “Siyang mabagal sa pagkagalit ay sagana sa kaunawaan, ngunit ang walang pagtitimpi ay nagtatanyag ng kamangmangan.” Ang kaunawaan ay tumutulong sa atin na mabatid na nakapipinsala sa ating espirituwalidad ang di-mapigil na galit. Ang “mga alitan, hidwaan, paninibugho, mga silakbo ng galit, mga pagtatalo” ay kabilang sa mga gawa na hahadlang sa atin na ‘magmana ng kaharian ng Diyos.’ (Galacia 5:19-21) Pinapayuhan tayo na huwag magkimkim ng kahit makatuwirang galit. (Efeso 4:26, 27) At ang pagiging mayamutin ay maaaring humantong sa mangmang na pananalita at pagkilos na pagsisisihan natin sa dakong huli.
Sa pagtukoy sa masasamang epekto ng galit, ang hari ng Israel ay nagsasabi: “Ang pusong mahinahon ay buhay ng katawan, ngunit ang paninibugho ay kabulukan ng mga buto.” (Kawikaan 14:30) Kabilang sa mga sakit na dulot ng galit at pagngangalit ay ang paninikip ng hininga, alta presyon, sakit sa atay, at masasamang epekto sa lapay. Isinama rin ng mga doktor ang galit at pagngangalit bilang mga emosyon na nagpapalala, o pinagmumulan pa nga, ng mga sakit na gaya ng ulser, tagulabay, hika, sakit sa balat, at problema sa panunaw. Sa kabilang dako naman, “ang mapayapang puso ay nagbibigay ng buhay sa katawan.” (Kawikaan 14:30, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Kung gayon, isang katalinuhan para sa atin na “itaguyod . . . ang mga bagay na nagdudulot ng kapayapaan at ang mga bagay na nakapagpapatibay sa isa’t isa.”—Roma 14:19.
Ang Pagkatakot sa Diyos ay Tumutulong sa Atin na Huwag Magtangi
“Siyang nandaraya sa maralita ay dumudusta sa kaniyang Maylikha,” ang sabi ni Solomon, “ngunit ang nagpapakita ng lingap sa dukha ay lumuluwalhati sa Kaniya.” (Kawikaan 14:31) Batid ng isang taong may takot sa Diyos na lahat ng tao ay may iisang Maylikha, ang Diyos na Jehova. Kung gayon, ang maralita ay isang kapuwa tao, at anumang pagtrato sa kaniya ay may epekto sa Maylalang ng sangkatauhan. Upang maluwalhati ang Diyos, dapat tayong maging makatuwiran at hindi nagtatangi sa pakikitungo sa iba. Ang mahirap na Kristiyano ay dapat tumanggap ng espirituwal na atensiyon nang walang pagtatangi. Dapat nating ipaabot sa mahihirap at sa mayayaman ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.
Sa pagtukoy sa isa pang kapakinabangan ng makadiyos na pagkatakot, ang marunong na hari ay nagsasabi: “Dahil sa kaniyang kasamaan ay ilulugmok ang balakyot, ngunit ang matuwid ay makasusumpong ng kanlungan sa kaniyang katapatan.” (Kawikaan 14:32) Paano ilulugmok ang balakyot? May nagsasabi na ito’y nangangahulugang hindi na siya makababawi kapag dumanas siya ng kalamidad. Sa kabilang dako naman, kapag may dumating na kapahamakan, ang taong may takot sa Diyos ay nanganganlong sa kaniyang katapatan sa Diyos. Palibhasa’y lubos ang pagtitiwala kay Jehova maging hanggang sa kamatayan, ipinakikita niya ang gayunding determinasyon na gaya ni Job, na nagsabi: “Hanggang sa pumanaw ako ay hindi ko aalisin sa akin ang aking katapatan!”—Job 27:5.
Upang makapanatiling tapat, kailangan ang makadiyos na pagkatakot at karunungan. At saan masusumpungan ang karunungan? “Sa puso ng isa na may-unawa ay nagpapahinga ang karunungan,” ang sagot ng Kawikaan 14:33, “at sa gitna ng mga hangal ay nahahayag ito.” Oo, masusumpungan ang karunungan sa puso ng isang taong may unawa. Gayunman, paano naman ito nahahayag sa gitna ng mga hangal? Ayon sa isang reperensiyang akda, “ang mangmang, sa kagustuhang magmukhang matalino ay agad na nagbubulalas ng sa tingin niya’y karunungan ngunit lumalabas na kamangmangan lamang pala.”
“Nagtatanyag sa Isang Bansa”
Sa paglilipat ng ating atensiyon mula sa kung paano naaapektuhan ng pagkatakot sa Diyos ang isang indibiduwal tungo sa kung paano nito naaapektuhan ang buong bansa, ang hari ng Israel ay nagsasabi: “Katuwiran ang nagtatanyag sa isang bansa, ngunit ang kasalanan ay kahiya-hiya sa mga liping pambansa.” (Kawikaan 14:34) Napakaliwanag nga ng pagkakalarawan sa simulaing ito sa nangyari sa bansang Israel! Dahil sa panghahawakan sa matataas na pamantayan ng Diyos, ang Israel ay natanyag noon sa palibot na mga bansa. Gayunman, ang paulit-ulit na pagsuway ay humantong sa kahihiyan at pagtatakwil ni Jehova sa Israel nang dakong huli. Ang simulaing ito ay kapit sa bayan ng Diyos sa ngayon. Naiiba sa sanlibutan ang kongregasyong Kristiyano dahil nanghahawakan ito sa matuwid na mga simulain ng Diyos. Gayunman, upang mapanatili ang tanyag na posisyong ito, bawat isa sa atin ay dapat mamuhay nang malinis. Ang pamimihasa sa kasalanan ay magdudulot lamang ng kahihiyan sa atin mismo at ng kadustaan sa kongregasyon at sa Diyos.
Hinggil naman sa kung ano ang nagdudulot ng kaluguran sa hari, sinasabi ni Solomon: “Ang kaluguran ng hari ay nasa lingkod na kumikilos nang may kaunawaan, ngunit ang kaniyang poot ay ukol sa kaniya na gumagawi nang kahiya-hiya.” (Kawikaan 14:35) At ganito naman ang sinasabi sa Kawikaan 16:13: “Ang mga labi ng katuwiran ay kalugud-lugod sa isang dakilang hari; at ang nagsasalita ng mga bagay na matuwid ay iniibig niya.” Oo, ang ating Lider at Hari, si Jesu-Kristo, ay lubos na nalulugod kapag tayo’y kumikilos nang matuwid at may kaunawaan at ginagamit natin ang ating mga labi sa gawaing pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad. Kung gayon, maging abala tayo sa gawaing iyan habang tinatamasa natin ang mga pagpapalang dulot ng pagkatakot sa tunay na Diyos.
[Talababa]
a Para sa pagtalakay sa Kawikaan 14:1-25, tingnan Ang Bantayan ng Nobyembre 15, 2004, pahina 26-9, at Hulyo 15, 2005, pahina 17-20.
[Larawan sa pahina 15]
Naituturo ang makadiyos na pagkatakot