Ikaw ba ay “Laging May Piging”?
“Ang lahat ng mga araw ng isang napipighati ay masama; ngunit ang may mabuting puso ay laging may piging.”—Kawikaan 15:15.
ANO’NG ibig sabihin ng mga salitang iyan? Tumutukoy iyan sa kalagayan ng isip at puso ng isa. Ang “isang napipighati” ay laging nag-iisip ng negatibo—isang pananaw na ‘nagpapasamâ,’ o nagpapalungkot sa kaniyang araw. Samantala, ang isa na “may mabuting puso” ay nagsisikap na laging maging positibo—isang saloobin na nagpapasaya sa kaniya, kung kaya para siyang “laging may piging.”
Tayong lahat ay may mga problemang nakapagpapalungkot sa atin. Pero may magagawa tayo para manatiling masaya kahit may problema. Tingnan ang sinasabi ng Bibliya.
Huwag hayaang mabigatan ka dahil sa pagkabalisa sa kinabukasan. Sinabi ni Jesu-Kristo: “Huwag mabahala sa kinabukasan; marami na itong ikinababahala sa ganang sarili. Huwag nang dagdagan pa ang problemang dala ng bawat araw.”—Mateo 6:34, Good News Translation.
Magpokus sa magagandang bagay na nangyayari sa iyo. Sa katunayan, kapag nalulungkot ka, puwede mong ilista ang magagandang bagay na iyon at pag-isipan ang mga iyon. Huwag mo na ring balik-balikan ang mga pagkakamali o masasamang bagay na nagawa mo. Matuto mula sa mga ito, at mag-move on. Gayahin mo ang isang drayber na tumitingin-tingin sa rearview mirror pero hindi nagpopokus doon. Tandaan din na “ang tunay na kapatawaran ay nasa [Diyos].”—Awit 130:4.
Kapag nabibigatan ka dahil sa mga kabalisahan, ipagtapat mo ito sa taong makapagpapasaya sa iyo. Ang “pagkabalisa” ay “magpapayukod [sa puso], ngunit ang mabuting salita ang siyang nagpapasaya nito,” ang sabi ng Kawikaan 12:25. Ang “mabuting salita” ay puwedeng manggaling sa isang kapamilya o pinagkakatiwalaang kaibigan—isa na hindi mapaghinala o negatibo kundi “umiibig sa lahat ng panahon.”—Kawikaan 17:17.
Ang matatalinong kasabihan sa Bibliya ay nakatulong sa marami na maging mas maligaya kahit may problema. Sana’y makatulong din sa iyo ang mahahalagang kasabihang ito.