Ang Pagkatakot sa Diyos—“Disiplinang Patungo sa Karunungan”
NAGSAAYOS ng malaking piging ang tunay na karunungan. “Isinugo nito ang kaniyang mga tagapaglingkod na babae, upang makatawag ito sa taluktok ng matataas na dako ng bayan: ‘Ang sinumang walang-karanasan, dumaan siya rito.’ Sa sinumang kapos ang puso—sinasabi niya rito: ‘Pumarito kayo, kumain kayo ng aking tinapay at makisama kayo sa pag-inom ng alak na aking tinimpla. Iwanan ninyo ang mga walang-karanasan at patuloy kayong mabuhay, at lumakad kayo nang tuwid sa daan ng pagkaunawa.’”—Kawikaan 9:1-6.
Hindi kailanman hahantong sa anumang masama o nakapipinsala ang pagkain sa piging na inihanda ng karunungan. Ang pakikinig sa makadiyos na karunungan na nasa kinasihang mga kawikaan at ang pagtanggap sa disiplina nito ay walang ibang idinudulot kundi kabutihan lamang. Ganiyan din ang masasabi sa matalinong mga kasabihan na nakaulat sa Kawikaan 15:16-33.a Ang pagsunod sa payo sa maiikling kasabihang ito ay makatutulong sa atin na maging kontento sa kung ano ang mayroon tayo, maging masulong, at masiyahan sa buhay. Ang paggawa nito ay tutulong din sa atin na gumawa ng mahuhusay na pasiya at makapanatili sa landas patungo sa buhay.
Kung Kailan Mas Mabuti ang Kaunti
“Mas mabuti ang kaunti na may pagkatakot kay Jehova kaysa sa saganang panustos na may kasamang kalituhan,” ang sabi ni Haring Solomon ng sinaunang Israel. (Kawikaan 15:16) Kamangmangan na ipagwalang-bahala ang Maylalang at gawing pangunahing tunguhin sa buhay ang pagkakamal ng materyal na mga ari-arian. Punô ng nakapanghihimagod na pagpapagal at matinding kabalisahan ang gayong buhay. Nakapanghihinayang nga kung sa panahon ng katandaan saka lamang matatanto ng isa na walang layunin at kabuluhan ang kaniyang naging paraan ng pamumuhay! Hindi talaga katalinuhan na magkamal ng maraming ari-arian na may kasamang “kalituhan.” Mas mabuti pa ngang matutuhan ang lihim ng pagkakontento at mamuhay ayon dito! Ang tunay na pagkakontento ay masusumpungan sa pagkatakot kay Jehova—sa ating kaugnayan sa kaniya—hindi sa materyal na mga ari-arian.—1 Timoteo 6:6-8.
Upang idiin na mas mahalaga ang mabuting kaugnayan sa iba kaysa sa materyal na kasaganaan, sinabi ni Solomon: “Mas mabuti ang pagkaing gulay na doon ay may pag-ibig kaysa sa pinatabang toro na may kasamang poot.” (Kawikaan 15:17) Oo, ang maibiging kapaligiran sa sambahayan ay mas kanais-nais kaysa sa sagana at masasarap na pagkain. Baka kakaunti ang ari-arian ng isang pamilyang may nagsosolong magulang. Sa ilang lupain, baka simpleng pagkain lamang ang maihahain ng isa. Gayunman, masaya ang pamilya kapag may pag-ibig at pagmamahal.
Kahit sa mga pamilyang karaniwan nang nangingibabaw ang pag-ibig, maaari pa ring bumangon ang mahirap na mga kalagayan. Baka may nasabi o nagawa ang isang miyembro ng pamilya na nakasakit sa iba. Paano dapat tumugon ang isa na nasaktan? Ganito ang sinasabi sa Kawikaan 15:18: “Ang taong nagngangalit ay pumupukaw ng pagtatalo, ngunit ang mabagal sa pagkagalit ay nagpapatahimik ng pag-aaway.” Hindi pagalit kundi mahinahong sagot ang nagtataguyod ng kapayapaan. Kapit din ang payo ng kawikaang ito sa iba pang aspekto ng buhay, kasali na ang mga gawain sa kongregasyon at pangmadlang ministeryo.
Kung Kailan ‘Patag ang Daan’
Itinatampok ng susunod na kawikaan ang pagkakaiba ng isa na nagbibigay-pansin sa karunungan at ng isa na hindi nagbibigay-pansin dito. “Ang daan ng tamad ay tulad ng bakod na matinik na palumpong,” ang sabi ng marunong na hari, “ngunit ang landas ng mga matuwid ay patag na daan.”—Kawikaan 15:19.
Naiisip ng taong tamad ang lahat ng uri ng hadlang at ginagawa niyang dahilan ang mga ito para hindi niya pasimulan ang isang gawain. Sa kabilang panig, hindi nababahala ang mga matuwid sa mga balakid na maaaring humadlang sa kanila. Masikap sila sa kanilang trabaho at nagbubuhos ng pansin sa kanilang atas. Kaya naman naiiwasan nila ang matinik na mga problemang posibleng napaharap sa kanila kung sila’y nagpabaya. “Patag” ang kanilang daan, samakatuwid nga, pasulong. Pinasisimulan nila ang kanilang gawain at nagsasaya sa pagsulong nito.
Gamitin nating halimbawa ang pagkuha ng tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos at ang pagsulong tungo sa pagkamaygulang. Kailangan ang pagsisikap. Baka sabihin agad ng isang tao na mababa ang kaniyang pinag-aralan, hindi siya mahusay magbasa, o mahina ang kaniyang memorya kaya hindi niya sinisikap na pag-aralang mabuti ang Bibliya. Kay-inam nga kung hindi iisiping hadlang sa pagkuha ng kaalaman ang gayong mga bagay! Kahit limitado lamang ang ating kakayahan, maaari tayong magsikap na pasulungin ang ating kasanayan sa pagbasa at pag-unawa sa ating binabasa, marahil ay ginagamit ang diksyunaryo kung kinakailangan. Tumutulong sa atin ang positibong saloobin upang makakuha ng kaalaman at sumulong sa espirituwal.
Kung Kailan ‘Nagsasaya ang Ama’
“Ang anak na marunong ay yaong nagpapasaya sa ama,” ang sabi ng hari ng Israel, “ngunit ang taong hangal ay humahamak sa kaniyang ina.” (Kawikaan 15:20) Hindi ba’t nagsasaya ang mga magulang kapag kumikilos nang may karunungan ang kanilang mga anak? Totoo, kailangang sanayin at disiplinahin ng mga magulang ang kanilang mga anak upang makamit ang gayong mabubuting resulta. (Kawikaan 22:6) Subalit masidhing kagalakan naman ang idinudulot ng isang marunong na anak sa kaniyang mga magulang! Gayunman, puro kapighatian ang idinudulot ng mangmang na anak.
Ginamit ng marunong na hari ang salitang “kasayahan” upang idiin ang isa pang punto nang sabihin niya: “Ang kamangmangan ay kasayahan niyaong kapos ang puso, ngunit ang taong may kaunawaan ay yumayaong deretso sa unahan.” (Kawikaan 15:21) Ang mga kapos ang puso ay nagsasaya sa walang-katuturang pagtawa at katuwaan na hindi naman nagdudulot ng tunay na kasiyahan o kaligayahan. Gayunman, nakikita ng taong may kaunawaan ang kamangmangan ng pagiging “maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.” (2 Timoteo 3:1, 4) Ang pagsunod sa makadiyos na mga simulain ay tumutulong sa kaniya na manatiling matuwid at huwag lumihis ng landas.
Kung Kailan “May Naisasagawa”
Ang pamumuhay kasuwato ng mga simulain ng Diyos ay nagdudulot ng pakinabang sa iba pang aspekto ng ating buhay. Ganito ang sinasabi sa Kawikaan 15:22: “Nabibigo ang mga plano kung saan walang matalik na usapan, ngunit sa karamihan ng mga tagapayo ay may naisasagawa.”
Ang matalik na usapan ay nangangahulugan ng pribado subalit prangkang komunikasyon ng mga indibiduwal. Ito ay hindi mababaw na pag-uusap kundi pagsasabi sa isa’t isa ng tunay na iniisip at nadarama ng mga nag-uusap. Kapag nag-uusap nang ganito ang mga mag-asawa gayundin ang mga magulang at mga anak, may kapayapaan at pagkakaisa sa gitna nila. Subalit daranas ng kabiguan at mga problema ang pamilya kung walang matalik na usapan.
Kapag gumagawa tayo ng mahahalagang desisyon, isang katalinuhang sundin ang payong ito: “Sa karamihan ng mga tagapayo ay may naisasagawa.” Halimbawa, kapag pumipili tayo ng paraan ng paggagamot, hindi ba’t katalinuhan na kumonsulta hindi lamang sa isa o dalawang doktor, lalo na kung seryosong mga isyu ang nasasangkot?
Sa pag-aasikaso sa espirituwal na mga bagay, napakahalaga rin ng pagkakaroon ng maraming tagapayo. Kapag nagsasanggunian ang mga elder at ikinakapit nila ang matalinong payo na kanilang napag-usapan, “may naisasagawa.” Bukod diyan, ang bago pa lamang naatasang mga tagapangasiwa ay hindi dapat mag-atubiling humingi ng payo sa mas matanda at mas makaranasang mga elder, lalo na kung mahirap na usapin ang kanilang inaasikaso.
Kung Kailan May “Kasayahan sa Sagot”
Ano ang mabuting idinudulot ng salitang binigkas nang may kaunawaan? “Ang tao ay may kasayahan sa sagot ng kaniyang bibig,” ang sabi ng hari ng Israel, “at ang salita sa tamang panahon, O anong buti!” (Kawikaan 15:23) Hindi ba’t nasisiyahan tayo kapag ang ating sagot o payo ay sinunod at mabuti ang naging resulta? Gayunman, upang maging mabisa ang ating payo, kailangang maabot nito ang dalawang kahilingan.
Una, ang payo ay dapat na matibay na nakasalig sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. (Awit 119:105; 2 Timoteo 3:16, 17) Ikalawa, dapat itong sabihin sa tamang panahon. Kahit tama ang payo natin, maaari itong makasakit kung sa maling panahon natin ito sasabihin. Halimbawa, hindi katalinuhan ni makatutulong man na payuhan ang isang tao nang hindi muna siya pinakikinggan. Napakahalaga ngang “maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita”!—Santiago 1:19.
“Ang Landas ng Buhay ay Paitaas”
Sinasabi sa Kawikaan 15:24: “Ang landas ng buhay ay paitaas sa isa na kumikilos nang may kaunawaan, upang makaiwas sa Sheol sa ibaba.” Ang taong kumikilos nang may kaunawaan ay nasa landas na palayo sa Sheol, ang karaniwang libingan ng sangkatauhan. Iniiwasan niya ang nakapipinsalang mga gawaing gaya ng imoral na pakikipagtalik, pag-abuso sa droga, at paglalasing—kaya naiiwasan niya ang maagang pagkamatay. Patungo sa buhay ang kaniyang landas.
Sa kabaligtaran, pansinin ang landasin ng mga walang kaunawaan: “Ang bahay ng mga palalo ay gigibain ni Jehova, ngunit itatatag niya ang hangganan ng babaing balo. Ang mga pakana ng masama ay karima-rimarim kay Jehova, ngunit ang kaiga-igayang mga pananalita ay malinis. Ang nagtitipon ng di-tapat na pakinabang ay nagdadala ng sumpa sa kaniyang sariling sambahayan, ngunit ang napopoot sa mga kaloob [suhol] ang siyang mananatiling buháy.”—Kawikaan 15:25-27.
Upang ipakita sa atin kung paano iiwasan ang isang karaniwang sanhi ng problema, ganito ang sinabi ng hari ng Israel: “Ang puso ng matuwid ay nagbubulay-bulay upang makasagot, ngunit ang bibig ng mga balakyot ay binubukalan ng masasamang bagay.” (Kawikaan 15:28) Totoong kapaki-pakinabang ang payo ng kawikaang ito! Ang walang katuturan at mangmang na sagot na basta na lamang bumubukal sa bibig ay bihirang magdulot ng anumang pakinabang. Kung isasaalang-alang natin ang iba’t ibang salik na nauugnay sa isang bagay, pati na ang mga kalagayan at damdamin ng iba, malamang na maiiwasan nating makapagsalita ng isang bagay na maaaring pagsisihan natin sa dakong huli.
Kaya naman, ano ang kapakinabangan ng pagkatakot sa Diyos at pagtanggap sa kaniyang disiplina? Sumasagot ang taong marunong: “Si Jehova ay malayo sa mga balakyot, ngunit ang panalangin ng mga matuwid ay dinirinig niya.” (Kawikaan 15:29) Hindi malapit ang tunay na Diyos sa mga balakyot. “Siyang naglalayo ng kaniyang tainga sa pakikinig sa kautusan,” ang sabi ng Bibliya, “maging ang kaniyang panalangin ay karima-rimarim.” (Kawikaan 28:9) Ang mga natatakot sa Diyos at nagsisikap gumawa ng tama sa kaniyang paningin ay malayang makalalapit sa kaniya, anupat lubusang nagtitiwala na pakikinggan niya sila.
Kung Ano ang “Nagpapasaya ng Puso”
Gumamit si Solomon ng nakapupukaw-kaisipang paghahambing nang sabihin niya: “Ang ningning ng mga mata ay nagpapasaya ng puso; ang mabuting ulat ay nagpapataba ng mga buto.” (Kawikaan 15:30) ‘Napapataba’ ang mga buto kapag punô ito ng utak sa buto. Napasisigla nito ang buong katawan at napasasaya ang puso. At ang kagalakan ng puso ay nakikita sa ningning ng mga mata. Gayon ang epekto ng mabuting ulat!
Hindi ba’t talagang napapatibay tayo ng mga ulat ng pagsulong sa buong daigdig may kaugnayan sa pagsamba kay Jehova? Kapag nababalitaan natin ang naisasakatuparan sa gawaing pangangaral hinggil sa Kaharian at paggawa ng mga alagad, talagang napasisigla tayo na higit pang makibahagi sa ministeryo. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Nag-uumapaw sa kagalakan ang ating puso kapag naririnig natin ang karanasan ng mga taong nagpasiyang maglingkod sa Diyos na Jehova at tanggapin ang tunay na pagsamba. Yamang gayon na lamang kalaki ang epekto ng “mabuting ulat mula sa malayong lupain,” napakahalaga nga na maging tapat sa paggawa ng tumpak na ulat ng ating ginagawa sa ministeryo!—Kawikaan 25:25.
“Bago ang Kaluwalhatian ay May Kapakumbabaan”
Bilang pagdiriin sa kahalagahan ng pagtanggap sa iba’t ibang uri ng disiplina, ganito ang sinabi ng marunong na hari: “Ang taingang nakikinig sa saway ng buhay ay tumatahan sa gitna mismo ng mga taong marurunong. Ang sinumang umiiwas sa disiplina ay nagtatakwil ng sarili niyang kaluluwa, ngunit ang nakikinig sa saway ay nagtatamo ng puso.” (Kawikaan 15:31, 32) Ang saway, o disiplina, ay tumatagos at nagpapabago sa puso ng isang tao, anupat nagbibigay sa kaniya ng matinong kaisipan. Hindi kataka-takang ito ang “pamalong pandisiplina” na nag-aalis sa ‘kamangmangan na nakatali sa puso ng bata’! (Kawikaan 22:15) Ang nakikinig sa disiplina ay nagtatamo rin ng puso, samakatuwid nga, ng mabuting motibo. Sa kabilang panig, ang umiiwas sa disiplina ay nagtatakwil sa buhay.
Oo, kapaki-pakinabang kung mapagpakumbabang tatanggapin ng isa ang disiplina ng karunungan. Ang paggawa nito ay nagdudulot, hindi lamang ng pagkakontento, pagsulong, kasiyahan, at tagumpay, kundi ng kaluwalhatian din at buhay. Ganito nagtapos ang Kawikaan 15:33: “Ang pagkatakot kay Jehova ay disiplinang patungo sa karunungan, at bago ang kaluwalhatian ay may kapakumbabaan.”
[Talababa]
a Para sa detalyadong pagtalakay sa Kawikaan 15:1-15, tingnan Ang Bantayan ng Hulyo 1, 2006, pahina 13-16.
[Larawan sa pahina 17]
Ang maibiging kapaligiran sa sambahayan ay mas kanais-nais kaysa sa sagana at masasarap na pagkain
[Larawan sa pahina 18]
Kahit na may mga limitasyon tayo, tumutulong sa atin ang positibong saloobin upang makakuha ng kaalaman
[Larawan sa pahina 19]
Ang matalik na usapan ay ang pagsasabi sa isa’t isa ng tunay na iniisip at nadarama ng mga nag-uusap
[Larawan sa pahina 20]
Alam mo ba kung paanong “ang mabuting ulat ay nagpapataba ng mga buto”?