Komunikasyon—Hindi Lamang sa Salita
GUNIGUNIHIN ang isang pangkat ng mga turistang nagmamasid sa isang kaakit-akit na kapaligiran. Bagaman iisang tanawin ang pinagmamasdan ng buong grupo, nagkakaiba-iba ang tingin doon ng bawat tao. Bakit? Sapagkat bawat indibiduwal ay may naiibang pagkamalas sa kaniyang nakikita. Walang dalawang tao ang nakatayo nang eksaktong-eksakto sa iisang lokasyon. Bukod sa riyan, hindi lahat ay nakatutok ang pansin sa kaparehong bahagi ng tanawin. Bawat tao ay may kaniyang sariling pagkamalas sa kung ano talaga ang kaakit-akit.
Ganiyan din kung tungkol sa pag-aasawa. Kahit na kung sila’y lubhang magkabagay, walang dalawang magkapareha ang may magkatulad na pangmalas sa mga bagay-bagay. Ang mag-asawa ay nagkakaiba sa mga bagay na gaya ng damdamin, karanasan sa pagkabata, at impluwensiya ng pamilya. Ang di-magkakatulad na pananaw na resulta ng binanggit na mga bagay ay maaaring pagmulan ng masaklap na alitan. Tahasang sinabi ni apostol Pablo: “Ang mga nag-aasawa ay daranas ng kahirapan at ng kadalamhatian.”—1 Corinto 7:28, The New English Bible.
Kasali sa komunikasyon ang pagsisikap na mapag-ugnay-ugnay ang mga pagkakaibang ito upang maging sangkap ng relasyong iisang-laman. Ito’y nangangailangan ng paglalaan ng panahon upang mag-usap. (Tingnan ang kahon sa pahina 7.) Subalit higit pa ang kasangkot.
Pagpapakita ng Matalinong Unawa
Ang isang kawikaan sa Bibliya ay nagsasabi: “Ang puso ng pantas ay nagtuturo sa kaniyang bibig upang magpakita ng unawa, at nagdaragdag ng katututuhan sa kaniyang mga labi.” (Kawikaan 16:23) Dito ang salitang Hebreo na isinaling ‘nagtuturo upang magpakita ng unawa’ ay talagang nangangahulugan ng pagpapakaingat, maingat na pinagtitimbang-timbang sa isip ang mga bagay-bagay. Samakatuwid, ang pinagtututukan ng pansin ng epektibong komunikasyon ay ang puso, hindi ang bibig. Ang isang taong mahusay sa komunikasyon ay dapat na hindi lamang mahusay sa pagsasalita; siya’y kailangang isang nakikiramay na tagapakinig. (Santiago 1:19) Kailangang mahalata niya ang damdamin at mga suliranin na nasa ilalim ng ikinikilos ng kaniyang kabiyak.—Kawikaan 20:5.
Sa papaano? Kung minsan magagawa ito sa pamamagitan ng pagmamasid sa mga kalagayan kaugnay ng isang alitan. Ang asawa mo ba ay dumaranas ng matinding emosyon o kaigtingan ng pangangatawan? May sakit ba ang iyong asawa na siyang dahilan ng kaniyang kasungitan? “Anong laking kagalakan na masumpungan ang tamang salita para sa tamang okasyon!” ang sabi ng Bibliya. (Kawikaan 15:23, Today’s English Version) Kaya ang pagsasaalang-alang ng mga kalagayan ay tutulong sa iyo na tumugon sa nararapat na paraan.—Kawikaan 25:11.
Gayunman, kadalasan na ang sanhi ng isang alitan ay nag-uugat sa mga bagay na hindi kaugnay sa kasalukuyang mga kalagayan.
Unawain ang Lumipas
Ang mga karanasan sa pagkabata ay malaki ang nagagawa sa paghubog ng ating kaisipan pagsapit ng pagkamaygulang. Palibhasa’y galing sa iba’t ibang pamilya, hindi maiiwasan ng mga mag-asawa ang nagkakasalungatang mga pananaw.
Isang pangyayari na nakaulat sa Bibliya ang nagbibigay ng isang halimbawa nito. Nang ang kaban ng tipan ay ibalik sa Jerusalem, si David ay hayagang nagpakita ng kaniyang kasiglahan. Subalit kumusta naman ang kaniyang asawang si Michal? Sinasabi ng Bibliya: “Si Michal, na anak ni Saul, ay tumanaw sa bintana at nakita si Haring David na naglululukso at nagsasasayaw sa harap ni Jehova; at siya’y kaniyang winalang kabuluhan sa kaniyang puso.”—2 Samuel 6:14-16.
Si Michal ay kinakitaan ng kawalang-pananampalataya kagaya ng kaniyang makasalanang ama, si Saul. Ang mga komentarista ng Bibliya na sina C. F. Keil at F. Delitzsch ay nagpapahiwatig na ito ang dahilan kung bakit si Michal ay tinutukoy sa talatang 16 bilang “anak ni Saul” sa halip na asawa ni David. Tunay, ang sumunod na alitan nila ay nagpapaliwanag na sina David at Michal ay hindi nagkakaisa ng paniniwala tungkol sa masayang okasyong ito.—2 Samuel 6:20-23.
Ipinakikita ng halimbawang ito na ang magdarayang impluwensiya ng kinalakhan ay maaaring maging dahilan ng magkaibang pananaw ng mag-asawa sa mga bagay-bagay. Ito’y totoo rin kahit na kapuwa sila nagkakaisang naglilingkod kay Jehova. Halimbawa, ang isang asawang babae na hindi nabigyan ng sapat na atensiyon nang siya’y bata ay maaaring makitaan ng pambihirang naisin na siya’y mahalin at bigyan ng kasiguruhan. Marahil ay pagtatakhan ito ng kaniyang asawa. “Makasandaang beses na sasabihin kong mahal ko siya,” marahil ay ibubulalas nito, “pero gayunman ay hindi pa rin sasapat iyon!”
Sa ganitong kaso, kailangan sa komunikasyon na “tinitingnan, hindi lamang ang inyong sariling kapakanan, kundi pati ang sariling kapakanan ng iba.” (Filipos 2:4) Upang magkaroon ng komunikasyon, kailangang malasin ng isang asawang lalaki ang kaniyang asawa buhat sa pananaw ng kaniyang nakalipas na mga karanasan, imbes na buhat sa kaniyang sariling pananaw. At, mangyari pa, ang isang babae ay dapat na mapakilos na gawin ang ganoon din para sa kaniyang asawa.—1 Corinto 10:24.
Pagka Inabuso Noong Nakalipas
Ang personal na interes ay lalo nang napakahalaga pagka ang isang kabiyak ay hinalay o ginawan ng seksuwal na pag-abuso nang siya’y isang bata—nakalulungkot sabihin, ito’y isang lumulubhang suliranin ngayon. Halimbawa, sa panahon ng pagtatalik ay maaaring hindi makilala ng isang asawang babae ang pagkakaiba ng kasalukuyan sa nakalipas, ng kaniyang kabiyak buhat sa nanghalay, o ng seksuwal na pagtatalik sa seksuwal na panghahalay. Ito’y nakasisiphayo, lalo na kung ang maselan na bagay na ito ay hindi isinasaalang-alang ng asawang lalaki buhat sa pananaw ng kaniyang asawa.—1 Pedro 3:8.
Samantalang hindi mo na mabubura ang nakalipas, ni lubusang mapagagaling ang mga epekto nito, malaki ang iyong magagawa upang aliwin ang isang kabiyak na nalulumbay. (Kawikaan 20:5) Papaano? “Kayong mga asawang lalaki sikaping maunawaan ang inyu-inyong asawa na kapiling ninyo,” isinulat ni Pedro. (1 Pedro 3:7, Phillips) Ang pag-unawa sa nakalipas ng iyong kabiyak ay isang mahalagang bahagi ng komunikasyon. Kung walang nakikiramay na pagkahabag, mawawalang kabuluhan ang iyong mga salita.
Si Jesus ay “nahabag sa kanila” nang kaharap niya ang mga maysakit, kahit na hindi siya personal na nakaranas ng kanilang mga sakit. (Mateo 14:14) Gayundin, maaaring hindi ka personal na nakaranas ng gayong pagpapabaya o pag-abuso di-gaya ng iyong asawang babae, subalit sa halip na sabihing hindi naman gaanong mahirap ang dinaranas niya, tanggapin mo ang kaniyang nakalipas, at siya’y alalayan mo. (Kawikaan 18:13) Sumulat si Pablo: “Tayo ngang malalakas ay dapat magbata ng kahinaan ng mahihina, at hindi ang ating sarili ang paluguran natin.”—Roma 15:1.
Nasilo ng Hinanakit
Ang pag-aasawa ay gaya ng isang sisidlang walang kasinghalaga. Pagka ito ay nasira dahil sa pangangalunya, nagkakaroon ng napakalaking pinsala. (Kawikaan 6:32) Totoo, kung ang pinagkasalahang kabiyak ay nagpasiyang magpatawad, baka malunasan pa ang pagkasira sa pamamagitan ng pagkakasundo. Ngunit naroon pa rin ang mga lamat, at pagka nagkaroon ng di-pagkakaunawaan, baka silipin din ang mga lamat na iyon at gamitin ang nakalipas bilang isang armas.
Ang paghihinanakit ay isang pangkaraniwang tugon sa pagtataksil ng isang kabiyak. Subalit kung pinatawad mo na ang iyong kabiyak, magpakaingat na huwag hayaang ang isang nakatanim pang galit ang magpawalang-saysay sa kabutihang nakamit dahil sa pagpapatawad. Tahimik man na mag-apoy iyon sa iyong kalooban o walang-awang pinakawalan, ang pagpapatuloy ng paghihinanakit ay pumipinsala sa kapuwa mag-asawa. Bakit? Isang doktora ang nagsabi: “Kung nadarama mong sinasaktan ka ng iyong asawa, ang dahilan ay may pagtingin ka pa sa kaniya. Kaya sa pag-urong o sa paghahangad na makaganti, hindi lamang sinusugatan mo ang iyong kabiyak kundi ipinahahamak mo ang iyong sarili. Patuloy na kinakalas mo ang ugnayan na ibig mo sanang mabuo uli.”
Oo, talagang hindi mo malulunasan ang di-pagkakaunawaan ninyong mag-asawa kung hindi mo pipigilin ang iyong galit. Kung gayon, sa panahon na hindi ka nagagalit, pag-usapan ninyong mag-asawa ang inyong mga nararamdaman. Ipaliwanag kung bakit ka nasasaktan, kung ano ang kailangan mo upang magkaroon ng kasiguruhan, at kung ano ang gagawin mo upang magpatuloy ang inyong pagsasama. Huwag gamitin ang nakalipas na parang isang armas upang magtamo ng isang matatag na puwesto sa isang argumento.
Ang Pagkasugapa ay Sumisira sa Komunikasyon
Ang pag-aasawa ay dumaranas ng matinding suliranin pagka ang isang kabiyak ay nag-aabuso sa alak o mga droga. Ang hindi sugapang kabiyak ay maaaring nasa katayuan na katulad ng kay Abigail, ayon sa pagkaulat sa Bibliya. Samantalang ang asawa niyang si Nabal “ay sukdulan ang pagkalasing,” si Abigail ay nagsisikap na mabaligtad ang kahihinatnan ng kaniyang kahangalan. (1 Samuel 25:18-31, 36) Ang mga pag-aasawa na ang isang kabiyak ay naliligalig dahil sa pagkasugapa at ang isa naman ay nasasangkot sa mga pagtatangkang baguhin ang paggawi ng sugapa ay malimit na nahahawig sa sambahayan nina Nabal at Abigail.a
Mauunawaan, malaking ginhawa ang naidudulot pagka nagsimula nang gumaling ang isang sugapa. Subalit ito ay pasimula lamang. Gunigunihin ang isang malakas na bagyong sumasalanta sa isang munting bayan. Nagigiba ang mga bahay, natutumba ang mga punungkahoy, bumabagsak ang mga linya ng telepono. Kaylaking kagalakan pagka natapos na ang bagyo. Subalit ngayon naman ay napakaraming kukumpunihin. Gayundin pagka ang isang kabiyak ay nagsimula nang gumaling. Ang bumagsak na mga ugnayan ay kailangang muling itayo. Kailangan na muling itatag ang pagtitiwala at katapatan. Ang mga linya ng komunikasyon ay kailangan na muling mapatayo. Para sa isang nagbabagong sugapa, ang baytang-baytang na muling pagtatayong ito ay bahagi ng “bagong pagkatao” na hinihiling ng Bibliya na pagyamanin ng mga Kristiyano. Sa bagong pagkataong ito ay kailangang kasama “ang puwersa na nagpapakilos sa inyong isip.”—Efeso 4:22-24.
Isang pag-aaral sa Bibliya ang tumulong kina Leonard at Elaine na huminto sa pag-aabuso sa droga, subalit ang puwersang nagpapakilos sa isip ay hindi pa nalulubos.b Hindi nagtagal at nahayag ang mga iba pang humihila sa kanila sa pagkasugapa. “May 20 taon na sinikap naming ikapit ang mga simulain ng Bibliya at magkaroon ng isang kasiya-siyang pag-aasawa, subalit iyon ay laging bigo,” sabi ni Elaine. “Ang aming pagkasugapa ay may malalim na pagkakaugat. Hindi namin makuha sa pag-aaral o panalangin.”
Sina Leonard at Elaine ay humingi ng payo upang maunawaan ang sanhi ng kanilang pagkasugapa. Napapanahong materyal buhat sa “tapat at maingat na alipin” tungkol sa pag-abuso sa bata, alkoholismo, at paggalang sa mga babae ang nakatulong nang malaki.c (Mateo 24:45-47) “Kami ay natulungan na malunasan ang nasira at magkasamang umurong,” ani Elaine.
Paglutas sa mga Suliranin
Malaki ang ipinagtiis ni Rebeka sa mga asawa ng kaniyang anak na si Esau. Sa pangambang ang isa pa niyang anak, si Jacob, ay tumulad kay Esau, binigyang-daan ni Rebeka ang kaniyang kabiguan sa pamamagitan ng pagsasabi sa kaniyang asawa, si Isaac: “Ako’y yamot na sa aking buhay na ito dahilan sa mga anak na babae ni Heth. Kung sakaling si Jacob ay mag-aasawa sa mga anak ni Heth na gaya ng mga anak ng lupaing ito, ano pa ang kabuluhan sa akin ng buhay?”—Genesis 27:46.
Pansinin na bagaman matatag na nangusap si Rebeka tungkol sa kaniyang damdamin, hindi niya pinagwikaan nang personal si Isaac. Hindi niya sinabi, “Kasalanan mong lahat iyan!” o, “Hindi mo sana pinayagang mangyari ang bagay na ito!” Bagkus, ginamit ni Rebeka ang panghalip na “ako” upang ipahayag kung papaano siya naapektuhan ng suliranin. Ang ganitong paraan ay nakatulong upang pukawin ang damdamin ni Isaac na makiramay, hindi ang kaniyang pagnanasang siya’y huwag mapulaan. Yamang hindi niya iniisip na siya’y kinakalaban, ang tugon ni Isaac sa pakiusap ni Rebeka ay agad-agad marahil.—Genesis 28:1, 2.
Ang mga mag-asawa ay maaaring matuto sa halimbawa ni Rebeka. Pagka may bumangong alitan, labanan ang suliranin imbes na kayong dalawa ang maglaban. Tulad ni Rebeka, sabihin mo na nasisiraan ka ng loob dahilan sa apektado ka niyaon. “Ako’y nasisiraan ng loob dahil sa . . .” o, “Ako’y hindi nauunawaan dahilan sa . . .” ay lalong epektibo kaysa “Ikaw ang sumira ng loob ko!” o, “Talagang hindi mo ako nauunawaan!”
Hindi Lamang Pagtitiis
Ang pagsasama ng unang mag-asawa, sina Adan at Eba, ay tumagal nang daan-daang taon, nagkaanak ng mga lalaki at mga babae. (Genesis 5:3-5) Subalit hindi ibig sabihin na ang kanilang pag-aasawa ay karapat-dapat tularan. Maaga pa, ang espiritu ng pagsasarili at ang pagwawalang-bahala sa matuwid na mga batas ng Maylikha ang sumira sa kanilang pagkabuklod bilang isang laman.
Gayundin, maaaring tumatagal ang pagsasama ng mag-asawa sa ngayon, gayunman ay maaaring kulang ng mahahalagang elemento ng komunikasyon. Baka kailangang buwagin ang matitibay ang kapit na mga pangangatuwiran at ang di-nararapat na mga kaugalian ng pagkatao. (Ihambing ang 2 Corinto 10:4, 5.) Ito ay isang patuloy na pagtuturo. Subalit sulit naman ang pagsisikap. Ang Diyos na Jehova ay lubhang interesado sa kaayusan ng pag-aasawa, yamang siya ang Maylikha nito. (Malakias 2:14-16; Hebreo 13:4) Samakatuwid, kung gagawin natin ang ating bahagi, makapagtitiwala tayo na kaniyang kikilalanin ang ating mga pagsisikap at bibigyan tayo ng karunungan at lakas na kailangan sa pag-aayos ng nasirang komunikasyon ng mag-asawa.—Ihambing ang Awit 25:4, 5; 119:34.
[Mga talababa]
a Ang tulong para sa mga pamilya ng mga alkoholiko ay tinatalakay sa Mayo 22, 1992, na labas ng Gumising!, pahina 3-7.
b Ang mga pangalan ay binago.
c Tingnan ang mga labas ng Gumising! ng Oktubre 8, 1991, Mayo 22, 1992, at Hulyo 8, 1992.
[Kahon sa pahina 6]
“Ang basura ay napag-ukulan ng mas malaking panahon!”
ISANG mag-asawa na may mga di-pagkakaunawaan ang hinilingan na tayahin kung gaano kalaking panahon ang kanilang ginagamit bawat sanlinggo sa paglalabas ng basura para itapon. Ang kanilang sagot ay mga 35 minuto isang linggo, o 5 minuto isang araw. Pagkatapos ay tinanong sila kung gaano kalaking panahon ang kanilang ginamit sa pag-uusap. Nabigla ang asawang lalaki. “Ang basura ay napag-ukulan ng mas malaking panahon!” ang sabi niya, at isinusog pa: “Dinaraya namin ang aming sarili kung iniisip namin na ang limang minuto isang araw ay sapat na upang magpatuloy ang pagsasama naming mag-asawa. At iyon ay tunay ngang hindi sapat na panahon upang pasulungin ang pagsasama ng mag-asawa.”
[Kahon sa pahina 7]
Magtatag ng mga Alituntunin ng Pamamaraan
◻ Isa-isang talakayin ang mga paksa (1 Corinto 14:33, 40)
◻ Magpahayag ng damdamin; huwag gumawa ng mga pagpaparatang (Genesis 27:46)
◻ Huwag mananakit (Efeso 5:28, 29)
◻ Huwag gagamit ng nakakainsultong pangungusap (Kawikaan 26:20)
◻ Sikaping magkasundo, hindi manalo (Genesis 13:8, 9)
[Larawan sa pahina 4]
Pagka may bumangong alitan, labanan ang suliranin imbes na kayong dalawa ang maglaban
[Larawan sa pahina 8]
Magpahayag ng damdamin; huwag gumawa ng mga pagpaparatang