Isang Alkoholiko sa Pamilya
“Kalakip sa alkoholismo ang mga alkoholiko . . . Bagaman may isa lamang alkoholiko sa pamilya, ang buong pamilya ay nagdurusa sa alkoholismo.”—Dr. Vernon E. Johnson.
ANG limang-taóng-gulang na si Alice ay nakahiga sa kama, ang kaniyang paa ay kumikirot sa sakit. Isang pinsala na nangyari dalawang araw na ang nangailangan na sementuhin ang paa niya. Ngunit napakahigpit ng pagkakalagay ng semento, at ang kaniyang paa ay namamaga dahil sa higpit. Si Alice ay nagsumamo sa kaniyang mga magulang na dalhin siya sa doktor, subalit ang kaniyang ama ay may hangover, at ang kaniyang ina ay napoproblema, hindi malaman ng ina kung sino ang higit na nangangailangan ng tulong.
Sa loob ng ilang araw, ang paa ni Alice ay namanhid. Nang isang maitim na likido ang nagsimulang tumulo mula sa kaniyang daliri sa paa, sa wakas ay isinugod si Alice ng kaniyang mga magulang sa ospital. Nang tanggalin ang semento, ang pagkakita sa paa ay nagpangyari sa isang nars na himatayin. Dahil sa gangrena ay kinailangang putulin ang paa ni Alice.
Alkoholismo at Pagkadumedepende
Ang trahedyang ito ay higit pa kaysa pagkaputol ng isang paa. Ang tatay ni Alice ay isang alkoholiko. Bilang gayon, siya ay emosyonal at pisikal na walang magawa nang siya ay kailangang-kailangan ng kaniyang anak. “Ang kalikasan ng alkoholismo ay humihiling na ilagay ng alkoholiko ang kaniyang pamilya sa huli—pagkatapos ng alkohol at lahat ng kahilingan nito,” sabi ng tagapayo na si Toby Rice Drews.
Kumusta naman ang ina ni Alice? Siya man ay dumedepende, hindi sa alkohol, kundi sa kaniyang alkoholikong asawa. Karaniwan na, ang asawang hindi alkoholiko ay abalang-abala sa pagsisikap na pahintuin ang alkoholiko sa pag-inom o sa paano man ay makayanan ang kaniyang di-mahulaang gawi.a Siya’y lubhang nasasangkot sa problema ng alkoholiko anupat siya’y nagpapakita rin ng katulad na katangian ng pagkadumedepende—subalit nang walang alkohol. Sa kadahilanang ito, ang mga taong gaya ng ina ni Alice ay kadalasang tinatawag na kasamang dumedepende.
Kapuwa ang alkoholiko at ang kasamang dumedepende ay walang malay na kontrolado ng isang bagay o ng isa maliban sa kanilang sarili. Kapuwa sila binubulag ng pagkakaila. Kapuwa sila emosyonal na walang magawa para sa kanilang mga anak. Kapuwa sila nasilo sa isang buhay ng kabiguan, sapagkat kung paanong hindi masupil ng isang alkoholiko ang kaniyang pag-inom, hindi rin masupil ng kasamang dumedepende ang alkoholiko, at hindi masupil ng isa man sa kanila ang epekto ng alkoholismo sa kanilang mga anak.
Subalit may tulong para sa alkoholiko at sa kaniyang pamilya. Ito ang tatalakayin sa susunod na mga artikulo.
[Talababa]
a Bagaman tinutukoy namin ang alkoholiko bilang lalaki, ang mga simulain dito ay kumakapit din sa babaing alkoholiko.