Paano Matutulungan ang mga May Problema sa Mental na Kalusugan?
SINASABI NG BIBLIYA: “Ang tunay na kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon at isang kapatid na maaasahan kapag may problema.”—KAWIKAAN 17:17.
Ibig Sabihin
Baka hindi natin alam ang gagawin kapag may problema sa mental na kalusugan ang isang kaibigan. Pero maipapakita natin sa kaniya na talagang gustong-gusto natin siyang tulungan. Paano?
Kung Paano Ito Makakatulong
“Maging mabilis sa pakikinig.”—SANTIAGO 1:19.
Ang isa sa pinakamagandang paraan para matulungan ang kaibigan mo ay ang makinig sa kaniya. Hindi mo kailangang sagutin ang lahat ng sinasabi niya. Ipakita mong nakikinig ka at talagang nagmamalasakit ka. Sikaping unawain ang nararamdaman niya at huwag siyang husgahan. Baka makapagsalita siya ng mga bagay na hindi niya sinasadya at pagsisisihan niya.—Job 6:2, 3.
“Patibayin ang mga pinanghihinaan ng loob.”—1 TESALONICA 5:14.
Baka sobrang nag-aalala ang kaibigan mo o pakiramdam niya, wala siyang halaga. Pero kung titiyakin mo sa kaniya na nagmamalasakit ka, mapapatibay mo siya kahit hindi mo alam ang eksaktong sasabihin mo.
“Ang tunay na kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon.”—KAWIKAAN 17:17.
Mag-alok ng praktikal na tulong. Sa halip na isiping alam mo na ang gagawin para makatulong, tanungin mo siya. Kung nahihirapan siyang sabihin kung ano ang kailangan niya, yayain mo siyang maglakad-lakad, samahan siya sa pagsa-shopping, paglilinis, o iba pang mga gawain.—Galacia 6:2.
“Maging mapagpasensiya.”—1 TESALONICA 5:14.
Baka hindi pa handang makipag-usap ang kaibigan mo. Tiyakin mo sa kaniya na handa kang makinig kapag gusto na niyang magkuwento. Dahil sa sakit ng kaibigan mo, baka may masabi siya o magawa na makakasakit sa iyo. Baka kanselahin pa nga niya ang mga plano ninyo o maging iritable. Maging maunawain at mapagpasensiya habang tinutulungan mo siya.—Kawikaan 18:24.
Malaki ang Magagawa ng Tulong Mo
“Tinitiyak ko sa kaniya na lagi akong nandiyan para sa kaniya. Hindi ko man masolusyunan ang problema niya, nakikinig naman ako sa lahat ng sinasabi niya. Kung minsan, kailangan niya lang ng mapagsasabihan.”—Farrah,a may kaibigang dumaranas ng eating disorder, anxiety, at clinical depression.
“Napakabait at napakapositibo ng isa kong kaibigan. Niyaya niya akong kumain sa bahay nila. Talagang naramdaman kong nagmamalasakit siya sa ’kin kaya nasabi ko ang niloloob ko. Talagang napatibay ako do’n!”—Ha-eun, may clinical depression.
“Napakahalaga ng pagiging mapagpasensiya. Kapag may nagagawa ang misis ko na nakakainis, iniisip kong dahil iyon sa sakit niya at hindi niya iyon sinasadya. Kaya nagiging mas makonsiderasyon ako at hindi ako nagagalit sa kaniya.”—Jacob, may asawang dumaranas ng clinical depression.
“Mabuti na lang, nandiyan ang asawa ko na tumutulong at sumusuporta sa ’kin. Kapag sobra-sobra na ang pag-aalala ko, hindi niya ako pinipilit na gawin ang anumang bagay na ayaw kong gawin. Kaya tuloy kung minsan, hindi na niya nagagawa ang mga bagay na gustong-gusto sana niyang gawin. Mapagsakripisyo siya at mapagparaya kaya mahal na mahal ko siya.”—Enrico, may anxiety disorder.
a Binago ang ilang pangalan.