Gusto Ko Nang Mamatay—Matutulungan Ba Ako ng Bibliya Kapag Naiisip Ko Ito?
Ang sagot ng Bibliya
Oo! Ang Bibliya ay galing sa “Diyos, na umaaliw sa mga nalulungkot.” (2 Corinto 7:6) Kahit ang Bibliya ay hindi isang aklat para sa kalusugang pangkaisipan, marami itong natulungan na mapaglabanan ang pagnanais na magpakamatay. Matutulungan ka rin ng praktikal na payo nito.
Anong praktikal na payo ang ibinibigay ng Bibliya?
● Sabihin ang nararamdaman mo.
Ang sabi ng Bibliya: “Ang tunay na kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon at isang kapatid na maaasahan kapag may problema.”—Kawikaan 17:17.
Ibig sabihin: Kailangan natin ang suporta ng iba kapag naghihirap ang ating kalooban.
Lalo ka lang mabibigatan kung sasarilinin mo ang nararamdaman mo. Pero kung sasabihin mo ito sa iba, gagaan ang pakiramdam mo at puwedeng maging positibo ang pananaw mo.
Subukan ito: Makipag-usap ka ngayon sa isang kapamilya o sa mapagkakatiwalaang kaibigan mo.a Puwede mo ring isulat ang nararamdaman mo.
● Magpatingin sa doktor.
Ang sabi ng Bibliya: “Ang malulusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga maysakit.”—Mateo 9:12.
Ibig sabihin: Dapat tayong magpatingin sa doktor kapag may sakit tayo.
Posibleng sintomas ng mental o emosyonal na karamdaman ang pag-iisip na magpakamatay. Tulad ng ibang sakit, hindi mo ito dapat ikahiya. Nagagamot ang mental o emosyonal na karamdaman.
Subukan ito: Magpatingin agad sa kuwalipikadong doktor.
● Tandaang nagmamalasakit ang Diyos.
Ang sabi ng Bibliya: “Hindi ba ang limang maya ay ipinagbibili sa dalawang barya na maliit ang halaga? Pero walang isa man sa mga ito ang nalilimutan ng Diyos. . . . Huwag kayong matakot; mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya.”—Lucas 12:6, 7.
Ibig sabihin: Mahalaga ka sa Diyos.
Baka nadarama mong nag-iisa ka, pero nakikita ng Diyos ang pinagdaraanan mo. Nagmamalasakit siya sa iyo—kahit wala ka nang ganang mabuhay. “Ang pusong wasak at durog, O Diyos, ay hindi mo itatakwil,” ang sabi ng Awit 51:17. Gusto ng Diyos na mabuhay ka dahil mahal ka niya.
Subukan ito: Suriin sa Bibliya ang katibayan na talagang mahal ka ng Diyos. Halimbawa, tingnan ang kabanata 24 ng pantulong sa pag-aaral sa Bibliya na Maging Malapít kay Jehova.
● Manalangin sa Diyos.
Ang sabi ng Bibliya: “[Ihagis] ninyo sa [Diyos] ang lahat ng inyong álalahanín, dahil nagmamalasakit siya sa inyo.”—1 Pedro 5:7.
Ibig sabihin: Inaanyayahan ka ng Diyos na ipagtapat sa kaniya ang anumang ikinababahala mo.
Bibigyan ka ng Diyos ng kapayapaan ng isip at ng lakas para magpatuloy sa buhay. (Filipos 4:6, 7, 13) Aalalayan niya ang mga humihingi sa kaniya ng tulong sa panalangin.—Awit 55:22.
Subukan ito: Manalangin ka ngayon sa Diyos. Gamitin mo ang pangalan niya, Jehova, at sabihin ang iyong nararamdaman. (Awit 83:18) Hilingin sa kaniya na tulungan kang makapagtiis.
● Bulay-bulayin ang pag-asang sinasabi ng Bibliya para sa hinaharap.
Ang sabi ng Bibliya: “Ang pag-asa nating ito ay nagsisilbing angkla ng buhay natin; ito ay tiyak at matatag.”—Hebreo 6:19.
Ibig sabihin: Gaya ng barkong taas-baba sa malalaking alon ng dagat, baka pabago-bago rin ang emosyon mo. Pero tutulungan kang maging matatag ng pag-asang nasa Bibliya.
Ang pag-asang ito ay hindi kathang-isip lang. Nakabatay ito sa pangako ng Diyos na aalisin niya ang mga dahilan ng pagdurusa.—Apocalipsis 21:4.
Subukan ito: Basahin ang “Makakaasa Ka sa Isang Magandang Kinabukasan” para matuto pa nang higit tungkol sa pag-asang sinasabi ng Bibliya.
● Gawin ang mga bagay na nae-enjoy mo.
Ang sabi ng Bibliya: “Ang masayang puso ay mabisang gamot.”—Kawikaan 17:22.
Ibig sabihin: Kapag masaya tayo sa ginagawa natin, malamang na bubuti ang ating mental o emosyonal na kalagayan.
Subukan ito: Gawin ang mga bagay na nagpapasaya sa iyo. Halimbawa, makinig ng masayang musika, magbasa ng mga bagay na nakakapagpatibay, o magkaroon ng hobby. Sasaya ka rin kung tutulong ka sa iba, kahit sa simpleng paraan.—Gawa 20:35.
● Ingatan ang iyong kalusugan.
Ang sabi ng Bibliya: “May . . . pakinabang sa pisikal na pagsasanay.”—1 Timoteo 4:8.
Ibig sabihin: Makikinabang tayo sa pag-eehersisyo, sapat na tulog, at masusustansiyang pagkain.
Subukan ito: Maglakad-lakad nang kahit 15 minuto lang.
● Tandaan na nagbabago ang mga bagay-bagay, pati na ang nadarama natin.
Ang sabi ng Bibliya: “Hindi ninyo alam ang magiging buhay ninyo bukas.”—Santiago 4:14.
Ibig sabihin: Pansamantala lang ang mga problema—kahit ang inaakala nating wala nang solusyon.
Gaano man kadilim sa tingin mo ang sitwasyon mo ngayon, puwede itong magbago kinabukasan. Kaya gumawa ng paraan para makayanan ito. (2 Corinto 4:8) Malamang na magbago ang sitwasyon mo, pero kapag nagpakamatay ka, tapos na ang lahat.
Subukan ito: Magbasa ng mga ulat sa Bibliya tungkol sa mga pinanghinaan ng loob at gusto nang mamatay. Tingnan kung paano unti-unting bumuti ang kalagayan nila—madalas sa paraang hindi nila inaasahan. Isaalang-alang ang ilang halimbawa.
May sinasabi ba ang Bibliya tungkol sa mga taong gusto nang mamatay?
Oo. Binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa ilan na halos magsabi, “Gusto ko nang mamatay.” Hindi sila sinaway ng Diyos, kundi tinulungan sila. Ganiyan din ang gagawin niya para sa iyo.
Elias
● Sino siya? Si Elias ay isang matapang na propeta. Pero may panahong pinanghinaan din siya ng loob. “Si Elias ay isang taong may damdaming tulad ng sa atin,” ang sabi ng Santiago 5:17.
● Bakit gusto na niyang mamatay? Minsan, nakadama si Elias ng takot, na siya’y walang halaga, at nag-iisa. Kaya nagsumamo siya: “Jehova, kunin mo na ang buhay ko.”—1 Hari 19:4.
● Ano ang nakatulong sa kaniya? Ibinuhos ni Elias sa Diyos ang nararamdaman niya. Paano siya pinatibay ng Diyos? Ipinakita ng Diyos ang kaniyang pagmamalasakit at kapangyarihan. Tiniyak niya na mahalaga pa rin si Elias at binigyan siya ng mapagmalasakit at may-kakayahang kasama.
▸ Basahin ang tungkol kay Elias: 1 Hari 19:2-18.
Job
● Sino siya? Si Job ay mayaman at may malaking pamilya. Tapat siyang mananamba ng tunay na Diyos.
● Bakit gusto na niyang mamatay? Biglang-bigla, dumanas siya ng sunod-sunod na trahedya. Nawala ang lahat ng pag-aari niya. Namatay sa sakuna ang lahat ng anak niya. Pinahirapan siya ng malubhang sakit. At panghuli, inakusahan siya na kagagawan niya ang mga nangyayari sa kaniya. Sinabi ni Job: “Kinamumuhian ko ang buhay ko; ayoko nang mabuhay pa.”—Job 7:16.
● Ano ang nakatulong sa kaniya? Nanalangin si Job sa Diyos at nakipag-usap siya sa iba. (Job 10:1-3) Pinatibay siya ng mabait niyang kaibigan, si Elihu, na tumulong sa kaniya na maituwid ang kaniyang pananaw. Higit sa lahat, tinanggap ni Job ang payo at tulong ng Diyos.
▸ Basahin ang tungkol kay Job: Job 1:1-3, 13-22; 2:7; 3:1-13; 36:1-7; 38:1-3; 42:1, 2, 10-13.
Moises
● Sino siya? Si Moises ay lider ng sinaunang Israel at isang tapat na propeta.
● Bakit gusto na niyang mamatay? Mabigat ang pananagutan ni Moises, lagi siyang pinupuna, at pagod na pagod na siya. Kaya dumaing siya sa Diyos: “Patayin mo na ako ngayon.”—Bilang 11:11, 15.
● Ano ang nakatulong sa kaniya? Sinabi ni Moises sa Diyos ang nararamdaman niya. Pinagaan ng Diyos ang trabaho ni Moises para mabawasan ang kaniyang alálahanín.
▸ Basahin ang tungkol kay Moises: Bilang 11:4-6, 10-17.
a Kung matinding-matindi ang pagnanais mong magpakamatay at wala ang mga pinagkakatiwalaan mo, tumawag sa suicide hotline sa inyong lugar.