“Libutin Mo ang Lupain”
“Libutin mo ang lupain sa buong haba niyaon at sa buong lapad niyaon.”—Genesis 13:17.
1. Anong kapansin-pansing utos ang ibinigay ng Diyos kay Abraham?
GUSTUNG-GUSTO mo bang maglakbay sa kabukiran, marahil sa isang dulo ng sanlinggo sakay ng kotse? Mas gusto naman ng iba na nakabisikleta para makapag-ehersisyo at mas makita nilang mabuti ang tanawin. Ang iba naman ay naglalakad upang matutuhan ang pasikut-sikot ng lugar at masiyahan dito. Ang ganitong pamamasyal ay karaniwan nang sa loob ng limitadong panahon lamang. Pero gunigunihin ang malamang na nadama ni Abraham matapos sabihin sa kaniya ng Diyos: “Tumindig ka, libutin mo ang lupain sa buong haba niyaon at sa buong lapad niyaon, sapagkat ibibigay ko iyon sa iyo”!—Genesis 13:17.
2. Pagkaalis sa Ehipto, saan pumunta si Abraham?
2 Tingnan natin ang konteksto ng mga salitang iyon. Si Abraham ay pansamantalang naninirahan noon sa Ehipto kasama ang kaniyang asawa at iba pa. Sinasabi sa atin sa Genesis kabanata 13 na umalis sila sa Ehipto at inilipat ang kanilang mga kawan sa “Negeb.” Pagkatapos, si Abraham ay ‘yumaong palipat-lipat ng kampamento mula sa Negeb at patungo sa Bethel.’ Nang magkaproblema ang kaniyang mga tagapagpastol at niyaong sa pamangkin niyang si Lot at kailangang-kailangan na nilang humanap ng hiwalay na pastulan, buong kabaitang pinauna ni Abraham si Lot sa pagpili. Pinili ni Lot ang “Distrito ng Jordan,” isang luntiang libis na “tulad ng hardin ni Jehova,” at sa kalaunan ay nanirahan sa Sodoma. Sinabi ng Diyos kay Abraham: “Itingin mo ang iyong mga mata, pakisuyo, at tumanaw ka mula sa dako na kinaroroonan mo, sa gawing hilaga at sa gawing timog at sa gawing silangan at sa gawing kanluran.” Malamang na mula sa mataas na lugar sa Bethel, nakikita ni Abraham ang iba pang bahagi ng lupain. Pero may gagawin pa si Abraham. Niyaya siya ng Diyos na ‘libutin ang lupain’ at maging pamilyar sa kalikasan at mga rehiyon nito.
3. Bakit mahirap ilarawan sa isip ang mga paglalakbay ni Abraham?
3 Gaano man kalayo ang nalibot ni Abraham bago makarating sa Hebron, tiyak na mas pamilyar siya sa Lupang Pangako kaysa sa karamihan sa atin. Isip-isipin ang mga lugar na binabanggit sa ulat na ito—Negeb, Bethel, ang Distrito ng Jordan, Sodoma, at Hebron. Nahihirapan ka bang ilarawan sa isip kung nasaan ang mga lugar na ito? Isa itong hamon para sa marami dahil iilan lamang sa bayan ni Jehova ang nakarating sa mga lugar na nababasa nila sa Bibliya, na nilalakbay ang haba at lapad ng lupain. Gayunman, may dahilan tayo upang lubos na magkainteres na alamin ang tungkol sa mga lokasyon sa Bibliya. Bakit?
4, 5. (a) Paano nauugnay ang Kawikaan 18:15 sa kaalaman at kaunawaan tungkol sa mga lupain sa Bibliya? (b) Ano ang inilalarawan ng Zefanias kabanata 2?
4 Ganito ang komento ng Salita ng Diyos: “Ang puso ng isa na may-unawa ay nagtatamo ng kaalaman, at ang tainga ng marurunong ay humahanap ng kaalaman.” (Kawikaan 18:15) Maraming paksa na mapagkukunan ng kaalaman, pero ang tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos na Jehova at sa kaniyang pakikitungo ang pinakamahalaga sa lahat. Tiyak na nakasentro rito ang mababasa natin sa Bibliya. (2 Timoteo 3:16) Subalit pansinin na kailangan ang kaunawaan. Iyan ang kakayahang maunawaan ang isang bagay, makilala o maintindihan ang pagkakaugnay ng mga bahagi nito at ng kabuuan. Kapit ito sa mga impormasyon tungkol sa mga lugar na binabanggit sa Bibliya. Halimbawa, marami sa atin ang nakaaalam kung nasaan ang Ehipto, pero gaano kalawak ang ating pagkaunawa sa komento na si Abraham ay lumabas ng Ehipto “patungo sa Negeb,” nang bandang huli sa Bethel, pagkatapos ay sa Hebron? Nauunawaan mo ba ang kaugnayan ng mga lugar na iyon?
5 O baka nadaanan mo na ang Zefanias kabanata 2 sa iyong iskedyul ng pagbabasa ng Bibliya. Doon ay nabasa mo ang mga pangalan ng lunsod, bayan, at lupain. Ang Gaza, Askelon, Asdod, Ekron, Sodoma, at Nineve gayundin ang Canaan, Moab, Ammon, at Asirya ay pawang binabanggit sa kabanatang iyan. Gaano mo kahusay na nailarawan sa iyong isip ang mga lugar na iyon na tinirahan ng aktuwal na mga tao, mga taong may kaugnayan sa katuparan ng hula mula sa Diyos?
6. Bakit nagpapahalaga ang ilang Kristiyano sa mga mapa? (Tingnan ang kahon.)
6 Maraming estudyante ng Salita ng Diyos ang nakinabang nang malaki sa pagtingin sa mga mapa ng mga lupain sa Bibliya. Ginagawa nila ito, hindi lamang dahil sa mahilig sila sa mga mapa, kundi dahil sa batid nilang sa paggamit ng mga mapa, madaragdagan nila ang kanilang kaalaman sa Salita ng Diyos. Nakatutulong din ang mga mapa na mapasulong ang kanilang kaunawaan, anupat nakikita nila kung paano nauugnay sa ibang impormasyon ang mga bagay na dati na nilang alam. Habang isinasaalang-alang natin ang ilang halimbawa, malamang na lalo mong pahahalagahan si Jehova at lalo mong mauunawaan ang mga ulat sa kaniyang Salita.—Tingnan ang kahon sa pahina 14.
Malaking Bagay ang Distansiya
7, 8. (a) Ano ang kahanga-hangang ginawa ni Samson sa Gaza? (b) Anong impormasyon ang nakadaragdag sa pambihirang ginawa ni Samson? (c) Paano tayo natutulungan ng kaalaman at kaunawaan sa ulat tungkol kay Samson?
7 Sa Hukom 16:2, mababasa mong si Hukom Samson ay nasa Gaza. Madalas lumitaw ang pangalang Gaza sa mga balita sa ngayon, kaya maaaring may pangkalahatang ideya ka na kung nasaan si Samson, sa teritoryo ng mga Filisteo malapit sa Baybayin ng Mediteraneo. [gl 11] Tingnan naman natin ang Hukom 16:3: “Si Samson ay nanatiling nakahiga hanggang hatinggabi at pagkatapos ay bumangon siya nang maghatinggabi at sinunggaban ang mga pinto ng pintuang-daan ng lunsod at ang dalawang posteng panggilid at binunot niya ang mga iyon kasama ang halang at ipinasan niya sa kaniyang mga balikat at dinala niya ang mga iyon hanggang sa taluktok ng bundok na nasa tapat ng Hebron.”
8 Walang alinlangan, ang mga pintuang-daan at ang mga posteng panggilid ng isang moog na tulad ng Gaza ay malalaki at mabibigat. Isipin mo na lamang kung ikaw ang bubuhat sa mga ito! Binuhat ito ni Samson, pero saan kaya niya dinala ang mga ito, at anong uri ng paglalakbay ang kinailangan niyang gawin? Buweno, ang Gaza ay nasa baybayin na halos pantay-dagat. [gl 15] Samantalang ang Hebron ay nasa gawing silangan na may taas na 900 metro—sobrang tarik talaga! Hindi natin matitiyak ang eksaktong lokasyon ng “bundok na nasa tapat ng Hebron,” pero ang lunsod ay mga 60 kilometro mula sa Gaza—paahon pa nga! Ngayong nalaman natin ang distansiyang nilakbay, lalong naging kahanga-hanga ang pambihirang ginawa ni Samson, hindi ba? At alalahanin kung bakit nagawa ito ni Samson—“kinilos siya ng espiritu ni Jehova.” (Hukom 14:6, 19; 15:14) Bilang mga Kristiyano sa ngayon, hindi natin inaasahan na bibigyan tayo ng espiritu ng Diyos ng di-pangkaraniwang pisikal na lakas. Pero, mapasusulong ng makapangyarihang espiritung ito ang ating pang-unawa sa malalalim na espirituwal na bagay at mapalalakas tayo nito ayon sa pagkatao natin sa loob. (1 Corinto 2:10-16; 13:8; Efeso 3:16; Colosas 1:9, 10) Oo, ngayong naunawaan natin ang ulat tungkol kay Samson, nakumbinsi tayo na makatutulong sa atin ang espiritu ng Diyos.
9, 10. (a) Ano ang kalakip sa tagumpay ni Gideon laban sa mga Midianita? (b) Paano nakatutulong ang kaalaman natin sa kaugnay na heograpiya upang lalong maging makahulugan ang ulat na ito?
9 Ang tagumpay ni Gideon laban sa mga Midianita ay isa pang ulat na nagtatampok ng kahalagahan ng mga distansiya. Alam ng karamihan sa mga mambabasa ng Bibliya na tinalo ni Hukom Gideon at ng kaniyang 300 tauhan ang nagsanib na 135,000 mananalakay—mga Midianita, Amalekita, at iba pa na nagkakampo sa kapatagan ng Jezreel, malapit sa burol ng More. [gl 18] Hinipan ng mga tauhan ni Gideon ang mga tambuli, binasag ang mga banga upang tumambad ang kanilang mga sulo, at sumigaw: “Ang tabak ni Jehova at ni Gideon!” Nalito at natakot ang mga kalaban, kung kaya sila-sila ang nagpatayan. (Hukom 6:33; 7:1-22) Iyon na kaya ang buong pangyayari, isang mabilis na pagkilos sa kadiliman ng gabi? Patuloy mong basahin ang Hukom kabanata 7 at 8. Makikita mong patuloy si Gideon sa pagsalakay. Sa maraming lugar na binanggit, may ilan ditong hindi na malaman kung nasaan na sa ngayon, kaya maaaring hindi lumitaw ang mga ito sa mga mapa sa Bibliya. Pero, sapat na ang napag-alamang mga lugar upang masundan natin ang mga ginawa ni Gideon.
10 Hinabol ni Gideon ang mga natira sa pinagsamang hukbo hanggang Bet-sita at pagkaraan ay gumawi sa timog hanggang Abel-mehola, malapit sa Jordan. (Hukom 7:22-25) Ang sabi ng ulat: “Dumating si Gideon sa Jordan, at tumawid siya roon, siya at ang tatlong daang lalaki na kasama niya, mga pagod na ngunit ipinagpapatuloy pa ang pagtugis.” Pagkatawid, tinugis ng mga Israelita ang mga kalaban patimog hanggang Sucot at Penuel, malapit sa Jabok, saka umahon sa burol hanggang Jogbeha (malapit sa modernong Amman, Jordan). Inabot nang mga 80 kilometro ang pagtugis at paglalabanan. Nadakip at napatay ni Gideon ang dalawang haring Midianita; pagkatapos ay bumalik siya sa kanilang lunsod, sa Opra, malapit sa lugar na pinagmulan ng labanan. (Hukom 8:4-12, 21-27) Maliwanag na ang pambihirang ginawa ni Gideon ay hindi lamang basta ilang minutong paghihip ng mga tambuli, pagwasiwas ng mga sulo, at pagsigaw. At isipin na lamang kung paano ito lalong nagpatindi sa komento tungkol sa mga lalaking may pananampalataya: “Kukulangin ako ng panahon kung ilalahad ko pa ang tungkol kina Gideon [at iba pa na] mula sa mahinang kalagayan ay napalakas, naging magiting sa digmaan.” (Hebreo 11:32-34) Maaaring napapagod din sa pisikal ang mga Kristiyano, pero hindi ba’t mahalagang magpatuloy tayo sa paggawa ng kalooban ng Diyos?—2 Corinto 4:1, 16; Galacia 6:9.
Paano Nag-iisip at Kumikilos ang mga Tao?
11. Anong paglalakbay ang kinailangan bago at pagkatapos makarating sa Kades ang mga Israelita?
11 Maaaring tinitingnan ng ilan ang mga mapa sa Bibliya upang makita ang mga lugar, pero nakapagbibigay kaya ng kaunawaan ang mga mapa sa pag-iisip ng mga tao? Kuning halimbawa ang mga Israelitang lumipat mula sa Bundok Sinai patungo sa Lupang Pangako. Pagkatapos ng ilang paghinto sa daan, narating din nila ang Kades (o, Kades-barnea). [gl 9] Ipinakita ito ng Deuteronomio 1:2 bilang 11-araw na paglalakbay, na may distansiyang mga 270 kilometro. Mula roon ay nagpapunta si Moises ng 12 tiktik sa Lupang Pangako. (Bilang 10:12, 33; 11:34, 35; 12:16; 13:1-3, 25, 26) Ang mga tiktik ay nagtungo sa hilaga sa Negeb, na malamang na dumaan sa Beer-sheba, pagkatapos ay sa Hebron, at nakarating sa hanggahan sa hilaga ng Lupang Pangako. (Bilang 13:21-24) Dahil naniwala sila sa negatibong ulat ng sampung tiktik, ang mga Israelita ay kinailangang magpagala-gala sa ilang sa loob ng 40 taon. (Bilang 14:1-34) Ano ang isinisiwalat nito tungkol sa kanilang pananampalataya at pagnanais na magtiwala kay Jehova?—Deuteronomio 1:19-33; Awit 78:22, 32-43; Judas 5.
12. Ano ang masasabi natin sa pananampalataya ng mga Israelita, at bakit ito isang bagay na dapat nating pag-isipan?
12 Pag-isipan ito ayon sa heograpiya. Kung nanampalataya ang mga Israelita at sumunod sa payo nina Josue at Caleb, kailangan pa ba nilang maglakbay nang malayo para marating ang Lupang Pangako? Ang Kades ay mga 16 na kilometro mula Beer-lahai-roi, na pinanirahan nina Isaac at Rebeka. [gl 7] Wala pa itong 95 kilometro patungong Beer-sheba, na nasa gilid ng Lupang Pangako sa timog. (Genesis 24:62; 25:11; 2 Samuel 3:10) Matapos maglakbay mula Ehipto hanggang Bundok Sinai at pagkaraan ay 270 kilometro patungong Kades, halos nasa bukana na sila ng Lupang Pangako. Sa ating kalagayan, tayo’y nasa bungad na ng ipinangakong makalupang Paraiso. Anong aral ang ating matututuhan? Iniugnay ni apostol Pablo sa kalagayan ng mga Israelita ang payo: “Samakatuwid ay gawin natin ang ating buong makakaya na pumasok sa kapahingahang iyon, dahil baka may sinumang mahulog sa gayunding uri ng pagsuway.”—Hebreo 3:16–4:11.
13, 14. (a) Sa anong situwasyon gumawa ng tiyak na hakbang ang mga Gibeonita? (b) Ano ang nagsiwalat ng saloobin ng mga Gibeonita, at anong aral ang matututuhan natin dito?
13 Ang isang naiibang paggawi—na nagpapakita ng pagtitiwalang gaganapin ng Diyos ang kaniyang kalooban—ay makikita sa isang pangyayari sa Bibliya may kinalaman sa mga Gibeonita. Matapos itawid ni Josue ang mga Israelita sa Ilog Jordan papasók sa lupaing ipinangako ng Diyos sa pamilya ni Abraham, panahon na para palayasin ang mga Canaanita. (Deuteronomio 7:1-3) Kabilang dito ang mga Gibeonita. Nilupig ng mga Israelita ang Jerico at Ai at nagkampo sila sa Gilgal na di-kalayuan. Ayaw mamatay ng mga Gibeonita na gaya ng isinumpang mga Canaanita, kaya nagpadala sila ng mga kinatawan kay Josue sa Gilgal. Nagkunwa silang galing sa labas ng teritoryo ng Canaan kung kaya puwede silang makipagkaibigan sa mga Hebreo.
14 Ang mga kinatawang iyon ay nagsabi: “Isang napakalayong lupain ang pinanggalingan ng iyong mga lingkod dahil sa pangalan ni Jehova na iyong Diyos.” (Josue 9:3-9) Waring pinatutunayan ng kanilang pananamit at dalang mga pagkain na galing nga sila sa malayo, pero ang totoo, mga 30 kilometro lamang ang Gibeon mula sa Gilgal. [gl 19] Dahil napaniwala, nakipagkaibigan naman si Josue at ang kaniyang mga pinuno sa Gibeon at sa karatig na mga lunsod na kaugnay ng Gibeon. Ang taktika bang ito ng mga Gibeonita ay para lamang makaiwas sa kamatayan? Sa kabaligtaran, nagpakita ito ng hangarin na makamit ang lingap ng Diyos ng Israel. Sumang-ayon si Jehova na ang mga Gibeonita ay maging “tagakuha ng kahoy at mga tagasalok ng tubig para sa kapulungan at para sa altar ni Jehova,” anupat nagsusuplay ng mga panggatong sa altar ng paghahain. (Josue 9:11-27) Patuloy ang mga Gibeonita sa pagpapakita ng pagnanais na gawin ang hamak na mga atas sa paglilingkod kay Jehova. Malamang na kabilang ang ilan sa kanila sa mga Netineo na bumalik mula sa Babilonya at naglingkod sa muling itinayong templo. (Ezra 2:1, 2, 43-54; 8:20) Matutularan natin ang kanilang saloobin sa pamamagitan ng pagsisikap na manatiling nakikipagpayapaan sa Diyos at handang gumawa kahit hamak na mga atas bilang paglilingkod sa kaniya.
Maging Mapagsakripisyo
15. Bakit tayo dapat maging interesado sa heograpiya hinggil sa Kristiyanong Griegong Kasulatan?
15 Ang heograpiya ng mga lupain sa Bibliya ay itinatampok sa mga ulat sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, gaya ng mga paglalakbay at ministeryo ni Jesus at ni apostol Pablo. (Marcos 1:38; 7:24, 31; 10:1; Lucas 8:1; 13:22; 2 Corinto 11:25, 26) Sa susunod na mga ulat, sikaping ilarawan sa isip ang mga ginawang paglalakbay.
16. Paano nagpakita ng pagpapahalaga kay Pablo ang mga Kristiyano sa Berea?
16 Sa kaniyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero (kulay-lilang guhit sa mapa), dumating si Pablo sa Filipos, na ngayo’y bahagi ng Gresya. [gl 33] Nagpatotoo siya roon, nabilanggo at pagkaraan ay pinalaya, at saka pumunta sa Tesalonica. (Gawa 16:6–17:1) Nang magkaroon ng kaguluhan dahil sa panunulsol ng mga Judio, hinimok si Pablo ng mga kapatid na taga-Tesalonica na pumunta sa Berea, mga 65 kilometro ang layo. Nagtagumpay si Pablo sa kaniyang ministeryo sa Berea, subalit dumating ang mga Judio at sinulsulan ang taong-bayan. Dahil dito, “kaagad na pinayaon ng mga kapatid si Pablo upang pumaroon hanggang sa may dagat,” at “dinala si Pablo hanggang sa Atenas niyaong mga naghatid sa kaniya.” (Gawa 17:5-15) Lumilitaw na handa ang ilang bagong kumberte na maglakad nang 40 kilometro hanggang Dagat Aegean, magbayad ng pasahe sa barko, at maglayag nang mga 500 kilometro. Mapanganib ang gayong paglalakbay, pero sinuong ng mga kapatid ang panganib na iyon at sa gayon ay lumawig pa ang kanilang pakikisama sa naglalakbay na kinatawang ito ng Diyos.
17. Ano ang higit nating mauunawaan kapag naintindihan natin ang layo ng Mileto sa Efeso?
17 Sa kaniyang ikatlong paglalakbay (berdeng guhit sa mapa), dumating si Pablo sa daungan ng Mileto. Ipinatawag niya ang matatandang lalaki ng kongregasyon ng Efeso, mga 50 kilometro ang layo. Isip-isipin na lamang na iniwan ng matatandang iyon ang kanilang gawain upang puntahan si Pablo. Malamang na sabik nilang pinag-uusapan ang nalalapit nilang pagkikita habang sila’y naglalakad. Matapos makipagkita kay Pablo at mapakinggan ang kaniyang panalangin, “nagkaroon ng di-kakaunting pagtangis sa gitna nilang lahat, at sumubsob sila sa leeg ni Pablo at magiliw siyang hinalikan.” Pagkatapos, “inihatid na nila siya sa barko” patungong Jerusalem. (Gawa 20:14-38) Malamang na napakarami nilang naisip at napag-usapan sa kanilang pag-uwi sa Efeso. Hindi ba’t kahanga-hanga ang pagpapahalagang ipinakita nila sa paglalakad nang gayon kalayo makasama lamang ang naglalakbay na ministro na makapagbibigay ng impormasyon at makapagpapatibay sa kanila? May nakikita ka ba ritong isang bagay na maikakapit mo sa iyong buhay at pag-iisip?
Pag-aralan ang Lupaing Iyon at ang Mangyayari sa Hinaharap
18. Ano ang dapat nating gawin may kinalaman sa mga lugar sa Bibliya?
18 Ipinakikita ng naunang mga halimbawa ang kahalagahan ng pagiging pamilyar sa lupaing ibinigay ng Diyos sa mga Israelita at iyan ay pangunahing itinatampok sa maraming ulat sa Bibliya. (At mapalalawak pa natin ang ating pang-unawa kung pag-aaralan din natin ang kaugnay na mga lupaing nakapalibot dito na nakaulat sa Bibliya.) Habang nadaragdagan ang ating kaalaman at kaunawaan partikular na sa Lupang Pangako, alalahanin natin ang isang pangunahing kahilingan para makapasok at masiyahan ang mga Israelita sa lupain ng “gatas at pulut-pukyutan.” Iyan ay ang pagkatakot kay Jehova at pagtupad sa kaniyang mga utos.—Deuteronomio 6:1, 2; 27:3.
19. Anong dalawang paraiso ang dapat nating bigyang pansin sa ngayon?
19 Gayundin naman sa ngayon, kailangan nating gawin ang ating bahagi, na matakot kay Jehova at manatili sa kaniyang mga daan. Sa paggawa nito, makatutulong tayo sa pagpapasulong at pagpapaganda ng espirituwal na paraisong umiiral ngayon sa pandaigdig na kongregasyong Kristiyano. Patuloy na susulong ang ating kaalaman tungkol sa mga katangian at mga biyaya nito. At alam nating may darating pa. Itinawid ni Josue ang mga Israelita sa Jordan tungo sa isang mabunga at kasiya-siyang lupain. May magandang dahilan tayo ngayon na buong-pagtitiwalang umasa sa pisikal na Paraiso, ang mabuting lupaing naghihintay sa atin.
Natatandaan Mo Ba?
• Bakit tayo dapat maghangad na mapalawak ang ating kaalaman at kaunawaan hinggil sa mga lupain sa Bibliya?
• Aling heograpikong detalye na ipinakita sa artikulong ito ang partikular na nakatulong sa iyo?
• Anong aral ang naidiin sa iyo habang lalo mong napag-aaralan ang heograpiyang sangkot sa ilang insidente?
[Kahon/Larawan sa pahina 14]
‘Tingnan Mo ang Mabuting Lupain’
Sa mga kombensiyon noong 2003 at 2004, masayang tinanggap ng mga Saksi ni Jehova ang brosyur na ‘Tingnan Mo ang Mabuting Lupain.’ Ang bagong publikasyong ito, na makukuha sa mga 80 wika, ay punung-puno ng makukulay na mapa at mga tsart na naglalarawan ng iba’t ibang lugar sa Bibliya, partikular na ang Lupang Pangako sa iba’t ibang panahon.
Ang kalakip na artikulo ay tumutukoy sa espesipikong mga mapa sa pamamagitan ng mga numero ng pahina na nakalimbag sa makakapal na tipo, gaya ng [gl 15]. Kung mayroon kang bagong brosyur na ito, gumugol ng ilang panahon upang maging pamilyar sa namumukod na mga bahagi nito na makatutulong sa iyo na mapalawak ang iyong kaalaman at kaunawaan sa Salita ng Diyos.
(1) Ang maraming mapa ay may kapsiyon o kahon na may paliwanag tungkol sa pantanging mga simbolo o marka sa mapa [gl 18]. (2) Karamihan sa mga mapa ay nagpapakita ng proporsiyon sa milya at kilometro upang maunawaan mo ang sukat o distansiyang nasasangkot [gl 26]. (3) Karaniwan nang may patulis na markang nakaturo sa hilaga, upang matukoy mo ang direksiyon [gl 19]. (4) Madalas na may kulay ang mga mapa upang ipakita ang matataas na lugar [gl 12]. (5) Sa mga gilid nito, ang mapa ay maaaring may mga titik/numero upang ituro ang nagsasalubong na mga guhit, na magagamit mo upang makita ang mga lunsod o mga pangalan [gl 23]. (6) Sa dalawang-pahinang indise ng mga pangalan ng lugar [gl 34-5], makikita mo ang numero ng pahina na nakalimbag sa makapal na tipo, na karaniwang may kasunod na lokasyon ng nagsasalubong na mga guhit, gaya ng E2. Pagkatapos ng ilang ulit na paggamit ng mga bahaging ito, hahanga ka sa naitutulong nito sa pagpapalawak ng iyong kaalaman at pagpapalalim ng iyong kaunawaan sa Bibliya.
[Chart/Mapa sa pahina 16, 17]
TSART NG LIKAS NA MGA REHIYON
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
A. Baybayin ng Malaking Dagat
B. Mga Kapatagan sa Kanluran ng Jordan
1. Kapatagan ng Aser
2. Makitid na Baybayin ng Dor
3. Mga Pastulan ng Saron
4. Kapatagan ng Filistia
5. Gitnang Libis ng Silangan at Kanluran
a. Kapatagan ng Megido
b. Mababang Kapatagan ng Jezreel
C. Kabundukan sa Kanluran ng Jordan
1. Mga Burol ng Galilea
2. Mga Burol ng Carmel
3. Mga Burol ng Samaria
4. Sepela (mabababang burol)
5. Maburol na Lupain ng Juda
6. Ilang ng Juda
7. Negeb
8. Ilang ng Paran
D. Araba (Rift Valley)
1. Lunas ng Hula
2. Lugar ng Dagat ng Galilea
3. Libis ng Jordan
4. Dagat Asin (Dagat na Patay)
5. Araba (timog ng Dagat Asin)
E. Kabundukan/Mga Talampas sa Silangan ng Jordan
1. Basan
2. Gilead
3. Ammon at Moab
4. Talampas ng Edom
F. Kabundukan ng Lebanon
[Mapa]
Bdk. Hermon
More
Abel-mehola
Sucot
Jogbeha
Bethel
Gilgal
Gibeon
Jerusalem
Hebron
Gaza
Beer-sheba
Sodoma?
Kades
[Mapa/Larawan sa pahina 15]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
CANAAN
Megido
GILEAD
Dotan
Sikem
Bethel (Luz)
Ai
Jerusalem (Salem)
Betlehem (Eprat)
Mamre
Hebron (Macpela)
Gerar
Beer-sheba
Sodoma?
NEGEB
Rehobot?
[Mga Kabundukan]
Moria
[Katubigan]
Dagat Asin
[Mga Ilog]
Jordan
[Larawan]
Binagtas ni Abraham ang lupain
[Mapa sa pahina 18]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Troas
SAMOTRACIA
Neapolis
Filipos
Amfipolis
Tesalonica
Berea
Atenas
Corinto
Efeso
Mileto
RODAS