Genesis
24 Napakatanda na ni Abraham, at pinagpala ni Jehova si Abraham sa lahat ng bagay.+ 2 Sinabi ni Abraham sa kaniyang lingkod, ang pinakamatanda sa sambahayan niya, na namamahala sa lahat ng pag-aari niya:+ “Pakisuyo, ilagay mo ang iyong kamay sa ilalim ng hita ko, 3 at pasusumpain kita sa harap ni Jehova, ang Diyos ng langit at ang Diyos ng lupa, na hindi ka kukuha ng asawa para sa anak ko mula sa mga Canaanita, na naninirahan sa palibot natin.+ 4 Sa halip, pumunta ka sa pinanggalingan kong lupain at sa mga kamag-anak ko,+ at kumuha ka ng asawa para sa anak kong si Isaac.”
5 Pero sinabi ng lingkod: “Paano kung ayaw ng babae na sumama sa akin sa lupaing ito? Dapat ko bang ibalik ang iyong anak sa lupain na pinanggalingan mo?”+ 6 Sinabi ni Abraham: “Huwag na huwag mong isasama roon ang anak ko.+ 7 Si Jehova na Diyos ng langit, na kumuha sa akin mula sa bahay ng aking ama at mula sa lupain ng mga kamag-anak ko+ at nakipag-usap sa akin at sumumpa sa akin:+ ‘Ibibigay ko sa mga supling* mo+ ang lupaing ito,’+ siya ay magsusugo ng anghel niya sa unahan mo,+ at tiyak na makakakuha ka roon+ ng asawa para sa anak ko. 8 Pero kung ayaw sumama sa iyo ng babae, mapalalaya ka mula sa sumpang ito. Pero huwag mong isasama roon ang anak ko.” 9 Kaya inilagay ng lingkod ang kamay niya sa ilalim ng hita ni Abraham na kaniyang panginoon at sumumpa rito.+
10 Kaya kumuha ang lingkod ng 10 kamelyo ng panginoon niya at umalis dala ang lahat ng klase ng regalo mula sa panginoon niya. At naglakbay siya papuntang Mesopotamia, sa lunsod ng Nahor. 11 Pinaluhod niya ang mga kamelyo sa tabi ng isang balon ng tubig sa labas ng lunsod. Pagabi na noon, at sa ganoong oras lumalabas ang mga babae para sumalok ng tubig. 12 Pagkatapos, sinabi niya: “Jehova na Diyos ng panginoon kong si Abraham, pakiusap, magtagumpay sana ako sa araw na ito, at magpakita ka ng tapat na pag-ibig sa panginoon kong si Abraham. 13 Nakatayo ako ngayon sa tabi ng isang bukal ng tubig, at palabas na ang mga kabataang babae sa lunsod para sumalok ng tubig. 14 At kung sino ang dalagang sasabihan ko, ‘Pakisuyo, ibaba mo ang iyong banga ng tubig para makainom ako,’ at sasagot, ‘Uminom ka, at paiinumin ko rin ang mga kamelyo mo,’ siya na sana ang pinili mo para sa lingkod mong si Isaac; at sa ganitong paraan mo ipaalám sa akin na nagpakita ka ng tapat na pag-ibig sa panginoon ko.”
15 Bago pa siya matapos magsalita, si Rebeka, na anak ni Betuel+ na anak ni Milca+ na asawa ni Nahor,+ na kapatid ni Abraham, ay lumabas na may banga ng tubig sa balikat niya. 16 At napakaganda ng dalaga; wala pang lalaki na nakipagtalik sa kaniya. Bumaba siya sa kinaroroonan ng bukal, pinuno ang kaniyang banga ng tubig, at umakyat pabalik. 17 Kaagad na tumakbo ang lingkod para salubungin siya, at sinabi nito: “Puwede bang makiinom ng kaunting tubig sa iyong banga?” 18 Sinabi naman niya: “Uminom ka, panginoon ko.” At ibinaba niya agad ang banga mula sa balikat niya at hinawakan ito habang pinaiinom ang lingkod. 19 Nang matapos niya itong painumin, sinabi niya: “Sasalok din ako ng tubig para sa mga kamelyo mo hanggang sa matapos silang uminom.” 20 Kaya agad niyang ibinuhos ang laman ng kaniyang banga sa painuman at tumakbo siya nang pabalik-balik sa balon para sumalok ng tubig, at patuloy siyang sumalok ng tubig para sa lahat ng kamelyo nito. 21 Samantala, manghang-mangha ang lalaki at tahimik siyang pinagmamasdan, at iniisip nito kung pinagtagumpay ni Jehova ang paglalakbay niya o hindi.
22 Nang matapos uminom ang mga kamelyo, binigyan siya ng lalaki ng isang gintong hikaw sa ilong na kalahating siklo* ang bigat at dalawang gintong pulseras na 10 siklo* ang bigat, 23 at sinabi nito: “Pakisuyo, sabihin mo sa akin, kanino kang anak? Mayroon bang lugar sa bahay ng iyong ama na puwede naming matuluyan ngayong gabi?” 24 Sumagot siya: “Anak ako ni Betuel+ na anak nina Milca at Nahor.”+ 25 Sinabi pa niya: “May lugar kayong matutuluyan sa amin ngayong gabi, at may dayami rin kami at maraming pagkain para sa mga kamelyo.” 26 Pagkatapos, yumukod ang lalaki, sumubsob sa harap ni Jehova, 27 at nagsabi: “Purihin nawa si Jehova, ang Diyos ng panginoon kong si Abraham, dahil patuloy siyang nagpakita ng tapat na pag-ibig at katapatan sa panginoon ko. Inakay ako ni Jehova sa bahay ng mga kapatid ng aking panginoon.”
28 Tumakbo ang dalaga para sabihin sa sambahayan ng kaniyang ina ang tungkol dito. 29 At may kapatid si Rebeka na ang pangalan ay Laban.+ Tumakbo si Laban papunta sa lalaki na nasa labas sa tabi ng bukal. 30 Nang makita niya ang hikaw sa ilong at mga pulseras na suot ng kapatid niya at marinig ang mga sinabi ng kapatid niyang si Rebeka, “Ganito ang sinabi sa akin ng lalaki,” pinuntahan niya ang lalaki, na nakatayo pa rin sa tabi ng mga kamelyo sa may bukal. 31 Kaagad niyang sinabi: “Halika, ikaw na pinagpala ni Jehova. Bakit nakatayo ka pa rito sa labas? Inihanda ko na ang bahay at ang lugar para sa mga kamelyo.” 32 Kaya pumasok sa bahay ang lalaki, at kinalagan niya* ang mga kamelyo at binigyan ng dayami at pagkain ang mga ito; kumuha rin siya ng tubig para mahugasan ang mga paa nito at ang mga paa ng mga lalaking kasama nito. 33 Pero nang hainan ng pagkain ang lingkod, sinabi niya: “Hindi ako kakain hanggang sa masabi ko sa iyo ang kailangan kong sabihin.” Kaya sinabi ni Laban: “Magsalita ka.”
34 Sinabi niya: “Lingkod ako ni Abraham.+ 35 Pinagpala nang husto ni Jehova ang panginoon ko; talagang pinayaman niya ito at binigyan ng mga tupa at baka, pilak at ginto, mga alilang lalaki at babae, at mga kamelyo at asno.+ 36 At si Sara na asawa ng panginoon ko ay nagkaroon ng isang anak na lalaki sa panginoon ko nang tumanda na siya,+ at ibibigay ni Abraham sa anak niya ang lahat ng kaniyang pag-aari.+ 37 Kaya pinasumpa ako ng panginoon ko: ‘Huwag kang kukuha ng asawa para sa anak ko mula sa mga Canaanita, na sa kanilang lupain ay naninirahan ako.+ 38 Sa halip, pumunta ka sa bahay ng ama ko at sa pamilya ko,+ at kumuha ka ng asawa para sa aking anak.’+ 39 Pero sinabi ko sa panginoon ko: ‘Paano kung ayaw ng babae na sumama sa akin?’+ 40 Sinabi niya sa akin: ‘Lumakad ako nang tapat sa harap ni Jehova,+ kaya magsusugo siya ng anghel niya+ na kasama mo at tiyak na pagtatagumpayin niya ang paglalakbay mo, at kukuha ka ng asawa para sa aking anak mula sa pamilya ko at sa bahay ng ama ko.+ 41 Mapalalaya ka sa isinumpa mo sa akin kung pupunta ka sa pamilya ko at hindi nila ibigay sa iyo ang dalaga. Ito ang magpapalaya sa iyo mula sa iyong isinumpa.’+
42 “Nang makarating ako ngayon sa bukal, sinabi ko: ‘Jehova na Diyos ng panginoon kong si Abraham, kung talagang pagtatagumpayin mo ang paglalakbay ko, 43 ganito sana ang mangyari habang nakatayo ako sa tabi ng bukal na ito: Kapag lumabas ang isang dalaga+ para sumalok ng tubig, sasabihin ko, “Puwede bang makiinom ng kaunting tubig sa iyong banga?” 44 at sasabihin naman niya, “Uminom ka, at sasalok din ako ng tubig para sa mga kamelyo mo.” Siya na sana ang babaeng pinili ni Jehova para sa anak ng panginoon ko.’+
45 “Bago pa ako matapos sa pananalangin nang tahimik, lumabas na si Rebeka na may banga sa balikat niya. Bumaba siya sa kinaroroonan ng bukal at nagsimulang sumalok ng tubig. At sinabi ko sa kaniya: ‘Puwede bang makiinom?’+ 46 Kaya ibinaba niya agad ang banga mula sa balikat niya at sinabi: ‘Uminom ka,+ at paiinumin ko rin ang mga kamelyo mo.’ At uminom ako, at pinainom din niya ang mga kamelyo. 47 Pagkatapos, tinanong ko siya, ‘Kanino kang anak?’ at sumagot siya, ‘Anak ako ni Betuel na anak nina Nahor at Milca.’ Kaya ikinabit ko sa ilong niya ang hikaw at isinuot sa kaniya ang mga pulseras.+ 48 At yumukod ako at sumubsob sa harap ni Jehova, at pinuri ko si Jehova na Diyos ng panginoon kong si Abraham,+ na umakay sa akin sa tamang daan para mahanap ang apong babae ng kapatid ng panginoon ko para sa anak niya. 49 At ngayon, sabihin ninyo sa akin kung gusto ninyong magpakita ng tapat na pag-ibig at katapatan sa panginoon ko; pero kung hindi, sabihin ninyo sa akin, para malaman ko kung ano ang susunod kong gagawin.”*+
50 Sumagot sina Laban at Betuel: “Galing ito kay Jehova. Hindi kami makapagsasabi sa iyo ng oo o hindi.* 51 Narito si Rebeka sa harap mo. Isama mo siya, at siya ay magiging asawa ng anak ng panginoon mo, gaya ng sinabi ni Jehova.” 52 Nang marinig ng lingkod ni Abraham ang mga sinabi nila, agad siyang sumubsob sa lupa sa harap ni Jehova. 53 At ang lingkod ay naglabas ng mga kagamitang pilak at ginto at mga damit at ibinigay ang mga iyon kay Rebeka; nagbigay rin siya ng magagandang regalo sa kapatid at ina nito. 54 Pagkatapos, siya at ang mga lalaking kasama niya ay kumain at uminom, at doon sila nagpalipas ng gabi.
Paggising niya kinaumagahan, sinabi niya: “Uuwi na ako sa panginoon ko.” 55 Kaya sinabi ng kapatid at ina nito: “Hayaan mo munang makasama namin ang dalaga kahit 10 araw lang. Pagkatapos, puwede na siyang umalis.” 56 Pero sinabi niya: “Huwag ninyo akong pigilan, dahil pinagtagumpay ni Jehova ang paglalakbay ko. Paalisin ninyo ako para makabalik na ako sa panginoon ko.” 57 Kaya sinabi nila: “Tawagin natin ang dalaga at tanungin siya.” 58 Tinawag nila si Rebeka at sinabi: “Sasama ka ba sa lalaking ito?” Sumagot siya: “Handa akong sumama.”
59 Kaya pinayagan nilang umalis ang kapatid nilang si Rebeka,+ ang yaya* niya,+ ang lingkod ni Abraham, at ang mga lalaking kasama nito. 60 At pinagpala nila si Rebeka at sinabi: “Kapatid namin, ikaw nawa ay maging libo-libong sampung libo,* at makuha nawa ng mga supling* mo ang lunsod* ng mga napopoot sa kanila.”+ 61 Pagkatapos, si Rebeka at ang mga tagapaglingkod niyang babae ay naghanda, sumakay sa mga kamelyo, at sumunod sa lalaki. Sa gayon, isinama ng lingkod si Rebeka at umalis.
62 At si Isaac ay nanggaling sa gawi ng Beer-lahai-roi,+ dahil nakatira siya sa lupain ng Negeb.+ 63 Nang papagabi na, naglalakad-lakad si Isaac sa parang para magbulay-bulay.+ Pagtanaw niya, may nakita siyang dumarating na mga kamelyo! 64 Pagtingin ni Rebeka, nakita niya si Isaac, at agad siyang bumaba sa kamelyo. 65 Tinanong niya ang lingkod: “Sino ang lalaking iyon na naglalakad sa parang para salubungin tayo?” Sumagot ang lingkod: “Siya ang panginoon ko.” Kaya naglambong si Rebeka para takpan ang sarili niya. 66 At sinabi ng lingkod kay Isaac ang lahat ng kaniyang ginawa. 67 Pagkatapos, dinala ni Isaac si Rebeka sa tolda ni Sara na kaniyang ina.+ Sa gayon, naging asawa niya ito; at minahal niya ito,+ at nagkaroon ng kaaliwan si Isaac matapos na mawala ang kaniyang ina.+