HIDWAAN
Pakikipagtalo, pakikipag-away sa iba dahil sa alitan. Ang isang pandiwang Hebreo na isinasalin bilang “makipaghidwaan” ay isinasalin din bilang “pukawin” at “magpakabagabag.” Kabilang sa mga sanhi ng hidwaan na tinutukoy sa Kasulatan ang poot (Kaw 10:12), pagngangalit (Kaw 15:18; 29:22), mga intriga (Kaw 16:28), panunuya (Kaw 22:10), labis na pag-inom ng alak (Kaw 23:29, 30), paninirang-puri (Kaw 26:20), pagmamataas o pagmamapuri, at kawalan ng tamang turo (Kaw 28:25; 1Ti 6:3, 4). Sinisira ng hidwaan ang kapayapaan at kaligayahan. Ang di-kaayaaya at nakayayamot na epekto nito sa ibang tao ay paulit-ulit na itinatampok sa aklat ng Mga Kawikaan. (Kaw 19:13; 21:9, 19; 25:24; 27:15) Ang mga pagtatalo sa pagitan ng mga dati’y parang magkapatid ay maaaring maging isang gabundok na hadlang sa pagkakasundo. “Ang kapatid na pinagkasalahan ay higit pa kaysa sa matibay na bayan; at may mga pagtatalo na tulad ng halang ng tirahang tore.”—Kaw 18:19.
Bilang isa sa mga gawa ng laman na kinapopootan ni Jehova (Gal 5:19, 20; ihambing ang Kaw 6:19; Ro 1:28, 29, 32; San 3:14-16), ang hidwaan o pagtatalo ay walang dako sa kongregasyong Kristiyano. (Ro 13:13; 1Co 3:3; 2Co 12:20; Fil 2:3; Tit 3:9) Ang isa sa mga kuwalipikasyon para sa isang Kristiyanong tagapangasiwa ay na hindi siya taong palaaway. (1Ti 3:1, 3) Kaya naman ang mga taong nagpapatuloy sa pakikipagtalo o pakikipaghidwaan ay kabilang sa mga tatanggap ng kahatulan ng Diyos.—Ro 2:6, 8.
Noong unang siglo C.E., kinailangang harapin ng apostol na si Pablo ang mga taong mahilig makipaghidwaan. Ang ilan ay nagpapahayag ng mabuting balita dahil sa hilig na makipagtalo, malamang ay sa layuning maging prominente at pahinain ang awtoridad at impluwensiya ni Pablo. Ngunit hindi hinayaan ni Pablo na maging dahilan ito upang mawala ang kaniyang kagalakan na makitang inihahayag si Kristo.—Fil 1:15-18.