Ang Dapat Maging Saloobin ng mga Kristiyano Tungkol sa Kalayaan
ANG mga Kristiyano ay salungat sa “kalayaan” na tumatanggi sa nararapat na awtoridad. Bakit? Sapagkat ang totoo ay hindi ito nagpapalaya—ito’y nang-aalipin. Narito ang isang payak na halimbawa nito.
Isang kabataan ang nayayamot sa pagpapailalim sa awtoridad ng kaniyang mga magulang, na nagbabawal sa kaniya na manigarilyo at uminom ng alak. Hindi niya kinikilala na ang kanilang awtoridad ay ginagamit ukol sa kaniyang ikabubuti, kaya naghahangad siya ng kalayaan. Nang siya’y sumapit na sa edad at lumisan na sa tahanan, sa wakas ay nakamit niya ang kalayaan na sa tuwina’y hinahangad niya. Subalit makalipas ang mga taon, pagkatapos na mapalulong sa bisyong paninigarilyo at sa pagiging halos isang alkoholiko, siya’y sinabihan ng kaniyang doktor na alang-alang sa kaniyang kalusugan kailangan na huminto siya ng paninigarilyo at pag-inom. Para sa kaniya’y mahirap na gawin ito. Ang kaniyang kalayaan ay umakay sa kaniya sa pagkasugapa, sa pagkaalipin.
Kalayaan Buhat sa Lubusang Awtoridad
Ang awtoridad ng Diyos ay lubusan at nakasalig sa kaniyang pagiging ang Maylikha. Kaya mayroon siyang karapatan na magpasiya para sa kaniyang mga nilalang kung ano ang tamang asal, kung ano ang moral at kung ano ang imoral. Ang mga pamantayang ito, na itinatag para sa kabutihan ng tao, ay malinaw na nakasulat sa Bibliya. “Huwag kayong padaya,” ang sabi nito. “Kahit ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa diyus-diyusan, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga lalaking ukol sa di-natural na layunin, ni ang mga lalaking sumisiping ng paghiga sa mga kapuwa lalaki, ni ang mga magnanakaw, ni ang masasakim, ni ang mga lasenggo, ni ang mga mapagmura, ni ang mangingikil ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.”—1 Corinto 6:9, 10.
Lalo na sa makasanlibutang-pantas, na sopistikadong ika-20 siglong ito, sinikap ng tao na makalaya buhat sa gayong mga pamantayang asal. Subalit, sa kabila ng anumang umano’y kalayaan, hindi niya mapalaya ang kaniyang sarili buhat sa mga ibinunga ng gawang pagkakasala ayon sa pagkakilala rito ng Diyos. Imbis na maging malaya, sila’y naging mga alipin ng kanilang sariling mga hangarin, masasamang pita, at silakbo ng damdamin, gaya ng malinaw na ipinakita ni Jesus nang sabihin: “Bawat gumagawa ng kasalanan ay isang alipin ng kasalanan.”—Juan 8:34; tingnan din ang Roma 6:16.
Kalayaan Buhat sa May Pasubaling Awtoridad
Ang mga opisyales ng gobyerno ay may karapatan na maghawak ng awtoridad sa estado, ang mga magulang ay sa pamilya, ang mga guro ay sa paaralan, at ang mga hinirang na matatandang Kristiyano ay sa kongregasyon. Subalit, ang awtoridad ay may pasubali. Halimbawa, ang lubos na awtoridad ni Jehova, na nag-uutos na basahin ng kaniyang mga lingkod ang kaniyang Salita at makisama sa kanilang mga kapuwa Kristiyano, ang dapat mauna sa may pasubaling awtoridad ng asawang lalaki na marahil ay nagbabawal sa kaniyang asawa na gawin ang alinman sa mga bagay na ito.—Gawa 5:29.
Sa pagkilala sa may pasubaling awtoridad ng estado ang mga Kristiyano ay hindi maaaring sumali sa mga kilusan sa pagpapalaya para ibagsak ang gayong awtoridad. Hindi nila masasang-ayunan ang pagsuway ng mga mamamayan dahil sa hindi sila sang-ayon sa patakaran ng pamahalaan, ni hindi rin sila maaaring manghimok na huwag magbayad ng mga buwis dahil sa pagtutol sa mga ilang patakaran. “Siyang sumasalansang sa awtoridad ay naninindigan laban sa mga kaayusan ng Diyos,” ani apostol Pablo, at: “Yaong mga naninindigan laban dito ay tatanggap ng hatol.”—Roma 13:1-4.
Kumusta naman kung ang isang pinuno ng pamahalaan ay mapang-api at maling ginagamit niya ang kaniyang awtoridad? Ano kung siya’y may mga itinatangi o di-makatarungan sa mga minoridad? Ang Bibliya ay nagpapayo: “Kung iyong makita ang paniniil sa dukha at ang marahas na pag-aalis ng kahatulan at ng katuwiran sa isang distrito, huwag mong ikamangha ang bagay na iyon, sapagkat ang lalong mataas kaysa mataas ay nagmamasid.” (Eclesiastes 5:8) Baka posible na dumulog sa isang nakatataas na awtoridad ng pamahalaan o hukuman. Kahit na kung di makamtan ang katarungan, ang mga lingkod ng Diyos ay magtitiwala na, “kung tungkol kay Jehova ang mga mata niya ay nagsisiyasat sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa kanila na ang puso ay sakdal sa harap niya.”—2 Cronica 16:9.
Nasa ganiyan ding kalagayan ang pamilya. Kung ang mga asawang lalaki o mga ama ay mali ang paggamit ng awtoridad, balang araw itutuwid ng Diyos ang gayong mga bagay, at hindi niya papayagang ang pang-aapi ay umiral sa kaniyang matuwid na bagong sistemang malapit na. Ang Kristiyanong mga babae at mga anak ay patuloy na gagalang sa simulain ng pagkaulong Kristiyano, kahit na kung minsan ay inaabuso iyon. Kanilang nauunawaan na ito’y ginagawa hindi upang maliitin ang sinuman kundi upang magkaroon ng kapayapaan at pagkakaisa sa loob ng pamilya at ng kongregasyong Kristiyano.—1 Corinto 11:3.
“Kalayaan” Buhat sa Awtoridad sa Loob ng Kongregasyon
Kung tungkol sa pagkaulo sa kongregasyong Kristiyano, ang Salita ng Diyos ay nagsasabi: “Maging masunurin kayo sa mga nangunguna sa inyo at pasakop kayo, sapagkat kanilang patuloy na binabantayan ang inyong mga kaluluwa na parang sila ang magsusulit.” (Hebreo 13:17) Bagaman ang awtoridad na ito ng hinirang na matatanda ay may pasubali, ito ay kanilang tinanggap sa Diyos sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu. Ipinagkaloob ito ayon sa isang lalong tuwirang paraan kaysa may pasubaling awtoridad na ipinagkaloob, halimbawa, sa mga opisyales ng pamahalaan.—Gawa 20:28.
May mga naniniwala na ang mga regulasyon at mga instruksiyon na nanggagaling sa nakikitang organisasyon ng Diyos ay totoong mahihigpit, at hindi nagbibigay sa indibiduwal ng sapat na kalayaan. Kaya naman sila ay huminto ng pakikisama sa mga Saksi ni Jehova, at hindi na nila ibig na pasakop sa mga nagbabantay ng kanilang kaluluwa. Bagaman iniisip marahil ng mga taong ito na sila’y malalaya na, ang kanilang “kalayaan” ay, sa katunayan, minsan pang umalipin sa kanila para mapagapos sa mga paniwala at gawain ng huwad na relihiyon.
Ang mga tunay na Kristiyano ay gumagalang sa awtoridad, kapuwa sa lubusang awtoridad ng Diyos at sa may pasubaling awtoridad ng mga tao. Dahil sa wastong pangmalas na ito sa awtoridad naiiwasan nila ang maling paggamit sa kalayaang Kristiyano na ibinigay sa kanila ng kaalaman sa katotohanan.
[Blurb sa pahina 6]
Ang awtoridad ng Diyos ay lubusan at salig sa kaniyang pagiging ang Maylikha
[Blurb sa pahina 6]
Ang mga Kristiyano ay hindi naghihimagsik laban sa estado dahilan sa mga patakaran na pananagutan nito sa Diyos
[Blurb sa pahina 7]
Ang mga tunay na Kristiyano ay gumagalang sa awtoridad, kapuwa sa lubusang awtoridad ng Diyos at sa may pasubaling awtoridad ng mga tao
[Mga larawan sa pahina 7]
Pagsasauli ng mga bagay na pag-aari ng sekular na awtoridad
Pagkilala sa may pasubaling awtoridad sa kongregasyon
Pagpapahalaga sa Kataas-taasang Awtoridad, si Jehovang Diyos