Kapag Sumalakay ang mga Armadong Magnanakaw
SA Ikoyi, isang eksklusibong lugar sa labas ng lunsod sa Kanlurang Aprika, ang mga mansiyon ay nagmistulang mga kuta. Marami ang may mga pader na ang taas ay umaabot sa tatlong metro, na maraming matutulis na bakal, basag na mga salamin, o likaw ng barbed wire sa ibabaw. May mga guwardiya sa malalaking pintuan na may mga trangka, halang, kadena, at mga kandado. May rehas ang mga bintana. Ang mga silid-tulugan ay inihihiwalay ng mga bakal na pintuan mula sa iba pang bahagi ng bahay. Sa gabi, malalaking aso—mga Alsatian at Rottweiler—ang pinakakawalan. Ang kadiliman ay pinapawi ng napakaliwanag na mga ilaw, at kapag maayos ang lahat, banayad na tumutunog ang mga sistema sa pagmamanman na pinaaandar ng computer.
Lahat ay sang-ayon na kailangan ang seguridad sa kanilang mga tahanan. Malungkot na sinasabi sa mga ulo ng balita: “Nilooban ng mga Armadong Magnanakaw ang Komunidad”; “Nagwala ang mga Batang Magnanakaw”; at “Takot, Habang Sinakop ng mga Gang sa Kalye [ang Isang Bayan].” Ito ang situwasyon sa maraming bansa. Gaya ng inihula ng Bibliya, talagang nabubuhay tayo sa mapanganib na panahon.—2 Timoteo 3:1.
Dumarami ang krimen sa buong daigdig, pati na ang mga armadong nakawan. Lalo namang hindi kaya o hindi handa ang mga pamahalaan na ipagsanggalang ang sariling mga mamamayan nito. Sa ilang bansa, di-sapat ang kakayahan ng mga pulisya na tumugon sa mga humihingi ng saklolo, palibhasa’y kulang sila sa tauhan at mga baril. Karamihan naman ng mga miron ay atubiling masangkot.
Ang mga biktima, palibhasa’y hindi makaaasa sa tulong ng pulis o ng publiko, ay pinababayaan na lamang na magtanggol sa sarili. Ganito ang sabi ng isang Kristiyanong matanda sa isang nagpapaunlad na bansa: “Kung hihingi ka ng saklolo, lulumpuhin o papatayin ka ng mga magnanakaw. Kalimutan mo ang tulong ng iba. Kung may tutulong, mabuti, pero huwag kang umasa o humingi nito dahil ang paghingi ng tulong ay nangangahulugan lamang ng lalong malaking gulo.”
Proteksiyon at ang Salita ng Diyos
Bagaman hindi bahagi ng sanlibutan ang mga Kristiyano, sila’y nasa sanlibutan. (Juan 17:11, 16) Kaya katulad ng iba, sila’y gumagawa ng makatuwirang mga hakbang para sa seguridad. Gayunman, di-gaya ng marami na hindi naglilingkod kay Jehova, ang bayan ng Diyos ay naghahanap ng proteksiyon na kasuwato ng mga simulaing Kristiyano.
Sa kabaligtaran, ang mga tao sa ilang bansa sa Aprika ay gumagamit ng mahika sa paghahangad na ipagsanggalang ang kanilang sarili mula sa mga magnanakaw. Baka hiwain ng isang albularyo ang pulsuhan, dibdib, o likod ng isang kliyente. Pagkatapos ay papahiran ng isang mahiwagang sangkap ang hiwa, bubulungan, at ang tao ay ipagpapalagay na di-tatablan ng pagsalakay ng mga magnanakaw. Ang iba naman ay naglalagay ng mga anting-anting o mahiwagang mga sangkap sa kanilang mga tahanan, sa paniniwalang pangyayarihin ng gayong mga “proteksiyon” na iwan sila ng mga magnanakaw nang hindi sinasaktan.
Hindi gumagamit ang mga tunay na Kristiyano ng anumang uri ng mahika. Hinahatulan ng Bibliya ang lahat ng anyo ng espiritismo, at wasto lamang, yamang maaaring isangkot ng gayong mga gawain ang mga tao sa mga demonyo, ang mismong mga nagpapalaganap ng karahasan sa lupa. (Genesis 6:2, 4, 11) Maliwanag ang sabi ng Bibliya: “Huwag kayong magsasagawa ng mahika.”—Levitico 19:26.
Gayon na lamang ang paghahangad ng ilang tao ng proteksiyon anupat nagdadala sila ng baril. Subalit diniribdib ng mga Kristiyano ang mga salita ni Jesus, na nagsabi: “Yaong mga kumukuha ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak.” (Mateo 26:52) ‘Pinapanday [ng bayan ng Diyos] ang kanilang mga tabak upang maging sudsod’ at hindi sila bumibili ng mga baril upang ipagsanggalang ang kanilang sarili sa mga magnanakaw o pagsalakay.—Mikas 4:3.
Kumusta naman ang tungkol sa pag-upa ng mga armadong guwardiya? Bagaman ito ay isang personal na pasiya, tandaan na ang gayong kaayusan ay naglalagay ng baril sa kamay ng iba. Ano ang inaasahan ng mga amo na gagawin ng mga guwardiya kapag may dumating na magnanakaw? Inaasahan ba niya na babarilin ng guwardiya ang magnanakaw kung kailangan upang ipagsanggalang ang mga tao at mga ari-arian na binabantayan?
Ang paninindigan ng mga Kristiyano na tumanggi sa mahika at mga sandata bilang mga kasangkapang pananggalang ay waring isang kamangmangan sa mata niyaong mga hindi nakakakilala sa Diyos. Gayunman, tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Siyang tumitiwala kay Jehova ay iingatan.” (Kawikaan 29:25) Bagaman iniingatan ni Jehova ang kaniyang bayan sa kabuuan, hindi niya pinakikialaman ang lahat ng kalagayan upang ipagsanggalang ang kaniyang mga lingkod mula sa mga magnanakaw. Namumukod-tangi ang katapatan ni Job, subalit pinahintulutan ng Diyos na nakawin ng mga mandarambong ang hayupan ni Job at patayin ang mga nag-aalaga. (Job 1:14, 15, 17) Pinahintulutan din ng Diyos na dumanas si apostol Pablo ng “mga panganib sa mga tulisan.” (2 Corinto 11:26) Gayunpaman, tinuturuan ng Diyos ang kaniyang mga lingkod na mamuhay ayon sa mga simulain na nakababawas sa panganib na manakawan. Sinasangkapan din niya sila ng kaalaman na tumutulong sa kanila na tumugon sa mga pagtatangka ng mga magnanakaw sa paraan na mababawasan ang posibilidad na mapinsala.
Binabawasan ang Panganib na Manakawan
Matagal nang sinabi ng taong pantas: “Ang mayaman ay hindi pinahihintulutang matulog ng kaniyang kasaganaan.” (Eclesiastes 5:12) Sa ibang salita, yaong nagtataglay ng maraming bagay ay maaaring mabalisa nang labis tungkol sa pagkawala ng kanilang mga ari-arian anupat hindi na sila makatulog.
Kaya ang isang paraan upang mabawasan hindi lamang ang kabalisahan kundi gayundin ang panganib na manakawan ay ang iwasang magtipon ng maraming mamahaling ari-arian. Sumulat ang kinasihang apostol: “Ang lahat ng bagay sa sanlibutan—ang pagnanasa ng laman at ang pagnanasa ng mga mata at ang pagpaparangya ng kabuhayan ng isa—ay hindi nagmumula sa Ama, kundi nagmumula sa sanlibutan.” (1 Juan 2:16) Ang katulad na mga pagnanasa na nagpapakilos sa mga tao para bumili ng mamahaling mga bagay ang siya ring nag-uudyok sa iba para magnakaw. At ang “pagpaparangya ng kabuhayan ng isa” ay maaaring gumanyak sa mga mahilig magnakaw.
Bukod sa pagiging katamtaman, isa pang pananggalang laban sa pagnanakaw ay ang ipakita na isa kang tunay na Kristiyano. Kung nagpapakita ka ng pag-ibig sa iba, matapat sa iyong mga pakikitungo, at aktibo sa ministeryong Kristiyano, magkakaroon ka ng reputasyon sa inyong komunidad bilang isang mabuting tao, isa na karapat-dapat igalang. (Galacia 5:19-23) Ang gayong Kristiyanong reputasyon ay nagdudulot ng higit na proteksiyon kaysa sa isang sandata.
Kapag Dumating ang mga Armadong Magnanakaw
Subalit ano ang dapat mong gawin kung pasukin ka sa iyong bahay ng mga magnanakaw at harapin ka nila? Tandaan na ang iyong buhay ay higit na mahalaga kaysa sa mga pag-aari. Sinabi ni Kristo Jesus: “Huwag mong labanan siya na balakyot; kundi sinumang sumampal sa iyo sa iyong kanang pisngi, iharap mo rin sa kaniya ang kabila. At kung nais ng isang tao na . . . ariin ang iyong panloob na kasuutan, hayaan mong mapunta rin sa kaniya ang iyong panlabas na kasuutan.”—Mateo 5:39, 40.
Ito ay isang matalinong payo. Bagaman hindi obligado ang mga Kristiyano na magbigay sa mga kriminal ng impormasyon tungkol sa mga ari-arian, malamang na maging marahas ang mga magnanakaw kung mahalata nilang sila’y nilalabanan, hindi nakikipagtulungan sa kanila, o nililinlang. Marami sa kanila, “palibhasa’y nawalan ng lahat ng pakiramdam sa kabutihang-asal,” ay madaling mapukaw na gumawa ng kalupitan.—Efeso 4:19.
Si Samuel ay nakatira sa isang gusali ng mga apartment. Sinarhan ng mga magnanakaw ang gusali at isa-isang ninakawan ang mga apartment. Nakarinig si Samuel ng mga putok ng baril, winawasak na mga pintuan, at mga taong sumisigaw, umiiyak, at humahagulhol. Imposibleng makatakas. Sinabihan ni Samuel ang kaniyang asawa at tatlong anak na lalaki na lumuhod sila, itaas ang kanilang mga kamay, ipikit ang mga mata, at maghintay. Nang pumasok ang mga magnanakaw, kinausap sila ni Samuel nang nakayuko, palibhasa’y nalalaman na kung titingin siya sa kanilang mga mukha, baka isipin nila na makikilala niya sila sa dakong huli. “Pumasok kayo,” sabi niya. “Anuman ang gusto ninyo, kunin ninyo. Malaya ninyong kunin ang anuman. Kami’y mga Saksi ni Jehova, at hindi kami lalaban sa inyo.” Nabigla ang mga magnanakaw. Sa sumunod na mga oras, isang kabuuang bilang ng 12 armadong kalalakihan ang dumating nang grupu-grupo. Bagaman tinangay nila ang mga alahas, pera, at mga kasangkapang de-kuryente, hindi naman nila binugbog o tinaga ng itak ang pamilya di-gaya ng ginawa nila sa ibang nakatira sa gusali. Pinasalamatan ng pamilya ni Samuel si Jehova dahil nakaligtas sila.
Ipinakikita nito na pagdating sa salapi at materyal na mga bagay, ang mga biktima ng nakawan na hindi lumalaban ay maaaring hindi gaanong mapinsala.a
Kung minsan, ang pagpapatotoo ng isang Kristiyano ay maaaring isang pananggalang laban sa kapinsalaan. Nang salakayin ng mga magnanakaw ang tahanan ni Ade, sinabi niya sa kanila: “Alam kong naghihirap kayo, kaya nga pinasok ninyo ang gawaing ito. Bilang mga Saksi ni Jehova, naniniwala kami na balang araw, ang lahat ay magkakaroon ng sapat na pagkain para sa kaniyang sarili at sa kaniyang pamilya. Ang lahat ay mamumuhay nang payapa at maligaya sa ilalim ng Kaharian ng Diyos.” Pinahupa nito ang kapusukan ng mga magnanakaw. Sinabi ng isa sa kanila: “Ikinalulungkot namin na dumating kami sa iyong bahay, pero kailangang maintindihan mo na nagugutom kami.” Bagaman ninakaw nila ang mga ari-arian ni Ade, hindi nila sinaktan siya o ang kaniyang pamilya.
Manatiling Mahinahon
Hindi madaling maging mahinahon sa isang mapanganib na situwasyon, lalo na kapag ang pangunahing layunin ng mga magnanakaw ay ang takutin ang kanilang mga biktima para sumunod ang mga ito. Tutulong sa atin ang panalangin. Ang ating paghingi ng saklolo, bagaman tahimik at maikli, ay naririnig ni Jehova. Tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Ang mga mata ni Jehova ay nakatitig sa mga matuwid, at ang kaniyang mga tainga ay nakatuon sa kanilang mga paghingi ng tulong.” (Awit 34:15) Naririnig tayo ni Jehova at makapagbibigay siya sa atin ng karunungan upang harapin nang mahinahon ang anumang situwasyon.—Santiago 1:5.
Bukod sa panalangin, isa pang tulong sa pagiging mahinahon ang patiunang pagpapasiya kung ano ang gagawin at hindi mo gagawin kapag ninakawan ka. Sabihin pa, hindi posibleng malaman nang patiuna kung anong situwasyon ang kasasadlakan mo. Gayunman, makabubuti na isaisip ang mga simulain, kung paanong isang katalinuhan na isaisip ang mga pamamaraan sa pag-iingat sakaling ikaw ay nasa isang gusaling nasusunog. Ang patiunang pag-iisip ay tutulong sa iyo na manatiling mahinahon, maiwasang mataranta, at makatakas sa pinsala.
Maliwanag ang pangmalas ng Diyos sa pagnanakaw: “Ako, si Jehova, ay umiibig sa katarungan, napopoot sa pagnanakaw at sa kalikuan.” (Isaias 61:8) Kinasihan ni Jehova ang kaniyang propetang si Ezekiel upang itala ang pagnanakaw bilang isang malubhang kasalanan. (Ezekiel 18:18) Gayunman, ipinakikita rin ng aklat na iyon ng Bibliya na maawaing patatawarin ng Diyos ang tao na nagsisisi at nagsasauli ng kaniyang ninakaw.—Ezekiel 33:14-16.
Sa kabila ng pamumuhay sa isang daigdig na sinasalot ng krimen, nagagalak ang mga Kristiyano sa pag-asang buhay sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, na doo’y wala nang nakawan. Hinggil sa panahong iyon, nangako ang Bibliya: “[Ang bayan ng Diyos ay] aktuwal na uupo, bawat isa sa ilalim ng kaniyang punung-ubas at sa ilalim ng kaniyang punung-igos, at walang tatakot sa kanila; sapagkat sinalita ng mismong bibig ni Jehova ng mga hukbo.”—Mikas 4:4.
[Talababa]
a Mangyari pa, may hangganan sa pakikipagtulungan. Hindi nakikipagtulungan ang mga lingkod ni Jehova sa paraan na lalabag sa batas ng Diyos. Halimbawa, ang isang Kristiyano ay hindi papayag na siya’y halayin.