Gumagamit ba ang Diyos ng “Baluktot” na Pamamaraan?
ANG “DEUS ESCREVE CERTO POR LINHAS TORTAS” (“ANG DIYOS AY sumusulat nang wasto na ginagamit ang baluktot na mga linya”) ay isang kasabihan sa Brazil. Ipinahihiwatig nito na laging tama ang ginagawa ng Diyos ngunit kung minsan ay sa paraang waring mali sa paningin ng tao. Halimbawa, kapag ang isa na nasa kasikatan ng buhay ay namatay, marami ang nagsasabi, ‘Tinawag na siya ng Diyos sa langit.’ Kung ang isa ay may kapansanan sa pisikal o nakaranas ng trahedya, sasabihin ng ilan, ‘Kalooban iyan ng Diyos.’ Yamang ang kamatayan, pisikal na karamdaman, at iba pang sanhi ng kalungkutan ay isinisisi sa Diyos, ipinahihiwatig ng gayong mga pananalita na ang Diyos ay ‘sumusulat nang baluktot,’ na ginagawa niya ang mga bagay sa paraang hindi maintindihan ng tao.
Bakit kaya maraming relihiyosong tao ang naniniwalang ang Diyos ang may kagagawan sa kamatayan at kahirapan? Ang mga paniniwalang ito ay karaniwan nang nakasalig sa maling pagkaunawa sa ilang ibinukod na mga teksto sa Bibliya. Suriin natin sandali ang ilan sa mga ito.
● “Sino ang gumagawa ng isang di-makapagsalita o ng bingi o ng may malinaw na paningin o ng bulag? Hindi ba akong si Jehova?”—Exodo 4:11.
Ibig bang sabihin nito na ang Diyos ang dapat sisihin sa lahat ng nagdurusa dahil sa iba’t ibang kapansanan? Hindi. Hindi ito kasuwato ng personalidad ng Diyos. Sinasabi sa atin ng Bibliya: “Bawat nilalang ng Diyos ay mainam.” (1 Timoteo 4:4) Hindi siya ang dapat sisihin kung ang isa ay ipinanganak na bulag, pipi, o bingi. Ang tanging hangad niya ay ang ikabubuti ng kaniyang nilalang, sapagkat siya ang Bukal ng “bawat mabuting kaloob at . . . bawat sakdal na regalo.”—Santiago 1:17.
Ang ating unang mga magulang, sina Adan at Eva, ang nagpasiya sa ganang sarili na maghimagsik sa Diyos at sa gayo’y naiwala ang kanilang kasakdalan at pati na ang kanilang kakayahang magluwal ng sakdal na mga anak. (Genesis 3:1-6, 16, 19; Job 14:4) Habang nag-aasawa at nagkakaanak ang kanilang mga inapo, nagsimulang dumami nang dumami ang nakikitang mga di-kasakdalan, pati na ang pisikal na mga depekto, sa mga tao. Bagaman hindi ito gawa ng Diyos na Jehova, pinahintulutan niya itong mangyari. Kaya naman, matutukoy niya ang kaniyang sarili bilang “gumagawa” ng di-makapagsalita, ng bingi, at ng bulag.
● “Yaong ginawang baluktot ay hindi maitutuwid.”—Eclesiastes 1:15.
Ang Diyos ba ang gumawang baluktot sa mga bagay-bagay? Maliwanag na hindi. Sinasabi ng Eclesiastes 7:29: “Ginawang matuwid ng Diyos ang mga tao, ngunit sila mismo ay humanap ng maraming plano.” Ganito ang pagkakasabi ng Contemporary English Version sa talatang ito: “Kami ay lubusang tapat nang lalangin kami ng Diyos, subalit kami ngayon ay may pilipit na pag-iisip.” Sa halip na sumunod sa matuwid na mga pamantayan ng Diyos, sa kalakhang bahagi, kusang pinili ng mga lalaki at babae na sundin ang kanilang sariling mga plano, balak, pakana, o paraan—sa ikapipinsala nila.—1 Timoteo 2:14.
Gayundin, gaya ng sinabi ni apostol Pablo, dahil sa kasalanan ng sangkatauhan, “ang paglalang ay ipinasakop sa kawalang-saysay.” (Roma 8:20) At ang situwasyong ito ay “hindi maitutuwid” ng pagsisikap ng tao. Mapapawi lamang ang lahat ng kamalian at kawalang-kabuluhan sa lupa kung makikialam ang Diyos.
● “Tingnan mo ang gawa ng tunay na Diyos, sapagkat sino ang makapagtutuwid sa ginawa niyang baluktot?”—Eclesiastes 7:13.
Sa ibang salita, ganito ang tanong ni Haring Solomon: ‘Sino sa sangkatauhan ang makapagtutuwid sa mga depekto at di-kasakdalan na pinahihintulutan ng Diyos?’ Wala, sapagkat may dahilan kung bakit pinahihintulutan ng Diyos na Jehova na mangyari ang mga bagay na ito.
Kaya naman, inirerekomenda ni Solomon: “Sa mabuting araw ay mapasamabuti ka, at sa kapaha-pahamak na araw ay tingnan mo na ito man ay gayon mismo ginawa ng tunay na Diyos, sa layon na hindi matuklasan ng mga tao ang anuman pagkatapos nila.” (Eclesiastes 7:14) Dapat na magpahalaga ang isang tao kapag maganda ang nangyari sa isang araw at ipakita ang kaniyang pagpapahalaga sa pamamagitan ng pagpapamalas ng kabutihan. Dapat niyang malasin ang mabuting araw bilang isang kaloob mula sa Diyos. Subalit paano kung kalamidad ang nangyari sa isang araw? Makabubuting “tingnan,” alalaong baga, kilalanin, ng isang tao na pinahintulutan ng Diyos na mangyari ang kalamidad. Bakit niya pinahintulutan ang gayon? Sinabi ni Solomon: “Sa layon na hindi matuklasan ng mga tao ang anuman pagkatapos ng mga ito.” Ano ang ibig sabihin nito?
Ang pagpapahintulot ng Diyos na tayo’y makaranas ng mga kagalakan at suliranin ay nagpapagunita sa atin na hindi natin alam kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Maaaring sumapit ang kalamidad kapuwa sa matutuwid at sa mga balakyot. Walang itinatangi sa kanila. Dapat na imulat nito sa atin na mahalagang umasa, hindi sa ating sarili, kundi sa Diyos, anupat tinatandaan na “ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Bagaman hindi natin maintindihan ang ilang bagay sa ngayon, makaaasa tayo na pagkatapos maisakatuparan ang lahat, anumang pinahintulutan ng Diyos ay magdudulot ng kapakinabangan sa lahat ng nasasangkot.
Anumang ipinahihintulot niya ay hindi kailanman magdudulot ng walang-hanggang pinsala sa mga may matuwid na puso. Niliwanag ito ni apostol Pedro nang nagkokomento sa pagdurusang nararanasan ng mga kapananampalataya noong kaniyang panahon: “Pagkatapos ninyong magdusa ng kaunting panahon, ang Diyos ng buong di-sana-nararapat na kabaitan, na tumawag sa inyo sa kaniyang walang-hanggang kaluwalhatian na kaisa ni Kristo, ang mismong tatapos ng inyong pagsasanay, patatatagin niya kayo, palalakasin niya kayo.”—1 Pedro 5:10.
Panahon Upang Ituwid ang mga Bagay-Bagay
Tayo ay binibigyan ni Jehova ng lakas upang mabata ang kasalukuyang mga pagsubok sa atin. Nangangako rin siya na gagawin niyang “bago ang lahat ng bagay.” (Apocalipsis 21:5) Oo, layunin niya na sa malapit na hinaharap ay isasauli ng kaniyang makalangit na Kaharian ang kalusugan niyaong mga nagdurusa dahil sa mga kapansanan at pangangasiwaan ang pagbuhay-muli sa mga patay. Aalisin din ng pamahalaang iyan ang isa na ang mga daan ay talagang baluktot—si Satanas na Diyablo. (Juan 5:28, 29; Roma 16:20; 1 Corinto 15:26; 2 Pedro 3:13) Tunay ngang isang pagpapala para sa may-takot-sa-Diyos na mga tao sa buong lupa ang pagsapit ng panahon ng pagtutuwid ng Diyos sa mga bagay-bagay!
[Picture Credit Line sa pahina 28]
Narinig ni Job ang Kaniyang Kapahamakan/The Doré Bible Illustrations/Dover Publications