Mga Tampok sa Bibliya Ang Awit ni Solomon 1:1–8:14
Matagumpay ang Tunay na Pag-ibig!
Mayroong pag-ibig na kailanma’y hindi nagkukulang. Ito’y di-nagbabago, nananatili, matagumpay. Ang gayong walang maliw na pag-ibig ay umiiral sa pagitan ni Jesu-Kristo at ng kaniyang “nobya,” o inianak-sa-espiritung kongregasyon. (Apocalipsis 21:2, 9; Efeso 5:21-33) At anong ganda na inilarawan ang pag-ibig na ito sa Awit ni Solomon!
Kinatha mga 3,000 taon na ngayon ng pantas na si Haring Solomon ng Israel, ang “awit ng mga awit” (Sol 1:1) na ito ay naglalahad ng pag-ibig na umiiral sa pagitan ng isang pastol at ng isang dalagang probinsiyana mula sa nayon ng Shunem (Shulem). Sa taglay niyang kayamanan at kadakilaan, hindi nakamit ng hari ang pag-ibig ng Shulamita, sapagkat ito’y tapat sa kaniyang minamahal na pastol.
Pagka ang aklat na ito ng tula ay binabasa ng buong ingat at pagpapahalaga, ang walang asawa at may asawa na mga lingkod ni Jehova ay binibigyan nito ng maraming mapag-iisipan tungkol sa pagkadalisay, pagkamalumanay, pagkamatapat, at walang maliw na pag-ibig na dapat maging katangian ng pag-aasawang Kristiyano. Oo, lahat tayo ay makikinabang sa awit na ito tungkol sa tagumpay ng tunay na pag-ibig.
Ang Shulamita sa Kampamento ni Solomon
Pakisuyong basahin Ang Awit ni Solomon 1:1-14. Sa mga tolda ng hari, ang Shulamita ay nangusap na para bagang ang kaniyang sinisintang pastol ay naroon. Pinuri ni Solomon ang kaniyang kagandahan at nangako na gagayakan siya ng mga palamuting ginto at pilak. Subalit tinanggihan ng dalaga ang kaniyang pagsinta at ipinaalam sa kaniya na ang tanging pinag-uukulan niya ng tunay na pag-ibig ay ang pastol.
◆ 1:2, 3—Bakit ang mga paghahambing na ito sa alak at sa langis ay nababagay?
Pinagagalak ng alak ang puso at pinalalakas nito ang nanlulumong kaluluwa. (Awit 104:15; Kawikaan 31:6) Ang langis ay ibinubuhos sa kinaaalang-alanganang mga panauhin dahil sa katangian nito na magpaginhawa. (Awit 23:5; Lucas 7:38) Sa gayon ang napipighating Shulamita ay napalakas at naaliw sa pamamagitan ng paggunita sa “mga kapahayagan ng pagsinta” ng pastol at ng kaniyang “pangalan.” Gayundin, ang nalabi ng pinahirang tagasunod ni Kristo ay napatitibay-loob sa pamamagitan ng pagbubulaybulay tungkol sa pag-ibig at kasiguruhang ibinibigay ng kanilang Pastol, si Jesu-Kristo, bagama’t sila’y naririto pa sa sanlibutan at nakahiwalay pa sa kaniya.
Aral Para sa Atin: Disin sana’y ginayakan ni Solomon ang Shulamita ng “mga kuwintas na ginto” na may “mga kabit na pilak,” subalit ang dalaga’y tumanggi sa materyal na mga tuksong ito at ipinahayag niya ang kaniyang walang maliw na pag-ibig sa pastol. (1:11-14) Ang pagmumunimuni sa kaniyang ipinakitang saloobin ay makapagpapalakas ng pasiya ng uring “nobya” na tanggihan ang mapang-akit na materyalismo ng sanlibutan at manatiling tapat sa kanilang makalangit na Nobyo. Kung ang ating mga pag-asa ay makalupa at tayo’y nagbabalak mag-asawa, harinawang ang halimbawa ng dalagang ito ay mag-udyok sa atin na ang espirituwal, hindi ang materyal na mga kapakanan ang unahin natin.
Nasasabik sa Isa’t Isa
Basahin ang 1:15-3:5. Ang pastol ay pumasok sa maharlikang kampamento at ipinahayag ang kaniyang pag-ibig sa mayuming Shulamita, na nagpapahalaga sa kaniya higit sa lahat ng iba pa. Nang sila’y magkahiwalay, nagunita ng dalaga ang masasayang araw na kapiling niya ang kaniyang minamahal at siya’y nakiusap na ito’y magmadali at dumoon sa kaniyang piling. Kung gabi, siya’y nananabik na makapiling ito.
◆ 2:1-3—Ano ba ang ibig sabihin ng mga makasagisag na pananalitang ito?
Ang kaniyang sarili ay tinagurian ng Shulamita na “isang hamak na lila ng kapatagan sa baybayin” dahil sa siya’y isang mapagpakumbabang mahinhing dalaga na ang turing niya sa kaniyang sarili ay isa sa maraming karaniwang bulaklak. Gayunman, natanto ng pastol na siya’y “isang lila sa gitna ng mga tinik,” palibhasa siya’y kaakit-akit, may kakayahan, at tapat kay Jehova. Sa dalaga, ang pastol ay “gaya ng isang puno ng mansanas sa gitna ng mga punungkahoy sa gubat” dahil sa siya’y isang binatang mahusay ang espirituwalidad at tapat din sa Diyos at may taglay na totoong kanais-nais na mga ugali at kakayahan. Ang isang Kristiyanong binata o dalaga na humahanap ng makakasama sa buhay ay dapat na ang hanapin lamang ay isang tapat na kapananampalataya na may mga katangian na katulad niyaong sa Shulamita o niyaong kaniyang sinisintang pastol.
◆ 3:5—Bakit ang sumpaang ito ay iniugnay sa mga hayop na ito?
Ang mga usang babae at mga usang lalaki ay malumanay, magandang kumilos, at kaakit-akit na mga hayop na matutulin din at malayong madupilas. Sa pinaka-diwa, kung gayon, ang “mga anak na babae ng Jerusalem” ay pinanunumpa ng dalaga sa mga bagay na maganda at kaakit-akit. Sa pamamagitan ng mga hayop na ito, kaniyang inuobligahan ang mga babaing ito na huwag siyang pukawin na umibig sa kaninupaman maliban sa kaniyang sinisintang pastol.
Aral Para sa Atin: Pinasumpa ng dalaga ang “mga anak na babae ng Jerusalem,” o mga babae sa palasyo na tagapaglingkod sa hari, na ‘huwag pukawin ang pag-ibig sa kaniya hanggang sa gusto na niyaon.’ (2:7; 3:5) Ipinakikita nito na imposible na magkaroon ng romantikong pag-ibig para sa kung sino lamang. Ang dalaga mismo ay hindi naakit kay Solomon. Anong laking katalinuhan, kung gayon, para sa Kristiyanong walang asawa na nagbabalak mag-asawa na ang tanging dapat piliin ay isang kuwalipikado at tapat na mananamba kay Jehova na talagang maaaring mahalin!—1 Corinto 7:39.
Ang Dalaga sa Jerusalem
Basahin ang 3:6-6:3. Si Solomon ay bumalik sa Jerusalem nang buong kaningningan. Doon ang pastol ay nakipagkita sa dalaga at pinatibay siya ng mga pangungusap ng pagmamahal. Sa isang panaginip, ang dalaga ay tumugon bagaman huli na sa pagkatok ng kaniyang sinta at siya’y binigyan ng masamang trato ng mga bantay samantalang ang dalaga’y gumagawa ng masinsinang paghahalughog para makita siya. Nang tanungin kung bakit ang kaniyang sinta ay namumukod-tangi, isang mainam na paglalarawan tungkol sa kaniya ang ibinigay ng dalaga sa “mga anak na babae ng Jerusalem.”
◆ 5:12—Paanong ang mga mata ng pastol ay ‘gaya ng mga kalapating naliligo sa gatas’?
Mas una rito, ang mga mata ng Shulamita ay inihalintulad sa mga mata ng isang kalapati dahilan sa pagiging malamlam, malumanay. (1:15; 4:1) Kaya naman, ang dalaga ay tinagurian ng pastol na kaniyang “kalapati.” (5:2) Dito ang mga mata ng pastol ay inihalintulad ng haling sa pag-ibig na dalaga sa abuhing-asul na mga kalapating naliligo sa mga lawa ng gatas. (5:8, 12) Posible, ang talinghagang mga salitang ito ay tumutukoy sa itim ng mata ng pastol na napalilibutan ng kumikislap na puti ng kaniyang mata.
Aral Para sa Atin: Ang Shulamita ay mistulang “isang halamanang nababakuran.” (4:12) Kadalasan ang isang halamanan sa sinaunang Israel ay tulad ng isang parke, isang mistulang paraiso na may bukal ng tubig at sarisari ang mga gulay, bulaklak, at mga punungkahoy. Karaniwan na, ito ay nababakuran ng isang tinikan o isang pader na maaaring pasukin sa pamamagitan lamang ng isang nakakandadong pintuan. (Isaias 5:5) Sa pastol, ang kalinisang-puri ng Shulamita at ang kaniyang kagandahan ay nakakatulad ng isang halamanan na pambihira ang ganda, may maiinam na bunga, kaakit-akit na kabanguhan, at nakagiginhawang kapaligiran. Ang kaniyang pagmamahal ay hindi maaaring mapasa sinumang lalaki, sapagkat siya’y may kalinisang-puri, gaya ng “isang halamanang nababakuran” na hindi maaaring pasukin ng sinumang mapanghimasok at ang may karapatang may-ari ang tangi lamang makapapasok. Sa kalinisan ng moral at sa pagiging tapat ang Shulamita nga ay isang mainam na halimbawa para sa mga dalagang Kristiyano sa ngayon.
“Ang Liyab ni Jah”
Basahin ang 6:4—8:14. Pinapurihan ni Solomon ang kagandahan ng dalaga, subalit siya’y tinanggihan nito at ipinahayag ang kaniyang walang maliw na pag-ibig sa pastol. Yamang hindi niya makamit ang pag-ibig ng dalaga, siya’y pinayagan na ni Solomon na umuwi. Taglay ang kaniyang “mahal” sa kaniyang siping, siya’y bumalik sa Shunem na isang maygulang na babae na napatunayang matatag. Ang pag-ibig sa pagitan niya at ng pastol ay sintibay ng kamatayan at ang mga liyab noon ay mistulang “liyab ni Jah.”
◆ 6:4—Ano ba ang “Kalugud-lugod na Lunsod”?
Ang pananalitang ito ay maisasalin na “Tirzah,” na ang ibig sabihin ay “Kaluguran, Katuwaan.” Ang Tirzah ay isang lunsod na napabantog sa kagandahan at naging unang kabisera ng hilagang kaharian ng Israel.—1 Hari 14:17; 16:5, 6, 8, 15.
◆ 7:4—Paanong ang leeg ng dalaga ay “tulad sa toreng garing”?
Malamang na iyon ay madulas na gaya ng garing at balingkinitan na gaya ng isang tore. Mas una rito, ang kaniyang leeg ay inihalintulad sa “tore ni David,” marahil sa tore ng Bahay-Hari na nasa tabi ng silangang pader ng Jerusalem. Doon ay ‘nakabitin ang isang libong bilugang kalasag ng makapangyarihang mga lalaki,’ at ito’y nagpapahiwatig na ang malaprinsesang leeg ng Shulamita ay nagagayakan ng isang kuwintas na nabubudburan ng pabilog na mga panggayak o hiyas.—4:4; Nehemias 3:25-27.
◆ 8:6, 7—Paanong ang pagsinta ay “malakas na parang kamatayan”?
Ang kamatayan ang walang pagkabisalang umaangkin ng buhay ng makasalanang mga tao, at ganiyan kalakas ang tunay na pagsinta. Sa bagay na ipinipilit nito ang bukod-tanging debosyon, ang gayong pag-ibig ay walang pagsuko na gaya ng Sheol (ang libingan) na inaangkin ang mga bangkay. Palibhasa’y ang Diyos na Jehova ang naglagay sa mga tao ng katangiang umibig, ito’y nagmumula sa kaniya at angkop na tinataguriang “ang liyab ni Jah.” Maging si Haring Solomon man na buong yaman ay hindi makabili ng gayong pag-ibig.
Aral Para sa Atin: Ang karanasan ng Shulamita sa kaniyang pagharap kay Haring Solomon ay isang masaliksik na pagsubok na napagtagumpayan niya. Siya’y hindi isang salawahan sa pag-ibig at sa kalinisang-puri, tulad ng isang pinto na madaling buksan at isara at kailangan pang harangan ng isang tablang sedro upang huwag magbukas upang mapasok ng sinumang walang karapatan o di-karapat-dapat. Hindi, ang dalaga ay nagtagumpay sa mga panghihikayat ng hari, at tumayo na mistulang isang pader laban sa lahat ng materyal na mga pang-aakit ng sanlibutang ito. Sa paglalagak ng pag-asa sa Diyos at paggunita sa magandang halimbawa ng Shulamita, ang mga babaing Kristiyano sa ngayon ay makapagpapatunay rin ng kanilang paninindigan bilang mga indibiduwal na matatag na sumusunod sa mga prinsipyo ni Jehova ng kalinisan at ito’y sa ikapupuri ni Jehova.—8:8-10.
Tunay, ang “awit ng mga awit” na ito, na ang pinaka-tema ay pag-ibig, ang nagpapatingkad ng ating pagpapahalaga sa buklod na umiiral sa pagitan ni Jesus at niyaong mga pinili upang makasali sa kaniyang makalangit na “nobya.” Subalit lahat ng mga binata at mga dalaga pati na ang mga may asawa na nakatalaga kay Jehova ay makikinabang sa pagsisikap na tularan ang integridad ng Shulamita at ng pastol samantalang nakaharap sa mga pagsubok at mga tukso. At ang kahanga-hangang bahaging ito ng Salita ng Diyos ay dapat mag-udyok sa lahat sa atin na manatiling tapat kay Jehova, ang Bukal ng matagumpay na pag-ibig.