Kaligtasan Para sa mga Pumipili sa Liwanag
“Si Jehova ang aking liwanag at aking kaligtasan. Kanino ako matatakot?”—AWIT 27:1.
1. Anong nagbibigay-buhay na mga paglalaan ang ipinagkakaloob ni Jehova?
SI Jehova ang Pinagmumulan ng liwanag ng araw na nagpapangyaring maging posible ang buhay sa lupa. (Genesis 1:2, 14) Siya rin ang Maylalang ng espirituwal na liwanag, na pumapawi sa nakamamatay na kadiliman ng sanlibutan ni Satanas. (Isaias 60:2; 2 Corinto 4:6; Efeso 5:8-11; 6:12) Yaong mga pumipili sa liwanag ay makapagsasabi kasama ng salmista: “Si Jehova ang aking liwanag at aking kaligtasan. Kanino ako matatakot?” (Awit 27:1a) Gayunman, gaya ng nangyari noong panahon ni Jesus, yaong mga pumipili sa kadiliman ay makaaasa lamang ng di-kaayaayang hatol.—Juan 1:9-11; 3:19-21, 36.
2. Noong sinaunang panahon, ano ang nangyari sa mga tumanggi sa liwanag ni Jehova at sa mga nakinig sa kaniyang salita?
2 Noong panahon ni Isaias, ang karamihan sa tipang bayan ni Jehova ay tumanggi sa liwanag. Bilang resulta, nasaksihan ni Isaias ang pagkapuksa ng hilagang kaharian ng Israel bilang isang bansa. At noong 607 B.C.E., ang Jerusalem at ang templo nito ay winasak at ang mga naninirahan sa Juda ay ipinatapon. Gayunman, yaong mga nakinig sa salita ni Jehova ay pinatibay upang labanan ang apostasya noong mga araw na iyon. May kaugnayan sa 607 B.C.E., ipinangako ni Jehova na yaong mga makikinig sa kaniya ay maliligtas. (Jeremias 21:8, 9) Sa ngayon, tayo na mga umiibig sa liwanag ay maraming matututuhan mula sa nangyari noon.—Efeso 5:5.
Ang Kaligayahan Niyaong mga Nasa Liwanag
3. Sa ngayon, anong pagtitiwala ang maaari nating taglayin, anong “matuwid na bansa” ang ating iniibig, at anong “matibay na lunsod” ang taglay ng ‘bansang’ iyon?
3 “Mayroon kaming matibay na lunsod. Itinalaga [ng Diyos] ang kaligtasan bilang mga pader at muralya. Buksan ninyo ang mga pintuang-daan upang makapasok ang matuwid na bansa na nag-iingat ng tapat na paggawi.” (Isaias 26:1, 2) Ito ang masasayang pananalita ng mga tao na nagtiwala kay Jehova. Ang tapat na mga Judio noong panahon ni Isaias ay umasa kay Jehova, hindi sa huwad na mga diyos ng kanilang mga kababayan, bilang ang tanging tunay na Pinagmumulan ng katiwasayan. Sa ngayon, taglay natin ang gayunding pagtitiwala. Bukod dito, iniibig natin ang “matuwid na bansa” ni Jehova—ang “Israel ng Diyos.” (Galacia 6:16; Mateo 21:43) Iniibig din ni Jehova ang bansang ito dahil sa tapat na paggawi nito. Dahil sa kaniyang pagpapala, ang Israel ng Diyos ay may “matibay na lunsod,” isang tulad-lunsod na organisasyon na sumusuporta at nagsasanggalang dito.
4. Anong pangkaisipang saloobin ang makabubuting linangin natin?
4 Lubos na natatanto niyaong mga nasa loob ng “lunsod” na ito na “ang hilig na lubos na nasusuhayan ay iingatan [ni Jehova] sa namamalaging kapayapaan, sapagkat [kay Jehova] nagtitiwala ang isang iyon.” Sinusuhayan ni Jehova yaong mga nakahilig ang isip na magtiwala sa kaniya at sumunod sa kaniyang matutuwid na simulain. Kaya naman, ang mga tapat sa Juda ay nakinig sa payo ni Isaias: “Magtiwala kayo kay Jehova sa habang panahon, sapagkat nasa kay Jah Jehova ang Bato ng mga panahong walang takda.” (Isaias 26:3, 4; Awit 9:10; 37:3; Kawikaan 3:5) Yaong mga may gayong pangkaisipang saloobin ay umaasa kay “Jah Jehova” bilang ang tanging Bato ng katiwasayan. Nagtatamasa sila ng “namamalaging kapayapaan” kasama niya.—Filipos 1:2; 4:6, 7.
Kahihiyan Para sa mga Kaaway ng Diyos
5, 6. (a) Paano hiniya ang sinaunang Babilonya? (b) Sa anong paraan hiniya ang “Babilonyang Dakila”?
5 Paano kung ang mga nagtitiwala kay Jehova ay dumanas ng kapighatian? Hindi sila dapat matakot. Pansamantalang ipinahihintulot ni Jehova ang gayong mga bagay, ngunit sa dakong huli ay nagdudulot siya ng kaginhawahan, at haharapin niyaong nagiging sanhi ng kapighatian ang kaniyang hatol. (2 Tesalonica 1:4-7; 2 Timoteo 1:8-10) Isaalang-alang ang nangyari sa isang “mataas na bayan.” Sinabi ni Isaias: “Ibinuwal [ni Jehova] yaong mga tumatahan sa kaitaasan, ang mataas na bayan. Ibinababa niya iyon, ibinababa niya iyon sa lupa; idinidikit niya iyon sa alabok. Yuyurakan iyon ng paa, ng mga paa niyaong napipighati, ng mga yapak ng mga maralita.” (Isaias 26:5, 6) Ang mataas na bayan na binanggit dito ay maaaring ang Babilonya. Walang-alinlangan na pinighati ng lunsod na iyon ang bayan ng Diyos. Ngunit ano ang nangyari sa Babilonya? Noong 539 B.C.E., bumagsak ito sa mga Medo at mga Persiano. Kay tinding pagkakababa!
6 Sa ating kaarawan, mainam na inilalarawan ng makahulang mga salita ni Isaias kung ano ang nangyari sa “Babilonyang Dakila” sapol noong 1919. Ang mataas na bayang iyon ay dumanas ng kahiya-hiyang pagbagsak noong taóng iyon nang mapilitan itong palayain ang bayan ni Jehova mula sa espirituwal na pagkabihag. (Apocalipsis 14:8) Ang sumunod na nangyari ay higit pang kahiya-hiya. Ang maliit na grupong iyon ng mga Kristiyano ay bumaling upang ‘yurakan’ ang dating bumihag sa kanila. Noong 1922, pinasimulan nilang ipahayag ang napipintong wakas ng Sangkakristiyanuhan, anupat itinatanyag ang apat na pagtunog ng trumpeta ng mga anghel sa Apocalipsis 8:7-12 at ang tatlong kaabahang inihula sa Apocalipsis 9:1–11:15.
“Ang Landas ng Matuwid ay Katapatan”
7. Anong patnubay ang tinatanggap niyaong mga bumabaling sa liwanag ni Jehova, kanino sila umaasa, at ano ang kanilang minamahal?
7 Si Jehova ay naglalaan ng kaligtasan para sa mga bumabaling sa kaniyang liwanag, at pinapatnubayan niya ang kanilang landas, gaya ng sumunod na ipinakikita ni Isaias: “Ang landas ng matuwid ay katapatan. Yamang matapat ka, papatagin mo ang mismong landasin ng matuwid. Oo, dahil sa landas ng iyong mga kahatulan, O Jehova, umaasa kami sa iyo. Ang iyong pangalan at ang iyong pinakaalaala ay siyang pagnanasa ng kaluluwa.” (Isaias 26:7, 8) Si Jehova ay isang matuwid na Diyos, at yaong mga sumasamba sa kaniya ay dapat na sumunod sa kaniyang matutuwid na pamantayan. Kapag ginawa nila ito, pinapatnubayan sila ni Jehova anupat pinapatag ang kanilang landasin. Sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniyang patnubay, ipinakikita ng maaamong ito na umaasa sila kay Jehova at buong-puso nilang minamahal ang kaniyang pangalan—ang kaniyang “pinakaalaala.”—Exodo 3:15.
8. Anong huwarang saloobin ang ipinamalas ni Isaias?
8 Minahal ni Isaias ang pangalan ni Jehova. Kitang-kita iyon sa kaniyang sumunod na mga salita: “Ninasa kita ng aking kaluluwa sa gabi; oo, ang aking espiritu sa loob ko ay patuloy na humahanap sa iyo; sapagkat, kapag may mga kahatulan mula sa iyo para sa lupa, katuwiran ang siyang matututuhan ng mga tumatahan sa mabungang lupain.” (Isaias 26:9) Si Jehova ay ninasa ni Isaias ‘ng kaniyang kaluluwa’—ng kaniyang buong pagkatao. Gunigunihin ang propeta na ginagamit ang tahimik na mga oras ng gabi upang manalangin kay Jehova, anupat ipinapahayag ang mga nasa kaibuturan ng kaniyang isip at marubdob na hinihiling ang patnubay ni Jehova. Kay inam na halimbawa! Bukod dito, natuto ng katuwiran si Isaias mula sa mga gawang paghatol ni Jehova. Sa bagay na ito, ipinaaalaala niya sa atin ang pangangailangang maging mapagbantay sa tuwina, na laging alisto upang maunawaan ang kalooban ni Jehova.
Pinipili ng Iba ang Kadiliman
9, 10. Anong mga gawa ng kabaitan ang ipinamalas ni Jehova sa kaniyang di-tapat na bansa, subalit paano sila tumugon?
9 Si Jehova ay nagpakita ng dakilang maibiging-kabaitan sa Juda, subalit nakalulungkot, hindi lahat ay tumugon. Madalas, pinipili ng karamihan ang paghihimagsik at apostasya sa halip na ang liwanag ng katotohanan ni Jehova. Sinabi ni Isaias: “Pagpakitaan man ng lingap ang balakyot, hindi rin siya matututo ng katuwiran. Sa lupain ng katapatan ay gagawi siya nang walang katarungan at hindi niya makikita ang karilagan ni Jehova.”—Isaias 26:10.
10 Noong kaarawan ni Isaias, nang ipagsanggalang ng kamay ni Jehova ang Juda laban sa kaniyang mga kaaway, ang karamihan ay tumangging kumilala rito. Nang pagpalain niya sila ng kaniyang kapayapaan, ang bayan ay nagpakita ng kawalan ng utang na loob. Kaya naman, pinabayaan sila ni Jehova upang paglingkuran nila ang “ibang mga panginoon,” anupat nang dakong huli ay hinayaang madalang bihag ang mga Judio sa Babilonya noong 607 B.C.E. (Isaias 26:11-13) Gayunman, sa wakas ay isang nalabi ng bansa ang bumalik, nilinis, sa kanilang lupang tinubuan.
11, 12. (a) Anong kinabukasan ang taglay ng mga bumihag sa Juda? (b) Noong 1919, anong kinabukasan ang taglay ng dating bumihag sa pinahirang mga lingkod ni Jehova?
11 Kumusta naman ang mga bumihag sa Juda? Makahulang sumagot si Isaias: “Sila ay patay; hindi sila mabubuhay. Palibhasa’y inutil sa kamatayan, hindi sila babangon. Kaya ibinaling mo ang iyong pansin upang malipol mo sila at mapawi ang lahat ng pagbanggit sa kanila.” (Isaias 26:14) Oo, pagkatapos ng kaniyang pagbagsak noong 539 B.C.E., wala nang kinabukasan ang Babilonya. Balang araw, mawawala na ang lunsod. Siya ay magiging “inutil sa kamatayan,” at ang kaniyang malaking imperyo ay magiging bahagi na lamang ng kasaysayan. Kay tindi ngang babala para sa mga umaasa sa mga makapangyarihan sa sanlibutang ito!
12 Nagkaroon ng katuparan ang mga aspekto ng hulang ito nang pahintulutan ng Diyos na masadlak sa espirituwal na pagkabihag ang kaniyang pinahirang mga lingkod noong 1918 at pagkatapos ay mapalaya sila noong 1919. Mula noon, ang kinabukasan ng dating bumihag sa kanila, pangunahin na ang Sangkakristiyanuhan, ay naging madilim. Ngunit ang mga pagpapalang nakalaan para sa bayan ni Jehova ay talagang sagana.
“Dinagdagan Mo ang Bansa”
13, 14. Anong mayamang mga pagpapala ang tinatamasa ng pinahirang mga lingkod ni Jehova sapol noong 1919?
13 Pinagpala ng Diyos ang may pagsisising espiritu ng kaniyang pinahirang mga lingkod noong 1919 at pinagkalooban sila ng pagsulong. Una, ibinaling ang pansin sa pagtitipon sa huling mga miyembro ng Israel ng Diyos, at pagkatapos ay “isang malaking pulutong” ng “ibang mga tupa” ang sinimulang tipunin. (Apocalipsis 7:9; Juan 10:16) Ang mga pagpapalang ito ay patiunang binanggit sa hula ni Isaias: “Dinagdagan mo ang bansa; O Jehova, dinagdagan mo ang bansa; niluwalhati mo ang iyong sarili. Pinalawak mo ang lahat ng mga hanggahan ng lupain. O Jehova, sa panahon ng kabagabagan ay ibinaling nila sa iyo ang kanilang pansin; sila ay nagbuhos ng bulong na panalangin nang tumanggap sila ng iyong disiplina.”—Isaias 26:15, 16.
14 Sa ngayon, ang mga hanggahan ng Israel ng Diyos ay pinalawak sa buong lupa, at ang idinagdag na malaking pulutong ay may bilang na ngayon na mga anim na milyong masisiglang nakikibahagi sa gawaing pangangaral ng mabuting balita. (Mateo 24:14) Kay laking pagpapala mula kay Jehova! At kay laking kaluwalhatian ang dulot nito sa kaniyang pangalan! Ang pangalang iyon ay naririnig ngayon sa 235 lupain—isang kamangha-manghang katuparan ng kaniyang pangako.
15. Anong makasagisag na pagkabuhay-muli ang naganap noong 1919?
15 Kinailangan ng Juda ang tulong ni Jehova upang makalaya sa pagkabihag sa Babilonya. Hindi nila ito magagawa sa ganang sarili nila. (Isaias 26:17, 18) Gayundin naman, ang pagpapalaya sa Israel ng Diyos noong 1919 ay katunayan ng suporta ni Jehova. Hindi iyon mangyayari kung wala siya. At gayon na lamang ang pagbabago ng kanilang kalagayan anupat inihalintulad ito ni Isaias sa isang pagkabuhay-muli: “Ang iyong mga patay ay mabubuhay. Ang isang bangkay ko—sila ay babangon. Gumising kayo at humiyaw nang may kagalakan, kayong mga tumatahan sa alabok! Sapagkat ang iyong hamog ay gaya ng hamog ng mga malva, at maging yaong mga inutil sa kamatayan ay palalaglagin ng lupa upang maipanganak.” (Isaias 26:19; Apocalipsis 11:7-11) Oo, yaong mga inutil sa kamatayan ay, wika nga, muling ipanganganak para sa panibagong espirituwal na gawain!
Proteksiyon sa Mapanganib na Panahon
16, 17. (a) Noong 539 B.C.E., ano ang kinailangang gawin ng mga Judio upang makaligtas sa pagbagsak ng Babilonya? (b) Malamang na ano ang “mga loobang silid” sa ngayon, at paano tayo nakikinabang sa mga ito?
16 Ang mga lingkod ni Jehova ay laging nangangailangan ng kaniyang proteksiyon. Gayunman, di-magtatagal at iuunat niya ang kaniyang kamay sa kahuli-hulihang pagkakataon laban sa sanlibutan ni Satanas, at kakailanganin ng kaniyang mga mananamba ang kaniyang tulong sa paraang hindi pa nangyari kailanman. (1 Juan 5:19) May kinalaman sa mapanganib na panahong iyon, nagbababala si Jehova sa atin: “Yumaon ka, bayan ko, pumasok ka sa iyong mga loobang silid, at isara mo ang iyong mga pinto sa likuran mo. Magtago ka nang sandali hanggang sa makaraan ang pagtuligsa. Sapagkat, narito! si Jehova ay lumalabas mula sa kaniyang dako upang hingan ng sulit ang kamalian ng tumatahan sa lupain laban sa kaniya, at tiyak na ilalantad ng lupain ang kaniyang pagbububo ng dugo at hindi na tatakpan ang mga napatay sa kaniya.” (Isaias 26:20, 21; Zefanias 1:14) Ipinakita ng babalang ito sa mga Judio kung paano makaliligtas sa pagbagsak ng Babilonya noong 539 B.C.E. Yaong mga nakinig dito ay kinailangang manatili sa kanilang mga bahay, anupat ligtas mula sa mga nanlulupig na sundalong nasa mga lansangan.
17 Sa ngayon, ang “mga loobang silid” sa hula ay malamang na lumalarawan sa sampu-sampung libong kongregasyon ng bayan ni Jehova sa buong daigdig. Ang gayong mga kongregasyon ay proteksiyon maging sa ngayon, isang dako na doo’y nakasusumpong ng kanlungan ang mga Kristiyano kasama ng kanilang mga kapatid, sa ilalim ng maibiging pangangalaga ng matatanda. (Isaias 32:1, 2; Hebreo 10:24, 25) Ito ay lalo nang totoo dahil sa napipintong wakas ng sistemang ito ng mga bagay na sa panahong iyon ay nakadepende ang kaligtasan sa pagiging masunurin.—Zefanias 2:3.
18. Paano ‘papatayin [ni Jehova] ang dambuhalang hayop-dagat’ sa malapit na hinaharap?
18 Hinggil sa panahong iyon, humula si Isaias: “Sa araw na iyon si Jehova, taglay ang kaniyang matigas at malaki at matibay na tabak, ay magbabaling ng kaniyang pansin sa Leviatan, ang umuusad na serpiyente, sa Leviatan nga, ang likong serpiyente, at tiyak na papatayin niya ang dambuhalang hayop-dagat na nasa dagat.” (Isaias 27:1) Ano ang makabagong-panahong “Leviatan”? Lumilitaw na ito “ang orihinal na serpiyente,” si Satanas mismo, kasali na ang kaniyang balakyot na sistema ng mga bagay, na ginagamit niya upang makipagdigma laban sa Israel ng Diyos. (Apocalipsis 12:9, 10, 17; 13:14, 16, 17) Noong 1919, nawala ng Leviatan ang pagkakahawak nito sa bayan ng Diyos. Balang araw, lubusan na itong mapapawi. (Apocalipsis 19:19-21; 20:1-3, 10) Sa gayon, ‘papatayin ni Jehova ang dambuhalang hayop-dagat.’ Samantala, anuman ang gawin ng Leviatan laban sa bayan ni Jehova ay hindi magkakaroon ng namamalaging tagumpay. (Isaias 54:17) Tunay ngang nakaaaliw na magkaroon ng gayong katiyakan!
“Isang Ubasan ng Alak na Bumubula”
19. Ano ang kalagayan ng mga nalabi ngayon?
19 Dahil sa lahat ng liwanag na ito mula kay Jehova, hindi ba’t taglay natin ang lahat ng dahilan upang magsaya? Oo, gayon nga! Maganda ang pagkakalarawan ni Isaias sa kagalakan ng bayan ni Jehova nang kaniyang isulat: “Sa araw na iyon ay umawit kayo sa kaniya: ‘Isang ubasan ng alak na bumubula! Akong si Jehova ang nag-iingat sa kaniya. Sa bawat sandali ay didiligin ko siya. Upang walang sinumang magbaling ng kaniyang pansin laban sa kaniya, iingatan ko siya maging sa gabi’t araw.’ ” (Isaias 27:2, 3) Inalagaan ni Jehova ang kaniyang “ubasan,” ang nalabi ng Israel ng Diyos, at ang kanilang masisipag na kasamahan. (Juan 15:1-8) Ang resulta nito ay mga bunga na nagdudulot ng kaluwalhatian sa kaniyang pangalan at nagiging sanhi ng malaking pagsasaya sa gitna ng kaniyang mga lingkod sa lupa.
20. Paano ba ipinagsasanggalang ni Jehova ang kongregasyong Kristiyano?
20 Matutuwa tayo na ang dating galit ni Jehova sa kaniyang pinahirang mga lingkod—na dahil doon ay hinayaan niyang madala sila sa espirituwal na pagkabihag noong 1918—ay wala na. Si Jehova mismo ang nagsabi: “Walang pagngangalit ang sumasaakin. Sino ang magbibigay sa akin ng mga tinikang-palumpong at mga panirang-damo sa pagbabaka? Tatapakan ko ang mga iyon. Ang mga iyon ay magkasabay kong sisilaban. Kung hindi ay tumangan siya sa aking moog, makipagpayapaan siya sa akin; ang pakikipagpayapaan sa akin ay gawin niya.” (Isaias 27:4, 5) Upang matiyak na ang kaniyang mga punong ubas ay patuloy na panggalingan ng saganang “alak na bumubula,” dinudurog at tinutupok ni Jehova ang anumang tulad ng panirang-damong impluwensiya na makapagpapasamâ sa kanila. Kaya huwag isapanganib ng sinuman ang kapakanan ng kongregasyong Kristiyano! Hayaang ang lahat ay ‘tumangan sa moog ni Jehova,’ anupat hinahanap ang kaniyang pagsang-ayon at proteksiyon. Sa paggawa nito, nakikipagpayapaan tayo sa Diyos—isang bagay na napakahalaga kung kaya dalawang beses itong binanggit ni Isaias.—Awit 85:1, 2, 8; Roma 5:1.
21. Sa paanong paraan napunô ng “bunga” ang mabungang lupain?
21 Nagpapatuloy ang mga pagpapala: “Sa mga araw na dumarating ay mag-uugat ang Jacob, ang Israel ay mamumulaklak at magsisibol nga; at talagang pupunuin nila ng bunga ang ibabaw ng mabungang lupain.” (Isaias 27:6) Natupad ang talatang ito sapol noong 1919, anupat naglalaan ng kamangha-manghang katibayan ng kapangyarihan ni Jehova. Pinunô ng pinahirang mga Kristiyano ang lupa ng “bunga,” nakapagpapalusog na espirituwal na pagkain. Sa gitna ng isang tiwaling sanlibutan, iniingatan nila nang may kagalakan ang matataas na pamantayan ng Diyos. At patuloy silang pinagpapala ni Jehova ng pagsulong. Bilang resulta, ang kanilang milyun-milyong kasamahan, ang ibang mga tupa, ay ‘nag-uukol [sa Diyos] ng sagradong paglilingkod araw at gabi.’ (Apocalipsis 7:15) Huwag nawang mawaglit sa ating pananaw ang dakilang pribilehiyo na makabahagi sa “bunga” at maibahagi ito sa iba!
22. Anong mga pagpapala ang dumarating sa mga tumatanggap sa liwanag?
22 Sa mapanganib na mga panahong ito, na ang kadiliman ay tumatakip sa lupa at ang pusikit na kadiliman naman sa mga liping pambansa, hindi ba tayo nagpapasalamat na si Jehova ay nagpapasikat ng espirituwal na liwanag sa kaniyang bayan? (Isaias 60:2; Roma 2:19; 13:12) Para sa lahat ng tumatanggap dito, ang gayong liwanag ay nangangahulugan ng kapayapaan ng isip at kagalakan sa ngayon at maging ng buhay na walang hanggan sa hinaharap. Kung gayon, taglay ang mabuting dahilan, tayong mga umiibig sa liwanag ay magpasigla sa ating puso sa pagpuri kay Jehova at sabihin kasama ng salmista: “Si Jehova ang moog ng aking buhay. Kanino ako manghihilakbot? Umasa ka kay Jehova; magpakalakas-loob ka at magpakatibay ang iyong puso. Oo, umasa ka kay Jehova.”—Awit 27:1b, 14.
Natatandaan Mo Ba?
• Anong kinabukasan ang taglay ng mga naniniil sa bayan ni Jehova?
• Anong pagsulong ang inihula sa Isaias?
• Sa anong “mga loobang silid” tayo dapat manatili, at bakit?
• Bakit ang kalagayan ng bayan ni Jehova ay nagdudulot ng papuri sa kaniya?
[Kahon sa pahina 22]
BAGONG PUBLIKASYON
Karamihan sa impormasyon na tinalakay sa dalawang araling artikulong ito ay iniharap bilang isang pahayag sa programa ng pandistritong kombensiyon para sa 2000/2001. Sa katapusan ng pahayag, isang bagong publikasyon ang inilabas, na pinamagatang Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan I. Ang 416-pahinang aklat na ito ay naglalaman ng talata-por-talatang pagtalakay sa unang 40 kabanata ng aklat ng Isaias.
[Larawan sa pahina 18]
Tanging ang matutuwid ang pinahihintulutan sa “matibay na lunsod” ni Jehova, ang kaniyang organisasyon
[Larawan sa pahina 19]
Hinanap ni Isaias si Jehova “sa gabi”
[Larawan sa pahina 21]
Ipinagsasanggalang ni Jehova ang kaniyang “ubasan” at ginagawa itong mabunga