PAGDADALANG-TAO
Ang paglilihi at pagbubuntis ng ina sa di-pa-naisisilang na supling sa loob ng kaniyang katawan.
Sa kaniyang utos kina Adan at Eva, “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa,” ipinahiwatig ni Jehova na ang pagdadalang-tao ay magiging bahagi ng normal na papel na gagampanan ng babae. (Gen 1:28) Nang pumasok ang di-kasakdalan sa pamilya ng tao, ipinaliwanag ng Diyos na lulubha ang kirot ng pagdadalang-tao. (Gen 3:16; tingnan ang KIROT NG PAGDARAMDAM, MGA.) Ang salitang Hebreo na ha·rahʹ ay nangangahulugang “maglihi, magdalang-tao.” (1Cr 4:17; 7:23) Ang katumbas na diwa sa Griego ay kadalasang ipinahahayag sa pamamagitan ng idyoma na “taglayin sa tiyan,” na nangangahulugang “magkaanak,” o magdalang-tao.—Mat 1:18, 23.
Sa mga Judio, ang mga anak, at lalo na ang mga anak na lalaki, ay minalas bilang isang pagpapala (Aw 127:3; 128:3; Gen 29:32-35; 30:5, 6), at ang pagkabaog naman bilang kahihiyan at kadustaan. (Luc 1:24, 25; Gen 25:21; 30:1) Dahil dito, hinangad ng mga babaing may asawa na sila’y magdalang-tao. (1Sa 1:2, 11, 20) Sa sandaling ipaglihi ang bata, ang lumalaking binhi o sanggol ay itinuturing nang isang kaluluwa. Anumang pagkilos na nagbunga ng pagkamatay ng lumalaking sanggol sa bahay-bata ay hinahatulan ayon sa alituntuning “kaluluwa para sa kaluluwa.” (Exo 21:22, 23) Isang nakapanghihilakbot na gawa naman ng kaaway ang pagwakwak o pagbiyak sa tiyan ng isang babaing nagdadalang-tao.—Os 13:16; Am 1:13; 2Ha 8:12; 15:16.
May kalakip na kirot ang pagdadalang-tao kapag papatapos na ito (Aw 48:6; 1Te 5:3), ngunit naglalaho ang pansamantalang pamimighating iyon kapag naisilang na ang bata, at sa gayon, ang pagdadalang-tao ay karaniwang nagtatapos nang maligaya at kasiya-siya.—Ju 16:21, 22.
“Sa Aba ng mga Babaing Nagdadalang-tao.” Noong sinasagot niya ang tanong ng mga apostol tungkol sa katapusan ng sistema ng mga bagay, binanggit ni Jesus ang tungkol sa pagtakas mula sa Judea at sinabi niya: “Sa aba ng mga babaing nagdadalang-tao at niyaong mga nagpapasuso ng sanggol sa mga araw na iyon!” (Mat 24:19; Mar 13:17; Luc 21:23) Ipinakita ng mga pangyayari bago at noong panahon ng pagkawasak ng Jerusalem noong 70 C.E. na ang mga salitang iyon ay nagkaroon ng katuparan at nagkatotoo. Bagaman kadalasan ay posible para sa isang babae ang katamtamang aktibidad at pagkilos sa panahon ng kaniyang pagdadalang-tao (Luc 1:39, 56; 2:5), mahihirapan siya sa matagal at mabilis na paglalakad sa bulubunduking lalawigan, lalo na kung malapit na siyang manganak. Matinding kapighatian ang sinapit ng mga babaing nagdadalang-tao at niyaong mga nagpapasuso ng mga sanggol nang kubkubin ng mga hukbong Romano ang Jerusalem. Naging laganap ang taggutom. Sa panahon ng pagdadalang-tao, mahalagang makakain nang wasto ang isang babae. Halimbawa, kung wala siyang sapat na kalsyum, maaaring malagas ang kaniyang mga ngipin, sapagkat nangangailangan ng kalsyum ang katawan upang mabuo ang mga buto ng lumalaking sanggol. Karagdagan pa, ang pagiging likas na mapag-alaga ng babae bilang isang ina ay magpapatindi sa kaniyang paghihirap habang nakikita niyang namamatay sa gutom ang mga sanggol, yamang alam niya na malapit na siyang magluwal ng isang bata sa gayong mga kalagayan. Ganito ang isinulat ni Josephus tungkol sa ilang lalaking nagugutom sa kinubkob na Jerusalem: “Hindi nila kinaawaan ang mga ubanin o ang mga sanggol: ang mga bata ay aktuwal na binuhat kasama ang anumang bagay na kinakapitan ng mga ito at inihampas sa lupa.”—The Jewish War, V, 433 (x, 3); ihambing ang Luc 23:29.
Makasagisag na Paggamit. Ang yugto ng pagdadalang-tao na nagtatapos sa pagsisilang ng bata ay ilang ulit na ginagamit sa makasagisag na diwa. Naiwala ng Israel ang pagsang-ayon ng Diyos dahil ang kaniyang di-tapat na mga mamamayan ay ‘naglihi ng kabagabagan at nanganak ng bagay na nakasasakit.’ (Isa 59:2-8; ihambing ang Aw 7:14.) Nagsimula ang prosesong ito nang pahintulutan nilang matamnan ng binhi ng “nakasasakit na mga kaisipan” at maling mga pagnanasa ang kanilang mga isip at mga puso at sa diwa ay malimliman ang mga iyon doon, anupat ang di-maiiwasang resulta ay ang pagsisilang ng “nakasasakit na mga gawa.”—Ihambing ang San 1:14, 15.
Sa ibang talata, inilalarawan ni Isaias ang Israel bilang isang babae na sumisigaw dahil sa mga kirot ng pagdaramdam at nagsasabi sa Diyos: “Nagkagayon nga kami dahil sa iyo, O Jehova. Nagdalang-tao kami, nagkaroon kami ng mga kirot ng pagdaramdam; gayunman, nanganak kami ng hangin. Wala kaming naisasagawang tunay na pagliligtas kung tungkol sa lupain, at walang tumatahan sa mabungang lupain ang nahuhulog upang maipanganak [“mabuhay,” JP].” (Isa 26:17, 18) Maaaring tumutukoy ito sa bagay na, sa kabila ng mga pagpapala ng Diyos (ihambing ang Isa 26:15) at ng pagbibigay niya sa Israel ng pagkakataong maging ‘isang kaharian ng mga saserdote at isang banal na bansa’ (Exo 19:6), hindi pa rin nakikita ng Israel ang matagal nang hinihintay na katuparan ng pangako may kinalaman sa Binhi na sa pamamagitan nito ay dadaloy ang mga pagpapala. (Gen 22:15-18) Ang sariling mga pagsisikap ng Israel ukol sa kaligtasan ay walang ibinungang anuman, isang kabulaanan lamang; bilang isang bansa, hindi ito makapagbigay ng kalayaan “sa pagkaalipin sa kasiraan” na dahil doon ay “patuloy na dumaraing na magkakasama at nasasaktang magkakasama” ang buong sangnilalang. (Ro 8:19-22; ihambing ang 10:3; 11:7.) Nang lupigin ito ng Babilonya, ang lupain ay ‘naglaho’ dahil sa karumihan nito na dulot ng paglabag sa tipan ng Diyos, at “bumaba ang bilang ng mga tumatahan sa lupain.”—Isa 24:4-6.
Sa kabaligtaran, sa pamamagitan ng pagpapabalik sa kaniyang bayan mula sa pagkatapon, ang Jerusalem ay ginawa ni Jehova na tulad ng isang babaing pinagdalang-tao ng asawa nito at nagluwal ng maraming anak.—Isa 54:1-8.
Sinipi ng apostol na si Pablo ang hulang ito ng Isaias kabanata 54 at ikinapit ito sa “Jerusalem sa itaas [na] malaya, at siya ang ating ina.” (Gal 4:26, 27) Maliwanag na ito ang susi upang maunawaan ang pangitaing nakaulat sa Apocalipsis 12:1-5, kung saan isang nagdadalang-taong makalangit na “babae” ang nagsilang ng “isang anak na lalaki, isang lalaki, na magpapastol sa lahat ng mga bansa taglay ang isang tungkod na bakal.” Ang pagpapastol sa mga bansa taglay ang isang tungkod na bakal ay tuwirang kaugnay ng Mesiyanikong Kaharian ng Diyos, at sa gayon, ang pangitain ay tiyak na may kinalaman sa pagluluwal sa Kahariang iyon, anupat, pagkatapos na mabigo si Satanas sa pagsalakay sa bagong-silang na “anak,” umalingawngaw ang ganitong sigaw: “Ngayon ay naganap na ang kaligtasan at ang kapangyarihan at ang kaharian ng ating Diyos at ang awtoridad ng kaniyang Kristo.” (Apo 12:10) Ang panggigipuspos ng nagdadalang-taong makalangit na “babae” bago siya magsilang ay nagpapaalaala sa pananalita ni Pablo sa Galacia 4:19, kung saan lumilitaw na ang “mga kirot ng panganganak” ay kumakatawan sa masidhing interes at marubdob na pagnanais na makitang naabot ang lubos na pagsulong ng mga bagay-bagay (sa kaso ni Pablo, ang lubos na pagsulong ng mga mananampalatayang taga-Galacia bilang mga Kristiyano).