KOMINO
[sa Heb., kam·monʹ, sa Gr., kyʹmi·non, sa Ingles, cumin], Kominong Itim [sa Heb., qeʹtsach].
Ang halamang komino (Cuminum cyminum) ay kabilang sa pamilya ng mga karot o mga parsli, tumataas nang mga 0.3 m hanggang 0.6 m (1 hanggang 2 piye), may mahahaba at makikitid na dahon at mga umbel (mga pumpon) ng bulaklak na maliliit at kulay-rosas o kulay puti na tumutubo sa mga dulo ng patindig na mga sanga nito. Higit na kilala ang halamang ito dahil sa malasa at aromatikong mga buto nito, na ginagamit sa mga bansa sa Gitnang Silangan at sa iba pang mga lupain bilang espesyang pampalasa sa tinapay, kakanin, nilaga, at maging sa mga alak. Nang maglaon, ang mga buto ng caraway, na kahawig ng mga buto ng komino sa lasa at hitsura, ay mas karaniwan nang ginagamit kaysa sa komino dahil mas banayad at mas masustansiya ang mga ito.
Sa Isaias 28:25, 27, binanggit kasama ng komino ang halamang inilalarawan ng salitang Hebreo na qeʹtsach. Tinutukoy ito ng mga tagapagsalin sa iba’t ibang katawagan bilang “fitches” (KJ), “fennel” (Mo), at “eneldo” (AT; RS); ngunit waring “kominong itim” (JP; NW) ang pinapaboran ng konteksto at gayundin ng katumbas na pangalan nito sa Arabe (qazha). Sa kabila ng pangalang Ingles nito, ang kominong itim (Nigella sativa) ay hindi inuuri ng mga botaniko bilang kasama sa halamang komino, at bagaman kilala bilang “nutmeg flower,” naiiba rin ito sa inaalagaang halamang nutmeg. Ito ay kabilang sa pamilyang Ranunculaceae (buttercup), lumalaki na halos kasintaas ng komino, may kahawig na mga dahong tulad-pakô, ngunit nagsisibol ng isahan at kaakit-akit na mga bulaklak na ang mga talulot ay puti hanggang asul. Ang mga lalagyan ng mga buto nito ay may mga kompartment sa loob, at ang mumunti at itim na mga buto, mas maliliit kaysa sa komino, ay maaskad at aromatiko at ginagamit sa mga pagkain bilang pampaanghang. Paboritong espesya ito ng sinaunang mga Griego at mga Romano.—LARAWAN, Tomo 1, p. 543.
Bagaman sa ngayon ay hindi malawakang itinatanim sa rehiyon ng Palestina ang komino at kominong itim, noong panahon ng Bibliya ay mas popular ang mga ito sa lugar na iyon. Sa pamamagitan ng propetang si Isaias, inilalarawan ni Jehova na pasaboy na ikinakalat ng magsasakang Israelita ang mga binhi sa inararong lupain, samantalang higit itong nag-iingat sa paghahasik ng mas mahahalagang butil, gaya ng trigo, mijo, at sebada. Ipinakikita rin niya na pagkatapos mag-ani, ang paggiik sa mga buto ng mga halamang komino at kominong itim ay hindi ginagamitan ng mabibigat na gulong o panggulong ng mga kasangkapang panggiik, kundi ang mga kapsula ng buto ay hinahampas ng isang baston o, para sa mas matitigas na supot ng buto ng kominong itim, ng isang tungkod upang hindi mapinsala ang maliliit at murang mga buto. Yamang kasunod ito ng payo ni Jehova sa bayan ng Israel na tumigil sila sa panunudyo dahil sa napipintong pagkalipol ng hilagang kaharian, lumilitaw na ang ilustrasyong ito ay ibinigay upang ipakitang makapipili ang bayan, alinman sa tumugon sila sa disiplinang hampas ng tungkod ni Jehova o sumailalim sa matindi at walang-lubay na paggiik na para bang dinudurog sila ng isang mabigat na karitong panggulong.—Isa 28:22-29.
Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, ang mga Israelita ay dapat magbayad ng ikapu o ikasampu “ng lahat ng bunga ng iyong binhi,” na waring sumasaklaw sa lahat ng sinasakang pananim. (Deu 14:22; Lev 27:30) Noong mga araw ni Jesus, mahigpit na nagbabayad ang mga Pariseo ng ikasampu ng gayong maliliit na produkto gaya ng yerbabuena, eneldo, at komino (pawang mga bagay na maipagbibili), ngunit nagkasala sila dahil ipinagwawalang-bahala naman nila ang mas mabibigat na obligasyon.—Mat 23:23; ihambing ang Luc 11:42.