ARALING ARTIKULO 46
Tinutulungan Tayo ni Jehova na Magtiis Nang May Kagalakan
“Si Jehova ay matiyagang naghihintay para magpakita ng kabutihan sa inyo, at kikilos siya para magpakita sa inyo ng awa.”—ISA. 30:18.
AWIT 3 Ikaw ang Aming Pag-asa at Lakas
NILALAMANa
1-2. (a) Anong mga tanong ang tatalakayin natin? (b) Ano ang nagpapakita na gustong-gusto tayong tulungan ni Jehova?
TINUTULUNGAN tayo ni Jehova na makayanan ang mga problema natin at maging masaya sa paglilingkod sa kaniya. Paano niya tayo tinutulungan? At paano tayo makikinabang sa tulong na ibinibigay ni Jehova? Sasagutin ng artikulong ito ang mga tanong na iyan. Pero bago natin talakayin ang mga iyan, sagutin muna natin ang tanong na ito: Talaga bang gusto tayong tulungan ni Jehova?
2 Sa liham ni apostol Pablo sa mga Hebreo, gumamit siya ng isang salita na makakatulong sa atin na masagot ang tanong na iyan. Isinulat niya: “Si Jehova ang tumutulong sa akin; hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?” (Heb. 13:6) Sinasabi ng isang reperensiya sa Bibliya na ang salitang “tumutulong,” na ginamit sa talatang ito, ay tumutukoy sa isang tao na nagbibigay agad ng tulong sa isa na nangangailangan nito. Para mo bang nakikita si Jehova na nagmamadaling iligtas ang isa na nangangailangan ng tulong? Tiyak na sasang-ayon ka na makikita sa paglalarawang ito na gustong-gusto ni Jehova na tulungan tayo. Makakapagtiis tayo nang may kagalakan dahil kasama natin si Jehova.
3. Ano ang tatlong paraang ginagawa ni Jehova para tulungan tayong matiis ang mga pagsubok nang may kagalakan?
3 Ano ang ilang paraang ginagawa ni Jehova para tulungan tayong matiis ang mga pagsubok nang may kagalakan? Tingnan natin ang sinasabi ng aklat ng Isaias. Bakit? Dahil marami sa mga inihula ni Isaias ang makakatulong sa mga lingkod ng Diyos sa ngayon. Madalas ding gumamit si Isaias ng mga salitang madali nating maintindihan para ilarawan si Jehova. Tingnan ang halimbawa sa Isaias kabanata 30. Sa kabanatang iyan, gumamit si Isaias ng magagandang ilustrasyon para ilarawan kung paano tinutulungan ni Jehova ang bayan niya. Isinulat niya na tinutulungan tayo ni Jehova sa tatlong paraan: (1) nakikinig siya at sinasagot ang mga panalangin natin, (2) pinapatnubayan niya tayo, at (3) pinagpapala niya tayo ngayon at pagpapalain pa sa hinaharap.
NAKIKINIG SI JEHOVA SA ATIN
4. (a) Paano inilarawan ni Jehova ang mga Judio noong panahon ni Isaias, at ano ang pinahintulutan Niyang mangyari sa kanila? (b) Anong pag-asa ang ibinigay ni Jehova sa mga tapat? (Isaias 30:18, 19)
4 Sa unang talata ng Isaias kabanata 30, inilarawan ni Jehova ang mga Judio bilang “suwail na mga anak” na ‘dinadagdagan ng kasalanan ang kasalanan’ nila. Sinabi pa niya: “Sila ay mapaghimagsik na bayan, . . . na ayaw makinig sa kautusan ni Jehova.” (Isa. 30:1, 9) Dahil hindi nakinig ang bayan, inihula ni Isaias na pahihintulutan ni Jehova na dumanas sila ng kapahamakan. (Isa. 30:5, 17; Jer. 25:8-11) At nangyari iyon nang bihagin sila ng mga taga-Babilonya. Pero may mga tapat na Judio pa rin, at may mensahe ng pag-asa si Isaias para sa kanila. Sinabi niya sa kanila na balang-araw, ipapakita ulit ni Jehova sa kanila ang kabutihan niya. (Basahin ang Isaias 30:18, 19.) At iyon nga ang nangyari. Pinalaya sila ni Jehova mula sa Babilonya. Pero hindi sila agad pinalaya ni Jehova. Ipinapakita ng mga salitang “si Jehova ay matiyagang naghihintay para magpakita ng kabutihan sa inyo” na lilipas pa ang ilang taon bago iligtas ang mga tapat. Sa katunayan, 70 taon pang naging tapon ang mga Israelita sa Babilonya bago makabalik ang tapat na mga ito sa Jerusalem. (Isa. 10:21; Jer. 29:10) Nang makabalik na ang bayan sa lupain nila, ang mga iniluha nila dahil sa pagiging bihag ay napalitan ng luha ng kagalakan.
5. Ano ang tinitiyak sa atin ng Isaias 30:19?
5 Sa ngayon, mapapatibay tayo ng mga salitang ito: “Kapag humingi ka ng tulong, pagpapakitaan ka niya ng awa.” (Isa. 30:19) Tinitiyak sa atin ni Isaias na pakikinggan tayo ni Jehova kapag humingi tayo ng tulong sa Kaniya at agad Niyang sasagutin ang mga panalangin natin. Sinabi pa niya: “Sa sandaling marinig ka niya, sasagutin ka niya.” Tinitiyak sa atin ng mga salitang ito na gustong-gusto ng Ama natin na tulungan tayo kapag lumapit tayo sa kaniya. Nakakatulong sa atin iyan para makapagtiis nang may kagalakan.
6. Paano ipinapakita ng mga salita ni Isaias na pinapakinggan ni Jehova ang panalangin ng bawat isa sa atin?
6 Ano pa ang itinuturo ng talatang ito tungkol sa ating mga panalangin? Pinapakinggan ni Jehova ang panalangin ng bawat isa sa atin. Paano natin nasabi iyan? Sa unang bahagi ng Isaias kabanata 30, ginamit ang panghalip na pangmaramihan, gaya ng “inyo,” dahil kinakausap ni Jehova ang bayan niya bilang grupo. Pero sa talata 19, ginamit ang “ka,” isang panghalip na nasa anyong pang-isahan, dahil ang mensahe na ito ay para sa mga indibidwal. Isinulat ni Isaias: “Hindi ka na iiyak pa”; “pagpapakitaan ka niya ng awa”; “sasagutin ka niya.” Bilang isang maibiging Ama, hindi sinasabi ni Jehova sa mga anak niyang pinanghihinaan ng loob, “Dapat maging matatag ka gaya ng kapatid mo.” Sa halip, nagmamalasakit siya sa atin at binibigyan niya ng atensiyon ang panalangin ng bawat isa sa atin.—Awit 116:1; Isa. 57:15.
7. Paano ipinakita ni Isaias at ni Jesus na mahalagang paulit-ulit na manalangin?
7 Kapag inilalapit natin sa Diyos ang mga ikinababahala natin, puwede tayong bigyan ni Jehova ng lakas para makayanan ang sitwasyon natin. At kapag may pagsubok tayo na hindi agad nawala sa panahong inaasahan natin, puwede nating patuloy na hingin kay Jehova ang lakas na kailangan natin para matiis iyon. At gusto niyang gawin natin ito. Makikita natin iyan sa sinabi ni Isaias: ‘Huwag ninyong pagpahingahin si Jehova.’ (Isa. 62:7) Ibig sabihin, kailangan nating paulit-ulit na manalangin kay Jehova na para bang hindi natin siya pinagpapahinga. Maaalala natin sa mga salita ni Isaias ang mga ilustrasyon ni Jesus tungkol sa panalangin na makikita sa Lucas 11:8-10, 13. Dito, pinasisigla tayo ni Jesus na maging “mapilit” sa pananalangin at “patuloy na humingi” ng banal na espiritu. Puwede rin tayong makiusap kay Jehova na patnubayan tayo para makagawa ng tamang desisyon.
PINAPATNUBAYAN TAYO NI JEHOVA
8. Paano natupad noon ang Isaias 30:20, 21?
8 Basahin ang Isaias 30:20, 21. Nang palibutan ng hukbo ng Babilonya ang Jerusalem sa loob ng isa at kalahating taon, ang matinding pagdurusa na dinanas ng bayan ay naging karaniwan na lang na gaya ng tinapay at tubig. Pero ayon sa talata 20 at 21, ipinangako ni Jehova na kung magsisisi at magbabago ang mga Judio, ililigtas niya sila. Tinawag ni Isaias si Jehova na “Dakilang Tagapagturo,” at ipinangako ni Isaias sa bayan na ituturo sa kanila ni Jehova ang pagsambang katanggap-tanggap sa Kaniya. Natupad iyan nang palayain ang mga Judio mula sa pagkabihag. Pinatunayan ni Jehova na siya ang Dakilang Tagapagturo nila, at sa patnubay niya, naibalik ng bayan ang dalisay na pagsamba. Masayang-masaya tayo dahil si Jehova rin ang Dakilang Tagapagturo natin ngayon.
9. Ano ang isang paraang ginagamit ni Jehova para tumanggap tayo ng patnubay ngayon?
9 Sa mga talatang ito, inilarawan tayo ni Isaias bilang mga estudyante na tinuturuan ni Jehova sa dalawang paraan. Una, sinabi ni Isaias: “Makikita ng iyong mga mata ang iyong Dakilang Tagapagturo.” Makikita sa ilustrasyong ito na parang nakatayo ang Tagapagturo sa harap ng mga estudyante niya. Sa ngayon, isang pribilehiyo na maturuan ng Diyos. Paano? Ginagamit niya ang organisasyon niya. Talagang ipinagpapasalamat natin ang malinaw na tagubilin na tinatanggap natin mula rito! Ang mga tagubiling ibinibigay sa mga pulong, kombensiyon, pati na sa mga publikasyon, broadcast, at iba pa ay makakatulong sa atin na makapagtiis nang may kagalakan sa mahihirap na panahon.
10. Paano natin naririnig ang “tinig sa likuran [natin]”?
10 Sinabi ni Isaias ang ikalawang paraan kung paano tayo tinuturuan ni Jehova: “May maririnig kang tinig sa likuran mo.” Dito, inilalarawan ng propeta si Jehova bilang isang tagapagturo na naglalakad sa likuran ng mga estudyante niya at itinuturo sa kanila ang daan na dapat nilang lakaran. Sa ngayon, naririnig din natin ang tinig ng Diyos sa likuran natin. Paano? Isinulat ang salita ng Diyos sa Bibliya maraming taon na ang nakakalipas. Dahil diyan, masasabing nakaraan na o nasa likuran natin ito. Kaya kapag nagbabasa tayo ng Bibliya, para bang naririnig natin ang tinig ng Diyos sa likuran natin.—Isa. 51:4.
11. Para makapagtiis nang may kagalakan, ano ang mga dapat nating gawin, at bakit?
11 Paano tayo makikinabang nang lubos sa patnubay na ibinibigay ni Jehova sa pamamagitan ng organisasyon niya at ng kaniyang Salita? Pansinin ang dalawang bagay na sinabi ni Isaias. Una, “ito ang daan.” Ikalawa, “lumakad kayo rito.” (Isa. 30:21) Hindi sapat na alam lang natin “ang daan.” Kailangan din nating “lumakad” sa daang ito. Natutuhan natin sa Salita ni Jehova at sa mga paliwanag ng organisasyon niya ang mga hinihiling niya sa atin. Natututuhan din natin kung paano ito susundin. Kailangan nating gawin ang mga ito para makapagtiis tayo nang may kagalakan sa paglilingkod kay Jehova. Kapag ginawa natin iyan, makakatiyak tayo sa pagpapala ni Jehova.
PINAGPAPALA TAYO NI JEHOVA
12. Ayon sa Isaias 30:23-26, paano pinagpala ni Jehova ang bayan niya?
12 Basahin ang Isaias 30:23-26. Paano natupad ang hulang ito sa mga Judiong bumalik sa Israel matapos silang maging bihag sa Babilonya? Sagana silang pinagpala sa pisikal at espirituwal na paraan. Binigyan ni Jehova ang bayan niya ng maraming pagkain. Pero ang mas mahalaga, pinaglaanan niya sila ng saganang espirituwal na pagkain at unti-unting ibinalik ang dalisay na pagsamba. Ang espirituwal na pagpapala na tinanggap ng bayan ng Diyos noong panahong iyon ay nakahihigit sa mga pagpapalang tinanggap nila dati. Ipinapakita ng talata 26 na lalo pang pinasikat ni Jehova ang espirituwal na liwanag. (Isa. 60:2) Nakatulong ang mga pagpapala ni Jehova sa mga lingkod niya para patuloy silang makapaglingkod nang may kagalakan at lakas “dahil sa mabuting kalagayan ng puso.”—Isa. 65:14.
13. Paano natutupad sa ngayon ang hula tungkol sa pagbabalik ng dalisay na pagsamba?
13 Natutupad din ba sa atin ang hula tungkol sa pagbabalik ng dalisay na pagsamba? Oo! Paano? Mula noong 1919 C.E., milyon-milyon ang lumaya mula sa pagkakabihag sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Inakay sila sa isang lugar, ang espirituwal na paraiso na mas maganda pa kaysa sa lupaing ipinangako sa mga Israelita. (Isa. 51:3; 66:8) Ano ang espirituwal na paraiso?
14. Ano ang espirituwal na paraiso, at sino ang mga nandoon? (Tingnan ang Karagdagang Paliwanag.)
14 Mula noong 1919 C.E., nasa espirituwal na paraiso na ang mga pinahiran.b Sa paglipas ng panahon, ang mga may pag-asa sa lupa, ang “ibang mga tupa,” ay pumasok na rin sa espirituwal na paraiso at tumanggap ng maraming pagpapala mula kay Jehova.—Juan 10:16; Isa. 25:6; 65:13.
15. Nasaan ang espirituwal na paraiso?
15 Nasaan ngayon ang espirituwal na lupain o paraiso? Nasa buong mundo ang lahat ng mananamba ni Jehova. Kaya ang espirituwal na paraiso ay nasa buong mundo rin. Saanman tayo nakatira ngayon, puwede tayong maging bahagi ng espirituwal na paraiso hangga’t sinusuportahan natin ang tunay na pagsamba.
16. Paano natin patuloy na makikita ang ganda ng espirituwal na paraiso?
16 Para manatili sa espirituwal na paraiso, dapat nating patuloy na pahalagahan ang kongregasyong Kristiyano sa buong mundo. Paano natin magagawa iyan? Magpokus sa magagandang katangian hindi sa mga kahinaan ng ating mga kapatid. (Juan 17:20, 21) Bakit mahalaga iyan? Tingnan ang paghahalimbawang ito. Kapag nasa isang magandang parke o hardin tayo, iba’t ibang puno ang makikita natin. Ganiyan din sa espirituwal na paraiso. Sa mga kongregasyon ngayon, ang bawat kapatid ay ikinumpara sa mga puno. (Isa. 44:4; 61:3) Kailangan nating magpokus sa ganda ng “gubat,” hindi sa mga kapintasan ng bawat “puno” na nakikita natin. Hindi natin hahayaan ang mga kahinaan natin o ng ibang kapatid na makasira sa ganda ng nagkakaisang kongregasyong Kristiyano sa buong mundo.
17. Ano ang puwedeng gawin ng bawat isa para mapanatili ang pagkakaisa sa kongregasyon?
17 Paano makakatulong ang bawat isa sa atin sa pagpapanatili ng pagkakaisa sa kongregasyon? Kailangan nating maging mapagpayapa. (Mat. 5:9; Roma 12:18) Sa tuwing sinisikap nating magkaroon ng mapayapang kaugnayan sa iba sa kongregasyon, nakakatulong tayo sa pagpapaganda ng espirituwal na paraiso. Tandaan natin na inilapit ni Jehova sa dalisay na pagsamba ang bawat kapatid na nasa espirituwal na paraiso. (Juan 6:44) Tiyak na masaya si Jehova kapag nakikita niya tayong nagsisikap para mapanatili ang kapayapaan at pagkakaisa sa gitna ng mga lingkod niya na minamahal niya!—Isa. 26:3; Hag. 2:7.
18. Ano ang dapat nating bulay-bulayin lagi, at bakit?
18 Paano tayo lubos na makikinabang sa mga pagpapalang tinatanggap natin bilang lingkod ng Diyos? Bulay-bulayin ang mga pinag-aaralan natin sa Salita ng Diyos at sa salig-Bibliyang mga publikasyon. Kapag ginawa natin iyan, magkakaroon tayo ng mga katangiang Kristiyano na tutulong sa atin na magpakita ng ‘pagmamahal sa mga kapatid’ at “maging magiliw sa isa’t isa” sa loob ng kongregasyon. (Roma 12:10) Kapag binubulay-bulay natin ang mga pagpapalang tinatanggap natin ngayon, tumitibay ang kaugnayan natin kay Jehova. At kapag pinag-iisipan nating mabuti ang mga pagpapalang ibibigay sa atin ni Jehova sa hinaharap, mas nagiging totoo sa atin ang pag-asang paglingkuran siya magpakailanman. Tutulong ang lahat ng iyan para mapaglingkuran natin si Jehova nang may kagalakan ngayon.
DETERMINADONG MAGTIIS
19. (a) Ayon sa Isaias 30:18, saan tayo makakatiyak? (b) Ano ang tutulong sa atin na makapagtiis nang may kagalakan?
19 “Kikilos” si Jehova alang-alang sa atin kapag pinuksa na niya ang masamang sanlibutang ito. (Isa. 30:18) Makakapagtiwala tayo na hindi hahayaan ni Jehova—ang “Diyos ng katarungan”—na magtagal pa ang sanlibutan ni Satanas kahit ng isang araw kaysa sa hinihiling ng katarungan. (Isa. 25:9) Matiyaga nating hinihintay ang araw na iyon kung kailan ililigtas tayo ni Jehova. Pero sa ngayon, determinado tayong patuloy na pahalagahan ang pribilehiyong manalangin, pag-aralan at sundin ang Salita ng Diyos, at bulay-bulayin ang mga pagpapala natin. Kapag ginawa natin iyan, tutulungan tayo ni Jehova na makapagtiis nang may kagalakan habang sinasamba natin siya.
AWIT 142 Manalig sa Ating Pag-asa
a Tatalakayin sa artikulong ito ang tatlong paraan kung paano tinutulungan ni Jehova ang mga mananamba niya na magtiis nang may kagalakan. Matutulungan tayo ng Isaias kabanata 30 para malaman ang mga paraang ito. Habang tinatalakay natin ang kabanatang ito, ipapaalala nito sa atin ang kahalagahan ng pananalangin kay Jehova, pag-aaral ng Salita niya, at pagbubulay-bulay sa mga pagpapala natin ngayon at sa hinaharap.
b KARAGDAGANG PALIWANAG: Nasa “espirituwal na paraiso” tayo kapag sinasamba natin si Jehova nang may pagkakaisa. Dito, sagana tayo sa espirituwal na pagkain na walang halong kasinungalingan ng mga relihiyon. Masaya rin tayong nakikibahagi sa pangangaral ng mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos. May malapít tayong kaugnayan kay Jehova at payapa tayong namumuhay kasama ng mga kapatid, na tumutulong sa ating matiis ang mga problema nang may kagalakan. Pumasok tayo sa espirituwal na paraiso mula nang sambahin natin si Jehova sa tamang paraan at gawin natin ang lahat para tularan siya.