Ikadalawampu’t Limang Kabanata
Ang Hari at ang Kaniyang mga Prinsipe
1, 2. Ano ang masasabi hinggil sa teksto ng Dead Sea Scroll ng Isaias?
SA KATAPUSAN ng mga taon ng 1940, isang kamangha-manghang kalipunan ng mga balumbon ang nasumpungan sa mga kuweba malapit sa Dagat na Patay, sa Palestina. Ang mga ito’y nakilala bilang ang Dead Sea Scrolls at pinaniniwalaang naisulat sa pagitan ng 200 B.C.E. at 70 C.E. Ang kilalang-kilala sa mga ito ay ang balumbon ng Isaias na nakasulat sa Hebreo sa matibay na katad. Ang balumbong ito ay halos kumpleto, at ang teksto nito ay bahagya lamang ang pagkakaiba sa mga manuskrito ng tekstong Masoretiko na may petsang humigit-kumulang pagkaraan ng 1,000 taon. Kaya, ang balumbon ay nagpapakita ng tumpak na pagsasalin ng teksto ng Bibliya.
2 Ang isang kapansin-pansing detalye hinggil sa Dead Sea Scroll ng Isaias ay na ang bahaging kilala ngayon bilang Isaias kabanata 32 ay minarkahan ng isang “X” na isinulat sa gilid nito ng isang eskriba. Hindi natin alam kung bakit gumawa ng gayong marka ang eskriba, subalit nalalaman natin na may isang bagay na katangi-tangi sa bahaging ito ng Banal na Bibliya.
Maghahari Ukol sa Katuwiran at Katarungan
3. Anong administrasyon ang inihula sa mga aklat ng Isaias at Apocalipsis?
3 Ang Isaias kabanata 32 ay nagsisimula sa isang kapana-panabik na hula na nagkakaroon ng kamangha-manghang katuparan sa ating kaarawan: “Narito! Isang hari ang maghahari ukol sa katuwiran; at tungkol sa mga prinsipe, mamamahala sila bilang mga prinsipe ukol sa katarungan.” (Isaias 32:1) Oo, “Narito!” Ang bulalas na ito ay nagpapaalaala ng kahawig na bulalas na masusumpungan sa huling makahulang aklat ng Bibliya: “Ang Isa na nakaupo sa trono ay nagsabi: ‘Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.’” (Apocalipsis 21:5) Ang mga aklat ng Bibliya na Isaias at Apocalipsis, na ang pagkakasulat ay may pagitan na mga 900 taon, ay kapuwa naghaharap ng nakapagpapasiglang paglalarawan ng isang bagong administrasyon—“isang bagong langit,” na binubuo ng Hari, si Kristo Jesus, na iniluklok sa langit noong 1914, at ng 144,000 na kasamang tagapamahala na “binili mula sa sangkatauhan”—kasama ang “isang bagong lupa,” isang pangglobo, nagkakaisang lipunan ng sangkatauhan.a (Apocalipsis 14:1-4; 21:1-4; Isaias 65:17-25) Ang buong kaayusang ito ay naging posible sa pamamagitan ng haing pantubos ni Kristo.
4. Anong pinakasentro ng bagong lupa ang umiiral sa ngayon?
4 Pagkatapos na makita sa pangitain ang pangwakas na pagtatatak ng 144,000 na kasamang mga tagapamahalang ito, iniuulat ni apostol Juan: “Nakita ko, at, narito! isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika, na nakatayo sa harap ng trono at sa harap ng Kordero.” Narito ang pinakasentro ng bagong lupa—isang malaking pulutong na ngayo’y bumibilang na ng milyun-milyon, na tinitipon na sa panig ng iilan at halos matatanda nang lahat na mga nalabi ng 144,000. Ang malaking pulutong na ito ay makaliligtas sa mabilis na dumarating na malaking kapighatian at sa Paraisong lupa ay makakasama ng mga tapat na bubuhaying muli at ng bilyun-bilyong iba pa na bibigyan ng pagkakataong magsagawa ng pananampalataya. Ang lahat ng gagawa ng gayon ay pagpapalain ng buhay na walang hanggan.—Apocalipsis 7:4, 9-17.
5-7. Anong papel ang ginagampanan ng inihulang “mga prinsipe” sa kawan ng Diyos?
5 Gayunman, hangga’t umiiral ang kasalukuyang sanlibutan na puno ng pagkapoot, ang mga miyembro ng malaking pulutong ay nangangailangan ng proteksiyon. Ang malaking bahagi nito ay inilalaan ng “mga prinsipe” na ‘namamahala . . . ukol sa katarungan.’ Kay dakila ngang kaayusan! Ang ‘mga prinsipeng’ ito ay higit pang inilarawan sa maningning na mga salita ng hula ni Isaias: “Ang bawat isa ay magiging gaya ng taguang dako sa hangin at dakong kublihan sa bagyong maulan, gaya ng mga bukal ng tubig sa lupaing walang tubig, gaya ng lilim ng malaking bato sa lupaypay na lupain.”—Isaias 32:2.
6 Ngayon mismo sa panahong ito ng pambuong daigdig na kabagabagan, may pangangailangan para sa “mga prinsipe,” oo, sa matatanda na ‘magbibigay-pansin sa . . . buong kawan,’ mangangalaga sa kawan ni Jehova at maglalapat ng katarungan kasuwato ng matutuwid na simulain ni Jehova. (Gawa 20:28) Ang ganitong “mga prinsipe” ay dapat makaabot sa mga kahilingang nasa 1 Timoteo 3:2-7 at Tito 1:6-9.
7 Sa kaniyang dakilang hula na naglalarawan sa nakahahapis na “katapusan ng sistema ng mga bagay,” sinabi ni Jesus: “Tiyakin ninyo na hindi kayo masindak.” (Mateo 24:3-8) Bakit hindi nasisindak ang mga tagasunod ni Jesus sa mapanganib na mga kalagayan ng daigdig sa ngayon? Ang isang dahilan ay sapagkat ang “mga prinsipe”—sila man ay pinahiran o “ibang mga tupa”—ay matapat na nagsasanggalang sa kawan. (Juan 10:16) Sila’y walang takot na nangangalaga sa kanilang mga kapatid na lalaki at babae, maging sa harap ng gayong kakilabutan gaya ng etnikong mga digmaan at paglipol ng lahi. Sa sanlibutang napagkakaitan sa espirituwal, kanilang tinitiyak na ang mga nanlulumong kaluluwa ay nagiginhawahan sa pamamagitan ng nakapagpapatibay na mga katotohanan ng Salita ng Diyos, ang Bibliya.
8. Paano sinasanay at ginagamit ni Jehova ang “mga prinsipe” na kabilang sa ibang tupa?
8 Sa nakaraang 50 taon, ang “mga prinsipe” ay maliwanag na nahayag. Ang “mga prinsipe” na kabilang sa ibang tupa ay sinasanay bilang isang uring “pinuno” upang pagkatapos ng malaking kapighatian, ang mga kuwalipikado sa kanila ay magiging handa upang atasang maglingkod sa isang tungkuling administratibo sa “bagong lupa.” (Ezekiel 44:2, 3; 2 Pedro 3:13) Sa pamamagitan ng pagbibigay ng espirituwal na patnubay at kaginhawahan habang sila’y nangunguna sa paglilingkod sa Kaharian, pinatutunayan nila ang kanilang sarili na “gaya ng lilim ng malaking bato,” na nagdudulot ng ginhawa sa kawang nasasakupan ng pagsamba nito.b
9. Anong mga kalagayan ang nagpapakita na kailangan ang “mga prinsipe” sa ngayon?
9 Sa mapanganib na mga huling araw na ito ng balakyot na sanlibutan ni Satanas, ang nag-alay na mga Kristiyano ay lubhang nangangailangan ng gayong proteksiyon. (2 Timoteo 3:1-5, 13) Ang malalakas na hangin ng huwad na doktrina at pilipit na propaganda ay humihihip. Ang mga bagyo ay nag-aalimpuyo sa anyo ng digmaan sa pagitan at sa loob ng mga bansa at pati na ang tuwirang pagsalakay sa matapat na mga mananamba ng Diyos na Jehova. Sa isang tigang na sanlibutan dahil sa espirituwal na tagtuyot, ang mga Kristiyano ay lubhang nangangailangan ng agos ng dalisay na tubig at walang-halong katotohanan upang mapawi ang kanilang espirituwal na pagkauhaw. Nakagagalak, ipinangako ni Jehova na ang kaniyang nagpupunong Hari, sa pamamagitan ng kaniyang pinahirang mga kapatid at ng umaalalay na “mga prinsipe” ng ibang tupa, ay maglalaan ng pampatibay-loob at patnubay sa mga nanlulumo at nasisiraan ng loob sa panahong ito ng pangangailangan. Titiyakin ni Jehova na iiral kung ano ang matuwid at makatarungan.
Pagbibigay-Pansin sa Pamamagitan ng mga Mata, Tainga, at Puso
10. Anong mga paglalaan ang ginawa ni Jehova upang ‘makita’ at ‘marinig’ ng kaniyang bayan ang espirituwal na mga bagay?
10 Paano tumugon ang malaking pulutong sa teokratikong kaayusan ni Jehova? Ang hula ay nagpapatuloy: “Ang mga mata ng mga tumitingin ay hindi pagdidikitin, at ang mga tainga ng mga dumirinig ay magbibigay-pansin.” (Isaias 32:3) Sa nakalipas na mga taon, si Jehova ay naglaan ng tagubilin at inaakay sa pagkamaygulang ang kaniyang minamahal na mga lingkod. Ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro at iba pang mga pulong na isinasagawa sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig; ang pandistrito, pambansa, at pang-internasyonal na mga kombensiyon; at ang mga pantanging pagsasanay ng “mga prinsipe” upang pakitunguhan ang kawan taglay ang mapagmahal na pangangalaga ay nakaabuloy sa ikatitibay ng isang nagkakaisang pangglobong kapatiran ng milyun-milyon. Saanman sa lupa naroroon ang mga pastol na ito, ang kanilang mga tainga ay nakabukas para sa mga pagbabago sa kaunawaan ng sumusulong na salita ng katotohanan. Taglay ang mga budhing sinanay sa Bibliya, sila’y handang makinig at sumunod.—Awit 25:10.
11. Bakit ang bayan ng Diyos sa ngayon ay nagsasalita nang may pagtitiwala, hindi nauutal dahil sa kawalang-katiyakan?
11 Saka nagbigay-babala ang hula: “Ang puso ng mga padalus-dalos ay magbubulay-bulay ng kaalaman, at maging ang dila ng mga utal ay bibilis sa pagsasalita ng malilinaw na bagay.” (Isaias 32:4) Huwag nawang magpadalus-dalos ang sinuman sa paggawa ng konklusyon sa kung ano ang tama at mali. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Nakakita ka na ba ng taong pabigla-bigla sa kaniyang mga salita? May higit pang pag-asa para sa hangal kaysa sa kaniya.” (Kawikaan 29:20; Eclesiastes 5:2) Bago ang 1919, maging ang bayan ni Jehova ay nabahiran din ng maka-Babilonyang mga ideya. Subalit pasimula sa taóng iyon, binigyan sila ni Jehova ng mas maliwanag na kaunawaan sa kaniyang mga layunin. Kanilang nasumpungan ang mga katotohanan na isiniwalat niya, hindi nang padalus-dalos, kundi pinag-isipang mabuti, at sila ngayon ay nagsasalita nang may katiyakan ng paniniwala, hindi nauutal sa kawalang-katiyakan.
“Ang Hangal”
12. Sino ‘ang mga hangal’ sa ngayon, at sa anong paraan hindi sila mapagbigay?
12 Sumunod ay ipinakita ng hula ni Isaias ang isang pagkakaiba: “Ang hangal ay hindi na tatawaging mapagbigay; at kung tungkol sa taong walang prinsipyo, hindi sasabihing marangal siya; sapagkat ang hangal ay magsasalita lamang ng kahangalan.” (Isaias 32:5, 6a) Sino “ang hangal”? Na para bang ipinagdiriinan, makalawang ulit na nagbigay si Haring David ng kasagutan: “Ang hangal ay nagsabi sa kaniyang puso: ‘Walang Jehova.’ Gumawi sila nang kapaha-pahamak, gumawi sila nang karima-rimarim sa kanilang gawain. Walang sinumang gumagawa ng mabuti.” (Awit 14:1; 53:1) Sabihin pa, ang mga napatunayang ateista ay nagsasabing walang Jehova. Sa gayunding paraan, ang “matatalino” at iba pa na kumikilos na para bang walang Diyos, ay naniniwalang hindi sila mananagot kaninuman. Ang katotohanan ay wala sa mga ito. Ang pagiging mapagbigay ay wala sa kanilang mga puso. Wala silang mabuting balita ng pag-ibig. Kakaiba sa tunay na mga Kristiyano, sila’y mabagal sa pagbibigay sa mga nangangailangan ng tulong na nasa kabagabagan o lubusang bigo sa pagsasagawa niyaon.
13, 14. (a) Paano gumagawa ng bagay na nakasasakit ang makabagong-panahong mga apostata? (b) Sa ano pinagkakaitan ng mga apostata ang mga nagugutom at mga nauuhaw, subalit ano ang pangwakas na kalalabasan nito?
13 Marami sa mga gayong hangal ang napoot sa mga nagtataguyod sa katotohanan ng Diyos. “Ang kaniya mismong puso ay gagawa ng bagay na nakasasakit, upang magsagawa ng apostasya at upang magsalita ng bagay na liko laban kay Jehova.” (Isaias 32:6b) Gaano katotoo ito sa makabagong-panahong mga apostata! Sa ilang mga bansa sa Europa at Asia, ang mga apostata ay nakipag-alyansa sa mga kaaway ng katotohanan, anupat nagsasalita ng lantarang kasinungalingan sa mga awtoridad, dahil sa nais nilang ang mga Saksi ni Jehova ay ipagbawal o higpitan. Sila’y nagpamalas ng espiritu ng “masamang alipin,” na inihula ni Jesus: “Kung sakaling ang masamang aliping iyon ay magsabi sa kaniyang puso, ‘Ang aking panginoon ay nagluluwat,’ at magsimulang bugbugin ang kaniyang mga kapuwa alipin at kumain at uminom na kasama ng mga kilalang lasenggo, ang panginoon ng aliping iyon ay darating sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya nalalaman, at parurusahan siya nang napakatindi at itatakda sa kaniya ang kaniyang bahagi na kasama ng mga mapagpaimbabaw. Doon mangyayari ang kaniyang pagtangis at ang pagngangalit ng kaniyang mga ngipin.”—Mateo 24:48-51.
14 Samantala, pinapangyari ng apostata na “payauning walang laman ang kaluluwa ng gutóm, at maging ang nauuhaw ay pinayayaon niya nang walang nainom.” (Isaias 32:6c) Sinisikap na pagkaitan ng mga kaaway ng katotohanan ang mga taong gutóm sa katotohanan ng espirituwal na pagkain, at sinisikap nilang hadlangan ang mga nauuhaw sa pag-inom ng nakagiginhawang tubig ng mensahe ng Kaharian. Subalit ang pangwakas na kalalabasan ay kagaya ng ipinahayag ni Jehova sa kaniyang bayan sa pamamagitan ng isa sa mga propeta niya: “Tiyak na lalaban sila sa iyo, ngunit hindi sila mananaig laban sa iyo, sapagkat ‘Ako ay sumasaiyo,’ ang sabi ni Jehova, ‘upang iligtas ka.’”—Jeremias 1:19; Isaias 54:17.
15. Sa ngayon, sino lalo na ang “walang prinsipyo,” at ano ang “mga bulaang pananalita” na kanilang itinataguyod, at ano ang resulta?
15 Mula sa kalagitnaang mga taon ng ika-20 siglo, ang imoralidad ay lantarang lumalaganap sa mga lupain ng Sangkakristiyanuhan. Bakit? Patiunang binanggit ng hula ang isang dahilan: “Kung tungkol sa taong walang prinsipyo, ang kaniyang mga kasangkapan ay masasama; siya mismo ay nagpapayo ng mahahalay na paggawi, upang ibuwal ang mga napipighati sa pamamagitan ng mga bulaang pananalita, ang dukha man ay nagsasalita ng bagay na tama.” (Isaias 32:7) Bilang katuparan ng mga salitang ito, marami sa mga klero lalo na ang tumanggap sa maluwag na saloobin hinggil sa pagsisiping bago ang kasal, pagsisiping ng hindi mag-asawa, homoseksuwalidad—tunay nga, “pakikiapid at bawat uri ng karumihan.” (Efeso 5:3) Kaya, kanilang ‘ibinubuwal’ ang kanilang mga kawan sa pamamagitan ng kanilang huwad na mga salita.
16. Ano ang nagpapaligaya sa tunay na mga Kristiyano?
16 Sa kabaligtaran, gaano nga kaginhawa ang katuparan ng mga sumusunod na salita ng propeta! “Kung tungkol sa isa na mapagbigay, nagpapayo siya ukol sa mga bagay na mapagbigay; at para sa mga bagay na mapagbigay ay titindig siya.” (Isaias 32:8) Si Jesus mismo ay nagpasigla sa pagiging mapagbigay nang kaniyang sabihin: “Ugaliin ang pagbibigay, at ang mga tao ay magbibigay sa inyo. Ibubuhos nila sa inyong kandungan ang sukat na mainam, pinikpik, niliglig at umaapaw. Sapagkat ang panukat na inyong ipinanunukat ay ipanunukat nila sa inyo bilang ganti.” (Lucas 6:38) Ipinakita rin ni apostol Pablo ang mga pagpapala ng pagiging mapagbigay nang kaniyang sabihin: “Dapat ninyong isaisip ang mga salita ng Panginoong Jesus, nang siya mismo ay magsabi, ‘May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.’” (Gawa 20:35) Ang tunay na mga Kristiyano ay nagiging maligaya, hindi sa pamamagitan ng pagkakamal ng materyal na kayamanan o katanyagan sa lipunan, kundi sa pamamagitan ng pagiging mapagbigay—kung paanong ang kanilang Diyos, si Jehova, ay mapagbigay. (Mateo 5:44, 45) Ang kanilang pinakamalaking kaligayahan ay masusumpungan sa paggawa ng kalooban ng Diyos, sa masaganang pagbibigay ng kanilang sarili upang ipahayag sa iba ang “maluwalhating mabuting balita ng maligayang Diyos.”—1 Timoteo 1:11.
17. Sino sa ngayon ang tinutukoy ni Isaias na gaya ng “mga anak na babae na di-nababahala”?
17 Ang hula ni Isaias ay nagpapatuloy: “Kayong mga babaing panatag, tumindig kayo, pakinggan ninyo ang aking tinig! Kayong mga anak na babae na di-nababahala, dinggin ninyo ang aking pananalita! Sa loob ng isang taon at ilang araw ay liligaligin kayo na mga di-nababahala, sapagkat ang pamimitas ng ubas ay magwawakas na ngunit walang darating na pagtitipon ng bunga. Manginig kayo, kayong mga babaing panatag! Maligalig kayo, kayong mga di-nababahala!” (Isaias 32:9-11a) Ang saloobin ng mga babaing ito ay magpapaalaala sa atin ng mga nag-aangking naglilingkod sa Diyos sa ngayon subalit hindi masigasig sa paglilingkod sa kaniya. Ang mga ito ay masusumpungan sa mga relihiyon ng “Babilonyang Dakila, ang ina ng mga patutot.” (Apocalipsis 17:5) Halimbawa, ang mga miyembro ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay katulad na katulad ng paglalarawan ni Isaias sa “mga babaing” ito. Sila’y “panatag,” kampante hinggil sa kahatulan at kabagabagan na malapit nang sumakmal sa kanila.
18. Sino ang tinagubilinang “magbigkis ng telang-sako sa mga balakang,” at bakit?
18 Pagkatapos, ang panawagan ay nagpatuloy sa huwad na relihiyon: “Mag-alis kayo ng damit at maging hubad, at magbigkis ng telang-sako sa mga balakang. Dagukan ninyo ang inyong mga dibdib sa pananaghoy dahil sa mga kanais-nais na bukid, dahil sa punong ubas na namumunga. Sa lupa ng aking bayan ay mga tinik lamang, matitinik na palumpong ang tumutubo, sapagkat ang mga ito ay nasa lahat ng mga bahay ng pagbubunyi, oo, ang bayan na lubhang nagagalak.” (Isaias 32:11b-13) Ang pananalitang “Mag-alis kayo ng damit at maging hubad” ay hindi naman nangangahulugan nang lubos na pag-aalis ng damit. Sinaunang kaugalian na magsuot ng isang panlabas na kasuutan sa ibabaw ng isang panloob na kasuutan. Ang panlabas na kasuutan ay kadalasang isang paraan ng pagkakakilanlan. (2 Hari 10:22, 23; Apocalipsis 7:13, 14) Ang hula sa gayon ay nag-uutos sa mga miyembro ng huwad na mga relihiyon na alisin ang kanilang panlabas na kasuutan—ang kanilang mapagkunwaring pagkakakilanlan bilang mga lingkod ng Diyos—at sa halip ay magsuot ng kasuutang telang-sako, na sagisag ng pagluluksa sa napipintong kahatulan sa kanila. (Apocalipsis 17:16) Walang makadiyos na pagkamabunga ang masusumpungan sa mga relihiyosong organisasyon ng Sangkakristiyanuhan, na nag-aangking “ang bayan [ng Diyos] na lubhang nagagalak,” o sa pagiging kabilang sa iba pang miyembro ng pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Ang lugar na kanilang ginagalawan ay nagluluwal ng “mga tinik lamang, matitinik na palumpong” ng di-pag-aasikaso at pagpapabaya.
19. Anong kalagayan ng apostatang “Jerusalem” ang ibinunyag ni Isaias?
19 Ang larawang ito ng kadiliman ay umaabot sa lahat ng bahagi ng apostatang “Jerusalem”: “Ang tirahang tore ay pinabayaan, ang pagkakaingay ng lunsod ay iniwan; ang Opel at ang bantayan ay naging mga hantad na parang, hanggang sa panahong walang takda ay siyang pagbubunyi ng mga sebra, ang pastulan ng mga kawan.” (Isaias 32:14) Oo, maging ang Opel ay kasama. Ang Opel ay isang mataas na bahagi ng Jerusalem na naglalaan ng isang matibay na depensa. Ang pagsasabing ang Opel ay nagiging isang hantad na parang ay nagpapahiwatig ng lubusang pagkailang ng lunsod. Ang mga salita ni Isaias ay nagpapakita na ang apostatang “Jerusalem”—ang Sangkakristiyanuhan—ay hindi mapagbantay sa pagsasagawa ng kalooban ng Diyos. Ito ay baog sa espirituwal, anupat ganap na walang anumang katotohanan at katarungan—lubhang gaya ng hayop.
Isang Maliwanag na Pagkakaiba!
20. Ano ang epekto ng banal na espiritu ng Diyos na ibinubuhos sa kaniyang bayan?
20 Sumunod ay iniharap ni Isaias ang isang nakapagpapasiglang pag-asa para doon sa mga gumagawa ng kalooban ni Jehova. Ang anumang pagkatiwangwang ng sariling bayan ng Diyos ay tatagal lamang “hanggang sa ibuhos sa atin ang espiritu mula sa kaitaasan, at ang ilang ay maging isang taniman, at ang taniman ay maibilang na tunay na kagubatan.” (Isaias 32:15) Nakatutuwa, mula noong 1919, ang espiritu ni Jehova ay saganang ibinuhos sa kaniyang bayan, na ibinalik, wika nga, ang nagbubungang taniman ng pinahirang mga Saksi, na susundan ng pagpapalawak ng kagubatan ng ibang tupa. Ang kasaganaan at paglago ay kapansin-pansin sa kaniyang organisasyon sa lupa ngayon. Sa isinauling espirituwal na paraiso, ‘ang kaluwalhatian ni Jehova, ang karilagan ng ating Diyos,’ ay nababanaag sa kaniyang bayan habang kanilang ipinahahayag sa buong daigdig ang kaniyang dumarating na Kaharian.—Isaias 35:1, 2.
21. Saan masusumpungan ngayon ang katuwiran, katahimikan, at katiwasayan?
21 Makinig, ngayon, sa maluwalhating pangako ni Jehova: “Sa ilang ay tatahan nga ang katarungan, at sa taniman ay mananahanan ang katuwiran. At ang gawa ng tunay na katuwiran ay magiging kapayapaan; at ang paglilingkod ng tunay na katuwiran, katahimikan at katiwasayan hanggang sa panahong walang takda.” (Isaias 32:16, 17) Gaano kabuti nga ang paglalarawan nito sa espirituwal na kalagayan ng bayan ni Jehova ngayon! Di-tulad sa karamihan ng sangkatauhan, na nagkakabaha-bahagi dahil sa pagkakapootan, karahasan, at miserableng espirituwal na kahirapan, ang mga tunay na Kristiyano ay nagkakaisa sa buong globo, kahit na sila ay “mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika.” Sila’y namumuhay, gumagawa, at naglilingkod kasuwato ng katuwiran ng Diyos, na ginagawa ito nang may pagtitiwala na tatamasahin, sa wakas, ang tunay na kapayapaan at katiwasayan hanggang sa panahong walang takda.—Apocalipsis 7:9, 17.
22. Ano ang pagkakaiba ng kalagayan ng bayan ng Diyos at niyaong nasa huwad na relihiyon?
22 Sa espirituwal na paraiso, ang Isaias 32:18 ay natutupad na. Ito’y nagsasabi: “Ang aking bayan ay mananahanan sa mapayapang tinatahanang dako at sa mga tahanang may lubos na kapanatagan at sa tahimik na mga pahingahang-dako.” Subalit para sa huwad na mga Kristiyano, “uulan nga ng graniso kapag ang kagubatan ay nalugmok at ang lunsod ay nababa sa isang hamak na kalagayan.” (Isaias 32:19) Oo, gaya ng isang malakas na bagyo ng graniso, ang kahatulan ni Jehova ay hahampas sa palsipikadong lunsod ng huwad na relihiyon, na inilulugmok ang “kagubatan” ng mga tagapagtaguyod nito, anupat lilipulin ang mga ito magpakailanman!
23. Anong pangglobong gawain ang malapit nang matapos, at sa ano mapapabilang yaong mga nakikibahagi rito?
23 Ang bahaging ito ng hula ay nagtatapos sa: “Maligaya kayong mga naghahasik ng binhi sa tabi ng lahat ng tubig, na nagpapayaon sa mga paa ng toro at ng asno.” (Isaias 32:20) Ang toro at ang asno ay mga hayop na pantrabaho na ginamit ng sinaunang bayan ng Diyos sa pag-aararo ng bukirin at paghahasik ng binhi. Sa ngayon, ang bayan ni Jehova ay gumagamit ng mga kasangkapan sa pag-iimprenta, mga kasangkapang elektroniko, makabagong mga gusali at transportasyon at, higit sa lahat, ng isang nagkakaisang teokratikong organisasyon upang maglathala at mamahagi ng bilyun-bilyong publikasyon sa Bibliya. Ginagamit ng kusang-loob na mga manggagawa ang mga kasangkapang ito upang maghasik ng mga binhi ng katotohanan ng Kaharian sa buong lupa, sa literal na paraan ay “sa tabi ng lahat ng tubig.” Milyun-milyong natatakot sa Diyos na mga lalaki at babae ang naani na, at ang iba pang mga pulutong ay nakikisama sa kanila. (Apocalipsis 14:15, 16) Silang lahat ay tunay na mapapabilang sa mga “maligaya”!
[Mga talababa]
a Ang “hari” sa Isaias 32:1 ay maaaring nagkaroon ng panimulang pagtukoy kay Haring Hezekias. Gayunman, ang pangunahing katuparan ng Isaias 32 ay may kaugnayan sa Hari, si Kristo Jesus.
b Tingnan Ang Bantayan, Marso 1, 1999, pahina 13-18, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Mga larawan sa pahina 331]
Sa Dead Sea Scrolls, ang Isaias kabanata 32 ay minarkahan ng isang “X”
[Mga larawan sa pahina 333]
Bawat ‘prinsipe’ ay gaya ng isang taguang dako sa hangin, kublihan sa ulan, tubig sa disyerto, at lilim sa araw
[Larawan sa pahina 338]
Ang isang Kristiyano ay nakasusumpong ng malaking kaligayahan sa pagbabahagi ng mabuting balita sa iba