BARKO
Isang malaking sasakyan na naglalayag sa dagat. Pahapyaw lamang na binabanggit sa Bibliya ang mga barko, pagbabarko, at ang mga kasangkapan ng barko, gayunma’y naglalaan ito ng ilang impormasyon tungkol sa mga barko noong panahon ng Bibliya. Ang ibang mga paglalarawan ng sinaunang mga barko ay halaw sa mga ulat ng kasaysayan ng iba’t ibang bansa o sa iginuhit na mga larawan ng mga barkong pangkalakal, mga labanan sa dagat, at iba pa.
Mga Barko ng mga Ehipsiyo. Mga tambong papiro na pinagsanib-sanib at pinagtali-tali ang materyal na ginamit sa maraming uri ng sasakyang pantubig ng mga Ehipsiyo. Iba-iba ang laki ng mga ito, mula sa maliliit na bangkang pang-ilog na makapaglululan ng iisa o iilang mangangaso o mangingisda, at na mabilis na mapatatakbo sa kahabaan ng Nilo sa pamamagitan ng pagsagwan, hanggang sa malaki at may-layag na sasakyang-dagat na may nakakurbang proa at napakatibay anupat nakapaglalayag sa laot ng dagat. Gumamit din ang mga Etiope at mga Babilonyo ng mga sasakyang pantubig na yari sa tambo; nagkaroon din ang Babilonya ng isang malaking pangkat ng mga barko na may mga gaod.
Isang relyebe sa Medinet Habu ang nagsasalarawan sa mga Ehipsiyong sasakyang-dagat na may palo at layag, at sa tuktok ng palo ay may maliit na platapormang bantayan. Pinatatakbo rin ang mga ito sa pamamagitan ng mga gaod, at isang malaking sagwan sa popa ang nagsisilbing timon. Ang proa ay may wangis ng ulo ng babaing leon na sa bibig nito ay may katawan ng isang taong Asiano.
Tinatawid noon ang Dagat Mediteraneo ng malalaking barko na may parihabang mga layag at mahigit sa 20 gaod, na malamang ay may kilya sa pinakagitna. Noong panahon ni Moises, mayroon nang mga barko na naglalayag sa karagatan. Ipinakikita ito ng babalang ibinigay ni Jehova sa Kapatagan ng Moab na, kung magiging masuwayin ang mga Israelita, ‘ibabalik sila sa Ehipto sa pamamagitan ng mga barko,’ upang doon sila ibenta sa pamilihan ng mga alipin.—Deu 28:68.
Mga Barko ng mga Taga-Fenicia. Nang ihalintulad ng propetang si Ezekiel (27:3-7) ang lunsod ng Tiro sa isang magandang barko, nagbigay siya ng mga detalye na naglalarawan sa isang barko ng mga taga-Fenicia. Ito ay may mga tabla na matibay na enebro, isang nagsosolong palo na yari sa sedro mula sa Lebanon, at mga gaod na nanggaling sa “mga dambuhalang punungkahoy,” posibleng ensina, mula sa Basan. Ang proa nito, malamang na mataas at nakakurba, ay gawa sa tablang sipres na kinalupkupan ng garing. Ang layag nito ay yari sa kinulayang lino mula sa Ehipto, at ang pantabing nito sa kubyerta (marahil upang magbigay ng lilim) ay yari naman sa tininang lana. Ang mga dugtungan ng barko ay tinapalan. (Eze 27:27) Ang mga taga-Fenicia ay mga dalubhasang magdaragat, anupat nakipagkalakalan sila nang malawakan sa rehiyon ng Mediteraneo at nakararating maging hanggang sa Tarsis (malamang ay Espanya). Naniniwala ang ilan na nang maglaon, ang terminong “mga barkong Tarsis,” o “mga barko ng Tarsis,” ay ginamit upang tumukoy sa uri ng barko na ginamit ng mga taga-Fenicia sa pakikipagkalakalan sa malayong dakong iyon, samakatuwid nga, isang matibay na sasakyang-dagat na nakapagbibiyahe sa malalayong lugar. (1Ha 22:48; Aw 48:7; Isa 2:16; Eze 27:25) Posibleng ganitong uri ng barko ang sinakyan ni Jonas noong tumakas siya. Mayroon itong kubyerta kung kaya may espasyo sa ilalim para sa kargamento at mga pasahero.—Jon 1:3, 5.
Isang eskultura ni Senakerib ang nagsasalarawan sa isang barko ng mga taga-Fenicia na may istraktura sa ibabaw ng kubyerta, isang doblihang andana ng mga tagagaod, isang layag, at isang tabing sa palibot ng mataas na kubyerta na kinasasabitan ng mga kalasag. Mahaba at matulis ang proa ng barkong pandigmang ito.
Mga Barko ng mga Hebreo. Nang mamayan na sila sa Lupang Pangako, binanggit na ang Dan ay nanahanan nang ilang panahon sa mga barko (Huk 5:17), na posibleng tumutukoy sa nakaatas na teritoryo nito na malapit sa baybayin ng Filistia. (Jos 19:40, 41, 46) Ang teritoryo ng Aser ay nasa kahabaan ng baybaying dagat at kasama rito ang mga lunsod ng Tiro at Sidon (bagaman walang katibayan na nakuha ng Aser ang mga lunsod na ito). Ang mga tribo naman ng Manases, Efraim, at Juda ay may teritoryo sa kahabaan ng Baybayin ng Mediteraneo, kung kaya pamilyar din sila sa mga barko. (Jos 15:1, 4; 16:8; 17:7, 10) Nagkaroon din ng lupain ang Manases, Isacar, at Neptali sa tabi ng Dagat ng Galilea o malapit dito.
Bagaman lumilitaw na matagal nang gumagamit ng mga bangka ang mga Israelita, maliwanag na si Solomon ang unang tagapamahala sa Israel na nagtaguyod sa kahalagahan ng pangkomersiyong pagbabarko. Sa tulong ni Hiram, gumawa siya ng isang pangkat ng mga barkong pangkargamento na naglayag mula sa Ezion-geber hanggang sa Opir. (1Ha 9:26-28; 10:22; 2Cr 8:17, 18; 9:21) Ang mga tauhan ng mga sasakyang-dagat na ito ay mga Israelita at makaranasang mga marino mula sa Tiro. Tuwing ikatlong taon, ang mga barkong ito ay nag-uuwi ng mga kargamentong ginto, pilak, garing, mga unggoy, at mga paboreal.—1Ha 9:27; 10:22.
Nang maglaon, si Haring Jehosapat ng Juda ay nakisosyo sa balakyot na si Haring Ahazias ng Israel sa paggawa ng mga barko sa Ezion-geber upang ipadala sa Opir para mag-uwi ng ginto; ngunit binabalaan siya ni Jehova na hindi Siya sang-ayon sa alyansang ito. Alinsunod dito, nagiba ang mga barko sa Ezion-geber, at lumilitaw na tinanggihan ni Jehosapat ang kahilingan ni Ahazias na muling magpadala ng mga barko.—1Ha 22:48, 49; 2Cr 20:36, 37.
Ginamit sa pakikipagdigma sa dagat. Ang ilang barko ay pangunahin nang dinisenyo para sa pakikipagdigma sa dagat. Ang gayong mga barko ay may mahaba, mababa, at makitid na kaha at pinatatakbo sa pamamagitan ng isa o mas marami pang andana ng mga gaod.
Sa Isaias 33:21, 22, iniuulat ng propeta na sinasabi ng mga tumatahan sa Jerusalem: “Doon ang Isa na Maringal, si Jehova, ay magiging isang dako ng mga ilog para sa atin, ng mga kanal na maluluwang. Doon ay walang pangkat ng mga barko [sa literal, pangkat ng mga barkong may mga gaod] ang paroroon, at walang maringal na barko ang tatawid doon. Sapagkat si Jehova ang ating Hukom, si Jehova ang ating Tagapagbigay-batas, si Jehova ang ating Hari; siya ang magliligtas sa atin.” Ang Jerusalem ay walang malalaking ilog o kanal na pandepensa laban sa pagsalakay. Gayunman, kung paanong ipinagsanggalang ng mga ilog at mga kanal ang mga lunsod na gaya ng Babilonya at No-amon (Na 3:8), ipagsasanggalang din ni Jehova ang Jerusalem. Napakalakas ng “mga ilog” na ito ng pagliligtas ng Diyos anupat ang malalakas na hukbo ng kaaway, na isinasagisag ng isang pangkat ng mga barko ng kaaway o ng isang maringal na barko, ay mawawasak sa makapangyarihang “tubig” kung aahon sila laban sa Jerusalem. Sa gayon, sa makasagisag na paraan, tiniyak ni Jehova sa Jerusalem na ito’y magiging tiwasay dahil siya mismo, bilang namamahalang Hari nito, ang magtatanggol sa lunsod upang iligtas ito.
Noong Unang Siglo C.E. Noong unang siglo C.E., marami at sari-saring barkong pangkalakal ang nagpaparoo’t parito sa katubigan ng Mediteraneo. Ang ilan sa mga ito ay mga sasakyang-dagat na namamaybay lamang, gaya ng barko mula sa Adrameto kung saan lumulan si Pablo, bilang isang bilanggo, at naglayag mula sa Cesarea patungong Mira. (Gaw 21:1-6; 27:2-5) Gayunman, ang barkong pangkalakal na sinakyan ni Pablo sa Mira ay malaki at may lulang trigo at mga tripulante at mga pasahero na may kabuuang 276 katao. (Gaw 27:37, 38) Iniuulat ni Josephus na minsan ay naglayag siya sakay ng isang barko na may lulang 600 katao.—The Life, 15 (3).
Maraming beses na naglakbay si Pablo sakay ng mga barko; tatlong beses siyang nakaranas ng pagkawasak ng barko bago ang paglalakbay na ito. (2Co 11:25) Sa pagkakataong ito, nakasakay siya sa isang naglalayag na barko na may isang pangunahing layag at isang layag sa unahan at inuugitan ng dalawang malalaking gaod na nasa popa. Kadalasan, ang gayong mga barko ay may roda na kumakatawan sa partikular na mga diyos o mga diyosa. (Ang barkong sinakyan ni Pablo pagkatapos nito ay may roda na “Mga Anak ni Zeus.”) (Gaw 28:11) Isang maliit na bangka ang hila-hila ng barkong ito. Ginagamit iyon upang makarating sa dalampasigan kapag ang barko ay nakaangkla malapit sa isang baybayin. Upang hindi ito maapawan ng tubig o madurog, ang maliit na bangka ay iniaangat kapag may bagyo. Dahil sa lakas ng bagyo sa biyaheng ito ni Pablo, tinalian ng mga magdaragat ang barko sa ilalim nito (lumilitaw na nagparaan sila ng mga lubid o mga tanikala sa ilalim ng kasko ng barko mula sa isang panig tungo sa kabila upang suhayan ito), ibinaba nila ang kasangkapang panlayag (maliwanag na ang mga lubid at mga tanikala ng layag), inihagis sa dagat ang lulang trigo, itinapon ang kagamitan ng barko, at itinali ang mga sagwan na panimon (upang hindi masira ang mga ito).—Gaw 27:6-19, 40.
Sa Dagat ng Galilea. Malimit banggitin ng mga Ebanghelyo ang mga bangkang naglalayag sa Dagat ng Galilea. Maliwanag na ang mga ito ay pangunahin nang ginamit sa pangingisda sa pamamagitan ng mga lambat (Mat 4:18-22; Luc 5:2; Ju 21:2-6), bagaman nangingisda rin sila noon sa pamamagitan ng mga kawil. (Mat 17:27) May mga pagkakataong gumamit si Jesus ng bangka na nagsilbing entablado na mula roon ay nangaral siya sa mga pulutong na nasa kalapit na baybayin (Mat 13:2; Luc 5:3); siya at ang kaniyang mga apostol ay madalas sumakay sa mga bangka bilang transportasyon. (Mat 9:1; 15:39; Mar 5:21) Ang gayong bangka ay pinatatakbo sa pamamagitan ng mga gaod o ng isang maliit na layag. (Mar 6:48; Luc 8:22) Bagaman hindi inilalarawan ng Bibliya ang mga bangkang pangisdang ito, ang ilan sa mga ito ay malalaki anupat nakapaglululan ng 13 katao o higit pa.—Mar 8:10; Ju 21:2, 3; tingnan ang MARINERO.
Angkla. Sa abot ng ating nalalaman, ang unang mga angkla ay yari sa bato at ibinababa mula sa unahan ng barko. Nang maglaon, mga angklang kahoy na hugis-pangawit at may pabigat na bato o metal ang ginamit sa Mediteraneo. Ang ilan ay may mga sangang yari sa tingga. Isang angkla na natuklasan malapit sa Cirene ang tumitimbang nang mga 545 kg (1,200 lb). Nang maglaon, mga angklang yari sa purong metal ang ginamit, na ang ilan ay kahugis ng angkla na pamilyar sa marami at ang iba naman ay may dalawang pangawit. Apat na angkla ang inihagis ng mga magdaragat mula sa popa ng barkong sinakyan ni Pablo (ang kaugaliang sinusunod kung minsan kapag nagpapalipas ng unos). (Gaw 27:29, 30, 40) Isang pang-arok na tingga naman ang ginamit upang alamin ang lalim ng tubig.—Gaw 27:28.
Ginamit ng apostol na si Pablo ang terminong “angkla” sa makasagisag na paraan nang kausapin niya ang kaniyang espirituwal na mga kapatid kay Kristo, anupat tinawag niya ang pag-asang inilagay sa harap nila bilang “angkla para sa kaluluwa.”—Heb 6:19; ihambing ang Efe 4:13, 14; San 1:6-8.