UWAK
[sa Heb., ʽo·revʹ; sa Gr., koʹrax; sa Ingles, raven].
Ang unang ibon na espesipikong binanggit sa Bibliya. (Gen 8:7) Ang uwak, na pinakamalaki sa mga ibong tulad-crow, ay may haba na mga 0.6 m (2 piye) at ang sukat ng nakabukang mga pakpak nito mula sa dulo’t dulo ay umaabot nang mahigit sa 1 m (3 piye). Kapansin-pansin ang makikintab na balahibo nito dahil sa kulay nito na napakaitim (Sol 5:11) na may kisap na abuhing-asul at purpura, at kung minsa’y bahagyang kulay berde ang bandang tiyan. Sari-sari ang kinakain nito, mula sa mga nuwes, berry, at binutil hanggang sa mga rodent, reptilya, isda, at inakáy na ibon. Bagaman sumasalakay ito sa mga inakáy at sa mahihinang maliliit na hayop, mga bangkay ang pangunahin nitong kinakain. Kapag kumakain ito ng bangkay, ugali nitong kainin muna ang mga mata at ang iba pang malalambot na bahagi bago nito wakwakin ang tiyan sa pamamagitan ng kaniyang matibay na tuka. (Kaw 30:17) Matibay ito sa paglipad, anupat matatag at tuluy-tuloy nitong ikinakampay ang mga pakpak nito, o kaya nama’y walang kahirap-hirap itong pumapaimbulog at nagpapaikut-ikot sa ere samantalang naghahanap ng makakain. Nakararating ito sa pagkalayu-layong mga lugar dahil sa patuluyan nitong paghahanap ng pagkain.
Para sa mga naturalista, ang tusong uwak ang isa sa pinakamadaling makibagay at pinakamapamaraan sa lahat ng ibon. Dahil dito at dahil na rin sa kaniyang tibay sa paglipad at kakayahang mabuhay sa sari-saring pagkain, kasama na ang mga bangkay, angkop nga na uwak ang unang nilalang na pinalabas ni Noe sa arka nang magsimulang humupa ang tubig ng Baha. Ipinahihiwatig ng teksto na ang uwak ay nanatili sa labas ng arka at ginamit na lamang iyon bilang pahingahang-dako.—Gen 8:5-7.
Sa tipang Kautusan, ang uwak ay ipinahayag na marumi. (Lev 11:13, 15; Deu 14:12, 14) Ipinapalagay na saklaw ng pariralang “ayon sa uri nito” ang crow at iba pang tulad-crow na mga ibong tila kamag-anak nito, gaya ng rook, jackdaw, at chough, na pawang matatagpuan sa Palestina.
Di-tulad ng crow, ang uwak ay karaniwang naglalagi sa ilang, anupat kadalasa’y tumatahan sa mga bulubunduking rehiyon at maging sa mga disyerto. Kasama ito sa mga nilalang na sa pangitain ni Isaias ay nakita niyang tumatahan sa kawalang-laman at pagkatiwangwang ng wasak na Edom. (Isa 34:11) Ugali rin ng uwak na mag-imbak ng labis na pagkain sa mga awang sa batuhan o kaya’y tabunan iyon ng mga dahon. Kaya naman angkop na ang mga ibong ito ang ginamit ng Diyos upang makahimalang magdala ng tinapay at karne kay Elias makalawang ulit bawat araw samantalang ang propeta’y nagkukubli sa agusang libis ng Kerit.—1Ha 17:2-6.
Ang mga uwak ay namumugad sa mga dalisdis o mababatong lungos, gayundin sa matataas na punungkahoy. Iisa lamang ang kanilang kapareha sa buong buhay nila at sila’y mapagkalingang mga magulang. Itinuon ng Diyos na Jehova, na siyang tunay na Tagapaglaan sa lahat ng Kaniyang nilalang, ang pansin ni Job sa Kaniyang sarili sa pamamagitan ng tanong na: “Sino ang naghahanda para sa uwak ng pagkain nito kapag ang mga inakáy nito ay humihingi ng tulong sa Diyos, kapag gumagala ang mga ito dahil walang makain?” (Job 38:41) Ipinakita rin ng salmista na ang pagkaing dinadala ng mga magulang na ibon sa kanilang sumisiyap at gutóm na mga inakáy ay bunga ng may-kabaitang paglalaan ng Maylalang. (Aw 147:7-9) Tinukoy rin ni Jesus ang mga uwak sa katulad na paraan upang tiyakin sa kaniyang mga tagasunod na walang alinlangang ilalaan ng Isa na nangangalaga sa mga ibong ito sa himpapawid ang mga pangangailangan ng Kaniyang mga lingkod na tao.—Luc 12:24; ihambing ang Aw 104:27, 28; Mat 6:26.
Maliwanag na dahil sa kamangha-manghang laki, madilim na kulay at malungkot na iyak nito, ang uwak ay itinuring ng sinaunang mga taong pagano bilang isang ibong nagbabadya ng lagim at kamatayan. Sa mga Griego, ang matapang at kadalasa’y mapangahas na uwak ay itinuring namang isang malapropetang ibon, marahil ay dahil kilalá ito na tuso at matalino. Itinuring itong sagrado sa diyos na si Apolo at sa isang nag-oorakulong orden ng mga saserdote, na ang ilan ay nagdadamit ng itim.
Isang prinsipe ng Midian noong mga araw ni Hukom Gideon ang may pangalang Oreb, na nangangahulugang “Uwak.”—Huk 7:25.