May Dahilan Tayo Upang Humiyaw sa Kagalakan
“Pagbubunyi at pagsasaya ay kanilang makakamit, at ang pamimighati at pagbubuntung-hininga ay dapat na tumanan.”—ISAIAS 35:10.
1. Sino sa ngayon ang may pantanging dahilan upang magalak?
MALAMANG ay napansin ninyo na kakaunting tao sa ngayon ang may tunay na kagalakan. Gayunman, bilang tunay na mga Kristiyano, ang mga Saksi ni Jehova ay may kagalakan. At ang pag-asa na matamo ang ganiyang kagalakan ay nakaharap din sa milyun-milyong hindi pa bautisado, mga bata at matatanda, na nakikisama sa mga Saksi. Ang bagay na binabasa ninyo ngayon ang mga salitang ito sa magasing ito ay nagpapakita na nasa inyo na ang kagalakang ito o ito ay abot-kamay na ninyo.
2. Papaano naiiba ang kagalakan ng isang Kristiyano sa pangkalahatang kalagayan ng maraming tao?
2 Nadarama ng maraming tao na may kulang sa kanilang buhay. Kumusta naman kayo? Totoo, baka hindi ninyo taglay ang lahat ng materyal na bagay na magagamit ninyo, tiyak na hindi ang lahat na taglay ng mga taong mayayaman at makapangyarihan sa ngayon. At maaaring nais ninyo na magkaroon ng mas mabuting kalusugan at kasiglahan. Gayunpaman, masasabi na kung tungkol sa kagalakan, mas mayaman at mas malusog kayo kaysa sa karamihan ng bilyun-bilyong naririto sa lupa. Papaano nagkagayon?
3. Anong makahulugang mga salita ang nararapat nating bigyang-pansin, at bakit?
3 Alalahanin ang mga salita ni Jesus: “Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, upang ang aking kagalakan ay mapasainyo at ang inyong kagalakan ay malubos.” (Juan 15:11) “Ang inyong kagalakan ay malubos.” Napakagandang paglalarawan! Ang isang malalim na pag-aaral sa Kristiyanong paraan ng pamumuhay ay magsisiwalat ng maraming dahilan kung bakit lubos ang ating kagalakan. Subalit ngayon, pansinin ang makahulugang mga salita sa Isaias 35:10. Makahulugan ang mga ito sapagkat malaki ang kinalaman nito sa atin sa ngayon. Mababasa natin: “Mismong ang mga tinubos ni Jehova ay babalik at tiyak na paroroon sa Sion taglay ang may-kagalakang hiyaw; at pagsasaya hanggang sa panahong walang-takda ay mapapasa ibabaw ng kanilang ulo. Pagbubunyi at pagsasaya ay kanilang makakamit, at ang pamimighati at pagbubuntung-hininga ay dapat na tumanan.”
4. Anong uri ng kagalakan ang binabanggit sa Isaias 35:10, at bakit natin dapat bigyang pansin ito?
4 “Pagsasaya hanggang sa panahong walang-takda.” Ang pariralang “hanggang sa panahong walang-takda” ay isang wastong pagkasalin ng isinulat ni Isaias sa Hebreo. Ngunit, gaya ng tiniyak sa ibang kasulatan, ang kahulugan sa talatang ito ay “magpakailanman.” (Awit 45:6; 90:2; Isaias 40:28) Kaya magiging walang-katapusan ang pagsasaya, sa mga kalagayang magpapahintulot—oo, magbibigay-katuwiran—sa walang-hanggang pagsasaya. Hindi ba nakalulugod pakinggan iyan? Subalit, marahil ang talatang iyan para sa inyo ay isang kalagayan na nasa isip lamang, anupat aakalain ninyo: ‘Hindi naman ako talagang nasasangkot diyan sa diwa na nasasangkot ang mga suliranin at pinagkakaabalahan ko sa araw-araw.’ Pero hindi gayon ang pinatutunayan ng mga katotohanan. Ang makahulang pangako sa Isaias 35:10 ay may kahulugan para sa inyo ngayon. Upang malaman kung papaano, suriin natin ang magandang kabanatang ito, ang Isaias 35, anupat isinasaalang-alang ang bawat bahagi ng konteksto. Tiyak na masisiyahan kayo sa ating masusumpungan.
Mga Tao na Kailangang Magsaya
5. Sa anong makahulang tagpo masusumpungan ang hula sa Isaias kabanata 35?
5 Bilang tulong, tingnan natin ang tanawin, ang makasaysayang tagpo, sa kawili-wiling hulang ito. Isinulat ito ng Hebreong propeta na si Isaias noong bandang 732 B.C.E. Noon ay mga dekada pa bago wasakin ng mga hukbo ng Babilonya ang Jerusalem. Gaya ng ipinakikita ng Isaias 34:1, 2, inihula ng Diyos na ipahahayag niya ang kaniyang paghihiganti sa mga bansa, tulad ng Edom, na binanggit sa Isaias 34:6. Maliwanag na ginamit niya ang sinaunang mga taga-Babilonya upang gawin iyon. Gayundin naman, itiniwangwang ng Diyos ang Juda sa pamamagitan ng mga taga-Babilonya dahil sa hindi naging tapat ang mga Judio. Ang resulta? Ang bayan ng Diyos ay dinalang-bihag, at ang kanilang lupang tinubuan ay naiwang tiwangwang sa loob ng 70 taon.—2 Cronica 36:15-21.
6. Ano ang kaibahan ng sasapitin ng mga Edomita at ng sasapitin ng mga Judio?
6 Gayunman, may malaking pagkakaiba sa pagitan ng mga Edomita at ng mga Judio. Walang katapusan ang banal na paghihiganti sa mga Edomita; nang dakong huli ay naparam sila bilang isang bayan. Oo, madadalaw pa rin ninyo ang hungkag na mga kagibaan sa lugar na kung saan dating naninirahan ang mga Edomita, tulad ng bantog sa daigdig na mga labí ng Petra. Subalit ngayon, wala nang bansa o bayan na makikilala bilang ‘ang mga Edomita.’ Sa kabilang dako, walang-hanggan ba ang pagtiwangwang ng Babilonya sa Juda, anupat ang lupain ay iniwang walang-kagalakan magpakailanman?
7. Ano ang maaaring naging tugon ng mga Judiong bihag sa Babilonya sa Isaias kabanata 35?
7 Dito ang kamangha-manghang hula sa Isaias kabanata 35 ay may kapana-panabik na kahulugan. Ito’y matatawag na isang hula tungkol sa pagsasauli, sapagkat nagkaroon ito ng unang katuparan nang bumalik ang mga Judio sa kanilang lupang tinubuan noong 537 B.C.E. Ang mga Israelita na naging bihag sa Babilonya ay pinagkalooban ng kalayaan na bumalik sa kanilang lupang tinubuan. (Ezra 1:1-11) Subalit, bago nangyari iyan ang mga Judio na naging bihag sa Babilonya na nagsaalang-alang sa banal na hulang ito ay maaaring nag-isip kung anong mga kalagayan ang masusumpungan nila sa kanilang sariling bayan, ang Juda. At ano ang magiging kalagayan nila mismo? Ang mga sagot ay tuwirang may kaugnayan kung bakit tunay na tayo’y may dahilan upang humiyaw sa kagalakan. Tingnan natin.
8. Anong mga kalagayan ang masusumpungan ng mga Judio sa pagbabalik nila buhat sa Babilonya? (Ihambing ang Ezekiel 19:3-6; Oseas 13:8.)
8 Ang kalagayan ay tiyak na waring hindi kaayaaya sa mga Judio kahit nang marinig nila na makababalik na sila sa kanilang lupang tinubuan. Ang kanilang lupain ay naging tiwangwang sa loob ng pitong dekada, na siyang haba ng buhay ng tao. Ano ang nangyari sa lupain? Anumang nabungkal na parang, ubasan, o taniman ay maaaring naging ilang na. Ang natubigang mga halamanan o lupa ay posibleng natuyuan na o naging disyerto. (Isaias 24:1, 4; 33:9; Ezekiel 6:14) Isip-isipin din ang naglipanang mababangis na hayop. Kasali sa mga ito ang mga hayop na kumakain ng laman, tulad ng mga leon at leopardo. (1 Hari 13:24-28; 2 Hari 17:25, 26; Awit ni Solomon 4:8) Ni makaliligtaan man nila ang mga oso na may kakayahang pumatay ng lalaki, babae, o bata. (1 Samuel 17:34-37; 2 Hari 2:24; Kawikaan 17:12) At hindi na natin kailangan pang banggitin ang mga ulupong at iba pang makamandag na ahas, o mga alakdan. (Genesis 49:17; Deuteronomio 32:33; Job 20:16; Awit 58:4; 140:3; Lucas 10:19) Kung nakasama kayo ng mga Judio sa pagbabalik buhat sa Babilonya noong 537 B.C.E., malamang na mag-aatubili kayong lumakad sa palibot ng gayong lugar. Hindi iyon isang paraiso nang datnan nila.
9. Ano ang dahilan kung kaya ang mga bumabalik ay may saligan na umasa at magtiwala?
9 Gayunman, si Jehova mismo ang umakay sa kaniyang mga mananamba pabalik sa kanilang bayan, at may kakayahan siya na baguhin ang tiwangwang na kalagayan. Hindi ba ganiyan ang paniniwala ninyo tungkol sa Maylalang? (Job 42:2; Jeremias 32:17, 21, 27, 37, 41) Kaya ano ang gagawin niya—ano ang ginawa niya—para sa bumabalik na mga Judio at para sa kanilang lupain? Ano ang epekto nito sa bayan ng Diyos sa modernong panahon at sa inyong kalagayan—sa kasalukuyan at sa hinaharap? Tingnan muna natin kung ano ang naganap noon.
Nagagalak Dahil sa Nagbagong Kalagayan
10. Anong pagbabago ang inihula sa Isaias 35:1, 2?
10 Ano kaya ang mangyayari kapag pinahintulutan ni Ciro na bumalik ang mga Judio sa nakapangingilabot na lupaing iyon? Basahin ang kapana-panabik na hula sa Isaias 35:1, 2: “Ang ilang at ang walang-tubig na pook ay magbubunyi, at ang disyertong kapatagan ay magagalak at mamumulaklak na gaya ng safron. Walang pagsalang iyon ay mamumulaklak, at iyon ay tunay ngang magagalak na may pagkagalak at may katuwaang paghiyaw. Ang kaluwalhatian ng Lebanon mismo ay dapat na ibigay doon, ang karilagan ng Carmel at ng Sharon. Darating yaong mga makakakita sa kaluwalhatian ni Jehova, ang karilagan ng ating Diyos.”
11. Anong kaalaman tungkol sa lupain ang ginamit ni Isaias?
11 Noong panahon ng Bibliya, ang Lebanon, Carmel, at Sharon ay kilala dahil sa luntiang kagandahan ng mga ito. (1 Cronica 5:16; 27:29; 2 Cronica 26:10; Awit ni Solomon 2:1; 4:15; Oseas 14:5-7) Ginamit ni Isaias ang mga halimbawang iyon upang ilarawan ang magiging katulad ng nabagong lupain, sa tulong ng Diyos. Subalit sa lupain lamang ba ang epekto nito? Tiyak na hindi!
12. Bakit natin masasabi na ang hula sa Isaias kabanata 35 ay nakasentro sa mga tao?
12 Binabanggit ng Isaias 35:2 na ang lupain ay “magagalak na may pagkagalak at may katuwaang paghiyaw.” Alam natin na ang lupa at mga halaman ay hindi literal na “magagalak na may pagkagalak.” Gayunman, ang pagbabago ng mga ito tungo sa pagiging mataba at mabunga ay magpapangyari sa mga tao na makadama ng gayon. (Levitico 23:37-40; Deuteronomio 16:15; Awit 126:5, 6; Isaias 16:10; Jeremias 25:30; 48:33) Ang mga literal na pagbabago sa lupain mismo ay katumbas ng mga pagbabago sa mga tao, sapagkat ang mga tao ang siyang sentro ng pansin sa hulang ito. Kaya naman, may dahilan tayo upang maunawaan ang mga salita ni Isaias bilang pangunahing tumutukoy sa mga pagbabago sa mga Judiong bumabalik, lalo na sa kanilang pagkagalak.
13, 14. Anong pagbabago sa mga tao ang inihula sa Isaias 35:3, 4?
13 Kaayon nito, suriin pa natin ang nakapagpapasiglang hulang ito upang makita kung papaano ito natupad pagkatapos ng paglaya at pagbabalik ng mga Judio mula sa Babilonya. Sa Isa 35 talata 3 at 4, bumabanggit si Isaias tungkol sa iba pang pagbabago sa mga bumabalik na iyon: “Palakasin ninyo ang mahihinang kamay, at gawing matatag ang mga tuhod na gumigiray. Sabihin doon sa mga nababalisa sa puso: ‘Magpakalakas kayo. Huwag kayong matakot. Narito! Ang inyong sariling Diyos ay darating taglay ang paghihiganti mismo, ang Diyos na taglay nga ang isang kabayaran. Siya mismo ay darating at magliligtas sa inyo.’ ”
14 Hindi ba nakapagpapatibay na isiping ang ating Diyos, na makapagpapabago sa tiwangwang na kalagayan ng lupa, ay totoong interesado sa kaniyang mga mananamba? Hindi niya ibig na ang mga bihag na Judio ay manghina, masiraan ng loob, o mabalisa tungkol sa kinabukasan. (Hebreo 12:12) Isip-isipin ang kalagayan ng mga bihag na Judiong iyon. Bukod sa pag-asa na makukuha nila mula sa mga hula ng Diyos tungkol sa kanilang kinabukasan, naging mahirap para sa kanila na maging positibo. Para bang sila’y nasa isang madilim na bartolina, anupat hindi makakilos o maging aktibo sa paglilingkod kay Jehova. Waring para sa kanila ay walang liwanag sa unahan.—Ihambing ang Deuteronomio 28:29; Isaias 59:10.
15, 16. (a) Ano ang mahihinuha natin na ginawa ni Jehova para sa mga nagsibalik? (b) Bakit ang mga nagsibalik ay hindi umasa ng makahimalang pisikal na pagpapagaling, ngunit ano ang ginawa ng Diyos ayon sa Isaias 35:5, 6?
15 Subalit gayon na lamang ang pagbabago nito nang pinakilos ni Jehova si Ciro na palayain sila upang makabalik sa kanilang bayan! Walang ebidensiya sa Bibliya na makahimalang idinilat doon ng Diyos ang alinmang bulag na mga mata ng mga nagsibalik na Judio, binuksan ang tainga ng mga bingi, o pinagaling ang sinumang lumpo o naputulan ng mga kamay o paa. Gayunman, talagang may ginawa siya na nakahihigit pa. Ibinalik niya sila sa liwanag at kalayaan ng kanilang minamahal na lupain.
16 Walang pahiwatig na ang mga nagsibalik ay umaasang gagawa si Jehova ng gayong makahimalang pisikal na pagpapagaling. Tiyak na batid nila na hindi gayon ang ginawa ng Diyos sa kaso nina Isaac, Samson, o Eli. (Genesis 27:1; Hukom 16:21, 26-30; 1 Samuel 3:2-8; 4:15) Subalit kung inaasahan nila na babaguhin ng Diyos ang kanilang kalagayan sa makasagisag na paraan, hindi sila nabigo. Tunay na sa isang makasagisag na diwa, totoong natupad ang Isa 35 talata 5 at 6. Wasto ang pagkahula ni Isaias: “Sa panahong iyon ang mga mata ng mga bulag ay madidilat, at ang mismong mga tainga ng mga bingi ay mabubuksan. Sa panahong iyon ang isa na pilay ay aakyat na gaya nga ng isang lalaking usa, at ang dila ng isa na di-makapagsalita ay hihiyaw nang may katuwaan.”
Ang Lupain ay Ginagawang Tulad sa Paraiso
17. Anong pisikal na mga pagbabago ang maliwanag na pinapangyari ni Jehova?
17 Ang mga nagsibalik na iyon ay tiyak na may dahilan upang humiyaw nang may katuwaan dahil sa mga kalagayan na gaya ng inilarawan pa ni Isaias: “Sapagkat sa ilang ang katubigan ay bubulwak na, at ang mga hugusan sa disyertong kapatagan. At ang lupang tigang sa init ay magiging gaya na ng isang matambong lawa, at ang uhaw na lupa gaya ng mga balong ng tubig. Sa pinamamalagiang dako ng mga chakal, isang pahingahang-dako para sa kanila, doon ay magkakaroon ng luntiang damo kasama ng mga tambo at mga halamang papiro.” (Isaias 35:6b, 7) Bagaman hindi natin makikita iyon sa buong rehiyon sa ngayon, ipinahihiwatig ng mga katunayan na ang lugar na dating Juda ay “isang paraiso ng mga pastol.”a
18. Papaano malamang na tumugon sa mga pagpapala ng Diyos ang mga Judiong nagsibalik?
18 Kung tungkol sa mga sanhi ng kagalakan, isipin kung ano ang nadama ng mga nalabing Judio nang sila’y makabalik sa Lupang Pangako! Sila’y may pagkakataon na ariin ang tiwangwang na lupain, na tinitirahan ng mga chakal at iba pang gayong hayop, at baguhin iyon. Hindi ba kayo magagalak sa gayong gawain ng pagsasauli, lalo na kung alam ninyo na pinagpapala ng Diyos ang inyong mga pagsisikap?
19. Sa anong diwa may pasubali ang pagbabalik buhat sa pagkabihag sa Babilonya?
19 Subalit hindi naman basta sinuman o lahat ng Judiong bihag sa Babilonya ay makababalik o nagbalik nga upang makabahagi sa masayang pagbabagong iyon. Ang Diyos ay nagtakda ng mga kondisyon. Walang sinuman na nababahiran ng maka-Babilonya at paganong relihiyosong mga gawain ang may karapatang bumalik. (Daniel 5:1, 4, 22, 23; Isaias 52:11) Ni makababalik man ang sinuman na may-kamangmangang nananatili sa isang di-matalinong landasin. Hindi kuwalipikado ang lahat ng gayong tao. Sa kabilang panig, yaong nakaabot sa mga pamantayan ng Diyos, na kaniyang minalas bilang banal sa isang relatibong diwa, ay makababalik sa Juda. Sila’y makapaglalakbay na para bang nasa isang Daan ng Kabanalan. Niliwanag iyan ni Isaias sa Isa 35 talata 8: “Tiyak na magkakaroon ng isang lansangang-bayan doon, isang daan nga; at iyon ay tatawaging ang Daan ng Kabanalan. Ang isa na di-malinis ay hindi daraan doon. At iyon ay magiging para sa isa na lumalakad sa daan, at walang mga mangmang na gagala-gala doon.”
20. Ano ang hindi kailangang katakutan ng mga Judio sa kanilang pagbabalik, na nagbunga ng ano?
20 Ang mga nagsisibalik na Judio ay hindi kailangang matakot sa anumang pagsalakay ng mga taong tulad-hayop o pangkat ng mga mandarambong. Bakit? Sapagkat hindi pahihintulutan ni Jehova ang gayong mga tao na mapasa Daan kasama ng kaniyang tinubos na bayan. Kaya makapaglalakbay sila na may kagalakang umaasa sa maliligayang kalagayan. Pansinin kung papaano iyan inilarawan ni Isaias sa pagtatapos ng hulang ito: “Walang leon ang mapatutunayang naroon, at ang ganid na uri ng mababangis na hayop ay hindi sasampa roon. Walang masusumpungan doon; at ang mga biniling-muli ay dapat na lumakad doon. At mismong ang mga tinubos ni Jehova ay babalik at tiyak na paroroon sa Sion taglay ang may-kagalakang hiyaw; at pagsasaya hanggang sa panahong walang-takda ay mapapasa ibabaw ng kanilang ulo. Pagbubunyi at pagsasaya ay kanilang makakamit, at ang pamimighati at pagbubuntung-hininga ay dapat na tumanan.”—Isaias 35:9, 10.
21. Papaano natin dapat malasin sa ngayon ang katuparan ng Isaias kabanata 35 na naganap na?
21 Kay-ganda ng makahulang larawan na nakikita natin dito! Subalit hindi natin dapat malasin na ito’y tungkol lamang sa isang nakaraang kasaysayan, na para bang ito ay isang magandang kuwento na walang kinalaman sa ating kalagayan o sa ating kinabukasan. Ang totoo ay na ang hulang ito ay kamangha-manghang natutupad sa ngayon sa bayan ng Diyos, kaya talagang nasasangkot ang bawat isa sa atin. Naglalaan ito sa atin ng tamang dahilan upang humiyaw sa kagalakan. Ang mga bahaging ito na nagsasangkot sa inyong buhay ngayon at sa hinaharap ay tinatalakay sa kasunod na artikulo.
[Talababa]
a Buhat sa kaniyang pag-aaral sa rehiyon, nasabi ng agronomong si Walter C. Lowdermilk (kinatawan ng U.N. Food and Agriculture Organization): “Ang lupaing ito ay dating isang paraiso ng mga pastol.” Ipinakita rin niya na ang klima doon ay hindi gaanong nagbago “sapol ng panahong Romano,” at “ang ‘disyerto’ na humalili sa dating-maunlad na lupain ay gawa ng tao, hindi ng kalikasan.”
Natatandaan Mo Ba?
◻ Kailan unang natupad ang Isaias kabanata 35?
◻ Anong epekto ang ibubunga ng unang katuparan ng hula?
◻ Papaano tinupad ni Jehova ang Isaias 35:5, 6?
◻ Anong pagbabago sa lupain at sa kanilang kalagayan ang naranasan ng mga nagsibalik na Judio?
[Larawan sa pahina 9]
Ang mga kaguhuan ng Petra, ang lugar na dating tinirahan ng mga Edomita
[Credit Line]
Garo Nalbandian
[Mga larawan sa pahina 10]
Habang ang mga Judio ay nasa pagkakatapon, malaking bahagi ng Juda ang naging isang ilang, na doo’y naglipana ang mababangis na hayop tulad ng oso at leon
[Credit Lines]
Garo Nalbandian
Oso at Leon: Safari-Zoo ng Ramat-Gan, Tel Aviv