PANGAWIT
[sa Ingles, hook].
Isang piraso ng metal o iba pang materyales na nakakurba o nakaanggulo at matulis, kung minsan ay mayroon itong simà.
Mga pangawit na ginto ang ginamit sa tabernakulo upang pagdugtungin ang dalawang malalaking seksiyon ng burdadong pantakip na lino, at mga pangawit na tanso naman ang ginamit sa dalawang seksiyon ng pantakip na yari sa balahibo ng kambing. (Exo 26:1, 5, 6, 7, 10, 11; 36:13, 18; 39:33) Ang kurtina sa pagitan ng dakong Banal at ng Kabanal-banalan ay nakasabit sa mga pangawit, na maliwanag na yari sa ginto (Exo 26:31-33), gaya rin ng pantabing sa pasukan ng tabernakulo.—Exo 26:36, 37.
Gumamit ng mga kawil, o mga pangawit para sa isda, ang sinaunang mga mangingisda. (Hab 1:14, 15; Isa 19:1, 6-8; Mat 17:24-27) Binabanggit sa Bibliya ang mga pangawit ng matadero. (Am 4:2) Ginamit din ang mga pangawit, posibleng mga tinik, upang maakay o mahila ang mga hayop, partikular na yaong mababangis.—Eze 19:3, 4, 6, 9, tlb sa Rbi8.
Noon, kung minsan ay inaakay ang mga bihag sa pamamagitan ng mga pangawit na ikinabit sa labi, ilong o dila ng mga ito. Mula sa isang Asiryanong pagsasalarawan ay makikita ang isang hari na may hawak na tatlong bihag; hawak niya sila sa mga panaling nakakabit sa mga pangawit na nasa kanilang mga labi samantalang binubulag niya ang isa sa kanila sa pamamagitan ng sibat. Kaya naman, tiyak na naintindihan ni Haring Senakerib ng Asirya ang makasagisag na pananalita sa kaniya ni Jehova sa pamamagitan ng propetang si Isaias: “At ilalagay ko nga ang aking pangawit sa iyong ilong at ang aking renda sa pagitan ng iyong mga labi, at dadalhin nga kitang pabalik sa daan na iyong pinanggalingan.”—2Ha 19:20, 21, 28; Isa 37:29.
Sa makasagisag na paraan, nagsalita si Jehova kay Paraon ng Ehipto, na may-kamangmangang pinagtiwalaan ng Israel ukol sa suporta laban sa Babilonya: “At lalagyan ko ng mga pangawit ang iyong mga panga . . . At iaahon kita mula sa gitna ng iyong mga kanal ng Nilo . . . At iiwan kita sa ilang . . . At makikilala nga ng lahat ng tumatahan sa Ehipto na ako ay si Jehova, sa dahilang sila, bilang suhay, ay naging isang tambo sa sambahayan ng Israel.” (Eze 29:1-7) Angkop na angkop noon ang mga pananalitang ito; binanggit ng istoryador na si Herodotus (II, 70) na ang mga Ehipsiyo ay gumagamit ng pangawit upang manghuli ng buwaya at maiahon ito mula sa tubig. Inihula rin ni Jehova na lalagyan niya ng mga pangawit ang mga panga ni “Gog ng lupain ng Magog” at ilalabas niya siya tungo sa pangwakas na pagsalakay sa bayan ng Diyos at tungo sa kaniyang sariling pagkapuksa.—Eze 38:1-4; 39:1-4.