Ikaanim na Kabanata
Ang Diyos na Jehova ay Naawa sa Isang Nalabi
1, 2. Humuhula si propeta Isaias ng ano hinggil sa Juda at Jerusalem?
ISANG nagngangalit na bagyo ang bumubulusok sa isang mataong lugar. Ang malakas na hangin, bumubuhos na ulan, at matinding pagbaha ay rumagasa sa malawak na lupain, na nagwasak ng mga tahanan, sumira ng mga pananim, at kumitil ng maraming buhay. Subalit di-nagtagal at humupa rin ang bagyo, at pagkatapos nito ay nagkaroon ng katahimikan. Para sa mga nakaligtas, ito ay panahon ng pagsasauli at pagtatayong muli.
2 Kahawig nito ang inihula ni propeta Isaias hinggil sa Juda at Jerusalem. Ang mga ulap ng bagyo ng paghatol ng Diyos ay papalapit na nagbabanta—at may mabuting dahilan! Mabigat ang kasalanan ng bansa. Pinunô kapuwa ng mga tagapamahala at ng bayan ang lupain ng kawalang-katarungan at pagdanak ng dugo. Sa pamamagitan ni Isaias ay inilantad ni Jehova ang kasalanan ng Juda at nagbabala na Kaniyang igagawad ang paghatol sa masamang bansang iyon. (Isaias 3:25) Ang lupain ng Juda ay maiiwang lubos na tiwangwang bilang resulta ng bagyong ito. Ang gayong pangyayari ay tiyak na ikinalungkot ni Isaias.
3. Anong mabuting balita ang napapaloob sa kinasihang mensahe sa Isaias 4:2-6?
3 Subalit may mabuting balita! Ang bagyo ng matuwid na paghatol ni Jehova ay mapapawi, at isang nalabi ang makaliligtas. Oo, ang paghatol ni Jehova sa Juda ay lalakipan ng awa! Ang kinasihang mensahe ni Isaias na nakatala sa Isaias 4:2-6 ay ukol sa pinagpalang panahong ito hinggil sa hinaharap. Iyon ay para bang ang araw ay lumilitaw sa likod ng mga ulap; ang eksena ay nag-iiba mula sa tanawin at alingawngaw ng paghatol—na inilarawan sa Isaias 2:6–4:1—tungo sa isang pinaganda at nabagong lupain at mga tao.
4. Bakit dapat nating pag-usapan ang hula ni Isaias hinggil sa panunumbalik ng isang nalabi?
4 Ang hula ni Isaias hinggil sa panunumbalik ng isang nalabi at sa tatamasahin nilang kasiguruhan ay may katuparan din sa ating panahon—ang “huling bahagi ng mga araw.” (Isaias 2:2-4) Ating tatalakayin ang napapanahong mensaheng ito, sapagkat hindi lamang ito nagtataglay ng makahulang kahalagahan kundi ito’y nagtuturo rin sa atin ng tungkol sa awa ni Jehova at kung paano natin matatamo ito bilang mga indibiduwal.
‘Ang Pinasisibol ni Jehova’
5, 6. (a) Paano inilarawan ni Isaias ang mapayapang panahon kasunod ng dumarating na bagyo? (b) Ano ang kahulugan ng terminong “pasibol,” at ano ang ipinahihiwatig nito hinggil sa lupain ng Juda?
5 Ang tono ni Isaias ay nagiging kanais-nais habang siya’y umaasa sa isang higit na mapayapang panahon kapag nakalipas na ang dumarating na bagyo. Siya’y sumulat: “Sa araw na iyon ang pasisibulin ni Jehova [“ang pinasisibol (pasibol) ni Jehova,” talababa] ay magiging kagayakan at kaluwalhatian, at ang bunga ng lupain ay magiging isang bagay na maipagmamalaki at isang bagay na maganda para roon sa mga nagmula sa Israel na nakatakas.”—Isaias 4:2.
6 Binanggit dito ni Isaias ang hinggil sa pagsasauli. Ang Hebreong pangngalan na isinaling “pasibol” ay tumutukoy sa ‘bagay na sumusupang, isang usbong, isang sanga.’ Ito’y iniuugnay sa kasaganaan, pagsulong, at mga pagpapala mula kay Jehova. Kaya iginuguhit ni Isaias ang isang larawan ng pag-asa—ang dumarating na pagkatiwangwang ay hindi mamamalagi magpakailanman. Taglay ang pagpapala ni Jehova, ang dating masaganang lupain ng Juda ay muling magbubunga nang sagana.a—Levitico 26:3-5.
7. Sa paanong paraan “magiging kagayakan at kaluwalhatian” ang pasisibulin ni Jehova?
7 Si Isaias ay gumamit ng matitingkad na pangungusap upang ilarawan ang dakilang pagbabago na magaganap sa hinaharap. Ang pasisibulin ni Jehova ay “magiging kagayakan at kaluwalhatian.” Ang salitang “kagayakan” ay nagpapaalaala sa kagandahan ng Lupang Pangako nang ipagkaloob ito ni Jehova sa Israel mga ilang siglo na ang kaagahan. Ito’y napakaganda anupat ito’y itinuring na “ang kagayakan [“hiyas,” New American Bible] ng lahat ng mga lupain.” (Ezekiel 20:6) Kaya ang mga salita ni Isaias ay nagbigay-katiyakan sa mga tao na ang lupain ng Juda ay maisasauli sa dating kaluwalhatian at kagandahan nito. Tunay nga, ito ay magiging gaya ng koronang hiyas sa lupa.
8. Sino ang mapaparoon upang tamasahin ang ibinalik na kagandahan ng lupain, at paano inilalarawan ni Isaias ang kanilang nadarama?
8 Subalit, sino ang mapaparoon upang tamasahin ang isinauling kagandahan ng lupain? Yaong “mga nagmula sa Israel na nakatakas,” ang sulat ni Isaias. Oo, ang ilan ay makaliligtas sa kahiya-hiyang pagkawasak na dati nang inihula. (Isaias 3:25, 26) Isang nalabi ng mga nakaligtas ang magbabalik sa Juda at makikibahagi sa pagsasauli nito. Para sa mga magbabalik na ito—“ang mga nakatakas”—ang saganang bunga ng kanilang naisauling lupain ay magiging “isang bagay na maipagmamalaki at isang bagay na maganda.” (Isaias 4:2; talababa sa Ingles) Ang kahihiyan ng pagkatiwangwang ay magbibigay daan sa isang panibagong kalagayan na maipagmamalaki.
9. (a) Bilang katuparan ng mga salita ni Isaias, ano ang nangyari noong 537 B.C.E.? (b) Bakit masasabing kasama sa “mga nakatakas” ang ilang ipinanganak samantalang nasa pagkatapon? (Tingnan ang talababa.)
9 Bilang katuparan ng mga salita ni Isaias, ang bagyo ng paghatol ay dumating noong 607 B.C.E. nang wasakin ng mga taga-Babilonya ang Jerusalem anupat marami sa mga Israelita ang nasawi. Ang ilan ay nakaligtas at dinalang tapon sa Babilonya, subalit kung hindi sa awa ng Diyos, wala sanang nakaligtas. (Nehemias 9:31) Sa dakong huli, ang Juda ay naging lubos na tiwangwang. (2 Cronica 36:17-21) Pagkatapos, noong 537 B.C.E., ang Diyos ng kaawaan ay nagpahintulot sa mga “nakatakas” na magbalik sa Juda upang isauli ang tunay na pagsamba.b (Ezra 1:1-4; 2:1) Ang taos-pusong pagsisisi ng mga nagbalik na tapong ito ay buong gandang ipinahayag sa Awit 137, na malamang na isinulat sa panahon ng pagkabihag o di-kalaunan pagkatapos nito. Doon sa Juda sila ay nag-araro at naghasik ng binhi sa lupain. Isip-isipin na lamang ang tiyak na nadama nila nang kanilang nakita na pinagpapala ng Diyos ang kanilang mga pagsisikap, anupat ang lupain ay nagsibol gaya ng mabungang “hardin ng Eden”!—Ezekiel 36:34-36.
10, 11. (a) Sa paanong paraan naging bihag sa “Babilonyang Dakila” ang mga Estudyante ng Bibliya noong unang bahagi ng ika-20 siglo? (b) Paano pinagpala ni Jehova ang nalabi ng espirituwal na mga Israelita?
10 Isang katulad na pagsasauli ang nagaganap ngayon sa ating kaarawan. Maaga pa noong ika-20 siglo, ang mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova, ay napasa espirituwal na pagkabihag sa “Babilonyang Dakila,” ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. (Apocalipsis 17:5) Bagaman itinakwil na nila ang maraming huwad na turong relihiyoso, ang mga Estudyante ng Bibliya ay may bahid pa rin ng ilang ideya at gawaing maka-Babilonya. Bilang resulta ng udyok ng klerong pagsalansang, ang ilan sa kanila ay literal na nabilanggo. Ang kanilang espirituwal na lupain—ang kanilang relihiyoso, o espirituwal, na kalagayan—ay naiwang tiwangwang.
11 Subalit noong tagsibol ng 1919, naawa si Jehova sa nalabing ito ng espirituwal na mga Israelita. (Galacia 6:16) Nakita niya ang kanilang pagsisisi at ang kanilang pagnanais na sumamba sa kaniya sa katotohanan, kaya sila’y pinalaya niya mula sa literal na pagkabilanggo at, higit sa lahat, mula sa espirituwal na pagkabihag. Ang mga “nakatakas” na ito ay naisauli sa kanilang bigay-Diyos na espirituwal na kalagayan, na pinangyari niyang sumibol nang sagana. Ang espirituwal na kalagayang ito ay nagkaroon ng nakagaganyak at kaayaayang anyo na nakaakit sa iba pang milyun-milyong mga taong may takot sa Diyos na sumama sa nalabi sa tunay na pagsamba.
12. Paano pinatingkad ng mga salita ni Isaias ang awa ni Jehova sa kaniyang bayan?
12 Ang mga salita ni Isaias dito ay nagpapatingkad sa awa ng Diyos sa kaniyang bayan. Bagaman ang mga Israelita bilang isang bansa ay tumalikod kay Jehova, siya’y naawa sa nagsising nalabi. Maaaliw tayo sa pagkaalam na kahit na yaong mga malubhang nagkasala ay may pag-asang makapanumbalik kay Jehova. Ang mga nagsisisi ay hindi kailangang makadama na sila’y hindi na kaaawaan pa ni Jehova, dahil sa hindi niya tatanggihan ang isang pusong nagsisisi. (Awit 51:17) Tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Si Jehova ay maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan. Kung paanong nagpapakita ng awa ang ama sa kaniyang mga anak, si Jehova ay nagpapakita ng awa sa mga may takot sa kaniya.” (Awit 103:8, 13) Tunay nga, ang gayong maawaing Diyos ay karapat-dapat sa lahat ng ating papuri!
Isang Nalabi ang Naging Banal kay Jehova
13. Gaya ng nakaulat sa Isaias 4:3, paano inilarawan ni Isaias ang nalabi na pagpapakitaan ni Jehova ng awa?
13 Naipakilala na sa atin ang nalabi na pagpapakitaan ni Jehova ng awa, subalit ngayo’y inilalarawan sila ni Isaias nang higit na detalyado. Siya’y sumulat: “Mangyayari nga na yaong mga nalalabi sa Sion at yaong mga natitira sa Jerusalem ay sasabihing banal sa kaniya, ang lahat ng nakasulat ukol sa buhay sa Jerusalem.”—Isaias 4:3.
14. Sino “yaong mga nalalabi” at “yaong mga natitira,” at bakit sila kaaawaan ni Jehova?
14 Sino “yaong mga nalalabi” at “yaong mga natitira”? Sila yaong mga nakatakas na binanggit sa nakaraang talata—ang mga tapong Judio na pahihintulutang magbalik sa Juda. Ngayo’y ipinakikita ni Isaias kung bakit si Jehova ay maaawa sa kanila—sila ay magiging “banal sa kaniya.” Ang kabanalan ay nangangahulugang “relihiyosong kalinisan o kadalisayan; pagiging sagrado.” Upang maging banal, kailangang maging malinis, o dalisay, sa salita at sa gawa, upang maabot ang pamantayan ni Jehova sa tama at wasto. Oo, si Jehova ay maaawa doon sa mga “banal sa kaniya,” at sila’y pahihintulutan niya na bumalik sa “banal na lunsod,” ang Jerusalem.—Nehemias 11:1.
15. (a) Ang pananalitang “nakasulat ukol sa buhay sa Jerusalem” ay nagpapaalaala sa atin ng anong kaugalian ng mga Judio? (b) Anong seryosong babala ang ipinahihiwatig ng mga salita ni Isaias?
15 Mananatili ba roon ang tapat na nalabing ito? Sila’y ‘mapapasulat ukol sa buhay sa Jerusalem,’ ang pangako ni Isaias. Ito’y nagpapaalaala sa atin ng kaugalian ng mga Judio na mag-ingat ng kumpletong rehistro ng mga pamilya at mga tribo ng Israel. (Nehemias 7:5) Ang pagiging rehistrado ay nangangahulugan ng pagiging buháy, yamang kapag ang isang tao ay namatay, ang kaniyang pangalan ay inaalis. Sa iba pang bahagi ng Bibliya, ating mababasa ang hinggil sa isang makasagisag na rehistro, o aklat, na naglalaman ng mga pangalan ng mga gagantimpalaan ni Jehova ng buhay. Subalit may pasubali ang pagkakasulat ng mga pangalan sa aklat na ito, yamang maaaring “pawiin” ni Jehova ang mga pangalan. (Exodo 32:32, 33; Awit 69:28) Kung gayon, ang mga salita ni Isaias ay may ipinahihiwatig na seryosong babala—ang mga bumabalik ay patuloy na makapamumuhay sa kanilang naisauling lupain tangi lamang kung sila’y mananatiling banal sa paningin ng Diyos.
16. (a) Ano ang hiniling ni Jehova sa mga pinahintulutan niyang bumalik sa Juda noong 537 B.C.E.? (b) Bakit masasabi na ang awa ni Jehova sa pinahirang nalabi at sa “ibang mga tupa” ay hindi nawalang kabuluhan?
16 Noong 537 B.C.E., ang nalabi na nagbalik sa Jerusalem ay may taglay na dalisay na motibo—upang ibalik ang tunay na pagsamba. Walang sinuman na nahawa ng paganong mga gawaing relihiyoso o ng maruming paggawi na laban doo’y buong tinding nagbabala si Isaias ang may karapatang makabalik. (Isaias 1:15-17) Yaon lamang itinuring ni Jehova na banal ang maaaring magbalik sa Juda. (Isaias 35:8) Kahawig nito, buhat sa kanilang paglaya mula sa espirituwal na pagkabihag noong 1919, ang pinahirang nalabi, na ngayo’y sinamahan ng milyun-milyon ng “ibang mga tupa”—yaong ang pag-asa ay buhay na walang hanggan sa lupa—ay gumawa ng ibayong pagsisikap upang maging banal sa paningin ng Diyos. (Juan 10:16) Iwinaksi nila ang maka-Babilonyang mga turo at gawain. Bilang mga indibiduwal, sila’y nagsisikap na itaguyod ang matataas na pamantayan ng Diyos sa moral. (1 Pedro 1:14-16) Ang awa sa kanila ni Jehova ay hindi nawalang kabuluhan.
17. Kaninong mga pangalan ang isinusulat ni Jehova sa kaniyang “aklat ng buhay,” at ano ang dapat na determinado nating gawin?
17 Alalahanin na tinandaan ni Jehova yaong mga banal sa Israel at kaniyang ‘isinulat ang kanilang mga pangalan ukol sa buhay.’ Gayundin sa ngayon, nakikita ni Jehova ang ating mga pagsisikap na maging malinis sa isip at katawan habang ating ‘inihaharap ang ating mga katawan na isang haing buháy, banal, at kaayaaya sa Diyos.’ (Roma 12:1) At ang lahat ng mga tumatahak sa gayong landasin sa buhay ay itinatala ng Diyos sa kaniyang “aklat ng buhay”—ang makasagisag na rekord na naglalaman ng mga pangalan ng mga nakahanay na tumanggap ng walang-hanggang buhay, sa langit man o sa lupa. (Filipos 4:3; Malakias 3:16) Kung gayon, gawin natin ang ating buong makakaya upang manatiling banal sa paningin ng Diyos, sa gayo’y mapananatili natin ang ating mga pangalan sa mahalagang “aklat” na iyon.—Apocalipsis 3:5.
Isang Pangako ng Maibiging Pangangalaga
18, 19. Ayon sa Isaias 4:4, 5, anong paglilinis ang gagawin ni Jehova, at paano ito isasagawa?
18 Sumunod ay ipinakita ni Isaias kung paanong ang mga naninirahan sa isinauling lupain ay magiging banal at kung anong mga pagpapala ang naghihintay sa kanila. Sinabi niya: “Kapag nahugasan na ni Jehova ang dumi ng mga anak na babae ng Sion at babanlawan niya maging ang pagbububo ng dugo ng Jerusalem mula sa loob niya sa pamamagitan ng espiritu ng paghatol at sa pamamagitan ng espiritu ng pagsunog, tiyak na lalalangin din ni Jehova sa ibabaw ng bawat tatag na dako ng Bundok Sion at sa ibabaw ng kaniyang dako ng pagtitipon ang isang ulap kapag araw at ang isang usok, at ang liwanag ng nagliliyab na apoy kapag gabi; sapagkat sa ibabaw ng lahat ng kaluwalhatian ay magkakaroon ng isang silungan.”—Isaias 4:4, 5.
19 Bago nito ay pinagwikaan na ni Isaias “ang mga anak na babae ng Sion,” na ang kabulukan sa moral ay nakatago sa ilalim ng kanilang mararangyang palamuti. Kaniya rin namang inilantad ang pagkakasala ng bayan sa dugo sa pangkalahatan, na hinihimok silang hugasan ang kanilang mga sarili. (Isaias 1:15, 16; 3:16-23) Kaya naman, inasam niya ang panahon kapag ‘nahugasan na’ ng Diyos mismo “ang dumi,” o karumihan sa moral, at ‘nalinis ang mga mantsa ng dugo.’ (Isaias 4:4, New International Version) Paano isasagawa ang paglilinis na ito? Sa pamamagitan “ng espiritu ng paghatol” at “ng espiritu ng pagsunog.” Ang dumarating na pagkawasak ng Jerusalem at ang pagkatapon sa Babilonya ay mga pagsiklab ng paghatol at ng nagniningas na galit ng Diyos sa isang maruming bansa. Ang nalabi na makaliligtas sa mga kalamidad na ito at makauuwi sa kanilang bayan ay mga pinagpakumbaba at dinalisay. Kaya sila’y magiging banal kay Jehova at tatanggap ng kaniyang awa.—Ihambing ang Malakias 3:2, 3.
20. (a) Paalaala ng ano ang mga pananalitang “isang ulap,” “isang usok,” at “nagliliyab na apoy”? (b) Bakit hindi kailangang matakot ang nahugasang mga tapon?
20 Si Jehova, sa pamamagitan ni Isaias, ay nangako na kaniyang maibiging pangangalagaan ang nilinis na nalabing ito. Ang mga pananalitang “isang ulap,” “isang usok,” at “nagliliyab na apoy” ay paalaala kung paanong pinangalagaan ni Jehova ang mga Israelita pagkatapos na lisanin nila ang Ehipto. Isang “haliging apoy at ulap” ang nagsanggalang sa kanila mula sa humahabol na mga Ehipsiyo; ito rin ang umakay sa kanila sa iláng. (Exodo 13:21, 22; 14:19, 20, 24) Nang ihayag ni Jehova ang kaniyang sarili sa Bundok ng Sinai, ang bundok ay “umusok sa buong palibot.” (Exodo 19:18) Kung gayon, ang nilinis na mga tapon ay hindi kailangang matakot. Si Jehova ang kanilang magiging Tagapagsanggalang. Siya’y sasakanila, sila man ay nagtitipon sa kanilang sariling mga tahanan o nagtitipong magkakasama sa mga banal na kombensiyon.
21, 22. (a) Ang isang kubol, o kubo, ay kadalasang itinatayo sa anong layunin? (b) Anong pag-asa ang nasa harapan ng nilinis na nalabi?
21 Tinapos ni Isaias ang kaniyang paglalarawan sa pagsasanggalang ng Diyos sa pamamagitan ng pagtutuon ng pansin sa pang-araw-araw na buhay. Siya’y sumulat: “Magkakaroon ng isang kubol na siyang lilim kapag araw laban sa tuyong init, at kanlungan at taguang dako sa bagyong maulan at sa pagpatak ng ulan.” (Isaias 4:6) Ang isang kubol, o isang kubo, ay kadalasang itinatayo sa isang ubasan o sa isang bukirin upang maglaan ng kinakailangang kanlungan mula sa init ng araw kung tag-araw at mula sa lamig at bagyo kung tag-ulan.—Ihambing ang Jonas 4:5.
22 Kapag napaharap sa nakapapasong init ng pag-uusig at mga bagyo ng pagsalansang, masusumpungan ng nilinis na nalabi na si Jehova ang kanilang Bukal ng sanggalang, katiwasayan, at kanlungan. (Awit 91:1, 2; 121:5) Kaya isang magandang pag-asa ang nasa harapan nila: Kung kanilang iiwan ang maruruming paniniwala at gawain ng Babilonya, magpapasailalim sa naglilinis na paghatol ni Jehova, at magsisikap na manatiling banal, sila’y mananatiling ligtas, na parang sila’y nasa “isang kubol” ng pagsasanggalang ng Diyos.
23. Bakit pinagpala ni Jehova ang pinahirang nalabi at ang kanilang mga kasamahan?
23 Pansinin na nauuna ang paglilinis, pagkatapos ay ang mga pagpapala. Ito’y napatunayang totoo sa ating kaarawan. Noong 1919 ang pinahirang nalabi ay may pagpapakumbabang nagpasailalim sa pagdadalisay, at “nahugasan” ni Jehova ang kanilang karumihan. Mula noon, “isang malaking pulutong” ng ibang tupa ang kusang nagpalinis din kay Jehova. (Apocalipsis 7:9) Palibhasa’y nalinis na, ang nalabi at ang kanilang mga kasamahan ay pinagpala—sila’y ipinagsanggalang at pinangalagaan ni Jehova. Hindi niya makahimalang hinahadlangan ang pagsapit sa kanila ng init ng pag-uusig o bagyo ng pagsalansang. Subalit kaniyang ipinagsasanggalang sila, na parang naglalagay sa ibabaw nila ng ‘isang kubol na siyang lilim at taguang dako sa bagyong maulan.’ Paano?
24. Paano naging maliwanag na pinagpala ni Jehova ang kaniyang bayan bilang isang organisasyon?
24 Isaalang-alang ito: Ipinagbawal ng ilan sa pinakamakapangyarihang mga pamahalaan sa kasaysayan ang gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova o pinagsikapan nilang sila’y lubusang lipulin. Subalit, ang mga Saksi ay nanatiling matatag at nagpatuloy sa pangangaral nang walang tigil! Bakit hindi napatigil ng makapangyarihang mga bansa ang gawain ng tila maliit at waring walang kalaban-labang grupong ito ng mga tao? Sapagkat inilagay ni Jehova ang kaniyang malinis na mga lingkod sa “isang kubol” ng sanggalang na walang sinumang makasisira!
25. Ano ang kahulugan para sa atin bilang mga indibiduwal na si Jehova ang ating Tagapagsanggalang?
25 Kumusta naman tayo bilang mga indibiduwal? Bagaman si Jehova ang Tagapagsanggalang natin, hindi ito nangangahulugan na ang buhay natin ay malaya na sa problema sa sistemang ito ng mga bagay. Maraming tapat na mga Kristiyano ang napapaharap sa matitinding kahirapan, tulad ng karalitaan, likas na kasakunaan, digmaan, sakit, at kamatayan. Kapag napapaharap sa ganitong mga kapighatian, huwag nating kalilimutan kailanman na ang ating Diyos ay sumasaatin. Kaniyang ipinagsasanggalang tayo sa espirituwal, na naglalaan kung ano ang kailangan natin—kahit na “ang lakas na higit sa karaniwan”—upang mabata nang may katapatan ang mga pagsubok. (2 Corinto 4:7) Ligtas dahilan sa kaniyang pagsubaybay, hindi tayo kailangang matakot. Mangyari pa, hangga’t ginagawa natin ang buong makakaya upang maingatang banal ang ating mga sarili sa kaniyang paningin, walang anumang bagay ang “makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos.”—Roma 8:38, 39.
[Mga talababa]
a Ang ilang iskolar ay nagsasabi na ang pariralang ‘pasibol ni Jehova’ ay isang pagtukoy sa Mesiyas, na hindi lilitaw kundi pagkatapos na maisauli ang Jerusalem. Sa Aramaikong mga Targum, ang pagpapakahulugan sa pananalitang ito ay kababasahan ng ganito: “Ang Mesiyas [Kristo] ni Jehova.” Kapansin-pansin nga, ang Hebreong pangngalan ding ito (tseʹmach) ay ginamit ni Jeremias sa dakong huli nang tukuyin niya ang Mesiyas bilang “isang sibol na matuwid” na ibinangon kay David.—Jeremias 23:5; 33:15.
b Kasama sa ‘mga nakatakas’ ang ilan sa mga ipinanganak samantalang nasa pagkatapon. Ang mga ito ay maaaring ituring na “nakatakas,” yamang sila’y hindi sana naipanganak kung ang kanilang mga ninuno ay hindi nakaligtas sa pagkapuksa.—Ezra 9:13-15; ihambing ang Hebreo 7:9, 10.
[Larawan sa pahina 63]
Isang bagyo ng paghatol ng Diyos ang dumarating sa Juda