Ikapitong Kabanata
Sa Aba ng Taksil na Ubasan!
1, 2. Ano ang itinanim ng “minamahal,” subalit paano ito napatunayang bigo?
“KUNG tungkol sa katangi-tanging kagandahan ng wika at sukdulang kasanayan sa mabisang komunikasyon, ang talinghagang ito ay halos walang kapantay.” Iyan ang sabi ng isang komentarista sa Bibliya bilang pagtukoy sa pambungad na mga talata ng kabanata 5 ng Isaias. Higit pa kaysa isang gawang-sining, iginuguhit ng mga salita ni Isaias ang isang makabagbag-damdaming larawan ng maibiging pangangalaga ni Jehova sa kaniyang bayan. Kasabay nito, ang mga salitang ito ay nagbibigay sa atin ng babala laban sa mga bagay na hindi nakalulugod sa kaniya.
2 Ang talinghaga ni Isaias ay nagsisimula: “Pakisuyong paawitin ninyo ako sa aking minamahal ng isang awit tungkol sa iniibig ko may kinalaman sa kaniyang ubasan. Nagkaroon ng ubasan ang aking minamahal sa isang mabungang dalisdis ng burol. At kaniyang binungkal iyon at inalisan ng mga bato at tinamnan ng isang piling punong ubas na pula, at nagtayo siya ng tore sa gitna niyaon. At isang pisaan ng ubas din ang hinukay niya roon. At patuloy siyang umaasa na magbubunga iyon ng mga ubas, ngunit nang maglaon ay nagbunga iyon ng mga ubas na ligáw.”—Isaias 5:1, 2; ihambing ang Marcos 12:1.
Ang Pag-aalaga sa Ubasan
3, 4. Anong maibiging pangangalaga ang iniukol sa ubasan?
3 Kung literal mang inawit ni Isaias ang talinghagang ito sa kaniyang mga tagapakinig o hindi, tiyak na nakatawag ito ng kanilang pansin. Ang karamihan ay malamang na pamilyar sa pagtatanim ng isang ubasan, at ang paglalarawan dito ni Isaias ay malinaw at buháy na buháy. Kagaya ng mga nag-uubasan sa ngayon, ang may-ari ng ubasan ay nagtatanim, hindi ng mga binhi ng ubas, kundi ng “pili,” o mataas ang uri, na “punong ubas na pula”—isang sangang pananim o supang mula sa ibang punong ubas. Angkop lamang, kaniyang itinatanim ang ubasang ito “sa isang mabungang dalisdis ng burol,” isang dako kung saan madaling lumago ang isang ubasan.
4 Kailangan ang pagpapagal upang magbunga ang ubasan. Inilalarawan ni Isaias ang ginagawa ng may-ari na ‘pagbubungkal ng lupa at pag-aalis ng mga bato’—isang nakapapagod at nakahahapong gawain! Malamang na ginagamit niya ang malalaking bato upang ‘magtayo ng isang tore.’ Noong sinaunang panahon ang gayong mga tore ay nagsisilbing puwesto ng mga tanod na nagbabantay sa mga pananim upang huwag pasukin ng mga magnanakaw at mga hayop.a Gayundin, siya’y naghilera ng mga bato upang paderan ang baytang-baytang na ubasan. (Isaias 5:5) Ito’y karaniwang ginagawa upang huwag maagnas ang mahalagang pang-ibabaw na lupa.
5. Ano ang natural na dapat asahan ng may-ari sa kaniyang ubasan, subalit ano ang kaniyang natamo?
5 Dahil sa lubos na pagpapagal upang pangalagaan ang kaniyang ubasan, natural na umasa ang may-ari na ito ay magbubunga. Bilang paghahanda rito, siya’y humuhukay ng isang pisaan ng ubas. Subalit ang inaasahan bang ani ay nangyari? Hindi, ang ubasan ay nagbunga ng mga ubas na ligáw.
Ang Ubasan at ang May-ari Nito
6, 7. (a) Sino ang may-ari ng ubasan, at ano ang ubasan? (b) Anong paghatol ang hinihiling ng may-ari?
6 Sino ang may-ari, at ano ang ubasan? Ipinakita ng may-ari ng ubasan ang kasagutan sa mga tanong na ito nang siya mismo ay magsalita: “Ngayon, O kayong mga tumatahan sa Jerusalem at kayong mga tao ng Juda, pakisuyong humatol kayo sa pagitan ko at ng aking ubasan. Ano pa ba ang magagawa para sa aking ubasan na hindi ko pa nagawa roon? Bakit ako umasa na magbubunga iyon ng mga ubas, ngunit nang maglaon ay nagbunga iyon ng mga ubas na ligáw? At ngayon, pakisuyo, maaari bang ipaalam ko sa inyo kung ano ang gagawin ko sa aking ubasan: Aalisin ang halamang-bakod nito, at itatalaga iyon sa pagsunog. Gigibain ang batong pader nito, at itatalaga iyon bilang dakong niyuyurakan.”—Isaias 5:3-5.
7 Oo, si Jehova ang may-ari ng ubasan, at inilagay niya ang kaniyang sarili, wika nga, sa isang silid-hukuman, upang humiling na igawad ang hatol sa pagitan niya at ng kaniyang hindi kasiya-siyang ubasan. Ano kung gayon ang ubasan? Nagpaliwanag ang may-ari: “Ang ubasan ni Jehova ng mga hukbo ay ang sambahayan ng Israel, at ang mga tao ng Juda ay siyang taniman na kaniyang kinagiliwan.”—Isaias 5:7a.
8. Ano ang kahalagahan ng pagtawag ni Isaias kay Jehova na “aking minamahal”?
8 Tinawag ni Isaias si Jehova, ang may-ari ng ubasan, na “aking minamahal.” (Isaias 5:1) Makapagsasalita si Isaias hinggil sa Diyos sa gayong matalik na paraan dahilan sa siya’y may malapit na kaugnayan sa Kaniya. (Ihambing ang Job 29:4; Awit 25:14.) Gayunman, ang pag-ibig ng propeta para sa Diyos ay hindi maipapantay sa pag-ibig ng Diyos para sa kaniyang “ubasan”—ang bansa na kaniyang ‘itinanim.’—Ihambing ang Exodo 15:17; Awit 80:8, 9.
9. Paano pinakitunguhan ni Jehova ang kaniyang bayan tulad ng isang pinakaiingatang ubasan?
9 ‘Itinanim’ ni Jehova ang kaniyang bansa sa lupain ng Canaan at ibinigay sa kanila ang kaniyang mga kautusan at mga regulasyon, na nagsilbing pader upang ipagsanggalang sila mula sa pagpapasamâ ng ibang mga bansa. (Exodo 19:5, 6; Awit 147:19, 20; Efeso 2:14) Karagdagan pa, binigyan sila ni Jehova ng mga hukom, mga saserdote, at mga propeta upang turuan sila. (2 Hari 17:13; Malakias 2:7; Gawa 13:20) Nang nanganganib ang Israel sa pananalakay ng militar, si Jehova ay nagbangon ng mga tagapagligtas. (Hebreo 11:32, 33) Kaya may dahilan si Jehova sa pagtatanong: “Ano pa ba ang magagawa para sa aking ubasan na hindi ko pa nagawa roon?”
Ipinakikilala ang Ubasan ng Diyos Ngayon
10. Anong talinghaga tungkol sa isang ubasan ang ibinigay ni Jesus?
10 Maaaring nasa isipan ni Jesus ang mga salita ni Isaias nang ibigay niya ang talinghaga ng mapamaslang na mga tagapagsaka: “May isang tao, isang may-bahay, na nagtanim ng ubasan at naglagay ng bakod sa palibot nito at humukay roon ng isang pisaan ng ubas doon at nagtayo ng isang tore, at ipinaubaya ito sa mga tagapagsaka, at naglakbay sa ibang lupain.” Nakalulungkot, pinagtaksilan ng mga tagapagsaka ang may-ari ng ubasan, pinatay pa nga ang kaniyang anak. Patuloy na ipinakita ni Jesus na ang talinghagang ito ay nagsasangkot ng higit pa kaysa literal na Israel nang sabihin niya: “Ang kaharian ng Diyos ay kukunin sa inyo [likas na Israel] at ibibigay sa isang bansang nagluluwal ng mga bunga nito.”—Mateo 21:33-41, 43.
11. Anong espirituwal na ubasan ang umiral noong unang siglo, subalit ano ang nangyari pagkamatay ng mga apostol?
11 Ang bagong “bansang” iyon ay walang iba kundi “ang Israel ng Diyos”—isang espirituwal na bansa ng pinahirang mga Kristiyano na binubuo ng 144,000. (Galacia 6:16; 1 Pedro 2:9, 10; Apocalipsis 7:3, 4) Inihalintulad ni Jesus ang kaniyang mga alagad sa “mga sanga” ng “tunay na punong ubas,” alalaong baga, ang sarili niya. Natural lamang, ang mga sangang ito’y inaasahang magbubunga. (Juan 15:1-5) Kailangang ipakita nila ang tulad-Kristong mga katangian at makibahagi sa gawaing pangangaral ng “mabuting balitang ito ng Kaharian.” (Mateo 24:14; Galacia 5:22, 23) Subalit buhat nang mamatay ang labindalawang apostol, ang higit na nakararami sa nag-aangking mga sanga ng “tunay na punong ubas” ay napatunayang mga huwad—nagluluwal ng mga ubas na ligáw sa halip na mabubuting bunga.—Mateo 13:24-30, 38, 39.
12. Paano hinatulan ng mga salita ni Isaias ang Sangkakristiyanuhan, at anong leksiyon ang taglay nito para sa mga tunay na Kristiyano?
12 Kaya, ang paghatol ni Isaias sa Juda ay kumakapit ngayon sa Sangkakristiyanuhan. Ang pagsusuri sa kaniyang kasaysayan—sa kaniyang mga digmaan, sa kaniyang mga krusada, sa kaniyang mga Inkisisyon—ay nagsisiwalat kung gaano kaasim ang naging bunga niya! Gayunman, ang tunay na ubasan ng pinahirang mga Kristiyano at ang kanilang kasamahang “malaking pulutong” ay nararapat makinig sa mga salita ni Isaias. (Apocalipsis 7:9) Upang mapaluguran nila ang may-ari ng ubasan, kailangang sila, bilang indibiduwal at bilang isang grupo, ay magluwal ng mga bunga na nakalulugod sa kaniya.
“Mga Ubas na Ligáw”
13. Ano ang gagawin ni Jehova sa kaniyang ubasan dahilan sa pagluluwal nito ng masamang bunga?
13 Dahil sa di-karaniwang tindi ng pag-aalaga at paglilinang sa kaniyang ubasan, makatuwiran lamang na asahan ni Jehova na ito’y magiging “isang ubasan ng bumubulang alak!” (Isaias 27:2) Gayunman, sa halip na magluwal ng mapapakinabangang bunga, ito’y nagluwal ng “mga ubas na ligáw,” sa literal ay “mga bagay na umaalingasaw” o “sirâ (bulok) na mga beri.” (Isaias 5:2; talababa; Jeremias 2:21) Kaya, sinabi ni Jehova na aalisin niya ang kaniyang pananggalang na “halamang-bakod” mula sa palibot ng bansa. Ang bansa ay ‘itatalaga bilang isang bagay na sirâ’ at makararanas ng pagpapabaya at tagtuyot. (Basahin ang Isaias 5:6.) Nagbabala si Moises noon na sila’y makararanas ng mga bagay na ito kung sila’y susuway sa Kautusan ng Diyos.—Deuteronomio 11:17; 28:63, 64; 29:22, 23.
14. Anong bunga ang inaasahan ni Jehova sa kaniyang bansa, subalit ano sa halip ang iniluwal nito?
14 Inaasahan ng Diyos na magluluwal ang bansa ng mabubuting bunga. Ang kapanahon ni Isaias na si Mikas ay nagpahayag: “Ano ang hinihingi sa iyo ni Jehova kundi ang magsagawa ng katarungan at ibigin ang kabaitan at maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos?” (Mikas 6:8; Zacarias 7:9) Gayunman, hindi sinunod ng bansa ang payo ni Jehova. “Patuloy niyang [ng Diyos] inaasahan ang kahatulan, ngunit, narito! ang paglabag sa kautusan; ang katuwiran, ngunit, narito! ang pagdaing.” (Isaias 5:7b) Inihula ni Moises na ang taksil na bansa ay magluluwal ng nakalalasong mga ubas mula sa “punong ubas ng Sodoma.” (Deuteronomio 32:32) Kung gayon, malamang na ang seksuwal na imoralidad, lakip na ang homoseksuwalidad, ay bahagi ng kanilang paglihis mula sa Kautusan ng Diyos. (Levitico 18:22) Ang pananalitang “paglabag sa kautusan” ay maaari ring isaling “pagbububo ng dugo.” Ang gayong pagmamalupit ay walang pagsalang nagbunga ng “pagdaing” mula sa mga pinagmalabisan—pagdaing na umabot sa pandinig ng Nagtanim ng ubasan.—Ihambing ang Job 34:28.
15, 16. Paano maiiwasan ng mga tunay na Kristiyano na magluwal ng masasamang bunga gaya ng iniluwal ng Israel?
15 Ang Diyos na Jehova ay “maibigin sa katuwiran at katarungan.” (Awit 33:5) Inutusan niya ang mga Judio: “Huwag kayong gagawa ng kawalang-katarungan sa paghatol. Huwag mong pakikitunguhan nang may pagtatangi ang maralita, at huwag mong kikilingan ang pagkatao ng isang dakila. Sa katarungan ay hahatulan mo ang iyong kasamahan.” (Levitico 19:15) Kung gayo’y dapat nating iwasan na magkaroon ng pagtatangi sa pakikitungo natin sa isa’t isa, na hindi kailanman pinahihintulutan ang mga bagay tulad ng lahi, edad, kayamanan, o karalitaan na makaimpluwensiya sa ating paghusga sa mga tao. (Santiago 2:1-4) Mahalaga lalo na para sa mga nangangasiwa “na walang anumang ginagawang pagkiling,” kundi laging makikinig sa magkabilang panig ng isang bagay bago gumawa ng paghatol.—1 Timoteo 5:21; Kawikaan 18:13.
16 Karagdagan pa, magiging madali para sa mga Kristiyano na namumuhay sa isang tampalasang daigdig na magkaroon ng negatibo o mapaghimagsik na saloobin laban sa makadiyos na mga pamantayan. Subalit ang tunay na mga Kristiyano ay kailangang “handang sumunod” sa mga kautusan ng Diyos. (Santiago 3:17) Sa kabila ng seksuwal na imoralidad at karahasan ng “kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay,” sila’y kailangang ‘mahigpit na nagbabantay na ang kanilang paglakad ay hindi gaya ng di-marurunong kundi gaya ng marurunong.’ (Galacia 1:4; Efeso 5:15) Nais nilang iwasan ang maluwag na pangmalas sa sekso, at kapag may lumilitaw na di-pagkakaunawaan, dapat nilang lutasin ang mga ito nang walang “galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita.” (Efeso 4:31) Sa pamamagitan ng paglinang sa katuwiran, ang mga tunay na Kristiyano ay nagdudulot ng karangalan sa Diyos at nagtatamo ng kaniyang pagsang-ayon.
Ang Kabayaran ng Kasakiman
17. Anong balakyot na paggawi ang hinatulan ni Isaias sa unang kaabahan?
17 Sa Isa 5 talatang 8, si Isaias ay hindi na sumisipi sa mga salita ni Jehova. Bilang paghatol sa ilan sa “mga ubas na ligáw” na iniluwal sa Juda, personal niyang ipinahayag ang una sa anim na kaabahan: “Sa aba ng mga nagdurugtong ng bahay sa bahay, at ng mga nagsusudlong ng bukid sa bukid hanggang sa wala nang dako at kayo na lamang ang tumatahan sa gitna ng lupain! Sa aking pandinig ay sumumpa si Jehova ng mga hukbo na maraming bahay, bagaman malalaki at magaganda, ang lubusang magiging bagay na panggigilalasan, na walang tumatahan. Sapagkat kahit ang sampung akre ng ubasan ay magbibigay lamang ng isang takal na bat, at kahit ang isang takal na homer ng binhi ay magbibigay lamang ng isang takal na epa.”—Isaias 5:8-10.
18, 19. Paano ipinagwalang-bahala ng mga kapanahon ni Isaias ang mga kautusan ni Jehova hinggil sa ari-arian, at ano ang magiging resulta nito para sa kanila?
18 Sa sinaunang Israel ang buong lupain ay talagang pag-aari ni Jehova. Ang bawat pamilya ay may bigay-Diyos na mana, na maaari nilang paupahan o isanla ngunit hindi kailanman maipagbibili “nang panghabang-panahon.” (Levitico 25:23) Ang kautusang ito ay humahadlang sa pang-aabuso, tulad ng monopolyo ng pagpaparami ng mga lupa’t bahay. Ipinagsasanggalang din nito ang mga pamilya upang hindi lubhang malugmok sa karalitaan. Gayunman, ang ilan sa Juda ay buong kasakimang lumabag sa kautusan ng Diyos hinggil sa ari-arian. Si Mikas ay sumulat: “Sila ay nagnanasa ng mga bukid at inaagaw ang mga iyon; ng mga bahay rin, at kinukuha ang mga iyon; at dinadaya nila ang matipunong lalaki at ang kaniyang sambahayan, ang isang lalaki at ang kaniyang minanang pag-aari.” (Mikas 2:2) Subalit ang Kawikaan 20:21 ay nagbababala: “Ang mana ay nakukuha sa pamamagitan ng kasakiman sa pasimula, ngunit ang kinabukasan nito ay hindi pagpapalain.”
19 Si Jehova ay nangangako na aalisin niya sa mga sakim na ito ang kanilang mga naging pakinabang na nakuha sa pandaraya. Ang mga bahay na kanilang kinamkam ay magiging “walang tumatahan.” Ang mga lupaing kanilang inimbot ay magbubunga ng maliit na bahagi lamang kaysa sa kakayahan nito. Kung paano at kung kailan talagang matutupad ang sumpang ito ay hindi binanggit. Malamang na ito’y tumutukoy, sa paano man, sa mga kalagayang idudulot ng panghinaharap na pagkatapon sa Babilonya.—Isaias 27:10.
20. Paano maiiwasan ng mga Kristiyano sa ngayon ang tumulad sa sakim na saloobing ipinakita ng ilan sa Israel?
20 Dapat kapootan ng mga Kristiyano sa ngayon ang sobrang kasakiman kagaya ng ipinakita noon ng ilang Israelita. (Kawikaan 27:20) Kapag ang materyal na mga bagay ay pinag-ukulan ng labis-labis na pagpapahalaga, madali nang masadlak sa walang prinsipyong pamamaraan ng pagkakamal ng salapi. Ang isa ay maaaring madaling masilo ng kahina-hinalang mga transaksiyon sa negosyo o di-kapani-paniwalang mga pakanang biglang-yaman. “Siyang nagmamadaling magtamo ng kayamanan ay hindi mananatiling walang-sala.” (Kawikaan 28:20) Napakahalaga kung gayon na maging kontento tayo sa kung ano ang taglay natin!—1 Timoteo 6:8.
Ang Silo ng Kahina-hinalang Paglilibang
21. Anong mga kasalanan ang hinahatulan ng ikalawang kaabahan ni Isaias?
21 Sumunod ang ikalawang kaabahan ni Isaias: “Sa aba ng mga maagang bumabangon sa kinaumagahan upang makapaghanap lamang sila ng nakalalangong inumin, na nagtatagal hanggang sa kadiliman ng gabi anupat pinagniningas sila ng alak! At dapat na may alpa at panugtog na de-kuwerdas, tamburin at plawta, at alak sa kanilang mga piging; ngunit ang gawain ni Jehova ay hindi nila tinitingnan, at ang gawa ng kaniyang mga kamay ay hindi nila nakikita.”—Isaias 5:11, 12.
22. Anong kawalan ng pagpipigil ang nakita sa Israel, at ano ang magiging resulta nito para sa bansa?
22 Si Jehova ang “maligayang Diyos” at hindi niya ipinagkakait sa kaniyang mga lingkod ang makatuwirang paglilibang. (1 Timoteo 1:11) Gayunman, ang mga mapaghanap na ito ng kasiyahan ay umaabot sa sukdulang pagmamalabis! “Yaong mga nagpapakalasing ay madalas na lasing sa gabi,” ang sabi ng Bibliya. (1 Tesalonica 5:7) Subalit ang mga maglalasing na iyon ayon sa hula ay nagpasimula sa kanilang paglalasing sa pagbubukang-liwayway at nagpapatuloy sa pag-inom hanggang sa gabi! Sila’y gumawi na para bang hindi umiiral ang Diyos, na parang hindi niya sila pagsusulitin sa kanilang ginagawa. Inihula ni Isaias ang isang malagim na kinabukasan para sa mga ito. “Ang aking bayan ay yayaon sa pagkatapon dahil sa kakulangan ng kaalaman; at ang kanilang magiging kaluwalhatian ay mga taong gutom na gutom, at ang kanilang pulutong ay matitigang sa uhaw.” (Isaias 5:13) Dahil sa ayaw nilang kumilos alinsunod sa wastong kaalaman, ang bayang nakipagtipan sa Diyos—ang mataas at ang mababa—ay bababâ sa Sheol.—Basahin ang Isaias 5:14-17.
23, 24. Anong pagpipigil at katamtamang pagkilos ang hinihiling na ipakita ng mga Kristiyano?
23 Ang “walang taros na pagsasaya,” o “pagkaiingay na piging,” ay naging suliranin din sa ilang Kristiyano noong unang siglo. (Galacia 5:21, Byington; 2 Pedro 2:13) Kaya hindi kataka-taka na ang ilan sa naaalay na Kristiyano sa ngayon ay nagpakita rin ng maling pagpapasiya may kinalaman sa mga sosyal na pagtitipon. Ang walang-tarós na paggamit ng inuming de-alkohol ang nag-udyok sa ilan na maging maingay at maharot. (Kawikaan 20:1) Nandiyan pa rin ang mga gumawi nang imoral sa ilalim ng impluwensiya ng sobrang alkohol, at ang ilang pagtitipon ay hinayaang magpatuloy nang halos buong magdamag, anupat nakahadlang sa mga Kristiyanong gawain nang sumunod na araw.
24 Gayunman, ang timbang na mga Kristiyano ay nagluluwal ng makadiyos na bunga at nagpapakita ng pagpipigil at pagiging katamtaman sa kanilang pagpili ng libangan. Kanilang sinusunod ang payo ni Pablo na masusumpungan sa Roma 13:13: “Gaya ng sa araw ay lumakad tayo nang disente, hindi sa mga walang-taros na pagsasaya at mga paglalasingan.”
Kinapopootan ang Kasalanan at Iniibig ang Katotohanan
25, 26. Anong balakyot na kaisipan ng mga Israelita ang inilantad ni Isaias sa kaniyang ikatlo at ikaapat na kaabahan?
25 Pakinggan ngayon ang ikatlo at ikaapat na kaabahan ni Isaias: “Sa aba ng mga humihila ng kamalian sa pamamagitan ng mga lubid ng kabulaanan, at ng kasalanan sa pamamagitan ng mga panali ng karwahe; silang nagsasabi: ‘Madaliin ang kaniyang gawain; dumating sana iyon nang mabilis, upang makita namin iyon; at ang pasiya nawa ng Banal ng Israel ay mapalapit at dumating, upang malaman namin iyon!’ Sa aba ng mga nagsasabi na ang mabuti ay masama at ang masama ay mabuti, silang nagtuturing na ang kadiliman ay liwanag at ang liwanag ay kadiliman, silang nagtuturing na ang mapait ay matamis at ang matamis ay mapait!”—Isaias 5:18-20.
26 Kay linaw na tanawin ang inilalarawan nito hinggil sa mga namimihasa sa kasalanan! Sila’y nakakabit sa kasalanan gaya ng mga panghilang hayop na nakatali sa mga karwahe. Ang mga makasalanang ito ay hindi natatakot sa anumang dumarating na araw ng paghatol. May panunuya nilang sinasabi: “Dumating sana [ang gawa ng Diyos] nang mabilis!” Sa halip na magpasakop sa Kautusan ng Diyos, pinilipit nila ang mga bagay-bagay, na ipinahahayag na ang “mabuti ay masama at ang masama ay mabuti.”—Ihambing ang Jeremias 6:15; 2 Pedro 3:3-7.
27. Paano maiiwasan ng mga Kristiyano sa ngayon ang gayong saloobin ng mga Israelita?
27 Dapat na iwasan ng mga Kristiyano sa ngayon ang gayong saloobin anuman ang maging kalagayan. Halimbawa, tinatanggihan nilang yakapin ang pangmalas ng sanlibutan na ang pakikiapid at homoseksuwalidad ay kanais-nais. (Efeso 4:18, 19) Totoo, ang isang Kristiyano ay maaaring ‘gumawa ng maling hakbang’ na maaaring umakay sa malubhang pagkakasala. (Galacia 6:1) Ang matatanda sa kongregasyon ay handang tumulong sa mga nagkasala at nangangailangan ng tulong. (Santiago 5:14, 15) Sa tulong ng panalangin at salig-sa-Bibliyang payo, posible ang espirituwal na paggaling. Kung hindi, naroon ang panganib na maging “alipin ng kasalanan.” (Juan 8:34) Sa halip na tuyain ang Diyos at maiwala ang pagiging gising sa dumarating na araw ng paghatol, sinisikap ng mga Kristiyano na manatiling “walang batik at walang dungis” sa harapan ni Jehova.—2 Pedro 3:14; Galacia 6:7, 8.
28. Anong mga kasalanan ang hinahatulan sa pangwakas na mga kaabahan ni Isaias, at paano maiiwasan ng mga Kristiyano sa ngayon ang gayong mga kasalanan?
28 Angkop lamang, idinagdag ni Isaias ang pangwakas na mga kaabahang ito: “Sa aba ng mga marunong sa kanilang sariling paningin at maingat sa harap nga ng kanilang sariling mga mukha! Sa aba ng malalakas sa pag-inom ng alak, at ng mga lalaking may kalakasan sa pagtitimpla ng nakalalangong inumin, ng mga nag-aaring matuwid sa balakyot dahil sa suhol, at nag-aalis pa nga ng katuwiran ng matuwid mula sa kaniya!” (Isaias 5:21-23) Ang mga salitang ito ay malamang na patungkol sa mga naglilingkod bilang hukom sa lupain. Iniiwasan ng matatanda sa kongregasyon ngayon na magmistulang “marunong sa kanilang sariling paningin.” Sila’y mapagpakumbabang tumatanggap ng payo mula sa kapuwa matatanda at mahigpit na nanghahawakan sa mga tagubilin ng organisasyon. (Kawikaan 1:5; 1 Corinto 14:33) Sila’y katamtaman sa paggamit ng inuming de-alkohol at hindi kailanman umiinom nito bago gumanap ng kanilang mga pananagutan sa kongregasyon. (Oseas 4:11) Iniiwasan din ng matatanda kahit anyo man lamang ng pagpapakita ng paboritismo. (Santiago 2:9) Kay laking pagkakaiba sa klero ng Sangkakristiyanuhan! Pinagtatakpan ng marami sa mga ito ang maimpluwensiya at mayayamang makasalanan sa gitna nila, na tuwirang kasalungat ng babala ni apostol Pablo sa Roma 1:18, 26, 27; 1 Corinto 6:9, 10; at Efeso 5:3-5.
29. Anong kapaha-pahamak na wakas ang naghihintay sa Israelitang ubasan ni Jehova?
29 Tinapos ni Isaias ang makahulang mensaheng ito sa pamamagitan ng paglalarawan sa kapaha-pahamak na wakas niyaong ‘mga nagtakwil sa kautusan ni Jehova’ at nabigong magluwal ng matuwid na bunga. (Isaias 5:24, 25; Oseas 9:16; Malakias 4:1) Siya’y nagpahayag: “Nagtaas [si Jehova] ng hudyat sa isang dakilang bansa sa malayo, at sinipulan niya iyon sa dulo ng lupa; at, narito! dali-daling darating iyon nang matulin.”—Isaias 5:26; Deuteronomio 28:49; Jeremias 5:15.
30. Sino ang magtitipon ng “isang dakilang bansa” laban sa bayan ni Jehova, at ano ang kalalabasan niyaon?
30 Noong sinaunang panahon ang isang tulos sa isang mataas na lugar ay nagsisilbing “hudyat,” o pinakasentro ng pagtitipon, ng bayan o mga hukbo. (Ihambing ang Isaias 18:3; Jeremias 51:27.) Ngayo’y titipunin mismo ni Jehova ang hindi pinanganlang “dakilang bansa” upang ilapat ang kaniyang hatol.b ‘Sisipulan niya iyon,’ alalaong baga, tatawagin ang pansin nito sa kaniyang suwail na bayan bilang isa na karapat-dapat na lupigin. Sumunod na inilarawan ng propeta ang mabilis at nakatatakot na mabangis na pagsalakay ng tulad-leong mga mananakop na ito na ‘susunggab sa nasila,’ alalaong baga, ang bayan ng Diyos, “at tatangayin iyon” sa pagkabihag. (Basahin ang Isaias 5:27-30a.) At anong lungkot na resulta para sa lupain ng bayan ni Jehova! “Ang isa ay tititig nga sa lupain, at, narito! may nakapipighating kadiliman; at maging ang liwanag ay nagdilim dahil sa mga patak na bumabagsak doon.”—Isaias 5:30b.
31. Paano maiiwasan ng mga tunay na Kristiyano na pagdusahan ang kaparusahang inilapat sa Israelitang ubasan ni Jehova?
31 Oo, ang ubasan na buong-giliw na itinanim ng Diyos ay napatunayang tigáng—karapat-dapat lamang sa pagkawasak. Anong tinding leksiyon ang taglay ng mga salita ni Isaias para sa lahat ng maglilingkod kay Jehova ngayon! Pagsikapan nawa nilang magluwal ng matuwid na bunga lamang, ukol sa kapurihan ni Jehova at sa kanilang sariling kaligtasan!
[Mga talababa]
a Naniniwala ang ilang iskolar na ang mas mumurahing pansamantalang kayarian, tulad ng mga kubol, o kubo, ay higit na karaniwan kaysa sa mga batong tore. (Isaias 1:8) Ang pagkanaroroon ng isang tore ay nagpapahiwatig na ang may-ari ay gumawa ng di-karaniwang pagsisikap para sa kaniyang “ubasan.”
b Sa ibang mga hula, ipinakikilala ni Isaias ang Babilonya bilang ang bansa na naglapat ng mapangwasak na kahatulan ni Jehova sa Juda.
[Larawan sa pahina 83]
Ang isang makasalanan ay nakakabit sa kasalanan gaya ng panghilang hayop na nakatali sa isang karwahe
[Buong-pahinang larawan sa pahina 85]