Ikatatlumpung Kabanata
“Aliwin Ninyo ang Aking Bayan”
1. Ano ang isang paraan ng pag-aliw sa atin ni Jehova?
SI Jehova ay ‘Diyos na naglalaan ng kaaliwan.’ Ang isang paraan ng pag-aliw niya sa atin ay sa pamamagitan ng mga pangakong kaniyang ipinaulat sa kaniyang Salita. (Roma 15:4, 5) Halimbawa, kapag namatayan ka ng isang minamahal, ano pa ang higit na nakaaaliw kaysa sa pag-asa na ang minamahal mong iyon ay mabuhay-muli sa bagong sanlibutan ng Diyos? (Juan 5:28, 29) At kumusta naman ang pangako ni Jehova na malapit na niyang wakasan ang kabalakyutan at baguhin ang lupang ito tungo sa pagiging isang paraiso? Hindi ba’t nakaaaliw na magkaroon ng pag-asang makaligtas tungo sa dumarating na Paraisong iyon at hindi na kailanman mamatay?—Awit 37:9-11, 29; Apocalipsis 21:3-5.
2. Bakit tayo makapagtitiwala sa mga pangako ng Diyos?
2 Talaga bang mapagkakatiwalaan natin ang mga pangako ng Diyos? Tunay nga! Ang Maylikha ng mga pangakong iyon ay lubusang mapagkakatiwalaan. Siya’y kapuwa may kakayahan at pagnanais na tumupad sa kaniyang salita. (Isaias 55:10, 11) Ito’y buong tinding itinanghal may kaugnayan sa pananalita ni Jehova sa pamamagitan ng propetang si Isaias na kaniyang isasauli ang tunay na pagsamba sa Jerusalem. Isaalang-alang natin ang hulang iyon, kung paanong ito’y lumilitaw sa Isaias kabanata 40, sapagkat ang paggawa nito ay magpapalakas ng ating pananampalataya kay Jehova, ang Tagatupad ng mga pangako.
Isang Nakaaaliw na Pangako
3, 4. (a) Iniulat ni Isaias ang anong mga salita ng kaaliwan na kakailanganin ng bayan ng Diyos sa dakong huli? (b) Bakit ang mga tumatahan sa Juda at Jerusalem ay dadalhing bihag sa Babilonya, at gaano katagal ang kanilang pagkaalipin?
3 Noong ikawalong siglo B.C.E., iniulat ni propeta Isaias ang mga salita ng kaaliwan na kakailanganin ng bayan ni Jehova sa dakong huli. Karaka-raka pagkatapos sabihin kay Haring Hezekias ang nalalapit na pagkapuksa ng Jerusalem at ang pagiging tapon ng bayang Judio sa Babilonya, sinabi ni Isaias ang mga salita ni Jehova na nangangako ng pagsasauli: “‘Aliwin ninyo, aliwin ninyo ang aking bayan,’ ang sabi ng inyong Diyos. ‘Salitain ninyo sa puso ng Jerusalem at isigaw ninyo sa kaniya na ang kaniyang paglilingkod militar ay naganap na, na ang kaniyang kamalian ay nabayaran na. Sapagkat mula sa kamay ni Jehova ay tumanggap na siya ng kabuuang dami para sa lahat ng kaniyang mga kasalanan.’”—Isaias 40:1, 2.
4 Ang “aliwin,” na pambungad na salita ng Isaias kabanata 40, ay naglalarawang mabuti sa mensahe ng liwanag at pag-asang taglay ng nalalabing bahagi ng aklat ng Isaias. Dahil sa pagiging apostata, ang mga tumatahan sa Juda at Jerusalem ay dadalhing bihag sa Babilonya sa taóng 607 B.C.E. Subalit ang bihag na mga Judiong yaon ay hindi maglilingkod sa mga taga-Babilonya magpakailanman. Hindi, ang kanilang pagkaalipin ay tatagal lamang hanggang sa ang kanilang kamalian ay “nabayaran na.” Gaano katagal iyon? Ayon kay propeta Jeremias, 70 taon. (Jeremias 25:11, 12) Pagkatapos niyaon, aakayin ni Jehova ang isang nagsising nalabi mula sa Babilonya pabalik sa Jerusalem. Noong ika-70 taon ng pagkatiwangwang ng Juda, ano ngang kaaliwan para sa mga bihag na malamang ang panahon para sa ipinangakong kaligtasan nila ay malapit na!—Daniel 9:1, 2.
5, 6. (a) Bakit hindi makahahadlang ang mahabang paglalakbay mula sa Babilonya hanggang sa Jerusalem sa katuparan ng pangako ng Diyos? (b) Ang pagsasauli sa mga Judio sa kanilang lupang-tinubuan ay magkakaroon ng anong epekto sa ibang mga bansa?
5 Ang paglalakbay mula sa Babilonya hanggang sa Jerusalem ay 800 hanggang 1,600 kilometro, depende sa tatahaking ruta. Makahahadlang ba ang mahabang paglalakbay sa katuparan ng pangako ng Diyos? Tunay na hindi! Si Isaias ay sumulat: “Makinig kayo! May humihiyaw sa ilang: ‘Hawanin ninyo ang daan ni Jehova! Tuwirin ninyo para sa ating Diyos ang lansangang-bayan sa disyertong kapatagan. Bawat libis ay mátaas, at bawat bundok at burol ay mábabâ. At ang umbuk-umbok na dako ay magiging patag na lupain, at ang baku-bakong lupain ay magiging kapatagang libis. At ang kaluwalhatian ni Jehova ay tiyak na masisiwalat, at magkakasamang makikita iyon ng lahat ng laman, sapagkat ang mismong bibig ni Jehova ang nagsalita nito.’”—Isaias 40:3-5.
6 Bago simulan ang isang paglalakbay, ang mga tagapamahala sa Silangan ay kadalasang nagsusugo ng mga tauhan upang ihanda ang daan sa pamamagitan ng pag-aalis ng malalaking bato at paggawa maging ng mga nakaangat na daan at pagpapatag ng mga burol. Sa kaso ng mga nagsisibalik na mga Judio, magiging waring ang Diyos mismo ang nasa unahan, na nag-aalis ng anumang balakid. Tutal, ang mga ito ay bayan na nagtataglay ng pangalan ni Jehova, at ang pagtupad sa kaniyang pangako na isauli sila sa kanilang lupang-tinubuan ay magpapangyaring mahayag ang kaniyang kaluwalhatian sa harapan ng lahat ng mga bansa. Anuman ang maging saloobin nila, mapipilitang makita ng mga bansang iyon na si Jehova ang Tagatupad ng kaniyang mga pangako.
7, 8. (a) Ang mga salita ng Isaias 40:3 ay nagkaroon ng anong katuparan noong unang siglo C.E.? (b) Ang hula ni Isaias ay nagkaroon ng anong mas malaking katuparan noong 1919?
7 Ang pagsasauli noong ikaanim na siglo B.C.E. ay hindi lamang siyang katuparan ng hulang ito. Nagkaroon din ito ng katuparan noong unang siglo C.E. Si Juan na Tagapagbautismo ang naging tinig ng isa na “sumisigaw sa ilang,” bilang katuparan ng Isaias 40:3. (Lucas 3:1-6) Sa ilalim ng pagkasi, ikinapit ni Juan ang mga salita ni Isaias sa kaniyang sarili. (Juan 1:19-23) Sapol noong 29 C.E., pinasimulang ihanda ni Juan ang daan para kay Jesu-Kristo.a Ang patiunang paghahayag ni Juan ay pumukaw sa mga tao na hanapin ang ipinangakong Mesiyas upang sila naman ay makinig sa kaniya at sumunod sa kaniya. (Lucas 1:13-17, 76) Sa pamamagitan ni Jesus, aakayin ni Jehova ang mga nagsisisi tungo sa kalayaan na mailalaan lamang ng Kaharian ng Diyos—paglaya mula sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan. (Juan 1:29; 8:32) Ang mga salita ni Isaias ay mayroong mas malaking katuparan sa katubusan ng nalabi ng espirituwal na Israel mula sa Babilonyang Dakila noong 1919 at sa pagsasauli sa kanila sa tunay na pagsamba.
8 Kumusta naman, kung gayon, ang tungkol sa mga nakahanay na makinabang mula sa unang katuparan ng pangako—ang mga bihag na Judio sa Babilonya? Sila ba ay talagang makapagtitiwala sa pangako ni Jehova na maibabalik sila sa kanilang minamahal na lupang-tinubuan? Oo, makapagtitiwala sila! Sa pamamagitan ng matingkad na mga salita at mga ilustrasyong kinuha mula sa pang-araw-araw na pamumuhay, si Isaias ngayon ay nagbigay ng nakakukumbinsing mga dahilan kung bakit sila’y makapaglalagak ng lubos na pagtitiwala na tutuparin ni Jehova ang kaniyang salita.
Isang Diyos na ang Salita ay Nananatili Magpakailanman
9, 10. Paano ipinakita ni Isaias ang pagkakaiba ng pagiging pansamantala ng buhay ng tao at ng pagiging permanente ng “salita” ng Diyos?
9 Una, ang salita ng Isa na nangangako ng pagsasauli ay nananatili magpakailanman. Si Isaias ay sumulat: “Pakinggan mo! May nagsasabi: ‘Sumigaw ka!’ At may isang nagsabi: ‘Ano ang isisigaw ko?’ ‘Ang lahat ng laman ay luntiang damo, at ang lahat ng kanilang maibiging-kabaitan ay gaya ng bulaklak sa parang. Ang luntiang damo ay natuyo, ang bulaklak ay nalanta, sapagkat hinipan iyon ng mismong espiritu ni Jehova. Tunay na ang mga tao ay luntiang damo. Ang luntiang damo ay natuyo, ang bulaklak ay nalanta; ngunit kung tungkol sa salita ng ating Diyos, iyon ay mananatili hanggang sa panahong walang takda.’”—Isaias 40:6-8.
10 Lubos na alam ng mga Israelita na ang damo ay hindi tumatagal magpakailanman. Sa panahon ng tag-init, binabago ito ng matinding init ng araw mula sa pagiging berde tungo sa pagiging tuyong kayumanggi. Sa ilang paraan, ang buhay ng tao ay kagaya ng damo—likas na pansamantala lamang. (Awit 103:15, 16; Santiago 1:10, 11) Ipinapakita ni Isaias ang pagkakaiba ng pagiging pansamantala ng buhay ng tao sa pagiging permanente ng “salita,” o ipinahayag na layunin, ng Diyos. Oo, ang “salita ng ating Diyos” ay namamalagi magpakailanman. Kapag ang Diyos ang nagsasalita, walang makapagpapawalang-bisa sa kaniyang mga salita o makahahadlang sa ikatutupad ng mga iyon.—Josue 23:14.
11. Bakit tayo makapagtitiwala na tutuparin ni Jehova ang mga pangako na nasa kaniyang nasusulat na Salita?
11 Ngayo’y taglay natin ang ipinahayag na layunin ni Jehova na nakasulat sa Bibliya. Ang Bibliya ay napaharap sa matinding pagsalansang sa nagdaang mga siglo, at ang walang-takot na mga tagapagsalin at iba pa ay nagsapanganib ng kanilang mga buhay upang maingatan ito. Subalit, ang kanilang pagsisikap ay hindi ang tanging dahilan kung bakit ito nakapanatili. Ang lahat ng kapurihan sa pananatili nito ay dapat na iukol kay Jehova, “ang buháy at namamalaging Diyos” at ang Tagapag-ingat ng kaniyang Salita. (1 Pedro 1:23-25) Pag-isipan ito: Yamang iningatan ni Jehova ang kaniyang nasusulat na Salita, hindi ba’t makapagtitiwala tayo sa kaniya na tutuparin niya ang mga pangako na nilalaman nito?
Isang Malakas na Diyos na Magiliw na Nangangalaga sa Kaniyang mga Tupa
12, 13. (a) Bakit mapagkakatiwalaan ang pangako ng pagsasauli? (b) Ano ang mabuting balita para sa mga tapong Judio, at bakit sila makapagtitiwala rito?
12 Si Isaias ay nagbigay ng ikalawang dahilan kung bakit mapagkakatiwalaan ang pangako ng pagsasauli. Ang Isa na gumawa ng pangako ay isang malakas na Diyos na magiliw na nangangalaga sa kaniyang bayan. Si Isaias ay nagpatuloy: “Umahon ka maging sa mataas na bundok, ikaw na babaing nagdadala ng mabuting balita para sa Sion. Isigaw mo ang iyong tinig nang malakas, ikaw na babaing nagdadala ng mabuting balita para sa Jerusalem. Isigaw mo. Huwag kang matakot. Sabihin mo sa mga lunsod ng Juda: ‘Narito ang inyong Diyos.’ Narito! Ang Soberanong Panginoong Jehova ay darating na gaya nga ng isa na malakas [“may taglay pa ngang lakas,” talababa sa Ingles], at ang kaniyang bisig ay mamamahala sa ganang kaniya. Narito! Ang kaniyang gantimpala ay nasa kaniya, at ang kabayaran na kaniyang ibinabayad ay nasa harap niya. Papastulan niyang gaya ng pastol ang kaniyang sariling kawan. Sa pamamagitan ng kaniyang bisig ay titipunin niya ang mga kordero; at sa kaniyang dibdib ay bubuhatin niya sila. Ang mga nagpapasuso ay maingat niyang papatnubayan.”—Isaias 40:9-11.
13 Sa panahon ng Bibliya, kaugalian para sa mga babae na magdiwang ng mga tagumpay, na sumisigaw o umaawit ng mabuting balita ng ipinagwaging mga digmaan o ng dumarating na kaginhawahan. (1 Samuel 18:6, 7; Awit 68:11) Makahulang ipinahiwatig ni Isaias na may mabuting balita para sa mga tapong Judio, balita na maisisigaw nang walang takot, kahit na sa taluktok ng mga bundok—papatnubayan ni Jehova ang kaniyang bayan pabalik sa kanilang minamahal na Jerusalem! Sila’y makapagtitiwala, sapagkat si Jehova ay darating na “may taglay pa ngang lakas.” Kung gayon, walang makahahadlang sa kaniya sa pagtupad ng kaniyang pangako.
14. (a) Paano inilarawan ni Isaias ang magiliw na paraan ng pagpatnubay na gagawin ni Jehova sa kaniyang bayan? (b) Anong halimbawa ang naglalarawan kung paano magiliw na pinangangalagaan ng mga pastol ang kanilang mga tupa? (Tingnan ang kahon sa pahina 405.)
14 Gayunman, may magiliw na bahagi sa malakas na Diyos na ito. Masiglang inilarawan ni Isaias kung paano papatnubayan ni Jehova ang kaniyang bayan pabalik sa kanilang lupang-tinubuan. Si Jehova ay tulad sa isang maibiging pastol na tinitipong sama-sama ang kaniyang mga kordero at binubuhat sila sa kaniyang “dibdib.” Ang salita ritong “dibdib” ay maliwanag na tumutukoy sa itaas na mga tupi ng kasuutan. Dito kinakarga kung minsan ng mga pastol ang kasisilang na mga kordero na hindi makaalinsabay sa kawan. (2 Samuel 12:3) Ang gayong makabagbag-damdaming tanawin ng buhay-pastol ay walang pagsalang nagbibigay ng katiyakan sa tapong bayan ni Jehova hinggil sa kaniyang maibiging pagkabahala sa kanila. Tunay nga ang gayong malakas subalit magiliw na Diyos ay mapagkakatiwalaang tutupad sa ipinangako niya sa kanila!
15. (a) Kailan dumating si Jehova na “may taglay pa ngang lakas,” at sino ang ‘bisig na namamahala para sa kaniya’? (b) Anong mabuting balita ang dapat ipahayag nang walang takot?
15 Ang mga salita ni Isaias ay puspos ng makahulang kahulugan para sa ating kaarawan. Noong 1914, si Jehova ay dumating na “may taglay pa ngang lakas” at itinatag ang kaniyang Kaharian sa langit. Ang ‘bisig na namamahala para sa kaniya’ ay ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, na itinalaga ni Jehova sa kaniyang makalangit na trono. Noong 1919, iniligtas ni Jehova ang kaniyang pinahirang mga lingkod sa lupa mula sa pagkaalipin sa Babilonyang Dakila at itinakda ang lubusang pagsasauli ng dalisay na pagsamba sa buháy at tunay na Diyos. Ang mabuting balitang ito ay dapat na walang-takot na ipahayag, na tulad ng pagsigaw mula sa mga taluktok ng bundok upang ang kapahayagan ay umabot sa lahat ng dako. Atin, kung gayong, itaas ang ating mga tinig at buong tapang na ipabatid sa iba na isinauli ng Diyos na Jehova ang kaniyang dalisay na pagsamba sa lupa!
16. Sa anong paraan pinapatnubayan ni Jehova ang kaniyang bayan ngayon, at anong huwaran ang inilalaan nito?
16 Ang mga salita ng Isaias 40:10, 11 ay may higit pang praktikal na kahalagahan para sa atin ngayon. Nakaaaliw makita ang magiliw na paraan ng pagpatnubay ni Jehova sa kaniyang bayan. Kung paano nauunawaan ng isang pastol ang mga pangangailangan ng bawat tupa—lakip na ang mumunting kordero na hindi makaalinsabay sa iba—nauunawaan ni Jehova ang limitasyon ng bawat isa sa kaniyang tapat na mga lingkod. Karagdagan pa, si Jehova, bilang isang magiliw na Pastol, ay naglalaan ng isang huwaran para sa mga pastol na Kristiyano. Dapat na magiliw na pakitunguhan ng matatanda ang kawan, na tinutularan ang maibiging pagmamalasakit na ipinakita mismo ni Jehova. Dapat na lagi nilang iniisip kung ano ang nadarama ni Jehova hinggil sa bawat miyembro ng kawan, “na binili niya ng dugo ng kaniyang sariling Anak.”—Gawa 20:28.
Makapangyarihan-sa-lahat, Marunong-sa-lahat
17, 18. (a) Bakit ang mga tapong Judio ay makapagtitiwala sa pangako ng pagsasauli? (b) Anong kagila-gilalas na mga katanungan ang ibinangon ni Isaias?
17 Ang mga tapong Judio ay makapagtitiwala sa pangako ng pagsasauli sapagkat ang Diyos ay makapangyarihan-sa-lahat at marunong-sa-lahat. Sinasabi ni Isaias: “Sino ang tumakal ng tubig sa palad lamang ng kaniyang kamay, at sumukat sa langit sa pamamagitan lamang ng isang dangkal at nagsilid ng alabok ng lupa sa isang pantakal, o nagtimbang ng mga bundok sa isang panukat, at ng mga burol sa timbangan? Sino ang sumukat sa espiritu ni Jehova, at bilang kaniyang taong tagapayo ay sino ang makapagpapabatid sa kaniya ng anuman? Kanino siya nakipagsanggunian upang may makapagpaunawa sa kaniya, o sino ang nagtuturo sa kaniya sa landas ng katarungan, o nagtuturo sa kaniya ng kaalaman, o nagpapabatid sa kaniya ng mismong daan ng tunay na unawa?”—Isaias 40:12-14.
18 Ang mga ito ay kagila-gilalas na mga katanungang nararapat pag-isipan ng mga tapong Judio. Kaya bang pigilin ng mga tao lamang ang daluyong ng makapangyarihang mga karagatan? Tunay na hindi! Gayunman, para kay Jehova, ang mga karagatan na tumatakip sa lupa ay gaya ng isang patak ng tubig sa palad ng kaniyang kamay.b Kaya bang sukatin ng di-gaanong makabuluhang mga tao ang malawak, mabituing langit o timbangin ang mga bundok at mga burol sa lupa? Hindi. Subalit, sinusukat ni Jehova ang langit kung paano madaling sukatin ng isang tao ang isang bagay sa pamamagitan ng dangkal—ang distansiya sa pagitan ng dulo ng hinlalaki at dulo ng kalingkingan kapag nakabuka ang palad. Sa diwa, kaya ng Diyos na timbangin ang mga bundok at mga burol sa pamamagitan ng isang pares ng timbangan. Kaya bang payuhan maging ng pinakamatatalinong tao ang Diyos kung ano ang nararapat niyang gawin sa ilalim ng kasalukuyang mga kalagayan o sabihin sa kaniya kung ano ang nararapat gawin sa hinaharap? Tunay na hindi!
19, 20. Upang idiin ang kadakilaan ni Jehova, anong matitingkad na ilustrasyon ang ginagamit ni Isaias?
19 Kumusta naman ang makapangyarihang mga bansa sa lupa—kaya ba nilang hadlangan ang Diyos habang tinutupad niya ang kaniyang salita ng pangako? Si Isaias ay sumasagot sa pamamagitan ng paglalarawan sa mga bansa gaya ng sumusunod: “Narito! Ang mga bansa ay gaya ng isang patak mula sa timba; at ibinibilang silang gaya ng manipis na alikabok sa timbangan. Narito! Itinataas niya ang mga pulo na gaya lamang ng pinong alabok. Maging ang Lebanon ay hindi sapat upang mapanatiling nagniningas ang apoy, at ang maiilap na hayop nito ay hindi sapat bilang handog na sinusunog. Ang lahat ng mga bansa ay gaya ng isang bagay na hindi umiiral sa harap niya; sa kaniya ay nabilang silang walang kabuluhan at isang kabulaanan.”—Isaias 40:15-17.
20 Para kay Jehova, ang lahat ng mga bansa ay kagaya ng isang patak ng tubig na nahuhulog mula sa isang timba. Sila’y nakakatulad lamang ng pinong alikabok na natitipon sa isang timbangan, na walang anumang epekto.c Ipagpalagay nang may isang taong magtatayo ng isang pagkalaki-laking altar at ang gagamiting panggatong sa altar ay ang lahat ng mga puno na tumatakip sa mga kabundukan ng Lebanon. Pagkatapos ipagpalagay na kaniyang ihahandog bilang mga hain ang lahat ng mga hayop na gumagala-gala sa mga kabundukang yaon. Maging ang gayong handog ay hindi magiging karapat-dapat kay Jehova. Para bang hindi pa sapat ang ginamit na matalinghagang paglalarawan, si Isaias ay gumamit ng higit pang matinding pananalita—lahat ng mga bansa ay “walang kabuluhan” sa paningin ni Jehova.—Isaias 40:17, New Revised Standard Version.
21, 22. (a) Paano idiniriin ni Isaias na si Jehova ay hindi mapapantayan? (b) Ang malinaw na mga paglalarawan ni Isaias ay umaakay sa atin sa anong konklusyon? (c) Iniulat ni propeta Isaias ang anong tamang pananalita ayon sa siyensiya? (Tingnan ang kahon sa pahina 412.)
21 Upang higit pang idiin na si Jehova ay hindi mapapantayan, nagpatuloy si Isaias sa pagpapakita ng kamangmangan niyaong mga gumagawa ng mga idolo mula sa ginto, pilak, o kahoy. Ano ngang kamangmangang isipin na ang alinman sa gayong idolo ay magiging angkop na kumatawan sa “Isa na tumatahan sa ibabaw ng bilog ng lupa” at may kapangyarihan sa mga tumatahan doon!—Basahin ang Isaias 40:18-24.
22 Ang lahat ng malinaw na paglalarawang ito ay umaakay sa atin sa isang konklusyon—walang makahahadlang sa makapangyarihan-sa-lahat, marunong-sa-lahat, at walang-kaparis na si Jehova sa pagtupad sa kaniyang pangako. Ano ngang kaaliwan at pampatibay-loob ang mga salita ni Isaias sa mga tapong Judio sa Babilonya na nananabik na makabalik sa kanilang lupang-tinubuan! Sa ngayon, tayo man ay makapagtitiwala na ang mga pangako ni Jehova para sa ating kinabukasan ay matutupad.
“Sino ang Lumalang ng mga Bagay na Ito?”
23. Sa anong dahilan maaaring magkaroon ng tibay ng loob ang mga tapong Judio, at ano ngayon ang idiniriin ni Jehova tungkol sa kaniyang sarili?
23 Mayroon pang isang dahilan kung bakit ang mga tapong Judio ay maaaring magkaroon ng tibay ng loob. Ang Isa na nangangako ng kaligtasan ay ang Maylalang ng lahat ng mga bagay at siyang Bukal ng lahat ng dinamikong lakas. Upang idiin ang kaniyang kamangha-manghang kakayahan, itinawag-pansin ni Jehova ang kaniyang kakayahan na nahahayag sa paglalang: “‘Kanino ninyo ako maitutulad upang ako ay makapantay niya?’ ang sabi ng Banal. ‘Itingin ninyo ang inyong mga mata sa itaas at masdan. Sino ang lumalang ng mga bagay na ito? Iyon ang Isa na naglalabas sa hukbo nila ayon sa bilang, na lahat sila ay tinatawag niya ayon sa pangalan. Dahil sa kasaganaan ng dinamikong lakas, palibhasa’y malakas din ang kaniyang kapangyarihan, walang isa man sa kanila ang nawawala.’”—Isaias 40:25, 26.
24. Sa pagsasalita para sa kaniyang sarili, paano ipinakita ni Jehova na siya’y hindi mapapantayan?
24 Ang Banal ng Israel ay nagsasalita para sa kaniyang sarili. Upang ipakita na siya’y hindi mapapantayan, inakay ni Jehova ang pansin sa mga bituin sa kalangitan. Kagaya ng isang komandante ng militar na nailalagay ang kaniyang hukbo sa wastong posisyon, si Jehova ang may kontrol sa mga bituin. Kung kaniyang titipunin ang mga ito, ‘walang isa man sa kanila ang mawawala.’ Bagaman napakarami ng mga bituin, tinatawag niya ang bawat isa sa kanilang pangalan, alinman sa indibiduwal na pangalan o isang tulad-pangalang katawagan. Kagaya ng masunuring mga sundalo, sila’y nananatili sa kanilang dako at sumusunod sa wastong kaayusan, dahilan sa ang kanilang Lider ay nagtataglay ng saganang “dinamikong lakas” at ‘malakas sa kapangyarihan.’ Kaya, ang mga tapong Judio ay may dahilang magtiwala. Ang Maylalang, na may kontrol sa mga bituin, ay may kapangyarihang umalalay sa kaniyang mga lingkod.
25. Paano tayo tutugon sa paanyaya ng Diyos na nakaulat sa Isaias 40:26, at may anong epekto?
25 Sino sa atin ang makatitiis na huwag tumugon sa paanyaya ng Diyos na nakaulat sa Isaias 40:26: “Itingin ninyo ang inyong mga mata sa itaas at masdan”? Ang mga natuklasan ng makabagong-panahong mga astronomo ay nagpapakita na ang mabituing kalangitan ay higit na kamangha-mangha kaysa sa pakiwari dito noong kaarawan ni Isaias. Tinataya ng mga astronomong sumisilip sa kalangitan sa pamamagitan ng kanilang malalakas na mga teleskopyo na mayroong humigit-kumulang sa 125 bilyong galaksi sa nakikitang sansinukob. Aba, ang isa lamang sa mga ito—ang Milky Way na galaksi—ay nagtataglay, ayon sa pagtaya ng ilan, ng mahigit sa 100 bilyong bituin! Ang gayong kaalaman ay dapat na pumukaw sa ating mga puso ng taimtim na pagpipitagan sa ating Maylalang at sa ganap na pagtitiwala sa kaniyang salita ng pangako.
26, 27. Paano inilarawan ang damdamin ng mga tapon sa Babilonya, at anong mga bagay ang dapat nilang malaman?
26 Sa pagkaalam na ang mga taon ng pagkabihag ay makapagpapatamlay sa espiritu ng mga tapong Judio, kinasihan ni Jehova si Isaias na iulat nang patiuna ang mga salitang ito ng katiyakan: “Ano ang dahilan at sinasabi mo, O Jacob, at sinasalita mo, O Israel, ‘Ang aking daan ay nakubli mula kay Jehova, at ang katarungan para sa akin ay nakalalampas sa aking Diyos’? Hindi ba ninyo nalaman o hindi ba ninyo narinig? Si Jehova, ang Maylalang ng mga dulo ng lupa, ay Diyos hanggang sa panahong walang takda. Hindi siya napapagod o nanlulupaypay. Hindi maaarok ang kaniyang unawa.”—Isaias 40:27, 28.d
27 Iniulat ni Isaias ang mga salita ni Jehova na naglalarawan sa damdamin ng mga tapon sa Babilonya, daan-daang kilometro mula sa kanilang lupang-tinubuan. Iniisip ng ilan na ang kanilang “daan”—ang mahirap na landas ng kanilang pamumuhay—ay hindi nakikita o nalalaman ng kanilang Diyos. Iniisip nila na bale-wala kay Jehova ang dinaranas nilang kawalang-katarungan. Ipinaalaala sa kanila ang mga bagay na dapat nilang malaman, kung hindi mula sa personal na karanasan, kahit man lamang mula sa impormasyon na ibinigay sa kanila. Si Jehova ay may kakayahan at may pagnanais na iligtas ang kaniyang bayan. Siya ang walang-hanggang Diyos at ang Maylalang ng buong lupa. Kaya, taglay pa rin niya ang kapangyarihan na ipinakita niya sa paglalang, at nasa abot niya maging ang makapangyarihang Babilonya. Ang gayong Diyos ay hindi napapagod at hindi bumibigo sa kaniyang bayan. Hindi nila dapat asahan na ganap nilang mauunawaan ang mga ginagawa ni Jehova, yamang ang kaniyang unawa—o malalim na unawa, kaunawaan, at pang-unawa—ay higit sa kanilang nauunawaan.
28, 29. (a) Paano pinaalalahanan ni Jehova ang kaniyang bayan na siya’y tutulong sa mga nanlulupaypay? (b) Anong ilustrasyon ang ginamit upang ipakita kung paano pinalalakas ni Jehova ang kaniyang mga lingkod?
28 Sa pamamagitan ni Isaias, patuloy na pinatitibay-loob ni Jehova ang mga tapong walang kapag-á-pag-asa: “Siya ay nagbibigay ng lakas sa pagod; at ang isa na walang dinamikong lakas ay pinasasagana niya sa lubos na kalakasan. Ang mga batang lalaki ay kapuwa mapapagod at manlulupaypay, at ang mga kabinataan ay walang pagsalang mabubuwal, ngunit yaong mga umaasa kay Jehova ay magpapanibagong-lakas. Sila ay paiilanlang na may mga pakpak na gaya ng mga agila. Sila ay tatakbo at hindi manlulupaypay; sila ay lalakad at hindi mapapagod.”—Isaias 40:29-31.
29 Sa pagsasabing kailangang bigyan ng lakas ang mga napapagod, maaaring taglay ni Jehova sa isipan ang mahirap na paglalakbay na kailangang gawin ng mga tapon upang makauwi sa kanilang tahanan. Pinaaalalahanan ni Jehova ang kaniyang bayan na likas sa kaniya ang tumulong sa mga nanlulupaypay na humihingi sa kaniya ng tulong. Maging ang pinakamalakas sa mga tao—ang “mga batang lalaki” at ang “mga kabinataan”—ay maaaring manlupaypay dahil sa pagod at mabuwal dahil sa panlalata. Subalit, si Jehova ay nangangako na magbibigay ng lakas—lakas na walang panlulupaypay upang makatakbo at makalakad—sa mga nagtitiwala sa kaniya. Ang tila walang hirap na paglipad ng agila, isang malakas na ibon na maaaring pumailanlang sa loob ng ilang oras sa isang pagkakataon, ay ginamit upang ilarawan kung paanong si Jehova ay nagpapalakas sa kaniyang mga lingkod.e Taglay ang pag-asa sa gayong suporta ng Diyos, ang mga tapong Judio ay walang dahilan upang masiraan ng loob.
30. Paano makakakuha ang mga tunay na Kristiyano sa ngayon ng kaaliwan mula sa katapusang mga talata ng Isaias kabanata 40?
30 Ang katapusang mga talatang ito ng Isaias kabanata 40 ay naglalaman ng mga salita ng kaaliwan para sa mga tunay na Kristiyanong nabubuhay sa mga huling araw ng balakyot na sistemang ito. Dahilan sa napakaraming panggigipit at mga suliraning nakasisira ng loob, nagbibigay-katiyakan na malaman na ang mga kahirapang ating binabata at ang ating pagdurusa dahil sa kawalang-katarungan ay hindi palalampasin ng ating Diyos. Tayo’y makatitiyak na itutuwid ng Maylalang ng lahat ng mga bagay, ang Isa na ang “unawa ay higit pa sa maisasalaysay,” ang lahat ng kawalang-katarungan sa kaniyang panahon at paraan. (Awit 147:5, 6) Samantala, hindi tayo kailangang magbata sa ating sariling lakas. Si Jehova, na nagtataglay ng mga bagay na hindi nauubos, ay makapagbibigay ng lakas—maging ng “lakas na higit sa karaniwan”—sa kaniyang mga lingkod sa mga panahon ng pagsubok.—2 Corinto 4:7.
31. Anong pangako ng liwanag ang taglay ng hula ni Isaias para sa mga bihag na Judio sa Babilonya, at sa ano tayo lubos na makapagtitiwala?
31 Isipin yaong mga bihag na Judio sa Babilonya noong ikaanim na siglo B.C.E. Daan-daang kilometro ang layo, ang kanilang minamahal na Jerusalem ay nakatiwangwang at ang templo nito ay nasa kagibaan. Para sa kanila, ang hula ni Isaias ay may isang nakaaaliw na pangako ng liwanag at pag-asa—isasauli sila ni Jehova sa kanilang lupang tinubuan! Noong 537 B.C.E., pinatnubayan ni Jehova ang kaniyang bayan sa kanilang pag-uwi, na nagpapatunay na siya’y Tagatupad ng mga pangako. Tayo’y maaaring lubos na magtiwala rin kay Jehova. Ang mga pangako ng kaniyang Kaharian, na napakagandang ipinahayag sa hula ni Isaias, ay magkakatotoo. Iyo’y tunay na mabuting balita—isang mensahe ng liwanag para sa buong sangkatauhan!
[Mga talababa]
a Inihuhula ni Isaias ang paghahanda ng daan para kay Jehova. (Isaias 40:3) Gayunman, ikinakapit ng mga Ebanghelyo ang hulang iyon sa ginawa ni Juan na Tagapagbautismo sa paghahanda ng daan para kay Jesu-Kristo. Ang kinasihang mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ay gumawa ng gayong aplikasyon sapagkat si Jesus ay kumatawan sa kaniyang Ama at naparito sa pangalan ng kaniyang Ama.—Juan 5:43; 8:29.
b Tinataya na “ang laki ng karagatan ay humigit-kumulang sa 1.35 quintillion (1.35 x 1018) tonelada metriko, o halos 1/4400 ng kabuuang laki ng Lupa.”—Encarta 97 Encyclopedia.
c Ang The Expositor’s Bible Commentary ay nagsasabi: “Hindi pinapansin ng mga negosyante sa Malapit na Silangang pamilihang dako ang maliliit na patak ng tubig sa panukat na timba o ang kaunting alikabok sa mga timbangan kapag nagtitimbang ng karne o prutas.”
d Sa Isaias 40:28, ang pananalitang “panahong walang takda” ay nangangahulugang “magpakailanman,” yamang si Jehova ay “Haring walang-hanggan.”—1 Timoteo 1:17.
e Ang agila ay nakapananatili sa himpapawid sa paggamit ng kaunti lamang na enerhiya. Nagagawa ito sa pamamagitan ng bihasang paggamit ng mga thermal, o mga tumataas na daloy ng mainit na hangin.
[Kahon/Larawan sa pahina 404, 405]
Si Jehova, Isang Maibiging Pastol
Si Jehova ay inihalintulad ni Isaias sa isang maibiging pastol na binubuhat ang kaniyang mga kordero sa kaniyang dibdib. (Isaias 40:10, 11) Maliwanag na ibinabatay ni Isaias ang madamdaming ilustrasyong ito sa tunay na buhay na kaugalian ng mga pastol. Ang isang makabagong-panahong tagapagmasid na nag-obserba sa mga pastol sa dalisdis ng Bundok ng Hermon sa Gitnang Silangan ay nag-ulat: “Bawat pastol ay maingat na nagbabantay sa kaniyang kawan upang makita kung ano ang kalagayan nila. Kapag nakakita siya ng isang bagong-silang na kordero, kaniyang inilalagay iyon sa mga tupi ng kaniyang . . . mahabang kasuutan, yamang napakahina pa nito para sumunod sa ina. Kapag puno na ang kaniyang dibdib, inilalagay niya ang mga kordero sa kaniyang mga balikat habang hinahawakan sila sa mga paa, o sa isang bag o basket sa likod ng isang asno, hanggang sa ang maliliit na ito ay maaari nang sumunod sa kanilang mga ina.” Hindi ba’t nakaaaliw na malaman na tayo ay naglilingkod sa isang Diyos na may gayong magiliw na pagmamalasakit sa kaniyang bayan?
[Kahon/Larawan sa pahina 412]
Ano ang Hugis ng Lupa?
Noong sinaunang panahon ang mga tao sa pangkalahatan ay naniwala na ang lupa ay lapad. Gayunman, kasing-aga ng ikaanim na siglo B.C.E., ipinalagay ng Griegong pilosopong si Pythagoras na ang lupa ay malamang na hugis-bola. Gayunman, dalawang siglo bago nabuo ni Pythagoras ang kaniyang teoriya, sinabi na ni propeta Isaias nang may pambihirang kalinawan at katiyakan: “May Isa na tumatahan sa ibabaw ng bilog ng lupa.” (Isaias 40:22) Ang salitang Hebreo na chugh na dito’y isinaling “bilog” ay maaaring isaling “hugis-bola.” Kapansin-pansin, ang isang bagay na hugis-bola ang tangi lamang lumilitaw na bilog sa lahat ng anggulo.f Kung gayon, matagal nang panahon na patiunang iniulat ni Isaias ang isang pananalitang kaayon ng siyensiya at malaya sa sinaunang mga alamat.
[Talababa]
f Sa istriktong kahulugan, ang lupa ay isang oblate spheroid. Ito’y medyo lapad sa mga polo nito.
[Larawan sa pahina 403]
Si Juan na Tagapagbautismo ay isang tinig na “sumisigaw sa ilang”