Ikalawang Kabanata
Nakaaaliw na mga Makahulang Salita na Nagsasangkot sa Iyo
1. Bakit dapat tayong maging interesado sa hula ni Isaias?
ISINULAT ni Isaias ang aklat na nagtataglay ng kaniyang pangalan halos 3,000 taon na ang nakalilipas, subalit ito’y tunay na mahalaga para sa atin sa ngayon. Matututuhan natin ang mahahalagang simulain mula sa mga pangyayari sa kasaysayan na kaniyang itinala. At mapatitibay natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pag-aaral sa mga hulang isinulat niya sa pangalan ni Jehova. Oo, si Isaias ay isang propeta ng buháy na Diyos. Kinasihan siya ni Jehova na itala ang kasaysayan nang patiuna—upang ilarawan ang mga mangyayari bago pa maganap ang mga ito. Sa gayon ay ipinamalas ni Jehova na kaya niyang hulaan at hubugin ang kinabukasan. Matapos pag-aralan ang aklat ng Isaias, ang tunay na mga Kristiyano ay kumbinsido na tutuparin ni Jehova ang lahat ng kaniyang ipinangako.
2. Ano ang kalagayan noon sa Jerusalem nang isulat ni Isaias ang kaniyang makahulang aklat, at anong pagbabago ang magaganap?
2 Nang matapos ni Isaias ang pagsulat ng kaniyang hula, ang Jerusalem ay ligtas na sa banta ng Asirya. Nakatayo pa rin ang templo, at ang mga tao ay nagpapatuloy sa kanilang pang-araw-araw na mga gawain gaya ng dati na nilang ginagawa sa loob ng daan-daang taon. Gayunman, ang kalagayang iyan ay magbabago. Darating ang panahon na ang kayamanan ng mga haring Judio ay dadalhin sa Babilonya at ang mga kabataang Judio ay magiging mga opisyal ng korte sa lunsod na iyon.a (Isaias 39:6-7) Magaganap ito makalipas ang mahigit na 100 taon.—2 Hari 24:12-17; Daniel 1:19.
3. Anong mensahe ang masusumpungan sa Isaias kabanata 41?
3 Gayunman, ang mensahe ng Diyos sa pamamagitan ni Isaias ay hindi lamang isang mensahe ng kapahamakan. Ang Isa kabanata 40 ng kaniyang aklat ay nagsisimula sa salitang “Aliwin.”b Ang mga Judio ay maaaliw sa katiyakan na sila o ang kanilang mga anak ay makababalik sa kanilang lupang-tinubuan. Nagpapatuloy ang Isa kabanata 41 sa nakaaaliw na mensaheng iyan at humuhula na ibabangon ni Jehova ang isang makapangyarihang hari upang tuparin ang kalooban ng Diyos. Naglalaman ito ng katiyakan at humihimok na magtiwala sa Diyos. Inilalantad din nito na walang-kakayahan ang huwad na mga diyos na pinaglagakan ng pagtitiwala ng mga tao ng mga bansa. Sa lahat ng ito, maraming makukuhang pampatibay ng pananampalataya, kapuwa noong panahon ni Isaias at sa atin.
Hinahamon ni Jehova ang mga Bansa
4. Sa anong mga salita hinamon ni Jehova ang mga bansa?
4 Sinabi ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang propeta: “Magbigay-pansin kayo sa akin nang tahimik, kayong mga pulo; at ang mga liping pambansa ay magpanibagong-lakas. Palapitin sila. Sa panahong iyon ay pagsalitain sila. Magpisan tayong sama-sama para sa paghatol.” (Isaias 41:1) Sa pamamagitan ng mga salitang ito hinahamon ni Jehova ang mga bansang salansang sa kaniyang bayan. Tumayo sila sa harap niya at humanda sila sa pagsasalita! Gaya ng makikita sa dakong huli, si Jehova ay parang isang hukom sa korte na nag-uutos sa mga bansang ito na patunayan na ang kanilang mga idolo ay talaga ngang mga diyos. Mahuhulaan ba ng mga diyos na ito ang gagawing pagliligtas sa kanilang mananamba o kaya’y ang mga paghatol laban sa kanilang mga kaaway? Kung oo, matutupad kaya nila ang gayong mga hula? Ang sagot ay hindi. Tanging si Jehova lamang ang makagagawa ng mga ito.
5. Ipaliwanag kung paanong ang mga hula ni Isaias ay may higit pa sa isang katuparan.
5 Habang sinusuri natin ang hula ni Isaias, isaisip natin na, gaya ng maraming hula sa Bibliya, ang kaniyang mga salita ay may higit pa sa isang katuparan. Noong 607 B.C.E., ang Juda ay itinapon sa Babilonya. Gayunman, isinisiwalat ng hula ni Isaias na ililigtas ni Jehova ang mga Israelitang bihag doon. Nangyari ito noong 537 B.C.E. Ang pagpapalayang iyan ay may katulad na pangyayari noong nagsisimula pa lamang ang ika-20 siglo. Noong unang digmaang pandaigdig, ang mga pinahirang lingkod ni Jehova sa lupa ay dumaan sa isang yugto ng kapighatian. Noong 1918, ang panggigipit ng sanlibutan ni Satanas—udyok ng Sangkakristiyanuhan bilang pangunahing bahagi ng Babilonyang Dakila—ay halos magpahinto sa organisadong pangangaral ng mabuting balita. (Apocalipsis 11:5-10) Ilang responsableng mga opisyal ng Samahang Watch Tower ang ipinabilanggo dahil sa kung anu-anong inimbentong mga paratang. Sa wari, parang nagtagumpay ang sanlibutan sa pakikidigma nito sa mga lingkod ng Diyos. Pagkatapos, gaya ng nangyari noong 537 B.C.E., sa di-inaasahan ay pinapangyari ni Jehova ang kanilang paglaya. Noong 1919 ang nakabilanggong mga opisyal ay pinalaya, at nang maglaon ang mga paratang laban sa kanila ay iniurong na. Isang kombensiyon sa Cedar Point, Ohio, noong Setyembre 1919 ang muling nagpasigla sa mga lingkod ni Jehova na ipagpatuloy ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. (Apocalipsis 11:11, 12) Mula noon hanggang sa ngayon, napakalawak na ang nasaklaw ng pangangaral na iyon. Bukod diyan, marami sa mga salita ni Isaias ang magkakaroon ng kahanga-hangang katuparan sa darating na lupang Paraiso. Kaya naman, ang mga salita ni Isaias noon ay nagsasangkot sa lahat ng bansa at mga tao sa ngayon.
Tinawag ang Isang Manunubos
6. Paano inilalarawan ng propeta ang isang manlulupig na darating?
6 Sa pamamagitan ni Isaias, inihula ni Jehova ang isang manlulupig na kapuwa magliligtas sa bayan ng Diyos mula sa Babilonya at hahatol sa kanilang mga kaaway. Nagtanong si Jehova: “Sino ang pumukaw sa isa mula sa sikatan ng araw? Sino ang ayon sa katuwiran ay tumawag sa kaniya sa Kaniyang paanan, upang ibigay sa harap niya ang mga bansa, at upang ipasupil sa kaniya ang mga hari? Sino ang nagbibigay sa kanila sa kaniyang tabak na parang alabok, anupat itinataboy silang gaya lamang ng pinaggapasan sa pamamagitan ng kaniyang busog? Sino ang tumutugis sa kanila, na mapayapang idinaraan ang kaniyang mga paa sa landas na hindi niya pinanggalingan? Sino ang kumilos at gumawa nito, na tumatawag sa mga salinlahi mula sa pasimula? Ako, si Jehova, ang Una; at sa mga huli ay gayon pa rin ako.”—Isaias 41:2-4.
7. Sino ang manlulupig na darating, at ano ang isasagawa niya?
7 Sino kaya ang isa na pupukawin mula sa sikatan ng araw, mula sa mga silangang bahagi? Ang mga bansang Medo-Persia at Elam ay nasa gawing silangan ng Babilonya. Mula roon magmamartsa si Ciro na Persiano, kasama ang kaniyang malalakas na hukbo. (Isaias 41:25; 44:28; 45:1-4, 13; 46:11) Bagaman si Ciro ay hindi mananamba ni Jehova, siya’y kikilos ayon sa kalooban ni Jehova, ang matuwid na Diyos. Susupilin ni Ciro ang mga hari, at ang mga ito’y mangangalat na parang alabok sa harap niya. Kung tungkol sa panlulupig, daraan siya nang ‘mapayapa,’ o ligtas, sa mga landas na hindi karaniwang dinaraanan, anupat mapagtatagumpayan ang lahat ng hadlang. Pagsapit ng taóng 539 B.C.E., narating ni Ciro ang makapangyarihang lunsod ng Babilonya at ibinagsak ito. Bilang resulta, pinalaya ang bayan ng Diyos nang sa gayon ay makabalik sila sa Jerusalem upang muling itayo ang dalisay na pagsamba.—Ezra 1:1-7.c
8. Ano ang bagay na tanging si Jehova lamang ang makagagawa?
8 Samakatuwid, sa pamamagitan ni Isaias, inihula ni Jehova ang pagbangon ni Ciro matagal pa bago ipanganak ang haring iyan. Tanging ang tunay na Diyos lamang ang makahuhula ng gayong bagay sa eksaktong paraan. Walang mga huwad na diyos ng mga bansa ang makapapantay kay Jehova. Taglay ang mabuting dahilan, sinabi ni Jehova: “Sa kaninuman ay hindi ko ibibigay ang aking kaluwalhatian.” Tanging si Jehova lamang ang may-karapatang magsabi: “Ako ang una at ako ang huli, at bukod pa sa akin ay walang Diyos.”—Isaias 42:8; 44:6, 7.
Nagtiwala sa mga Idolo ang Takót na mga Tao
9-11. Ano ang magiging reaksiyon ng mga bansa sa paglusob ni Ciro?
9 Inilalarawan ngayon ni Isaias ang magiging reaksiyon ng mga bansa sa darating na manlulupig na ito: “Nakita ng mga pulo at nagsimulang matakot. Ang mismong mga dulo ng lupa ay nagsimulang manginig. Sila ay lumapit at patuloy na dumarating. Tinulungan nila ang kani-kaniyang kasama, at ang isa ay nagsasabi sa kaniyang kapatid: ‘Magpakalakas ka.’ Kaya pinalakas ng bihasang manggagawa ang platero; yaong nagpapakinis sa pamamagitan ng martilyong pampanday ay sa kaniya na pukpok nang pukpok sa palihan, na sinasabi tungkol sa pagkakahinang: ‘Ito ay mabuti.’ Sa dakong huli ay may isang nagkakabit nito sa pamamagitan ng mga pako upang hindi ito makilos.”—Isaias 41:5-7.
10 Habang nakatanaw sa hinaharap mga 200 taon pa, sinisiyasat ni Jehova ang tanawin sa daigdig. Ang makapangyarihang mga hukbo sa ilalim ni Ciro ay mabilis na dumadaluhong, anupat nanlulupig sa lahat ng salansang. Ang mga tao—maging ang mga naninirahan sa mga pulo, yaong nasa pinakamalalayong lugar—ay nanginginig sa pagdating niya. Dahil sa takot, sila’y nagsama-sama upang salansangin ang isa na tinawag ni Jehova mula sa silangan para isakatuparan ang hatol. Sinisikap nilang magpatibayan sa isa’t isa, na nagsasabi: “Magpakalakas ka.”
11 Ang mga bihasang manggagawa ay nagsasama-sama sa paghubog ng mga idolong diyos para magligtas sa mga tao. Isang kuwadrong yari sa kahoy ang ginagawa ng isang karpintero, na humimok sa platero na balutan ito ng metal, marahil ay ng ginto. Pinupukpok naman ng iskultor ang metal upang kuminis at inaaprobahan ang pagkakahinang. Marahil ay may panunuya kung kaya binanggit na pinakuan ito upang hindi ito makilos o magmukhang marupok, na gaya ng idolong si Dagon na nabuwal sa harap ng kaban ni Jehova.—1 Samuel 5:4.
Huwag Matakot!
12. Anong katiyakan ang ibinigay ni Jehova sa Israel?
12 Ngayon ay ibinaling naman ni Jehova ang kaniyang pansin sa kaniyang bayan. Di-gaya ng mga bansang nagtitiwala sa walang-buhay na mga idolo, yaong mga nagtitiwala sa tunay na Diyos ay hindi kailangang matakot kailanman. Ang katiyakang ibinigay ni Jehova ay nagsimula sa paalaala na ang Israel ay supling ng kaniyang kaibigang si Abraham. Sa isang talatang lipos ng pagkagiliw, iniulat ni Isaias ang mga salita ni Jehova: “Ikaw, O Israel, ay aking lingkod, ikaw, O Jacob, na aking pinili, ang binhi ni Abraham na aking kaibigan; ikaw, na tinanganan ko mula sa mga dulo ng lupa, at ikaw, na tinawag ko mula pa sa malalayong bahagi nito. Kaya naman sinabi ko sa iyo, ‘Ikaw ay aking lingkod; pinili kita, at hindi kita itinakwil. Huwag kang matakot, sapagkat ako ay sumasaiyo. Huwag kang luminga-linga, sapagkat ako ang iyong Diyos. Patitibayin kita. Talagang tutulungan kita. Talagang aalalayan kitang mabuti sa pamamagitan ng aking kanang kamay ng katuwiran.”—Isaias 41:8-10.
13. Bakit ang mga salita ni Jehova ay magiging kaaliwan sa mga bihag na Judio?
13 Tunay ngang makaaaliw ang mga salitang ito sa tapat na mga Judio na bihag sa isang banyagang lupain! Tunay ngang makapagpapatibay na marinig na tawagin sila ni Jehova na “aking lingkod” noong sila’y mga tapon, na mga lingkod ng hari ng Babilonya! (2 Cronica 36:20) Bagaman sila’y didisiplinahin ni Jehova dahil sa kanilang kataksilan, hindi naman niya sila itatakwil. Ang Israel ay pag-aari ni Jehova, hindi ng Babilonya. Walang dahilan upang ang mga lingkod ng Diyos ay manginig sa pagdating ng manlulupig na si Ciro. Si Jehova ay sasakaniyang bayan upang tulungan sila.
14. Paano nakaaaliw sa mga lingkod ng Diyos sa ngayon ang mga salita ni Jehova sa Israel?
14 Ang mga salitang iyon ay nagbibigay-katiyakan at nagpapalakas sa mga lingkod ng Diyos maging hanggang sa ating panahon. Noong 1918, hinangad nilang malaman ang kalooban ni Jehova para sa kanila. Inasam nilang matubos sa kanilang pagiging bihag sa espirituwal. Sa ngayon ay hinahangad natin ang ginhawa mula sa mga panggigipit sa atin ni Satanas, ng sanlibutan, at ng ating sariling di-kasakdalan. Subalit nagpapasalamat tayo na alam-na-alam ni Jehova kung kailan at kung paano siya kikilos alang-alang sa kaniyang bayan. Gaya ng maliliit na bata, nakahawak tayo sa kaniyang makapangyarihang kamay, anupat nagtitiwalang tutulungan niya tayo upang magtagumpay. (Awit 63:7, 8) Pinahahalagahan ni Jehova ang mga naglilingkod sa kaniya. Inaalalayan niya tayo sa ngayon kung paanong inalalayan niya ang kaniyang bayan na malampasan ang mahirap na panahon ng 1918-19 at kung paanong inalalayan niya ang tapat na mga Israelita noon.
15, 16. (a) Mauuwi sa ano ang mga kaaway ng Israel, at sa anu-anong paraan nakakatulad ng uod ang Israel? (b) Ang mga salita ni Jehova ay lalo nang nakapagpapatibay-loob ngayon sa harap ng anong nagbabantang pagsalakay?
15 Tingnan natin ang sumunod na sinabi ni Jehova sa pamamagitan ni Isaias: “ ‘Narito! Lahat niyaong nag-iinit laban sa iyo ay mapapahiya at maaaba. Ang mga taong nakikipag-away sa iyo ay mauuwi sa wala at malilipol. Hahanapin mo sila, ngunit hindi mo sila masusumpungan, ang mga taong nakikipagtunggali sa iyo. Sila ay magiging waring bagay na di-umiiral at walang kabuluhan, ang mga taong nakikipagdigma sa iyo. Sapagkat ako, si Jehova na iyong Diyos, ay nakahawak sa iyong kanang kamay, ang Isa na nagsasabi sa iyo, “Huwag kang matakot. Ako ang tutulong sa iyo.” Huwag kang matakot, ikaw na uod na si Jacob, kayong mga tao ng Israel. Ako ang tutulong sa iyo,’ ang sabi ni Jehova, na iyo ngang Manunubos, ang Banal ng Israel.”—Isaias 41:11-14.
16 Hindi mananaig ang mga kaaway ng Israel. Yaong mga nag-iinit laban sa Israel ay mapapahiya. Yaong nakikipag-away sa kaniya ay malilipol. Bagaman mistulang mahina at walang kalaban-laban ang mga bihag na Israelita na parang uod na namimilipit sa alabok, tutulungan sila ni Jehova. Kay laking pampatibay-loob ang naidulot nito sa buong panahon ng “mga huling araw” habang napapaharap ang tunay na mga Kristiyano sa matinding galit ng maraming nasa sanlibutan! (2 Timoteo 3:1) At tunay ngang nakapagpapalakas ang pangako ni Jehova sa harap ng nagbabantang pagsalakay ni Satanas, na tinutukoy sa hula bilang “Gog ng lupain ng Magog”! Sa mabagsik na pagsalakay ni Gog, ang bayan ni Jehova ay magmimistulang walang kalaban-laban na gaya ng uod—isang bayan na “tumatahang walang pader” at wala ‘man lamang halang at mga pinto.’ Subalit, yaong mga umaasa kay Jehova ay hindi manginginig sa takot. Ang Makapangyarihan-sa-lahat mismo ang makikipaglaban upang iligtas sila.—Ezekiel 38:2, 11, 14-16, 21-23; 2 Corinto 1:3.
Kaaliwan Para sa Israel
17, 18. Paano inilalarawan ni Isaias ang pagbibigay-lakas sa Israel, at anong katuparan ang maaari nating matiyak?
17 Patuloy si Jehova sa pag-aliw sa kaniyang bayan: “Narito! Ginawa kitang isang panggiik na kareta, isang bagong kasangkapang panggiik na may mga ngiping doble ang talim. Yuyurakan mo ang mga bundok at dudurugin ang mga iyon; at ang mga burol ay gagawin mong gaya lamang ng ipa. Tatahipin mo sila, at isang hangin ang tatangay sa kanila, at isang buhawi ang magtataboy sa kanila sa iba’t ibang dako. At ikaw ay magagalak kay Jehova. Dahil sa Banal ng Israel ay ipaghahambog mo ang iyong sarili.”—Isaias 41:15, 16.
18 Bibigyang-lakas ang Israel upang kumilos at, sa espirituwal na diwa, upang pasukuin ang kaniyang tulad-bundok na mga kaaway. Pagbalik ng Israel mula sa pagkatapon, siya’y magtatagumpay laban sa mga kaaway na nagsisikap humadlang sa muling pagtatayo ng templo at ng mga pader ng Jerusalem. (Ezra 6:12; Nehemias 6:16) Gayunman, ang mga salita ni Jehova ay malawakang matutupad sa “Israel ng Diyos.” (Galacia 6:16) Ipinangako ni Jesus sa pinahirang mga Kristiyano: “Sa kaniya na nananaig at tumutupad sa aking mga gawa hanggang sa wakas ay ibibigay ko ang awtoridad sa mga bansa, at magpapastol siya sa mga tao sa pamamagitan ng isang tungkod na bakal anupat sila ay magkakadurug-durog tulad ng mga sisidlang luwad, gaya naman ng tinanggap ko mula sa aking Ama.” (Apocalipsis 2:26, 27) Tiyak na darating ang panahon na ang mga kapatid ni Kristo na binuhay-muli tungo sa makalangit na kaluwalhatian ay magkakaroon ng bahagi sa pagpuksa sa mga kaaway ng Diyos na Jehova.—2 Tesalonica 1:7, 8; Apocalipsis 20:4, 6.
19, 20. Ano ang isinulat ni Isaias tungkol sa pagsasauli ng Israel tungo sa isang dako ng kagandahan, at paano ito natupad?
19 Sa makasagisag na pangungusap, lalo pang pinatitibay ni Jehova ngayon ang kaniyang pangako na sasaklolohan niya ang kaniyang bayan. Sumulat si Isaias: “Ang mga napipighati at ang mga dukha ay naghahanap ng tubig, ngunit wala nga. Dahil sa uhaw ay natuyo ang kanila mismong dila. Ako mismo, si Jehova, ang sasagot sa kanila. Ako, ang Diyos ng Israel, ay hindi magpapabaya sa kanila. Sa mga hantad na burol ay magbubukas ako ng mga ilog, at sa gitna ng mga kapatagang libis, mga bukal. Ang ilang ay gagawin kong matambong lawa ng tubig, at ang lupaing walang tubig ay mga dakong binubukalan ng tubig. Sa ilang ay ilalagay ko ang punong sedro, ang akasya at ang mirto at ang puno ng langis. Sa disyertong kapatagan ay ilalagay ko ang puno ng enebro, ang fresno at ang sipres nang magkakasabay; upang ang mga tao ay makakita at makaalam at magbigay ng pansin at magkaroon ng kaunawaan nang magkakasabay, na ang mismong kamay ni Jehova ang gumawa nito, at ang Banal ng Israel ang siyang lumalang nito.”—Isaias 41:17-20.
20 Bagaman ang mga tapong Israelita ay naninirahan sa kabiserang lunsod ng isang mayamang kapangyarihang pandaigdig, ito’y gaya ng isang walang-tubig na disyerto para sa kanila. Nadama nilang sila’y parang si David noong siya’y nagtatago kay Haring Saul. Noong 537 B.C.E., binuksan ni Jehova ang daan para sa kanila upang makabalik sa Juda at muling itayo ang kaniyang templo sa Jerusalem, anupat isinauli ang dalisay na pagsamba. Dahil dito, pinagpala sila ni Jehova. Sa mas nahuling hula, patiunang sinabi ni Isaias: “Aaliwin nga ni Jehova ang Sion. Aaliwin nga niya ang lahat ng kaniyang mga wasak na dako, at gagawin niyang tulad ng Eden ang kaniyang ilang at tulad ng hardin ni Jehova ang kaniyang disyertong kapatagan.” (Isaias 51:3) Ito’y talagang naganap nang makabalik ang mga Judio sa kanilang lupang-tinubuan.
21. Anong pagsasauli ang naganap sa modernong panahon, at ano ang mangyayari sa hinaharap?
21 Kahawig ito ng naganap sa makabagong panahon nang palayain ng Lalong Dakilang Ciro, si Kristo Jesus, ang kaniyang pinahirang mga tagasunod mula sa espirituwal na pagkabihag upang maibalik nila ang dalisay na pagsamba. Yaong mga tapat ay pinagpala ng mayamang espirituwal na paraiso, isang makasagisag na hardin ng Eden. (Isaias 11:6-9; 35:1-7) Di-magtatagal, kapag pinuksa na ng Diyos ang kaniyang mga kaaway, ang buong lupa ay magiging isang pisikal na paraiso, gaya ng ipinangako ni Jesus sa manggagawa ng kasamaan na nasa tulos.—Lucas 23:43.
Isang Hamon sa mga Kaaway ng Israel
22. Sa anong mga salita muling hinamon ni Jehova ang mga bansa?
22 Si Jehova ngayon ay bumalik sa kaniyang pakikipagtalo sa mga bansa at sa kanilang mga idolong diyos: “ ‘Iharap ninyo ang inyong usaping ipinakikipagtalo,’ ang sabi ni Jehova. ‘Ilabas ninyo ang inyong mga argumento,’ ang sabi ng Hari ng Jacob. ‘Ilabas ninyo at sabihin sa amin ang mga bagay na mangyayari. Ang mga unang bagay—kung ano ang mga iyon—sabihin ninyo, upang maituon namin ang aming puso at malaman ang kinabukasan ng mga iyon. O iparinig ninyo sa amin ang mga bagay na darating. Sabihin ninyo ang mga bagay na darating pagkatapos, upang malaman namin na kayo ay mga diyos. Oo, dapat kayong gumawa ng mabuti o gumawa ng masama, upang aming mapagmasdan at makita rin iyon. Narito! Kayo ay bagay na di-umiiral, at ang inyong nagawa ay walang anuman. Karima-rimarim ang sinumang pumipili sa inyo.’ ” (Isaias 41:21-24) Tumpak bang nakapanghuhula ang mga diyos ng mga bansa at sa gayo’y napatutunayang sila’y may kahima-himalang kaalaman? Kung oo, tiyak na may ilang ibubunga ito, alinman sa mabuti o masama, upang suportahan ang kanilang mga pag-aangkin. Subalit sa katunayan, ang mga idolong diyos ay walang magagawang anuman at sila’y gaya ng mga bagay na di-umiiral.
23. Bakit si Jehova, sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta, ay patuloy na humahatol sa mga idolo?
23 Sa ating kapanahunan, baka magtaka ang ilan kung bakit si Jehova, sa pamamagitan ni Isaias at ng kasama nitong mga propeta, ay gumugol ng napakaraming panahon sa paghatol sa kahangalan ng idolatriya. Ang pagkawalang-kabuluhan ng gawang-taong mga idolo ay waring nahahalata na ng marami sa ngayon. Gayunman, minsang naitatag na at natanggap na ng marami ang isang maling sistema ng paniniwala, mahirap na itong alisin sa isipan niyaong mga naniniwala rito. Ang maraming paniniwala sa kasalukuyan ay walang katuturan na gaya ng paniniwala na ang walang-buhay na mga imahen ay talagang mga diyos. Subalit, nanghahawakan pa rin ang mga tao sa gayong mga paniniwala sa kabila ng nakakakumbinsing mga argumento laban sa mga ito. Dahil lamang sa paulit-ulit na pakikinig sa katotohanan kung kaya napakilos ang ilan na makita ang karunungan ng pagtitiwala kay Jehova.
24, 25. Paano muling tinukoy ni Jehova si Ciro, at ano pang hula ang ipinaaalaala nito sa atin?
24 Muling tinukoy ni Jehova si Ciro: “Ako ay may isang pinukaw mula sa hilaga, at siya ay darating. Mula sa sikatan ng araw ay tatawag siya sa aking pangalan. At darating siya sa mga kinatawang tagapamahala na waring sila ay luwad at gaya ng magpapalayok na yumuyurak sa putik.” (Isaias 41:25)d Kabaligtaran sa mga diyos ng mga bansa, naisasakatuparan ni Jehova ang mga bagay-bagay. Kapag pinalabas na niya si Ciro sa silangan, mula sa “sikatan ng araw,” ipamamalas ng Diyos ang kaniyang kakayahang humula at pagkatapos ay huhubugin niya ang kinabukasan upang matupad ang kaniyang hula.
25 Ang mga salitang ito ay nagpapaalaala sa atin sa makahulang paglalarawan ni apostol Juan sa mga haring pupukawin upang kumilos sa ating kapanahunan. Sa Apocalipsis 16:12, mababasa natin na ang daan ay ihahanda “para sa mga haring mula sa sikatan ng araw.” Ang mga haring ito ay walang iba kundi ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo. Kung paanong iniligtas ni Ciro ang bayan ng Diyos noon, pupuksain din ng mas makapangyarihang mga haring ito ang mga kaaway ni Jehova at papastulin ang kaniyang bayan sa panahon ng malaking kapighatian tungo sa isang bagong sanlibutan ng katuwiran.—Awit 2:8, 9; 2 Pedro 3:13; Apocalipsis 7:14-17.
Si Jehova ang Kataas-taasan!
26. Anong tanong ang inihaharap ngayon ni Jehova, at nasagot ba ito?
26 Muli, ipinahahayag ni Jehova ang katotohanan na siya lamang ang tunay na Diyos. Nagtanong siya: “Sino ang nakapagsabi ng anumang bagay mula sa pasimula, upang malaman namin, o mula noong mga panahong nakalipas, upang masabi namin, ‘Tama siya’? Talagang walang sinumang nagsasabi. Talagang walang sinumang nagpaparinig. Talagang walang sinumang nakaririnig sa anumang pananalita ninyo.” (Isaias 41:26) Walang idolong diyos ang nagpahayag sa pagdating ng isang manlulupig upang palayain yaong mga nagtitiwala rito. Lahat ng gayong diyos ay walang-buhay at mga pipi. Talagang hindi sila mga diyos.
27, 28. Anong mahalagang katotohanan ang idiniriin sa mga huling talata ng Isaias 41, at sino lamang ang naghahayag nito?
27 Matapos itala ang nakapananabik na makahulang mga salitang ito ni Jehova, idiniin ni Isaias ang isang mahalagang katotohanan: “May isang nauna, na nagsasabi sa Sion: ‘Narito! Narito sila!’ at sa Jerusalem ay magbibigay ako ng isang tagapagdala ng mabuting balita. At patuloy akong tumingin, at wala ni isa mang tao; at sa mga ito ay wala ring sinumang nagbibigay ng payo. At patuloy ko silang tinatanong, upang sila ay makasagot. Narito! Silang lahat ay bagay na di-umiiral. Ang kanilang mga gawa ay walang anuman. Ang kanilang mga binubong imahen ay hangin at kabulaanan.”—Isaias 41:27-29.
28 Si Jehova ang una. Siya ang kataas-taasan! Siya ang tunay na Diyos, na nagpapahayag ng kaligtasan ng kaniyang bayan, anupat nagdadala ng mabuting balita sa kanila. At tanging ang kaniyang mga Saksi lamang ang naghahayag ng kaniyang kadakilaan sa mga bansa. Dahil sa pagkasuklam, tinutuligsa ni Jehova yaong mga nagtitiwala sa pagsamba sa idolo, anupat itinuturing ang kanilang mga idolo bilang “hangin at kabulaanan.” Kay tinding dahilan upang manghawakan sa tunay na Diyos! Si Jehova lamang ang karapat-dapat sa ating lubos na pagtitiwala.
[Mga talababa]
c Ang Lalong Dakilang Ciro, na nagpalaya sa “Israel ng Diyos” noong 1919 mula sa espirituwal na pagkabihag, ay walang iba kundi si Jesu-Kristo, na nakaluklok bilang Hari ng makalangit na Kaharian ng Diyos mula noong 1914.—Galacia 6:16.
d Bagaman nasa silangan ng Babilonya ang lupang-tinubuan ni Ciro, nang isagawa niya ang kaniyang huling pagsalakay sa lunsod, galing siya sa hilaga, mula sa Asia Minor.
[Larawan sa pahina 19]
Si Ciro, bagaman isang pagano, ay pinili upang isagawa ang gawain ng Diyos
[Larawan sa pahina 21]
Nagtitiwala ang mga bansa sa walang-buhay na mga idolo
[Mga larawan sa pahina 27]
Ang Israel, gaya ng “isang panggiik na kareta,” ay ‘dudurog sa mga bundok’