BARTOLINA
Isang madilim at maliit na silid, na kadalasa’y nasa ilalim ng lupa at ginagamit na bilangguan. Ang salitang Hebreo para sa “bartolina” (mas·gerʹ) ay nagmula sa salitang-ugat na nangangahulugang “isara.” (Gen 19:6; Huk 3:23) Sa pakiramdam ni David ay para siyang nasa bartolina noong nagtatago siya sa isang yungib dahil tinutugis siya ni Haring Saul. Waring napakadilim ng kaniyang kalagayan, laging nanganganib ang kaniyang buhay, may mga bitag na nakaumang sa landas niya, at wala nang ibang dakong matatakbuhan. Nanalangin siya kay Jehova na palayain siya. (Aw 142:7) Ginamit ni Isaias ang terminong ito sa makasagisag na paraan sa dalawang talata: (1) Hinggil sa pagtutuon ni Jehova ng pansin sa “hukbo ng kaitaasan” (posibleng tumutukoy sa masuwaying mga anghel) at sa “mga hari sa lupa,” sinabi ng propeta na ang mga ito ay “ikukulong sa bartolina” at pagtutuunan ng pansin “pagkatapos ng maraming araw,” marahil ay tumutukoy sa pansamantalang pagpapalaya sa masuwaying mga anghel. (Isa 24:21, 22; ihambing sa Apo 20:1-3.) (2) Sa Isaias 42:7, binanggit ng propeta ang bartolina nang ihula niya ang isang paglaya mula sa espirituwal na kadiliman at pagkabilanggo. Sa ilalim ng pagkasi, ikinapit ng matanda nang si Simeon ang huling nabanggit na hula doon sa mga dadalhan ni Jesu-Kristo ng liwanag ng katotohanan.—Luc 2:25-32; tingnan ang BILANGGUAN.