Ang Kahulugan ng mga Balita
Ang Maling Tanda
“Ano ba ang iyong tanda?” Para sa angaw-angaw na mga tao na kumukunsulta sa mga ulat ng “starsign” na inihanda ng mga astrologo, ang tanong na iyan ay may malaking kahalagahan. Sila’y naniniwala na ang posisyon ng mga bituin, planeta, araw, at buwan may kaugnayan sa mga konstelasyon ng sodiako sa panahon ng kapanganakan ay may tuwirang impluwensiya sa buhay ng isang tao. Subalit, sang-ayon sa pahayagan ng London na Independent, ang mga astrologo ay nagbibigay sa mga tao ng maling tanda. Ang “starsign” na mga talaan na ginagamit para sa mga horoskopyo ay batay sa astrolohikong “mga batas” na binuo noong mga 2,000 taon na ngayon ang lumipas.
Ganito ang sabi ng Independent: “Ang isang astrologo ay magsasabi sa mga magulang ng bagong kasisilang na sanggol sa ngayon na ito ay isang Cancer.” Subalit, ganito ang sabi ng report: “Kung sa halip sila’y titingala sa posisyon ng araw sa langit, kanilang makikita na sa totoo’y naroon ang araw sa Gemini.” Ano ba ang dahilan at ganito nga? Ang tawag dito ng mga astronomo ay “precession of the equinoxes,” na kung saan ang axis ng mundo, sa katunayan, ay sumusuray-suray gaya ng nangyayari sa axis ng isang trumpo habang iyon ay bumabagal ang galaw. Ang paggalaw, o ‘pagsuray’ na ito, ay kumukumpleto ng isang 360-gradong siklo tuwing 25,800 taon, na ang ibig sabihin ang mga equinox ay umaabante ng 50 segundo ng isang arc bawat taon, o isang grado sa 72 taon. Kung gayon, noong lumipas na 2,000 taon, ang nakikitang posisyon ng araw sa itaas ay umatras ng isang buong tanda ng sodiako. Samakatuwid, “ang isang horoskopyo na pinagbabatayan ng kapanganakan ay hindi isang tunay na larawan ng kalangitan sa sandali ng kapanganakan ng isang tao,” ang paliwanag ni Richard F. Smith sa kaniyang aklat na Prelude to Science. “Karamihan ng mga Scorpio ng daigdig na ito,” ayon sa kaniyang paliwanag, “ay tunay na ipinanganak nang ang araw ay nasa Libra, karamihan ng mga Leo ay sa totoo mga Cancer, ang mga Cancer ay mga Gemini, at iba pa.”
Dahil sa hindi nga mapanghahawakan ang mga tala ng mga bituin at mga horoskopyo lalo lamang idiniriin nito ang katalinuhan ng pagkunsulta sa Maylikha para pumatnubay sa atin at hindi sa mga bagay na kaniyang nilikha. (Roma 1:24, 25) Gayunman, ang isang lalong mahalagang dahilan upang iwasan ang paggamit ng horoskopyo ay na ito’y maaaring humantong sa pagsamba “sa araw o sa buwan o sa lahat ng mga bagay sa kalangitan, na hindi ipinag-utos [ng Diyos].”—Deuteronomio 17:2-5.
Walang Tubig—Walang Buhay
Ito ang konklusyon ni Propesor Norman H. Horowitz, isang siyentipiko na napaugnay sa mga misyon sa Mars noong 1965-76 ng Mariner at Viking.
Sa kaniyang aklat na To Utopia and Back: The Search for Life in the Solar System, binanggit ni Propesor Horowitz na ang natuklasan sa mga misyon na ito ay malinaw na lumutas ng suliranin tungkol sa kung may buhay sa Mars o sa anupamang ibang planeta sa ating sistema solar. “Ang Mars,” aniya, “ay wala ng pambihirang mga katangian na nangingibabaw sa kapaligiran ng ating sariling planeta, mga karagatan ng tubig na kung saan kitang-kita ang araw.” Kumpirmado ng pananaliksik na sa planetang iyan ay walang tubig.
Pagkatapos ng maingat na mga eksperimento na nag-alis ng lahat ng posibilidad na may umiiral na buhay sa Mars, inamin ni Horowitz: “Ang hindi pagkasumpong ng buhay sa Mars ay isang kabiguan, ngunit iyon ay nagsisiwalat din ng isang bagay. Yamang ang Mars ang may mga kalagayan na pinakaangkop para pamuhayan sa sistema solar, halos tiyak na ngayon na ang mundo ang tanging planeta na maaaring pamuhayan sa ating rehiyon ng galaksi.”
Angkop na angkop nga na, nang sumulat tungkol sa lupa, ang sinaunang propetang si Isaias ay nagsabi na ito’y “inanyuan [ng Maylikha] nito upang tahanán”! (Isaias 45:18) Ang tubig ay binabanggit maaga sa salaysay ng Bibliya ng paglalang. Maliwanag, ang paglalaan ng tubig bago nilalang ang anumang makalupang buhay ay kailangan. Gaya ng pinatutunayan ng mga misyon sa Mars: Sa labas ng espiritung dako, kung saan walang tubig, doo’y hindi maaaring magkaroon ng buhay.—Genesis 1:1-10.
[Larawan sa pahina 7]
Ang walang buhay na ibabaw ng Mars, bista buhat sa “Viking II”
[Credit Line]
NASA photo