Kabanata 16
Ang Tunay na Diyos at ang Inyong Kinabukasan
“Sa mahiwagang sansinukob na ito, isang bagay ang matitiyak ng Tao. Tiyak na hindi ang Tao ang pinakadakilang espirituwal na presensiya sa Sansinukob. . . . May isa na ang pagka-espirituwal ay mas dakila kaysa Tao . . . . Mithi ng Tao na makipagtalamitam sa presensiya na nasa likod ng kababalaghan, at hanapin ito upang maiayon ang sarili sa sukdulang espirituwal na katotohanang ito.”—An Historian’s Approach to Religion, ni Arnold Toynbee.
1. (Ilakip ang pambungad.) (a) Ano ang nakilala ng mananalaysay na si Toynbee tungkol sa tao at sa sansinukob? (b) Papaano ipinakikilala ng Bibliya ang “sukdulang espirituwal na katotohanan”?
SA KALAKHANG bahagi ng nakalipas na anim na libong taon, naging masigasig man siya o hindi, sinikap ng tao na masumpungan ang “sukdulang espirituwal na katotohanang ito.” Depende sa inyong relihiyon—Hindu, Muslim, Shinto, Budhista, Confuciano, Taoista, Judio, Kristiyano, o iba pa—may tawag kayo sa “sukdulang espirituwal na katotohanang ito.” Subalit sa personang ito ay nagbibigay ang Bibliya ng pangalan, kasarian, at personalidad—si Jehova, ang nabubuhay na Diyos. Kay Cirong Dakila ng Persiya ay sinabi ng natatanging Diyos na ito: “Ako si Jehova, at wala nang iba. Liban sa akin ay walang ibang Diyos. . . . Ako mismo ang gumawa sa lupa at lumikha sa tao rito.”—Isaias 45:5, 12, 18; Awit 68:19, 20.
Si Jehova—Diyos ng Maaasahang Hula
2. Kung gusto natin ng mapanghahawakang impormasyon sa hinaharap, kanino tayo dapat bumaling, at bakit?
2 Si Jehova ang tunay na hantungan ng paghahanap ng tao sa Diyos. Ipinahayag ni Jehova ang sarili bilang isang Diyos ng hula na nagsasabi ng wakas mula sa pasimula. Sinabi niya sa pamamagitan ni propeta Isaias: “Alalahanin ang unang mga bagay noong nakaraan, na Ako ang Banal at walang ibang Diyos, ni sinomang gaya ko; na nagpapahayag ng wakas mula sa pasimula, at mula noong unang panahon ng mga bagay na hindi pa nagaganap; ang Isa na nagsasabi, ‘Ang payo ko ay tatayo, at lahat ng maibigan ko’y aking gagawin’; . . . Aking sinalita; akin ding tutuparin. Aking pinanukala, akin ding gagawin.”—Isaias 46:9-11; 55:10, 11.
3. (a) Anong mga pangyayari ang patiunang makikita sa pamamagitan ng hula sa Bibliya? (b) Ano ang ginawa ni Satanas sa mga di-sumasampalataya, at bakit?
3 Dahil sa mapanghahawakang Diyos ng hula, malalaman natin kung ano ang mangyayari sa pandaigdig na sistema ng bahabahaging mga relihiyon. Mahuhulaan din natin kung ano ang sasapit sa makapangyarihang mga organisasyon ng politika na wari’y umuugit sa kahihinatnan ng daigdig. Higit pa, mahuhulaan natin ang magiging wakas ng “diyos ng sistemang ito,” si Satanas, na “bumulag sa isipan ng mga di sumasampalataya” dahil sa napakaraming relihiyon na naglayo sa tao sa tunay na Diyos, si Jehova. At bakit ginawa ni Satanas ang pambubulag na ito? Upang “hindi nila masilayan ang kaningningan ng maluwalhating mabuting balita hinggil kay Kristo na siyang larawan ng Diyos.”—2 Corinto 4:3, 4; 1 Juan 5:19.
4. Anong mga tanong hinggil sa lupa at kinabukasan ng tao ang dapat sagutin?
4 Maaari din nating malaman ang kung ano ang nasa kabila ng mga inihulang pangyayaring ito. Ano ang magiging pangwakas na kalagayan ng lupa? Marumi? Giba? Ilang? O magpapanibagong-buhay ba ang lupa at ang lahi ng tao? Gaya ng makikita natin, sasagutin ng Bibliya ang lahat ng ito. Ngunit ituon muna natin ang pansin sa mga pangyayari sa malapit na hinaharap.
Ipinakilala ang “Babilonyang Dakila”
5. Ano ang nakita ni Juan sa pangitain?
5 Ang aklat ng Bibliya na Apocalipsis ay inihayag kay apostol Juan sa pulo ng Patmos noong 96 C.E. Gumuguhit ito ng matitingkad na larawan ng mahahalagang pangyayari na magaganap sa panahon ng kawakasan, na ayon sa ebidensiya ng Bibliya, ay siyang panahon na kinaroroonan ng tao mula noong 1914.a Kabilang sa matalinghagang mga larawan na nakita ni Juan sa pangitain ay isang malaswa, mapusok na patutot, na tinatawag na “Babilonyang Dakila, ina ng mga patutot at ng kasuklamsuklam na mga bagay sa lupa.” Ano ang kalagayan niya? “Nakita ko na ang babae ay lasing sa dugo ng mga banal at sa dugo ng mga saksi ni Jesus.”—Apocalipsis 17:5, 6.
6. Bakit hindi kumakatawan ang Babilonyang Dakila sa nagpupunong makapolitikal na elemento ng daigdig?
6 Sino ang isinasagisag ng babae? Hindi na dapat manghula. Sa pamamagitan ng paghahambing, ay mahuhubad natin ang kaniyang balatkayo. Sa pangitain ding yaon ay narinig ni Juan na sinabi ng anghel: “Halika, ipakikita ko sa iyo ang hatol sa bantog na patutot na nakaupo sa maraming tubig, na siyang pinakiapiran ng mga hari sa lupa, samantalang ang mga naninirahan sa lupa ay nalasing sa alak ng kaniyang pakikiapid.” Kung ang mga hari, o pinuno, sa lupa ay nakiapid sa kaniya, ang patutot ay hindi maaaring kumatawan sa makapolitikang mga elemento ng daigdig.—Apocalipsis 17:1, 2, 18.
7. Bakit hindi kumakatawan ang Babilonyang Dakila sa komersiyal na mga elemento? (b) Saan kumakatawan ang Babilonyang Dakila?
7 Sinasabi din ng ulat na “ang mga naglalakbay na mangangalakal sa lupa ay nagsiyaman dahil sa kapangyarihan ng kaniyang garapal na kalayawan.” Kaya ang Babilonyang Dakila ay hindi maaaring kumatawan sa negosyo, o “mga mangangalakal” sa daigdig. Ngunit, sinasabi ng kinasihang kasulatan: “Ang mga tubig na iyong nakita, na kinauupuan ng patutot, ay nangangahulugan ng mga bayan at mga karamihan at mga bansa at mga wika.” Aling mahalagang elemento ng pandaigdig na sistema ang di pa nababanggit at naaangkop sa larawan ng makasagisag na patutot na nakikiapid sa politika, nangangalakal, o may-karangyaang nananaig sa mga bayan, karamihan, bansa, at wika? Ang huwad na relihiyon na may iba’t-ibang balatkayo!—Apocalipsis 17:15; 18:2, 3.
8. Ano pang karagdagang patotoo ang tumitiyak sa pagkakakilanlan ng Babilonyang Dakila?
8 Ang pagkakakilanlang ito ng Babilonyang Dakila ay tinitiyak ng hatol sa kaniya ng isang anghel dahil sa kaniyang “panggagaway [na bunga nito’y] nadaya ang lahat ng mga bansa.” (Apocalipsis 18:23) Lahat ng anyo ng espiritismo ay relihiyoso at kinasihan ng demonyo. (Deuteronomio 18:10-12) Kaya, ang Babilonyang Dakila ay tiyak na sumasagisag sa relihiyon. Ipinakikita ng ebidensiya ng Bibliya na siya ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, na itinataguyod ni Satanas sa isipan ng tao upang ilayo ang kanilang pansin sa tunay na Diyos, si Jehova.—Juan 8:44-47; 2 Corinto 11:13-15; Apocalipsis 21:8; 22:15.
9. Anong magkakatulad na hibla ang umiiral sa maraming relihiyon?
9 Gaya ng nakita natin sa aklat na ito, may magkakatulad na hibla na nakahabi sa masalimuot na kayo ng mga relihiyon sa daigdig. Maraming relihiyon ang nag-uugat sa mitolohiya. Halos lahat ay nagkakaisa sa paniwala na ang kaluluwa ng tao ay hindi namamatay kundi sumasakabilang-buhay o lumilipat sa ibang nilalang. Marami ang may nagkakahawig na paniwala sa nakasisindak na dako ng pahirap at parusa na tinatawag na impiyerno. Ang iba ay pinag-uugnay ng sinaunang paganong mga paniwala sa mga trinidad at inang diyosa. Kaya, angkop lamang na sila ay pagpisanpisanin sa ilalim ng iisang panlahatang sagisag ng patutot na “Babilonyang Dakila.”—Apocalipsis 17:5.
Panahon Na Upang Tumakas sa Huwad na Relihiyon
10. Anong wakas ang inihuhula para sa relihiyosong patutot?
10 Ano ang inihula ng Bibliya na magiging hantungan ng pandaigdig na patutot? Sa makatalinghagang paraan, inilalarawan ng aklat ng Apocalipsis ang pagkapuksa nito sa kamay ng makapolitikang mga elemento. Ang mga ito ay isinasagisag ng “sampung sungay” na tumatangkilik sa Nagkakaisang mga Bansa, “isang mabangis na hayop na kulay-pula” na siyang larawan ng maysala-sa-dugong makapolitikang sistema ni Satanas.—Apocalipsis 16:2; 17:3-16.b
11. (a) Bakit hinahatulan ng Diyos ang huwad na relihiyon? (b) Ano ang mangyayari sa Dakilang Babilonya?
11 Ang pagkawasak ng pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon ni Satanas ang siyang ibubunga ng paghatol ng Diyos sa mga relihiyong ito. Masusumpungan sila na nagkasala ng espirituwal na pakikiapid dahil sa pakikipagsabwatan sa kanilang mapang-aping mga mangingibig sa politika at pagtangkilik ng mga ito. Ang laylayan ng huwad na relihiyon ay nabahiran ng walang-salang dugo dahil sa patriotikong pakikipagtalik sa matataas na pinuno ng bawat bansa sa digmaan. Kaya, ang hatol ni Jehova laban sa Babilonyang Dakila ay inilagay niya sa isipan ng makapolitikang elemento upang tuparin nila ang kaniyang kalooban at puksain ito.—Apocalipsis 17:16-18.
12. Ano ang dapat gawin ngayon upang maligtas kapag pinuksa na ang Babilonya? (b) Anong mga turo ang nagtatangi sa tunay na relihiyon?
12 Yamang ito ang kinabukasang naghihintay sa relihiyon ng daigdig, ano ang dapat ninyong gawin? Ang sagot ay narinig ni Juan sa isang tinig mula sa langit: “Magsilabas kayo sa kaniya, bayan ko, kung hindi ninyo nais na maparamay sa kaniyang mga kasalanan, at kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot. Sapagkat ang kaniyang mga kasalanan ay umabot na hanggang sa langit, at naalaala ng Diyos ang kaniyang mga katampalasanan.” Kaya, panahon na upang sundin ang utos ng anghel na lumabas sa imperyo ng huwad na relihiyon ni Satanas at pumanig sa tunay na pagsamba ni Jehova. (Tingnan ang kahon, pahina 377.)—Apocalipsis 17:17; 18:4, 5; ihambing ang Jeremias 2:34; 51:12, 13.
Malapit Na ang Armagedon
13. Anong mga pangyayari ang malapit nang maganap?
13 Sinasabi ng Apocalipsis na “darating sa isang araw ang kaniyang mga salot, kamatayan at pagluluksa at taggutom, at siya’y lubos na susupukin sa apoy.” Batay sa makahulang mga pahiwatig ng Bibliya, napakalapit na ang “isang araw,” o maigsing panahon ng mabilis na pagpuksa. Sa katunayan, ang pagpuksa sa Babilonyang Dakila ay maghahatid ng “malaking kapighatian” na magwawakas sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat . . . ang Har–Magedon.” Ang giyerang yaon, o digmaan, ng Armagedon ay aakay sa pagkatalo ng makapolitikang sistema ni Satanas at sa kaniyang pagkakabulid sa kalaliman. Magbubukang-liwayway ang bagong sanlibutan!—Apocalipsis 16:14-16; 18:7, 8; 21:1-4; Mateo 24:20-22.
14, 15. Anong hula sa Bibliya ang maliwanag na malapit nang matupad?
14 Sa ngayon, isa pang namumukod-tanging hula sa Bibliya ang nakatakdang matupad sa ating paningin. Si apostol Pablo ay humula at nagbabala: “Datapwat, mga kapatid, tungkol sa mga panahon at bahagi ng mga panahon, hindi na kayo dapat sulatan ng anoman. Sapagkat alam-na-alam na ninyo na ang araw ni Jehova ay darating na gaya ng magnanakaw sa gabi. Kapag sinabi ng mga tao: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ saka darating sa kanila ang biglang pagkawasak na gaya ng kirot sa panganganak ng babaeng nagdadalang-tao; at sa anomang paraa’y hindi sila makakatakas.”—1 Tesalonica 5:1-3.
15 Waring ang mga bansang dati-rati’y nagdidigmaan at may hinala sa isa’t-sa ay dahan-dahang lumalapit sa situwasyon na doo’y kanilang maipapahayag ang pandaigdig na kapayapaan at katiwasayan. Kaya, mula sa isa pang anggulo, nalaman natin na malapit na ang araw ng paghatol ni Jehova sa huwad na relihiyon, sa mga bansa, at sa pinuno nilang si Satanas.—Zefanias 2:3; 3:8, 9; Apocalipsis 20:1-3.
16. Bakit lubhang naaangkop ngayon ang payo ni Juan?
16 Milyun-milyon ngayon ang namumuhay na waring materyal na mga bagay lamang ang mahalaga at namamalagi. Ngunit ang iniaalok ng sanlibutan ay napakababaw at pansamantala lamang. Kaya napakahalaga ang payo ni Juan: “Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan ni ang mga bagay na nasa sanlibutan. Kung sinoman ang umiibig sa sanlibutan, ay wala sa kaniya ang pag-ibig ng Ama; sapagkat ang lahat ng nasa sanlibutan—ang pita ng laman at ang pita ng mga mata at ang maluhong pagpaparangalan sa buhay—ay hindi mula sa Ama, kundi mula sa sanlibutan. Bukod dito, ang sanlibutan ay lumilipas at gayon din ang pita nito, subalit ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay mamamalagi magpakailanman.” Ayaw ba ninyong mamalagi magpakailanman?—1 Juan 2:15-17.
Ang Ipinangakong Bagong Sanlibutan
17. Ano ang inilalaan ng hinaharap para sa mga naghahanap sa tunay na Diyos?
17 Yamang hahatulan ng diyos ang sanlibutan sa pamamagitan ni Kristo Jesus, ano ang susunod? Noong una pa, sa mga Hebreong Kasulatan, inihula ng Diyos na tutuparin niya ang kaniyang orihinal na layunin sa tao sa lupang ito, alalaong baga, ang pagkakaroon ng masunuring sambahayan ng tao na nagtatamasa ng sakdal na buhay sa paraiso. Ang pangako ng Diyos ay hindi napawalang-bisa ng bigong paghihimagsik ni Satanas. Kaya, naisulat ni Haring David: “Sapagkat ang mga masasama ay lilipulin, subalit silang umaasa kay Jehova ay magmamana ng lupa. Sandali na lamang, at ang masasama ay mawawala na . . . Aariin ng mga matuwid ang lupain, at tatahan dito magpakailanman.—Awit 37:9-11, 29; Juan 5:21-30.
18-20. Anong mga pagbabago ang magaganap sa lupa?
18 Ano ang magiging kalagayan ng lupa pagkaraan nito? Lubos na nadumhan? Sunug-na-sunog? Naging ilang? Hindi kailanman! Sa pasimula pa ay layunin na ni Jehova na ang lupa ay maging isang malinis, timbang, malaparaisong parke. Ang potensiyal nito ay umiiral sa kabila ng pag-abuso ng tao sa lupa. Ngunit nangako si Jehova na kaniyang “ipapahamak ang mga nagpapahamak ng lupa.” Ang panganib ng pagkapahamak ng buong globo ay umiral lamang sa ika-20 siglo. Kaya, lalo ngang may dahilan na maniwalang hindi magtatagal at kikilos si Jehova upang ipagsanggalang ang kaniyang ari-arian, ang kaniyang lalang.—Apocalipsis 11:18; Genesis 1:27, 28.
19 Ang pagbabagong ito ay malapit nang maganap sa ilalim ng kaayusan ng Diyos na “bagong langit at bagong lupa.” Hindi ito mangangahulugan ng isang bagong papawirin at bagong planeta, kundi isang bagong espirituwal na pamamahala sa binagong lupa na tahanan ng nagpanibagong-buhay na sangkatauhan. Sa bagong sanlibutan, wala nang dako ang pagsasamantala sa kapuwa-tao o sa hayop. Hindi na magkakaroon ng karahasan o pagbubo ng dugo. Hindi na iiral ang kawalan ng tirahan, ni ang gutom, ni ang pang-aapi.—Apocalipsis 21:1; 2 Pedro 3:13.
20 Sinasabi ng Salita ng Diyos: “ ‘Tiyak na sila’y magtatayo ng mga bahay at kanilang tatahanan ang mga ito; tiyak na sila’y magtatanim ng mga ubasan at kanilang kakanin ang bunga nito. Hindi sila magtatayo at iba ang tatahan; hindi sila magtatanim at iba ang kakain. Sapagkat kung papaano ang mga kaarawan ng punongkahoy ay magiging gayon ang aking bayan; at ang aking mga pinili ay lubos na makikinabang sa gawa ng kanilang kamay. . . . Ang lobo at ang kordero ay manginginaing magkasama, at ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka; at para sa ahas, alabok ang magiging pagkain nito. Hindi sila mananakit o maninira man sa aking buong banal na bundok,’ sabi ni Jehova.”—Isaias 65:17-25.
Ang Pundasyon ng Bagong Sanlibutan
21. Bakit tayo nakatitiyak sa bagong sanlibutan?
21 ‘Papaano magiging posible ang lahat ng ito?’ baka itanong ninyo. Sapagkat “ang Diyos, na hindi nagsisinungaling, ay nangako buhat pa ng mga panahong walang-hanggan” na ang sangkatauhan ay pananauliin at magtatamasa ng walang-hanggang buhay sa kasakdalan. Ang saligan ng pag-asang ito ay ipinahayag ni apostol Pedro sa unang liham niya sa mga kapuwa pinahirang Kristiyano: “Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo, na dahil sa dakila niyang awa ay muli tayong isinilang sa isang buháy na pag-asa sa pamamagitan ng pagkabuhay-na-muli ni Jesu-Kristo mula sa mga patay, sa isang hindi nasisira at hindi nadudumhan at hindi kumukupas na mana.”—Tito 1:1, 2; 1 Pedro 1:3, 4.
22. Ano ang saligan ng pag-asa sa bagong sanlibutan, at bakit?
22 Ang pagkabuhay-na-muli ni Jesu-Kristo ang saligan ng pag-asa sa matuwid na bagong sanlibutan sapagkat siya ay inatasan ng Diyos na mamahala sa nilinis na lupa mula sa langit. Idiniin din ni Pablo ang halaga ang pagkabuhay-na-muli ni Kristo nang sumulat siya: “Datapwat ngayon, si Kristo ay binuhay nga mula sa mga patay, ang unang bunga niyaong mga natutulog sa kamatayan. Sapagkat yamang dumating ang kamatayan dahil sa isang tao, ang pagkabuhay-na-muli ng mga patay ay sa pamamagitan din ng isang tao. At kung papaanong kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin, kay Kristo ang lahat ay bubuhayin.”—1 Corinto 15:20-22.
23. (a) Bakit mahalaga ang pagkabuhay-na-muli ni Kristo? (b) Anong utos ang ibinigay ng binuhay-muling si Jesus sa kaniyang mga alagad?
23 Ang kamatayan ni Kristo bilang hain ay isang katapat na pantubos at ang kaniyang pagkabuhay-na-muli ay naglagay ng saligan ukol sa “isang bagong langit,” ang pamamahala ng Kaharian, at ng binagong-anyo, nagpanibagong-buhay na lahi ng tao, “isang bagong lupa[ng]” lipunan. Ang kaniyang pagkabuhay-na-muli ay nagpasigla rin sa pangangaral at pagtuturo ng kaniyang tapat na mga apostol. Sinasabi ng ulat: “Datapwat, nagpunta ang labing-isang alagad sa Galilea sa bundok na inihanda sa kanila [ng binuhay-na-muling si] Jesus, at nang siya’y makita nila ay nagpatirapa sila, subalit ang ilan ay nag-alinlangan. Kaya lumapit si Jesus, at nagsabi: ‘Lahat ng kapamahalaan ay ibinigay sa akin sa langit at sa lupa. Humayo nga kayo at gawing alagad ang mga tao sa lahat ng bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, at turuan sila na sundin ang lahat ng iniutos ko sa inyo. At, narito! ako’y sumasa inyo lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng pamamalakad ng mga bagay.’ ”—Mateo 19:28, 29; 28:16-20; 1 Timoteo 2:6.
24. Anong karagdagang pagpapala ang ginagarantiyahan ng pagkabuhay-na-muli ni Jesus?
24 Ang pagkabuhay-na-muli ni Jesus ay gumagarantiya sa isa pang pagpapala sa sangkatauhan—ang pagkabuhay-na-muli ng mga patay. Ang pagbabangon ni Jesus kay Lazaro ay maliit na larawan ng mas malawak na pagkabuhay-na-muli sa hinaharap. (Tingnan ang pahina 249-50.) Nasabi na ni Jesus: “Huwag kayong manggilalas, sapagkat darating ang oras na lahat ng nasa alaalang-libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at magsisilabas, ang nagsigawa ng mabuti ay sa pagkabuhay-na-muli sa buhay, ang nagsigawa ng masama ay sa pagkabuhay-na-muli sa paghatol.”—Juan 5:28, 29; 11:39-44; Gawa 17:30, 31.
25. (a) Sa bagong sanlibutan anong pagpipilian ang mapapaharap sa lahat? (b) Anong relihiyon ang mananatili sa bagong sanlibutan?
25 Napakaligaya ang sumalubong sa mga mahal-sa-buhay at malamang na ito’y mararanasan ng bawat henerasyon! Sa bagong sanlibutang yaon, bawat isa ay makapagpapasiya sa ilalim na sakdal na mga kalagayan kung baga siya ay sasamba sa tunay na Diyos, si Jehova, o itatakwil ang kaniyang buhay at sasalansang. Oo, sa bagong sanlibutan, iisa na lamang ang relihiyon, iisang anyo ng pagsamba. Lahat ng papuri ay iuukol sa maibiging Maylikha, at bawat masunuring tao ay uulit sa mga salita ng mang-aawit: “Dadakilain kita, O aking Diyos na Hari, at pupurihin ko ang iyong pangalan sa panahong walang-takda, hanggang sa magpakailanman. . . . Dakila si Jehova at karapatdapat purihin, at ang kadakilaan niya ay hindi kayang arukin.—Awit 145:1-3; Apocalipsis 20:7-10.
26. Bakit dapat suriin ang Salita ng Diyos, ang Bibliya?
26 Ngayong naihambing na ninyo ang pangunahing mga relihiyon sa daigdig, inaanyayahan namin kayo na suriin pang lalo ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, na batayan ng paniwala ng mga Saksi ni Jehova. Patunayan sa sarili na ang tunay na Diyos ay maaaring masumpungan. Kayo man ay Hindu, Muslim, Budhista, Shinto, Confuciano, Taoista, Judio, Kristiyano, o mula sa ibang pananampalataya, panahon na upang suriin ang inyong kaugnayan sa tunay at nabubuhay na Diyos. Malamang na ang inyong relihiyon ay ipinasiya ng dakong inyong sinilangan, na roo’y wala kayong kapangyarihan. Tiyak, walang mawawala kung susuriin ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa Diyos. Maaaring ito ang maging tanging pagkakataon ninyo na talagang makilala ang layunin ng Soberanong Panginoong Diyos para sa lupa at sa sangkatauhang narito. Oo, ang inyong taimtim na paghahanap sa tunay na Diyos ay matutugunan ng pag-aaral sa Bibliya na kasama ng mga mensahero ni Jehova, ang kaniyang mga Saksi, na nagdala ng aklat na ito.
27. (a) Anong anyaya ang ipinaaabot sa inyo ni Jesus? (b) Kasuwato ng tema ng aklat na ito, anong paanyaya ang ipinaaabot ni Isaias?
27 Hindi walang-kabuluhan ang pagsasabi ni Jesus: “Patuloy kayong humingi, at ito ay ipagkakaloob sa inyo; patuloy ninyong hanapin, at inyong masusumpungan; patuloy kayong kumatok, at kayo’y bubuksan.” Mapapabilang kayo sa mga nakasumpong sa tunay na Diyos kung susundin ninyo ang mensahe ni propeta Isaias: “Hanapin ninyo si Jehova, kayong mga tao, samantalang siya ay masusumpungan. Tawagan ninyo siya habang siya ay malapit. Hayaang talikdan ng balakyot ang kaniyang daan, at ng liko ang kaniyang mga pag-iisip; at manumbalik siya kay Jehova, na magpapakita ng awa sa kaniya, at sa ating Diyos, sapagkat siya’y nagpapatawad nang sagana.”—Mateo 7:7; Isaias 55:6, 7.
28. Sino ang makakatulong sa paghahanap sa tunay na Diyos?
28 Kung hinahanap ninyo ang tunay na Diyos, huwag mag-atubiling makipagkita sa mga Saksi ni Jehova.c Malulugod silang tumulong nang walang gugol upang kayo ay magkaroon ng matalik na pagkilala sa Ama at sa kaniyang kalooban samantalang mayroon pang panahon.—Zefanias 2:3.
[Mga talababa]
a Para sa detalyadong pagtalakay ng mga huling araw, tingnan ang Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., 1983, pahina 148-54.
b Para sa detalyadong pagtalakay ng mga hulang ito ng Apocalipsis, tingnan ang aklat na Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., 1988, kabanata 33-37.
c Para sa mga direksiyon, tingnan ang pahina 384.
[Kahon/Larawan sa pahina 377]
Kung Paano Makikilala ang Tunay na Religion
1. Ang tunay na relihiyon ay sumasamba sa iisang tunay na Diyos, si Jehova.—Deuteronomio 6:4, 5; Awit 146:5-10; Mateo 22:37, 38.
2. Ang tunay na relihiyon ay tumutulong sa paglapit sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus.—Juan 17:3, 6-8; 1 Timoteo 2:5, 6; 1 Juan 4:15.
3. Ang tunay na relihiyon ay nagtuturo at nagkakapit ng walang-imbot na pag-ibig.—Juan 13:34, 35; 1 Corinto 13:1-8; 1 Juan 3:10-12.
4. Ang tunay na relihiyon ay hindi nababahiran ng makasanlibutang politika at alitan. Wala itong pinapanigan kung panahon ng digmaan.—Juan 18:36; Santiago 1:27.
5. Hinahayaan ng tunay na relihiyon na maging totoo ang Diyos sa pamamagitan ng pagtanggap sa Bibliya bilang Salita ng Diyos.—Roma 3:3, 4; 2 Timoteo 3:16, 17; 1 Tesalonica 2:13.
6. Ang tunay na relihiyon ay hindi sumasang-ayon sa digmaan o personal na karahasan.—Mikas 4:2-4; Roma 12:17-21; Colosas 3:12-14.
7. Matagumpay na pinagkakaisa ng tunay na relihiyon ang mga tao mula sa lahat ng lahi, wika, at angkan. Hindi ito nagtataguyod ng nasyonalismo o pagkapoot, kundi ng pag-ibig.—Isaias 2:2-4; Colosas 3:10, 11; Apocalipsis 7:9, 10.
8. Itinataguyod ng tunay na relihiyon ang paglilingkod sa Diyos, hindi dahil sa sakim na pakinabang o upa, kundi dahil sa pag-ibig. Hindi ito lumuluwalhati sa tao. Niluluwalhati nito ang Diyos.—1 Pedro 5:1-4; 1 Corinto 9:18; Mateo 23:5-12.
9. Ipinapahayag ng tunay na relihiyon ang Kaharian ng Diyos bilang tunay na pag-asa ng tao, hindi ang alinmang makapolitika o sosyal na pilosopiya.—Marcos 13:10; Gawa 8:12; 28:23, 30, 31.
10. Itinuturo ng tunay na relihiyon ang katotohanan hinggil sa layunin ng Diyos sa tao at sa lupa. Hindi ito nagtuturo ng mga relihiyosong kasinungalingan na gaya ng kaluluwang hindi namamatay at walang-hanggang pahirap sa impiyerno. Itinuturo nito na ang Diyos ay pag-ibig.—Hukom 16:30; Isaias 45:12, 18; Mateo 5:5; 1 Juan 4:7-11; Apocalipsis 20:13, 14.
[Larawan]
Mga Saksi na nangangaral sa Olandiya
[Mga larawan sa pahina 373]
Ang lupa ay may potensiyal sa pagiging paraiso—ukol dito isang permanente, matuwid at pandaigdig na pamahalaan ang kinakailangan, at ito ay ipinapangako ng Diyos
[Larawan sa pahina 374]
Bago bumalik sa langit, iniutos ni Jesus sa mga alagad na mangaral at magturo ng mabuting balita sa buong lupa
[Larawan sa pahina 379]
Ang pagkabuhay-na-muli ng mga patay ay magdudulot ng kagalakan sa sambahayan ng tao sa buong daigdig