Ikasampung Kabanata
“Isang Panahon ng Kabutihang-Loob”
1, 2. (a) Anong pagpapala ang tinamasa ni Isaias? (b) Sino ang sangkot sa mga makahulang salita na nakaulat sa unang kalahatian ng Isaias kabanata 49?
MALAON nang tinatamasa ng lahat ng tapat na mga tao ang pagsang-ayon at proteksiyon ng Diyos. Subalit si Jehova ay hindi nagpapaabot ng kaniyang kabutihang-loob nang basta na lamang. Ang isang tao ay dapat na maging kuwalipikado para sa gayong walang-katulad na pagpapala. Si Isaias ay isa sa naging kuwalipikado rito. Tinamasa niya ang paglingap ng Diyos at ginamit siya ni Jehova bilang instrumento upang ipaalam sa iba ang Kaniyang kalooban. Ang isang halimbawa nito ay nakaulat sa unang kalahatian ng kabanata 49 ng hula ni Isaias.
2 Ang mga salitang ito ay makahulang ipinatutungkol sa binhi ni Abraham. Sa unang katuparan, ang binhing iyan ay ang bansang Israel, na nagmula kay Abraham. Gayunman, ang kalakhang bahagi ng pangungusap ay maliwanag na kumakapit sa matagal-nang-inaasahang Binhi ni Abraham, ang ipinangakong Mesiyas. Ang kinasihang pananalita ay kumakapit din sa espirituwal na mga kapatid ng Mesiyas, na nagiging bahagi ng espirituwal na binhi ni Abraham at ng “Israel ng Diyos.” (Galacia 3:7, 16, 29; 6:16) Pangunahin na, ang bahaging ito ng hula ni Isaias ay naglalarawan ng pantanging ugnayan na umiiral sa pagitan ni Jehova at ng kaniyang minamahal na Anak, si Jesu-Kristo.—Isaias 49:26.
Hinirang at Ipinagsanggalang ni Jehova
3, 4. (a) Anong suporta ang taglay ng Mesiyas? (b) Kanino nakikipag-usap ang Mesiyas?
3 Tinatamasa ng Mesiyas ang kabutihang-loob, o pagsang-ayon ng Diyos. Ibinigay ni Jehova sa kaniya ang awtoridad at kinakailangang kredensiyal para maisakatuparan ang kaniyang misyon. Dahil dito, angkop lamang na sabihin ng magiging Mesiyas: “Pakinggan ninyo ako, O kayong mga pulo, at magbigay-pansin kayo, kayong mga liping pambansa sa malayo. Tinawag ako ni Jehova mula pa sa tiyan. Mula sa mga panloob na bahagi ng aking ina ay binanggit niya ang aking pangalan.”—Isaias 49:1.
4 Dito ay ipinatutungkol ng Mesiyas ang kaniyang sinasabi sa mga bayan mula “sa malayo.” Bagaman ang Mesiyas ay ipinangako sa mga Judio, ang kaniyang ministeryo ay magsisilbing pagpapala sa lahat ng bansa. (Mateo 25:31-33) Ang “mga pulo” at ang “mga liping pambansa,” bagaman walang pakikipagtipan kay Jehova, ay dapat makinig sa Mesiyas ng Israel sapagkat siya’y isinugo upang iligtas ang buong sangkatauhan.
5. Paano pinanganlan ang Mesiyas bago pa man siya isilang bilang isang tao?
5 Sinasabi ng hula na bibigyan ni Jehova ng pangalan ang Mesiyas bago ito isilang bilang isang tao. (Mateo 1:21; Lucas 1:31) Matagal pa bago siya isilang, si Jesus ay pinanganlang “Kamangha-manghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang-hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan.” (Isaias 9:6) Ang Emmanuel, malamang na ang pangalan ng anak ni Isaias, ay lumilitaw na isa ring makahulang pangalan ng Mesiyas. (Isaias 7:14; Mateo 1:21-23) Maging ang ibinigay na pangalan na dito’y makikilala ang Mesiyas—ang Jesus—ay inihula na bago pa man siya isilang. (Lucas 1:30, 31) Ang pangalang ito ay nagmula sa Hebreong salita na nangangahulugang “Si Jehova ay Kaligtasan.” Maliwanag, hindi si Jesus ang nag-atas sa kaniyang sarili upang maging Kristo.
6. Sa anong paraan ang bibig ng Mesiyas ay gaya ng isang tabak na matalas, at paanong siya’y nakatago, o nakakubli?
6 Nagpatuloy ang mga makahulang salita ng Mesiyas: “At ang aking bibig ay ginawa niyang gaya ng isang tabak na matalas. Sa lilim ng kaniyang kamay ay itinago niya ako. At sa kalaunan ay ginawa niya akong isang pinakinis na palaso. Ikinubli niya ako sa kaniyang sariling talanga.” (Isaias 49:2) Nang dumating na ang panahon para sa Mesiyas ni Jehova na pasimulan ang kaniyang ministeryo sa lupa noong 29 C.E., ang mga salita at kilos ni Jesus ay talaga ngang naging gaya ng matalas at pinakinis na mga sandata, na nakatatagos sa puso ng kaniyang mga tagapakinig. (Lucas 4:31, 32) Ang kaniyang mga salita at kilos ay pumukaw sa galit ng mahigpit na kaaway ni Jehova, si Satanas, at ang kaniyang mga kampon. Mula pa nang isilang si Jesus, sinikap na ni Satanas na kunin ang Kaniyang buhay, subalit si Jesus ay gaya ng isang palaso na nakakubli sa sariling talanga ni Jehova.a Buong-pagtitiwalang makaaasa siya sa proteksiyon ng kaniyang Ama. (Awit 91:1; Lucas 1:35) Nang dumating ang takdang panahon, ibinigay ni Jesus ang kaniyang buhay alang-alang sa sangkatauhan. Subalit darating ang panahon na siya’y hahayo bilang isang makapangyarihang mandirigma sa langit na nasasandatahan sa naiibang diwa, ng isang tabak na matalas na lumalabas sa kaniyang bibig. Sa pagkakataong ito, ang tabak na matalas ay kumakatawan sa awtoridad ni Jesus na maghayag at magsakatuparan ng mga kahatulan laban sa mga kaaway ni Jehova.—Apocalipsis 1:16.
Hindi Nawalan ng Kabuluhan ang mga Pagpapagal ng Lingkod ng Diyos
7. Kanino kumakapit ang mga salita ni Jehova sa Isaias 49:3, at bakit?
7 Sinasabi ngayon ni Jehova ang makahulang pananalitang ito: “Ikaw ay aking lingkod, O Israel, ikaw na pagpapakitaan ko ng aking kagandahan.” (Isaias 49:3) Tinutukoy ni Jehova ang bansang Israel bilang kaniyang lingkod. (Isaias 41:8) Subalit si Jesu-Kristo ang pinakapangunahing Lingkod ng Diyos. (Gawa 3:13) Walang mga nilalang ng Diyos ang makapagpapaaninag ng “kagandahan” ni Jehova nang higit kay Jesus. Kaya naman, bagaman literal na ipinatutungkol sa Israel, ang mga salitang ito ay may tunay na pagkakapit kay Jesus.—Juan 14:9; Colosas 1:15.
8. Paano tumugon ang sariling bayan ng Mesiyas sa kaniya, subalit sino ang inaasahan ng Mesiyas na hahatol sa kaniyang tagumpay?
8 Subalit, hindi ba’t totoo na si Jesus ay hinamak at itinakwil ng marami sa kaniyang kababayan? Oo. Sa pangkalahatan, hindi tinanggap ng bansang Israel si Jesus bilang pinahirang Lingkod ng Diyos. (Juan 1:11) Para sa kaniyang mga kontemporaryo, lahat ng nagawa ni Jesus habang nasa lupa ay di-gaanong mahalaga, at wala pa nga itong kabuluhan. Ang sa wari’y pagkabigong ito sa kaniyang ministeryo ay sumunod na tinukoy ng Mesiyas: “Walang saysay ang pagpapagal ko. Inubos ko ang aking lakas sa kabulaanan at kawalang-kabuluhan.” (Isaias 49:4a) Ang mga pangungusap na ito ay hindi naman nangangahulugan na nasiraan na ng loob ang Mesiyas. Tingnan ang sumunod na sinabi niya: “Tunay na ang aking kahatulan ay nasa kay Jehova, at ang aking kabayaran ay nasa aking Diyos.” (Isaias 49:4b) Ang tagumpay ng Mesiyas ay hahatulan, hindi ng mga tao, kundi ng Diyos.
9, 10. (a) Ano ang atas ng Mesiyas mula kay Jehova, at anong mga resulta ang kaniyang natamo? (b) Paano mapatitibay ng mga karanasan ng Mesiyas ang mga Kristiyano sa ngayon?
9 Si Jesus ay pangunahin nang interesado sa pagsang-ayon, o kabutihang-loob, ng Diyos. Sa hula, sinabi ng Mesiyas: “Ngayon si Jehova, ang Isa na nag-anyo sa akin mula sa tiyan bilang lingkod na kaniyang pag-aari, ay nagsabing ibalik ko ang Jacob sa kaniya, upang matipon sa kaniya ang Israel. At ako ay maluluwalhati sa paningin ni Jehova, at ang aking Diyos nga ang magiging aking lakas.” (Isaias 49:5) Dumating ang Mesiyas upang ibaling ang puso ng mga anak ng Israel pabalik sa kanilang makalangit na Ama. Karamihan ay hindi tumugon, subalit may ilan naman na tumugon. Gayunman, ang kaniyang tunay na kabayaran ay nasa Diyos na Jehova. Ang kaniyang tagumpay ay sinusukat, hindi ayon sa pangmalas ng tao, kundi ayon sa sariling mga pamantayan ni Jehova.
10 Sa ngayon, maaaring paminsan-minsan ay nadarama ng mga tagasunod ni Jesus na waring sila’y nagpapagal nang walang saysay. Sa ilang lugar, maaaring sa wari’y walang kabuluhan ang resulta ng kanilang ministeryo kung ihahambing sa dami ng pagpapagal at pagsisikap na ginugol. Gayunman, sila’y nagbabata, palibhasa’y napatibay ng halimbawa ni Jesus. Napalalakas din sila ng mga salita ni apostol Pablo, na sumulat: “Dahil dito, mga kapatid kong minamahal, maging matatag kayo, di-natitinag, na laging maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon, sa pagkaalam na ang inyong pagpapagal may kaugnayan sa Panginoon ay hindi sa walang kabuluhan.”—1 Corinto 15:58.
“Liwanag ng mga Bansa”
11, 12. Paano naging “liwanag ng mga bansa” ang Mesiyas?
11 Sa hula ni Isaias, pinasigla ni Jehova ang Mesiyas sa pamamagitan ng pagpapaalaala sa kaniya na ang pagiging Lingkod ng Diyos ay hindi isang “maliit na bagay.” ‘Ibabangon [ni Jesus] ang mga tribo ni Jacob at ibabalik ang mga iniingatan sa Israel.’ Ipinaliwanag pa ni Jehova: “Ibinigay din kita bilang liwanag ng mga bansa, upang ang aking pagliligtas ay maging hanggang sa dulo ng lupa.” (Isaias 49:6) Paano binigyang liwanag ni Jesus ang mga tao “hanggang sa dulo ng lupa” gayong ang kaniyang ministeryo sa lupa ay limitado lamang sa Israel?
12 Ipinakikita ng ulat ng Bibliya na ang “liwanag ng mga bansa” ng Diyos ay hindi namatay nang mawala si Jesus sa makalupang tanawin. Mga 15 taon pagkamatay ni Jesus, sinipi ng mga misyonerong sina Pablo at Bernabe ang hula sa Isaias 49:6 at ikinapit iyon sa mga alagad ni Jesus, ang kaniyang espirituwal na mga kapatid. Ipinaliwanag nila: “Si Jehova ay nag-utos sa amin sa mga salitang ito, ‘Inatasan kita bilang liwanag ng mga bansa, upang ikaw ay maging kaligtasan hanggang sa dulo ng lupa.’ ” (Gawa 13:47) Bago ang kaniyang sariling kamatayan, nakita ni Pablo na ang mabuting balita ng kaligtasan ay naipahatid hindi lamang sa mga Judio kundi sa “lahat ng nilalang na nasa silong ng langit.” (Colosas 1:6, 23) Sa ngayon, ipinagpapatuloy ng mga nalabi ng pinahirang mga kapatid ni Kristo ang gawaing ito. Sa tulong ng “malaking pulutong” na may bilang na milyun-milyon, sila’y naglilingkod bilang “liwanag ng mga bansa” sa mahigit na 230 lupain sa buong daigdig.—Apocalipsis 7:9.
13, 14. (a) Anong reaksiyon sa gawaing pangangaral ang nakaharap ng Mesiyas at ng kaniyang mga tagasunod? (b) Anong pagbaligtad ng mga pangyayari ang naganap?
13 Napatunayan ngang si Jehova ang lakas na nasa likod ng kaniyang Lingkod na Mesiyas, ng pinahirang mga kapatid ng Mesiyas, at ng lahat niyaong kabilang sa malaking pulutong, na kasama nila sa patuloy na pangangaral ng mabuting balita. Totoo, gaya ni Jesus, ang kaniyang mga alagad ay napaharap sa paghamak at pagsalansang. (Juan 15:20) Subalit sa kaniyang itinakdang panahon, palaging binabaligtad ni Jehova ang mga kalagayan upang iligtas at gantimpalaan ang kaniyang tapat na mga lingkod. Hinggil sa Mesiyas, na “may kaluluwang hinahamak” at “kinasusuklaman ng bansa,” nangako si Jehova: “Ang mga hari mismo ay makakakita at tiyak na babangon, at ang mga prinsipe, at yuyukod sila, dahilan kay Jehova, na tapat, ang Banal ng Israel, na pumipili sa iyo.”—Isaias 49:7.
14 Nang maglaon, sumulat si apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Filipos tungkol sa inihulang pagbaligtad na ito ng mga pangyayari. Inilarawan niya si Jesus bilang isa na hiniya sa isang pahirapang tulos subalit pagkatapos ay itinaas ng Diyos. Ibinigay ni Jehova sa kaniyang Lingkod ang “isang nakatataas na posisyon at may-kabaitang ibinigay sa kaniya ang pangalang nakahihigit sa lahat ng iba pang pangalan, upang sa pangalan ni Jesus ay lumuhod ang bawat tuhod.” (Filipos 2:8-11) Binalaan ang tapat na mga tagasunod ni Kristo na sila man ay pag-uusigin din. Subalit gaya ng Mesiyas, tiniyak sa kanila ang kabutihang-loob ni Jehova.—Mateo 5:10-12; 24:9-13; Marcos 10:29, 30.
“Ang Lalong Kaayaayang Panahon”
15. Anong pantanging “panahon” ang binabanggit sa hula ni Isaias, at ano ang ipinahihiwatig nito?
15 Ang hula ni Isaias ay nagpatuloy sa pamamagitan ng isang pangungusap na may malaking kahalagahan. Sinabi ni Jehova sa Mesiyas: “Sa isang panahon ng kabutihang-loob ay sinagot kita, at sa isang araw ng kaligtasan ay tinulungan kita; at patuloy kitang iningatan upang maibigay kita bilang isang tipan para sa bayan.” (Isaias 49:8a) Isang nakakatulad na hula ang nakaulat sa Awit 69:13-18. Tinukoy ng salmista ang “isang panahon ng kabutihang-loob,” na ginagamit ang pananalitang “isang panahong kaayaaya.” Ang mga terminong ito ay nagpapahiwatig na ang kabutihang-loob at proteksiyon ni Jehova ay ipinaabot sa isang pantanging paraan subalit sa loob lamang ng isang espesipiko at pansamantalang panahon.
16. Ano ang panahon ng kabutihang-loob ni Jehova para sa sinaunang Israel?
16 Kailan ang panahong iyan ng kabutihang-loob? Sa orihinal na eksena, ang mga salita ay bahagi ng isang hula ng pagsasauli at inihula ang pagbabalik ng mga Judio mula sa pagkatapon. Ang bansang Israel ay nakaranas ng isang panahon ng kabutihang-loob nang magawa nilang “ipanauli ang lupain” at mabawi ang kanilang “nakatiwangwang na mga minanang pag-aari.” (Isaias 49:8b) Sila’y hindi na “mga bilanggo” sa Babilonya. Sa kanilang paglalakbay pauwi, tiniyak ni Jehova na sila’y hindi ‘nagutom’ o ‘nauhaw,’ ni ‘sinaktan man sila ng nakapapasong init o ng araw.’ Ang nangalat na mga Israelita ay nagsama-samang pabalik sa kanilang lupang tinubuan ‘mula sa malayo . . . , mula sa hilaga at mula sa kanluran.’ (Isaias 49:9-12) Sa kabila ng unang madulang katuparang ito, ipinakikita ng Bibliya na mayroon pang pinalawak na mga pagkakapit ang hulang ito.
17, 18. Anong panahon ng kabutihang-loob ang itinalaga ni Jehova noong unang siglo?
17 Una, noong isilang si Jesus, inihayag ng mga anghel ang kapayapaan at kabutihang-loob, o paglingap, ng Diyos sa mga tao. (Lucas 2:13, 14) Ang kabutihang-loob na ito ay inialok, hindi sa mga tao sa pangkalahatan, kundi doon lamang sa mga nanampalataya kay Jesus. Pagkaraan ay binasa ni Jesus sa madla ang hula sa Isaias 61:1, 2 at ikinapit iyon sa kaniyang sarili bilang ang tagapaghayag ng “kaayaayang taon ni Jehova.” (Lucas 4:17-21) Binanggit ni apostol Pablo ang tungkol sa pagtanggap ni Kristo ng pantanging proteksiyon ni Jehova noong mga araw ng kaniyang laman. (Hebreo 5:7-9) Kaya ang panahong ito ng kabutihang-loob ay kumakapit sa paglingap ng Diyos kay Jesus sa buong buhay niya bilang tao.
18 Gayunman, may higit pang pagkakapit ang hulang ito. Matapos sipiin ang mga salita ni Isaias hinggil sa panahon ng kabutihang-loob, si Pablo ay nagpatuloy sa pagsasabi: “Narito! Ngayon ang lalong kaayaayang panahon. Narito! Ngayon ang araw ng kaligtasan.” (2 Corinto 6:2) Isinulat ni Pablo ang mga salitang ito 22 taon pagkamatay ni Jesus. Maliwanag na sa pagsilang ng Kristiyanong kongregasyon noong Pentecostes 33 C.E., pinalawak ni Jehova ang kaniyang taon ng kabutihang-loob upang maisama ang pinahirang mga tagasunod ni Kristo.
19. Paano makikinabang ang mga Kristiyano sa ngayon mula sa panahon ng kabutihang-loob ni Jehova?
19 Kumusta naman ang mga tagasunod ni Jesus sa ngayon na hindi pinahiran bilang mga tagapagmana ng makalangit na kaharian ng Diyos? Makikinabang ba yaong mga may makalupang pag-asa mula sa kaayaayang panahong ito? Oo. Ipinakikita ng aklat ng Apocalipsis sa Bibliya na ito ang panahon ng kabutihang-loob sa bahagi ni Jehova para sa malaking pulutong na ‘lalabas mula sa malaking kapighatian’ upang tamasahin ang buhay sa isang paraisong lupa. (Apocalipsis 7:13-17) Kaya nga, maaaring samantalahin ng lahat ng Kristiyano ang limitadong panahong ito ng pag-aalok ni Jehova ng kaniyang kabutihang-loob sa di-sakdal na mga tao.
20. Sa anong paraan maiiwasan ng mga Kristiyano na sumala sa layunin ng di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova?
20 Nagbabala muna si apostol Pablo bago inihayag ang kaayaayang panahon ni Jehova. Siya’y namanhik sa mga Kristiyano na “huwag tanggapin ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos at sumala sa layunin nito.” (2 Corinto 6:1) Alinsunod dito, sinasamantala ng mga Kristiyano ang lahat ng pagkakataon upang paluguran ang Diyos at gawin ang kaniyang kalooban. (Efeso 5:15, 16) Makabubuti para sa kanila na sundin ang babala ni Pablo: “Mag-ingat kayo, mga kapatid, na baka sa paanuman ay tubuan ang sinuman sa inyo ng isang pusong balakyot na walang pananampalataya sa pamamagitan ng paglayo mula sa Diyos na buháy; ngunit patuloy ninyong payuhan ang isa’t isa bawat araw, hangga’t matatawag itong ‘Ngayon,’ dahil baka may sinuman sa inyo na maging mapagmatigas dahil sa mapanlinlang na kapangyarihan ng kasalanan.”—Hebreo 3:12, 13.
21. Sa anong nakagagalak na pangungusap natatapos ang unang bahagi ng Isaias kabanata 49?
21 Sa pagwawakas ng makahulang pananalita sa pagitan ni Jehova at ng kaniyang Mesiyas, binigkas ni Isaias ang isang nakagagalak na pangungusap: “Humiyaw kayo nang may katuwaan, kayong mga langit, at magalak ka, O lupa. Magsaya ang mga bundok na may hiyaw ng katuwaan. Sapagkat inaliw ni Jehova ang kaniyang bayan, at nagpapakita siya ng habag sa kaniyang mga napipighati.” (Isaias 49:13) Kay gaganda ngang salita ng kaaliwan para sa mga Israelita noon at sa dakilang Lingkod ni Jehova, si Jesu-Kristo, gayundin sa pinahirang mga lingkod ni Jehova at sa kanilang mga kasamahang “ibang mga tupa” sa ngayon!—Juan 10:16.
Hindi Kinalilimutan ni Jehova ang Kaniyang Bayan
22. Paano idiniin ni Jehova na hindi niya kailanman kalilimutan ang kaniyang bayan?
22 Nagpatuloy ngayon si Isaias na iulat ang mga kapahayagan ni Jehova. Inihula niya na ang mga tapong Israelita ay palagi na lamang manghihimagod at mawawalan ng pag-asa. Sinabi ni Isaias: “Patuloy na sinasabi ng Sion: ‘Iniwan ako ni Jehova, at nilimot ako ni Jehova.’ ” (Isaias 49:14) Totoo ba ito? Pinabayaan na nga ba ni Jehova ang kaniyang bayan at kinalimutan na sila? Bilang tagapagsalita ni Jehova, nagpatuloy si Isaias: “Malilimutan ba ng asawang babae ang kaniyang pasusuhin anupat hindi niya kahahabagan ang anak ng kaniyang tiyan? Maging ang mga babaing ito ay makalilimot, ngunit ako ay hindi makalilimot sa iyo.” (Isaias 49:15) Napakamaibiging tugon mula kay Jehova! Ang pag-ibig ng Diyos sa kaniyang bayan ay nakahihigit kaysa sa pag-ibig ng isang ina sa kaniyang anak. Palagi niyang iniisip ang mga nagtatapat sa kaniya. Inaalala niya sila na parang ang kanilang mga pangalan ay nakaukit sa kaniyang mga kamay: “Narito! Sa aking mga palad ay inililok kita. Ang iyong mga pader ay laging nasa harap ko.”—Isaias 49:16.
23. Paano pinatibay ni Pablo ang mga Kristiyano na magtiwalang hindi sila kalilimutan ni Jehova?
23 Sa kaniyang liham sa mga taga-Galacia, pinayuhan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano: “Huwag tayong manghihimagod sa paggawa ng kung ano ang mainam, sapagkat sa takdang kapanahunan ay mag-aani tayo kung hindi tayo manghihimagod.” (Galacia 6:9) Para sa mga Hebreo ay isinulat niya ang nakapagpapatibay na mga salita: “Ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan.” (Hebreo 6:10) Huwag nating iisipin kailanman na kinalimutan na ni Jehova ang kaniyang bayan. Gaya ng sinaunang Sion, ang mga Kristiyano ay may mabuting dahilan upang magsaya at matiyagang maghintay kay Jehova. Siya’y naninindigang matatag sa mga kondisyon at pangako ng kaniyang tipan.
24. Sa anong paraan maisasauli ang Sion, at anong mga tanong ang kaniyang ibabangon?
24 Si Jehova, sa pamamagitan ni Isaias, ay nag-alok ng karagdagang kaaliwan. Yaong mga “gumigiba” sa Sion, alinman sa mga taga-Babilonya o sa mga apostatang Judio, ay hindi na isang banta. Ang “mga anak” ng Sion, mga tapong Judio na nananatiling tapat kay Jehova, “ay nagmadali.” Sila’y ‘matitipon.’ Sa pagmamadaling makauwi sa Jerusalem, ang pinabalik na mga Judio ay magiging mga dekorasyon sa kanilang kabiserang lunsod, kung paanong ang “isang kasintahang babae” ay nasusuutan ng “mga palamuti.” (Isaias 49:17, 18) Ang mga dako sa Sion ay ‘nawasak.’ Isip-isipin na lamang ang pagkagulat nito nang bigla itong magkaroon ng maraming naninirahan anupat ang kaniyang tahanang dako ay nagmistulang masikip. (Basahin ang Isaias 49:19, 20.) Mangyari pa, itatanong niya kung saan galing ang lahat ng mga anak na ito: “Tiyak na sasabihin mo sa iyong puso, ‘Kanino ipinanganak ang mga ito para sa akin, samantalang ako ay babaing naulila sa mga anak at baog, yumaon sa pagkatapon at dinalang bilanggo? Ang mga ito naman, sino ang nagpalaki sa kanila? Narito! Ako nga ay naiwang mag-isa. Ang mga ito—saan sila nanggaling?’ ” (Isaias 49:21) Kay sayang okasyon para sa dating baog na Sion!
25. Sa makabagong panahon, anong pagsasauli ang naranasan ng espirituwal na Israel?
25 Ang mga salitang ito ay may makabagong katuparan. Noong mahihirap na taon ng unang digmaang pandaigdig, ang espirituwal na Israel ay dumanas ng isang panahon ng pagkatiwangwang at pagkabihag. Subalit ito’y naisauli at napasaisang espirituwal na paraiso. (Isaias 35:1-10) Gaya ng minsa’y naging wasak na lunsod na inilarawan ni Isaias, ito ay nakasumpong ng lubos na kaluguran—wika nga—sa pagkakaroon ng napakaraming masasaya at aktibong mananamba ni Jehova.
“Isang Hudyat Para sa mga Bayan”
26. Anong tagubilin ang inilaan ni Jehova para sa kaniyang pinalayang bayan?
26 Sa makahulang paraan, dinadala ngayon ni Jehova si Isaias sa panahon na ang Kaniyang bayan ay palalayain na mula sa Babilonya. Sila ba’y tatanggap ng anumang tagubilin mula sa Diyos? Sumagot si Jehova: “Narito! Itataas ko ang aking kamay sa mga bansa, at sa mga bayan ay itatayo ko ang aking hudyat. At dadalhin nila sa kanilang dibdib ang iyong mga anak na lalaki, at papasanin nila sa balikat ang iyong mga anak na babae.” (Isaias 49:22) Sa orihinal na katuparan, ang Jerusalem, na dati’y sentro ng pamahalaan at kinaroroonan ng templo ni Jehova, ay naging “hudyat” ni Jehova. Maging ang tanyag at makapangyarihang mga tao ng ibang mga bansa, gaya ng “mga hari” at “mga prinsesa,” ay tumulong sa mga Israelita sa kanilang paglalakbay pabalik doon. (Isaias 49:23a) Ang mga hari ng Persia na sina Ciro at Artajerjes Longimanus at ang kani-kanilang pamilya ay kabilang sa mga tumulong na ito. (Ezra 5:13; 7:11-26) At ang mga salita ni Isaias ay may higit pang pagkakapit.
27. (a) Sa mas malaking katuparan, sa anong “hudyat” magkakatipon ang mga bayan? (b) Ano ang magiging resulta kapag ang lahat ng bansa ay napilitang yumukod sa pamamahala ng Mesiyas?
27 Ang Isaias 11:10 ay nagsasabi tungkol sa “isang hudyat para sa mga bayan.” Ikinapit ni apostol Pablo ang mga salitang ito kay Kristo Jesus. (Roma 15:8-12) Kaya naman, sa mas malaking katuparan, si Jesus at ang kaniyang pinahiran-ng-espiritung mga kasamang tagapamahala ang “hudyat” ni Jehova na dito’y nagkakatipon ang mga bayan. (Apocalipsis 14:1) Pagdating ng takdang panahon, lahat ng mga bayan sa lupa—maging ang mga uring namiminuno sa ngayon—ay kailangang yumukod sa pamamahala ng Mesiyas. (Awit 2:10, 11; Daniel 2:44) Ang resulta? Sinabi ni Jehova: “Iyo ngang makikilala na ako ay si Jehova, na hindi ikahihiya niyaong mga umaasa sa akin.”—Isaias 49:23b.
“Mas Malapit Na Ngayon ang Ating Kaligtasan”
28. (a) Sa anong mga salita minsan pang tiniyak ni Jehova sa kaniyang bayan na sila’y palalayain? (b) Anong pangako ni Jehova ang may bisa pa rin may kinalaman sa kaniyang bayan?
28 Marahil ay gustong malaman ng ilan sa mga tapon sa Babilonya, ‘Posible nga kayang palayain ang Israel?’ Isinaalang-alang ito ni Jehova sa pamamagitan ng pagtatanong: “Yaon bang mga nakuha na ay makukuha pa mula sa isang makapangyarihang lalaki, o makatatakas ba ang kalipunan ng mga bihag ng maniniil?” (Isaias 49:24) Ang sagot ay oo. Tiniyak sa kanila ni Jehova: “Maging ang kalipunan ng mga bihag ng makapangyarihang lalaki ay kukunin, at yaong mga nakuha na ng maniniil ay makatatakas.” (Isaias 49:25a) Isa ngang nakaaaliw na katiyakan! Isa pa, ang kabutihang-loob ni Jehova sa kaniyang bayan ay may kakambal na pangakong iingatan sila. Sa tiyak na mga kataga, sinabi niya: “Sa sinumang nakikipaglaban sa iyo ay ako ang makikipaglaban, at sa iyong mga anak ay ako ang magliligtas.” (Isaias 49:25b) May bisa pa rin ang pangakong iyan. Gaya ng nakaulat sa Zacarias 2:8, sinabi ni Jehova sa kaniyang bayan: “Siya na humihipo sa inyo ay humihipo sa itim ng aking mata.” Totoo, tinatamasa natin ngayon ang isang panahon ng kabutihang-loob na doon ang mga bayan sa buong lupa ay may pagkakataong matipon sa espirituwal na Sion. Subalit, ang panahong iyan ng kabutihang-loob ay may katapusan.
29. Anong malagim na kinabukasan ang naghihintay doon sa mga tumatangging sumunod kay Jehova?
29 Ano ang mangyayari doon sa mga sutil na tumatangging sumunod kay Jehova at umuusig pa nga sa mga sumasamba sa kaniya? Sinabi niya: “Ipakakain ko sa mga nagmamalupit sa iyo ang kanilang sariling laman; at gaya ng sa matamis na alak ay malalasing sila sa kanilang sariling dugo.” (Isaias 49:26a) Kay lagim na kinabukasan! Ang gayong sutil na mga kalaban ay walang pangmatagalang hinaharap. Sila’y mapupuksa. Kaya naman, kapuwa sa pagliligtas sa kaniyang bayan at sa pagpuksa sa kaniyang mga kaaway, si Jehova ay makikilala bilang isang Tagapagligtas. “Makikilala nga ng lahat ng laman na ako, si Jehova, ay iyong Tagapagligtas at iyong Manunubos, ang Makapangyarihan ng Jacob.”—Isaias 49:26b.
30. Anong mga gawang pagliligtas ang naisagawa na ni Jehova alang-alang sa kaniyang bayan, at ano pa ang kaniyang gagawin?
30 Ang mga salitang iyon ay unang kumapit nang gamitin ni Jehova si Ciro upang palayain ang Kaniyang bayan mula sa pagkaalipin sa Babilonya. Ang mga ito’y kumapit din noong 1919 nang gamitin ni Jehova ang kaniyang iniluklok na Anak, si Jesu-Kristo, upang palayain ang Kaniyang bayan mula sa espirituwal na pagkaalipin. Kaya naman, ang Bibliya ay bumabanggit kapuwa kay Jehova at kay Jesus bilang mga tagapagligtas. (Tito 2:11-13; 3:4-6) Si Jehova ang ating Tagapagligtas, at si Jesus, ang Mesiyas, ang kaniyang “Punong Ahente.” (Gawa 5:31) Tunay nga, ang mga gawang pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo ay kamangha-mangha. Sa pamamagitan ng mabuting balita, pinalalaya ni Jehova ang matuwid-pusong mga tao mula sa pagkaalipin sa huwad na relihiyon. Sa pamamagitan ng haing pantubos, hinahango niya sila mula sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan. Noong 1919, pinalaya niya ang mga kapatid ni Jesus mula sa espirituwal na pagkaalipin. At sa mabilis na dumarating na digmaan ng Armagedon, ililigtas niya ang isang malaking pulutong ng tapat na mga tao mula sa pagkapuksa na sasapit sa mga makasalanan.
31. Paano dapat tumugon ang mga Kristiyano sa pagtanggap ng kabutihang-loob ng Diyos?
31 Kung gayon, kay laking pribilehiyo na makatanggap ng kabutihang-loob ng Diyos! Gamitin sana nating lahat ang kaayaayang panahong ito nang may katalinuhan. At gumawi sana tayo na kasuwato ng pagkaapurahan ng ating panahon, na nakikinig sa mga salita ni Pablo sa mga taga-Roma: “Alam ninyo ang kapanahunan, na oras na upang gumising kayo sa pagkakatulog, sapagkat mas malapit na ngayon ang ating kaligtasan kaysa noong panahong tayo ay maging mga mananampalataya. Ang gabi ay malalim na; ang araw ay malapit na. Kaya nga alisin natin ang mga gawang nauukol sa kadiliman at isuot natin ang mga sandata ng liwanag. Gaya ng sa araw ay lumakad tayo nang disente, hindi sa mga walang-taros na pagsasaya at mga paglalasingan, hindi sa bawal na pakikipagtalik at mahalay na paggawi, hindi sa hidwaan at paninibugho. Kundi ibihis ninyo ang Panginoong Jesu-Kristo, at huwag magplano nang patiuna para sa mga pagnanasa ng laman.”—Roma 13:11-14.
32. Anong mga katiyakan ang taglay ng bayan ng Diyos?
32 Patuloy na lilingapin ni Jehova yaong mga nakikinig sa kaniyang payo. Bibigyan niya sila ng kinakailangang lakas at kakayahan upang maisagawa ang pangangaral ng mabuting balita. (2 Corinto 4:7) Gagamitin ni Jehova ang kaniyang mga lingkod gaya ng paggamit niya sa kanilang Lider, si Jesus. Gagawin niya ang kanilang bibig na “gaya ng isang tabak na matalas” upang maabot nila ang puso ng maaamo taglay ang mensahe ng mabuting balita. (Mateo 28:19, 20) Iingatan niya ang kaniyang bayan “sa lilim ng kaniyang kamay.” Gaya ng “isang pinakinis na palaso,” sila’y ikukubli “sa kaniyang sariling talanga.” Tunay ngang hindi pababayaan ni Jehova ang kaniyang bayan!—Awit 94:14; Isaias 49:2, 15.
[Talababa]
a “Si Satanas, na walang-alinlangang nakakilala kay Jesus bilang ang Anak ng Diyos at ang isa na inihulang susugat sa kaniyang ulo (Gen 3:15), ay gumawa ng lahat ng makakaya niya upang patayin si Jesus. Subalit, nang ipatalastas kay Maria ang paglilihi niya kay Jesus, sinabi sa kaniya ng anghel na si Gabriel: ‘Ang banal na espiritu ay darating sa iyo, at ang kapangyarihan ng Kataas-taasan ay lililim sa iyo. Sa dahilan ding iyan kung kaya ang ipanganganak ay tatawaging banal, Anak ng Diyos.’ (Luc 1:35) Iningatan ni Jehova ang kaniyang Anak. Ang mga pagsisikap na patayin si Jesus noong sanggol pa ito ay hindi nagtagumpay.”—Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 868, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Larawan sa pahina 139]
Ang Mesiyas ay gaya ng “isang pinakinis na palaso” sa talanga ni Jehova
[Larawan sa pahina 141]
Ang Mesiyas ay naging “liwanag ng mga bansa”
[Larawan sa pahina 147]
Ang pag-ibig ng Diyos sa kaniyang bayan ay nakahihigit kaysa sa pag-ibig ng isang ina sa kaniyang anak