Ikalabing-isang Kabanata
“Huwag Ninyong Ilagak ang Inyong Tiwala sa mga Taong Mahal”
1, 2. (a) Anong kinasihang payo ang hindi pinakinggan ng mga Judio, at ano ang naging resulta? (b) Bakit nagtanong si Jehova ng: ‘Nasaan ang kasulatan ng diborsiyo?’
“HUWAG ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga taong mahal, ni sa anak man ng makalupang tao, na sa kaniya ay walang pagliligtas. . . . Maligaya siya na ang kaniyang pinakasaklolo ay ang Diyos ni Jacob, na ang kaniyang pag-asa ay kay Jehova na kaniyang Diyos, ang Maylikha ng langit at ng lupa.” (Awit 146:3-6) Kung gagawin lamang sana ng mga Judiong nabuhay noong kapanahunan ni Isaias ang ipinayo ng salmista! Kung ilalagak lamang sana nila ang kanilang tiwala, hindi sa Ehipto o sa alinmang paganong bansa, kundi sa “Diyos ni Jacob”! Kung gayon, kapag bumangon ang mga kaaway ng Juda laban sa kaniya, kikilos si Jehova upang ingatan siya. Subalit, ayaw ng Juda na bumaling kay Jehova para humingi ng tulong. Bilang resulta, hahayaan ni Jehova na mapuksa ang Jerusalem at dalhing bihag sa Babilonya ang mga naninirahan sa Juda.
2 Walang dapat sisihin ang Juda kundi ang kaniyang sarili. Hindi niya maaaring sabihin na sumapit ang kaniyang pagkapuksa dahil sa nagtaksil si Jehova sa kaniya o kinalimutan ang kaniyang tipan sa bansa. Ang Maylalang ay hindi sumisira sa tipan. (Jeremias 31:32; Daniel 9:27; Apocalipsis 15:4) Bilang pagdiriin sa katotohanang ito, tinanong ni Jehova ang mga Judio: “Nasaan nga ang kasulatan ng diborsiyo ng inyong ina, na pinaalis ko?” (Isaias 50:1a) Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, ang isang lalaki na dumiborsiyo sa kaniyang asawa ay dapat magbigay sa kaniya ng isang kasulatan ng diborsiyo. Malaya na siya kung gayon na mapasa ibang lalaki. (Deuteronomio 24:1, 2) Sa makasagisag na diwa, nagbigay si Jehova ng gayong kasulatan sa kapatid na kaharian ng Juda, ang Israel, subalit hindi niya ito ginawa sa Juda.a Siya pa rin ang “asawang nagmamay-ari” sa kaniya. (Jeremias 3:8, 14) Ang Juda ay tiyak na walang kalayaang makisama sa mga paganong bansa. Ang kaugnayan ni Jehova sa kaniya ay magpapatuloy “hanggang sa dumating ang Shilo [ang Mesiyas].”—Genesis 49:10.
3. Sa anong dahilan “ipinagbili” ni Jehova ang kaniyang bayan?
3 Tinanong din ni Jehova ang Juda: “Kanino ko kayo ipinagbili sa mga pinagkakautangan ko?” (Isaias 50:1b) Ang mga Judio ay hindi dadalhing bihag sa Babilonya upang takpan ang diumano’y pagkakautang ni Jehova. Si Jehova ay hindi gaya ng isang mahirap na Israelita na kailangan pang ipagbili ang kaniyang mga anak sa isang pinagkakautangan upang makabayad sa utang. (Exodo 21:7) Sa halip, tinukoy ni Jehova ang tunay na dahilan kung bakit aalipinin ang kaniyang bayan: “Narito! Dahil sa inyong sariling mga kamalian ay ipinagbili kayo, at dahil sa inyong sariling mga pagsalansang ay pinaalis ang inyong ina.” (Isaias 50:1c) Ang mga Judio mismo ang lumayo kay Jehova; hindi siya ang lumayo sa kanila.
4, 5. Paano ipinakita ni Jehova ang pag-ibig niya sa kaniyang bayan, subalit paano tumugon ang Juda?
4 Ang sumunod na tanong ni Jehova ay maliwanag na nagdiin ng kaniyang pag-ibig sa kaniyang bayan: “Bakit nang dumating ako ay walang sinumang naroon? Nang tumawag ako, walang sinumang sumagot?” (Isaias 50:2a) Sa pamamagitan ng kaniyang mga lingkod na mga propeta, si Jehova ay dumating, wika nga, sa tahanan ng kaniyang bayan upang makiusap sa kanila na bumalik na sa kaniya nang buong puso nila. Subalit ang tugon ay katahimikan. Minabuti pa ng mga Judio na umasa sa makalupang tao para sa suporta, anupat kung minsan ay nanganganlong pa nga sa Ehipto.—Isaias 30:2; 31:1-3; Jeremias 37:5-7.
5 Ang Ehipto ba ay higit na maaasahang tagapagligtas kaysa kay Jehova? Malamang na nalimutan na ng di-tapat na mga Judiong iyon ang mga pangyayari na umakay sa pagsilang ng kanilang bansa ilang siglo na ang nakalilipas. Tinanong sila ni Jehova: “Naging napakaikli na nga ba ng aking kamay anupat hindi ito makatutubos, o sa akin ba ay walang kapangyarihang magligtas? Narito! Sa aking pagsaway ay tinutuyo ko ang dagat; ginagawa kong ilang ang mga ilog. Ang kanilang mga isda ay bumabaho sapagkat walang tubig, at namamatay sila dahil sa uhaw. Dinaramtan ko ng dilim ang langit, at telang-sako ang ginagawa kong pantakip sa kanila.”—Isaias 50:2b, 3.
6, 7. Paano ipinakita ni Jehova ang kaniyang kakayahang magligtas sa harap ng pagbabanta ng Ehipsiyo?
6 Noong 1513 B.C.E., ang Ehipto ang siyang maniniil—hindi ang inaasahang tagapagligtas—ng bayan ng Diyos. Ang mga Israelita ay alipin noon sa paganong lupaing iyan. Subalit iniligtas sila ni Jehova, at tunay ngang isang kapana-panabik na pagliligtas iyon! Nagpasapit muna siya ng Sampung Salot sa lupain. Kasunod ng pinakamapamuksang ikasampung salot, hinimok ng Paraon ng Ehipto ang mga Israelita na umalis na sa bansa. (Exodo 7:14–12:31) Subalit pagkaalis na pagkaalis nila, nagbago ang puso ng Paraon. Tinipon niya ang kaniyang mga kawal at humayo upang puwersahang pabalikin sa Ehipto ang mga Israelita. (Exodo 14:5-9) Dahil sa nasa likuran nila ang katakut-takot na sundalong Ehipsiyo at nasa unahan naman nila ang Dagat na Pula, ang mga Israelita ay nasukol! Subalit naroroon si Jehova upang ipaglaban sila.
7 Pinahinto ni Jehova ang pag-abante ng mga Ehipsiyo sa pamamagitan ng paglalagay ng isang haliging ulap sa pagitan nila at ng mga Israelita. Sa kabilang panig ng makapal na ulap na kinaroroonan ng mga Ehipsiyo ay mayroong kadiliman; sa panig naman ng mga Israelita, mayroong liwanag. (Exodo 14:20) Pagkatapos, habang hindi makaalis sa kanilang kinaroroonan ang mga hukbo ng Ehipsiyo, “pinasimulan ni Jehova na paurungin ang dagat sa pamamagitan ng isang malakas na hanging silangan sa buong magdamag at ang lunas ng dagat ay ginawa niyang tuyong lupa.” (Exodo 14:21) Nang mahati ang tubig, lahat ng tao—mga lalaki, babae, at mga bata—ay nakatawid nang ligtas sa Dagat na Pula. Nang malapit na sa kabilang pampang ang kaniyang bayan, inalis ni Jehova ang ulap. Sa walang-lubay na pagtugis, ang mga Ehipsiyo ay walang-patumanggang sumugod patungo sa pinakasahig ng dagat. Nang ang kaniyang bayan ay ligtas na sa pampang, pinakawalan ni Jehova ang tubig, anupat nalunod si Paraon at ang kaniyang mga hukbo. Sa ganiyang paraan ipinakipaglaban ni Jehova ang kaniyang bayan. Kay laking pampatibay-loob ito para sa mga Kristiyano sa ngayon!—Exodo 14:23-28.
8. Dahil sa pagwawalang-bahala sa anong mga babala kung kaya sa wakas ay naging tapon ang mga naninirahan sa Juda?
8 Pagsapit ng kapanahunan ni Isaias, pitong daang taon na ang nakalipas mula nang maganap ang banal na tagumpay na iyan. Ang Juda ay isa na ngayong bansa sa kaniyang ganang sarili. Paminsan-minsan, pumapasok ito sa diplomatikong pakikipagnegosasyon sa mga dayuhang pamahalaan, gaya ng Asirya at Ehipto. Subalit ang mga lider ng mga paganong bansang ito ay hindi mapagkakatiwalaan. Palagi nilang inuuna ang kanilang sariling kapakanan bago ang anumang pinagkasunduan nila at ng Juda. Sa pagsasalita sa pangalan ni Jehova, binabalaan ng mga propeta ang bayan na huwag magtiwala sa gayong mga tao, subalit ang mga salita ng mga propeta ay hindi pinakinggan. Sa wakas, ang mga Judio ay magiging tapon sa Babilonya upang maging alipin sa loob ng 70 taon. (Jeremias 25:11) Magkagayunman, hindi kalilimutan ni Jehova ang kaniyang bayan, ni itatakwil man niya sila habang panahon. Pagsapit ng takdang panahon, aalalahanin niya sila, at bubuksan niya ang daan upang sila’y makabalik sa kanilang lupang-tinubuan upang isauli ang dalisay na pagsamba. Sa anong layunin? Upang maghanda para sa pagdating ng Shilo, ang isa na pag-uukulan ng pagtalima ng lahat ng tao!
Ang Pagdating ng Shilo
9. Sino ang Shilo, at anong uri siya ng guro?
9 Lumipas ang mga siglo. Dumating na “ang hustong hangganan ng panahon,” at ang isa na tinatawag na Shilo, ang Panginoong Jesu-Kristo, ay lumitaw sa makalupang eksena. (Galacia 4:4; Hebreo 1:1, 2) Ang bagay na hinirang ni Jehova ang kaniyang pinakamatalik na kasama bilang kaniyang Tagapagsalita sa mga Judio ay nagpapakita kung gaano kamahal ni Jehova ang kaniyang bayan. Naging anong uri ba ng tagapagsalita si Jesus? Pinakamagaling na uri! Si Jesus ay hindi lamang tagapagsalita, siya’y isang guro—isang Dalubhasang Guro. Hindi nga iyan kataka-taka, sapagkat mayroon siyang kahanga-hangang Tagapagturo—ang Diyos na Jehova mismo. (Juan 5:30; 6:45; 7:15, 16, 46; 8:26) Ito’y pinatunayan ng makahulang pagsasabi ni Jesus sa pamamagitan ni Isaias: “Binigyan ako ng Soberanong Panginoong Jehova ng dila ng mga naturuan, upang malaman ko kung paano sasagutin ng salita ang pagód. Nanggigising siya uma-umaga; ginigising niya ang aking pandinig upang makarinig na gaya ng mga naturuan.”—Isaias 50:4.b
10. Paano tinularan ni Jesus ang pag-ibig ni Jehova sa Kaniyang bayan, at anong pagtugon ang tinanggap ni Jesus?
10 Bago pumarito sa lupa, si Jesus ay gumawang kapiling ng kaniyang Ama sa langit. Ang matalik na ugnayan ng Ama at Anak ay patuláng inilarawan sa Kawikaan 8:30: “Nasa piling ako [ni Jehova] bilang isang dalubhasang manggagawa, . . . nagagalak sa harap niya sa lahat ng panahon.” Ang pakikinig sa kaniyang Ama ay nagdulot kay Jesus ng malaking kagalakan. Taglay rin niya ang pag-ibig para sa “mga anak ng mga tao” na gaya ng kaniyang Ama. (Kawikaan 8:31) Nang siya’y pumarito na sa lupa, sinagot ni Jesus “ng salita ang pagód.” Pinasimulan niya ang kaniyang ministeryo sa pamamagitan ng pagbabasa ng isang nakaaaliw na talata mula sa hula ni Isaias: “Ang espiritu ni Jehova ay sumasaakin, sapagkat pinahiran niya ako upang magpahayag ng mabuting balita sa mga dukha, . . . upang payaunin ang mga nasisiil nang may paglaya.” (Lucas 4:18; Isaias 61:1) Mabuting balita para sa mga dukha! Ginhawa para sa mga pagód! Laking kagalakan ang dapat sanang idulot sa bayan ng patalastas na iyan! Ang ilan ay talaga namang nagsaya—ngunit hindi lahat. Sa dakong huli, marami ang hindi tumanggap sa mga kredensiyal ni Jesus bilang isa na naturuan ni Jehova.
11. Sino ang nagpasailalim sa pamatok ni Jesus, at ano ang kanilang naranasan?
11 Subalit, ang ilan ay nagnanais na makarinig pa. Sila’y malugod na tumugon sa masiglang paanyaya ni Jesus: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pagiginhawahin ko kayo. Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa.” (Mateo 11:28, 29) Kabilang sa mga lumapit kay Jesus ay ang mga lalaking naging mga apostol niya. Batid nila na ang pagpapasailalim sa pamatok ni Jesus ay nangangahulugan ng mabigat na gawain para sa kanila. Ang gawaing ito ay nagsasangkot, bukod sa ibang bagay, ng pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa mga dulo ng lupa. (Mateo 24:14) Habang nakikibahagi ang mga apostol at iba pang mga alagad sa gawaing ito, nasumpungan nila na talaga nga palang nagdudulot ito ng kaginhawahan sa kanilang mga kaluluwa. Ang gawain ding ito ay isinasagawa ng tapat na mga Kristiyano sa ngayon, at ang pakikibahagi rito ay nagdudulot sa kanila ng nakakatulad na kagalakan.
Hindi Siya Mapaghimagsik
12. Sa anu-anong paraan ipinakikita ni Jesus ang pagkamasunurin niya sa kaniyang makalangit na Ama?
12 Hindi kailanman nalimutan ni Jesus ang kaniyang layunin sa pagparito sa lupa—upang gawin ang kalooban ng Diyos. Inihula ang kaniyang pangmalas sa bagay na ito: “Binuksan ng Soberanong Panginoong Jehova ang aking pandinig, at ako, sa ganang akin, ay hindi naging mapaghimagsik. Hindi ako bumaling sa kabilang direksiyon.” (Isaias 50:5) Si Jesus ay palaging masunurin sa Diyos. Sa katunayan, sinabi pa nga niya: “Ang Anak ay hindi makagagawa ng kahit isang bagay sa sarili niyang pagkukusa, kundi kung ano lamang ang nakikita niyang ginagawa ng Ama.” (Juan 5:19) Sa kaniyang pag-iral bago naging tao, malamang na gumawa na si Jesus kasama ng kaniyang Ama sa loob ng milyun-milyon, bilyun-bilyon pa nga, na mga taon. Pagkatapos na pumarito sa lupa, patuloy pa rin niyang sinusunod ang mga tagubilin ni Jehova. Lalo na tayo, na mga di-sakdal na tagasunod ni Kristo, ang dapat na buong-ingat na gumawa ayon sa ipinag-uutos ni Jehova!
13. Ano ang naghihintay kay Jesus, subalit paano niya ipinakitang malakas ang kaniyang loob?
13 Ang ilan sa mga nagtakwil sa bugtong na Anak ni Jehova ay umusig sa kaniya, at ito man ay inihula rin: “Ang aking likod ay iniharap ko sa mga nananakit, at ang aking mga pisngi doon sa mga bumubunot ng balbas. Ang aking mukha ay hindi ko ikinubli sa kahiya-hiyang mga bagay at sa dura.” (Isaias 50:6) Ayon sa hula, ang Mesiyas ay daranas ng kirot at kahihiyan sa mga kamay ng mga salansang. Batid ito ni Jesus. At alam niya kung hanggang saan aabot ang pag-uusig na ito. Subalit, habang ang kaniyang panahon sa lupa ay patapos na, hindi siya nagpakita ng takot. Taglay ang determinasyon na sintigas ng batong pingkian siya’y nagtungo sa Jerusalem, kung saan magwawakas ang kaniyang buhay-tao. Habang nasa daan patungo roon, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Narito tayo, yumayaong paahon sa Jerusalem, at ang Anak ng tao ay ibibigay sa mga punong saserdote at sa mga eskriba, at hahatulan nila siya ng kamatayan at ibibigay siya sa mga tao ng mga bansa, at gagawin nila siyang katatawanan at duduraan siya at hahagupitin siya at papatayin siya, ngunit pagkaraan ng tatlong araw ay babangon siya.” (Marcos 10:33, 34) Lahat ng balakyot na pagmamaltratong ito ay dulot ng sulsol ng mga tao na dapat sana’y mas nakaaalam—ang mga punong saserdote at mga eskriba.
14, 15. Paano natupad ang mga salita ni Isaias na si Jesus ay hahampasin at hihiyain?
14 Noong gabi ng Nisan 14, 33 C.E., si Jesus ay nasa halamanan ng Getsemani kasama ang ilan sa kaniyang mga tagasunod. Siya’y nananalangin. Kapagdaka, lumitaw ang isang pulutong at siya’y dinakip. Subalit hindi siya natakot. Batid niyang si Jehova ay sumasakaniya. Tiniyak ni Jesus sa kaniyang nahihintakutang mga apostol na kung nanaisin niya, makahihiling siya sa kaniyang Ama na magpadala ng mahigit na labindalawang hukbo ng mga anghel upang iligtas siya, subalit idinagdag niya: “Kung magkagayon, paano matutupad ang Kasulatan?”—Mateo 26:36, 47, 53, 54.
15 Lahat ng inihula hinggil sa mga pagsubok at kamatayan ng Mesiyas ay natupad. Matapos ang madayang paglilitis sa harap ng Sanedrin, si Jesus ay siniyasat ni Poncio Pilato, na siyang nagpahagupit sa kaniya. ‘Hinampas siya [ng mga Romanong sundalo] sa ulo ng isang tambo at dinuraan siya.’ Sa gayon ay natupad ang mga salita ni Isaias. (Marcos 14:65; 15:19; Mateo 26:67, 68) Bagaman hindi sinasabi ng Bibliya na literal na binunot ang ilang buhok sa balbas ni Jesus—na isang kapahayagan ng matinding pag-alipusta—walang-alinlangang nangyari nga ito, gaya ng inihula ni Isaias.c—Nehemias 13:25.
16. Sa harap ng matinding panggigipit, paano gumawi si Jesus, at bakit hindi siya nakadama ng kahihiyan?
16 Nang si Jesus ay tumayo sa harap ni Pilato, hindi siya nagmakaawa na iligtas ang kaniyang buhay kundi siya’y nanatiling mahinahon, palibhasa’y alam niyang dapat siyang mamatay upang matupad ang Kasulatan. Nang ipaliwanag ng Romanong gobernador na may kapangyarihan siyang hatulan si Jesus ng kamatayan o palayain siya, walang-takot na sumagot si Jesus: “Wala ka sanang anumang awtoridad laban sa akin malibang ipinagkaloob ito sa iyo mula sa itaas.” (Juan 19:11) Si Jesus ay isinailalim ng mga sundalo ni Pilato sa di-makataong pagtrato, subalit nabigo silang hiyain siya. Bakit nga siya mahihiya? Hindi naman siya makatarungang pinarurusahan dahil sa anumang paglabag. Sa halip, siya’y pinag-uusig dahil sa katuwiran. Dahil dito, ang higit pang makahulang mga salita ni Isaias ay natupad: “Ang Soberanong Panginoong Jehova ang tutulong sa akin. Kaya naman hindi ako makadarama ng pagkaaba. Kaya nga ginawa kong parang batong pingkian ang aking mukha, at alam ko na hindi ako mapapahiya.”—Isaias 50:7.
17. Sa anong mga paraan laging kaagapay ni Jesus si Jehova sa buong ministeryo niya?
17 Ang kalakasan ng loob ni Jesus ay nagbubuhat sa kaniyang lubos na pagtitiwala kay Jehova. Ang kaniyang pagkilos ay nagpapakitang siya’y lubos na kasuwato ng mga salita ni Isaias: “Ang Isa na nag-aaring matuwid sa akin ay malapit. Sino ang maaaring makipaglaban sa akin? Tumayo kaming magkasama. Sino ang aking katunggali sa paghatol? Lumapit siya sa akin. Narito! Ang Soberanong Panginoong Jehova ang tutulong sa akin. Sino nga ang makapagsasabing balakyot ako? Narito! Silang lahat, tulad ng isang kasuutan, ay maluluma. Isang hamak na tangà ang uubos sa kanila.” (Isaias 50:8, 9) Noong araw ng bautismo ni Jesus, ipinahayag siyang matuwid ni Jehova bilang isang espirituwal na anak ng Diyos. Sa katunayan, narinig ang mismong tinig ng Diyos sa okasyong iyon, na nagsasabi: “Ito ang aking Anak, ang minamahal, na aking sinang-ayunan.” (Mateo 3:17) Nang malapit nang magwakas ang kaniyang buhay sa lupa, habang nakaluhod si Jesus at nananalangin sa halamanan ng Getsemani, ‘isang anghel mula sa langit ang nagpakita sa kaniya at pinalakas siya.’ (Lucas 22:41-43) Kaya batid ni Jesus na sinasang-ayunan ng kaniyang Ama ang landas ng kaniyang buhay. Ang sakdal na Anak na ito ng Diyos ay hindi nakagawa ng kasalanan. (1 Pedro 2:22) May-kabulaanang inakusahan siya ng kaniyang mga kaaway ng pagiging manlalabag ng Sabbath, isang lasenggo, at isang taong inaalihan ng demonyo, subalit si Jesus ay hindi nawalan ng dangal dahil sa kanilang mga kasinungalingan. Ang Diyos ay sumasakaniya, kaya sino ang makalalaban sa kaniya?—Lucas 7:34; Juan 5:18; 7:20; Roma 8:31; Hebreo 12:3.
18, 19. Ano ang mga naranasan ng mga pinahirang Kristiyano na katulad ng kay Jesus?
18 Nagbabala si Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kung pinag-usig nila ako, pag-uusigin din nila kayo.” (Juan 15:20) Di-nagtagal at pinatunayan ng mga pangyayari na totoo nga ito. Noong Pentecostes 33 C.E., ang banal na espiritu ay bumaba sa tapat na mga alagad ni Jesus, at isinilang ang Kristiyanong kongregasyon. Agad na sinikap ng mga lider ng relihiyon na pigilin ang gawaing pangangaral ng tapat na mga lalaki at babaing ito na ngayo’y nakikisama kay Jesus bilang bahagi ng “binhi ni Abraham” at inampon bilang mga espirituwal na anak ng Diyos. (Galacia 3:26, 29; 4:5, 6) Mula noong unang siglo hanggang ngayon, ang mga pinahirang Kristiyano, habang naninindigang matatag para sa katuwiran, ay kinakailangang makipaglaban sa bulaang propaganda at masaklap na pag-uusig mula sa mga kaaway ni Jesus.
19 Gayunman, naaalaala pa rin nila ang nakapagpapatibay na mga salita ni Jesus: “Maligaya kayo kapag dinudusta kayo ng mga tao at pinag-uusig kayo at may-kasinungalingang sinasalita ang bawat uri ng balakyot na bagay laban sa inyo dahil sa akin. Magsaya kayo at lumukso sa kagalakan, yamang malaki ang inyong gantimpala sa langit.” (Mateo 5:11, 12) Kaya naman, kahit sa ilalim ng masasaklap na pag-atake, taas-noo pa rin ang mga pinahirang Kristiyano. Anuman ang sabihin ng kanilang mga kalaban, alam nilang sila’y naipahayag nang matuwid ng Diyos. Sa kaniyang paningin sila’y “walang dungis at malaya sa anumang akusasyon.”—Colosas 1:21, 22.
20. (a) Sino ang sumusuporta sa mga pinahirang Kristiyano, at ano ang kanilang naranasan? (b) Paanong ang mga pinahirang Kristiyano at “ibang mga tupa” ay nagkakaroon ng dila ng mga naturuan?
20 Sa makabagong panahon, ang mga pinahirang Kristiyano ay sinusuportahan ng “isang malaking pulutong” ng “ibang mga tupa.” Ang mga ito ay naninindigan din sa katuwiran. Dahil dito, sila’y nagdusa kasama ng kanilang pinahirang mga kapatid at “nilabhan nila ang kanilang mahahabang damit at pinaputi ang mga iyon sa dugo ng Kordero.” Ipinahayag silang matuwid ni Jehova sa layuning makaligtas sa “malaking kapighatian.” (Apocalipsis 7:9, 14, 15; Juan 10:16; Santiago 2:23) Bagaman waring malakas ang kanilang mga kalaban sa kasalukuyan, sinasabi ng hula ni Isaias na sa itinakdang panahon ng Diyos, ang mga kalabang iyon ay mapatutunayang gaya ng isang kasuutang kinain ng tangà, na karapat-dapat lamang na itapon. Samantala, kapuwa ang mga pinahirang Kristiyano at “ibang mga tupa” ay nakapananatiling malakas sa pamamagitan ng palagiang pananalangin, pag-aaral ng Salita ng Diyos, at pagdalo sa mga pulong para sa pagsamba. Sa gayon sila’y tinuturuan ni Jehova at natututong magsalita na may dila ng mga naturuan.
Magtiwala sa Pangalan ni Jehova
21. (a) Sino ang mga lumalakad sa liwanag, at ano ang ibubunga nito para sa kanila? (b) Ano ang mangyayari sa mga lumalakad sa kadiliman?
21 Pansinin naman ngayon ang malaking kaibahan nito: “Sino sa inyo ang natatakot kay Jehova, na nakikinig sa tinig ng kaniyang lingkod, siyang lumalakad sa namamalaging kadiliman at sa kaniya ay walang liwanag? Magtiwala siya sa pangalan ni Jehova at sumandig siya sa kaniyang Diyos.” (Isaias 50:10) Yaong mga nakikinig sa tinig ng Lingkod ng Diyos, si Jesu-Kristo, ay lumalakad sa liwanag. (Juan 3:21) Hindi lamang nila ginagamit ang banal na pangalang Jehova, kundi pinagtitiwalaan din nila ang nagtataglay ng pangalang iyan. Bagaman noon ay lumakad sila sa kadiliman, ngayon ay hindi na sila natatakot sa tao. Nakasandig sila sa Diyos. Subalit, yaong mga nagpupumilit na lumakad sa kadiliman ay saklot ng takot sa tao. Ganiyan ang nangyari kay Poncio Pilato. Bagaman alam niyang walang kasalanan si Jesus sa mga maling paratang na isinampa laban sa kaniya, takot ang humadlang sa Romanong opisyal na iyan upang palayain si Jesus. Pinatay ng mga Romanong sundalo ang Anak ng Diyos, subalit binuhay siyang muli ni Jehova at pinutungan siya ng kaluwalhatian at karangalan. Kumusta naman si Pilato? Ayon sa Judiong istoryador na si Flavius Josephus, apat na taon lamang pagkamatay ni Jesus, si Pilato ay pinalitan bilang Romanong gobernador at inutusang umuwi sa Roma upang sagutin ang mga paratang ng malubhang pagkakasala laban sa kaniya. Kumusta naman ang mga Judiong nagpapatay kay Jesus? Wala pang apat na dekada pagkaraan, winasak ng hukbo ng Roma ang Jerusalem at pinagpapatay o dinala sa pagkaalipin ang mga naninirahan doon. Walang maningning na liwanag para sa mga pumipili ng kadiliman!—Juan 3:19.
22. Bakit isang malaking kamangmangan na umasa sa mga tao para sa kaligtasan?
22 Malaking kamangmangan ang umasa sa mga tao para sa kaligtasan. Ipinaliwanag ng hula ni Isaias kung bakit: “Narito! Kayong lahat na nagpapaliyab ng apoy, na nagpapaningas ng mga siklab, lumakad kayo sa liwanag ng inyong apoy, at sa gitna ng mga siklab na pinalagablab ninyo. Mula sa aking kamay ay tiyak na magkakaroon kayo nito: Sa matinding kirot ay hihiga kayo.” (Isaias 50:11) Ang mga lider na tao ay pansamantala lamang. Maaaring sandaling mabihag ng isang may-karismang indibiduwal ang pag-iisip ng mga tao. Subalit kahit ang pinakataimtim na tao ay limitado lamang ang maisasagawa. Sa halip na makapagpaliyab ng isang naglalagablab na apoy, gaya ng inaasahan ng kaniyang mga tagasuporta, baka ang magawa lamang niya ay ang makapagsindi ng ilang “siklab,” na nagbibigay ng kaunting liwanag at init subalit agad na namamatay. Sa kabilang panig naman, yaong mga nagtitiwala sa Shilo, ang ipinangako ng Diyos na Mesiyas, ay hindi kailanman mabibigo.
[Mga talababa]
a Sa unang tatlong talata ng Isaias kabanata 50 tal 1-3, inilalarawan ni Jehova ang bansang Juda sa kabuuan bilang kaniyang asawa at ang indibiduwal na naninirahan dito bilang kaniyang mga anak.
b Mula sa Isa 50 talata 4-11 hanggang sa katapusan ng kabanata, lumilitaw na ang manunulat ay nagsasalita hinggil sa kaniyang sarili. Maaaring naranasan ni Isaias ang ilang pagsubok na kaniyang binanggit sa mga talatang ito. Gayunman, sa lubusang diwa nito, ang hula ay natupad kay Jesu-Kristo.
c Kapansin-pansin, sa Septuagint, ang Isaias 50:6 ay kababasahan: “Iniharap ko ang aking likod sa mga panghagupit, at ang aking mga pisngi sa mga sampal.”
[Larawan sa pahina 155]
Ang mga Judio ay umasa sa mga tagapamahalang tao sa halip na kay Jehova
[Larawan sa pahina 156, 157]
Sa Dagat na Pula, iningatan ni Jehova ang kaniyang bayan sa pamamagitan ng paglalagay ng isang haliging ulap sa pagitan nila at ng mga Ehipsiyo