Narito! Ang Sinang-ayunang Lingkod ni Jehova
“Narito! Ang aking lingkod, . . . na sinang-ayunan ng aking kaluluwa!”—ISA. 42:1.
1. Habang papalapit ang Memoryal, pinasisigla ang mga lingkod ni Jehova na gawin ang ano, at bakit?
HABANG papalapit ang paggunita sa kamatayan ni Kristo, pinasisigla ang mga lingkod ng Diyos na sundin ang payo ni apostol Pablo na ‘tuminging mabuti sa Punong Ahente at Tagapagpasakdal ng ating pananampalataya, si Jesus.’ Idinagdag pa ni Pablo: “Maingat nga ninyong pag-isipan ang isa na nagbata ng gayong pasalungat na pananalita ng mga makasalanan laban sa kanilang sariling mga kapakanan, upang hindi kayo manghimagod at manghina sa inyong mga kaluluwa.” (Heb. 12:2, 3) Kung bibigyang-pansin ng mga pinahirang Kristiyano at ng mga kasama nilang ibang tupa ang katapatan ni Kristo hanggang kamatayan, tutulong ito sa kanila na magpatuloy sa tapat na paglilingkod kay Jehova at maiwasang ‘manghina ang kanilang kaluluwa.’—Ihambing ang Galacia 6:9.
2. Ano ang matututuhan natin sa mga hula ni Isaias na may kaugnayan sa Anak ng Diyos?
2 Kinasihan ni Jehova ang propetang si Isaias na sumulat ng mga hulang may tuwirang kaugnayan sa Kaniyang Anak. Tutulong sa atin ang mga ito na ‘tuminging mabuti sa Punong Ahente at Tagapagpasakdal ng ating pananampalataya,’ si Kristo Jesus.a Ang mga hulang ito ay naglalaan ng impormasyon tungkol sa kaniyang personalidad, sa kaniyang pagdurusa, at sa pagdakila sa kaniya bilang ating Hari at Manunubos. Tutulong din ang mga ito upang lumalim ang ating pagkaunawa sa Memoryal, na gugunitain natin sa taóng ito sa Abril 9, Huwebes, pagkalubog ng araw.
Ipinakilala ang Lingkod
3, 4. (a) Sa aklat ng Isaias, kanino kumakapit ang salitang “lingkod”? (b) Paano ipinakilala mismo ng Bibliya ang Lingkod na binabanggit sa Isaias kabanata 42, 49, 50, 52, at 53?
3 Ang salitang “lingkod” ay lumilitaw nang maraming ulit sa aklat ng Isaias. May mga pagkakataong sa propetang iyon mismo kumakapit ang salitang ito. (Isa. 20:3; 44:26) Kung minsan naman ay tumutukoy ito sa buong bansang Israel, o Jacob. (Isa. 41:8, 9; 44:1, 2, 21) Pero kanino naman kaya kumakapit ang namumukod-tanging mga hula tungkol sa Lingkod na nakaulat sa Isaias kabanata 42, 49, 50, 52, at 53? Malinaw na ipinakikita ng Kristiyanong Griegong Kasulatan kung sino ang Lingkod ni Jehova na inilalarawan sa mga kabanatang iyon. Sa aklat ng Mga Gawa, kapansin-pansin na isa sa mga hulang iyon ang binabasa ng opisyal na Etiope nang utusan ng banal na espiritu si Felipe na ebanghelisador na lapitan siya. Hinggil sa nabasa niyang bahagi ng Bibliya na makikita natin ngayon sa Isaias 53:7, 8, nagtanong ang Etiope kay Felipe: “Nagsusumamo ako sa iyo, Tungkol kanino ito sinasabi ng propeta? Tungkol sa kaniyang sarili o tungkol sa iba pang tao?” Ipinaliwanag agad ni Felipe na ang tinutukoy ni Isaias ay ang Mesiyas, si Jesus.—Gawa 8:26-35.
4 Nang sanggol pa lamang si Jesus, inudyukan ng banal na espiritu ang matuwid na lalaking si Simeon na ihayag na “ang batang si Jesus” ay magiging “isang liwanag upang mag-alis ng talukbong mula sa mga bansa,” gaya ng inihula sa Isaias 42:6 at 49:6. (Luc. 2:25-32) Karagdagan pa, ang kahihiyang dinanas ni Jesus noong gabing nililitis siya ay inihula sa Isaias 50:6-9. (Mat. 26:67; Luc. 22:63) Pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E., malinaw na ipinakilala ni apostol Pedro si Jesus bilang ang “Lingkod” ni Jehova. (Isa. 52:13; 53:11; basahin ang Gawa 3:13, 26.) Ano ang matututuhan natin sa mga hulang ito tungkol sa Mesiyas?
Sinanay ni Jehova ang Kaniyang Lingkod
5. Anong pagsasanay ang tinanggap ng Lingkod?
5 Sa isa sa mga hula ni Isaias tungkol sa Lingkod ng Diyos, makikita ang matalik na ugnayan ni Jehova at ng Kaniyang panganay na Anak bago siya naging tao. (Basahin ang Isaias 50:4-9.) Isiniwalat mismo ng Lingkod na patuloy siyang sinasanay ni Jehova nang sabihin niya: “Ginigising niya ang aking pandinig upang makarinig na gaya ng mga naturuan [“mga alagad,” tlb. sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References].” (Isa. 50:4) Sa buong panahong iyon, nakinig ang Lingkod ni Jehova sa kaniyang Ama, natuto mula sa Kaniya, at naging isang mapagpasakop na alagad. Isa ngang natatanging pribilehiyo na maturuan ng Maylalang ng uniberso!
6. Paano ipinakita ng Lingkod ang kaniyang ganap na pagpapasakop sa kaniyang Ama?
6 Sa hulang ito, tinukoy ng Lingkod ang kaniyang Ama bilang ang “Soberanong Panginoong Jehova.” Ipinakikita nito na natutuhan ng Lingkod ang napakahalagang katotohanan na si Jehova ang Soberano ng buong sansinukob. Ipinakita niya ang ganap na pagpapasakop niya sa kaniyang Ama sa pagsasabing: “Binuksan ng Soberanong Panginoong Jehova ang aking pandinig, at ako, sa ganang akin, ay hindi naging mapaghimagsik. Hindi ako bumaling sa kabilang direksiyon.” (Isa. 50:5) “Nasa piling [siya ni Jehova] bilang isang dalubhasang manggagawa” sa paglalang noon sa pisikal na uniberso at sa mga tao. Ang “dalubhasang manggagawa[ng]” ito ay “nagagalak sa harap [ni Jehova] sa lahat ng panahon, na nagagalak sa mabungang lupain ng kaniyang lupa, at ang mga kinagigiliwan [ng Anak ng Diyos] ay nasa mga anak ng mga tao.”—Kaw. 8:22-31.
7. Bakit masasabing may tiwala ang Lingkod sa suporta ng kaniyang Ama noong panahong dumaranas siya ng mga pagsubok?
7 Dahil sa pagsasanay na ito na tinanggap ng Lingkod at sa kaniyang pagkagiliw sa sangkatauhan, naging handa siya sa magiging buhay niya sa lupa at sa matinding pagsalansang na kaniyang haharapin. Patuloy siyang nalugod sa paggawa ng kalooban ng kaniyang Ama, kahit sa harap ng malupit na pag-uusig. (Awit 40:8; Mat. 26:42; Juan 6:38) Sa kabila ng lahat ng pagsubok na dinanas niya sa lupa, nagtiwala si Jesus na taglay niya ang pagsang-ayon at suporta ng kaniyang Ama. Gaya ng inihula ni Isaias, nasabi ni Jesus: “Ang Isa na nag-aaring matuwid sa akin ay malapit. Sino ang maaaring makipaglaban sa akin? . . . Narito! Ang Soberanong Panginoong Jehova ang tutulong sa akin.” (Isa. 50:8, 9) Walang-pagsalang tinulungan ni Jehova ang Kaniyang tapat na Lingkod sa buong ministeryo niya sa lupa, gaya ng ipinakikita ng isa pang hula ni Isaias.
Ang Ministeryo ng Lingkod Noong Nasa Lupa Siya
8. Ano ang nagpapatunay na si Jesus ang “pinili” ni Jehova, gaya ng inihula sa Isaias 42:1?
8 Ganito ang sabi ng ulat ng Bibliya tungkol sa nangyari nang bautismuhan si Jesus noong 29 C.E.: “Ang banal na espiritu . . . ay bumaba sa kaniya, at isang tinig ang nanggaling sa langit: ‘Ikaw ang aking Anak, ang minamahal; ikaw ay aking sinang-ayunan.’” (Luc. 3:21, 22) Sa gayo’y malinaw na ipinakilala ni Jehova ang kaniyang “pinili,” na binabanggit sa hula ni Isaias. (Basahin ang Isaias 42:1-7.) Noong panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa, tinupad ni Jesus ang hulang ito sa isang natatanging paraan. Sa kaniyang Ebanghelyo, sinipi ni Mateo ang mga salitang masusumpungan sa Isaias 42:1-4 at ikinapit ito kay Jesus.—Mat. 12:15-21.
9, 10. (a) Paano tinupad ni Jesus ang Isaias 42:3 noong panahon ng kaniyang ministeryo? (b) Paano ‘nagtanghal ng katarungan’ si Kristo noong nasa lupa siya, at kailan siya ‘magtatatag ng katarungan sa lupa’?
9 Hinamak ng mga Judiong lider ng relihiyon ang mga pangkaraniwang Judio. (Juan 7:47-49) Pinagmalupitan nila ang mga tao, na maitutulad sa mga “lamog na tambo” o mga “linong mitsa” na halos maupos na. Pero si Jesus ay nagmalasakit sa mahihirap at sa mga napipighati. (Mat. 9:35, 36) May-kabaitan niyang inanyayahan ang mga taong ito, na sinasabi: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pagiginhawahin ko kayo.” (Mat. 11:28) Bukod diyan, si Jesus ay ‘nagtanghal ng katarungan’ sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga pamantayan ni Jehova ng tama at mali. (Isa. 42:3) Ipinakita niya na ang pagtupad sa Kautusan ng Diyos ay dapat lakipan ng pagkamakatuwiran at awa. (Mat. 23:23) Nagpakita rin si Jesus ng katarungan sa pamamagitan ng pangangaral nang walang pagtatangi kapuwa sa mayayaman at sa mahihirap.—Mat. 11:5; Luc. 18:18-23.
10 Inihula rin ni Isaias na ang “pinili” ni Jehova ay ‘magtatatag ng katarungan sa lupa.’ (Isa. 42:4) Bilang Hari ng Mesiyanikong Kaharian, lilipulin niya sa malapit na hinaharap ang lahat ng pamahalaan ng tao at papalitan ang mga ito ng kaniyang matuwid na pamamahala. Magtatatag siya ng isang bagong sanlibutan, kung saan “tatahan ang katuwiran.”—2 Ped. 3:13; Dan. 2:44.
Isang “Liwanag” at Isang “Tipan”
11. Paano naging “liwanag ng mga bansa” si Jesus noong unang siglo, at paano niya ito ginaganap hanggang sa ngayon?
11 Bilang katuparan ng Isaias 42:6, si Jesus ay tunay ngang naging “liwanag ng mga bansa.” Noong panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa, nagdala siya ng espirituwal na liwanag pangunahin na sa mga Judio. (Mat. 15:24; Gawa 3:26) Subalit sinabi ni Jesus: “Ako ang liwanag ng sanlibutan.” (Juan 8:12) Siya ay naging liwanag kapuwa sa mga Judio at sa mga bansa hindi lamang sa pamamagitan ng pagdadala ng espirituwal na kaliwanagan, kundi sa paghahain din ng kaniyang sakdal na buhay-tao para tubusin ang buong sangkatauhan. (Mat. 20:28) Matapos siyang buhaying-muli, inatasan niya ang kaniyang mga alagad na maging saksi niya “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Noong panahon ng kanilang ministeryo, sinipi nina Pablo at Bernabe ang pananalitang “liwanag ng mga bansa” at ikinapit ito sa pangangaral na isinasagawa nila sa mga di-Judio. (Gawa 13:46-48; ihambing ang Isaias 49:6.) Isinasagawa pa rin ito hanggang sa ngayon. Sa pamamagitan ng mga pinahirang kapatid ni Jesus at ng kanilang mga kasama, lumalaganap ang espirituwal na liwanag at natutulungan ang mga tao na manampalataya kay Jesus, ang “liwanag ng mga bansa.”
12. Paano ibinigay ni Jehova ang kaniyang Lingkod “bilang isang tipan ng bayan”?
12 Sa hula ring iyan, sinabi ni Jehova sa kaniyang piniling Lingkod: “Iingatan kita at ibibigay kita bilang isang tipan ng bayan.” (Isa. 42:6) Paulit-ulit na tinangka ni Satanas na patayin si Jesus o hadlangan siya sa pagtupad ng kaniyang ministeryo sa lupa, pero iningatan siya ni Jehova hanggang sa dumating ang takdang panahon ng kaniyang kamatayan. (Mat. 2:13; Juan 7:30) Pagkatapos, binuhay-muli ni Jehova si Jesus at ibinigay siya bilang isang “tipan,” o panata, para sa mga tao sa lupa. Ang taimtim na pangakong iyan ay nagbibigay ng katiyakan na ang tapat na Lingkod ng Diyos ay patuloy na magiging “liwanag ng mga bansa,” anupat pinalalaya ang mga nasa espirituwal na kadiliman.—Basahin ang Isaias 49:8, 9.b
13. Sa anong paraan iniligtas ni Jesus “yaong mga nakaupo sa kadiliman” noong panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa, at paano niya ito patuloy na isinasagawa?
13 Bilang katuparan ng panatang ito, kikilos ang piniling Lingkod ni Jehova upang “idilat ang mga matang bulag,” “ilabas mula sa bartolina ang bilanggo,” at iligtas “yaong mga nakaupo sa kadiliman.” (Isa. 42:7) Noong panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa, ginawa niya ito sa pamamagitan ng paghahantad sa huwad na relihiyosong mga tradisyon at ng pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. (Mat. 15:3; Luc. 8:1) Sa gayo’y iniligtas niya mula sa espirituwal na pagkaalipin ang mga Judiong naging alagad niya. (Juan 8:31, 32) Sa katulad na paraan, inililigtas ni Jesus sa espirituwal na paraan ang milyun-milyong di-Judio. Inatasan niya ang kaniyang mga tagasunod na “humayo . . . at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa,” at nangako siyang makakasama siya ng kaniyang mga tagasunod “hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mat. 28:19, 20) Mula sa kaniyang matayog na posisyon sa langit, pinangangasiwaan ni Kristo Jesus ang gawaing pangangaral sa buong daigdig.
Itinaas ni Jehova ang “Lingkod”
14, 15. Bakit at paano itinaas ni Jehova ang kaniyang Lingkod?
14 Sa isa pang hula hinggil sa kaniyang Mesiyanikong Lingkod, sinabi ni Jehova: “Narito! Ang aking lingkod ay kikilos nang may kaunawaan. Siya ay mapapasa mataas na katayuan at tiyak na itataas at dadakilain nang lubha.” (Isa. 52:13) Dahil nakita ni Jehova ang matapat na pagpapasakop ng kaniyang Anak sa Kaniyang soberanya at ang katapatan nito sa ilalim ng pinakamahirap na kalagayan, itinaas siya ni Jehova.
15 Ganito ang isinulat ni apostol Pedro tungkol kay Jesus: “Siya ay nasa kanan ng Diyos, sapagkat pumaroon siya sa langit; at ang mga anghel at ang mga awtoridad at ang mga kapangyarihan ay ipinasakop sa kaniya.” (1 Ped. 3:22) Sa katulad na paraan, isinulat ni apostol Pablo: “Nagpakababa siya at naging masunurin hanggang sa kamatayan, oo, kamatayan sa pahirapang tulos. Sa mismong dahilan ding ito ay dinakila siya ng Diyos sa isang nakatataas na posisyon at may-kabaitang ibinigay sa kaniya ang pangalang nakahihigit sa lahat ng iba pang pangalan, upang sa pangalan ni Jesus ay lumuhod ang bawat tuhod niyaong mga nasa langit at niyaong mga nasa lupa at niyaong mga nasa ilalim ng lupa, at ang bawat dila ay hayagang kumilala na si Jesu-Kristo ay Panginoon sa ikaluluwalhati ng Diyos na Ama.”—Fil. 2:8-11.
16. Paano ‘dinakila nang lubha’ si Jesus noong 1914, at ano ang naisakatuparan niya mula noon?
16 Noong 1914, lalo pang itinaas ni Jehova si Jesus. Siya ay ‘dinakila nang lubha’ nang iluklok siya ni Jehova bilang Hari ng Mesiyanikong Kaharian. (Awit 2:6; Dan. 7:13, 14) Mula noon, si Kristo ay humayo at ‘nanupil sa gitna ng kaniyang mga kaaway.’ (Awit 110:2) Nilupig muna niya si Satanas at ang mga demonyo nito, anupat inihagis ang mga ito sa lupa. (Apoc. 12:7-12) Pagkatapos, bilang ang Lalong Dakilang Ciro, pinalaya ni Kristo ang nalalabi sa kaniyang pinahirang mga kapatid sa lupa mula sa pagkaalipin sa “Babilonyang Dakila.” (Apoc. 18:2; Isa. 44:28) Pinangunahan niya ang isang pambuong-daigdig na gawaing pangangaral na nagbigay-daan upang matipon ang “mga nalalabi” sa kaniyang espirituwal na mga kapatid at pagkatapos ay ang milyun-milyong “ibang mga tupa,” na siyang mga tapat na kasama ng “munting kawan.”—Apoc. 12:17; Juan 10:16; Luc. 12:32.
17. Sa artikulong ito, ano ang mga natutuhan natin sa pag-aaral ng mga hula ni Isaias tungkol sa “lingkod”?
17 Dahil sa pag-aaral ng natatanging mga hulang ito sa aklat ng Isaias, tiyak na lumago ang ating pagpapahalaga kay Kristo Jesus, ang ating Hari at Manunubos. Masasalamin sa pagpapasakop niya bilang isang anak noong panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa ang pagsasanay na tinanggap niya sa kaniyang Ama bago siya isugo sa lupa. Pinatunayan niya ang kaniyang sarili bilang ang “liwanag ng mga bansa” sa pamamagitan ng kaniya mismong ministeryo at ng gawaing pangangaral na pinangangasiwaan niya hanggang sa ngayon. Gaya ng tatalakayin natin sa susunod na artikulo, isinisiwalat ng isa pang hula tungkol sa Mesiyanikong Lingkod na siya ay magdurusa at magbubuwis ng kaniyang buhay alang-alang sa atin, mga bagay na dapat nating ‘maingat na pag-isipan’ habang papalapit ang Memoryal ng kaniyang kamatayan.—Heb. 12:2, 3.
[Mga talababa]
a Masusumpungan mo ang mga hulang ito sa Isaias 42:1-7; 49:1-12; 50:4-9; at 52:13–53:12.
b Para sa pagtalakay ng hula sa Isaias 49:1-12, tingnan ang Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan II, pahina 136-145.
Bilang Repaso
• Sino ang “lingkod” na binabanggit sa mga hula ni Isaias, at paano natin ito nalaman?
• Anong pagsasanay ang tinanggap ng Lingkod mula kay Jehova?
• Paano naging “liwanag ng mga bansa” si Jesus?
• Paano itinaas ang Lingkod?
[Larawan sa pahina 21]
Malinaw na ipinakilala ni Felipe na ang “lingkod” na binabanggit ni Isaias ay si Jesus, ang Mesiyas
[Larawan sa pahina 23]
Ang piniling Lingkod ni Jehova, si Jesus, ay nagmalasakit sa mahihirap at sa mga napipighati
[Larawan sa pahina 24]
Si Jesus ay dinakila ng kaniyang Ama at iniluklok bilang Hari ng Mesiyanikong Kaharian