Tinuturuan ni Jehova Hanggang sa Araw na Ito
‘Si Jehova mismo ang nagbigay sa akin ng dila ng mga naturuan.’—ISAIAS 50:4.
1, 2. (a) Para sa ano inihanda ni Jehova ang kaniyang paboritong mág-aarál, at ano ang resulta? (b) Papaano kinilala ni Jesus ang Pinagmulan ng kaniyang mga turo?
ANG Diyos na Jehova ay isa nang Guro sapol noong siya’y maging isang Ama. Mga ilang panahon pagkaraang maghimagsik ang ilan sa kaniyang mga anak, inihanda niya ang kaniyang paboritong mág-aarál, ang kaniyang Panganay, para sa isang ministeryo sa lupa. (Kawikaan 8:30) Makahulang ipinakikilala ng Isaias kabanata 50 ang mág-aarál na ito na nagsasabi: “Ang Soberanong Panginoong Jehova mismo ang nagbigay sa akin ng dila ng mga naturuan, upang malaman ko kung papaano aalalayan ng salita ang isa na napapagod.” (Isaias 50:4) Bunga ng pagkakapit ng turo ng kaniyang Ama samantalang siya’y nasa lupa, si Jesus ay isang pinanggagalingan ng kaginhawahan sa lahat niyaong ‘napapagod at nabibigatan.’—Mateo 11:28-30.
2 Gumawa si Jesus ng maraming makapangyarihang mga gawa noong unang siglo. Binuksan niya ang mata ng mga bulag at ibinangon pa nga ang mga patay, gayunma’y pangunahin siyang nakilala ng kaniyang mga kapanahon bilang isang guro. Ganiyan ang tawag sa kaniya ng kaniyang mga tagasunod gayundin ng kaniyang mga kaaway. (Mateo 8:19; 9:11; 12:38; 19:16; Juan 3:2) Hindi kailanman inangkin ni Jesus ang kapurihan para sa kaniyang itinuro kundi mapagpakumbabang kinilala: “Ang aking itinuturo ay hindi sa akin, kundi sa kaniya na nagsugo sa akin.” “Kung paanong itinuro sa akin ng Ama aking sinasalita ang mga bagay na ito.”—Juan 7:16; 8:28; 12:49.
Huwarang Ugnayan ng Guro at Mág-aarál
3. Papaano ipinahihiwatig ng hula ni Isaias ang interes ni Jehova doon sa mga tinuturuan niya?
3 Ang isang mahusay na guro ay nag-uukol ng personal, maingat, at maibiging interes sa kaniyang mga mág-aarál. Isinisiwalat ng Isaias kabanata 50 na ang Diyos na Jehova ay may ganiyang uri ng interes sa kaniyang mga tinuturuan. “Gumigising siya tuwing umaga,” ang sabi ng hula, “ginigising niya ang aking tainga upang makinig tulad ng mga naturuan.” (Isaias 50:4) Ipinahihiwatig ng pananalita rito ang isang tagapagturo na maagang ginigising ang kaniyang mga mág-aarál sa umaga upang turuan sila. Sa pagkokomento hinggil sa pagkakapit ng hula, ganito ang sabi ng isang iskolar sa Bibliya: “Ang idea ay, na ang Tagatubos ay magiging . . . isa na, wika nga, nasa paaralan ng Diyos; na magiging kuwalipikadong magturo sa iba. . . . Ang Mesiyas ay magiging kuwalipikadong-kuwalipikado, sa pamamagitan ng pagtuturo ng Diyos, na maging tagapagturo sa sangkatauhan.”
4. Papaano tumugon si Jesus sa pagtuturo ng kaniyang Ama?
4 Dapat sana, ang mga mág-aarál ay tumutugon sa pagtuturo ng kanilang guro. Papaano tumugon si Jesus sa pagtuturo ng kaniyang Ama? Ang kaniyang tugon ay kasuwato ng mababasa natin sa Isaias 50:5: “Ang Soberanong Panginoong Jehova mismo ang nagbukas ng aking tainga, at ako, sa ganang akin, ay hindi mapaghimagsik. Hindi ako bumaling sa kabilang direksiyon.” Oo, si Jesus ay sabik na matuto. Siya, ayon sa kasabihan, ay nagpako ng tainga. Isa pa, handa niyang gawin ang anumang hilingin ng kaniyang Ama. Hindi siya mapaghimagsik; sa halip, sinabi niya: “Maganap nawa, hindi ang aking kalooban, kundi ang sa iyo.”—Lucas 22:42.
5. (a) Ano ang nagpapahiwatig na patiunang alam na ni Jesus ang mga pagsubok na daranasin niya sa lupa? (b) Papaano natupad ang hula sa Isaias 50:6?
5 Ipinahihiwatig ng hula na ipinaalam sa Anak ang posibleng kahihinatnan ng paggawa niya ng kalooban ng Diyos. Ipinakikita ito sa sinasabi ng isa na naturuan: “Inihantad ko ang aking likod sa mga mánanakit, at ang aking mga pisngi sa mga bumubunot ng balbas. Hindi ko ikinubli ang aking mukha sa kahihiyan at paglura.” (Isaias 50:6) Gaya ng ipinahihiwatig ng hula, may kalupitan ang naging pagtrato kay Jesus sa lupa. “Dinuraan nila siya sa mukha,” isinulat ni apostol Mateo. “Sinampal siya ng iba sa mukha.” (Mateo 26:67) Ito’y naganap sa mga kamay ng relihiyosong mga lider noong gabi ng Paskuwa ng 33 C.E. Kinabukasan ay inihantad ni Jesus ang kaniyang likod sa mga mánanakit, yamang siya’y walang-awang binugbog ng mga sundalong Romano bago siya ipako sa tulos upang mamatay.—Juan 19:1-3, 16-23.
6. Ano ang nagpapakita na si Jesus ay hindi kailanman nawalan ng pagtitiwala sa kaniyang Guro, at papaano ginantimpalaan ang kaniyang patitiwala?
6 Ang Anak, na patiunang naturuan nang mainam, ay hindi kailanman nawalan ng pagtitiwala sa kaniyang Guro. Ipinakikita ito ng sumunod na sinabi niya ayon sa hula: “Ang Soberanong Panginoong Jehova mismo ang tutulong sa akin. Kaya hindi ako mapapahiya.” (Isaias 50:7) Ang tiwala ni Jesus sa pagtulong ng kaniyang Guro ay saganang ginantimpalaan. Itinaas siya ng kaniyang Ama, anupat pinagpala siya ng isang nakatataas na posisyon sa ibabaw ng lahat ng iba pang lingkod ng Diyos. (Filipos 2:5-11) Dakilang pagpapala rin naman ang nakalaan sa atin kung masunuring ikakapit natin ang turo ni Jehova at hindi tayo ‘babaling sa kabilang direksiyon.’ Tingnan natin kung papaano inilalaan ang pagtuturong iyan hanggang sa ating kaarawan.
Isang Pinalawak na Programa sa Pagtuturo
7. Papaano isinasagawa ni Jehova ang kaniyang pagtuturo sa lupa?
7 Gaya ng nabanggit na, ginamit ni Jehova ang kaniyang makalupang Kinatawan, si Jesu-Kristo, upang ganapin ang banal na pagtuturo noong unang siglo. (Juan 16:27, 28) Palaging itinuturo ni Jesus ang Salita ng Diyos bilang siyang awtoridad sa kaniyang pagtuturo, anupat naglalaan ng halimbawa para sa mga tinuturuan niya. (Mateo 4:4, 7, 10; 21:13; 26:24, 31) Pagkaraan, ang pagtuturo ni Jehova ay isinagawa sa lupa sa pamamagitan ng ministeryo ng gayong mga naturuan. Alalahanin ang iniutos ni Jesus sa kanila: “Humayo kayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, . . . na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Kapag nakagawa ng mga alagad, ang mga ito ay nagiging bahagi ng “sambahayan ng Diyos, na siyang kongregasyon ng Diyos na buháy.” (1 Timoteo 3:15) Sila rin naman ay binubuo tungo sa indibiduwal na mga kongregasyon na doon sila’y tinuturuan ni Jehova. (Gawa 14:23; 15:41; 16:5; 1 Corinto 11:16) Nagpapatuloy ba ang banal na pagtuturo sa ganiyang paraan hanggang sa ating kaarawan?
8. Papaano ipinakita ni Jesus na ang gawaing pangangaral ay pangangasiwaan sa lupa bago dumating ang wakas?
8 Oo, nagpapatuloy ito! Tatlong araw bago siya mamatay, inihula ni Jesus na bago ang katapusan ng sistemang ito ng mga bagay, magkakaroon ng malaking gawaing pangangaral. “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa,” sabi niya, “at kung magkagayon ay darating ang wakas.” Nagpatuloy si Jesus upang ilarawan ang paraan kung papaano pangangasiwaan ang pambuong-daigdig na programang ito ng pangangaral at pagtuturo. Bumanggit siya tungkol sa “tapat at maingat na alipin” na magsisilbing alulod, o kasangkapan, upang ilaan sa Kaniyang mga lingkod ang espirituwal na pagkain. (Mateo 24:14, 45-47) Ginagamit ng Diyos na Jehova ang “alipin” na ito upang pangasiwaan ang kapakanan ng Kaharian sa buong lupa.
9. Sino ang bumubuo ng tapat at maingat na alipin?
9 Sa ngayon, ang tapat at maingat na alipin ay binubuo ng nalabing mga tagapagmana ng Kaharian. Ito ang mga pinahirang Kristiyano, ang mga nalabi sa lupa ng 144,000, na “kabilang kay Kristo” at bahagi ng “binhi ni Abraham.” (Galacia 3:16, 29; Apocalipsis 14:1-3) Papaano mo makikilala ang tapat at maingat na alipin? Pangunahin na sa pamamagitan ng kanilang gawain at ng kanilang mahigpit na pagsunod sa Salita ng Diyos, ang Bibliya.
10. Anong mga kasangkapan ang ginagamit ng uring alipin upang itaguyod ang mga turo ni Jehova?
10 Ginagamit ni Jehova ang “alipin” na ito bilang kaniyang kasangkapan sa pagtuturo sa mga tao ngayon. Tinatanggap niyaong kabilang sa uring alipin ang pangalang mga Saksi ni Jehova noong 1931. Mula noon milyun-milyon ang nakikisama sa kanila at tumatanggap ng pangalang iyan at nakikibahagi sa paghahayag ng Kaharian ng Diyos. Ang magasing ito, Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova, ang pangunahing kasangkapan na ginagamit ng “alipin” sa gawaing pagtuturo. Gayunman, gumagamit din ng iba pang publikasyon, kasali na ang mga aklat, buklet, brosyur, tract, at ang magasing Gumising!
11. Anong mga paaralan ang itinataguyod ng “alipin,” at para sa anong layunin ang bawat isa sa mga paaralang ito?
11 Bilang karagdagan, ang “alipin” ay nagtataguyod ng iba’t ibang paaralan. Kasali sa mga ito ang Watchtower Bible School of Gilead, na isang limang-buwang kurso ng pagsasanay sa kabataang mga ministro para sa misyonerong atas sa ibang bansa, at ang dalawang-buwang kurso sa Ministerial Training School, na nagsasanay sa walang-asawang matatanda at mga ministeryal na lingkod para sa pantanging mga atas na teokratiko. Nariyan din ang Kingdom Ministry School, na sa pana-panahon ay nagtuturo sa matatanda at ministeryal na lingkod hinggil sa kanilang mga pananagutan sa kongregasyon, at ang Pioneer Service School, na sinasangkapan ang buong-panahong mga ebanghelisador upang maging mas mabisa sa kanilang gawaing pangangaral.
12. Ano ang isang lingguhang bahagi ng programa sa pagtuturo?
12 Isa pang bahagi ng programa sa pagtuturo ay ang limang lingguhang pulong na idinaraos sa mahigit na 75,500 kongregasyon ng bayan ni Jehova sa buong daigdig. Nakikinabang ka ba nang lubusan hangga’t maaari sa mga pulong na ito? Sa iyong pagbubuhos ng pansin sa turong ibinibigay, ipinakikita mo ba na talagang naniniwala ka na ikaw, wika nga, ay nasa paaralan ng Diyos? Ipinahihiwatig ba sa iba ng iyong espirituwal na pagsulong na ikaw ay may “dila ng mga naturuan”?—Isaias 50:4; 1 Timoteo 4:15, 16.
Natuturuan sa mga Pulong ng Kongregasyon
13. (a) Ano ang isang mahalagang paraan na doo’y tinuturuan ni Jehova ang kaniyang bayan sa ngayon? (b) Papaano natin maipakikita ang ating pagpapahalaga sa Ang Bantayan?
13 Partikular na tinuturuan ni Jehova ang kaniyang bayan sa pamamagitan ng lingguhang pag-aaral sa Bibliya na ginagamit Ang Bantayan bilang pantulong sa pagtuturo. Minamalas mo ba ang pulong na ito bilang isang dako na doo’y matuturuan ka ni Jehova? Bagaman ang Isaias 50:4 ay pangunahin nang kumakapit kay Jesus, maaari rin itong kumapit sa lahat niyaong kumukuha para sa kanilang sarili ng mga paglalaan ng Diyos upang tumanggap ng “dila ng mga naturuan.” Ang isang paraan na maipakikita mong pinahahalagahan mo Ang Bantayan ay sa pamamagitan ng pagbabasa ng bawat isyu sa lalong madaling panahon hangga’t maaari pagkatanggap mo nito. Pagkatapos, kapag Ang Bantayan ay pinag-aaralan sa kongregasyon, maipakikita mo ang iyong pagpapahalaga kay Jehova sa pamamagitan ng iyong pagkanaroroon at gayundin sa pagiging handa na gumawa ng pangmadlang pagpapahayag ng iyong pag-asa.—Hebreo 10:23.
14. (a) Bakit gayon na lamang kahalagang pribilehiyo ang pagkokomento sa mga pulong? (b) Anong uri ng komento ng mga kabataan ang totoong nakapagpapatibay?
14 Nauunawaan mo ba na sa pamamagitan ng iyong mga komento sa mga pulong, magkakaroon ka ng bahagi sa dakilang programa ni Jehova sa pagtuturo? Tiyak, ang pagkokomento sa mga pulong ay isang mahalagang paraan na mauudyukan natin ang isa’t isa “sa pag-ibig at sa maiinam na gawa.” (Hebreo 10:24, 25) Maaari bang magkaroon din ng bahagi ang mga bata sa programang ito ng pagtuturo? Oo, maaari. Kalimitan nang nakapagpapatibay sa mga nakatatanda ang taos-pusong komento ng mga kabataan. Kung minsan, ang mga komento ng mga bata ang nakaganyak sa mga baguhan upang magkaroon ng lalong taimtim na interes sa katotohanan ng Bibliya. Nakagawian ng ilang kabataan na tuwirang basahin ang kanilang komento buhat sa parapo o ulitin ang sagot na ibinulong sa kanila ng isang adulto. Gayunman, totoong nakapagpapatibay kapag lubusang naihanda ang kanilang mga komento. Ang gayong pagkokomento ay tunay na nagdudulot ng karangalan sa ating Dakilang Tagapagturo at sa kaniyang itinaas na programa sa pagtuturo.—Isaias 30:20, 21.
15. Ano ang magagawa ng mga magulang upang matulungan ang mga anak na magkomento sa mas mabisang paraan?
15 Isang kagalakan na makita ang mga bata na nagnanais makibahagi sa pagpuri sa ating Diyos. Pinahalagahan ni Jesus ang mga kapahayagan ng papuri buhat sa mga bata. (Mateo 21:15, 16) Ganito ang sabi ng isang Kristiyanong matanda: “Nang ako’y bata pa, ibig kong magkomento sa Pag-aaral sa Bantayan. Pagkatapos na ako’y tulungang maghanda ng isang komento, hihilingin ng aking ama na pagsanayan ko ang komento nang hindi kukulangin sa pitong ulit.” Marahil sa panahon ng inyong pampamilyang pag-aaral sa Bibliya, matutulungan ninyong mga magulang ang inyong mga anak na maghanda ng kanilang mga komento sa kanilang sariling pananalita sa mga piniling parapo sa Ang Bantayan. Tulungan silang pahalagahan ang kanilang malaking pribilehiyo na pakikibahagi sa programa ni Jehova ng pagtuturo.
16. Ano ang naging kapakinabangan ng Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, at sino ang maaaring magpatala sa paaralan?
16 Dapat din namang taimtim na isaalang-alang ang pagtuturo sa iba pang Kristiyanong mga pulong, kapuwa niyaong may pribilehiyo na maghatid ng impormasyon at niyaong nakikinig sa pagtuturong inihaharap. Sa loob ng mahigit na 50 taon na ngayon, ginagamit ni Jehova ang lingguhang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro upang sanayin ang milyun-milyong lalaki at babae na iharap nang mas mabisa ang mensahe ng Kaharian. Yaong mga aktibong nakaugnay sa kongregasyon ay maaaring magpatala, kasali na ang mga taong kamakailan lamang nagsimulang dumalo sa mga pulong, hangga’t sila ay namumuhay nang kasuwato sa mga simulaing Kristiyano.
17. (a) Sa anong layunin pangunahin nang itinatag ang Pangmadlang Pulong? (b) Anong mga bagay ang nararapat tandaan ng mga pangmadlang tagapagsalita?
17 Ang isa pang matagal nang bahagi ng programa sa pagtuturo ay ang Pangmadlang Pulong. Gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan nito, ang pulong na ito ay itinatag pangunahin na upang ipabatid sa mga di-Saksi ang saligang mga turo ng Bibliya. Sa gayon, kailangang iharap ng nagpapahayag ang impormasyon upang ito’y maunawaan niyaong nakikinig ng mensahe sa kauna-unahang pagkakataon. Nangangahulugan ito ng pagpapaliwanag ng mga termino, tulad ng “ibang mga tupa,” “mga kapatid,” at “nalabi,” anupat mga terminong maaaring hindi nauunawaan ng mga di-Saksi. Yamang ang mga taong dumadalo sa mga Pangmadlang Pulong ay marahil may mga paniniwala o istilo ng pamumuhay na lubusang salungat sa Kasulatan—bagaman tinatanggap sa lipunan sa ngayon—ang tagapagsalita ay nararapat na laging mataktika at huwag kutyain ang gayong mga paniniwala o istilo ng pamumuhay.—Ihambing ang 1 Corinto 9:19-23.
18. Ano pa ang ibang lingguhang pulong sa kongregasyon, at ano ang layunin ng mga ito?
18 Ang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ay isang pulong na doo’y pinag-aaralan bawat linggo kasama ng Bibliya ang mga publikasyong inihanda sa ilalim ng pamamatnubay ng tapat at maingat na alipin. Ang aklat na Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito! ang siyang pinag-aaralan sa kasalukuyan sa maraming lupain. Ang Pulong Ukol sa Paglilingkod ay dinisenyo upang sangkapan ang bayan ni Jehova na magkaroon ng lubusang bahagi sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian at sa paggawa ng mga alagad.—Mateo 28:19, 20; Marcos 13:10.
Natuturuan sa Mas Malalaking Pagpupulong
19. Anong mas malalaking pagtitipon ang isinasaayos ng “alipin” bawat taon?
19 Sa loob ng isang daang taon, ang ‘tapat na alipin’ ay nagsasaayos ng mga kombensiyon at mga asamblea para sa pagtuturo at pantanging pagpapatibay-loob sa mga tunay na Kristiyano. Tatlo sa gayong malalaking pagpupulong ang ginaganap ngayon bawat taon. Nariyan ang isang-araw na asamblea na dinadaluhan ng isang grupo ng mga kongregasyon na bumubuo ng isang sirkito. Sa isang taon, ang bawat sirkito ay mayroon ding dalawang-araw na pagtitipon na tinatawag na pansirkitong asamblea. Karagdagan pa, may isang pagtitipon na tinatawag na pandistritong kombensiyon, na dinadaluhan ng ilang sirkito. May mga taon na maaaring magkaroon ng internasyonal na mga kombensiyon. Ang malalaking pagtitipong ito na may mga panauhing Saksi buhat sa maraming bansa ay totoong nakapagpapatibay ng pananampalataya para sa bayan ni Jehova!—Ihambing ang Deuteronomio 16:16.
20. Ano ang walang-pagbabagong idiniriin sa malalaking pagtitipon ng mga Saksi ni Jehova?
20 Noong 1922, nang humigit-kumulang 10,000 ang nagtipon sa Cedar Point, Ohio, E.U.A., napasigla ang mga delegado sa pampatibay-loob ng tagapagsalita: “Ito ang araw ng lahat ng mga araw. Masdan, namamahala na ang Hari! Kayo ang kaniyang mga kinatawang tagapagbalita. Kung gayon, ianunsiyo, ianunsiyo, ianunsiyo, ang Hari at ang kaniyang kaharian.” Walang-pagbabagong idiniriin ang gawaing pangangaral sa gayong malalaking kombensiyon. Halimbawa, sa internasyonal na kombensiyon sa New York City noong 1953, ipinatalastas ang tungkol sa pagtatatag sa lahat ng kongregasyon ng isang programa ng pagsasanay sa pagbabahay-bahay. Ang pagpapatupad nito ay nagkaroon ng totoong positibong epekto sa pangangaral ng Kaharian sa maraming lupain.
Natuturuan ng Diyos Upang Makapagturo
21. Anong pribilehiyo ang ibig nating tanggapin, anupat hindi ipinagwawalang-bahala ang layunin nito?
21 Walang-alinlangan, si Jehova ay may isang kahanga-hangang programa ng pagtuturo sa lupa ngayon! Sinuman na sasamantalahin ito ay maaaring turuan ng Diyos, oo, maaaring makabilang sa mga binigyan ng “dila ng mga naturuan.” Ano ngang laking pribilehiyo ang pagkanaroroon, wika nga, sa paaralan ng Diyos! Datapuwâ, kapag tinatanggap ang pribilehiyong ito, huwag nating ipagwalang-bahala ang layunin nito. Tinuruan ni Jehova si Jesus upang siya naman ay makapagturo sa iba, at tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga alagad upang magawa rin nila ang gayunding gawain subalit sa isang mas malawak na antas. Gayundin naman, tayo ay sinasanay sa dakilang programa ni Jehova ng pagtuturo sa layuning maturuan ang iba.—Juan 6:45; 14:12; 2 Corinto 5:20, 21; 6:1; 2 Timoteo 2:2.
22. (a) Ano ang naging suliranin nina Moises at Jeremias, ngunit papaano iyon nalutas? (b) Anong katiyakan mayroon tayo na pangyayarihin ni Jehova na maisakatuparan ang pangangaral ng Kaharian?
22 Sinasabi mo ba, ang gaya ng sinabi ni Moises, “Ako’y hindi isang matatas na tagapagsalita,” o ang gaya ng sinabi ni Jeremias, “Talagang hindi ako marunong magsalita”? Tutulungan ka ni Jehova na gaya ng pagtulong niya sa kanila. “Ako’y sasaiyong bibig,” sabi niya kay Moises. At kay Jeremias ay sinabi niya: “Huwag kang matakot . . . Ako’y sumasaiyo.” (Exodo 4:10-12; Jeremias 1:6-8) Nang naisin ng mga relihiyosong lider na patahimikin ang kaniyang mga alagad, sinabi ni Jesus: “Kung ang mga ito ay mananatiling tahimik, ang mga bato ang sisigaw.” (Lucas 19:40) Subalit ang mga bato ay hindi na kailangan pang sumigaw noon, at hindi nila kailangang gawin iyon ngayon sapagkat ginagamit ni Jehova ang dila ng kaniyang mga naturuan upang ihatid ang mensahe ng kaniyang Kaharian.
Masasagot Mo Ba?
◻ Anong huwarang ugnayan ng Guro at mág-aarál ang itinatampok sa Isaias kabanata 50?
◻ Papaano isinasagawa ni Jehova ang isang malawak na programa sa pagtuturo?
◻ Ano ang ilang bahagi ng programa ni Jehova sa pagtuturo?
◻ Bakit isang kahanga-hangang pribilehiyo na makibahagi sa programa ni Jehova sa pagtuturo?
[Larawan sa pahina 16]
Kalimitan nang nakapagpapatibay sa mga nakatatanda ang taos-pusong komento ng mga kabataan