ULO
Ang pinakaitaas na bahagi ng katawan ng tao; ang kinaroroonan ng utak at ng mga sangkap ng paningin, pandinig, pang-amoy, at panlasa. Ang ulo (sa Heb., roʼsh; sa Gr., ke·pha·leʹ) ay itinatampok sa Bibliya kapuwa sa literal at sa makasagisag na mga diwa.
Pagdurog o Pagsugat. Masusumpungan sa aklat ng Eclesiastes ang isang metaporikong paglalarawan sa mga epekto ng pagtanda na nauuwi sa kamatayan. (Ec 12:1-7) Inilalarawan ng ‘pagkadurog ng ginintuang mangkok’ ang pagtigil ng paggana ng utak sa tulad-mangkok na bao ng ulo pagkamatay ng isa. Ang kamatayan o pagkapuksa ay isinasagisag naman ng pananalitang ‘pagdurog (o pagbasag) sa ulo.’ (Aw 68:21; 74:13, 14) Sinasabi ng unang hula ng Bibliya (Gen 3:15) na matapos masugatan sa sakong ang ‘binhi ng babae,’ susugatan naman nito ang ulo ng serpiyente. Bilang katuparan, ipinakikita ng ibang mga teksto na ang Serpiyente, si Satanas na Diyablo, ay ikukulong sa isang kalaliman kung saan hindi siya makalalabas sa loob ng isang libong taon at di-magtatagal pagkatapos nito ay lilipulin siya magpakailanman sa “lawa ng apoy,” ang “ikalawang kamatayan.”—Apo 20:1-3, 7, 10, 14; 12:9.
‘Pagtataas ng’ o ‘Pag-aangat sa Ulo ng Isa.’ Nang malugmok dahil sa kahihiyan at kaligaligan, umasa si Haring David kay Jehova bilang kaniyang Kalasag at ang Isa na ‘nagtataas ng kaniyang ulo,’ kung kaya muli niyang naiangat ang kaniyang ulo. (Aw 3:3; ihambing ang Luc 21:28.) Bilang katuparan ng pagpapakahulugan ni Jose sa isang panaginip, ‘iniangat ni Paraon ang ulo’ ng kaniyang punong katiwala ng kopa sa pamamagitan ng pagsasauli rito sa dating katungkulan nito. Ngunit ‘iniangat ni Paraon ang ulo mula sa’ kaniyang punong magtitinapay nang ipapatay niya ito.—Gen 40:13, 19-22.
Pagpapala, Pagpapahid, Panunumpa. Ang ulo ang sangkap ng katawan na pinagtutuunan ng mga pagpapala. (Gen 48:13-20; 49:26) Ang pabor, patnubay, at karunungan ng Diyos ay inihahalintulad sa isang lampara na sumisikat sa ibabaw ng ulo at sa isang putong na panghalina sa ulo. (Job 29:3; Kaw 4:7-9) Sa ulo ibinubuhos ang langis na pamahid. (Lev 8:12; Aw 133:2) Sa kaniyang Sermon sa Bundok, ipinayo ni Jesus na ‘maglangis ng ulo’ kapag nag-aayuno, upang ang isa ay magtinging maayos at hindi magmistulang nagbabanal-banalan at pinagkakaitan ang kaniyang sarili upang purihin siya ng madla. (Mat 6:17, 18) Naging isa sa mahahalagang tanda ng pagkamapagpatuloy ang pagpapahid ng langis sa ulo ng isang panauhin. (Luc 7:46) Nakaugalian noon ng mga Judio na ipanumpa ang kanilang ulo (o buhay), isang gawaing hinatulan ni Jesus.—Mat 5:36, 37; tingnan ang SUMPA Blg. 1.
Kumakatawan sa Tao. Yamang ito ang sangkap na sumusupil sa katawan, ginamit din ang ulo upang kumatawan sa mismong tao. Nang sabihin ni Jesu-Kristo na siya ay “walang dakong mahihigan ng kaniyang ulo,” nangangahulugan ito na wala siyang tirahan na matatawag niyang sariling pag-aari. (Mat 8:20) Ang ulo ng isang Nazareo ay nasa ilalim ng panata, isang bagay na pinatototohanan ng kaniyang mahabang buhok. (Bil 6:5, 18-20) Ang mga kasalanan o mga kamalian ng isang tao ay sinasabing nasa ibabaw ng kaniyang ulo. (Ezr 9:6; Aw 38:4; ihambing ang Dan 1:10.) Ipinakita ni David na pinahahalagahan niya ang saway ng taong matuwid, anupat tinawag niya itong langis na hindi tatanggihan ng kaniyang ulo. (Aw 141:5) Kapag inabutan ng kahatulan ang taong balakyot, sinasabing tinatanggap niya ang kagantihan anupat sumasapit ang kaniyang kasamaan o ang kaniyang kaparusahan sa sarili niyang ulo. (Huk 9:57; 1Sa 25:39; Jer 23:19; 30:23; Joe 3:4, 7; Ob 15; ihambing ang Ne 4:4.) Ang pananalitang ang dugo ng isa ay mapapasakaniyang ulo ay nangangahulugang ang indibiduwal na nagtataguyod ng maling landasin ng pagkilos na karapat-dapat sa hatol na kamatayan ang personal na mananagot sa pagkawala ng kaniyang buhay. (2Sa 1:16; 1Ha 2:37; Eze 33:2-4; Gaw 18:6) Ang pagbabalik sa ulo ng isang tao ng dugo niyaong mga pinatay niya ay nangangahulugang dadalhin siya sa kahatulan dahil sa pagkakasala sa dugo.—1Ha 2:32, 33.
Taun-taon, ipinagtatapat ng mataas na saserdote ng Israel ang mga kasalanan ng bayan habang nakapatong ang kaniyang mga kamay sa ulo ng kambing para kay Azazel (anupat inililipat sa kambing ang mga kasalanan), pagkatapos ay pinakakawalan iyon sa ilang upang dalhin sa malayo ang mga kamaliang ito at malimutan. (Lev 16:7-10, 21, 22) Gaya ng ipinakikita ng ibang mga teksto, personal na ‘dinala ni Jesu-Kristo ang aming mga sakit at pinasan ang aming mga kirot’ at ‘pinasan niya ang mga kasalanan ng marami.’—Isa 53:4, 5; Heb 9:28; 1Pe 2:24.
Ang mga saserdote at ang mga iba pa na ipinaghahandog ng ilang hain ay nagpapatong ng kanilang mga kamay sa ulo ng hayop na papatayin bilang pagkilala na ang haing iyon ay para sa kanila.—Lev 1:2-4; 8:14; Bil 8:12.
Pagkakataas, Pagkapahiya, at Paghamak. Sa ilang bansa, inililibing ang mga kawal kasama ang kanilang mga tabak sa ilalim ng kanilang mga ulo, samakatuwid nga, taglay ang mga parangal na pangmilitar. (Eze 32:27) Ang “mga mata [ng taong marunong] ay nasa kaniyang ulo,” samakatuwid nga, nakikita niya kung saan siya papunta. (Ec 2:14) Ang paglalagay ng alabok, lupa, o abo sa ulo ay nagpapahiwatig ng pagkabagabag, pagdadalamhati, o pagkapahiya. (Jos 7:6; 1Sa 4:12; 2Sa 13:19) Nang isinasalaysay ng salmista ang mga pagsubok at mga paghihirap ng bayan ng Diyos, sinabi niyang dumaan ang mga tao sa ibabaw ng ulo ng Israel. Lumilitaw na tinutukoy niya ang pagsakop sa bayan ng Diyos ng hamak na mga tao ng sanlibutan (ang salitang Hebreo na ginamit ay ʼenohshʹ, “taong mortal”) na malalakas, malulupit, at palalo. (Aw 66:12; ihambing ang Isa 51:23.) Ang pagyukod ng ulo ay isang tanda ng kapakumbabaan o ng pagdadalamhati (Isa 58:5), at ang pag-iling ng ulo ay sumasagisag naman sa pag-alipusta, paghamak, o panggigilalas.—Aw 22:7; Jer 18:15, 16; Mat 27:39, 40; Mar 15:29, 30.
Kabaitan sa mga Kaaway. Inirerekomenda ng Bibliya na pakitunguhan ng isang tao nang may kabaitan ang kaniyang kaaway, “sapagkat sa paggawa nito ay magbubunton ka ng maaapoy na baga sa kaniyang ulo.” (Ro 12:20; Kaw 25:21, 22) Ang metaporang ito ay hinalaw sa sinaunang proseso ng pagtunaw sa metal, kung saan binubuntunan ng mga baga ang ibabaw ng inambato na nakapatong din sa mga baga. Sa gayunding paraan, palalambutin at tutunawin ng kabaitan ang matigas na puso ng isang tao, anupat ihihiwalay nito ang mga dumi ng kasamaan at palalabasin ang kaniyang mabubuting katangian.
Posisyon ng Pamamahala. Ang “ulo” ay maaaring tumukoy sa pangunahing miyembro ng isang pamilya, tribo, bansa, o pamahalaan. (Huk 11:8; 1Sa 15:17; 1Ha 8:1; 1Cr 5:24) Ang “ulo ng pamilya” sa literal ay “patriyarka” (sa Gr., pa·tri·arʹkhes). (Gaw 2:29; 7:8, 9; Heb 7:4) Kung ang Israel mismo ay magiging masunurin sa Diyos, ito ay mapapasa-ulunan ng mga bansa, o mangingibabaw, sa diwa na ang bansang ito ay magiging malaya at masagana, anupat magkakautang pa nga sa kanila ang ibang mga bansa. (Deu 28:12, 13) Kung susuway naman ang mga Israelita, ang naninirahang dayuhan ang magpapahiram sa kanila, anupat magiging ulo nila.—Deu 28:43, 44.
Ang pitong ulo ng dragon. Ang “dragon” na nakita sa langit sa pangitain ng apostol na si Juan ay may pitong ulo. Ipinakikilala ito bilang ang Diyablo. (Apo 12:3, 9) Karagdagan pa, ang “mabangis na hayop” sa lupa, na tumatanggap ng kapangyarihan nito mula sa dragon, at gayundin ang “kulay-iskarlatang mabangis na hayop” ay kapuwa inilalarawang may pitong ulo, at maliwanag na ang mga ulong ito ay ginagamit upang kumatawan sa mga kapangyarihang pandaigdig. (Apo 13:1; 17:3, 9, 10; ihambing ang Dan 2:32, 37, 38, kung saan tinatawag na “ulo” ang dinastiya ni Haring Nabucodonosor.) Kaya naman, maliwanag na ang pitong may-diademang ulo ng Dragon ay tumutukoy sa pagkaulo ni Satanas sa pitong kapangyarihang pandaigdig sa hula ng Bibliya.—Efe 6:12; tingnan ang HAYOP, MAKASAGISAG NA MGA.
Ang Ulo ng Kongregasyong Kristiyano. Sa kongregasyong Kristiyano, si Jesu-Kristo ang Ulo ng kongregasyon, na kaniyang “katawan” at binubuo ng 144,000 miyembro. (Efe 1:22, 23; Col 1:18; Apo 14:1) Palibhasa’y nagtataglay ng imortalidad, siya ang laging-buháy na sangkap na tagapag-ugnay ng katawan, o kalipunan, ng inianak-sa-espiritung mga Kristiyano sa lupa sa alinmang partikular na panahon, anupat inilalaan niya ang lahat ng bagay na kinakailangan upang lumaki sila sa espirituwal at makakilos sa ikaluluwalhati ng Diyos. (1Co 12:27; Efe 4:15, 16; Col 2:18, 19) Kung paanong ang materyal na templo ay may “pangulong-bato” (Zac 4:7), si Jesus naman ang pangulong-bato ng isang espirituwal na templo (Gaw 4:8-11; 1Pe 2:7) at ang ulo ng lahat ng pamahalaan at awtoridad sa ilalim ng Diyos, na siyang Ulo ng lahat. (Col 2:10; 1Co 11:3) Inihahalintulad ng Bibliya ang posisyon ni Kristo bilang ulo ng kongregasyon sa posisyon ng asawang lalaki may kaugnayan sa kaniyang asawang babae, upang idiin sa mga mag-asawa ang pangangasiwa, pag-ibig, at pangangalaga na dapat ipakita ng asawang lalaki at ang pagpapasakop na dapat namang ipamalas ng asawang babae sa kanilang kaugnayang pangmag-asawa.—Efe 5:22-33.
Habang ginagamit ang simulain ng pangunahing pagkaulo ng Diyos, ang Ulo ni Kristo, at ng may-pasubaling pagkaulo ng lalaki sa babae, inilalahad ng apostol na si Pablo ang simulaing uugit sa kongregasyong Kristiyano, samakatuwid nga, na dapat kilalanin ng babae ang itinalaga-ng-Diyos na pagkaulo ng lalaki sa pamamagitan ng paglalagay ng talukbong sa ulo, isang “tanda ng awtoridad,” kapag siya ay nananalangin o nanghuhula sa kongregasyon.—1Co 11:3-16; tingnan ang BUHOK; PAGKAULO; PUTONG, PANAKIP SA ULO.
Iba Pang Pagkagamit. Ang salitang Hebreo para sa “ulo” ay ginagamit upang tumukoy sa ibabaw ng mga haligi ng tabernakulo, ng looban, at ng templo (Exo 36:37, 38; 38:17; 1Ha 7:16), gayundin sa mga taluktok ng mga bundok (Gen 8:5) at mga dulo ng mga palumpong o mga punungkahoy (1Cr 14:15), ng hagdanan (Gen 28:12), at ng setro (Es 5:2), bilang halimbawa. Ikinakapit din ito sa maituturing na ulo o pasimula ng isang bagay, gaya ng sanga ng mga ilog at bukana ng mga lansangan (Gen 2:10; Eze 21:21) at gayundin sa unang buwan (“pasimula [ulo] ng mga buwan” [Exo 12:2]). Ang pangalang Judio para sa araw ng kanilang bagong taon ay Rosh Hashanah, literal na nangangahulugang, “Ulo ng Taon.”—Tingnan ang POSISYON AT KILOS NG KATAWAN.