Ang Pag-aasawa ba ang Tanging Susi sa Kaligayahan?
“Malaya siyang mag-asawa sa kaninumang nais niya, sa nasa Panginoon lamang. Ngunit siya ay lalong maligaya kung mananatili siya sa kaniyang kalagayan.”—1 CORINTO 7:39, 40.
1. Papaano inilalarawan si Jehova ng Kasulatan, at ano ang kaniyang ginawa na para sa kaniyang mga nilikha?
SI Jehova “ang maligayang Diyos.” (1 Timoteo 1:11) Bilang ang Masaganang Tagapaglaan ng “bawat mabuting kaloob at bawat sakdal na handog,” kaniyang ipinagkakaloob sa lahat ng kaniyang matalinong mga nilikha—tao at espiritu—ang eksaktong pangangailangan nila upang maging maligaya sa paglilingkod sa kaniya. (Santiago 1:17) Tungkol diyan, ang isang ibon na puspusang umaawit, ang natutuwang tuta, o ang isang mapaglarong lumba-lumba ay pawang nagpapatotoo na nilikha ni Jehova ang mga hayop upang magtamasa ng buhay sa kani-kanilang dakong pinamumuhayan. Ang salmista ay nagsasabi pa man din sa makatang pangungusap na “ang mga punungkahoy ni Jehova ay nasisiyahan, ang mga sedro ng Lebano na kaniyang itinanim.”—Awit 104:16.
2. (a) Ano ang nagpapakita na naliligayahan si Jesus sa paggawa ng kalooban ng kaniyang Ama? (b) Anong mga dahilan para sa kaligayahan ang tinaglay ng mga alagad ni Jesus?
2 Si Jesu-Kristo ‘ang tunay na larawan ng mismong Diyos.’ (Hebreo 1:3) Kung gayon, hindi nga kataka-taka na si Jesus ay tawaging “ang maligaya at tanging Makapangyarihan.” (1 Timoteo 6:15) Siya’y nagbibigay sa atin ng isang kahanga-hangang halimbawa ng kung papaano ang paggawa ng kalooban ni Jehova ay maaaring higit na kasiya-siya kaysa pagkain, na nagdudulot ng ganap na kaluguran. Ipinakikita rin sa atin ni Jesus na maaaring magkaroon ng kasiyahan sa pagkilos nang may pagkatakot sa Diyos, samakatuwid, taglay ang matinding paggalang at isang maka-Diyos na pangambang hindi makalugod sa Kaniya. (Awit 40:8; Isaias 11:3; Juan 4:34) Nang 70 alagad ang bumalik na “may kagalakan” pagkatapos ng isang paglalakbay upang maipangaral ang Kaharian, si Jesus mismo ay “nagkaroon ng labis na kagalakan sa banal na espiritu.” Pagkatapos ipahayag ang kaniyang kagalakan sa kaniyang Ama sa panalangin, siya’y bumaling sa mga alagad at nagsabi: “Maliligaya ang mga matang nakakakita ng mga bagay na inyong nakikita. Sapagkat sinasabi ko sa inyo, Maraming propeta at mga hari ang naghahangad na makakita ng mga bagay na inyong nakikita ngunit hindi nila nakita, at marinig ang mga bagay na inyong naririnig ngunit hindi nila narinig.”—Lucas 10:17-24.
Mga Dahilan ng Kaligayahan
3. Ano ang ilan sa mga dahilan ng kaligayahan?
3 Hindi ba ang ating mga mata ay dapat lumigaya sa pagkakita ng mga bagay na nakikita natin bilang katuparan ng Salita at mga layunin ni Jehova sa panahong ito ng kawakasan? Hindi ba dapat tayong labis na magalak sa pagkaunawa ng mga hula na hindi naunawaan ng tapat na mga propeta at mga hari na gaya ni Isaias, Daniel, at David? Hindi ba tayo nalulugod na maglingkod sa maligayang Diyos, si Jehova, sa ilalim ng pamumunò ng maligayang Makapangyarihan, ang ating Haring si Jesu-Kristo? Siyempre gayon nga!
4, 5. (a) Upang manatiling maligaya sa paglilingkod kay Jehova, ano ang dapat nating iwasan? (b) Ano ang ilang mga bagay na nagbibigay ng kaligayahan, at anong tanong ang ibinabangon nito?
4 Gayunman, kung nais nating manatiling maligaya sa paglilingkod sa Diyos, ang ating mga pamantayan sa kaligayahan ay hindi natin dapat isalig sa makasanlibutang mga idea. Ang mga ito ay maaaring madaling makapagpadilim ng ating kaisipan sapagkat kasali sa mga ito ang materyal na kayamanan, ang isang mapagpasikat na istilo ng pamumuhay, at iba pa. Anumang “kaligayahan” na nakasalig sa gayong mga bagay ay panandalian, sapagkat ang sanlibutang ito ay lumilipas.—1 Juan 2:15-17.
5 Karamihan ng nag-alay na mga lingkod ni Jehova ay nakaaalam na ang pagkakaroon ng makasanlibutang mga tunguhin ay hindi magdadala ng tunay na kaligayahan. Tanging ang ating makalangit na Ama lamang ang makapaglalaan ng espirituwal at materyal na mga bagay na nagbibigay ng tunay na kaligayahan sa kaniyang mga lingkod. Anong laki ng ating pasasalamat sa espirituwal na pagkaing kaniyang ibinibigay sa atin sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin”! (Mateo 24:45-47) Tayo’y nagpapasalamat din sa pisikal na pagkain at iba pang materyal na mga bagay na tinatanggap natin sa maibiging kamay ng Diyos. At, nariyan din, ang kahanga-hangang kaloob na pag-aasawa at ang kaugnay na mga kagalakan ng buhay-pampamilya. Ang taos-pusong hangarin ni Naomi sa kaniyang nabiyudang mga manugang ay di-kataka-takang nahayag sa mga salitang ito: “Ipagkaloob nawa ni Jehova na kayo’y makasumpong ng isang dakong-kapahingahan bawat isa sa inyo sa bahay ng kaniyang asawa.” (Ruth 1:9) Samakatuwid ang pag-aasawa ay isang susi na maaaring makapagbukas ng pinto tungo sa malaking kaligayahan. Subalit ang pag-aasawa ba ang tanging susi na makapagbubukas ng pinto sa isang maligayang buhay? Ang mga kabataan lalo na ang kailangang taimtim na magsuri kung gayon nga.
6. Sang-ayon sa Genesis, ano ang pangunahing layunin ng kaayusan ng pag-aasawa?
6 Sa muling pag-uulat ng pinagmulan ng pag-aasawa, ang Bibliya ay nagsasabi: “Nilalang ng Diyos ang tao sa kaniyang sariling larawan, sa larawan ng Diyos siya nilalang; nilalang niya sila na lalaki at babae. At, binasbasan sila ng Diyos, at sa kanila’y sinabi ng Diyos: ‘Kayo’y magpalaanakin at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at inyong supilin.’ ” (Genesis 1:27, 28) Sa pagtatatag ni Jehova ng pag-aasawa, si Adan ay ginamit upang pairalin ang higit pang dami ng mga nilalang na tao, sa gayo’y pinalalawak ang lahi ng tao. Ngunit higit pa ang taglay nito kaysa pag-aasawa lamang.
“Sa Nasa Panginoon Lamang”
7. Anong kahilingan sa pag-aasawa ang puspusang pinagsikapan na tupdin ng isang tapat na patriyarka?
7 Yamang ang Diyos na Jehova ang Tagapagtatag ng pag-aasawa, ating aasahan na siya ang magtatakda ng mga pamantayan sa pag-aasawa na magbubunga ng kaligayahan ng kaniyang mga lingkod. Noong panahon ng mga patriyarka, ang pag-aasawa sa mga taong hindi mananamba kay Jehova ay matinding sinalungat. Ang kaniyang utusan na si Eliezer ay pinasumpa ni Abraham kay Jehova na hindi siya kukuha ng asawa para sa anak ng patriyarkang si Isaac buhat sa mga Cananeo. Si Eliezer ay naglakbay nang malayo at buong-ingat na sinunod ang mga tagubilin ni Abraham upang masumpungan ‘ang babae na iniatas ni Jehova para sa anak ng kaniyang panginoon.’ (Genesis 24:3, 44) Kaya naging asawa ni Isaac si Rebekah. Nang ang kanilang anak na si Esau ay pumili ng mga asawa buhat sa paganong mga Hiteo, ang mga babaing ito “ay pinagmulan ng sama ng loob ni Isaac at ni Rebekah.”—Genesis 26:34, 35; 27:46; 28:1, 8.
8. Ano ang ipinagbawal ng tipang Kautusan kung tungkol sa pag-aasawa, at bakit?
8 Sa ilalim ng tipang Kautusan, ibinawal ang pag-aasawa ng mga lalaki o mga babae sa tinukoy na mga bansang Cananeo. Sa kaniyang bayan ay itinagubilin ni Jehova: “Huwag kang bubuo sa kanila ng kasunduan sa pag-aasawa. Ang iyong anak na babae ay huwag mong pag-aasawahin sa kaniyang anak na lalaki, at ang kaniyang anak na babae ay huwag mong pag-aasawahin sa iyong anak na lalaki. Sapagkat kaniyang ihihiwalay ang iyong anak na lalaki sa pagsunod sa akin, at sila’y tiyak na maglilingkod sa ibang mga diyos; at mag-aalab ang galit ni Jehova laban sa iyo, at tiyak na kaniyang lilipulin kang madali.”—Deuteronomio 7:3, 4.
9. Anong payo sa pag-aasawa ang ibinibigay ng Bibliya sa mga Kristiyano?
9 Hindi kataka-taka na ang katulad na mga pagbabawal ng pag-aasawa sa mga taong hindi sumasamba kay Jehova ay ikapit sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Si apostol Pablo ay nagpayo sa kaniyang mga kapananampalataya: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya. Sapagkat anong pakikisama mayroon ang katuwiran sa kalikuan? O anong pakikibahagi mayroon ang kaliwanagan sa kadiliman? Isa pa, anong pakikipagkasundo mayroon si Kristo kay Belial? O anong bahagi mayroon ang sumasampalataya sa isang di-sumasampalataya?” (2 Corinto 6:14, 15) Ang payong iyan ay kumakapit sa sari-saring paraan at tunay na kapit din sa pag-aasawa. Ang malinaw na tagubilin ni Pablo sa lahat ng nag-alay na mga lingkod ni Jehova ay na dapat nilang isaalang-alang ang pag-aasawa sa isa “tangi lamang kung siya ay kaisa ng Panginoon.”—1 Corinto 7:39, talababa.
Di-Makapag-asawa “sa Nasa Panginoon”
10. Ano ang ginagawa ng maraming Kristiyanong walang-asawa, at anong tanong ang bumabangon?
10 Maraming Kristiyanong walang-asawa ang piniling sumunod sa halimbawa ni Jesu-Kristo sa pamamagitan ng paglinang sa kaloob na di-pag-aasawa. Isa pa, dahilan sa hindi makakita sa kasalukuyan ng isang maka-Diyos na kabiyak at sa gayo’y mag-asawa “sa nasa Panginoon,” maraming tapat na mga Kristiyano ang naglagak ng kanilang tiwala kay Jehova at nanatiling walang-asawa sa halip na mag-asawa sa isang di-kapananampalataya. Ang espiritu ni Jehova ay nagsisibol sa loob nila ng mga bunga na gaya ng kagalakan, kapayapaan, pananampalataya, at pagpipigil-sa-sarili, anupat sila’y nakapananatiling malinis bilang mga walang asawa. (Galacia 5:22, 23) Kabilang sa mga nagtatagumpay sa pagsubok na ito ng debosyon sa Diyos ang marami-rami rin sa ating mga kapatid na babaing Kristiyano, na mayroon tayong pinakamalaking pagpapahalaga. Sa iba’t ibang bansa, sila’y mas marami kaysa mga kapatid na lalaki at sa gayo’y may pinakamalaking bahagi sa gawaing pangangaral. Oo, “si Jehova ang nagbibigay ng salita; ang mga babaing naghahayag ng mabuting balita ay isang malaking hukbo.” (Awit 68:11) Ang totoo, marami sa walang-asawang mga lingkod ng Diyos babae man o lalaki ang nananatiling tapat sapagkat sila’y ‘nagtitiwala kay Jehova nang kanilang buong puso, at kaniyang itinutuwid ang kanilang mga landas.’ (Kawikaan 3:5, 6) Subalit yaon bang sa kasalukuyan ay hindi makapag-asawa “sa nasa Panginoon” ay tiyak na di-maligaya?
11. Ano ang matitiyak ng mga Kristiyano na nananatiling walang-asawa dahil sa paggalang sa mga simulain ng Bibliya?
11 Tandaan natin na tayo ay mga Saksi ng maligayang Diyos, si Jehova, na naglilingkod sa ilalim ng maligayang Makapangyarihan, si Jesu-Kristo. Kaya kung ang ating paggalang sa mga pagbabawal na malinaw na nakalahad sa Bibliya ay mag-uudyok sa atin na manatiling walang-asawa dahilan sa hindi makasumpong ng isang magiging asawa “sa nasa Panginoon,” makatuwiran bang isipin na tayo’y hahayaan ng Diyos at ni Kristo na di-maligaya? Tunay na hindi. Samakatuwid, masasabi natin na posibleng maging maligaya ang mga Kristiyano samantalang nasa kalagayang walang-asawa. Tayo’y tunay na mapaliligaya ni Jehova may asawa man tayo o wala.
Ang Susi sa Tunay na Kaligayahan
12. Ano ang ipinakikita ng kaso ng masuwaying mga anghel kung tungkol sa pag-aasawa?
12 Ang pag-aasawa ay hindi tanging susi sa kaligayahan para sa lahat ng mga lingkod ng Diyos. Kunin, bilang halimbawa, ang mga anghel. Bago naganap ang Baha, may ilang mga anghel na nagpaunlad ng mga pita na di-likas para sa mga espiritung nilalang, di-nasiyahan sa hindi pagpapahintulot sa kanila na mag-asawa, at nagkatawang-tao upang makapag-asawa ng mga babae. Dahilan sa ang ginawa ng mga anghel na ito ay “iniwan ang kanilang sariling talagang tahanang-dako,” kaya ang ginawa ng Diyos ay “kaniyang inilaan [sila] sa mga tanikalang walang-hanggan sa pusikit na kadiliman para sa paghuhukom sa dakilang araw.” (Judas 6; Genesis 6:1, 2) Maliwanag, kailanman ay hindi isinaayos ng Diyos na ang mga anghel ay mag-asawa. Samakatuwid ang pag-aasawa ay hindi maaaring maging susi sa kanilang kaligayahan.
13. Bakit ang mga banal na anghel ay maliligaya, at ano ang ipinakikita nito para sa lahat ng mga lingkod ng Diyos?
13 Gayunman, ang tapat na mga anghel ay maliligaya. Inilagay ni Jehova ang mga patibayan ng lupa “kasabay ng masayang pag-aawitang magkakasama ng mga bituing pang-umaga at ng sama-samang paghihiyawan ng [mga anghel] na mga anak ng Diyos.” (Job 38:7, The New Jerusalem Bible) Bakit maliligaya ang banal na mga anghel? Sapagkat sila’y palaging naroroon at naglilingkod sa Diyos na Jehova, “nakikinig sa tinig ng kaniyang salita” upang kanilang matupad iyon. Sila’y nalulugod sa “paggawa ng kaniyang kaluguran.” (Awit 103:20, 21, talababa) Oo, ang kaligayahan ng banal na mga anghel ay nanggagaling sa paglilingkod kay Jehova nang may katapatan. Iyan din ang susi sa tunay na kaligayahan para sa mga tao. Sa bagay na iyan, ang may-asawang pinahirang mga Kristiyano na maligayang naglilingkod sa Diyos ngayon ay hindi mag-aasawa pagka sila’y binuhay nang muli sa langit, subalit sila’y magiging maligaya bilang espiritung mga nilalang sa paggawa ng banal na kalooban. Kung gayon, may asawa man o wala, lahat ng tapat na mga lingkod ni Jehova ay maaaring maging maligaya sapagkat ang tunay na saligan ng kaligayahan ay ang tapat na paglilingkod sa Maylikha.
“Mas Maigi Kaysa mga Anak na Lalaki at mga Anak na Babae”
14. Anong makahulang pangako ang ibinigay sa maka-Diyos na mga bating sa sinaunang Israel, at bakit ito’y waring kataka-taka?
14 Kahit na kung ang isang tapat na Kristiyano ay hindi nag-asawa kailanman, matitiyak ng Diyos ang kaligayahan ng isang iyon. Makakukuha ng pampatibay-loob sa mga salitang ito na makahulang sinalita sa mga bating sa sinaunang Israel: “Ganito ang sinabi ni Jehova sa mga bating na nangingilin ng aking mga sabbath at pumipili ng mga bagay na nakalulugod sa akin at nag-iingat ng aking tipan: ‘Sila’y bibigyan ko sa aking bahay at sa loob ng aking mga kuta ng isang alaala at isang pangalan, na mas maigi kaysa mga anak na lalaki at mga anak na babae. Sila’y bibigyan ko ng walang-hanggang pangalan, na hindi mapaparam.’ ” (Isaias 56:4, 5) Marahil aasahan ng sinuman na ang mga indibiduwal na ito ay pangangakuang bibigyan ng isang asawang babae at mga anak upang maipagpatuloy nang walang-hanggan ang kanilang pangalan. Subalit sila’y pinangakuan ng “mas maigi kaysa mga anak na lalaki at mga anak na babae”—isang walang-hanggang pangalan sa loob ng bahay ni Jehova.
15. Ano ang masasabi tungkol sa katuparan ng Isaias 56:4, 5?
15 Kung ang mga bating na ito ay ituturing na isang makahulang larawan tungkol sa “Israel ng Diyos,” sila’y kumakatawan sa mga pinahiran na tumatanggap ng isang walang-hanggang dako sa loob ng espirituwal na bahay, o templo ni Jehova. (Galacia 6:16) Walang-alinlangan, ang hulang ito ay magkakaroon ng literal na katuparan sa maka-Diyos na mga bating ng sinaunang Israel pagka sila’y muling binuhay. Kung kanilang tatanggapin ang haing pantubos na inihandog ni Kristo at magpapatuloy na piliin ang mga bagay na kinalulugdan ni Jehova, sila’y tatanggap ng “walang-hanggang pangalan” sa bagong sanlibutan ng Diyos. Ito’y maaaring kumapit din sa “mga ibang tupa” sa panahong ito ng kawakasan na hindi nag-aasawa at hindi nagiging mga magulang upang maitalaga ang kanilang sarili nang lalong higit pa sa paglilingkod kay Jehova. (Juan 10:16) Ang iba sa kanila ay maaaring mamatay nang walang-asawa at walang mga anak. Subalit kung sila’y tapat, sa pagkabuhay-muli sila’y tatanggap ng “mas maigi kaysa mga anak na lalaki at mga anak na babae”—isang pangalan “na hindi mapaparam” sa bagong sistema ng mga bagay.
Hindi ang Pag-aasawa ang Tanging Susi sa Kaligayahan
16. Bakit masasabing ang pag-aasawa ay hindi laging nagdadala ng kaligayahan?
16 May mga taong naniniwala na ang kaligayahan ay hindi maihihiwalay ang kaugnayan sa pag-aasawa. Gayunman, aaminin na kahit na sa mga lingkod ni Jehova sa ngayon, ang pag-aasawa ay hindi laging nagdadala ng kaligayahan. Ito’y lumulutas sa ilang mga suliranin ngunit kadalasan may bumabangon namang ibang mga suliranin na mas mahirap na pakitunguhan kaysa mga nararanasan ng mga taong walang-asawa. Sinabi ni Pablo na ang pag-aasawa ay nagdadala ng ‘kapighatian sa laman.’ (1 Corinto 7:28) May mga panahon na ang isang taong may-asawa ay “nababalisa” at “nahahati.” Kalimitan siya’y nahihirapan na “laging mag-asikaso sa Panginoon nang walang anumang hadlang.”—1 Corinto 7:33-35.
17, 18. (a) Ano ang iniulat ng ilang naglalakbay na mga tagapangasiwa? (b) Ano ang ipinayo ni Pablo, at bakit makabubuti na ikapit iyon?
17 Ang pag-aasawa at ang pagkawalang-asawa ay kapuwa kaloob ng Diyos. (Ruth 1:9; Mateo 19:10-12) Gayunman, upang magtagumpay sa alinman sa mga kalagayang iyan kailangang pag-isipan iyan na may kalakip na panalangin. Ang naglalakbay na mga tagapangasiwa ay nag-uulat na maraming mga Saksi ang nagsisipag-asawa nang napakababata, malimit na nagiging mga magulang bago sila maging handa na bumalikat ng resultang mga pananagutan. Ang iba sa mga mag-asawang ito ay humahantong sa paghihiwalay. Ang ibang mga mag-asawa naman ay hinaharap na lamang ang kanilang mga suliranin, ngunit ang kanilang pag-aasawa ay hindi nagdala sa kanila ng kaligayahan. Gaya ng isinulat ng dramatistang Ingles na si William Congreve na, ang nag-aasawa nang padalus-dalos ay “maaaring magsisi nang matagal na panahon.”
18 Iniuulat din ng mga tagapangasiwa ng sirkito na may ilang mga kabataang lalaki na umaayaw sa paglilingkuran sa Bethel o sa pagboboluntaryo sa Ministerial Training School dahilan sa kahilingan na ang isa’y manatiling walang-asawa sa loob ng isang panahon. Subalit si Pablo ay nagpapayo na huwag mag-asawa hangga’t ang isa’y hindi pa ‘lumalampas sa kasariwaan ng kabataan,’ samakatuwid nga, kailangang maghintay hanggang sa lumampas sa kaniya ang unang bugso ng pita ng sekso. (1 Corinto 7:36-38) Ang mga taóng ginugol ng pamumuhay bilang isang maygulang na taong wala pang asawa ay magbibigay sa kaniya ng mahalagang karanasan at matalinong unawa, anupat inilalagay siya sa lalong mainam na kalagayang pumili ng isang makakaparehang kabiyak o maingat na magpasiyang manatiling walang-asawa.
19. Papaano natin uunawain ang mga bagay kung hindi naman natin talagang kailangan na mag-asawa?
19 Ang iba sa atin ay lampas na sa kasariwaan ng kabataan na may taglay na matinding bugso sa seksuwal na pagtatalik. Paminsan-minsan ay baka binubulay-bulay natin ang mga pagpapala ng pag-aasawa ngunit ang totoo ay baka mayroon tayo ng kaloob na di-pag-aasawa. Baka nakikita ni Jehova na tayo’y nakapaglilingkod sa kaniya nang lalong mabisa kung tayo’y walang-asawa at wala namang tunay na pangangailangang mag-asawa, na baka siyang maging dahilan pa nga upang bitiwan natin ang ilang mga pribilehiyo ng paglilingkod sa kaniya. Kung hindi naman isang personal na pangangailangan ang pag-aasawa at tayo’y hindi pa binibigyan ng pagpapalang isang kabiyak, baka may ibang bagay na inilalaan sa atin ang Diyos. Kaya nga tayo’y magkaroon ng pananampalataya na kaniyang paglalaanan tayo sa ating pangangailangan. Ang pinakadakilang kaligayahan ay bunga ng mapakumbabang pagtanggap sa waring siyang kalooban ng Diyos para sa atin, gaya ng mga kapatid na Judio na ‘nagsitahimik at kanilang niluwalhati ang Diyos’ nang kanilang maunawaan na kaniyang pinagkalooban ng pagsisisi ang mga Gentil upang sila’y makapagtamo ng buhay.—Gawa 11:1-18.
20. (a) Anong payo tungkol sa di-pag-aasawa ang ibinibigay rito sa kabataang mga Kristiyano? (b) Anong mahalagang punto tungkol sa kaligayahan ang nananatiling totoo?
20 Kung gayon, ang pag-aasawa ay maaaring maging isang susi sa kaligayahan, bagaman ito’y maaaring magbigay-daan din sa mga suliranin. Isang bagay ang tiyak: Ang pag-aasawa ay hindi ang tanging paraan upang makasumpong ng kaligayahan. Kung isasaalang-alang ang lahat ng bagay, samakatuwid ay isang katalinuhan, lalo na para sa kabataang mga Kristiyano, na magsikap na bigyang-daan muna nang ilang mga taon ang di-pag-aasawa. Ang gayong mga taon ay magagamit na mainam upang maglingkod kay Jehova at sumulong sa espirituwalidad. Gayunman, anuman ang edad o espirituwal na pagsulong, ang mahalagang puntong ito ay laging may katotohanan kung para sa lahat ng mga walang-pasubaling nag-alay ng sarili sa Diyos: Ang tunay na kaligayahan ay masusumpungan sa tapat na paglilingkod kay Jehova.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Bakit maligaya ang mga lingkod ni Jehova?
◻ Bakit ang pag-aasawa ay hindi susi sa pinakamalaking kaligayahan?
◻ Sa pagpili ng mapapangasawa, ano ang kahilingan sa bayan ni Jehova?
◻ Bakit makatuwiran na maniwalang ang mga Kristiyanong di-nag-aasawa ay maaaring maging maligaya?
◻ Ano ang kailangang kilalanin kung tungkol sa pag-aasawa at sa kaligayahan?