Ikadalawampung Kabanata
Hindi Naging Maikli ang Kamay ni Jehova
1. Ano ang kalagayan sa Juda, at ano ang pinag-iisipan ng marami?
INAANGKIN ng bansang Juda na sila’y may pakikipagtipan kay Jehova. Subalit kabi-kabila pa rin ang kaguluhan. Bahagya na lamang ang katarungan, laganap ang krimen at paniniil, at hindi natutupad ang pangarap na bumuti ang kalagayan. Talagang may malaking problema. Pinag-iisipan ng marami kung itutuwid pa kaya ni Jehova ang mga bagay-bagay. Ganito ang kalagayan noong kapanahunan ni Isaias. Subalit ang salaysay ni Isaias tungkol sa panahong ito ay hindi lamang basta isang sinaunang kasaysayan. Ang kaniyang mga salita ay naglalaman ng mga makahulang babala para sa sinumang nag-aangking sumasamba sa Diyos subalit nagwawalang-bahala naman sa Kaniyang mga kautusan. At ang kinasihang hula na nakaulat sa Isaias kabanata 59 ay naglalaan ng maibiging pampatibay-loob para sa lahat ng nagsisikap na maglingkod kay Jehova sa kabila ng pamumuhay sa mahirap at mapanganib na panahon.
Hiwalay sa Tunay na Diyos
2, 3. Bakit hindi ipinagsasanggalang ni Jehova ang Juda?
2 Isip-isipin na lamang—nahulog ang tipang bayan ni Jehova sa apostasya! Tinalikuran nila ang kanilang Maylikha, anupat umalis mula sa ilalim ng kaniyang nagsasanggalang na kamay. Dahil dito, dumaranas sila ng matinding kabagabagan. Sinisisi kaya nila si Jehova dahil sa kanilang paghihirap? Sinabi ni Isaias sa kanila: “Narito! Ang kamay ni Jehova ay hindi naging napakaikli anupat hindi ito makapagligtas, ni naging napakabigat man ng kaniyang pandinig anupat hindi ito makarinig. Hindi, kundi ang mismong mga kamalian ninyo ang siyang naging sanhi ng paghihiwalay sa pagitan ninyo at ng inyong Diyos, at ang inyong sariling mga kasalanan ang nagpangyaring makubli mula sa inyo ang kaniyang mukha upang hindi duminig.”—Isaias 59:1, 2.
3 Ang mga salitang iyan ay tahasan ngunit totoo. Si Jehova pa rin ang Diyos ng kaligtasan. Bilang ang “Dumirinig ng panalangin,” pinakikinggan niya ang mga panalangin ng kaniyang tapat na mga lingkod. (Awit 65:2) Gayunman, hindi niya pinagpapala ang mga nagkakasala. Ang bayan mismo ang dahilan kung bakit sila nahiwalay kay Jehova. Ang kanilang kabalakyutan ang umakay sa kaniya upang ikubli ang kaniyang mukha mula sa kanila.
4. Anong mga paratang ang iniharap laban sa Juda?
4 Ang totoo, napakasama ng kasaysayan ng Juda. Itinala ng hula ni Isaias ang ilang paratang laban sa kanila: “Narumhan ng dugo ang inyong mga palad, at ng kamalian ang inyong mga daliri. Ang inyong mga labi ay nagsalita ng kabulaanan. Ang inyong dila ay patuloy na bumubulung-bulong ng lubos na kalikuan.” (Isaias 59:3) Ang bayan ay nagsinungaling at nagsalita ng masasamang bagay. Ang pagtukoy sa “narumhan ng dugo ang . . . mga palad” ay nagpapahiwatig na pumaslang pa nga ang ilan. Kay laking paglapastangan sa Diyos, na sa kaniyang Kautusan ay hindi lamang ipinagbabawal ang pagpaslang kundi iniuutos din na huwag ‘kapootan ang iyong kapatid sa iyong puso’! (Levitico 19:17) Ang walang-taros na pagkakasala ng mga naninirahan sa Juda at ang tiyak na ibubunga nito ay dapat magpaalaala sa ating lahat sa ngayon na kailangan nating supilin ang masasamang pag-iisip at damdamin. Kung hindi, baka humantong tayo sa paggawa ng kabalakyutan na maghihiwalay sa atin mula sa Diyos.—Roma 12:9; Galacia 5:15; Santiago 1:14, 15.
5. Hanggang saan umabot ang kasamaan ng Juda?
5 Ang sakit na pagkamakasalanan ay kumalat na sa buong bansa. Sinabi ng hula: “Walang sinumang tumatawag sa katuwiran, at walang sinuman ang nagtutungo sa hukuman sa katapatan. Ang pinagtitiwalaan ay kabulaanan, at ang sinasalita ay kawalang-kabuluhan. Ipinaglilihi ang kabagabagan, at ipinanganganak ang bagay na nakasasakit.” (Isaias 59:4) Walang sinumang nagsasalita ng katuwiran. Kahit sa mga hukuman, bihirang makasumpong ng isa na mapagkakatiwalaan o tapat. Tinalikuran ng Juda si Jehova at nagtiwala sa pakikianib sa mga bansa at maging sa walang-buhay na mga idolo. Lahat ng ito’y “kabulaanan,” na walang anumang halaga. (Isaias 40:17, 23; 41:29) Bilang resulta, napakaraming usapan, subalit lahat ng ito’y walang kabuluhan. May mga planong nabubuo, subalit ang resulta ng mga ito ay problema at pananakit.
6. Paano nakakatulad ng Juda ang rekord ng Sangkakristiyanuhan?
6 Ang kalikuan at karahasan sa Juda ay may malaking pagkakatulad sa Sangkakristiyanuhan. (Tingnan ang “Apostatang Jerusalem—Kahawig ng Sangkakristiyanuhan,” sa pahina 294.) Dalawa nang mararahas na digmaang pandaigdig ang pinaglabanan na nagsasangkot sa diumano’y mga bansang Kristiyano. Hanggang sa kasalukuyan, ang anyo ng relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay napatunayan na walang kakayahang pumigil sa etnikong paglilinis at pagpapatayan ng mga tribo sa gitna ng sarili niyang mga miyembro. (2 Timoteo 3:5) Bagaman itinuro ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na magtiwala sa Kaharian ng Diyos, ang mga bansa ng Sangkakristiyanuhan ay patuloy pa ring umaasa sa mga arsenal ng militar at sa pakikianib sa pulitika ukol sa katiwasayan. (Mateo 6:10) Sa katunayan, karamihan sa mga pangunahing tagagawa ng mga armas sa daigdig ay nasa mga bansa ng Sangkakristiyanuhan! Oo, kapag ang Sangkakristiyanuhan ay nagtiwala sa mga pagsisikap ng tao at sa mga institusyon ukol sa matiwasay na kinabukasan, siya man ay nagtitiwala sa “kabulaanan.”
Umaani ng Mapait na Bunga
7. Bakit pawang kapinsalaan lamang ang ibinunga ng mga pakana ng Juda?
7 Ang idolatriya at pandaraya ay hindi magbubunga ng isang kanais-nais na lipunan. Dahil sa paggawa ng ganitong mga bagay, ang di-tapat na mga Judio ay umaani ngayon ng problema na sila mismo ang naghasik. Mababasa natin: “Mga itlog ng makamandag na ahas ang pinisa nila, at patuloy silang humahabi ng hamak na sapot ng gagamba. Ang sinumang kumain ng kanilang mga itlog ay mamamatay, at ang itlog na binasag ay mapipisa at lalabasan ng ulupong.” (Isaias 59:5) Mula sa pagbabalak hanggang sa pagsasakatuparan, walang anumang nagagawa ang mga pakana ng Juda. Pawang kapinsalaan lamang ang ibinubunga ng kanilang maling pag-iisip, kung paanong makamandag na mga ahas lamang ang iniluluwal ng mga itlog ng isang makamandag na ahas. At nagdurusa ang bansa.
8. Ano ang nagpapakitang may depekto ang pag-iisip ng Juda?
8 Maaaring bumaling sa karahasan ang ilang naninirahan sa Juda sa pagsisikap na maipagsanggalang ang kanilang sarili, subalit mabibigo sila. Ang pisikal na lakas ay hindi maipapalit sa pagtitiwala kay Jehova at sa mga gawa ng katuwiran bilang proteksiyon kung paanong ang mga sapot ay hindi maipapalit sa tunay na tela bilang proteksiyon laban sa masamang panahon. Nagpahayag si Isaias: “Ang kanilang hamak na sapot ay hindi magsisilbing kasuutan, ni maipantatakip man nila sa kanilang sarili ang kanilang mga gawa. Ang kanilang mga gawa ay nakasasakit na mga gawa, at ang gawaing karahasan ay nasa kanilang mga palad. Ang kanilang mga paa ay laging tumatakbo patungo sa lubos na kasamaan, at nagmamadali sila upang magbubo ng dugong walang-sala. Ang kanilang mga kaisipan ay nakasasakit na mga kaisipan; ang pananamsam at kagibaan ay nasa kanilang mga lansangang-bayan.” (Isaias 59:6, 7) May depekto ang pag-iisip ng Juda. Sa pagbaling nito sa karahasan upang subuking lutasin ang kaniyang mga problema, nagpapamalas siya ng di-makadiyos na saloobin. Hindi niya alintana kahit ang marami sa kaniyang mga biktima ay walang-sala at ang ilan ay tunay na mga lingkod ng Diyos.
9. Bakit hindi makamtan ng mga lider ng Sangkakristiyanuhan ang tunay na kapayapaan?
9 Ang kinasihang mga salitang ito ay nagpapaalaala sa atin ng madugong kasaysayan ng Sangkakristiyanuhan. Tiyak na papapanagutin siya ni Jehova dahil sa kaniyang nakalulunos na pagdudulot ng kasiraan sa Kristiyanismo! Gaya ng mga Judio noong kapanahunan ni Isaias, ang Sangkakristiyanuhan ay tumahak sa isang landasing pilipit sa moral sapagkat inaakala ng kaniyang mga lider na ito lamang ang tanging praktikal na paraan. Bagaman pinag-uusapan nila ang tungkol sa kapayapaan, kumikilos naman sila sa paraang di-makatarungan. Kay laking pagkukunwari! Yamang patuloy ang mga lider ng Sangkakristiyanuhan sa paggamit ng taktikang ito, hindi nila kailanman makakamtan ang tunay na kapayapaan. Gaya nga ng sinabi pa ng hula: “Ang daan ng kapayapaan ay ipinagwalang-bahala nila, at walang katarungan sa kanilang mga landas. Ang kanilang mga lansangan ay ginawa nilang liko sa ganang kanila. Walang sinumang lumalakad sa mga iyon ang makakakilala ng kapayapaan.”—Isaias 59:8.
Nag-aapuhap sa Espirituwal na Kadiliman
10. Anong pagtatapat ang ginawa ni Isaias para sa Juda?
10 Hindi maaaring pagpalain ni Jehova ang mapanlinlang at kapaha-pahamak na lakad ng Juda. (Awit 11:5) Kaya sa pagsasalita para sa buong bansa, ipinagtapat ni Isaias ang kasalanan ng Juda: “Ang katarungan ay naging malayo sa amin, at ang katuwiran ay hindi umaabot sa amin. Patuloy naming inaasahan ang liwanag, ngunit, narito! kadiliman; ang kaliwanagan, ngunit sa namamalaging karimlan kami lumalakad. Patuloy naming inaapuhap ang pader tulad ng mga taong bulag, at tulad niyaong mga walang mata ay patuloy kaming nag-aapuhap. Natitisod kami sa tanghaling tapat gaya ng sa pagkagat ng dilim; sa gitna ng mapipintog ay para kaming mga taong patay. Patuloy kaming umuungol, kaming lahat, tulad ng mga oso; at tulad ng mga kalapati ay kumukurukutok kami nang may pagdadalamhati.” (Isaias 59:9-11a) Hindi hinayaan ng mga Judio na ang Salita ng Diyos ang maging lampara sa kanilang mga paa at liwanag sa kanilang landas. (Awit 119:105) Bunga nito, nagdilim ang mga bagay-bagay. Kahit sa tanghaling tapat, sila’y nag-aapuhap na parang sa gabi. Para bang sila’y mga patay na. Sa paghahangad nilang makadama ng ginhawa, umuungol sila nang malakas na tulad ng gutóm o sugatang mga oso. Ang ilan ay kaawa-awang kumukurukutok, na tulad ng malulungkot na kalapati.
11. Bakit bigo ang pag-asa ng Juda para sa katarungan at kaligtasan?
11 Alam na alam ni Isaias na ang dahilan ng pagdurusa ng Juda ay ang paghihimagsik laban sa Diyos. Sinabi niya: “Patuloy naming inaasahan ang katarungan, ngunit wala nga; ang kaligtasan, ngunit nananatili itong malayo sa amin. Sapagkat ang aming mga pagsalansang ay dumami sa harap mo; at kung tungkol sa aming mga kasalanan, bawat isa ay nagpapatotoo laban sa amin. Sapagkat ang aming mga pagsalansang ay nasa amin; at kung tungkol sa aming mga kamalian, nalalaman naming lubos ang mga iyon. May pagsalansang at pagkakaila kay Jehova; at may paglayo mula sa aming Diyos, pagsasalita ng paniniil at paghihimagsik, paglilihi at pagbubulung-bulong ng mga salitang kabulaanan mula sa puso.” (Isaias 59:11b-13) Yamang hindi nagsisisi ang mga naninirahan sa Juda, hindi pa rin pinatatawad ang kanilang mga kasalanan. Naglaho ang katarungan sa lupain sapagkat iniwan ng bayan si Jehova. Sila’y lubusang napatunayang bulaan, anupat sinisiil pa nga ang kanilang mga kapatid. Gayung-gayon nga ang mga nasa Sangkakristiyanuhan sa ngayon! Hindi lamang ipinagwawalang-bahala ng marami ang katarungan kundi aktibo rin nilang inuusig ang tapat na mga Saksi ni Jehova, na nagsisikap na gawin ang kalooban ng Diyos.
Ilalapat ni Jehova ang Hatol
12. Ano ang saloobin niyaong mga may pananagutang maglapat ng katarungan sa Juda?
12 Sa wari’y walang katarungan, katuwiran, o katotohanan sa Juda. “Ang katarungan ay pilit na pinaurong, at ang katuwiran ay nakatayo na lamang sa malayo. Sapagkat ang katotohanan ay nabuwal sa liwasan, at ang bagay na matuwid ay hindi makapasok.” (Isaias 59:14) Sa likod ng mga pintuang-daan ng lunsod sa Juda, may mga liwasan doon na pinagtitipunan ng matatandang lalaki upang asikasuhin ang mga usapin sa batas. (Ruth 4:1, 2, 11) Ang mga lalaking iyon ay kailangang humatol ayon sa katuwiran at magtaguyod ng katarungan, anupat hindi tumatanggap ng suhol. (Deuteronomio 16:18-20) Sa halip, sila’y humahatol ayon sa kanilang sariling mapag-imbot na mga ideya. Ang mas malala pa nito, itinuturing nila na madaling mabiktima ang sinumang taimtim na nagsisikap na gumawa ng mabuti. Mababasa natin: “Ang katotohanan ay nawawala, at ang sinumang tumatalikod sa kasamaan ay sinasamsaman.”—Isaias 59:15a.
13. Yamang pabaya sa kanilang tungkulin ang mga hukom sa Juda, ano ang gagawin ni Jehova?
13 Yaong mga nagsasawalang-kibo na lamang laban sa pagsamâ ng moral ay nakalilimot na ang Diyos ay hindi bulag, mangmang, o mahina. Sumulat si Isaias: “Nakita ni Jehova, at masama sa kaniyang paningin ang kawalan ng katarungan. At nang makita niya na walang tao, siya ay nagsimulang manggilalas na walang sinumang namamagitan. At ang kaniyang bisig ay nagligtas para sa kaniya, at ang kaniyang katuwiran ang siyang umaalalay sa kaniya.” (Isaias 59:15b, 16) Yamang ang mga hinirang na hukom ay pabaya sa kanilang tungkulin, makikialam na si Jehova sa bagay na ito. Kapag ginawa na niya ito, kikilos siya ayon sa katuwiran at taglay ang kapangyarihan.
14. (a) Anong saloobin ang taglay ng marami sa ngayon? (b) Paano inihahanda ni Jehova ang kaniyang sarili ukol sa pagkilos?
14 Katulad din nito ang kalagayan sa ngayon. Tayo’y nabubuhay sa isang daigdig kung saan marami ang “nawalan na ng lahat ng pakiramdam sa moral.” (Efeso 4:19) Kakaunti ang naniniwalang makikialam pa si Jehova upang alisin ang kasamaan mula sa lupa. Subalit ipinakikita ng hula ni Isaias na minamatyagang mabuti ni Jehova ang ginagawa ng mga tao. Gumagawa siya ng mga kahatulan, at sa kaniyang sariling panahon, siya’y kumikilos ayon sa mga kahatulang iyon. Makatarungan ba ang kaniyang mga kahatulan? Ipinakikita ni Isaias na makatarungan nga. Sa kaso ng bansang Juda, sumulat siya: “Nang magkagayon ay nagsuot [si Jehova] ng katuwiran bilang kutamaya, at ng helmet ng kaligtasan sa kaniyang ulo. Karagdagan pa, siya ay nagsuot ng mga kasuutan ng paghihiganti bilang kagayakan at nagbihis ng sigasig na waring damit na walang manggas.” (Isaias 59:17) Ang makahulang mga salitang ito ay naglalarawan kay Jehova bilang isang mandirigmang naggagayak ng kaniyang sarili para sa pakikidigma. Determinado siyang magtatagumpay ang kaniyang ipinaglalaban. Nakatitiyak siya sa kaniyang sariling sakdal at di-matutuligsang katuwiran. At siya’y magiging masigasig sa kaniyang mga kahatulan nang walang kinatatakutan. Walang-alinlangang mananaig ang katuwiran.
15. (a) Paano gagawi ang tunay na mga Kristiyano kapag inilapat na ni Jehova ang kahatulan? (b) Ano ang masasabi tungkol sa mga kahatulan ni Jehova?
15 Sa ilang lupain sa ngayon, sinisikap ng mga kaaway ng katotohanan na hadlangan ang gawain ng mga lingkod ni Jehova sa pamamagitan ng pagkakalat ng mali at mapanirang-puring propaganda. Ang tunay na mga Kristiyano ay hindi nag-aatubiling manindigan sa katotohanan, subalit hindi nila kailanman hinahangad na ipaghiganti ang kanilang sarili. (Roma 12:19) Kahit kapag nakikipagtuos na si Jehova sa apostatang Sangkakristiyanuhan, ang kaniyang mga mananamba sa lupa ay hindi makikibahagi sa pagpuksa rito. Alam nilang si Jehova ang nakatalagang maghiganti at na siya’y gagawa ng angkop na pagkilos kapag dumating na ang panahon. Tinitiyak sa atin ng hula: “Ayon sa mga pakikitungo ay gayon siya gaganti, pagngangalit sa kaniyang mga kalaban, kaukulang pakikitungo sa kaniyang mga kaaway. Ang mga pulo ay gagantihan niya ng kaukulang pakikitungo.” (Isaias 59:18) Gaya noong kapanahunan ni Isaias, hindi lamang magiging makatarungan ang mga kahatulan ng Diyos kundi magiging lubusan din ang mga ito. Makararating pa nga ang mga ito hanggang sa “mga pulo,” sa malalayong dako. Walang sinuman ang magiging napakalayo o napakaliblib anupat hindi siya maaabot ng mga paghatol ni Jehova.
16. Sino ang makaliligtas sa mga paghatol ni Jehova, at ano ang matututuhan nila mula sa kanilang pagkaligtas?
16 Yaong mga nagsisikap gumawa ng tama ay hinahatulan ni Jehova sa matuwid na paraan. Inihula ni Isaias na mula sa isang dulo hanggang sa kabilang dulo—sa buong lupa—ang mga ito ay makaliligtas. At ang mararanasan nilang proteksiyon ni Jehova ay lubusang magpapatibay sa kanilang pagpipitagan at paggalang sa kaniya. (Malakias 1:11) Mababasa natin: “Mula sa lubugan ng araw ay magsisimula silang matakot sa pangalan ni Jehova, at sa kaluwalhatian niya mula sa sikatan ng araw, sapagkat darating siyang tulad ng isang pumipighating ilog, na pinayaon ng mismong espiritu ni Jehova.” (Isaias 59:19) Gaya ng isang napakalakas na buhawi na tumutulak sa mapangwasak na pader ng tubig sa unahan nito at humahawi sa lahat ng nasa dinaraanan nito, papalisin ng espiritu ni Jehova ang lahat ng sagabal sa ikatutupad ng kaniyang kalooban. Ang kaniyang espiritu ay mas malakas kaysa sa anumang puwersang taglay ng tao. Kapag ginamit niya ito sa paglalapat ng hatol sa mga tao at mga bansa, magiging tiyak at lubusan ang kaniyang tagumpay.
Pag-asa at Pagpapala Para sa mga Nagsisisi
17. Sino ang Manunubos ng Sion, at kailan niya tinubos ang Sion?
17 Sa ilalim ng Kautusan ni Moises, ang isang Israelita na nagbili ng kaniyang sarili sa pagkaalipin ay maaaring tubusin ng isang manunubos mula sa pagkaalipin. Sa makahulang aklat ni Isaias noon, si Jehova ay ipinakikilala bilang Manunubos ng nagsisising mga indibiduwal. (Isaias 48:17) Ngayon ay inilalarawan siyang muli bilang Manunubos ng mga nagsisisi. Iniulat ni Isaias ang pangako ni Jehova: “ ‘Sa Sion ay tiyak na paroroon ang Manunubos, at sa kanila na tumatalikod sa pagsalansang sa Jacob,’ ang sabi ni Jehova.” (Isaias 59:20) Ang nakapagpapatibay na pangakong ito ay natupad noong 537 B.C.E. Subalit mayroon pa itong ibang katuparan. Sinipi ni apostol Pablo ang mga salitang ito mula sa bersiyon ng Septuagint at ikinapit ito sa mga Kristiyano. Isinulat niya: “Sa ganitong paraan ay maliligtas ang buong Israel. Gaya nga ng nasusulat: ‘Ang tagapagligtas ay lalabas mula sa Sion at ilalayo ang di-makadiyos na mga gawain mula sa Jacob. At sa aking bahagi ay ito ang tipan sa kanila, kapag inalis ko ang kanilang mga kasalanan.’ ” (Roma 11:26, 27) Tunay ngang may mas malawak pang pinagkakapitan ang hula ni Isaias—isa na umaabot hanggang sa ating kapanahunan at lampas pa rito. Paano?
18. Kailan at paano pinangyari ni Jehova ang pag-iral ng “Israel ng Diyos”?
18 Noong unang siglo, tinanggap ng isang maliit na nalabi ng bansang Israel si Jesus bilang ang Mesiyas. (Roma 9:27; 11:5) Noong araw ng Pentecostes 33 C.E., ibinuhos ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu sa mga 120 mananampalatayang iyon at dinala sila sa kaniyang bagong tipan na si Jesu-Kristo ang tagapamagitan. (Jeremias 31:31-33; Hebreo 9:15) Nang araw na iyon ay umiral ang “Israel ng Diyos,” isang bagong bansa na ang mga miyembro ay nakikilala, hindi dahil likas silang mga inapo ni Abraham, kundi dahil inianak sila ng espiritu ng Diyos. (Galacia 6:16) Simula kay Cornelio, ang bagong bansa ay kinabibilangan na ng di-tuling mga Gentil. (Gawa 10:24-48; Apocalipsis 5:9, 10) Sa gayon ay inampon sila ng Diyos na Jehova at naging kaniyang espirituwal na mga anak, mga kasamang tagapagmana ni Jesus.—Roma 8:16, 17.
19. Ano ang ipinakipagtipan ni Jehova sa Israel ng Diyos?
19 Nakipagtipan ngayon si Jehova sa Israel ng Diyos. Mababasa natin: “ ‘Kung tungkol sa akin, ito ang aking tipan sa kanila,’ ang sabi ni Jehova. ‘Ang aking espiritu na sumasaiyo at ang aking mga salita na inilagay ko sa iyong bibig—ang mga iyon ay hindi aalisin sa iyong bibig o sa bibig ng iyong supling o sa bibig ng supling ng iyong supling,’ ang sabi ni Jehova, ‘mula ngayon at maging hanggang sa panahong walang takda.’ ” (Isaias 59:21) Ang mga salitang ito man ay kumapit mismo kay Isaias o hindi, ito’y tiyak na natupad kay Jesus, na pinangakuang “makikita niya ang kaniyang supling.” (Isaias 53:10) Sinabi ni Jesus ang mga salitang natutuhan niya kay Jehova, at sumakaniya ang espiritu ni Jehova. (Juan 1:18; 7:16) Angkop lamang na ang kaniyang mga kapatid at mga kasamang tagapagmana, mga miyembro ng Israel ng Diyos, ay tumanggap din ng banal na espiritu ni Jehova at mangaral ng isang mensahe na natutuhan nila sa kanilang makalangit na Ama. Silang lahat ay “mga taong naturuan ni Jehova.” (Isaias 54:13; Lucas 12:12; Gawa 2:38) Sa pamamagitan man ni Isaias o ni Jesus, na makahulang inilalarawan ni Isaias, nakipagtipan si Jehova na hindi sila kailanman papalitan kundi sila’y gagamitin hanggang sa panahong walang takda bilang kaniyang mga saksi. (Isaias 43:10) Subalit sino ang kanilang mga “supling” na nakikinabang din sa tipang ito?
20. Paano natupad noong unang siglo ang ipinangako ni Jehova kay Abraham?
20 Noong sinaunang panahon, nangako si Jehova kay Abraham: “Sa pamamagitan ng iyong binhi ay tiyak na pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili.” (Genesis 22:18) Kasuwato nito, ang maliit na nalabi ng likas na Israel na tumanggap sa Mesiyas ay nagtungo sa maraming bansa, na nangangaral ng mabuting balita tungkol sa Kristo. Simula kay Cornelio, maraming di-tuling Gentil ang ‘nagpala sa kanilang sarili’ sa pamamagitan ni Jesus, ang Binhi ni Abraham. Sila’y naging bahagi ng Israel ng Diyos at pangalawahing bahagi ng binhi ni Abraham. Sila’y bahagi ng “banal na bansa” ni Jehova, na inatasang “ipahayag [nila] nang malawakan ang mga kagalingan ng isa na tumawag sa [kanila] mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kamangha-manghang liwanag.”—1 Pedro 2:9; Galacia 3:7-9, 14, 26-29.
21. (a) Anong mga “supling” ang iniluluwal ng Israel ng Diyos sa makabagong panahon? (b) Paanong ang mga “supling” ay naaaliw dahil sa tipan, o kontrata, na ginawa ni Jehova sa Israel ng Diyos?
21 Sa ngayon ay lumilitaw na natipon na ang hustong bilang ng Israel ng Diyos. Gayunman, patuloy pa ring pinagpapala ang mga bansa—at sa malawakang paraan. Paano? Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng Israel ng Diyos ng mga “supling,” mga alagad ni Jesus na ang pag-asa’y buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa. (Awit 37:11, 29) Ang mga “supling” na ito ay tinuruan din ni Jehova at binigyan ng instruksiyon tungkol sa kaniyang mga daan. (Isaias 2:2-4) Bagaman hindi nabautismuhan ng banal na espiritu o itinuturing na mga kasali sa bagong tipan, sila’y pinalalakas ng banal na espiritu ni Jehova upang mapagtagumpayan ang lahat ng mga hadlang na inilalagay ni Satanas sa daan ng kanilang gawaing pangangaral. (Isaias 40:28-31) Ang kanilang bilang sa ngayon ay umaabot na sa milyun-milyon at patuloy pang dumarami habang nagluluwal naman sila ng kanilang sariling mga supling. Ang tipan ni Jehova, o kontrata niya, sa mga pinahiran ay nagbibigay sa mga “supling” na ito ng pagtitiwala na patuloy rin silang gagamitin ni Jehova bilang kaniyang mga tagapagsalita hanggang sa panahong walang takda.—Apocalipsis 21:3, 4, 7.
22. Anong pagtitiwala kay Jehova ang maaari nating taglayin, at paano ito dapat makaapekto sa atin?
22 Kung gayon, mapanatili sana nating lahat ang ating pananampalataya kay Jehova. Siya’y nakahanda at may kakayahan ding magligtas! Ang kaniyang kamay ay hindi kailanman magiging maikli; palagi niyang ililigtas ang kaniyang tapat na bayan. Lahat ng nagtitiwala sa kaniya ay patuloy na magtataglay ng kaniyang mabubuting salita sa kanilang mga bibig “mula ngayon at maging hanggang sa panahong walang takda.”
[Kahon sa pahina 294]
Apostatang Jerusalem—Kahawig ng Sangkakristiyanuhan
Ang Jerusalem, na kabiserang lunsod ng piniling bansa ng Diyos, ay lumalarawan sa makalangit na organisasyon ng Diyos ng mga espiritung nilalang at gayundin sa kalipunan ng pinahirang mga Kristiyano na binuhay-muli sa langit bilang kasintahan ni Kristo. (Galacia 4:25, 26; Apocalipsis 21:2) Gayunman, madalas na hindi naging tapat kay Jehova ang mga naninirahan sa Jerusalem, at ang lunsod ay inilarawan bilang isang patutot at mangangalunya. (Ezekiel 16:3, 15, 30-42) Sa kalagayang iyan, ang Jerusalem ay naging isang angkop na larawan ng apostatang Sangkakristiyanuhan.
Tinawag ni Jesus ang Jerusalem bilang “ang pumapatay ng mga propeta at bumabato sa mga isinugo sa kaniya.” (Lucas 13:34; Mateo 16:21) Gaya ng taksil na Jerusalem, inaangkin ng Sangkakristiyanuhan na siya’y naglilingkod sa tunay na Diyos subalit lumilihis nang malayo sa kaniyang matuwid na mga daan. Makapagtitiwala tayo na hahatulan ni Jehova ang Sangkakristiyanuhan ayon sa gayunding matuwid na mga pamantayan na ginamit niya sa paghatol sa apostatang Jerusalem.
[Larawan sa pahina 296]
Ang isang hukom ay dapat humatol ayon sa katuwiran, maghangad ng katarungan, at tumanggi sa suhol
[Larawan sa pahina 298]
Gaya ng isang bumabahang ilog, papalisin ng mga kahatulan ni Jehova ang lahat ng sagabal sa paggawa ng kaniyang kalooban
[Larawan sa pahina 302]
Nakipagtipan si Jehova na hindi kailanman mawawala sa kaniyang bayan ang pribilehiyo na maging kaniyang mga saksi