Teokratikong Pangangasiwa sa Panahong Kristiyano
“Ito ay ayon sa kaniyang mabuting kaluguran . . . upang muling tipunin ang lahat ng mga bagay kay Kristo, ang mga bagay na nasa mga langit at ang mga bagay na nasa lupa.”—EFESO 1:9, 10.
1, 2. (a) Paano nagpatuloy ang pagtitipon ng “mga bagay na nasa mga langit,” na nagsimula noong 33 C.E.? (b) Paano ipinamalas ng pinahirang mga Kristiyano ang espiritu nina Moises at Elias sapol noong 1914?
ANG pagtitipong ito ng “mga bagay na nasa mga langit” ay nagsimula noong 33 C.E., nang isilang “ang Israel ng Diyos.” (Galacia 6:16; Isaias 43:10; 1 Pedro 2:9, 10) Pagkatapos ng unang siglo C.E., bumagal ang pagtitipon habang ang tunay na mga Kristiyano (tinatawag ni Jesus na “trigo”) ay nasisiksik ng apostatang “panirang-damo” na inihasik ni Satanas. Ngunit habang papalapit ang “panahon ng kawakasan,” ang tunay na Israel ng Diyos ay muling lumitaw at noong 1919 ay inatasan sa lahat ng mga pag-aari ni Jesus.a—Mateo 13:24-30, 36-43; 24:45-47; Daniel 12:4.
2 Noong unang digmaang pandaigdig, gumawa ng makapangyarihang mga gawa ang mga pinahirang Kristiyano, kagaya ng ginawa nina Moises at Elias.b (Apocalipsis 11:5, 6) Sapol noong 1919 ay ipinangaral nila ang mabuting balita sa isang napopoot na sanlibutan, anupat ginagawa iyon taglay ang lakas ng loob na tulad ng kay Elias. (Mateo 24:9-14) At mula noong 1922 ay ipinahayag nila ang mga kahatulan ni Jehova sa sangkatauhan, kung paanong ipinasapit ni Moises ang mga salot ng Diyos sa sinaunang Ehipto. (Apocalipsis 15:1; 16:2-17) Ang nalabi ng mga pinahirang Kristiyanong ito ang siyang pinakapundasyon ngayon ng bagong sanlibutang samahan ng mga Saksi ni Jehova.
Kumikilos ang Isang Lupong Tagapamahala
3. Anong mga pangyayari ang nagpapakita na organisadong-organisado ang sinaunang kongregasyong Kristiyano?
3 Sa simula pa, organisado na ang mga pinahirang tagasunod ni Jesus. Habang dumarami ang mga alagad, nagtatag ng lokal na mga kongregasyon at humirang ng matatanda. (Tito 1:5) Pagkaraan ng 33 C.E., kumilos ang 12 apostol bilang isang awtorisadong sentral na lupong tagapamahala. Dahil dito, sila’y walang-takot na nanguna sa gawaing pagpapatotoo. (Gawa 4:33, 35, 37; 5:18, 29) Inorganisa nila ang pamamahagi ng pagkain sa mga nagdarahop, at sinugo nila sina Pedro at Juan sa Samaria upang subaybayan ang mga ulat tungkol sa mga interesado roon. (Gawa 6:1-6; 8:6-8, 14-17) Dinala ni Bernabe si Pablo sa kanila upang patunayan na ang dating mang-uusig na ito ay isa na ngayong tagasunod ni Jesus. (Gawa 9:27; Galacia 1:18, 19) At pagkatapos na mapangaralan ni Pedro si Cornelio at ang kaniyang sambahayan, bumalik siya sa Jerusalem at ipinaliwanag sa mga apostol at sa iba pang mga kapatid na taga-Judea kung paano ipinakita ng banal na espiritu ang kalooban ng Diyos sa kasong ito.—Gawa 11:1-18.
4. Anong pagtatangka ang ginawa upang patayin si Pedro, ngunit paano nailigtas ang kaniyang buhay?
4 Pagkatapos ay buong-lupit na sinalakay ang lupong tagapamahala. Ibinilanggo si Pedro, at nailigtas lamang ang kaniyang buhay sa pamamagitan ng isang anghel. (Gawa 12:3-11) Ngayon sa unang pagkakataon, ang isa na hindi kabilang sa 12 apostol ay humawak ng isang prominenteng posisyon sa Jerusalem. Nang makalaya si Pedro sa bilangguan, sinabi niya sa isang grupo na nagkatipon sa bahay ng ina ni Juan Marcos: “Iulat ninyo ang mga bagay na ito kay Santiago [kapatid ni Jesus sa ina] at sa mga kapatid.”—Gawa 12:17.
5. Paano nabago ang kayarian ng lupong tagapamahala pagkatapos ng pagpatay kay Santiago bilang martir?
5 Nauna rito, pagkatapos na magpatiwakal si Hudas Iscariote, ang traidor na apostol, natanto ang pangangailangan na ibigay ang “kaniyang katungkulan ng pangangasiwa” bilang apostol sa isa na nakasama ni Jesus sa kaniyang ministeryo at nakasaksi sa kaniyang kamatayan at pagkabuhay-muli. Gayunman, nang mapatay si Santiago, ang kapatid ni Juan, walang pumalit sa kaniya bilang isa sa 12. (Gawa 1:20-26; 12:1, 2) Sa halip, ipinakikita ng sumunod na pagtukoy ng Kasulatan sa lupong tagapamahala na ito ay nadagdagan. Nang bumangon ang isang pagtatalo tungkol sa kung ang mga Gentil na sumunod kay Jesus ay dapat na pasakop sa Batas Mosaiko, ang bagay na ito ay isinumite para pagpasiyahan ng “mga apostol at ng mga nakatatandang lalaki na nasa Jerusalem.” (Gawa 15:2, 6, 20, 22, 23; 16:4) Bakit maliwanag na may “mga nakatatandang lalaki” na ngayon sa lupong tagapamahala? Hindi sinasabi ng Bibliya, ngunit kitang-kitang may kabutihan ito. Ipinakita ng pagkamatay ni Santiago at ng pagkabilanggo ni Pedro na ang mga apostol ay maaaring mabilanggo o mapatay balang araw. Sa gayong pangyayari, ang pagkakaroon ng iba pang kuwalipikadong matatanda, na makaranasan sa mga pamamaraan ng lupong tagapamahala, ay siyang titiyak sa maayos na pagpapatuloy ng pangangasiwa.
6. Paano patuloy na nanungkulan ang lupong tagapamahala sa Jerusalem, kahit na noong wala na sa lunsod na ito ang orihinal na mga miyembro nito?
6 Nang dumating si Pablo sa Jerusalem noong mga taóng 56 C.E., nag-ulat siya kay Santiago at, sinasabi ng Bibliya, “ang lahat ng nakatatandang lalaki ay naroroon.” (Gawa 21:18) Bakit hindi binanggit ang mga apostol sa pulong na ito? Muli, hindi sinasabi ng Bibliya. Ngunit iniulat ng istoryador na si Eusebius nang dakong huli na mga ilang panahon bago ang 66 C.E., “ang natitirang mga apostol, na laging nanganganib sa mga pakanang patayin sila, ay itinaboy papalabas ng Judea. Ngunit upang maituro ang kanilang mensahe ay naglakbay sila sa bawat lupain sa kapangyarihan ng Kristo.” (Eusebius, Book III, V, v. 2) Totoo, hindi bahagi ng kinasihang ulat ang mga salita ni Eusebius, ngunit ang mga ito ay kasuwato ng sinasabi ng ulat na iyon. Halimbawa, pagsapit ng 62 C.E., si Pedro ay nasa Babilonya—malayo sa Jerusalem. (1 Pedro 5:13) Gayunpaman, noong 56 C.E., at malamang hanggang noong 66 C.E., isang lupong tagapamahala ang maliwanag na aktibo sa Jerusalem.
Pangangasiwa sa Modernong Panahon
7. Kung ihahambing sa lupong tagapamahala noong unang siglo, ano ang natatanging kaibahan sa kayarian ng Lupong Tagapamahala sa ngayon?
7 Mula noong 33 C.E. hanggang sa kapighatian sa Jerusalem, maliwanag na ang lupong tagapamahala ay binubuo ng mga Kristiyanong Judio. Sa kaniyang pagdalaw noong 56 C.E., nalaman ni Pablo na maraming Kristiyanong Judio sa Jerusalem, bagaman “nanghahawakan sa pananampalataya ng ating Panginoong Jesu-Kristo,” ay nananatili pa ring “masigasig sa Batas [Mosaiko].”c (Santiago 2:1; Gawa 21:20-25) Maaaring nahirapan ang gayong mga Judio na isip-isiping isang Gentil ang kabilang sa lupong tagapamahala. Subalit sa modernong panahon, may isa pang pagbabago sa kayarian ng lupong ito. Sa ngayon, binubuo ito ng pawang pinahirang Gentil na mga Kristiyano, at totoong pinagpala ni Jehova ang kanilang pangangasiwa.—Efeso 2:11-15.
8, 9. Anong mga pagsulong ang naganap sa Lupong Tagapamahala sa modernong panahon?
8 Mula nang itatag ang Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania noong 1884 hanggang noong 1972, ang presidente ng Samahan ang humahawak ng malaking awtoridad sa organisasyon ni Jehova, samantalang ang Lupong Tagapamahala ay malapit na kaugnay ng lupon ng mga direktor ng Samahan. Pinatutunayan ng mga pagpapalang tinamasa noong mga taóng iyon na tinanggap ni Jehova ang kaayusang ito. Sa pagitan ng 1972 at 1975, umabot sa 18 ang miyembro ng Lupong Tagapamahala. Ang mga bagay-bagay ay naging mas katulad sa kaayusan noong unang siglo nang mas malaking awtoridad ang ipinagkaloob sa lupong ito na nadagdagan, na ang ilan ay mga direktor ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania.
9 Sapol noong 1975 ay natapos ng ilan sa 18 indibiduwal na ito ang kanilang makalupang landasin. Nanaig sila sa sanlibutan at ‘umupong kasama ni Jesus sa kaniyang makalangit na trono.’ (Apocalipsis 3:21) Dahil dito at sa iba pang kadahilanan, ang Lupong Tagapamahala ngayon ay may sampung miyembro, kasali na ang isa na nadagdag noong 1994. Karamihan ay totoong matanda na. Gayunman, ang pinahirang mga kapatid na ito ay tumatanggap ng mahusay na tulong habang tinutupad nila ang kanilang mabibigat na tungkulin. Saan masusumpungan ang tulong na ito? Ang isang sulyap sa modernong pagsulong sa gitna ng bayan ng Diyos ang siyang sasagot sa tanong na ito.
Tulong Para sa Israel ng Diyos
10. Sino ang nakisama sa mga pinahiran sa paglilingkod kay Jehova sa mga huling araw na ito, at paano ito inihula?
10 Noong 1884 ay pinahirang mga Kristiyano ang halos lahat ng kabilang sa Israel ng Diyos. Subalit unti-unti, isa pang grupo ang nagsimulang lumitaw, at noong 1935 ay nakilala ang grupong ito bilang ang “malaking pulutong” ng Apocalipsis kabanata 7. Palibhasa’y may makalupang pag-asa, kumakatawan ang mga ito sa “mga bagay na nasa lupa” na nilayon ni Jehova na matipon kay Kristo. (Efeso 1:10) Kumakatawan sila sa “ibang mga tupa” sa talinghaga ni Jesus tungkol sa mga kulungan ng tupa. (Juan 10:16) Mula noong 1935, dumagsa ang mga ibang tupa sa organisasyon ni Jehova. Sila’y dumating na “nagsisilipad na parang alapaap, at parang mga kalapati sa kanilang mga bahay-kalapati.” (Isaias 60:8) Dahil sa pagdami ng malaking pulutong at sa pagkaunti ng uring pinahiran habang natatapos ng marami ang kanilang makalupang landasin sa pamamagitan ng kamatayan, gumanap ng malaking bahagi sa mga gawaing Kristiyano ang mga kuwalipikadong ibang tupa. Sa anu-anong paraan?
11. Anong mga pribilehiyo, na dati’y taglay lamang ng mga pinahirang Kristiyano, ang ipinagkaloob sa mga ibang tupa?
11 Ang paghahayag nang malawakan tungkol sa kamahalan ni Jehova ay laging isang natatanging obligasyon ng “bansang banal” ng Diyos. Binanggit ito ni Pablo bilang isang hain sa templo, at sa magiging kabilang sa “maharlikang pagkasaserdote,” ibinigay ni Jesus ang atas na mangaral at magturo. (Exodo 19:5, 6; 1 Pedro 2:4, 9; Mateo 24:14; 28:19, 20; Hebreo 13:15, 16) Gayunpaman, espesipikong pinasigla ng Agosto 1, 1932, isyu ng The Watchtower yaong mga inilalarawan ni Jonadab na makibahagi sa gawaing ito. Sa katunayan, marami sa gayong ibang tupa ang gumagawa na nito. Sa ngayon, halos ang buong gawaing pangangaral ay ginagampanan ng mga ibang tupa bilang isang prominenteng bahagi ng kanilang ‘pag-uukol sa Diyos ng sagradong paglilingkod araw at gabi sa kaniyang templo.’ (Apocalipsis 7:15) Gayundin naman, sa unang bahagi ng modernong kasaysayan ng bayan ni Jehova, ang matatanda sa kongregasyon ay mga pinahirang Kristiyano, ang “mga bituin” sa kanang kamay ni Jesu-Kristo. (Apocalipsis 1:16, 20) Subalit ipinatalastas ng Mayo 1, 1937, isyu ng The Watchtower na ang mga kuwalipikadong ibang tupa ay maaaring maging mga company servant (punong tagapangasiwa). Kahit na may mga pinahirang lalaki, ang mga ibang tupa ay maaaring bumalikat ng pananagutang ito kung hindi magagampanan ng mga pinahirang lalaki. Sa ngayon, halos lahat ng matatanda sa kongregasyon ay kabilang sa mga ibang tupa.
12. Ano ang maka-Kasulatang mga parisan para sa pagtanggap ng mga kuwalipikadong ibang tupa ng mabibigat na pananagutan sa organisasyon?
12 Mali ba na ibigay ang gayong mabibigat na pananagutan sa mga ibang tupa? Hindi, mayroon itong makasaysayang parisan. Humawak ng matataas na katungkulan ang ilang banyagang proselita (naninirahang dayuhan) sa sinaunang Israel. (2 Samuel 23:37, 39; Jeremias 38:7-9) Pagkatapos na makalaya mula sa Babilonya, ang kuwalipikadong Netinim (di-Israelitang mga lingkod sa templo) ay pinagkalooban ng mga pribilehiyo ng paglilingkod sa templo na dating taglay lamang ng mga Levita. (Ezra 8:15-20; Nehemias 7:60) Karagdagan pa, si Moises, na nakitang kasama ni Jesus sa pangitain ng pagbabagong-anyo, ay tumanggap ng mahusay na payo mula sa Midianitang si Jetro. Pagkaraan, hiniling niya sa anak ni Jetro na si Hobab na magsilbing kanilang giya sa ilang.—Exodo 18:5, 17-24; Bilang 10:29.
13. Sa mapagpakumbabang pag-aatas ng pananagutan sa mga kuwalipikadong ibang tupa, kaninong mainam na saloobin ang tinutularan ng mga pinahiran?
13 Sa pagtatapos ng 40 taon sa ilang, nanalangin si Moises na sana’y maglaan si Jehova ng isang kahalili, yamang nalalaman na hindi siya makapapasok sa Lupang Pangako. (Bilang 27:15-17) Sinabihan siya ni Jehova na atasan si Josue sa harap ng buong bayan, at ginawa iyon ni Moises, kahit na malakas pa ang katawan niya at hindi naman agad tumigil sa paglilingkod sa Israel. (Deuteronomio 3:28; 34:5-7, 9) Taglay ang katulad na pagpapakumbaba, ang mga pinahiran ay nagkakaloob na ng karagdagang mga pribilehiyo sa mga kuwalipikadong lalaki na kabilang sa mga ibang tupa.
14. Anong mga hula ang nagtuturo tungkol sa lumalaking bahagi ng mga ibang tupa sa organisasyon?
14 Ang lumalaking bahagi ng mga ibang tupa sa organisasyon ay paksa rin ng hula. Inihula ni Zacarias na ang mga di-Israelitang Filisteo ay magiging “gaya ng isang shik sa Juda.” (Zacarias 9:6, 7) Ang mga shik ay mga pinuno ng tribo, kaya sinasabi ni Zacarias na ang isang dating kaaway ng Israel ay yayakap sa tunay na pagsamba at magiging gaya ng isang pinuno ng tribo sa Lupang Pangako. Isa pa, nang kinakausap ang Israel ng Diyos, sinabi ni Jehova: “Ang mga estranghero ay magsisitayo at magpapastol ng inyong mga kawan, at ang mga banyaga ay magiging inyong mga mang-aararo at inyong mang-uubasan. At kung para sa inyo, kayo’y tatawaging mga saserdote ni Jehova; ang mga ministro ng ating Diyos ang itatawag sa inyo.” (Isaias 61:5, 6) Ang mga “estranghero” at “banyaga” ay ang mga ibang tupa. Ang mga ito ay inatasan ng mga pananagutan upang balikatin ang higit at higit pang gawain habang tinatapos ng matatanda nang pinahirang nalabi ang kanilang makalupang landasin at humahayo upang maglingkod sa isang ganap na diwa bilang makalangit na “mga saserdote ni Jehova,” anupat nasa palibot ng maharlikang trono ni Jehova bilang “mga ministro ng ating Diyos.”—1 Corinto 15:50-57; Apocalipsis 4:4, 9-11; 5:9, 10.
“Salinlahi . . . na Darating”
15. Sa panahong ito ng kawakasan, aling grupo ng mga Kristiyano ang “matanda na,” at aling grupo ang kumakatawan sa “salinlahi . . . na darating”?
15 Sabik ang mga pinahirang nalabi na sanayin ang mga ibang tupa para sa karagdagang pananagutan. Ganito ang sabi ng Awit 71:18: “Hanggang sa ako’y matanda na at may uban, O Diyos, huwag mo akong iwan, hanggang sa aking maihayag sa salinlahi ang tungkol sa iyong bisig, sa lahat niyaon na darating, ang tungkol sa iyong kalakasan.” Bilang komento sa talatang ito, sinabi ng Disyembre 15, 1948, ng Watchtower na ang kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano ay talaga namang matanda na. Sinabi pa nito na ang mga pinahiran ay maligayang “tumitingin sa liwanag ng hula sa Bibliya at nakakakita ng isang bagong sanlinlahi.” Kanino lalo nang tumutukoy ito? Sinabi ng The Watchtower: “Binanggit sila ni Jesus bilang ang kaniyang ‘ibang mga tupa.’ ” ‘Ang salinlahi na darating’ ay tumutukoy sa mga tao na mamumuhay sa ilalim ng bagong makalupang pangasiwaan na pinamamahalaan ng Kaharian ng mga langit.
16. Anong mga pagpapala ang buong-kasabikang hinihintay ng ‘salinlahi na darating’?
16 Hindi tiyakang sinasabi ng Bibliya kung kailan iiwan ng lahat ng pinahirang Kristiyano ang kanilang mga kapatid sa ‘salinlahing ito na darating’ at hahayo upang luwalhatiing kasama ni Jesu-Kristo. Ngunit may tiwala ang mga pinahirang ito na malapit na ang panahon para rito. Ang mga pangyayaring binanggit sa dakilang hula ni Jesus tungkol sa “panahon ng kawakasan’ ay nagaganap na sapol noong 1914, anupat nagpapakita na malapit na ang pagpuksa sa sanlibutang ito. (Daniel 12:4; Mateo 24:3-14; Marcos 13:4-20; Lucas 21:7-24) Di na magtatagal, ihaharap ni Jehova ang isang bagong sanlibutan na dito ‘ang salinlahi na darating’ ay ‘magmamana ng kaharian [ang makalupang sakop] na inihanda para sa kanila mula sa pagkakatatag ng sanlibutan.’ (Mateo 25:34) Tuwang-tuwa silang hintayin ang pagsasauli ng Paraiso at ang pagbabangon ng milyun-milyong namatay mula sa Hades. (Apocalipsis 20:13) Naroroon kaya ang mga pinahiran upang salubungin ang mga binuhay-muling ito? Noong 1925, sinabi ng Mayo 1 ng Watch Tower: “Hindi natin dapat sabihin nang di-makatuwiran kung ano ang gagawin o hindi gagawin ng Diyos . . . [Ngunit] tayo’y humantong sa konklusyon na ang mga miyembro ng Iglesya [pinahirang mga Kristiyano] ay luluwalhatiin bago buhaying-muli ang sinaunang mga karapat-dapat [tapat na mga saksi bago ng panahong Kristiyano].” Sa katulad na pagtalakay kung ang ilan sa mga pinahiran ay nasa malapit upang salubungin ang mga binuhay-muli, ganito ang sabi ng Bantayan ng Setyembre 1, 1989: “Ito’y hindi na kailangan.”d
17. Sa anong kahanga-hangang mga pribilehiyo makikibahagi ang mga pinahiran, bilang isang grupo, sa nakaluklok na Hari, si Jesu-Kristo?
17 Totoo, hindi natin alam kung ano ang mangyayari sa kaso ng bawat pinahirang Kristiyano. Ngunit ang pagkanaroroon nina Moises at Elias na kasama ni Jesus sa pangitain ng pagbabagong-anyo ay nagpapahiwatig na ang mga binuhay-muling pinahirang Kristiyano ay inaasahang kasama ni Jesus kapag dumating siya na nasa kaluwalhatian upang ‘maglapat ng kabayaran sa bawat isa ayon sa kaniyang paggawi’ habang iginagawad at isinasagawa ang kaniyang kahatulan. Isa pa, natatandaan natin ang pangako ni Jesus na ang mga pinahirang Kristiyano na ‘mananaig’ ay makikibahagi sa kaniya sa ‘pagpapastol sa mga bansa sa pamamagitan ng isang tungkod na bakal’ sa Armagedon. Kapag dumating si Jesus na nasa kaluwalhatian, uupo silang kasama niya na ‘hahatol sa labindalawang tribo ng Israel.’ Kasama ni Jesus, kanilang ‘dudurugin si Satanas sa ilalim ng kanilang paa.’—Mateo 16:27–17:9; 19:28; Apocalipsis 2:26, 27; 16:14, 16; Roma 16:20; Genesis 3:15; Awit 2:9; 2 Tesalonica 1:9, 10.
18. (a) Ano ang situwasyon hinggil sa ‘pagtitipon ng lahat ng mga bagay sa mga langit kay Kristo’? (b) Ano ang masasabi natin tungkol sa ‘pagtitipon ng mga bagay na nasa lupa kay Kristo’?
18 Alinsunod sa kaniyang pangangasiwa ng mga bagay, pasulong na kumikilos si Jehova “upang muling tipunin ang lahat ng mga bagay kay Kristo.” Hinggil sa “mga bagay na nasa mga langit,” malapit nang matapos ang kaniyang layunin. Ang pagbubuklod kay Jesus at sa lahat ng kabilang sa 144,000 sa langit para sa “kasal ng Kordero” ay malapit na. Kaya naman, parami nang paraming datihan, maygulang na mga kapatid na kabilang sa mga ibang tupa, na kumakatawan sa “mga bagay na nasa lupa,” ang naatasan ng mas mabibigat na pananagutan bilang tulong sa kanilang pinahirang mga kapatid. Totoo ngang kapana-panabik ang panahon na kinabubuhayan natin! Tunay na kasiya-siyang makita ang pagsulong ng layunin ni Jehova tungo sa katuparan nito! (Efeso 1:9, 10; 3:10-12; Apocalipsis 14:1; 19:7, 9) At talaga namang nagagalak ang mga ibang tupa na tulungan ang kanilang pinahirang mga kapatid habang ang dalawang grupo ay naglilingkod na magkasama bilang “isang kawan” sa ilalim ng “isang pastol” na nagpapasakop sa Hari, si Jesu-Kristo, at sa kaluwalhatian ng dakilang Pansansinukob na Soberano, ang Diyos na Jehova!—Juan 10:16; Filipos 2:9-11.
[Mga talababa]
a Tingnan ang Pebrero 2, 1982, isyu ng Ang Bantayan, pahina 16-26.
b Halimbawa, simula noong 1914, ang “The Photo-Drama of Creation”—isang apat-na-bahaging pelikula at inirekord na presentasyon—ay ipinalabas sa mga manonood sa siksikang mga sinehan sa buong Kanluraning daigdig.
c Sa posibleng mga kadahilanan kung bakit masigasig ang ilang Kristiyanong Judio sa Batas, tingnan ang Insight on the Scriptures, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., Tomo 2, pahina 1163-4.
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Paano sumulong ang organisasyon ng Diyos noong unang siglo?
◻ Paano sumulong ang Lupong Tagapamahala sa modernong kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova?
◻ Anong Kasulatan ang nagpapahintulot sa pagbibigay ng awtoridad sa mga ibang tupa sa organisasyon ni Jehova?
◻ Paano tinitipon kay Kristo “ang mga bagay na nasa mga langit” at “ang mga bagay na nasa lupa”?
[Larawan sa pahina 16]
Kahit wala na sa Jerusalem ang orihinal na mga miyembro nito, isang lupong tagapamahala ang nangangasiwa roon
[Mga larawan sa pahina 18]
Isang pagpapala sa bayan ni Jehova ang maygulang na pinahirang mga Kristiyano
C. T. Russell 1884-1916
J. F. Rutherford 1916-42
N. H. Knorr 1942-77
F. W. Franz 1977-92
M. G. Henschel 1992-