Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Sa 1 Pedro 2:9, tinatawag ng “King James Version” ang pinahirang mga Kristiyano bilang “isang piniling salinlahi.” Ito ba’y dapat makaapekto sa ating pangmalas sa paggamit ni Jesus ng “salinlahi” na nakasulat sa Mateo 24:34?
Ang salitang “salinlahi” ay lumilitaw sa salin ng dalawang talatang ito sa ilang bersiyon. Ayon sa King James Version, sumulat si apostol Pedro: “Subalit kayo ay isang piniling salinlahi, isang maharlikang pagkasaserdote, isang bansang banal, isang kakaibang bayan; na dapat ninyong ipahayag ang mga papuri niya na tumawag sa inyo buhat sa kadiliman tungo sa kaniyang kamangha-manghang liwanag.” At inihula ni Jesus: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi lilipas ang salinlahing ito, hanggang sa mangaganap ang lahat ng mga bagay na ito.”—1 Pedro 2:9; Mateo 24:34.
Sa naunang talata, ginamit ni apostol Pedro ang salitang Griyego na geʹnos, samantalang sa teksto ng pangungusap ni Jesus, masusumpungan natin ang ge·ne·aʹ. Ang dalawang Griegong salitang ito ay waring magkahawig, at ang mga ito ay kaugnay sa iisang ugat; gayunman, ang mga ito ay magkaibang salita, at may magkaibang kahulugan. Sinasabi sa talababa ng New World Translation of the Holy Scriptures—With References sa 1 Pedro 2:9: “ ‘Lahi (race).’ Gr., geʹnos; naiiba sa ge·ne·aʹ, ‘salinlahi,’ gaya ng nasa Mat 24:34.” Isang katumbas na talababa ang masusumpungan sa Mateo 24:34.
Gaya ng ipinakikita ng mga talababang iyon, angkop ang pagkasalin sa geʹnos ng salitang Ingles na “race,” gaya ng karaniwang matatagpuan sa mga bersiyong Ingles. Sa 1 Pedro 2:9, ikinapit ni Pedro ang hula na nasa Isaias 61:6 sa pinahirang mga Kristiyano na may makalangit na pag-asa. Ang mga ito ay kinuha sa maraming bansa at tribo, ngunit sa kanilang pagiging bahagi ng espirituwal na Israel ay hindi mahalaga kung ano man ang bansang pinagmulan nila. (Roma 10:12; Galacia 3:28, 29; 6:16; Apocalipsis 5:9, 10) Ipinakilala ni Pedro na sila’y nagiging, sa espirituwal na diwa, isang naiibang grupo—“isang lahing pinili, isang maharlikang pagkasaserdote, isang bansang banal, isang bayang ukol sa pantanging pag-aari.”
Subalit sa tekstong Griego ng mga salita ni Jesus na nasa Mateo 24:34, makikita natin ang salitang ge·ne·aʹ. Malaganap na kinikilala na ang tinutukoy ni Jesus ay hindi anumang “lahi” ng mga tao, kundi yaong mga taong nabubuhay sa isang yugto ng panahon.
Halos isang daan taon na, nilinaw ito ni Charles T. Russell, ang unang presidente ng Watch Tower Society, nang siya’y sumulat: “Bagaman ang mga salitang ‘salinlahi’ at ‘lahi’ ay masasabing galing sa iisang ugat o pinagmulan, gayunma’y hindi pareho ang mga ito; at may malaking pagkakaiba ang pagkagamit sa Kasulatan ng dalawang salita. . . . Sa tatlong magkakaibang ulat ng hulang ito ang ating Panginoon ay binigyang-kapurihan sa paggamit sa isang lubusang naiibang salitang Griego (genea) na hindi lahi ang kahulugan, kundi may kaparehong kahulugan gaya ng ating salitang Tagalog na salinlahi. Ang iba pang gamit ng salitang Griegong ito (genea) ay nagpapatotoo na hindi ito ginagamit na taglay ang kahulugan ng lahi, kundi tumutukoy sa mga taong nabubuhay sa isang panahon.”—The Day of Vengeance, pahina 602-3.
Kamakailan lamang, ganito ang sabi ng A Handbook on the Gospel of Matthew (1988), na nilayon para sa mga tagapagsalin ng Bibliya: “[Ang New International Version] ay nagsasalin ng salinlahing ito sa literal na paraan subalit sinusundan ng talababa, ‘O lahi.’ At naniniwala ang isang iskolar sa Bagong Tipan na ‘ang ibig sabihin ni Mateo ay hindi lamang ang unang salinlahi pagkatapos ni Jesus kundi lahat ng salinlahi ng Judaismo na tumanggi sa kaniya.’ Gayunman, walang lingguwistikang katibayan na aalalay sa alinman sa mga konklusyong ito, at kailangang iwaksi ang mga ito bilang mga pagtatangka na iwasan ang maliwanag na kahulugan. Sa orihinal na kalagayan nito ang tinutukoy ay yaong mga kapanahon ni Jesus.”
Gaya ng tinalakay sa pahina 10 hanggang 15, hinatulan ni Jesus ang salinlahi ng mga Judio noong kaniyang kapanahunan na nagtakwil sa kaniya. (Lucas 9:41; 11:32; 17:25) Siya kadalasan ay gumagamit ng mga pang-uri tulad ng “balakyot at mapangalunya,” “walang-pananampalataya at pilipit,” at “mapangalunya at makasalanan” sa paglalarawan sa salinlahing iyon. (Mateo 12:39; 17:17; Marcos 8:38) Sa huling paggamit ni Jesus ng “salinlahi,” siya’y nasa Bundok ng Olibo kasama ang apat na apostol. (Marcos 13:3) Ang mga taong iyon, na hindi pa pinapahiran ng espiritu ni bahagi man ng isang Kristiyanong kongregasyon, ay tiyak na hindi bumubuo ng isang “salinlahi” o lahi ng mga tao. Subalit sila’y pamilyar sa paggamit ni Jesus ng terminong “salinlahi” sa pagtukoy sa kaniyang mga kapanahon. Kaya makatuwiran lamang na mauunawaan nila kung ano ang nasa isip niya nang banggitin niya ang “salinlahing ito” sa huling pagkakataon.a Si apostol Pedro, na naroroon, nang maglaon ay humimok sa mga Judio: “Maligtas kayo mula sa likong salinlahing ito.”—Gawa 2:40.
Malimit kaming maglathala ng ebidensiya na marami sa mga inihula ni Jesus sa diskurso ring ito (tulad ng mga digmaan, lindol, at taggutom) ang natupad sa pagitan ng kaniyang pagbigkas ng hula at ng pagkawasak ng Jerusalem noong 70 C.E. Marami ang natupad, ngunit hindi lahat. Halimbawa walang ebidensiya na matapos ang pag-atake ng mga Romano sa Jerusalem (66-70 C.E.) “ang tanda ng Anak ng tao” ay lumitaw, anupat hinampas ng “lahat ng mga tribo sa lupa” ang kanilang sarili. (Mateo 24:30) Kung gayon, ang katuparang iyon sa pagitan ng 33 C.E. at 70 C.E. ay patiuna lamang, hindi ang lubusan o malawakang katuparan na tinutukoy rin ni Jesus.
Sa pambungad sa kaniyang salin ng akda ni Josephus na The Jewish War, si G. A. Williamson ay sumulat: “Sinasabi sa atin ni Mateo na ang mga alagad ay nagtanong [kay Jesus] ng magkatambal na tanong—tungkol sa pagkawasak ng Templo at tungkol sa Kaniyang huling pagparito—at binigyan Niya sila ng magkatambal na sagot, na sa unang bahagi ay malinaw na inihula ang mga pangyayari na siya mismong lubusang inilarawan ni Josephus nang dakong huli.”
Oo, sa unang katuparan, “ang salinlahing ito” ay maliwanag na may kahulugan na kagaya ng sa ibang panahon—ang umiiral noon na salinlahi ng di-sumasampalatayang mga Judio. Ang “salinlahing” iyon ay hindi lilipas nang hindi nararanasan ang inihula ni Jesus. Gaya ng komento ni Williamson, ito ay napatunayang totoo sa mga dekada na humantong sa pagkawasak ng Jerusalem, gaya ng pagkalarawan ng isang nakasaksing istoryador, si Josephus.
Sa ikalawa o mas malaking katuparan, ang “salinlahing ito” ay makatuwiran lamang na yaon ding mga taong nabuhay nang magkakasabay. Gaya ng pinatutunayan ng artikulo na nagsisimula sa pahina 16, hindi tayo dapat manghinuha na ang tinutukoy ni Jesus ay isang takdang bilang ng mga taon na bumubuo ng isang “salinlahi.”
Bagkus, dalawang pangunahing bagay ang masasabi sa alinmang panahon na ipinahihiwatig ng “salinlahi.” (1) Ang isang salinlahi ng mga tao ay hindi maaaring malasin na isang yugto ng panahon na may takdang bilang ng mga taon, tulad sa kaso ng pagtukoy sa panahon na may takdang bilang ng mga taon (dekada o siglo). (2) Ang mga tao ng isang salinlahi ay nabubuhay sa isang katamtamang ikli ng panahon, hindi mahaba.
Kaya nga, nang marinig ng mga apostol na tukuyin ni Jesus “ang salinlahing ito,” ano kaya ang sasaisip nila? Samantalang tayo, na nakaunawa ng katuparan, ay nakababatid na ang pagkawasak ng Jerusalem sa “malaking kapighatian” ay naganap pagkaraan ng 37 taon, ang mga apostol na nakapakinig kay Jesus ay hindi makaaalam niyan. Sa halip, ang kaniyang pagbanggit ng “salinlahi” ay magpapahiwatig sa kanila, hindi ng idea ng matagal na panahon, kundi ng mga taong nabubuhay sa isang relatibong limitadong yugto ng panahon. Ganiyan din kung tungkol sa atin. Angkop na angkop nga, kung gayon, ang sumunod na pananalita ni Jesus: “May kinalaman sa araw at sa oras na iyon ay walang sinuman ang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa mga langit kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang. . . . Dahil dito ay patunayan din ninyo ang inyong mga sarili na handa, sapagkat sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao ay darating.”—Mateo 24:36, 44.
[Talababa]
a Sa pananalitang “salinlahing ito,” isang anyo ng panghalip na pamatlig na houʹtos ang katumbas ng salitang Tagalog na “ito.” Ito’y maaaring tumukoy sa isang bagay na presente o nasa harap ng nagsasalita. Subalit maaari rin itong magkaroon ng ibang kahulugan. Sa Exegetical Dictionary of the New Testament (1991) ay sinasabi: “Ang salitang [houʹtos] ay nagpapahiwatig ng isang kasalukuyang bagay. Kaya ang [aion houʹtos] ay ang ‘kasalukuyang umiiral na daigdig’ . . . at ang [geneaʹ haute] ay ang ‘salinlahi na nabubuhay ngayon’ (hal., Mat 12:41f., 45; 24:34).” Sumulat si Dr. George B. Winer: “Ang panghalip [na houʹtos] kung minsan ay tumutukoy, hindi sa pinakamalapit na pangngalan, kundi sa isa na mas malayo, na, bilang pangunahing simuno, sa isip ay siyang pinakamalapit, na siya mismong nasa kaisipan ng manunulat.”—A Grammar of the Idiom of the New Testament, ika-7 edisyon, 1897.