Ikadalawampu’t Tatlong Kabanata
“Isang Bagong Pangalan”
1. Anong katiyakan ang nakaulat sa Isaias kabanata 62?
KATIYAKAN, kaaliwan, pag-asang maisauli—iyan ang kailangan ng nasisiraan-ng-loob na mga Judio sa Babilonya. Ilang dekada na ang nakalilipas mula nang mawasak ang Jerusalem at ang templo nito. Mga 800 kilometro ang layo mula sa Babilonya, ang Juda ay naiwang tiwangwang, at sa wari’y kinalimutan na ni Jehova ang mga Judio. Ano kaya ang makapagpapabuti sa kanilang kalagayan? Ang mga pangako mula kay Jehova na pauuwiin niya sila at pahihintulutan silang isauli ang dalisay na pagsamba. Sa gayon, ang mga paglalarawang gaya ng “pinabayaan nang lubusan” at “tiwangwang” ay papalitan ng mga pangalan na nagpapahiwatig ng pagsang-ayon ng Diyos. (Isaias 62:4; Zacarias 2:12) Ang kabanata 62 ng Isaias ay punô ng mga pangakong ito. Gayunman, gaya ng ibang mga hula tungkol sa pagsasauli, ang kabanatang ito ay tumatalakay sa mga isyu na higit pa sa basta pagkapalaya lamang ng mga Judio mula sa pagkabihag sa Babilonya. Sa malaking katuparan nito, tinitiyak sa atin ng Isaias kabanata 62 na ang kaligtasan ng espirituwal na bansa ni Jehova, ang “Israel ng Diyos,” ay magkakatotoo.—Galacia 6:16.
Hindi Mananahimik si Jehova
2. Sa anong paraan muling nagpakita ng lingap si Jehova sa Sion?
2 Ang Babilonya ay bumagsak noong 539 B.C.E. Pagkaraan nito, nagpalabas si Haring Ciro ng Persia ng isang dekreto na nagpahintulot sa mga Judiong may takot sa Diyos na makabalik sa Jerusalem at maisauli ang pagsamba kay Jehova. (Ezra 1:2-4) Noong 537 B.C.E., ang unang nagbalik na mga Judio ay nakauwi na sa kanilang lupang-tinubuan. Muli na namang nagpakita ng lingap si Jehova sa Jerusalem, gaya ng mababanaag sa kasiglahan ng kaniyang makahulang kapahayagan: “Alang-alang sa Sion ay hindi ako titigil, at alang-alang sa Jerusalem ay hindi ako mananahimik hanggang sa ang kaniyang katuwiran ay suminag na gaya ng kaningningan, at ang kaniyang kaligtasan gaya ng sulo na nagniningas.”—Isaias 62:1.
3. (a) Bakit sa wakas ay itinakwil ni Jehova ang makalupang Sion, at sino ang pumalit sa kaniya? (b) Anong paghiwalay ang naganap, at kailan, at sa anong yugto tayo nabubuhay sa ngayon?
3 Noong 537 B.C.E., tinupad ni Jehova ang kaniyang pangako na isasauli ang Sion, o Jerusalem. Naranasan ng mga naninirahan dito ang kaniyang pagliligtas, at buong-liwanag na sumikat ang kanilang katuwiran. Subalit nang maglaon ay muli na naman silang napalayo mula sa dalisay na pagsamba. Nang bandang huli, itinakwil nila si Jesus bilang Mesiyas, at sa wakas ay pinabayaan sila ni Jehova bilang kaniyang piniling bansa. (Mateo 21:43; 23:38; Juan 1:9-13) Pinangyari ni Jehova na isilang ang isang bagong bansa, ang “Israel ng Diyos.” Ang bagong bansang ito ay naging kaniyang pantanging bayan, at noong unang siglo, ang mga miyembro nito ay masigasig na nangaral ng mabuting balita sa lahat ng dako sa nakikilalang daigdig noon. (Galacia 6:16; Colosas 1:23) Nakalulungkot nga na pagkamatay ng mga apostol, may mga humiwalay sa tunay na relihiyon. Bilang resulta, nabuo ang isang apostatang anyo ng Kristiyanismo, gaya ng masusumpungan ngayon sa Sangkakristiyanuhan. (Mateo 13:24-30, 36-43; Gawa 20:29, 30) Sa loob ng maraming siglo, ang Sangkakristiyanuhan ay hinayaang magdulot ng malaking kadustaan sa pangalan ni Jehova. Gayunman, sa wakas, noong 1914, nagsimula ang “taon ng kabutihang-loob” ni Jehova, kasabay ng malaking katuparan ng bahaging ito ng hula ni Isaias.—Isaias 61:2.
4, 5. (a) Kanino lumalarawan ang Sion at ang kaniyang mga anak sa ngayon? (b) Sa anong paraan ginagamit ni Jehova ang Sion upang “ang kaniyang kaligtasan [ay maging] gaya ng sulo na nagniningas”?
4 Sa ngayon, ang pangako ni Jehova na isasauli ang Sion ay natupad na sa kaniyang makalangit na organisasyon, ang “Jerusalem sa itaas,” na kinakatawan sa lupa ng mga anak nito, ang pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano. (Galacia 4:26) Ang makalangit na organisasyon ni Jehova ay nagsisilbing isang tapat na katulong—mapagbantay, maibigin, at masipag. Tunay ngang isang nakapananabik na pangyayari nang isilang niya ang Mesiyanikong Kaharian noong 1914! (Apocalipsis 12:1-5) Lalo na mula noong 1919, ang kaniyang makalupang mga anak ay nangaral sa mga bansa tungkol sa kaniyang katuwiran at kaligtasan. Gaya ng inihula ni Isaias, ang mga anak na ito ay suminag sa kadiliman na parang isang sulo, na pinasisikat ang kanilang liwanag.—Mateo 5:15, 16; Filipos 2:15.
5 Lubhang interesado si Jehova sa kaniyang mga mananamba at hindi siya magpapahinga, o mananahimik, hanggang sa matupad niya ang lahat ng kaniyang mga ipinangako sa Sion at sa mga anak nito. Ang mga nalalabing pinahiran at ang kasama nilang “ibang mga tupa” ay ayaw ring manahimik. (Juan 10:16) Sila nga’y nagsasalita habang itinuturo nila sa mga tao ang tanging daan ng kaligtasan.—Roma 10:10.
“Isang Bagong Pangalan” na Ibinigay ni Jehova
6. Ano ang nasa isip ni Jehova para sa Sion?
6 Ano kaya ang nasa isip ni Jehova para sa Sion, ang kaniyang makalangit na “babae,” na kinakatawan ng sinaunang Jerusalem? Sinabi niya: “Tiyak na makikita ng mga bansa ang iyong katuwiran, O babae, at ng lahat ng mga hari ang iyong kaluwalhatian. At tatawagin ka nga sa isang bagong pangalan, na tutukuyin ng mismong bibig ni Jehova.” (Isaias 62:2) Habang kumikilos ang mga Israelita ayon sa katuwiran, ang mga bansa ay napipilitang magtuon ng pansin. Maging ang mga hari ay napipilitang kumilala na ginagamit ni Jehova ang Jerusalem at na anumang pamamahalang gawin nila ay walang kabuluhan kung ihahambing sa Kaharian ni Jehova.—Isaias 49:23.
7. Ano ang ipinahihiwatig ng bagong pangalan ng Sion?
7 Pinagtibay ngayon ni Jehova ang nagbagong kalagayan ng Sion sa pamamagitan ng pagbibigay sa kaniya ng isang bagong pangalan. Ang bagong pangalang iyon ay nagpapahiwatig ng pinagpalang kalagayan at marangal na katayuan na tinatamasa ng makalupang mga anak ng Sion simula noong 537 B.C.E.a Ipinakikita nito na kinikilala ni Jehova ang Sion bilang kaniyang pag-aari. Sa ngayon, natutuwa ang Israel ng Diyos na maging dahilan ng kaluguran ni Jehova sa ganitong paraan, at nakikipagsaya sa kanila ang ibang mga tupa.
8. Sa anong mga paraan pinarangalan ni Jehova ang Sion?
8 Pagkabigay sa Sion ng kaniyang bagong pangalan, nangako ngayon si Jehova: “Ikaw ay magiging isang korona ng kagandahan sa kamay ni Jehova, at isang makaharing turbante sa palad ng iyong Diyos.” (Isaias 62:3) Itinaas ni Jehova ang kaniyang makasagisag na asawa, ang makalangit na Sion, upang hangaan. (Awit 48:2; 50:2) Ang korona ng kagandahan at ang “makaharing turbante” ay nagpapahiwatig na siya’y nadaramtan ng karangalan at awtoridad. (Zacarias 9:16) Bilang kinatawan ng makalangit na Sion, o “Jerusalem sa itaas,” ang Israel ng Diyos ay isang kahanga-hangang bunga ng kamay ng Diyos—ang nagawa ng kaniyang kapangyarihan—sa pagkilos nito. (Galacia 4:26) Sa tulong ni Jehova, ang espirituwal na bansang iyan ay nakapagtatag ng isang pambihirang rekord ng integridad at debosyon. Milyun-milyon, kabilang na kapuwa ang mga pinahiran at ibang mga tupa, ang napatitibay upang magpamalas ng namumukod-tanging pananampalataya at pag-ibig. Sa panahon ng Milenyong Paghahari ni Kristo, ang mga pinahiran, dahil natamo na nila ang kanilang maluwalhating gantimpala sa langit, ay magiging mga instrumento sa kamay ni Jehova upang dalhin ang dumaraing na sangnilalang tungo sa walang-hanggang buhay.—Roma 8:21, 22; Apocalipsis 22:2.
‘Nalugod si Jehova sa Iyo’
9. Ilarawan ang pagbabago ng Sion.
9 Ang pagbibigay ng isang bagong pangalan ay bahagi ng nakalulugod na pagbabago ng makalangit na Sion na kinakatawan ng kaniyang makalupang mga anak. Mababasa natin: “Hindi ka na tutukuying babae na pinabayaan nang lubusan; at ang iyong sariling lupain ay hindi na tutukuying tiwangwang; kundi ikaw ay tatawaging Ang Kaluguran Ko ay Nasa Kaniya, at ang iyong lupain ay Inaari Bilang Asawang Babae. Sapagkat si Jehova ay malulugod sa iyo, at ang iyong lupain ay aariin bilang asawang babae.” (Isaias 62:4) Ang makalupang Sion ay natiwangwang mula nang siya’y mawasak noong 607 B.C.E. Gayunman, tiniyak sa kaniya ng mga salita ni Jehova ang tungkol sa pagsasauli at muling pagkakaroon ng mga tao sa kaniyang lupain. Ang minsang naging wasak na Sion ay hindi na magiging isang babae na pinabayaan nang lubusan, at ang kaniyang lupain ay hindi na magiging tiwangwang. Ang pagsasauli sa Jerusalem noong 537 B.C.E. ay nangahulugan ng isang bagong kalagayan para sa kaniya, isang ganap na kabaligtaran sa kaniyang dating gibang kalagayan. Inihayag ni Jehova na ang Sion ay tatawaging “Ang Kaluguran Ko ay Nasa Kaniya,” at ang kaniyang lupain naman, “Inaari Bilang Asawang Babae.”—Isaias 54:1, 5, 6; 66:8; Jeremias 23:5-8; 30:17; Galacia 4:27-31.
10. (a) Paano nagbago ang Israel ng Diyos? (b) Ano ang “lupain” ng Israel ng Diyos?
10 Simula noong 1919, isang katulad na pagbabago ang naranasan ng Israel ng Diyos. Noong unang digmaang pandaigdig, ang pinahirang mga Kristiyano ay nagmistulang itinakwil ng Diyos. Subalit noong 1919, isinauli ang kanilang sinang-ayunang katayuan, at dinalisay ang kanilang paraan ng pagsamba. Nakaapekto ito sa kanilang mga turo, sa kanilang organisasyon, at sa kanilang gawain. Ang Israel ng Diyos ay pumasok sa kaniyang “lupain,” sa kaniyang espirituwal na ari-arian, o saklaw ng gawain.—Isaias 66:7, 8, 20-22.
11. Paano inari ng mga Judio ang kanilang ina bilang asawa?
11 Bilang pagdiriin pa sa bago at sinang-ayunang katayuan ng kaniyang bayan, inihayag ni Jehova: “Kung paanong inaari ng binata ang isang dalaga bilang kaniyang asawang babae, aariin ka ng iyong mga anak bilang asawang babae. At gaya ng pagbubunyi ng kasintahang lalaki dahil sa kasintahang babae, ang iyong Diyos ay magbubunyi dahil sa iyo.” (Isaias 62:5) Paano kaya maaaring ariin ng mga Judio, na “mga anak” ng Sion, ang kanilang ina bilang asawa? Sa bagay na inari ng nagbalik na mga anak ng Sion na pinalaya mula sa pagkatapon sa Babilonya ang kanilang dating kabiserang lunsod at muli na namang nanirahan sa kaniya. Nang mangyari iyon, ang Sion ay hindi na nanatiling tiwangwang kundi napuno na ng mga anak.—Jeremias 3:14.
12. (a) Sa anong paraan niliwanag ni Jehova na ang pinahirang mga Kristiyano ay bahagi ng organisasyon na ikinasal sa kaniya? (b) Paanong ang pakikitungo ni Jehova sa kaniyang bayan ay naglalaan ng isang dakilang huwaran para sa ugnayan ng mag-asawa sa ngayon? (Tingnan ang kahon sa pahina 342.)
12 Sa kahalintulad na paraan, mula noong 1919 ay inari na ng mga anak ng makalangit na Sion ang kanilang lupain, ang kanilang espirituwal na ari-arian, na may makahulang pangalan na “Inaari Bilang Asawang Babae.” Ipinakilala ng kanilang Kristiyanong gawain sa lupaing iyon na ang pinahirang mga Kristiyanong ito ang ‘bayan ukol sa pangalan’ ni Jehova. (Gawa 15:14) Malinaw na ipinakita ng kanilang pagluluwal ng mga bunga ng Kaharian at paghahayag ng pangalan ni Jehova na si Jehova ay nalulugod sa mga Kristiyanong ito. Niliwanag niya na sila’y bahagi ng organisasyon na kasama niya sa isang buklod na di-masisira. Sa pamamagitan ng pagpapahid ng banal na espiritu sa mga Kristiyanong ito, ng pagpapalaya sa kanila mula sa espirituwal na pagkabihag, at ng paggamit sa kanila upang ipangaral sa buong sangkatauhan ang pag-asa ukol sa Kaharian, ipinamalas ni Jehova na siya’y nagsasaya dahil sa kanila na gaya ng kagalakan ng isang kasintahang lalaki sa kaniyang kasintahan.—Jeremias 32:41.
“Huwag Magkaroon ng Katahimikan sa Ganang Inyo”
13, 14. (a) Noong sinaunang panahon, paano naging isang lunsod ng kaligtasan ang Jerusalem? (b) Sa makabagong panahon, paano naging “isang kapurihan sa lupa” ang Sion?
13 Ang makasagisag na bagong pangalan na ibinigay ni Jehova ay nagpangyaring makadama ng katiwasayan ang kaniyang bayan. Alam nilang kinikilala niya sila at na sila’y pag-aari niya. Sa paggamit ngayon ng iba namang ilustrasyon, si Jehova ay nakipag-usap sa kaniyang bayan na gaya ng isang lunsod na may pader: “Sa ibabaw ng iyong mga pader, O Jerusalem, ay nag-atas ako ng mga bantay. Sa buong araw at sa buong gabi, sa tuwina, ay huwag silang manatiling nakatigil. Kayo na bumabanggit tungkol kay Jehova, huwag magkaroon ng katahimikan sa ganang inyo, at huwag ninyo siyang bigyan ng katahimikan hanggang sa mailagay niya nang matibay, oo, hanggang sa maitalaga niya ang Jerusalem bilang isang kapurihan sa lupa.” (Isaias 62:6, 7) Sa takdang panahon ni Jehova matapos bumalik ang tapat na mga nalabi mula sa Babilonya, ang Jerusalem ay tunay ngang naging “isang kapurihan sa lupa”—isang lunsod na may pader anupat naging dako ng kaligtasan para sa mga naninirahan doon. Araw at gabi, ang mga bantay sa mga pader na iyon ay alisto upang matiyak ang katiwasayan ng lunsod at makapagbigay ng mga babalang mensahe sa kaniyang mga mamamayan.—Nehemias 6:15; 7:3; Isaias 52:8.
14 Sa makabagong panahon, ginagamit ni Jehova ang kaniyang pinahirang mga bantay upang ipakita sa maaamo ang daan patungo sa kalayaan mula sa pagkaalipin sa huwad na relihiyon. Ang mga ito’y inaanyayahang pumasok sa kaniyang organisasyon, kung saan sila’y naipagsasanggalang mula sa espirituwal na karumihan, di-makadiyos na mga impluwensiya, at di-pagsang-ayon ni Jehova. (Jeremias 33:9; Zefanias 3:19) Mahalaga sa gayong pagsasanggalang ang papel ng uring bantay, “ang tapat at maingat na alipin,” na naglalaan ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon.” (Mateo 24:45-47) Sa paggawang kasama ng uring bantay, ang “malaking pulutong” ay gumaganap din ng mahalagang papel upang ang Sion ay maging “isang kapurihan sa lupa.”—Apocalipsis 7:9.
15. Paanong ang uring bantay at ang kanilang mga kasama ay palaging naglilingkod kay Jehova?
15 Patuloy ang paglilingkod ng uring bantay at ng kanilang mga kasama! Ang kanilang buong-kaluluwang saloobin ay makikita sa masigasig na paggawa ng milyun-milyong tapat na mga indibiduwal na sinusuportahan ng naglalakbay na mga tagapangasiwa at ng kani-kanilang asawa; mga boluntaryo sa iba’t ibang tahanang Bethel at mga pasilidad sa pag-iimprenta ng mga Saksi ni Jehova; mga misyonero; at mga special, regular, at auxiliary pioneer. Karagdagan pa, nagpapagal sila sa pagtatayo ng mga bagong Kingdom Hall, pagdalaw sa mga maysakit, pagtulong sa mga indibiduwal na napapaharap sa mapanghamong mga kalagayan sa pagpapagamot, at paglalaan ng napapanahong tulong sa mga biktima ng mga kasakunaan at aksidente. Madalas na marami sa mapagsakripisyo-sa-sariling mga indibiduwal na ito ang literal na naglilingkod “araw at gabi”!—Apocalipsis 7:14, 15.
16. Sa anong paraan na ang mga lingkod ni Jehova ay ‘hindi nagbibigay sa kaniya ng katahimikan’?
16 Ang mga lingkod ni Jehova ay hinihimok na manalangin nang walang lubay, na hilingin sa Diyos na ang kaniyang ‘kalooban ay mangyari, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.’ (Mateo 6:9, 10; 1 Tesalonica 5:17) Sila’y pinapayuhan: ‘Huwag ninyong bigyan ng katahimikan’ si Jehova hangga’t hindi ipinagkakaloob ang mga pagnanais at mithiin hinggil sa pagsasauli ng tunay na pagsamba. Idiniin ni Jesus ang pangangailangan na palagiang manalangin, anupat hinihimok niya ang kaniyang mga tagasunod na ‘sumigaw sa [Diyos] araw at gabi.’—Lucas 18:1-8.
Gagantimpalaan ang Paglilingkod sa Diyos
17, 18. (a) Sa anong paraan makaaasa ang mga naninirahan sa Sion na tatamasahin nila ang mga bunga ng kanilang pagpapagal? (b) Paano tinatamasa ng bayan ni Jehova sa ngayon ang mga bunga ng kanilang pagpapagal?
17 Ang bagong pangalan na ibinigay ni Jehova sa kaniyang bayan ay tumitiyak sa kanila na hindi mawawalan ng kabuluhan ang kanilang mga pagsisikap. “Ipinanumpa ni Jehova ang kaniyang kanang kamay at ang kaniyang malakas na bisig: ‘Hindi ko na ibibigay ang iyong butil bilang pagkain sa iyong mga kaaway, ni iinumin man ng mga banyaga ang iyong bagong alak, na pinagpagalan mo. Kundi sila mismong nagpipisan niyaon ang kakain niyaon, at tiyak na pupurihin nila si Jehova; at sila mismong nagtitipon niyaon ang iinom niyaon sa loob ng aking mga banal na looban.’ ” (Isaias 62:8, 9) Ang kanang kamay at ang malakas na bisig ni Jehova ay mga sagisag ng kaniyang kapangyarihan at lakas. (Deuteronomio 32:40; Ezekiel 20:5) Ang kaniyang panunumpa sa pamamagitan ng mga ito ay nagpapakita na determinado siyang baguhin ang kalagayan ng Sion. Noong 607 B.C.E., pinahintulutan ni Jehova ang mga kaaway ng Sion na pagnakawan ito at dambungin ang mga ari-arian nito. (Deuteronomio 28:33, 51) Subalit ngayon, ang mga pag-aari ng Sion ay tatamasahin lamang ng mga may karapatan dito.—Deuteronomio 14:22-27.
18 Sa makabagong-panahong katuparan ng pangakong ito, nararanasan ng isinauling bayan ni Jehova ang napakalaking kasaganaan sa espirituwal. Lubusan nilang tinatamasa ang mga bunga ng kanilang pagpapagal—ang mas mataas na bilang ng mga alagad na Kristiyano at ang saganang espirituwal na pagkain. (Isaias 55:1, 2; 65:14) Dahil tapat ang kaniyang bayan, hindi pinahihintulutan ni Jehova ang kanilang mga kaaway na hadlangan ang kanilang espirituwal na kasaganaan o nakawan sila ng mga resulta ng kanilang buong-pusong paglilingkod. Walang nasasayang sa lahat ng ginagawang paglilingkod kay Jehova.—Malakias 3:10-12; Hebreo 6:10.
19, 20. (a) Paano hinawan ang daan upang ang mga Judio ay makabalik sa Jerusalem? (b) Paano hinawan ang daan upang ang maaamo ay makapasok sa organisasyon ni Jehova sa makabagong panahon?
19 Pinangyayari rin ng bagong pangalan na ang organisasyon ni Jehova ay maging kaakit-akit sa tapat-pusong mga tao. Napakarami ang dumaragsa rito, at ang daan ay palaging bukás para sa kanila. Sinabi ng hula ni Isaias: “Lumabas kayo, lumabas kayo sa mga pintuang-daan. Hawanin ninyo ang daan ng bayan. Tambakan ninyo, tambakan ninyo ang lansangang-bayan. Alisan ninyo iyon ng mga bato. Magtaas kayo ng isang hudyat para sa mga bayan.” (Isaias 62:10) Sa unang pangyayari, ang panawagang ito ay malamang na tumukoy sa paglabas sa mga pintuang-daan ng mga lunsod ng Babilonya upang makabalik sa Jerusalem. Kinailangang alisin ng mga nagbalik ang mga bato sa daan upang maging mas madali ang paglalakbay at upang magtaas ng isang hudyat para ipakita ang daan.—Isaias 11:12.
20 Mula noong 1919, ang pinahirang mga Kristiyano ay naibukod na para sa paglilingkod sa Diyos at naglalakbay na sa “Daan ng Kabanalan.” (Isaias 35:8) Sila ang unang lumakad sa espirituwal na lansangang-bayan palabas mula sa Babilonyang Dakila. (Isaias 40:3; 48:20) Ibinigay sa kanila ng Diyos ang pribilehiyong manguna sa paghahayag ng kaniyang makapangyarihang mga gawa at sa pagpapakita sa iba ng daan patungo sa lansangang-bayan. Ang pag-aalis dito ng mga bato—ang paghawan sa mga katitisuran—ay pangunahin nang para sa kanilang sariling kapakinabangan. (Isaias 57:14) Kinailangan nilang maunawaang mabuti ang mga layunin at mga turo ng Diyos. Ang mga maling paniniwala ay mga batong katitisuran sa daan patungo sa buhay, subalit ang Salita ni Jehova ay “tulad ng martilyong pampanday na dumudurog sa malaking bato.” Sa pamamagitan nito, dinudurog ng pinahirang mga Kristiyano ang mga batong katitisuran na maaaring makapatid sa mga nagnanais maglingkod kay Jehova.—Jeremias 23:29.
21, 22. Anong hudyat ang inilagay ni Jehova para sa mga umaalis sa huwad na relihiyon, at paano natin ito nalalaman?
21 Noong 537 B.C.E., ang Jerusalem ay naging hudyat na nag-aanyaya sa mga nalabing Judio upang magbalik at muling itayo ang templo. (Isaias 49:22) Noong 1919 nang hanguin ang mga pinahirang nalabi mula sa pagkaalipin sa huwad na relihiyon, hindi sila basta nagpagala-gala na lamang. Alam nila kung saan sila pupunta, sapagkat may hudyat na inilagay si Jehova para sa kanila. Anong hudyat? Ang katulad na hudyat na inihula sa Isaias 11:10, na kababasahan: “Mangyayari sa araw na iyon na magkakaroon ng ugat ni Jesse na tatayo bilang isang hudyat para sa mga bayan.” Ikinapit ni apostol Pablo kay Jesus ang mga salitang ito. (Roma 15:8, 12) Oo, ang hudyat ay si Kristo Jesus, na namamahala bilang Hari sa makalangit na Bundok Sion!—Hebreo 12:22; Apocalipsis 14:1.
22 Sa palibot ni Jesu-Kristo, kapuwa ang pinahirang mga Kristiyano at ang ibang mga tupa ay nagkakatipon upang magsagawa ng nagbubuklod na pagsamba sa Kataas-taasang Diyos. Ang kaniyang pamamahala ay nagsisilbi upang ipagbangong-puri ang pansansinukob na soberanya ni Jehova at upang pagpalain ang tapat-pusong mga tao mula sa lahat ng bansa sa lupa. Hindi ba ito dahilan upang ang bawat isa ay makisali sa pagdakila sa kaniya taglay ang papuri?
“Ang Iyong Kaligtasan ay Dumarating”!
23, 24. Paano dinadala ang kaligtasan sa mga nananampalataya sa Diyos?
23 Ang bagong pangalan na ipinagkaloob ni Jehova sa kaniyang tulad-asawang organisasyon ay may kinalaman sa walang-hanggang kaligtasan ng mga anak nito. Sumulat si Isaias: “Narito! Ipinarinig iyon ni Jehova hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa: ‘Sabihin ninyo sa anak na babae ng Sion, “Narito! Ang iyong kaligtasan ay dumarating. Narito! Ang gantimpala na kaniyang ibinibigay ay nasa kaniya, at ang kabayaran na kaniyang ibinabayad ay nasa harap niya.” ’ ” (Isaias 62:11) Dumating ang kaligtasan sa mga Judio nang bumagsak ang Babilonya at sila’y umuwi sa kanilang bayang tinubuan. Subalit ang mga salitang ito ay tumutukoy sa isang bagay na nakahihigit pa. Ipinaalaala ng ipinahayag ni Jehova ang hula ni Zacarias hinggil sa Jerusalem: “Magalak kang lubos, O anak na babae ng Sion. Sumigaw ka nang may pagbubunyi, O anak na babae ng Jerusalem. Narito! Ang iyong hari ay dumarating sa iyo. Siya ay matuwid, oo, ligtas; mapagpakumbaba, at nakasakay sa asno, isa ngang hustong-gulang na hayop na anak ng asnong babae.”—Zacarias 9:9.
24 Tatlong taon at kalahati matapos bautismuhan si Jesus sa tubig at pahiran ng espiritu ng Diyos, pumasok siya sa Jerusalem sakay ng isang asno at nilinis niya ang templo nito. (Mateo 21:1-5; Juan 12:14-16) Sa ngayon, si Jesu-Kristo ang nagdadala ng kaligtasan mula kay Jehova para sa lahat ng nananampalataya sa Diyos. Mula nang siya’y iluklok sa trono noong 1914, si Jesus ay inatasan din ni Jehova bilang Hukom at Tagapuksa. Noong 1918, tatlong taon at kalahati matapos siyang iluklok sa trono, nilinis niya ang espirituwal na templo ni Jehova, na kinakatawan sa lupa ng kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano. (Malakias 3:1-5) Ang pagtataas sa kaniya bilang isang hudyat ay naging tanda ng pasimula ng isang malaking pagtitipon ng mga tao mula sa buong lupa, bilang pagsuporta sa Mesiyanikong Kaharian. Katulad ng sinaunang huwaran, ang “kaligtasan” ay dumating sa Israel ng Diyos nang sila’y palayain mula sa Babilonyang Dakila noong 1919. “Ang gantimpala” o “ang kabayaran” na naghihintay sa mapagsakripisyo-sa-sarili na mga tagapag-ani ay alinman sa imortal na buhay sa langit o kaya’y walang-hanggang buhay sa lupa. Lahat ng mananatiling tapat ay makapagtitiwala na ang kanilang “pagpapagal may kaugnayan sa Panginoon ay hindi sa walang kabuluhan.”—1 Corinto 15:58.
25. Anong katiyakan ang ibinibigay sa bayan ni Jehova?
25 Kay gandang pag-asa para sa makalangit na organisasyon ni Jehova, para sa pinahirang mga kinatawan nito dito sa lupa, at para sa lahat ng aktibong nakikisama sa kanila! (Deuteronomio 26:19) Humula si Isaias: “Tiyak na tatawagin sila ng mga tao na ang banal na bayan, yaong mga tinubos ni Jehova; at ikaw mismo ay tatawaging Hinanap, Isang Lunsod na Hindi Pinabayaan Nang Lubusan.” (Isaias 62:12) May pagkakataon na nadama ng “Jerusalem sa itaas,” na kinakatawan ng Israel ng Diyos, na siya’y pinabayaan. Hinding-hindi na niya ito muling madarama. Ang bayan ni Jehova ang siyang pag-uukulan niya ng kaniyang mapagsanggalang na pangangalaga magpakailanman, anupat magtatamasa ng kaniyang namamalaging ngiti ng pagsang-ayon.
[Talababa]
a Sa hula ng Bibliya, ang “isang bagong pangalan” ay maaaring magpahiwatig ng isang bagong posisyon o pribilehiyo.—Apocalipsis 2:17; 3:12.
[Kahon sa pahina 342]
Isang Dakilang Huwaran Para sa Ugnayan ng Mag-asawa
Kapag ang mga tao ay nag-asawa, mayroon silang mga inaasahan sa kanilang pagsasama bilang mag-asawa. Subalit ano naman kaya ang inaasahan ng Diyos? Siya ang nagtatag ng kaayusan ng pag-aasawa. Ano kaya ang layunin niya rito?
Ang isang pahiwatig hinggil sa pangmalas ng Diyos ay nagmumula sa kaniyang kaugnayan sa bansang Israel. Inilarawan ni Isaias ang ugnayang ito na gaya ng sa mag-asawa. (Isaias 62:1-5) Pansinin ang ginagawa ng Diyos na Jehova bilang isang “asawa” sa kaniyang “kasintahang babae.” Ipinagsasanggalang at pinababanal niya ito. (Isaias 62:6, 7, 12) Pinararangalan at pinahahalagahan niya ito. (Isaias 62:3, 8, 9) At ito’y kinalulugdan niya, gaya ng ipinahihiwatig ng mga bagong pangalan na ibinigay niya rito.—Isaias 62:4, 5, 12.
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, inulit ni Pablo ang paglalarawan ni Isaias sa ugnayan ni Jehova at ng Israel nang ihambing niya ang ugnayan ng mag-asawa sa ugnayan ni Kristo at ng kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano.—Efeso 5:21-27.
Hinimok ni Pablo ang mga Kristiyano na tularan sa kanilang pag-aasawa ang ugnayan ni Jesus at ng kongregasyon. Wala nang hihigit pang pag-ibig kaysa sa ipinakita ni Jehova sa Israel at sa ipinakita ni Kristo sa kongregasyon. Ang makasagisag na mga ugnayang iyon ay naglalaan ng dakilang huwaran para sa isang matagumpay at maligayang pag-aasawa sa pagitan ng mga Kristiyano.—Efeso 5:28-33.
[Larawan sa pahina 339]
Tatawagin ni Jehova ang makalangit na Sion sa isang bagong pangalan
[Mga larawan sa pahina 347]
Sa makabagong panahon, ang uring bantay ni Jehova ay hindi nananahimik